Ang Matatanda ay Pwede Pa Ring Magpatotoo sa Diyos

Oktubre 11, 2024

Ni Liu En, Tsina

Nagsimula akong manalig sa Panginoon sa edad na 62. Ang malaman na ipinapangako ng Panginoon sa Kanyang mga tagasunod ang pagpasok sa Kanyang kaharian at ang buhay na walang hanggan ay nagbigay sa akin ng pag-asa sa buhay na ito, at napakasaya ng puso ko kapag naiisip ko na makakatanggap ako ng gayon kalaking pagpapala. Nagsimula akong magsumikap at maggugol ng sarili para sa Panginoon, punong-puno ako ng di-maubos na lakas araw-araw. Makalipas ang tatlong taon, maswerte kong tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Masayang-masaya ako na masalubong ang pagbabalik ng Panginoon, at na magkaroon ng pag-asa na ganap na mailigtas at makapasok sa Kanyang kaharian. Kaya’t lalo pa akong nagsumikap sa aking paghahangad, higit pa akong nagsakripisyo, aktibong nagbabahagi ng ebanghelyo at ginagawa ang aking tungkulin, lumalabas pa nga ako para ibahagi ang ebanghelyo sa gabi. Kalaunan, inihalal ako ng mga kapatid bilang lider ng iglesia at pagkatapos ay bilang mangangaral. Talagang sumaya ako nang magkaroon ako ng pagkakataong magawa ang gayong mahahalagang tungkulin sa aking matandang edad. Lalo kong ikinarangal nang makita ko na bagama’t ako ang pinakamatanda sa mga pagtitipon namin, nagagawa ko pa rin silang pangasiwaan at natutulungan ang iba na malutas ang kanilang mga problema. Naisip ko na hangga’t nagsusumikap ako sa aking paghahangad, tiyak na maliligtas ako tulad ng ibang mga nakababata, kaya ibinuhos ko ang buong puso ko sa aking tungkulin.

Mabilis na lumipas ang pito o walong taon, at ang kalusugan at lakas ko ay hindi na tulad ng dati. Pagkatapos ay na-stroke ako noong 73 anyos ako, pero pagkatapos ma-IV drip sa loob ng dalawang araw, halos nawala ang mga sintomas ko nang walang anumang nalalabing mga isyu. Pakiramdam ko ay nakita ng Diyos na masaya ako sa paggugol ng sarili ko nang buong-puso para sa Kanya, kaya pinagpala at prinotektahan Niya ako. Talagang nagpapasalamat ako, at ipinagpatuloy ko ang tungkulin ko. Subalit, nang isaalang-alang ang kalusugan ko, binago ng lider ang tungkulin ko at itinalaga ako sa pagpapatuloy ng ibang kapatid sa bahay. Nalungkot ako dahil alam kong may ilang tungkulin na hindi ko na magagawa, at na magpapatuloy na lang ako ng mga kapatid sa bahay. Kinainggitan ko ang lahat ng nakababatang kapatid na punong-puno ng lakas, at abala sa iba’t-ibang tungkulin. Naisip ko na, “Matanda na ako at mahina na ang kalusugan ko. Hindi ko na kayang pumunta kung saan-saan ngayon kahit gaano ko pa kagusto, at maraming uri ng tungkulin na hindi ko na magagawa. Ibig ba nitong sabihin na wala na akong silbi? Sana ay maibalik ko ang 10 o 20 taon sa nakaraan at makagawa ako ng iba’t ibang tungkulin tulad nila. Kung magkagayon ay magiging lubhang mas malaki ang tsansa kong mapagpala at makamit ang pagliligtas! Subalit ngayong matanda na ako, sadyang hindi ko na mapapantayan ang mga mas nakababata….” Nanlambot ako nang maisip iyon, at bago ko pa namalayan, nanlumo na ako. Alam kong ang mga sakit tulad ng stroke ay posibleng maulit, kaya kung mai-stroke uli ako balang araw, maaaring iyon na ang maging katapusan ko, at hindi ko na makikita ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Kung gayon ay paano ako maliligtas? Ano pa ang punto ng pananalig sa Diyos? Malungkot at nakapanlulumo ang isiping ito para sa akin. May ilang panahon na hindi man lang ako nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga himno. Sa paghihirap ko, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Pakiramdam ko ay wala na akong pag-asang maligtas. Sobrang nanlulumo ako at nanghihina. Diyos ko, ayaw ko pong ilayo ang sarili ko sa Iyo. Alam ko pong wala ako sa tamang kalagayan, pero hindi ko alam kung paano ito aayusin. Pakiusap gabayan Mo po akong makaalis sa maling kalagayang ito.”

Upang hindi malugmok sa mga negatibong kaisipan na ito, tinulak ko ang sarili kong magbasang muli ng mga salita ng Diyos. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos isang araw: “Ang inaasam ng Diyos ay para ang bawat tao ay magawang perpekto, sa kahuli-hulihan ay matamo Niya, lubos Niyang malinis, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Hindi mahalaga kung sinasabi Ko mang kayo ay paurong o mahina ang kakayahan—ito ay tunay lahat. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong pabayaan ka, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang magsisikap, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang mapapabayaan. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa antas ng iyong pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang magbigay ng kagandahang-loob, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod sa kakayahang ito; kung sinasabi mong hindi ka makapagbibigay ng kagandahang-loob, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, maging ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pagdalo sa iba’t ibang mga pangkalahatang ugnayan, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagsunod hanggang sa katapus-tapusan, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pag-ibig sa Diyos—ito ang kailangan mong tuparin, at wala nang iba pang mas magandang mga pagsasagawa kaysa sa tatlong bagay na ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Nilinaw kaagad sa akin ng mga salita ng Diyos ang mga bagay-bagay. Hindi tinutukoy ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao batay sa kung gaano na sila nagdusa para sa Kanya, sa hangganan ng kanilang mga kwalipikasyon, o sa saklaw ng kanilang mga tungkulin. Hangga’t tunay nilang ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya, hinahangad ang katotohanan, nagpapakita ng tunay na pagpapasakop sa Kanya, ginagawa nang wasto ang kanilang tungkulin, at nagpapatotoo sa Kanya, sasang-ayunan Niya ang mga taong ito. Pero hindi ko naunawaan ang kalooban Niya at hindi ko alam kung anong klase ng mga tao ang Kanyang inililigtas. Noon pa man ay naniniwala na ako na sa paggugol ng sarili ko para sa Diyos, pagsasakripisyo, at paggawa ng marami at iba’t ibang tungkulin, ay sasang-ayunan ako ng Diyos. Pero dahil tumatanda na ako at hindi na ako makapagtrabaho nang kasing-igi ng mga kabataan, hindi na ako umasa pang maililigtas ako. Nalugmok ako sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa; napakarebelde ko laban sa Diyos! Ang totoo, bagama’t matanda na ako at hindi na makagagawa ng mga tungkulin na kasingdami ng sa mga kabataan, hindi naman katulad ng sa kanila ang hinihingi sa akin ng Diyos. Hindi Niya rin ako pinagkakaitan ng mga pagkakataong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko. Buo pa rin ang isipan at katwiran ko; nababasa ko pa rin ang mga salita ng Diyos at nagagawa ang lahat ng aking makakaya sa tungkulin ko. Pero nang hindi hinahanap ang kalooban ng Diyos, binansagan ko na ang sarili ko na isang matanda at walang silbi, na hindi na pinapaboran ng Diyos. Hindi ba’t panghuhusga na iyon sa Diyos? Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang paggawa ng maraming tungkulin ay makapagliligtas sa isang tao, o na kapag tumatanda ang isang tao ay palalayasin na siya ng Diyos at hindi na ililigtas. Sa katunayan, napakalinaw ng sinabi Niya sa kung paano dapat hangarin ng isang tao ang katotohanan at paano nito dapat panghawakan ang tungkulin kapag tumatanda na ito. Hangga’t ako ay tapat at masunurin hanggang sa wakas, at kaya kong magsumikap na mahalin ang Diyos, may pag-asa akong maligtas. Napakahangal ko para hindi tratuhin ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Itinuring ko ang sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon bilang ang katotohanan, sa buong panahong ito ay mali ang pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos. Nakonsensya talaga ako nang mapagtanto ko ito, at lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “O Diyos! Hihinto na po ako sa pagiging negatibo at paglaban dahil sa aking mga maling pananaw. Hangga’t may kakayahan akong gawin ang tungkulin ko ng isa pang araw, patuloy akong susulong at patuloy kong hahangarin ang katotohanan.” Nagbigay sa akin ng kaginhawahan ang panalangin at ang patnubay ng mga salita ng Diyos—hindi na ako malungkot. Naisip ko, “Hangga’t malinaw pa ang isipan ko, aasa ako sa Diyos para maging isang mabuting tagapagpatuloy sa aking mga kapatid, at iaalay ang taos-puso kong paglilingkod sa Diyos.”

Pero may isang bagay pa rin akong hindi maintindihan. Bakit ako nanlumo nang makita kong hindi ako kasinghusay ng mga kabataan, umabot pa nga sa puntong naisip ko nang ipagkanulo ang Diyos? Ano ang ugat niyon? Sa aking paghahanap, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Nananalig ang mga tao sa Diyos upang mapagpala, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t may ganito sa puso ng lahat? Totoo na mayroon nga. Bagamat hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at hangaring magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi matinag-tinag noon pa man. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang karanasan o kaalaman ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang isinasakripisyo nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagseserbisyo para rito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin? Ano kaya ang mangyayari kung naalis ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa puso ng mga tao? Baka maging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan naman ay baka mawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang paniniwala sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Naniniwala sa Diyos ang mga anticristo para lang makakuha ng pakinabang, at sinusubukan nilang makipagnegosasyon sa Diyos. Napakatindi ng intensyon at pagnanasa nilang magtamo ng mga pagpapala at gantimpala; hinahawakan nila ang mga ito nang mahigpit at hindi binibitiwan. Napakarami nang sinasabi ng Diyos, pero hindi nila tinatanggap ang anuman dito, samantala, ang iniisip nila ay, ‘Ang paniniwala sa Diyos ay para magtamo ng mga pagpapala; para ito sa pagkakamit ng magandang hantungan. Ito ang pinakamataas na prinsipyo, at wala nang hihigit pa rito. Kung ang paniniwala sa Diyos ay hindi para sa pagtatamo ng mga pagpapala, hindi na dapat maniwala ang mga tao; kung hindi lang dahil sa pagtatamo ng mga pagpapala, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang paniniwala sa Diyos—mawawala ang mga ito.’ May tao bang nagkikintal ng mga kaisipang ito sa isang anticristo? Mula ba ang mga ito sa pagtuturo o impluwensiya ng isang tao? Hindi—napagpapasyahan ang mga kaisipang ito ng kalikasan at diwa ng isang anticristo sapul nang sila ay ipinanganak. Wala nang makapagbabago sa mga ito. Napakarami nang sinasabi ng Diyos na nagkatawang-tao sa kasalukuyan, at wala man lang tinatanggap ang mga anticristo sa mga ito, bagkus ay nilalabanan at kinokondena nila ang Diyos. Ang kalikasan nilang sawa na sa katotohanan at napopoot dito ay hindi na mababago magpakailanman. At ano ang ipinapakita ng kawalan ng pagbabagong iyon? Ipinapakita nito na likas silang masasama. Ang isyu ay hindi sa kung hinahangad ba nila ang katotohanan o hindi—masama ang kanilang disposisyon. Tahasan silang nagrereklamo laban sa Diyos at sinasalungat Siya—ito ang kanilang kalikasan at diwa, at ang tunay nilang pagmumukha(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Tinatrato ng mga anticristo bilang isang transaksyon ang pagganap ng tungkulin. Ginagampanan nila ang kanilang tungkulin na parang nakikipagtransaksyon, sa paghahangad na makapagtamo ng mga pagpapala. Naniniwala sila na ang paniniwala sa Diyos ay para magtamo ng mga pagpapala, na nararapat silang pagpalain dahil sa pagganap nila ng tungkulin. Binabaluktot nila ang positibong bagay na iyon na pagganap ng tungkulin, hinahamak ang halaga at kabuluhan ng pagganap ng tungkulin ng isang nilikha at hinahamak ang pagiging lehitimo ng pagganap ng tungkulin ng isang nilikha. Ginagawa nilang isang transaksyon ang tungkulin na matuwid at nararapat na gampanan ng isang nilikha(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na nananampalataya lang ang mga anticristo para makatanggap sila ng mga pagpapala; hinding-hindi nagbabago ang kanilang transaksyonal na pag-iisip, at hinding-hindi sila susuko gaano man maging kahirap o kamiserable ang mga bagay-bagay. Kung ganap silang mawalan ng pag-asang mapagpala, para bang ganap nang nawala ang buhay nila. Pakiramdam nila’y wala nang kabuluhan ang patuloy na manampalataya, at nilalabanan at tinututulan nila ang Diyos. Batay sa salita ng Diyos, nakita ko na kumikilos ako na tulad mismo ng isang anticristo. Nang manalig ako sa Panginoon, tuwang-tuwa ako nang marinig ko na makakapasok ako sa kaharian ng Diyos dahil sa pananampalataya ko. Pakiramdam ko na sa pagkamit ng mga biyaya ng Diyos sa buhay na ito, at pagkatapos ay buhay na walang hanggan sa susunod, magiging sulit ang anumang pagdurusa. Ang mapagpala at makapasok sa kaharian ng Diyos ang naging layon ng pananampalataya ko, at inakala ko na kapag mas malaki ang sinasakripisyo ko, mas lalaki rin ang mga pagpapala ko sa hinaharap. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, lalo ko pang naramdaman na ang pangarap kong mapagpala ay matutupad, at mas ginanahan ako sa tungkulin ko. Kahit na 66 na ako noong panahong iyon, hindi ko talaga nakita ang sarili ko na matanda na. Nagsumikap lang talaga ako sa aking tungkulin. Nagbisikleta ako papunta sa kung saan-saan para sa mga pagtitipon at kahit na-stroke ako kalaunan, hindi ako nabahala. Gusto ko lang magsikap na gawin ang tungkulin ko, gamitin ang paghihirap at pagdurusa ko bilang puhunan kapalit ng mga pagpapala. Pero nang makita kong tumanda na ako at hindi na gaya ng dati ang dami ng tungkuling kaya kong gawin, na hindi na ako pwedeng maglibot-libot gaya ng dati, at unti-unti na akong nawawalan ng kakayahang gumawa ng maraming bagay, pakiramdam ko ay lumiliit na ang pag-asa ko na mapagpala. Ayaw kong tanggapin ito. Wala akong sinabi, pero sa puso ko ay sinisi ko ang Diyos; ayaw kong tanggapin ang pamumuno ng Diyos kaya’t nanlumo ako, naging mapanlaban at nawala sa katwiran. Ang motibo ko sa pananampalataya ko ay para pagpalain, para makipagnegosasyon sa Diyos. Hindi ba’t iyon ay maling pananaw ng isang anticristo sa pananampalataya? Binaluktot ko ang isang positibo at napakagandang bagay tulad ng paggawa ng isang tungkulin. Ang alam ko lang ay gamitin ang tungkulin ko at paglilibot bilang isang paraan para makipagnegosasyon sa Diyos kapalit ng mga pagpapala ng kaharian, tinatrato ang tungkulin ko bilang isang kasangkapan para matugunan ang aking mga ambisyon at pagnanais. Nalula talaga ako ng pag-aasam ko na mapagpala at ang naisip ko lang ay ang makapasok sa kaharian ng langit. Ang inalala ko lang ay kung mapagpapala ba ako, at kung ano ang magiging kalalabasan at hantungan ko. Hindi ko inisip na masuklian ang pagmamahal ng Diyos o maunawaan ang Kanyang taimtim na kalooban. May konsensya man lang ba ako? Binigyan ako ng Diyos ng hininga ng buhay at ng pagkakataong makagawa ng isang tungkulin. Isa na itong malaking pagpapala mula sa Kanya. Pero nagrereklamo pa rin ako sa Diyos, palagi kong sinusubukang mangatwiran sa Kanya, nagiging negatibo at mapanlaban. Napakarebelde ko, at kahit na bawiin ng Diyos sa akin ang buhay ko, magiging matuwid lang na gawin ito. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na gabayan ako na mabitiwan ang aking mga motibo para sa mga pagpapala, at na makapagpasakop ako sa Kanyang pamumuno. Naisip ko ang salita ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na matauhan. Napagtanto ko na kapag pinagpapasyahan ng Diyos ang ating kalalabasan at hantungan, wala itong kinalaman sa kung gaano na kalaki ang isinakripisyo natin para sa Kanya, kung gaano na karami ang ating ginawa o pagdurusa. Ito ay batay sa kung nakamit na ba natin ang katotohanan, at kung nagbago na ba ang ating mga disposisyon. Ang paggawa ng maraming tungkulin ay hindi katulad ng pagtataglay ng katotohanan o pagbabago ng iyong disposisyon. Gaano man karaming tungkulin ang gawin ko, ang susi ay kung nasa landas ba ako ng paghahangad sa katotohanan. Dati, marami akong tungkulin at naglakbay sa iba’t ibang lugar, pero hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan. Gusto kong gamitin ang mababaw kong pagsisikap para ipagpalit ng magandang hantungan. Hindi ko nakita na nasa kaibuturan ko ang transaksyonal at sumasalungat na pag-iisip sa Diyos. Sa huli, nang malagay sa panganib ang pagnanais ko na mapagpala, nakipagtalo ako sa Diyos at sinalungat Siya. Ang totoo, kung magpapakaabala lang ako at gugugulin ang sarili ko nang hindi hinahangad ang katotohanan, magiging makasarili at mayabang lang ako, at hindi kailanman magbabago ang disposisyon ko. Hahantong ako sa pangangatwiran at pakikipagtalo sa Diyos tungkol sa gawaing nagawa ko, at sasama ako nang sasama. Tulad ito mismo ni Pablo—marami siyang ginawa, at mahusay siyang gumawa, pero ginawa lang niya ang gawaing iyon para ipagpalit sa isang korona ng katuwiran. Simula’t sapul ay isa itong transaksyon sa Diyos. Hindi siya nagsisi kahit nasa bingit na ng kamatayan, at pinarusahan siya ng Diyos sa huli. Si Pedro naman, sa kabilang banda, ay hindi gumawa ng maraming gawain, pero sa kanyang pananampalataya ay hinangad niya ang katotohanan, at sa lahat ng bagay ay hinanap niya ang kalooban ng Diyos at hinangad na sundin ang Diyos. Wala siyang kondisyon at hindi niya inisip kung pagpapalain siya. Sa huli, natamo niya ang sukdulang pagmamahal ng Diyos at pagsunod hanggang kamatayan, nakamit ang pagsang-ayon ng Diyos at ginawa siyang perpekto ng Diyos. Parehong mananampalataya sina Pablo at Pedro, pero ang kanilang mga motibo at pananaw sa paghahangad ay magkaiba, at gayundin ang kanilang mga kinalabasan. Mula rito ay makikita natin na ang Diyos ay matuwid, at kapag hinahangad natin ang katotohanan at pagbabago ng disposisyon ay saka lamang natin matutugunan ang kalooban ng Diyos. Ang hinahangad ko at ang landas na tinatahak ko ay kasingkatawa-tawa at kasingmali ng kay Pablo, at siguradong magiging pareho ng sa kanya ang dapat na kalalabasan ko. Buti na lang, binigyang liwanag at pinatnubayan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang Kanyang kalooban, at kung anong pananaw ang dapat kong taglayin sa pananampalataya ko. Natutunan kong sumunod sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos, na maging isang makatwirang nilikha. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Bumuti nang husto ang kalagayan ko matapos kong maunawaan ang kalooban ng Diyos, at lubos akong nagpapasalamat sa Kanya. Pagkatapos niyon, kapag dumarating ang mga kapatid para magtipon, magiliw ko silang tinatanggap. Kapag hindi sila pumupunta, tahimik kong binabasa ang mga salita ng Diyos at hinahanap ang katotohanan ayon sa kalagayan ko.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos isang araw. “Hindi lamang basta nagbabayad ng halaga ang Diyos para sa bawat tao sa mga dekada mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kasalukuyan. Tulad ng pagtingin dito ng Diyos, nakarating ka na sa mundong ito nang maraming beses, at muling nabuhay nang maraming beses. Sino ang namamahala rito? Ang Diyos ang namamahala rito. Hindi mo malalaman ang mga bagay na ito. Tuwing dumarating ka sa mundong ito, personal na gumagawa ng mga pagsasaayos ang Diyos para sa iyo: isinasaayos Niya kung ilang taon ka mabubuhay, ang uri ng pamilya kung saan ka isisilang, kung kailan ka magkakaroon ng pamilya at propesyon, gayundin kung ano ang gagawin mo sa mundong ito at kung paano ka maghahanapbuhay. Nagsasaayos ang Diyos ng paraan para makapaghanapbuhay ka, upang maisakatuparan mo ang iyong misyon sa buhay na ito nang walang hadlang. At patungkol naman sa dapat mong gawin sa iyong susunod na buhay, isinasaayos at ibinibigay ng Diyos ang buhay na iyon sa iyo ayon sa nararapat na mapasaiyo at ano ang nararapat na ibigay sa iyo…. Nagawa na ng Diyos ang mga pagsasaayos na ito para sa iyo nang maraming beses, at, sa wakas, isinilang ka na sa kapanahunan ng mga huling araw, sa iyong kasalukuyang pamilya. Nagsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo kung saan maaari kang maniwala sa Kanya, tinulutan ka Niyang marinig ang Kanyang tinig at bumalik sa Kanyang harapan, upang masundan mo Siya at makaganap ka ng tungkulin sa Kanyang sambahayan. Dahil lamang sa gayong patnubay ng Diyos kaya ka nabubuhay hanggang sa ngayon. Hindi mo alam kung ilang beses ka na naisilang sa piling ng tao, ni kung ilang beses nang nagbago ang iyong hitsura, ni kung nakailang pamilya ka na, ni kung ilang kapanahunan at dinastiya ka na nabuhay—ngunit laging nakasuporta sa iyo ang mga kamay ng Diyos, at lagi Siyang nakasubaybay sa iyo. Kaylaki ng pagpapagal ng Diyos para sa kapakanan ng tao! Sabi ng ilang tao, ‘Animnapung taong gulang na ako. Sa loob ng animnapung taon, binabantayan ako ng Diyos, pinoprotektahan ako, at ginagabayan ako. Kung, kapag matanda na ako, hindi ko magampanan ang isang tungkulin at wala akong magawang anuman—pangangalagaan pa rin ba ako ng Diyos?’ Hindi ba’t katawa-tawang sabihin ito? Ang Diyos ang namamahala sa kapalaran ng tao, at binabantayan Niya ito at pinoprotektahan hindi lamang sa iisang haba ng buhay. Kung tungkol lamang ito sa iisang haba ng buhay, iisang pagkabuhay, mabibigo iyang ipamalas na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang tinatrabaho ng Diyos at ang halagang ibinabayad Niya para sa isang tao ay hindi lamang para isaayos ang gagawin nito sa buhay na ito, kundi ang isaayos para sa mga ito ang napakaraming pagkabuhay. Inaako ng Diyos ang buong responsabilidad para sa bawat kaluluwang nagkatawang-tao. Alisto Siyang nagtatrabaho, ibinabayad ang halaga ng Kanyang buhay, ginagabayan ang bawat tao at isinasaayos ang bawat buhay nila. Nagpapagal at nagbabayad ng halaga ang Diyos sa ganitong paraan para sa kapakanan ng tao, at ipinagkakaloob Niya sa tao ang lahat ng katotohanang ito at ang buhay na ito. Kung hindi gagampanan ng mga tao ang tungkulin ng mga nilalang sa mga huling araw na ito, at hindi sila babalik sa harap ng Lumikha—kung, sa bandang huli, ilang buhay at henerasyon man ang kanilang isinabuhay, hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin at nabibigo silang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos—hindi ba’t magiging napakalaki ng kanilang pagkakautang sa Diyos? Hindi ba’t hindi sila magiging karapatdapat sa lahat ng ibinayad na halaga ng Diyos? Magiging masyado silang walang konsiyensiya, hindi sila magiging karapatdapat na tawaging mga tao, dahil magiging napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos. … Ang biyaya, pagmamahal, at habag na ipinapakita ng Diyos sa tao ay hindi lamang isang uri ng saloobin—katunayan din ang mga iyon. Anong katunayan iyon? Iyon ay na inilalagay ng Diyos ang Kanyang mga salita sa iyong kalooban, nililiwanagan ka, upang makita mo kung ano ang kaibig-ibig sa Kanya, at kung tungkol saan ang mundong ito, upang ang puso mo ay mapuspos ng liwanag, na nagtutulot sa iyo na maunawaan ang Kanyang mga salita at ang katotohanan. Sa ganitong paraan, nang hindi mo nalalaman, natatamo mo ang katotohanan. Gumagawa ang Diyos ng napakaraming gawain sa iyo sa napakatotoong paraan, na nagbibigay sa iyo ng kakayahang matamo ang katotohanan. Kapag natamo mo ang katotohanan, kapag natamo mo ang buhay na walang hanggan na siyang pinakanatatanging bagay, nasisiyahan ang kalooban ng Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na hinahangad ng mga tao ang katotohanan at handa silang makipagtulungan sa Kanya, masaya Siya at kontento. Sa gayon ay nagkakaroon Siya ng isang saloobin, at habang taglay Niya ang saloobing iyon, gumagawa Siya, at pinupuri at pinagpapala Niya ang tao. Sinasabi Niya, ‘Gagantimpalaan kita ng mga pagpapalang nararapat sa iyo.’ At pagkatapos ay matatamo mo na ang katotohanan at ang buhay. Kapag mayroon kang kaalaman sa Lumikha at natamo mo ang Kanyang pagpapahalaga, makadarama ka pa rin ba ng kahungkagan sa puso mo? Hindi na. Madarama mo na kontento ka na at may kagalakan. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng halaga ng buhay ng isang tao? Ito ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang buhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagbabayad ng Halaga Para Makamit ang Katotohanan ay Mayroong Malaking Kabuluhan). Labis na nakagiginhawa at nakakaantig sa akin ang mga salita ng Diyos. Hindi mahalaga kung gaano man ako katanda o ano man ang kondisyon ng kalusugan ko; hangga’t minamahal at hinahangad ko ang katotohanan, hindi ako susukuan ng Diyos. Sa kasamaang palad, mali ang naging pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos. Inakala ko na dahil matanda na ako at walang silbi, hindi na ganoon karami ang magagawa kong tungkulin. Naisip ko na isang araw ay pwede akong magkasakit nang malubha at mawala na lang bigla, nang walang pag-asang maligtas. Pakiramdam ko ay walang kabuluhan ang pananampalataya, at ayaw kong hangarin ang katotohanan. Dahil naimpluwensyahan ako ng mga maling pananaw, naging mali ang pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos. Nasadlak ako sa panghihina at negatibong kalagayan, at pinaglaruan ako ni Satanas. Dati, hindi ko alam na bilang isang nilikha, dapat akong magpasakop sa Diyos at palugurin Siya. Noong wala pa ang pagkakatantong iyon, nanampalataya lang ako para ipagpalit ng mga biyaya at pagpapala—nakikipagnegosasyon ako sa Diyos. Ngayon ay nakikita ko na kapag may ganoong hangarin, kahit pa mabuhay ako nang ilang daang taon, wala itong magiging kabuluhan o halaga. Halimbawa, nang harapin ni Job ang mga sakunang iyon, kahit minsan ay hindi niya inisip kung ano ang kanyang natamo o nawala. Noong tinubuan siya ng maraming pigsa at naging napakahirap nang mabuhay, hindi niya kailanman sinisi ang Diyos. Mayroon siyang tunay na pananampalataya sa Diyos, nagpasakop siya sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos, at pinuri ang ngalan ng Diyos. Matunog siyang nagpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas, at sa huli ay pinagpala siya ng Diyos. Nariyan din si Pedro, na laging hinahangad na mahalin at palugurin ang Diyos, palaging nakatuon sa pagsasagawa ng mga salita ng Panginoon. Sa huli, siya ay ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos, na nagpapakita ng kanyang sukdulang pagmamahal at pagsunod sa Diyos, isinasabuhay ang isang makabuluhang buhay, at nakakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ngayon ay naunawaan ko na bilang isang mananampalataya, ang pagsisikap na magpasakop sa Diyos at palugurin ang Diyos sa lahat ng bagay, ang paggawa ng tungkulin ng isang nilikha, ang pagkatuto at pagkamit ng katotohanan sa paggawa ng aking tungkulin, at pagsunod at pagmamahal sa Diyos, ay ang paraan upang hindi mamuhay nang walang saysay, upang mamuhay nang makabuluhan. Ito lang ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang palaging pagsusumikap na makipagnegosasyon sa Diyos, at ang paggamit sa pagsisikap at paggugol ng sarili para ipagpalit sa mga pagpapala ng kaharian ay napakasamang asal, at humahantong ito sa isang buhay na walang kabuluhan o halaga. Hindi ko pwedeng patuloy na isipin kung mapagpapala ba ako sa hinaharap o hindi. Hahangarin ko na lang ang katotohanan sa bawat araw na nalalabi sa akin, gagawin ang lahat ng aking makakaya upang gampanan ang tungkulin ko sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos, at hahangarin ang disposisyonal na pagbabago. Kahit pa isang araw ay magkasakit ako nang malubha at maharap sa kamatayan, at mawalan na ako ng kakayahang magampanan ang tungkulin ko, magpapasakop pa rin ako sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang dapat kong pagtuunan ngayon ay ang paggawa ng lahat ng makakaya ko upang magampanan ang tungkulin ko sa buhay na ito. Anuman ang maging kalalabasan ko, buhay man o kamatayan, ay nasa pamumuno na ng Diyos. Hindi ito isang bagay na dapat kong isipin bilang isang nilikha. Labis na gumaan ang pakiramdam ko nang isipin ko iyon sa ganoong paraan.

Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nakinig ng mga himno araw-araw. Kapag naglalantad ako ng katiwalian, nananalangin ako, hinahanap ko ang katotohanan, sinusuri ang aking mga satanikong disposisyon, at nagtatapat sa pakikipagbahaginan kasama ang mga kapatid ko. Unti-unti ay may nakita akong mga resulta. Kapag kailangan kong gawin ang aking tungkulin, aktibo akong nakikibahagi, at ibinabahagi ko ang ebanghelyo sa mga nakapaligid sa akin hangga’t maaari. Nang makita kong nagsusulat ang mga kapatid ng mga artikulo ng patotoo, nagsanay rin akong magsulat ng mga artikulong nagpapatotoo sa Diyos. Ang paggawa ng lahat ng ito ay nagbigay sa akin ng pakiramdam ng kasiyahan at kapayapaan.

Isang araw, narinig ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos, “Ang Nilikha’y Dapat Sakop ng mga Pagsasaayos ng Diyos.” Naantig talaga ako nito. Partikular akong naantig ng ikalawang sipi na nagbabanggit ng karanasan ni Pedro. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilalang para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatuwid ang iyong sarili sa Diyos, nang mas maaga sa halip na mas huli, para maiwaksi ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang ninanais Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Paulit-ulit ko itong pinakinggan, at hindi ako nagsawa. Ang bawat linya nito ay nagbibigay-inspirasyon at nakakaantig sa akin, at hindi ko mapigilang tumulo ang mga luha ko sa aking mukha. Isa akong nilikha na ginawang tiwali ni Satanas at umabot ako sa ganito katandang edad, pero nagkaroon pa rin ako ng pagkakataong sundin ang Diyos at maranasan ang Kanyang gawain, gawin ang aking tungkulin at magpatotoo sa Diyos. Napakalaking pagpapala nito! Ngayon, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang sarili kong katiwalian, at binago ko na ang aking makasarili at masasamang motibo para sa mga pagpapala. Ito ay biyaya ng Diyos! Pupurihin ko ang Diyos hanggang sa pinakahuli, kahit pa wala Siyang ibigay sa akin. Magiging makabuluhan pa rin ang buhay ko kung magkagayon! Hahangarin kong maging isang makatwiran at mapagpasakop na nilikha ng Diyos. Anuman ang kondisyon ng kalusugan ko o ang kalalabasan ko, magpapasakop ako sa mga pagsasaayos ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, Tsina Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil...