Ang Paggising ng Isang Alipin ng Salapi

Nobyembre 8, 2020

Ni Xingwu, Tsina

Noong bata pa ako, mahirap ang pamilya ko, at hindi ako kayang pag-aralin ng mga magulang ko, kaya gumawa at nagbenta ako ng mga pangbakod para tustusan ang aking pag-aaral. Minsan, nagtatrabaho ako sa bukid at nasugatan ang aking hinliliit. Wala kaming pera para sa pagpapagamot, kaya hindi ito lubusang gumaling. Hindi ko pa rin ito kayang lubusang ituwid. Nang ikasal ako, mahirap pa rin kami ng asawa ko. Minamaliit at iniiwasan kami ng mga kaibigan at kamag-anak namin. Nang makita ko ang nakukuhang respeto ng mayayaman, kung paano nila nadadamitan at napapakain ang kanilang mga sarili nang walang kahirap-hirap, nainggit ako sa kanila. Palaging sinasabi ng mga tao: “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Hindi kalahatan ang pera, pero kapag wala ka nito, wala kang magagawa,” at “Ang sinumang may salapi ay makapangyarihan.” Noon, akala ko’y totoo ang lahat ng ito. Kapag may pera, mapapakain at madadamitan mo ang iyong sarili, at nagdadala ito ng respeto at paghanga sa iyo. Akala ko pera ang pinakamahalaga. Nangako ako na magsusumikap at kikita nang mas maraming pera. Gusto kong umahon sa kahirapan, at mamuhay nang marangya.

Kalaunan, kinuha kami ng asawa ko para magpatakbo ng kantina ng isang eskwelahan. Daan-daang tao ang kumakain doon araw-araw. Para makatipid, isang tauhan lang ang kinuha namin. Nagtatrabaho kami ng asawa ko mula alas kwatro ng umaga hanggang hatinggabi araw-araw. Nagtatrabaho pa rin ako kahit malala ang sipon ko. Para kumita nang mas malaki, tumanggap rin kami ng maraming trabaho sa bukid. Kapag mga abalang panahon, nagtatrabaho kami nang higit sa itinakdang oras para magtanim at mag-ani ng lahat sa gabi. Dahil araw-gabi kaming nagtatrabaho, madalas akong nakakaramdam ng pagkahilo. Minsan, mapapaidlip ako habang naggagayat ng gulay, at masusugatan ko ang aking mga kamay. Malalagyan ng asin at tubig iyong mga sugat. Napakasakit noon. Kahit na sobrang pagod ako, natutuwa ako sa tuwing nakikita kong tumataas ang kita ko. Pakiramdam ko ay sulit ang lahat. At kapag nakikita ko iyong mga mayayaman sa kanilang mararangyang kasuotan na kumakain at nagtatawanan, sinasabi ko sa sarili ko, “Dapat mas marami pa akong kitain na pera!” Akala ko, basta’t magsumikap ako sa trabaho, makakasama ako sa antas ng mayayaman hindi kalaunan.

Dahil sa paggamit ng malamig na tubig araw-araw, nagkaroon ako ng malubhang rayuma. Nagsimulang madeporma ang aking mga kasu-kasuan. At dahil sa mahabang mga taon ng nakakapagod na pagtatrabaho, nagkaluslos ako sa aking gulugod, na nauwi sa bone hyperplasia at sciatica. Nag-utos ang doktor ng operasyon, at tatlong buwang pananatili sa ospital, pero ayokong tumigil sa pagkita ng pera, kaya tumanggi ako. Kahit tatlong araw ay napakatagal na. Kaya nagpatuloy ako sa pagtatrabaho araw-gabi. Sa huli, dahil hindi ako nakakakain sa oras o nakakatulog nang sapat, nagkaroon ako ng gastroptosis at gastroenteritis. Matapos noon, nagkaroon ako ng mga myoma sa matris, ovarian prolapse, sakit sa puso, myocarditis, at malubhang anemia. Sunud-sunod ang mga sakit. Hindi ko na makayanan iyong sakit, at hindi ako makatulog sa gabi. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong umiyak. Hindi ko alam ang gagawin ko. Naisip ko: “Anong saysay nang mabuhay? Ito ba ay para lang igugol natin ang ating mga buhay sa pagsusumikap na kumita ng pera?” Wala akong kasagutan. Pakiramdam ko lang ay kailangan kong magkaroon ng pera para may marating sa lipunan. Kaya sinabi ko sa sarili ko, “Hangga’t nakakatayo ka, kaya mong patuloy na magtrabaho.” At sa isang iglap, bumalik ako sa paghahanap ng pera. Pero isang araw, pumunta ako sa ospital at na-diagnose ako na may dalawang uri ng kanser—fmaagang yugto ng lung cancer at breast cancer. Nang sabihin nila ito sa akin, bigla akong nanghina. Humiga ako sa aking higaan at ilang oras na umiyak. Pumunta ako sa lahat ng klase ng ospital para magpagamot at nagastos ko ang halos lahat ng aming ipon. Pero walang nangyari, at iyong ininom kong gamot ay nagdulot ng pamamaga sa buong katawan ko. Tuwing gabi, kapag tahimik ang lahat, nakahiga ako sa higaan ko at nakatanaw sa labas ng bintana, nawawalan na ng pag-asa. Ginugol ko ang buhay ko sa pagkita ng salapi, at bukod sa hindi ako yumaman, nasira ang kalusugan ko, at miserable ang buhay ko. Anong saysay nang mabuhay? Ayoko nang magpakamatay sa pagpupumilit kumita ng pera. Pero minahal ng asawa ko ang salapi. Sabi niya, “Hangga’t buhay ka, magtrabaho ka lang!” Sumama ang loob ko at nadismaya sa kawalan niya ng pakialam, pero madalas, pakiramdam ko’y wala akong magagawa. Nasa kwarenta pa lang ako. Hindi naging masaya ang buhay ko. Hindi ko pa nakikitang ikasal ang anak ko. Hindi ako handang mamatay nang ganoon. Gusto kong mabuhay. Pero kung walang pera, papaano ako magpapagamot at gagaling? Ang tanging paraan ay patuloy na kumita ng pera. Kaya patuloy akong nagtrabaho habang umiinom ako ng gamot.

Makalipas ang isang taon, nagbukas ng planta ng ulingan ang asawa ko gamit ang natitira naming ipon. Noong sumunod na taon, nagbukas siya ng planta ng langis. Araw-araw, pinupuntahan ko ang dalawang planta kahit na may sakit ako, gumagawa ng mga labis na mga trabaho. Matapos ang ilang taong pagsusumikap, sa wakas ay kumita rin kami nang bahagya. Bumili kami ng bahay sa siyudad, ng sasakyan, at nagtamasa ng isang magandang materyal na buhay. Pinuri at hinangaan kami ng aming mga kaibigan at kamag-anak. Nagbago ang katayuan namin sa lipunan. Nagkaroon kami ng bagong pagkakakilanlan. Tuwang-tuwa kami sa aming mga sarili. Sa wakas, ang lahat ng mga taon ng paghihirap ay tila naging sulit. Pero ang masasayang panahon ay hindi nagtatagal. Pagkatapos ng maraming taon ng pagsusumikap, nag-umpisang bumigay ang katawan ko. Sinabi sa akin ng doktor, “Masyado nang kumplikado ang mga sakit mo. Lahat ng mga organ mo ay hindi na gumagana nang maayos. Wala na kaming magagawa.” Parang sentensya ng kamatayan ang mga salita niya. Hindi ko matanggap ang balitang ito. Uuwi na lang ba ako at maghihintay na mamatay? Mayroon akong pera at tinatamasa ang materyal na buhay. Pero ano ang silbi noon? Walang halaga ng pera ang makakasagip sa akin ngayon. Halos gustuhin ko nang mamatay dahil sa paghihirap na dala ng karamdaman ko. Ano pang magagawa ko? Sa hindi inaasahan, tumingala ako at umiyak, “Kalangitan! Iligtas mo ako!”

Sa aking pinakadesperadong sandali, ibinahagi sa akin ng kaibigan ko ang ebanghelyo ng mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos. Sinabi niya na ang Diyos ay nagkatawang-tao sa mga huling araw para iligtas ang sangkatauhan, ipahayag ang katotohanan, at ibunyag ang mga misteryo ng buhay. Ibinubunyag Niya ang pinagmumulan ng kasamaan at kadiliman sa mundo, kung bakit ang ating mga buhay ay walang saysay at punung-puno ng paghihirap, kung saan nanggagaling ang mga sakit, kung kaninong mga kamay nakasalalay ang ating kapalaran, ano ang tunay na magbibigay ng kahulugan sa ating mga buhay, at marami pa. Sinabi niya na sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita at pag-unawa sa katotohanan, Hindi tayo malilinlang ng mga bagay na ito, at ang ating mga paghihirap ay mawawala. Binasa sa akin ng kabigan ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ano ang pinagmulan ng habambuhay na paghihirap mula sa kapanganakan, kamatayan, karamdaman, at pagtanda na tinitiis ng mga tao? Ano ang naging dahilan para magkaroon ng mga bagay na ito ang mga tao? Wala namang ganitong mga bagay ang mga tao noong una silang likhain, hindi ba? Saan, kung gayon, nagmula ang mga bagay na ito? Umiral ang mga bagay na ito matapos tuksuhin ni Satanas ang mga tao at naging masama ang kanilang laman. Ang pananakit ng pantaong laman, ang mga hirap at kahungkagan nito, gayon din ang napakamiserableng mga problema sa mundo ng mga tao ay dumating lamang matapos nagawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, sinimulan nitong pahirapan sila. Kaya naman, mas lalo silang naging masama. Ang mga karamdaman ng sangkatauhan ay lalo pang lumubha, at ang kanilang pagdurusa ay lalo pang lumala. Higit at higit, nadama ng mga tao ang kahungkagan at trahedya ng mundo ng tao, gayon din ang kanilang kawalan ng kakayahang patuloy na mabuhay roon, at mas lalong nabawasan ang kanilang pag-asa para sa mundo. Sa gayon, ang pagdurusang ito ay ibinagsak ni Satanas sa mga tao(“Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Pagkatapos ay sinabi sa akin ng kaibigan ko sa pagbabahagi, “Nang gawin tayo ng Diyos, namuhay tayong lahat sa ilalim ng Kanyang proteksyon, malayang namumuhay sa Halamanan ng Eden, nang walang kamatayan, karamdaman, o mga alalahanin. Pero nang tuksuhin at gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagtaksil tayo sa Diyos at nawala sa atin ang Kanyang pag-aaruga at proteksyon. Namumuhay tayo sa kapangyarihan ni Satanas, ayon sa mga prinsipyo niya. Nakikipagkumpitensya tayo sa isa’t isa, nagsisinungaling, nandaraya at nakikipag-away, para sa kasikatan, karangyaan, at katayuan. Dito nagmumula ang karamdaman, at ang paghihirap at pighati sa ating mga espiritu. At ang paghihirap na ito, ang mga pag-aalala, ay nagpaparamdam sa lahat na ang buhay ay masyadong masakit, masyadong nakakapagod, at masyadong mahirap. Nangyayari ang lahat ng ito dahil ginawa tayong tiwali ni Satanas. Pinahihirapan tayo ni Satanas. Pero dumating ang Diyos sa mundo sa katawang-tao para iligtas tayo. Ipinapahayag Niya ang lahat ng katotohanan na nagbibigay-daan sa ating magkamit ng kaligtasan at maging dalisay. Kung babasahin at isasakabuhayan natin ang mga salita ng Diyos, makukuha natin ang Kanyang proteksyon at gabay, matatanggal ang katiwalian sa ating sarili at makakamtan ang kaligtasan ng Diyos, at madadala Niya tayo sa ating huling destinasyon.” Habang naririnig ko ang kanyang mga sinasabi, nabuhayan ako ng loob. Naramdaman ko na maaari akong iligtas ng Makapangyarihang Diyos mula sa pagdurusa kaya sumang-ayon ako na pag-aralan ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Binigyan ako ng kaibigan ko ng kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Pagkatapos noon, araw-araw kong binasa ang mga salita ng Diyos at nakipagkita sa aking mga kapatid.

Isang araw habang ako’y nagde-debosyon, may napanood akong video ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Nang napanood ko ang video na ito, nakita ko na ang Diyos ang sa ati’y Lumikha at Siya ang naghahari sa lahat ng bagay. Ang Diyos ang nagkakaloob at nagtutustos sa buong sangkatuhan. Ang ating kapalaran, buhay at kamatayan, at ang ating kaligayahan ay nakasalalay sa Kanyang kamay. Hindi natin mababago ang mga iyon sa pamamagitan lamang ng patuloy na pagiging abala at pagmamadali. Pero hindi ko naintindihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sinubukan kong umasa sa sarili kong kalakasan para baguhin ang aking kapalaran, sinusubukang yumaman. Pero kahit na kumita ako nang kaunting pera, hindi ako naging masaya. Nagdurusa ang aking kaluluwa, at nasira ang kalusugan ko. Noon ko napagtanto: Kung hindi naniniwala at sumasamba sa Diyos ang mga tao, at kung hindi sila sumusunod sa kataas-taasang kapangyarihan Niya, at kung nilalabanan nila ang kanilang tadhana dahil sa pagnanasa, magdurusa lamang sila nang walang kabuluhan, at mapupunta sa impiyerno kapag namatay sila. Noon ko nalaman na ang Diyos ang tanging tunay kong tagapagtaguyod, kaya ipinagdasal at ipinagkatiwala ko sa Kanya ang aking kalusugan. Mabuhay o mamatay man ako, magpapasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.

Madalas akong sumali sa buhay-iglesia pagkatapos noon. Nakita ko kung paano basahin ng mga kapatid ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan, naghahangad na magawa ang kanilang tungkulin at mapasaya ang Diyos, at talagang humanga ako sa kanila. Gusto kong lumaya mula sa dati kong buhay, at magsimula muli. Kaya madalas akong manalangin sa Diyos, nakikiusap sa Kanya na bigyan ako ng paraan para makaalis upang magkaroon ako ng mas maraming oras na dumalo sa mga pagtitipon at magawa ang aking tungkulin. Kalaunan, ang aming planta ng langis ay nabili para gumawa ng bagong kalsada. Hindi ko na kailangang magpabalik-balik sa dalawang planta katulad ng dati. Mas marami na akong oras na makipagkita sa iba at magbahagi ng mga salita ng Diyos, na pagnilayan ang salita ng Diyos, at mas mapalapit sa Diyos. Bumuti ang pakiramdam ko araw-araw. Matapos noon, nagsimulang bumuti ang kalusugan ko. Sumigla ang pakiramdam ko, at pakiramdam ko’y mas lumakas ang katawan ko. Mas umayos at gumaan ang pakiramdam ko. Labis-labis ang pasasalamat ko sa Diyos.

Pagkatapos, nanood ako ng isa pang video ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “‘Pera ang nagpapaikot sa mundo,’ ito ay pilosopiya ni Satanas at nangingibabaw sa buong sangkatauhan, sa bawat lipunan ng mga tao. Maaari ninyong sabihin na ito ay isang kalakaran dahil ikinintal ito sa puso ng bawat isang tao. Mula pa sa panimula, hindi tinanggap ng mga tao ang kasabihang ito, ngunit binigyan nila ito ng hayagang pagtanggap noong maranasan na nila ang tunay na buhay, at nagsimula nilang maramdaman na totoo nga ang mga salitang ito. Hindi ba ito proseso ni Satanas na ginagawang tiwali ang mga tao? … Kaya naman matapos gamitin ni Satanas ang kalakarang ito upang gawing tiwali ang mga tao, paano ito nakikita sa kanila? Inaakala ba ninyo na hindi niyo kayang mamuhay sa mundong ito nang walang salapi, na kahit isang araw na walang salapi ay imposible? Ang katayuan ng mga tao ay base sa kung gaano karaming salapi mayroon sila, gayundin ang paggalang na karapat-dapat sa kanila. Ang mga likod ng mahihirap ay nakayuko sa hiya, habang nagpapakasasa ang mayayaman sa kanilang mataas na katayuan. Nakatayo sila nang tuwid at nagmamalaki, nagsasalita nang malakas at namumuhay nang may pagmamataas. Ano ba ang dinadala ng kasabihan at kalakarang ito sa mga tao? Hindi ba totoo na gagawin ng marami ang anumang sakripisyo para sa salapi? Hindi ba isinasakripisyo ng maraming tao ang kanilang dignidad at katapatan sa paghahanap ng mas maraming salapi? Higit pa rito, hindi ba marami ang mga taong nawawalan ng pagkakataon na gampanan ang kanilang tungkulin at sundin ang Diyos para lamang sa kapakanan ng salapi? Hindi ba ito kawalan para sa mga tao? (Oo.) Hindi ba’t masama si Satanas sa paggamit sa pamamaraang ito at sa kasabihang ito upang gawing tiwali ang tao nang gayon? Hindi ba ito malisyosong pandaraya?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Matapos itong mapanood, naunawaan ko na itong mga dekadang iginugol ko sa paghihirap at pagpapagal ay dahil sa katiwalian ni Satanas, at ang impluwensya ng lipunan ay umakay sa akin upang sumunod sa makamundong kalakaran at sumamba sa pera. Noong kabataan ko, na hikahos ang pamumuhay, hindi ako pinapansin at minamaliit ako. Kapag nakakakita ako ng mayamang tao, na maayos ang buhay at inirerespeto, naging sigurado ako na kailangan mo ng pera para mabuhay sa mundong ito. “Hindi kalahatan ang pera, pero kapag wala ka nito, wala kang magagawa.” “Pera ang nagpapaikot sa mundo,” “Ang sinumang may salapi ay makapangyarihan,” “Una ang pera,” at “Gagawin ng tao ang lahat para yumaman.” Nag-ugat ang mga satanikong paniniwalang ito sa puso ko at kinontrol ang pag-iisip ko. Akala ko pera ang pinakamahalaga, na hahangaan, rerespetuhin, at magiging masaya ako dahil dito. Ang pagkakaroon ng pera ang naging tangi kong layunin, at ang iniisip ko lang ay ang mas kumita. Ano naman kung mahilo ako o mapagod, o magkasakit, at bumigay ang katawan ko? Kapag naiisip ko ang pagyaman, at pamumuhay nang marangya, nagtitiis lang ako at nagpapatuloy. Kahit noong nagka-kanser ako, walang nagbago. Sa totoo lang, lalo pang naging importante ang pera, dahil kinailangan kong magpagamot at gumaling. Kahit noon, hindi ako tumigil sa paggawa ng paraan para kumita ng pera. Mahigpit akong naitali ni Satanas, at naging alipin ng salapi. Kahit na nagkaroon ako ng sasakyan, bahay, at kaunting pera, at nakakuha ng respeto at paghanga, hindi ako naging masaya. Nagkaroon ako ng maraming mga sakit, at nagkaroon din ng kanser. Hindi mabawasan ng pera ko ang sakit na nararamdaman ko, at hindi rin nito maisalba ang buhay ko. Nakaramdam ako ng matinding paghihirap at kawalan ng pag-asa. Wala ring saysay ang pakakaroon ng mas maraming pera. Noon, ipinagpalit ko ang aking buhay para sa pera. Ngayon, binibili ko ang buhay ko gamit ito. Nabuhay ako para kumita ng pera, pero nauwi ako sa walang-wala. Malinaw kong nakita noon na ang paghahangad ng pera ay ang maling paraan para mabuhay. Ang pera ay isang panlilinlang na ginagamit ni Satanas para ipahamak at gawin tayong tiwali. Isa itong tanikala na inilalagay ni Satanas sa palibot ng ating leeg. Kung hindi dahil sa salita ng Diyos, kahit ngayon ay hindi ko sana makikita kung paano ginagamit ni Satanas ang pera para igapos, kontrolin, at saktan tayo, at patuloy pa rin akong kinokontrol ni Satanas, pinahihirapan at pinaglalaruan. Nakita ko na hindi naiintindihan ng mga tao ang katotohanan, kaya hindi nila alam kung paano mabuhay. Sinusundan lang nila ang karamihan, inuuna ang pera. Nakakalungkot. Napakaswerte ko na marinig ang tinig ng Diyos, na humarap sa Kanya at makatakas sa pang-aabuso ni Satanas. Ito ang kaligtasan ng Diyos at puno ng pasasalamat ang puso ko sa Kanya.

Kalaunan, kapag umaalis ang asawa ko para asikasuhin ang mga panustos, kinakailangan kong magtrabaho sa planta. Minsan, nagkataong oras iyon ng aming pagpupulong. Kahit na nakikilahok ako, balisa ako. Nakonsensya ako. Naalala ko kung paano ako nagkasakit para sa pagkita ng pera. Binigyan ako ng doktor ng sentensyang kamatayan. Ang Diyos ang nagligtas sa akin noong nasa bingit ako ng kamatayan at binigyan ako ng pangalawang pagkakataon. Pero hindi ko magawa ang aking tungkulin at masuklian ang Kanyang pagmamahal. Pakiramdam ko’y may utang ako sa Diyos. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?(Mateo 16:26). At sinasabi sa 1 Timothy 6:8: “Tayo’y may pagkain at pananamit ay masisiyahan na tayo doon.” Anong silbi ng pagkita ng mas maraming pera, kung ang ibig sabihin noon ay mawawalan ka ng buhay? Naisip kong paupahan ang planta ng uling. Mas maliit ang kikitain ko, pero sapat pa rin para mabuhay, at makakasamba ako sa Diyos at magagawa ang aking tungkulin. Pero nagdalawang-isip ako. Maganda ang takbo ng planta ng uling, at napakahirap simulan ng negosyong iyon. Sayang naman kung basta ko na lang isusuko iyon. Nag-atubili ako. Hindi ko alam ang gagawin ko, kaya nanalangin ako para sa tulong ng Diyos.

Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Habang binabasa ko ang mga salita ng Diyos, naisip ko ang mga satanikong alituntunin ng buhay na sinunod ko dati, pinipilit yumaman. Naniwala ako na “Pera ang nagpapaikot sa mundo” at “Hindi kalahatan ang pera, pero kapag wala ka nito, wala kang magagawa.” Para yumaman at makuha ang respeto ng mga tao, kinailangan kong magsumikap para sa pera. Naging mahirap at miserable ang mga araw na iyon. Ganoon ba kaimportante ang pera? Ano bang totoong maibibigay nito sa akin? Maibibili iyon ng bahay, sasakyan, matutulungan ako noong magkaroon ng magandang materyal na buhay, at mabibigyan ako ng respeto, at mabibigyan ako noon ng panandaliang kasiyahan ng laman. Pero hindi noon mapupunan ang kalungkutan sa puso ko, o mapapatigil ang paghihirap ko, hindi ako mabibigyan noon ng kapayapaan o kaligayahan, hindi noon mapapahinto ang pagdurusa ko sa karamdaman, at hindi noon maisasalba ang buhay ko. Naalala ko ang punong-guro sa aking lokal na eskwelahan. May pera at katayuan siya pero namatay siya sa kanser. Hindi siya natulungan ng pera at katayuan na takasan ang pagdurusa at kamatayan. Alam kong may mayayamang mapait at walang saysay ang buhay, na nagpapakamatay para tapusin iyon, pati na mga tao na nagsinungaling, nandaya, nakipag-away, at nanloko ng kapwa, nawala ang pagiging makatao at konsensya para lang sa pera. Nakita ko sa mga kwentong ito, at sa sarili kong karanasan na nagiging mas tiwali, mas masama ang mga tao dahil sa paghahangad kumita ng pera. Inilalayo nito ang mga tao sa Diyos at inilalapit sa kasalanan. Naisip ko si Job, na hindi naghangad ng salapi o mga materyal na kaginhawaan. Nagpaubaya si Job sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at naghangad na malaman ang Kanyang mga gawa sa lahat ng bagay, at sa huli, natamo niya ang biyaya ng Diyos. Naisip ko kung paanong, nang tawagin siya ni Jesus, isinantabi ni Pedro ang lahat para sumunod sa Diyos. Naghangad siyang makilala at mahalin ang Diyos, at pinerpekto siya ng Diyos, at namuhay siya nang makabuluhan. Mula rito, napagtanto ko na ang pagkilala sa Diyos, pagsamba sa Kanya, pamumuhay ayon sa Kanyang salita, at pagkakamit ng Kanyang papuri ang pinakamahalagang mga bagay sa buhay. Mahirap para sa akin na manampalataya at mahanap ang tamang landas. Alam ko na kung ipinagpatuloy ko ang paghahangad ng kayamanan at mga makamundong kaligayahan, at isinuko ang paghahanap ko sa katotohanan at kaligtasan, ito’y magiging kahangalan. Nang maisip ko ito, naramdaman ko ang kapayapaan. Ayoko nang maging alipin ng pera. Gusto ko na lamang ng mas maraming oras at lakas para hanapin ang katotohanan. Pagkatapos noon, sinabi ko sa asawa ko ang tungkol sa pagpapaupa ng planta. Sa tulong ng kamangha-manghang mga pagsasaayos ng Diyos, napaupahan namin ito. Nagawa kong regular na dumalo sa mga pagtitipon at gampanan ang aking tungkulin.

Makalipas ang dalawang taon, biglang nagkasakit ang asawa ko at pumanaw. Napakasakit ng pagkawala niya sa akin at ipinakita noon sa akin kung gaano karupok ang buhay. Iginugol ng asawa ko ang halos buong buhay niya sa pagmamadali, pinipilit kumita ng pera. Ang presyon ng kanyang dugo ay lagpas 200, pero patuloy siyang nagtrabaho. Nang mabali ang kanyang tadyang, bumalik siya sa trabaho bago siya tuluyang gumaling, at hindi nagpahinga noong pinakiusapan ko siya. Naging alipin din siya ng pera. Kinontrol at ipinahamak siya ni Satanas sa kanyang buong buhay. Hindi siya sumusuko, kahit sa harap ng kamatayan. Ginusto niyang kumita ng pera at mabuhay nang masarap, pero nawala ang buhay niya. Hindi siya nailigtas ng katanyagan at kayamanan o nabawasan ang kanyang paghihirap o natulungan siyang dayain ang kamatayan. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Ginugugol ng mga tao ang kanilang mga buhay sa paghahanap ng salapi at katanyagan; mahigpit silang kumakapit sa mga dayaming ito, iniisip na ang mga ito ang tanging paraan nila ng suporta, na para bang kung mayroon sila nito ay maaari silang patuloy na mabuhay, na maaari silang malibre sa kamatayan. Subalit kung malapit na silang mamatay doon lamang nila natatanto kung gaano kalayo ang mga bagay na ito sa kanila, kung gaano sila kahina sa harap ng kamatayan, kung gaano sila kadaling mabasag, kung gaano sila kalungkot at tila walang-kakayahan, at walang matatakbuhan. Natatanto nila na ang buhay ay hindi nabibili ng salapi at katanyagan, na gaano man kayaman ang isang tao, gaano man kataas ang kanyang posisyon, lahat ng tao ay pantay-pantay na mahihirap at walang halaga sa harap ng kamatayan. Natatanto nila na hindi nabibili ng pera ang buhay, na hindi mabubura ng katanyagan ang kamatayan, na alinman sa pera o katanyagan ay di-makakapagpahaba ng buhay ng isang tao nang kahit na isang minuto o kahit na isang segundo(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Kapag binabalikan ko kung paano ko iginugol ang buong buhay ko na kung anu-anong ginagawa para kumita ng pera, Nakita kong bagama’t nakakuha ako ng respeto at paghanga, pinahirapan ako ni Satanas hanggang sa halos ikamatay ko na. Ngunit iniligtas ako ng Diyos. Iniligtas Niya ako mula sa alimpuyo ng salapi at binago ang direksyon ko sa buhay. Ngayon, habang sinusundan ko ang katotohanan at ginagawa ang aking tungkulin, malaya at panatag ang pakiramdam ko. Ito ay isang bagay na hindi mabibili ng pera. Nagpapasalamat ako sa Makapangyarihang Diyos sa pagliligtas Niya sa akin.

Sinundan: Ang Tamang Desisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Tamang Desisyon

Ni Shunyi, Tsina Ipinanganak ako sa isang liblib na nayon sa bundok, sa isang pamilya ng ilang henerasyon na mga magsasaka. Noong nag-aaral...

Ang Pinili ng Guro

Ni Mo Wen, Tsina Habang lumulubog ang araw sa kanluran, sa oras ng takipsilim, bukas ang pinto ng isang maliit na bahay sa bukid, na may...