Ang Pagpili ng Isang Doktor

Oktubre 24, 2022

Ni Yang Qing, Tsina

Noong bata pa ako, napakahirap ng pamilya ko. Paralisado ang aking ina, nakaratay, at buong taong umiinom ng gamot, at nagtatrabaho sa labas ng nayon ang ama ko sa loob ng maraming taon. Mababa ang tingin sa amin ng mga tao sa nayon, at madalas inaapi ng masasamang tao sa nayon ang mga kapatid ko. No’ng pitong taong gulang ako, hinabol at binugbog ako ng isang siga sa nayon. Sa sobrang takot ko nagkaroon ako ng sakit sa puso. Dahil wala kaming pera para sa pagpapagamot, pabalik-balik pa rin ang sakit ko. Kaya mula sa sandaling ‘yon, nagpasya ako na paglaki ko, ako’y magiging isang napakahusay na doktor, gagamutin ang ina ko at ang sarili ko, at kikita ako ng maraming pera, para guminhawa ang buhay ng pamilya ko at maging kagalang-galang.

Pagka-graduate sa paaralan ng medisina, naatasan akong magtrabaho sa isang health clinic sa bayan. Hindi ako kontento sa pagtatrabaho sa isang maliit na klinika, kaya ginawa ko ang lahat para pagbutihin ang aking mga propesyonal na kasanayan at mailipat sa isang ospital sa lungsod. Para matiyak na mangyari ito, nagpunta ako sa isang malaking ospital para sa karagdagang pag-aaral, at nag-aral din ng praktikal na medisina. Pagkatapos bumalik sa klinika, para makakuha ng promosyon, nagsumikap ako. Halos buong araw at gabi akong nagtatrabaho, at araw-araw ay sumasakit ang likod ko sa sobrang pagod. Pagkauwi ko, wala akong nagagawa kundi bumagsak sa kama. Sa wakas, inilipat ako sa isang espesyalistang ospital sa lungsod para magtrabaho. Pagkaraan ng tatlong taon, muli akong na-promote, sa pagkakataong ito, bilang manggagamot. Dahil nagtrabaho ako nang buong tapat at responsable, at katangi-tangi ang mga kasanayan ko, naging napakasikat ko sa ospital, at maraming tao ang pumupunta sa akin. Unti-unti, lumalaki ang kita ko, at pinondohan ko rin ang negosyo ng kapatid kong lalaki. Madalas akong pinupuri ng mga biyenan ko sa harap ng iba, at napakagiliw ng asawa ko sa’kin. Ang lahat ng ito ay lubos na nagbigay-kasiyahan sa banidad ko, at naisip ko na napakaganda ng buhay ko.

Pero ang lahat ng ito ay may negatibong kapalit. Dahil sa aking pangmatagalang kagipitan sa trabaho at hindi regular na iskedyul ng trabaho at pahinga, nagkaroon ako ng insomnia. Unti-unti itong lumala, at walang dami ng gamot ang mabisa sa paggamot nito. Pagkatapos nun, nagkaroon ako ng mga problema sa tiyan at lumbar spondylosis, at ‘di nagtagal, nagkaroon din ako ng mga problema sa puso. Sa sandaling nakakarinig ako ng umiiyak na bata, sumasakit ang ulo ko, bumibilis ang tibok ng puso ko, at nanginginig ang mga kamay ko. Natukoy ng mga eksperto sa panlalawigang ospital na ito’y ventricular fibrillation heart disease, na nangangahulugang hindi ko makakayanan ang kahit katiting na estimulasyon, at wala pang dokumentadong ebidensya ng lunas. Makokontrol lang ito gamit ang espesyal na pangangalaga sa puso. Sobrang nakakabigla ang mga sinabi nila. Para bang wala nang pag-asa. Naisip ko, napakabata ko pa, pero mayro’n na akong sakit na walang lunas. Ano ang silbi ng pera at kasikatan? Hindi napapagaan ng mga bagay na ‘yon ang pasakit ko. Tapos naisip ko, araw-araw kong ginagamot ang mga sakit ng ibang tao, pero hindi ko magamot ang sarili kong sakit. Lalo akong namighati at nalungkot. Kapag hindi ako makatulog sa gabi, nakatitig lang ako sa kisame at tahimik na tumutulo ang mga luha ko. Pakiramdam ko’y napakahirap at nakakapagod na mamuhay nang ganito. Parang wala akong magawa. Pakiramdam ko’y nagsisimula pa lang ang buhay ko nang magkaroon ako ng sakit na ito, at ‘di ko alam kung paano ako mabubuhay sa hinaharap. Ano pa ang punto na magpatuloy nang ganito?

Sa sandaling nasasaktan ako at walang magawa, dumating sa akin ang pagliligtas ng Panginoong Jesus. Matapos maniwala sa Panginoon, mahimalang gumaling ang aking sakit sa puso at insomnia. Labis akong nagpapasalamat sa Panginoon sa pagbibigay sa’kin ng napakalaking biyaya. Para masuklian ang pagmamahal ng Panginoon, aktibo akong pumunta sa mga pagtitipon at nangaral ng ebanghelyo. Noong Hulyo 2006, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at sinalubong ang pagbabalik ng Panginoon. Sabik na sabik ako. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko ang misteryo ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang layon ng plano ng pamamahala ng Diyos, at pati na ang paggawa ng Diyos sa gawain ng paghatol sa mga huling araw para iligtas tayo mula sa kasalanan at sa masamang impluwensya ni Satanas, tulutan tayong mailigtas ng Diyos, at sa wakas ay dalhin tayo sa kaharian ng Diyos. Sa mga salita ng Diyos, nakita ko ang pag-asa na maligtas at makapasok sa kaharian ng langit, at ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay parang pagkain para sa aking nagugutom na kaluluwa. Isang araw, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, “Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong tungkulin, at ang iyong responsibilidad? Nasaan ang iyong diwa ng makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang sapat bilang isang panginoon sa susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang matinding diwa ng pagiging panginoon? Paano mo ipaliliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pagsulong ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na maging pastol nila? Mabigat ba ang iyong gawain? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at nalilito, dumaraing sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumulusok at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sino ang makakaalam kung gaano sila sabik na umaasa, at gaano sila nananabik, araw at gabi, para dito? Kahit sa isang araw na nagdaraan ang kumikinang na liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagluha? Grabe ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang patuloy na nakatali sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at malamig na kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa ingay ng kanilang pagdaing? Sino na ang nakakita sa kanilang kaawa-awang kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdaranas ng gayong paghihirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang kapus-palad na mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masamang nilalang ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang patuloy na mabuhay, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, upang iligtas ang mga taong ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang laman at dugo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?). Binigyan ako ng inspirasyon ng salita ng Diyos. Umaasa Siya na babangon tayo at ipapalaganap ang ebanghelyo ng Diyos sa mga nasa dilim pa rin at labis na nananabik sa pagpapakita ng Diyos, para makabalik sila sa sambahayan ng Diyos, matanggap ang pagliligtas ng Diyos, at hindi na magdusa sa pananakit ni Satanas. Talagang napakadakila ng pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan! Nang maisip ko kung gaano ako kapalad na marinig ang tinig ng Panginoon at masalubong Siya, gusto kong ipangaral ang ebanghelyo sa mga nasa dati kong simbahan at sabihin sa kanila na nagbalik na ang Diyos. Kaya, ipinangaral ko ang ebanghelyo habang ginagawa ko ang trabaho ko. No’ng panahong iyon, dahil sa dakilang gawain ng Banal na Espiritu, tinanggap lahat ng mga lider at katrabaho, at ilang mananampalataya sa limang simbahan ng aking dating denominasyon ang bagong gawain ng Diyos at bumuo ng isang bagong iglesia. Nahalal ako bilang diyakono at ipinangasiwa sa’kin ang gawain ng iglesia. Nakita ko ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos, at labis akong nasabik dahil dito. Naisip ko, “Gagawin ko ang aking makakaya para magawa ang gawain ng iglesia para magdala ng mas maraming tao pabalik sa sambahayan ng Diyos.”

Noong Marso 2007, isang araw, sinabi sa’kin ng superbisor na gusto nila akong sanayin na maging lider ng iglesia. Medyo nag-alinlangan ako. Mabuting bagay, pero naiisip ko na ang pagiging lider ng iglesia ay nangangahulugan ng pagiging responsable sa gawain ng buong Iglesia, na ibig sabihin ay maaaring hindi na ako magka-oras na pumasok sa trabaho, at baka hindi ko mapanatili ang trabaho ko. Hindi ba’t ibig sabihin nun ay mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng taon ng aking pagsusumikap? ‘Tsaka, siguradong guguluhin ako ng asawa ko. Kaya, sa pag-iisip nito, hindi ko tinanggap ang tungkuling iyon noon. Pagkatapos, lalo akong nakonsensya. Pakiramdam ko lagi ay may utang ako sa Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagkilala sa sarili ko. Pagkatapos kong manalangin, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo isusumpa nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi kaya lumabas ang tunay na kulay ninyo? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, ito ang pipiliin ninyong lahat, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. … Mukhang walang anumang idinulot sa Akin ang maraming taon ng dedikasyon at pagsisikap kundi ang inyong pagpapabaya at kalungkutan, ngunit lumalago ang pag-asa Ko para sa inyo sa bawat araw na lumilipas, dahil ang araw Ko ay ganap nang nailantad sa harapan ng lahat. Ngunit patuloy ninyong hinahanap ang madidilim at masasamang bagay, at ayaw ninyong pakawalan ang mga ito. Ano, kung gayon, ang inyong kahihinatnan? Napag-isipan na ba ninyo itong mabuti? Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang magiging saloobin ninyo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, lalo akong napahiya. Para bang hinahatulan ako ng Diyos nang harapan. Sinabi kong gusto kong palugurin ang Diyos, pero nang kailangan ko na talagang mamili, para mapanatili ang nakakainggit na trabaho ng isang doktor, tinanggihan ko ang aking tungkulin. Nakita ko na ang pinakamahalaga sa akin ay hindi ang Diyos, kundi ang katanyagan at katayuan. Sinusundan ko si Satanas, nagiging tapat kay Satanas, at nagrerebelde sa Diyos. Nang maisip ko ito, lalo akong nakonsensya. Gusto ko talaga sanang pumili ulit, talikdan ang trabaho ko, at gumugol para sa Diyos. Pero alam ko rin na kapag huminto ako sa trabaho ko, tiyak na hindi papayag ang pamilya ko, at hindi ko pa rin ito kayang bitawan. Wala akong magawa kundi lumapit sa Diyos at magdasal, hinihiling sa Diyos na pangunahan at gabayan ako. Pagkatapos kong magdasal, naisip ko ang himno ng salita ng Diyos, “Ang Pinakamakabuluhang Buhay.” “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang kinakanta ko ang himnong ito, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili sa puso ko. Isa akong nilikha, lahat ng mayroon ako ay nagmumula sa Diyos, tinamasa ko ang walang katapusang biyaya mula sa Diyos, at nakatanggap ako ng panustos ng napakaraming salita ng buhay mula sa Diyos, pero hindi ko nais na suklian ang pagmamahal ng Diyos. Alang-alang sa sarili kong trabaho at kinabukasan, talagang tinanggihan ko ang tungkulin. Paano ko masasabing may konsensya ako? Naisip ko si Job. Kilalang-kilala siya sa Silangan at may malaking kayamanan, pero hindi niya pinahalagahan ang kasikatan at kayamanan. Nagawa niyang sumunod sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Diyos kahit nawala sa kanya ang lahat, nanindigan sa kanyang pagpapatotoo, at ipinahiya si Satanas. At si Pedro, nang marinig niya ang tawag ng Panginoong Jesus, iniwan niya ang lahat at sinundan ang Panginoon. Ipinangaral at pinatotohanan niya ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus kahit saan, hinangad niyang mahalin at palugurin ang Diyos, at sa wakas ay ginawa siyang perpekto ng Diyos. Naisip ko, “Kailangan kong tularan sila, tanggapin ang tungkulin, bitawan ang sarili kong mga interes, at hindi isipin ang aking mga inaasahan sa hinaharap.” Nang maisip ko ito, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng tiwala at lakas, at magbukas ng daan para sa’kin. Kalaunan, dahil sa patuloy na ingay ng mga pasyente sa loob ng ospital, inatake ako sa puso. Sinamantala ko ang pagkakataong ito para humingi sa ospital ng kalahating taong bakasyon at sinimulan kong tuparin ang tungkulin ko nang buong-panahon.

Subalit, mabilis na lumipas ang kalahating taong bakasyon ko, at tinawagan ako ng pinuno ng ospital namin para bumalik sa trabaho. No’ng panahong ‘yon, medyo abala ang gawain ng ebanghelyo sa iglesia, kaya tinalakay ko ito sa asawa ko at nagpasya na bumalik sa trabaho sa susunod na taon. Pero makalipas ang dalawang buwan, paulit-ulit akong hinimok ng ospital na bumalik sa trabaho, o kung hindi baka mawalan ako ng trabaho. Sinimulan din akong himukin ng asawa ko na bumalik na sa trabaho. Sa puntong ito, medyo nag-alala ako, “Anong gagawin ko? Kung hindi ako papasok sa trabaho, matatanggal ako sa katapusan ng taon. Kung mangyayari ‘yon, hindi ba mawawalan ng saysay ang mga taon ng pagsusumikap ko? Ngunit kung papasok ako sa trabaho, malilimitahan ang oras ko sa tungkulin. Kung hindi ko maibubuhos dito ang puso ko at kaluluwa, maaapektuhan ang gawain ng iglesia.” Sa pag-iisip nito, hindi ako pumayag na bumalik. Hindi na ako nakumbinsi ng asawa ko, kaya tinawagan niya ang kapatid kong lalaki at ang asawa nito para hikayatin ako. Sabi ng kapatid ko, “Ikulong mo na lang siya sa bahay. Huwag mo siyang palabasin. Kung hindi mo siya makontrol, baliin mo ang kanyang mga binti. Kahit na paralisado siya, basta’t nasa bahay siya, mapapanatili niya ang trabaho niya. Kung mawawalan siya ng trabaho, mawawala sa atin ang lahat.” Nang marinig ko ito, napakasakit nito. Naisip ko, “Dahil sa pananalig ko sa Diyos at pagtahak sa tamang landas, ganito ang pagtrato niyo sa akin. Dati, no’ng matagumpay ako sa trabaho, masaya kayong lahat na tinatamasa ang tagumpay ko at binabati niyo ako nang nakangiti. Ngayong nakikita ninyong wala kayong mapapala sa pananalig ko sa Diyos at sa paggawa ng aking tungkulin, nagsasama-sama kayo para pigilan ako at nagsasalita nang walang-awa.” Habang mas iniisip ko ‘yon, mas lalong sumasama ang loob ko. Naramdaman ko ang kawalang-malasakit ng damdamin ng tao. Pero naisip ko, “Ano ang gagawin ko kung talagang tatanggalin ako ng ospital?” Tahimik akong nagdasal sa Diyos, at pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Ang Aking mga intensyon ay naihayag na sa iyo, at hindi mo maaaring ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa halip, dapat mong ituon ang lahat ng iyong pansin sa mga ito, at isantabi ang lahat upang sumunod nang buong puso. Palagi Kitang iingatan sa Aking mga kamay. Huwag ka palaging maging mahiyain at kontrolado ng iyong asawa; dapat mong tulutan na maisakatuparan ang Aking kalooban(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 9). Binigyan ako ng tiwala at lakas ng salita ng Diyos. Ang Diyos ang Lumikha, at ang Diyos ang makapangyarihan sa lahat ng bagay. Kung tatanggalin man ako sa ospital ay nakasalalay sa makapangyarihang pagsasaayos ng Diyos. Naniniwala akong magbubukas ng daan ang Diyos para sa akin. Hindi ako magpapakontrol sa asawa ko. Paano man ako usigin ng pamilya ko, gusto kong manindigan para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Naisip ko ang pagmamahal ng Diyos at ang pagiging di-makasarili ng Diyos, at lalo akong nagkaroon ng sigla. Sabi ng Diyos, “Ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamakatuwiran. Kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Ang tiwaling sangkatauhan ay palaging makasarili, pero ang Diyos ay di-makasarili. Paano man gumawa ang Diyos, lahat ng ginagawa Niya ay alang-alang sa buhay ng mga tao, at lahat ito ay para tulungan tayong maunawaan ang katotohanan at akayin tayo sa tamang landas sa buhay para mailigtas Niya tayo. Gaano man karami ang ginagawa ng Diyos para sa mga tao, hindi Siya humihingi ng anuman sa atin. Ginagawa Niya ang lahat ng ito para sa atin nang patago. Samantala, ginawa ko ang lahat para sa sarili ko, para sa sarili kong kapakanan. Alam kong ang paggawa ko ng aking tungkulin at pangangasiwa nang maayos sa gawain ng iglesia ay responsibilidad at obligasyon ko, pero natakot ako na kung mawalan ako ng trabaho, mawawala ang aking kasikatan, kayamanan, at pagkakasundo ng aking pamilya, kaya tinanggihan ko ang tungkulin. Makasarili ako, kasuklam-suklam, at walang pagkatao! Higit pa roon, sa pamamagitan ng pag-uusig ng pamilya ko, nagkamit din ako ng kaunting pagkaunawa sa mga emosyon sa pagitan ng mga tao. Noon, tinatrato ako nang maayos ng pamilya ko dahil maganda ang trabaho ko. Natutulungan ko sila at napapaganda ko ang tingin sa kanila ng iba, kaya binabati nila ako nang nakangiti. Ngayong nangangaral ako ng ebanghelyo at nahaharap sa pagkawala ng trabaho ko, wala silang napapala, kaya’t inuusig nila ako at hinihigpitan. Paanong nagmamahalan ang mga tao? May transaksyon at palitan lang. Ang pagmamahal sa pamilya ay nakabatay rin sa mga interes. Pinilit lang nila akong hangarin ang pera, kasikatan, at kasiyahan ng laman. Hindi ito pagmamahal para sa akin. Ito’y pamiminsala at paninira sa’kin. Nang maunawaan ko ito, ayaw ko nang paglingkuran si Satanas. Gusto ko na lang gawin nang maayos ang tungkulin ko at suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Hindi inaasahang pinagbawalan ako ng asawa ko na lumabas ng bahay. Tinakot pa niya ako, “Kung hindi ka papayag na pumasok sa trabaho, hindi kita tutulutang manalig sa Diyos, at hindi ko hahayaang pumunta sa bahay natin ang mga nananalig sa Diyos.” Hindi ko rin daw siya dapat sisihin sa pagiging malupit niya kung mawawalan ako ng trabaho. Pagkatapos kong marinig ang sinabi niya, naisip ko, “Kung hindi ako papayag sa mga utos niya, ikukulong niya ako sa bahay. Hindi ako magkakaroon ng buhay-iglesia at hindi ko matutupad ang tungkulin ko.” Kaya kinailangan kong ipangako sa kanya na babalik ako sa trabaho sa ospital. Pero, natakot ang pinuno ng ospital na baka atakihin ako ulit sa puso dahil sa ingay ng mga pasyente, kaya inilipat nila ako para magtrabaho sa outpatient department ng pangkalahatang ospital. Kahit na walang trabaho, kailangan kong umupo sa opisina, at hindi ko magampanan ang tungkulin ko nang ganoon. Araw-araw, mag-isa akong nakaupo sa opisina na hindi mapakali. Naisip ko kung gaano karaming madaliang gawain ang mayroon sa iglesia habang hindi ako makaalis doon. Alam kong maaantala ang gawain ng iglesia at magdurusa ang buhay ng aking mga kapatid, at lalo akong nakonsensya. Sinabi ko na gusto kong gawin nang maayos ang tungkulin ko para palugurin ang Diyos, pero nang inusig at hinadlangan ako ng asawa ko, sumuko na ako. Paano ko masasabing tapat at masunurin ako sa Diyos? Habang mas naiisip ko ‘yon, mas lalo akong nalulungkot, hanggang sa hindi ko na mapigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Sa sandaling ‘yon, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, gusto ko pong gawin ang tungkulin ko at gumugol para sa Iyo, pero napipigilan ako ng asawa ko at ng kapaligiran ko. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng tiwala at lakas.” Pagkatapos kong magdasal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Kapag may tunay na pagkaunawa ang mga tao sa disposisyon ng Diyos, kapag nakikita nila na totoo ang disposisyon ng Diyos, na ito ay talagang banal, at talagang matuwid, at kapag napupuri nila nang taos-puso ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos, talagang makikilala nila ang Diyos, at makakamit na nila ang katotohanan. Kapag nakilala ng mga tao ang Diyos, saka lamang sila mamumuhay sa liwanag. At ang tuwirang epekto ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay ang magawang tunay na mahalin ang Diyos at tunay na sundin ang Diyos. Sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan, at nakakamit ang katotohanan, may tunay na pagbabago sa kanilang pananaw sa mundo at pagtingin sa buhay, na susundan ng tunay na pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Kapag ang mga tao ay may mga tamang mithiin sa buhay, nagagawang hangarin ang katotohanan, at umaasal ayon sa katotohanan, kapag ganap silang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag at natatanglawan ang pakiramdam nila hanggang sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, kapag walang kadiliman sa kanilang puso, at kapag nakakapamuhay sila nang lubos na malaya at hindi napipigilan sa presensya ng Diyos, saka lamang sila makapamumuhay ng tunay na buhay ng tao, at saka lamang sila magiging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Bukod pa rito, ang lahat ng katotohanang naunawaan at nakamit mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Kapag nakamit mo ang pagsang-ayon ng Kataas-taasang Diyos—ang Panginoon ng paglikha, at sinabi Niyang isa kang kuwalipikadong nilalang na isinasabuhay ang isang wangis ng tao, saka lamang magiging pinakamakabuluhan sa lahat ang iyong buhay. Ang masang-ayunan ng Diyos ay nangangahulugang natamo mo ang katotohanan, at isa kang taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Matapos pagnilayan ang salita ng Diyos, naunawaan ko na sa buhay natin, tanging ang paghahangad sa katotohanan, pagkilala sa Diyos, at pagkamit ng pagsang-ayon ng Lumikha ang maituturing na maluwalhating bagay. Ito lang ang totoong buhay, at ito ang dapat kong piliin. Desperado akong nag-aral ng medisina sa paghahangad ng makamundong kasikatan at kayamanan. Matapos magtagumpay, pinahalagahan ako ng mga pinuno at kasamahan ko, at lubos na iginagalang ng mga kamag-anak at kaibigan ko, pero ano ang kabutihang dulot ng mga bagay na ‘yon sa akin? Gaano man kalaki ang kasikatan o materyal na kayamanan na mayroon ako, hindi nito kayang punan ang kahungkagan sa kaluluwa ko. Iniwan nito ang katawan ko na pagod at may sakit, wala pa ring kabuluhan at miserable pa rin ang buhay ko, at wala akong nadaramang kapayapaan o kagalakan. Naisip ko kung paanong, pagkatapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pamumuhay ng buhay-iglesia, at pagtupad ng aking tungkulin, nagsimula kong maunawaan ang katotohanan nang ‘di ko namamalayan. Natuto ako kung paano umasal, paano sumamba sa Diyos, at paano alisin sa aking sarili ang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang normal na pagkatao. Dahil sa lahat ng ito, nakaramdam ako ng kaalwanan at pagpapalaya. Naunawaan ko na ang mga tao ay mga nilikha, at sa pamumuhay lamang sa presensya ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan magiging payapa at masaya ang mga tao. Kung hindi, paano man mamuhay ang mga tao, laging walang kabuluhan at nagdurusa ang buhay nila. Sa puntong ito, naunawaan ko na pinahintulutan ng Diyos ang pag-uusig na kinaharap ko mula sa aking pamilya. Sa pamamagitan ng sitwasyong ito, napilitan akong lumapit sa Diyos para umasa sa Kanya at hanapin ang katotohanan, na malinaw na nagpamulat sa’kin sa pasakit ng pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at dahil dito, pinili kong sundin ang Diyos at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Nang maunawaan ko ang mabubuting layunin ng Diyos, naliwanagan ang puso ko. Nakalaya rin ako mula sa paghihigpit ng pamilya, umalis sa ospital, at ginawa ang tungkulin ko nang buong-panahon sa iglesia.

Isang araw noong Disyembre 2007, pagkauwi ko galing sa tungkulin ko, galit na galit ang asawa ko. Aniya, “Tumawag ang ospital. Sabi nila kapag hindi ka pumasok sa trabaho, tatanggalin ka. Kailangan mong bumalik sa trabaho mo ngayon din. Kung mawawalan ka ng trabaho, mawawalan ka ng pensiyon at lahat ng benepisyo mo!” Medyo nabalisa ako nang marinig ko ito. Naisip ko, “Totoo ‘yon. Bata pa lang ako, pinangarap kong maging magaling na doktor at maging kilala. Pagkatapos magsikap nang husto, nakuha ko pareho ang kasikatan at kayamanan. Kung bibitaw ako ngayon, wala na talagang matitira sa’kin.” Dahil sa naisip, hindi ako sigurado kung ano ang gagawin, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, akala ko po isinuko ko na ang katanyagan, kayamanan, at katayuan. Pero ngayong kailangan ko na talagang bitawan ang trabaho ko, medyo nalulungkot pa rin ako. O Diyos, gabayan Mo po ako sa pag-unawa sa katotohanan at hindi magpakontrol sa mga bagay na ito.” Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo malinaw na nakikita ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na hindi mabubuhay ang tao kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layunin, na magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mapapansin ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na naikintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Matapos basahin ang salita ng Diyos, saka ko lang napagtanto kung gaano ako lubos na napinsala ni Satanas. Ang kasikatan at pakinabang ay naging buhay ko, at naging hadlang ito para maisagawa ko ang katotohanan. Simula pagkabata, tinuruan ako ng mga magulang ko na “mamukod-tangi” at “magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” at akala ko na ang pagkakaroon ng kasikatan at pakinabang ay nangangahulugang namumuhay ako ng isang makabuluhan at mahalagang buhay. Inisip ko na mga positibong bagay ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at na iyon lang ang layon na dapat kong hangarin sa buhay, kaya determinado kong hinangad ang kasikatan, pakinabang, pera, at kasiyahan. Sa huli, lubos ko lang pinahirapan ang sarili ko hanggang sa sobrang kapaguran. Ang katanyagan at katayuan ay walang iba kundi mga panlilinlang na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali at wasakin ang mga tao. Naisip ko ang kaso ng kasamahan ko, na kalunus-lunos na namatay sa paghahangad ng kasikatan at kayamanan. Isa siyang direktor ng outpatient department, nakatuon sa pagsusumikap sa kanyang karera. Lagi siyang ginagabing umuwi. Gusto niyang manatili para gamutin ang mga pasyente at kumita ng mas maraming pera. Sa huli, nagkaroon siya ng kasikatan at pera, pero isang beses, masyado siyang ginabing umalis sa trabaho, naglalakad siya sa kalsada na sobrang pagod, nabangga siya ng kotse, at namatay siya. May isa pa akong kasamahan na naging head nurse sa murang edad. Para sa iba, tila walang limitasyon ang kanyang kinabukasan, pero masyado siyang abala sa trabaho. Habang pauwi, nakikipag-usap pa rin siya sa kanyang mga kasamahan tungkol sa trabaho, tumawid siya sa riles ng tren habang abala, at napatay ng isang mabilis na tren noong siya’y nasa bente anyos pa lamang. Habang iniisip ko ang mga karanasan ng mga kasamahan ko, nagsimula akong manginig sa takot. Ang mga taong ito ay labis ding iginagalang at pinahahalagahan ng mga tao sa ospital. Pero kung walang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ano ang silbi ng kasikatan at kayamanan? Ang katanyagan at katayuan ay talagang mga paraan ni Satanas para gawing tiwali at saktan ang mga tao. Ito ay mga bitag ni Satanas para tuksuhin ang mga tao na lubos na hangarin ang kasikatan at kayamanan sa buong buhay nila, kaya’t nauuwi silang malayo sa Diyos at sa pagliligtas ng Lumikha. Nagdurusa ako sa gapos at mga paghihigpit ng katanyagan at katayuan, kaya hindi ko kailanman nagawang mamili nang tama sa pagitan ng trabaho at tungkulin ko. Ito ay isang kahihiyan! Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw para iligtas ang mga tao ay minsan lang na pagkakataon sa buhay, at ngayon ay natanggap ko na ang tunay na daan dahil sa biyaya ng Diyos, pero hindi ko pinahahalagahan ang pagkakataong gampanan ang aking tungkulin na matamo ang katotohanan. Kung palalampasin ko ang tsansang ito, hindi ba’t ipinapahamak ko lang ang sarili ko? Hindi ba’t magiging kahangalan ito?

Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Bilang isang normal na tao, na naghahangad ng pag-ibig sa Diyos, ang pagpasok sa kaharian upang maging isa sa mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang gawin ang kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Ngayon, ang paghahangad sa katuparan ng tungkulin ng isang nilikha sa iglesia ay ang tamang landas sa buhay na dapat piliin, at ito ang pinakamakabuluhang buhay. Ginawa akong tiwali at nilinlang ni Satanas noon, at namuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Buong puso kong hinangad ang kasikatan at kayamanan, at nagdusa ako sa panlilinlang at pamiminsala ni Satanas. Ipinakita sa akin ng salita ng Diyos ang mga kahihinatnan at diwa ng paghahangad ng kasikatan, kayamanan, at katayuan, at ipinaunawa sa akin na ito ang mga paraan ni Satanas para gawing tiwali at wasakin ang mga tao. Ngayon, ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay malapit nang magwakas, malapit nang matapos ang plano ng pamamahala ng Diyos, at nagsimula na ang malaking sakuna. Makakaligtas lamang tayo sa sakunang ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan, at gagamitin ang mahalaga at maikling panahon na ito para hangarin ang kasikatan at kayamanan, sa huli, hinding-hindi ko makakamit ang katotohanan at buhay na ibinigay ng Diyos, ni hindi ako maililigtas ng Diyos. Kung gayon magiging walang kabuluhan ang pananalig ko sa Diyos, at pagsisisihan ko ito habang ako’y nabubuhay. Tulad ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Alam kong kailangan kong pahalagahan ang minsang pagkakataong ito sa buhay. Hindi na ako pwedeng magpakaabala para sa kapakanan ng aking laman. Sa mahalagang panahong ito ng gawain ng Diyos na iligtas ang mga tao, kailangan kong samantalahin ang sandali para hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko bilang nilikha. Ito ang pinakamahalaga at makabuluhang paraan ng pamumuhay. Sa isiping ito, nagpasya akong huminto sa trabaho ko at simulang gawin ang tungkulin ko nang buong-panahon. Nang sabihin ko sa asawa ko ang desisyon ko, walang magawa niyang sinabi, “Sa nakalipas na ilang taon, sinubukan ko ang lahat ng paraan para papasukin ka sa trabaho at papanatilihin ang trabahong ito. Gusto ko lang kumita ka ng maraming pera para mamuhay tayo ng maginhawang buhay. Pero Diyos mo lang ang nasa puso mo. Hindi na kita makontrol. Ikaw na ang bahala sa hinaharap.” Pagkatapos nun, pumunta ako sa ospital para asikasuhin ang proseso sa pagbibitiw sa trabaho. Paulit-ulit akong sinubukang pigilan ng pinuno ng ospital, sinasabing, “Ang pagiging doktor ay isang siguradong trabaho, at hindi kailanman magsasara ang ospital. Napakahirap makakuha ng trabaho sa ospital ngayon. Isa pa, isa kang mahalagang manggagawa rito, at mayroon kang magandang kinabukasan. Tumataas ang sahod ngayon, at magkakaroon ng lahat ng uri ng mga bagong benepisyo. Pag-isipan mo itong mabuti!” Alam kong panunukso ito ni Satanas, gusto ni Satanas na gamitin siya para akitin ako palayo sa Diyos at ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ako mahuhulog sa mga panlilinlang nito. Kaya, ipinahayag ko ang saloobin ko sa pinuno ng aking ospital, at ang tanging nagawa niya ay dumaan sa proseso ng pagbibitiw ko. Nang bitawan ko ang trabaho ko at inilaan ko ulit ang sarili ko sa aking tungkulin, nakaramdam ako ng labis na ginhawa. Hindi na ako nakagapos at kontrolado ng trabaho, at mas marami na akong oras para kumain at uminom ng salita ng Diyos at gawin ang tungkulin ko. Ang patnubay ng mga salita ng Diyos ay nagpalaya sa akin mula sa gapos at mga paghihigpit ng kasikatan at katayuan at binigyan ako ng tamang direksyon sa buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagsisisi ng Isang Opisyal

Ni Zhenxin, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain...