Ang Matinding Pagsubok ng Karamdaman

Setyembre 16, 2020

Ni Zhongxin, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang palagay sa Akin ng mga tao ay isa lamang manggagamot na walang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Nang mabasa ko ito noon, sinabi ko lang na totoong lahat ang sinabi rito ng Diyos, pero hindi ko ito talaga naunawaan. Inisip ko na dahil maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, at isinantabi ko ang trabaho at pamilya ko, inilaan ang sarili, at nagpakahirap sa tungkulin, hindi ko Siya sisisihin o pagtataksilan. Pero nang dumaan ako sa matinding suliranin ng pagkakaroon ng malubhang karamdaman, hindi ko naunawaan ang Diyos at sinisi ko Siya. Ang motibo kong mapagpala at makipagkasunduan sa Diyos ay malinaw na nalantad. Noon lamang ako lubos na nakumbinsi ng mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga tao at ang aking mga pananaw sa aking pananampalataya ay nabago.

Isang araw noong Hulyo 2018, may nakapa ako na maliit at matigas na bukol sa kaliwang suso ko. Hindi ko ito gaanong pinansin at inisip na matatanggal ito ng gamot sa pamamaga. Pero sa sumunod na dalawang buwan, lalo itong lumala. Pinagpapawisan ako sa gabi at nanghihina, at talagang masakit ang paligid ng bukol. Nag-isip ako kung mayroon ba talagang problema, pero inalo ko na lang ang sarili ko na wala lang iyon. May pananampalataya ako sa Diyos at araw-araw na abala sa pagtupad ng tungkulin ko sa iglesia. Inisip ko na pangangalagaan ako ng Diyos. Isang gabi, nagising ako sa matinding kirot. May lumabas na dilaw na likido mula sa suso ko, at alam ko nang may dapat ikabahala. Sumugod kaming mag-asawa sa ospital para ipasuri ito. At dumating ang resulta: may kanser ako sa suso. Bumilis ang tibok ng puso ko nang marinig ko ang sinabi ng doktor. “Kanser sa suso?” Naisip ko. “Lagpas trenta anyos pa lang ako! Paano nangyari iyon?” Paulit-ulit kong sinabi sa sarili ko, “Hindi. Hindi puwedeng mangyari sa akin ito. Mananampalataya ako, at tinutupad ko ang tungkulin ko sa iglesia sa loob ng maraming taon. Pangangalagaan at poprotektahan ako ng Diyos. Malamang nagkamali ang doktor.” Umasa akong hindi iyon totoo. Ni hindi ko alam kung paano ako nakauwi mula sa ospital nang araw na iyon. Nakita ng asawa ko na nagulumihanan ako at sinubukan niya akong aluin. Sabi niya, “Maliit na ospital lang iyan at hindi gaanong mahusay ang mga doktor. Baka nagkamali sila. Ipapasuri kita sa malaking ospital.” Nakadama ako ng kaunting pag-asa nang sinabi niya iyon. Sa kasamaang-palad, kinumpirma ng doktor sa malaking ospital ang diyagnosis: Kanser sa suso. Sabi rin niya, nasa bandang huling stage na ito, at kailangan akong ma-chemo at maoperahan, kung hindi ay lalala ito. Nablangko ang isip ko at nanikip ang aking dibdib. Naisip ko, “Magkano ang magagastos sa lahat ng ito? Paano kung mamatay ako sa kalagitnaan ng chemo? Paano mababayaran ng pamilya ko ang mga utang?” Desperado ako at walang magawa.

Matapos ang unang round ng chemo, sumakit nang labis ang buong katawan ko. Ayokong kumilos at lagi akong hilo. Nakabawi lang ako ng lakas nang lumipas na ang epekto ng mga gamot matapos ang ilang araw. Maraming taon akong naniwala sa Diyos, nagsakripisyo at naglaan ng aking sarili sa tungkulin. Lagi kong tinutupad ang tungkulin ko, kahit mahirap, at walang pagtitipon na hindi ko dinaluhan. Lagi kong tinutulungan ang mga kapatid sa kanilang problema. Nagpakasipag ako, at para ano? Bakit hindi ako pinangangalagaan ng Diyos? Hindi ko na magawa ang tungkulin ko. Para na akong nasa bingit ng kamatayan. Gusto na ba akong tanggalin ng Diyos? May limang chemo pa akong haharapin at isang operasyon. Paano ko ito kakayanin? Maliban pa sa lahat ng sakit at paghihirap, kung mamatay ako, ibig bang sabihin, nasayang lahat ang pagsampalataya ko nang maraming taon? Napaluha ako dahil diyan. Talagang nagdusa ako nang mga araw na iyon. Binasa ko ang mga salita ng Diyos pero hindi ko maunawaan, at ayaw kong manalangin. Napakadilim ng aking espiritu at palayo ako nang palayo sa Diyos.

Isang araw, binisita ako ni Sister Li na mula sa iglesia at magiliw na kinumusta ang kondisyon ko. Nang makitang nahihirapan at nanghihina ang loob ko dahil sa matinding sakit, nagbahagi siya sa akin. Sabi niya, “Itinutulot ng Diyos na dapuan tayo ng sakit. Dapat tayong magdasal at magsaliksik pa at tiyak na ipapaunawa sa atin ng Diyos ang Kanyang kalooban. …” Naantig ako nang marinig ko siyang magbahagi. Siguro hindi gusto ng Diyos na tanggalin ako kundi mayroong aral na nais Niyang matutunan ko! Pagkaalis niya, nagdasal akong muli sa Diyos, sabi ko, “Diyos ko, matagal na akong pinapahirapan ng sakit, at hindi Kita inunawa bagkus sinisi pa. Sa pamamagitan ng paalala ng aking kapatid ngayong araw, alam ko na ngayon na nariyan ang Iyong kalooban sa likod ng karamdamang ito, pero hindi ko pa rin alam ang aral na dapat kong matutuhan sa sitwasyong ito. Pakiusap po na gabayan ako.”

Pagkatapos niyan ay nagdasal ako sa Diyos nang ganoon araw-araw. Isang araw, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para pakitunguhan ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, pinakikitunguhan Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang ‘mga hiwaga’ sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pakikitungo, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin sa wakas ang Kanyang kalooban. Kumikilos ang Diyos sa mga huling araw upang gawing perpekto ang mga tao sa pamamagitan ng paglalantad sa ating mga tiwaling disposisyon sa lahat ng uri ng sitwasyon at paggamit ng paghatol at mga paghahayag ng Kanyang mga salita nang sa gayon ay maunawaan natin ang ating masasamang disposisyon, hangarin at isagawa natin ang katotohanan, at sa huli’y malinis at mabago ang ating mga tiwaling disposisyon. Naunawaan ko na itinulot ng Diyos na magkasakit ako hindi upang sadyaing tanggalin o saktan ako, kundi para linisin at baguhin ako. Uunawain ko na ang Diyos at hindi na maghihinanakit. Dapat na magpasakop ako, hangarin ang katotohanan sa gitna ng aking karamdaman, at pagnilayan at kilalanin ang sarili. Nang naunawaan ko ang kalooban ng Diyos hindi na ako gaanong nalungkot o nasaktan. Nagdasal ako na nagpapasakop sa Diyos.

At nang matapos ako, naalala ko ang linyang ito mula sa mga salita ng Diyos: “Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi…(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nagmadali akong hanapin ito sa aklat ko ng mga salita ng Diyos at nakita ang talatang ito: “Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting trabaho lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa iyong mga kaisipan na masyadong mataas? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung hindi mo kayang matamo ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Inilantad nang husto ng mga salita ng Diyos ang pagnanais kong mapagpala sa aking pananampalataya. Ginunita ko ang mga taon na nanampalataya ako, noong walang problema sa tahanan, malusog ako, at lahat ay mabuti, masigasig ako sa tungkulin at tila walang kapaguran. Pero noong nagkakanser ako, naging hindi maganda ang pananaw ko, hindi ko inunawa ang Diyos at sinisi ko pa Siya dahil hindi Niya ako pinangalagaan. Ginamit kong dahilan ang mga nagawa ko at nangatwiran sa Diyos. Nanghinayang ako sa lahat ng taon na nagsakripisyo ako. Namuhay ako na malayo sa Diyos at nagtataksil sa Kanya. Pero noong ako ay ilantad nang magsakit ako saka ko lang nakita na hindi pala ako tumutupad sa tungkulin at nagsasakripisyo na hanapin ang katotohanan o gawin ang tungkulin ng isang nilalang, pero ginagawa ko ang mga iyon para magtamo ng kapayapaan at pagpapala, nakikipagkasunduan ako sa Diyos para pagpalain ako kapalit ng mga sakripisyong ginawa ko. Gusto kong matamo ang lahat-lahat sa mundong ito at buhay na walang hanggan sa kabilang buhay. Ngayon, may kanser ako, at tila mamamatay ako na hindi mapagpapala. Sinisi ko ang Diyos sa pagiging di-makatarungan—wala na ako ni katiting na pagkatao. Inisip ko ang mga taon na nanampalataya ako. Napakaraming biyaya at pagpapala ang natanggap ko mula sa Diyos at diniligan at pinalakas nang lubos ng katotohanan. Napakarami nang ibinigay ng Diyos sa akin, pero hindi ko kailanman inisip na suklian ang Kanyang pagmamahal. Noong nagkasakit ako, hindi talaga ako nagpasakop sa Diyos. Hindi ko Siya inunawa at sinisi pa. Talagang wala ako ni katiting na konsiyensya at katinuan! Naunawaan ko sa wakas na itinulot ng Diyos na magkasakit ako para ilantad at linisin ang motibo kong pagpalain sa aking pananampalataya at ang mga mali kong pananaw sa paghahanap, at mahikayat akong pagtuunan ang paghahanap sa katotohanan at hangaring baguhin ang aking disposisyon. Nalungkot ako at sinisi ang sarili matapos kong maunawaan ang mabubuting layunin ng Diyos. Tahimik kong ginawa ang pagpapasiyang ito: “Gumaling man ako o hindi, hindi na ako manghihingi ng walang kabuluhan sa Diyos. Gusto ko na lang ipaubaya ang buhay at kamatayan ko sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos.” Mas napanatag na ako pagkatapos niyan. Hindi na ako nag-aalala at nababalisa, at nakakalma ko na ang sarili sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pagdarasal, at paghahanap sa Diyos.

Nang nagpasakop na ako, hindi na ako gaanong nasaktan nang muli akong i-chemo. Kahit na nakaramdan pa rin ako ng kaunting pagduduwal, ayos naman ang lahat. Ikinagulat at ikinainggit ito ng ibang mga pasyente. Alam ko sa puso ko na ito ay dahil lahat sa awa at pangangalaga ng Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Matapos ang ilang round ng chemo, lumiit na ang gaitlog na tumor. Hindi na gaanong masakit at wala nang anumang tumatagas. Sinabi ng doktor na mabilis ang paggaling ko, at kung magpapatuloy iyon, hindi na ako kailangang operahan pagkatapos ng anim na chemo. Napakasaya ko nang marinig ito, at panay ang pasalamat ko sa Diyos. Lalong lumago ang pananampalataya ko at inisip ko na kung masigasig kong kikilalanin ang aking sarili, marahil gagaling ako kahit walang operasyon.

Isang araw ng Marso ginawa ang huling chemo ko. Kabado ako, pero umaasa pa rin. Nang natapos iyon, sinabi ng doktor na kailangan ko pa ring operahan, tapos ay dalawang round pa ng chemo, at ilan pang radiotherapy. Nanikip ang dibdib ko at ang daming pumasok sa isip ko. Inisip ko, “Bakit nangyari ito? Pinagnilayan at inunawa ko naman ang dapat. Bakit hindi bumuti ang kondisyon ko? Malaking operasyon iyon, at maliban sa pilat na maiiwan, napakasakit ng chemo at radiotherapy na gagawin sa akin. Baka ikamatay ko pa iyon.…” Lalo akong nalungkot at nanghina ang buong katawan ko. Hindi ito makatarungan, at napaiyak ako. Isang gabi matapos akong operahan, nang nawala na ang pampamanhid, napaiyak ako sa kirot na dulot ng hiwa. Ni hindi ako makahinga nang malalim. Para bang ginawan ako ng mali at wala akong magawa. Napakahirap niyon para sa akin—kailan matatapos ang sakit? Sa paghihirap ko, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Para sa lahat ng mga tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming pagtatabas at pakikitungo; sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, binibigyan Niya ang tao ng higit na kaalaman sa sarili niya at sa katotohanan, at binibigyan ang tao ng higit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa gayon ay pinahihintulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pag-ibig sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, at ni nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang totoong pagsubok sa tao, at isang anyo ng totoong pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Tumimo sa puso ko ang bawat salita ng Diyos at naantig ako nang husto. Alam kong ang kalooban ng Diyos sa aking pagkakasakit ay upang makilala ko talaga ang aking sarili, hanapin ko ang katotohanan, at linisin at baguhin ang aking tiwaling mga disposisyon. Dati, kahit napagtanto kong hindi dapat ako maghangad ng mga pagpapala sa pananampalataya ko, hindi ko pa rin lubusang nabibitawan ang motibo ko na makakuha ng mga pagpapala. Tinatago ko pa rin sa kaloob-looban ko ang mga labis-labis na gusto kong makuha sa Diyos Akala ko, dahil nakapagmuni-muni na ako at medyo nakilala ko na ang sarili ko, dapat alisin na ng Diyos ang sakit ko. Ang aking pagmumuni-muni at pagkilala sa sarili ay may bahid na personal na mga motibo at pinagtatakpan lang ng mga ito ang kagustuhan kong makipagkasundo sa Diyos. Hindi pa talaga ako nagsisi! Siniyasat ng Diyos ang mga nasa isipan ko at ginamit ang aking sakit upang ilantad ako, upang magmuni-muni pa at totoong magsisi. Iyan ang pagmamahal sa akin ng Diyos. Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos at sinabing, “Mahal kong Diyos, nauunawaan ko na ang kalooban Mo. Gusto ko nang iwaksi ang lahat ng personal na gusto at kahilingan ko at hanapin ang katotohanan sa sitwasyon na isinaayos Mo sa akin. Nawa’y gabayan Mo ako.”

Makalipas ang ilang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag ang mga tao ay nagsimulang maniwala sa Diyos, sino sa kanila ang walang sariling mga layunin, panghikayat, at ambisyon? Kahit na may isang bahagi sa kanila na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, at nakakita sa pag-iral ng Diyos, ang kanilang paniniwala sa Diyos ay naglalaman pa rin ng ganoong mga panghikayat, at ang kanilang pangunahing layunin sa paniniwala sa Diyos ay ang pagtanggap ng Kanyang mga pagpapala at ng mga bagay na gusto nila. … Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng kapalit upang itaguyod ang mga bagay na nakahikayat sa kanila, mga ambisyon, at pag-iisip nang ayon sa isang kasunduan. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nakikipagtalo sa Diyos tungkol sa kaso ng kanyang katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinubukang gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, sinusubukang makakuha ng isang milya matapos mabigyan ng isang pulgada. Kasabay ng pagsisikap na gumawa ng mga kasunduan sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang mga sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, walang kibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang makakuha ng mga biyaya at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hinahangad, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagkamatuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Sobrang hiya ko nang mabasa ko ito. Inilantad ng mga salita ng Diyos nang eksakto ang tunay kong kalagayan. Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos at noon ko pa gustong pagpalain at makipagkasundo sa Diyos. Ramdam ko na dahil naniniwala ako sa Diyos at noon ko pa ginagawa ang tungkulin ko at inilalaan ang sarili sa iglesia, dapat pangalagaan at protektahan ako ng Diyos, at ilayo ako sa lahat ng sakit at pinsala. Akala ko, tama at nararapat lang iyon. Nang nalaman kong may kanser ako, nagreklamo ako agad sa Diyos at gusto kong gamitin ang mga taon na nagdusa at nagsakripisyo ako para mangatwiran sa Kanya. Nang magsimula akong gumaling, napasabi ako ng “Salamat, Diyos ko”, pero sa puso ko, higit pa sa paggaling ang gusto ko. Gusto kong lubusang tanggalin ng Diyos ang kanser ko para hindi na ako mahirapan. Nang hindi mapagbigyan ang labis-labis na kagustuhan ko, bumalik na naman ang likas na kasamaan ko at muli’y sinisi ko ang Diyos at sinubukang mangatwiran sa Kanya. Ang inasal ko ay ang mismong ibinunyag ng Diyos sa Kanyang mga salita: “Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging isang tagong panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Tumagos sa puso ko ang mga salitang ito ng Diyos. Kahit maraming taon na akong naniniwala sa Diyos, hindi ako sumasamba o nagpapakasakop sa Kanya ayon sa nararapat. Sa halip, tinatrato ko Siya na parang dalubhasang doktor, parang takbuhan ng tulong. Ginagamit ko ang Diyos para makamit ang sarili kong mga layunin, pinipilit na magkaroon ng kapayapaan sa buhay na ito at mga pagpapala sa hinaharap mula sa Kanya. Nakita ko ang pananampalataya ko sa Diyos ay pawang lantarang pakikipagkasundo lamang at ginagamit ko ang Diyos para magtamo ng biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Hindi ba’t niloloko at sinasalungat ko ang Diyos sa ganyang paraan? Nakita ko ang pagiging makasarili at mapanlinlang ko, walang bahid ng kabutihan, pulos masasamang disposisyon ang isinasakabuhayan. Tiyak kong kinasuklaman at kinapootan na ako ng Diyos!

Pagkatapos ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o nakaranas ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapahayag ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at sumunod sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Naantig ako nang lubos nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos. Naisip ko, “Ang Diyos ang Lumikha. Maaari tayong pagkalooban ng Diyos ng biyaya at pagpapala, at maaaari Niya tayong hatulan, kastiguhin, subukan at dalisayin. Hindi kaya binibigyan lang tayo ng Diyos ng mga pagsubok sa kabila ng katotohanang mahal Niya tayo?” Naisip ko si Job. Binigyan siya ng Diyos ng malaking kayamanan at pinasalamatan at pinuri niya ang Diyos, pero hindi siya nag-imbot ng materyal na kayamanan. Nang kunin ng Diyos ang lahat-lahat sa kanya, pinuri pa rin niya ang pangalan ng Diyos sa gitna ng kanyang pagsubok, at sinabing, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Alam ni Job na lahat ng mayroon siya ay mula sa Diyos at matuwid ang Diyos, pagkalooban man siya ng Diyos o kunin sa kanya ang lahat. Ang pananampalataya ni Job ay walang bahid na personal na mga motibo at hindi niya inisip kung pagpapalain man siya o daranas ng kasawiang-palad. Hindi siya nagreklamo anuman ang ginawa ng Diyos. Nagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang nilalang na sambahin at magpasakop sa Diyos. Nang makita ko ang katauhan at katinuan ni Job, talagang nahiya ako. Lahat ng mayroon ako, maging ang aking hininga, ibinigay itong lahat ng Diyos. Ngunit hindi ako nagpasalamat, kundi sinisi ko pa ang Diyos nang nagkasakit ako. Wala akong anupamang konsyensiya o katinuan! Naniwala ako sa Diyos pero hindi ko Siya kilala, at hindi ko alam ang dapat kong maging katayuan sa harapan Niya o kung paano ako dapat magpasakop sa Lumikha. Sa paniniwala sa Diyos gamit ang aking mga kuru-kuro, pagpapalagay, at kaisipan tungkol sa pakikipagkasundo, nagreklamo ako sa Diyos at sinalungat Siya nang magkaroon ako ng karamdaman. Sa kabila niyon, gusto ko pa ring tumanggap ng mga pagpapala at biyaya mula sa Diyos, at makapasok sa kaharian ng Diyos. Wala talaga akong kahihiyan! Nakita ko, na kung namatay man ako nang panahong iyon, matuwid na gawin ito ng Diyos dahil sa aking pagiging rebelde at katiwalian. Natagpuan ko ang tamang landas sa buhay sa karanasan ni Job. Gaano man katagal akong magkasakit, o gumaling man ako o hindi, ang gusto ko lang ay magpasakop sa panuntunan at pagsasaayos ng Diyos. Ito dapat ang taglay kong katuturan bilang isang nilalang. Nang naisip ko iyan, gumaan nang lubos ang pakiramdam ko.

Hindi ko namalayan na oras na pala para sa radiotherapy. Sinabi ng ibang mga pasyenteng may kanser na talagang napakasakit ng radiotherapy at maluluto nito ang laman ko. Mahihilo at maduduwal daw ako palagi, at mawawalan ako ng panlasa. Nang marinig ko ang lahat ng ito, hiniling ko sa Diyos na tulungan akong matakasan muli ang sitwasyong ito, pero napagtanto ko agad na mali ang kinalulugaran ko at nagdasal ako sa Diyos. Naalala ko ang ilang linya mula sa himno ng mga salita ng Diyos: “Dahil ikaw ay nilikha, dapat mong sundin ang Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago(“Ang Nararapat Pagsikapang Hangarin ng Isang Nananampalataya sa Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Alam ko na ang sitwasyong ito ay pagsubok sa akin ng Diyos at hindi ako dapat humiling nang walang kabuluhan sa Diyos o saktan ang loob Niya. Alam ko na dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Nang magpasakop na ako, kahit na kinailangan kong magpa-radiotherapy araw-araw at sumasakit ang buong katawan ko, hindi ito kasinglala ng sinabi ng ibang mga pasyente. Alam ko na dahil iyon sa awa at pangangalaga sa akin ng Diyos. Nang matapos ko ang aking radiotherapy, ang bilis kong nakabawi ng lakas. Talagang gumanda ang itsura at pakiramdam ko. Sabi ng mga kapatid ko sa iglesia, para daw akong hindi nagkaroon ng kanser. Kalaunan, nakapagsimula na akong muli sa tungkulin ko. Lumago ang pananampalataya ko sa Diyos sa karanasang ito at mas pinahalagahan ang oportunidad na pagbutihin ang pagtupad sa aking tungkulin.

Dalawang taon na ngayon ang lumipas, pero sa tuwing babalikan ko ang nakalipas na sampung taong iyon na nagkasakit ako, parang kahapon lang ito nangyari. Bagama’t nahirapan nang bahagya ang katawan ko, naunawaan ko na ang motibo kong magtamo ng mga pagpapala at ang maling mga pananaw ko sa dapat hanapin. Alam ko na ngayon na dapat kong hanapin ang katotohanan at hangaring sundin ang Diyos sa aking pananampalataya. Pagpalain man ako o makaranas ng kasawiang-palad, lagi akong dapat magpasakop sa mga plano, panuntunan, at pagsasaayos ng Diyos. Ito ang makabuluhang layuning dapat taglayin ng isang nilalang. Hindi ko matatamo ang lahat ng ito kailanman kung lahat ng nangyayari sa buhay ay naging maayos. Ito ang yaman ng buhay na ipinagkaloob sa akin ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakalaya Mula Sa Inggit

Ni Claude, France Sa simula ng 2021, naglilingkod ako bilang tagapangaral at ipinareha kay Brother Matthew upang mamuno sa gawain ng...