Pagtatanggal ng Maskara

Enero 16, 2022

Ni Tinghua, France

Noong nakaraang Hunyo, nung kasisimula ko pa lang na tuparin ang tungkulin ko bilang isang lider. Sa simula, dahil nagsasalita ako ng French at kayang direktang makipag-usap sa mga bagong miyembro, pinupuntahan ako ng ilang katrabaho kong kapatid para humingi ng tulong sa akin sa pagsasalin at para sa tulong ko kung mayroon silang anumang mga katanungan o ibang problema. Sa iglesia ng bagong mananampalataya, kahit saang grupo ako pumunta para sa pagbabahagi, ang lahat ay masigasig na nakinig at, pag tapos na ako, palagi nilang sinasabing sobrang kapaki-pakinabang nito. Naisip ko na, kumpara sa mga kapatid na aking nakatambal, mas mahusay ang kasanayan ko sa wika, at kumpara sa mga bagong dating, kaya kong magbahagi tungkol sa mga katotohanan, kaya ibig sabihin noon na isa akong bahagi ng grupo na ’di maaaring palitan. Talagang pinalugod nito ang aking kayabangan. Pero bilang resulta, palagi kong sinusubukang mapanatili ang magandang impresyon ng lahat sa akin. Sa tuwing magtatanong ang isang kapatid, kahit na halatang hindi ko alam ang sagot, magkukunwari akong alam ko.

Naalala ko ’yung isang beses, pumunta ako sa isang grupo para magbahagi tungkol sa pagpapatupad ng isang proyekto. Tinanong ako ng isang kapatid, pero dahil ito ang unang beses kong gagawin ang gawain na ito, hindi ako masyadong sigurado sa mga partikular na prinsipyo at kinakailangan sa pagsasagawa at hindi ko alam kung paano sasagot. Patuloy kong iniisip sa aking sarili: “Kapag sinabi kong hindi ko alam, bababa kaya ang tingin sa akin ng kapatid na ito? Iisipin ba niyang mas matagal na akong naniniwala sa Diyos kaysa sa kanya, pero ni hindi ko masagot ang munting tanong na ito, kung gayon, hindi ko nauunawan ang katotohanan? Nakakahiya naman ’yun. Sasang-ayunan pa rin ba ako ng mga kapatid bilang isang lider? Anumang mangyari, hindi ko puwedeng hayaang malaman ng lahat na hindi ko ito nauunawaan.” Habang isinasaalang-alang ito, nagkunwari akong kalmado at nagbato ng ilang doktrinang nasa isip ko. Masasabi kong hindi siya kuntento sa sagot ko. Sa totoo lang ay medyo nakonsensya ako—hindi ba’t niloloko ko ang kapatid na ito? Pero para hindi mapahiya, hindi ko sinabi sa kanya ang totoo. Isa pang beses, tinanong ako ng isang kapatid kung paano aayusin ang oras para mas maging mahusay sa pagtupad ng mga tungkulin. Sinabi niyang talagang binabagabag siya nito at kailangan talaga niya ng tulong. Hindi ko alam kung paano siya tutulungan nang oras na iyon dahil may ganoon din akong mga problema. Hindi rin ako magaling sa paghawak ng oras ko, at madalas kong nararamdaman na para bang hindi sapat ang oras. Pero kapag hinayaan kong malaman niya na may problema ako na katulad ng sa kanya kahit na ilang taon na akong naniniwala sa Diyos, bababa kaya ang tingin niya sa akin? Iisipin ba niyang hindi ako nakakaunawa nang mas higit sa nauunawaan niya? Hindi ba masisira ang pagkakakilala niya sa akin sa kanyang isip? Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa ilang teorya sa paghawak ng oras, at pinaniwala siyang ginagamit ko rin ang mga ito sa aking pagsasagawa. Wala siyang anumang sinabi pagkatapos noon at hindi ko inalam kung naging kapaki-pakinabang ba sa kanya ang pagbabahagi ko. Natakot akong tanungin niya ako ng mas detalyadong mga tanong, at kung hindi ko masagot ang mga ito, talagang magiging isang kahihiyan iyon para sa akin. Kaya, pahapyaw ko lang tinalakay ang kanyang problema nang ganoon na lang. May mga ilang beses na hindi ganoon kaganda ang sarili kong kalagayan. Sa paggawa kasama ang mga kapatid, nagbunyag ako ng ilang tiwaling disposisyon, pero sa mga pagtitipon, iniwasan kong magsalita nang tapat tungkol sa mga ito. Tungkol lang sa ilang literal na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos ang sinasabi ko at nagbabahagi ng ilang walang saysay na doktrina para isipin nilang naunawaan ko ang katotohanan at may higit akong pananampalataya at tayog kaysa sa kanila. Minsan, pinadalhan ako ng mensahe ng isang kapatid na diniligan ko dati sinasabing hinahanap-hanap niya ang mga pagtitipong dati naming ginagawa. Karaniwan, sa aking mga pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, masasabi ko sa pamamagitan ng kapwa berbal at hindi berbal na komunikasyon na tinitingala at hinahangaan nila ako. Talagang masaya ako at nasisiyahan sa pakiramdam na parang isa akong importanteng tao sa iglesia, at umasa pa nga akong patuloy akong titingalain at susuportahan ng lahat. Minsan, hindi ako mapalagay sa isipin na palagi akong nagpapanggap na isang taong karapat-dapat na hangaan. Dinadala ko ba ang mga tao sa harap ko para sambahin nila ako? Pero paminsan-minsan lang sumasagi sa isip ko ang ideyang iyon; hindi ko ito masyadong pinagtuunan ng pansin.

Isang umaga noong simula ng Oktubre, ako at ang katambal kong kapatid ay tinatalakay ang gawain sa isang lider ng grupo. Pinabanggit ng sister na iyon sa lider ng grupo ang mga problema at pagkukulang na kinahaharap namin sa pagsasakatuparan ng aming tungkulin. Talagang nagulat ako nang sabihin sa akin ng lider ng grupo: “Talagang sinasamba ko kayong mga kapatid na Chinese, lalo na ikaw. Madalas kong iniisip na ang sinasabi mo ay mas importante kaysa sa mga salita ng Diyos. Sa iyo ko lang gustong makinig.” Kumabog ang dibdib ko nang marinig iyon at nagsimulang uminit ang mukha ko. Nagpatuloy siya para sabihing: “Alam kong maling sambahin ang mga tao, pero isang taon na kitang kilala at wala akong nakitang kahit anong mga katiwalian, paghihirap, o kahinaan mo. Naiisip ko na talagang ikaw ay perpekto, walang anumang katiwalian. Hindi ko maiwasang tingalain at hangaan ka.” Nagulat at natakot akong marinig iyon. Wala akong anumang sinabi sa loob ng ilang minuto hanggang sa isinalin ko ang mga komento ng lider ng grupo para sa katambal kong kapatid, nauutal habang ginagawa iyon. Tapos, nagbahagi siya sa lider ng grupo tungkol sa kalagayang kinaroroonan niya. Tumulong lang ako sa pagsasalin dahil hindi ko talaga alam kung anong sasabihin. At nakakailang na natapos lang ng ganoon ang pagtitipon.

Pagkatapos, nanghina ang buo kong katawan. Paulit-ulit kong naririnig ang alingawngaw ng mga salita ng kapatid sa aking isip, lalo na ’yung parteng tungkol sa hindi pagkakita sa aking katiwalian, na mukha akong perpekto at sinasamba niya ako, at na iniisip niyang mas mahalaga ang mga salita ko kaysa sa mga salita ng Diyos. No’ng una, nang walang pagkaunawa sa aking sarili, pakiramdam ko’y ginawan ako ng masama at talagang natakot ako. Naisip kong katawa-tawa ang sinabi niya. Hindi ko hiniling kailanman sa kanyang tratuhin ang mga salita ko bilang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ang katotohanang sinabi niya iyon ay nangangahulugang talagang malala ang kalikasan ng problema? Hindi ba’t dinala ko siya sa harap ko at naging anticristo? Nang hapong iyon, wala akong ibang maisip, kundi paulit-ulit na binabalikan ang sandaling iyon sa utak ko. Humarap ako sa Diyos para magdasal at maghanap: “Diyos ko, nasasaktan at natatakot akong isipin ang sinabi ng kapatid na iyon ngayong araw. Hindi ko naisip kailanman na gano’n ang tingin niya sa akin. O Diyos, hindi ko alam kung paano ako napunta sa ganitong sitwasyon. Hindi ko pa nauunawaan ang sarili ko. Pakiusap, akayin at gabayan Mo ako para maunawaan ang sarili ko. Handa akong magsisi at itigil ang paggawa ng mga bagay na Iyong kinamumuhian.” Isang araw, binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kahit ano pa ang konteksto, saanman siya gumaganap ng kanyang tungkulin, susubukan ng anticristo na magbigay ng impresyon na hindi siya mahina, na lagi siyang malakas, puno ng kumpiyansa, at hindi kailanman negatibo. Hindi niya kailanman ibinubunyag ang kanyang totoong pananaw o totoong saloobin ukol sa Diyos. Sa kaibuturan ng kanyang puso, naniniwala ba talaga siya na wala siyang hindi kayang gawin? Tunay bang naniniwala siya na wala siyang kahinaan, pagkanegatibo, o umaapaw na mga katiwalian? Hinding-hindi. Magaling siyang magkunwari, mahusay sa pagtatago ng mga bagay-bagay. Gusto niyang ipinapakita sa mga tao ang bahagi ng kanyang pagkatao na malakas at marangal; ayaw niyang makita nila ang parte niya na mahina at madilim. Halata naman ang kanyang layunin: Simple lang naman, ito’y upang huwag mapahiya sa harapan ng iba, upang maprotektahan ang puwang na mayroon siya sa puso ng mga tao. Iniisip niya na kung sasabihin niya sa iba ang tungkol sa sarili niyang pagkanegatibo at kahinaan, kung ibubunyag niya ang bahagi ng kanyang pagkatao na mapaghimagsik at tiwali, magiging matinding banta ito sa kanyang katayuan at reputasyon—mas malaking problema pa ito kaysa sa pakinabang na dulot nito. Kaya mas nanaisin pa niyang sarilinin na lamang ang kanyang kahinaan at paghihimagsik. At kung dumating man ang isang araw na makita ng lahat ang bahagi ng pagkatao niya na mahina at mapaghimagsik, dapat siyang magpatuloy sa pagkukunwari; iniisip niya na kung aaminin niyang mayroon siyang tiwaling disposisyon, na isa siyang ordinaryong tao, isang hamak at walang kabuluhang tao, mawawalan siya ng puwang sa puso ng mga tao, at lubos na mabibigo. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi siya maaaring basta-basta na lamang magbukas ng saloobin sa mga tao; anuman ang mangyari, hindi niya maaaring ibigay ang kanyang kapangyarihan at katayuan sa kaninuman; sa halip, pilit siyang makikipagkompitensya sa abot ng kanyang makakaya, at hinding-hindi susuko(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikasampung Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Anong disposisyon iyon kapag ang mga tao ay laging nagpapanggap, laging pinagtatakpan ang kanilang sarili, laging nagkukunwari upang maging mataas ang tingin sa kanila ng ibang mga tao, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag lagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamaganda at pinakaperpektong aspeto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang masamang bagay. … Ang mga hindi nakakakilala sa mga bagay na ito ay hindi binabanggit kailanman ang sarili nilang mga pagkakamali, pagkukulang, at tiwaling kalagayan, ni hindi sila nagsasalita kailanman ng tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili. Ano ang sinasabi nila? ‘Maraming taon na akong naniniwala sa Diyos. Kapag may ginagawa ako, hindi ninyo alam kung ano ang iniisip ko, kung ano ang isinasaalang-alang ko, kung ano ang malamang na gagawin ko!’ Ito ba ay isang mapagmataas na disposisyon? Ano ang pangunahing katangian ng mapagmataas na disposisyon? Ano ang layuning nais nilang makamit? (Na maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ang layunin ng pagsisikap na maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao ay para magkaroon sila ng katayuan sa isipan ng mga taong ito. Kapag may katayuan ka sa isipan ng isang tao, kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya, lagi ka niyang inirerespeto, lagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, binobola ka niya, at hindi ka niya sinasabihan ng anumang bagay na masakit kailanman kundi kinakausap ka niya tungkol sa mga bagay-bagay. Hindi ba kapaki-pakinabang sa iyo, sa katunayan, ang lahat ng ito? Iyon mismo ang hangad ng mga tao. … Ang layunin nila kapag niloloko nila ang mga tao, kapag sila ay nagpapanggap, pinagtatakpan ang kanilang sarili, nagkukunwari, nagpapaganda ng kanilang sarili, upang isipin ng iba na sila ay perpekto, ay ang tamasahin ang mga kaakibat ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo itong mabuti; bakit lagi mong gusto na maging mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Ano ba talaga ang idudulot sa iyo ng katayuan na labis mong hinahangad? Makakabuti iyon sa iyo, dudulutan ka nito ng mga pakinabang at bagay na ikasisiya mo(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ibinunyag ng Diyos na ang mga disposisyon ng mga anticristo ay sadyang mapagmataas at masama. Magbabalatkayo sila anuman ang kapalit para mapanatili ang kanilang katayuan at imahe sa ibang tao. Hindi nila hinahayaan kailanman na makita ng iba ang kanilang katiwalian, kahinaan, o pagiging negatibo, bagkus ay laging naghahangad ng katayuan sa isipan ng mga tao at nagsasaya sa mga pakinabang ng katayuan. Nakita kong ang aking disposisyon ay kapareho ng sa mga antikristo na inilantad ng Diyos. Simula nang ako’y maging isang lider ng iglesia ng bagong mananampalataya, palagi akong nagpapanggap para protektahan ang katayuan at imahe ko, at gustong-gusto ang pakiramdam ng nirerespeto at sinasamba. Tatanungin ako ng mga kapatid sa pag-asang matutulungan ko sila, pero magpapanggap lang akong alam ko ang sagot. Nagbigay ako ng ilang walang saysay na doktrina para lang tantanan nila ako. Minsan, ang tiwali kong disposisyon ay nabubunyag kapag gumagawa ako kasama ang mga kapatid, pero habang nagbabahagian, palagi kong iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa tunay kong kalagayan, takot na mamaliitin ako ng lahat at magtataka kung paanong kasing tiwali pa rin nila ako pagkatapos ng napakaraming taon ng pananampalataya. Halos hindi ako naging bukas kailanman sa aking mga kapatid tungkol sa aking kalagayan o nagsabi ng tunay kong nararamdaman. Bumulalas lang ako ng ilang doktrina para iligaw ang mga tao, nang hindi iniisip kung nakatulong ba talaga ito sa kanilang mga problema o kung kapaki-pakinabang ba sa kanila ang aking pagbabahagi. Gusto ko lang mapanatili ang sarili kong katayuan at ang paghanga ng lahat. Ako’y kasuklam-suklam at masama. Kung palagi akong magpapanggap para lang ’di makita ng mga kapatid ang aking mga katiwalian at pagkukulang, paglipas ng panahon, malamang na titingalain nila akoo. Binalikan ko sa isip ko ang taon na nagdilig ako ng mga baguhan, no’ng ang mga kapatid ay walang alam na kahit ano tungkol sa Diyos, pero humantong na tinitingala at sinasamba ako. Nakita pa nga nilang ang mga salita ko ay mas mahalaga kaysa sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t dinadala ko lang sila sa harapan ko? Hindi ko tinutupad ang aking tungkulin, gumagawa ako ng masama! Lagi akong nagbalatkayo at hinanap ang paghanga ng iba. Pero nang nasa harap ko ang isang kapatid na sinasabi kung paanong tiningala at sinamba niya ako, wala akong naramdamang anumang kaligayahan o kasiyahan. Sa katunayan, nataranta ako at nabalisa, na para bang nagdala lang ako ng kapahamakan sa sarili ko. Sa pagkakitang palagi akong naghahanap ng kasikatan at katayuan, nagpapanggap para hangaan ako ng iba at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan, napagtanto kong wala ako sa tamang landas, kundi nasa landas na laban sa Diyos. Sa wakas ay naunawaan kong ang kapatid na nagsasabi ng mga bagay na iyon ay isang paalala mula sa Diyos, isang babala. Pinoprotektahan ako ng Diyos. Kung hindi, magpapatuloy ako sa pagkukunwari at gagawa para sa katayuan, na napakadelikado.

Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi hinahanap ng ilang tao ang katotohanan, at kapag natanggap na nila ang oportunidad na maging mga lider, kumikilos sila, sa pamamagitan ng iba’t ibang kaparaanan, nagsusumikap at nagsasakripisyo, upang magkaroon ng katayuan. Kalaunan, maaaring magtamo sila ng katayuan, makapanlinlang ng mga tao at maakit ang kanilang puso, upang sambahin sila ng mas maraming tao at maging mataas ang tingin ng mga ito sa kanila. Matapos silang magtamo ng ganap na kapangyarihan, at lubusang maabot ang kanilang hangaring magkaroon ng katayuan, ano ang resulta sa huli? Anumang maliliit na pabor ang ginagamit ng taong iyon para suhulan ang mga tao, gaano man nila ipagyabang ang kanilang mga kaloob at kakayahan, o anumang mga pamamaraan ang ginagamit nila sa panlilinlang ng mga tao para magkaroon ang mga ito ng magandang impresyon sa kanila, at anumang mga paraan ang ginagamit nila para maakit ang puso ng mga tao at magkaroon ng puwang doon, ano ang nawala sa kanila? Nawala sa kanila ang oportunidad na matamo ang katotohanan habang tinutupad ang mga tungkulin ng pamumuno. Kasabay nito, dahil sa iba’t ibang paraan ng kanilang pagkilos, nakagawa rin sila ng kasamaan na magdudulot ng kanilang pinakahuling kahihinatnan. Kapag titingnan mo ito ngayon, masasabi mo ba na magandang tahakin ang landas ng paggamit ng maliliit na pabor o pagyayabang o panlilinlang sa mga tao gamit ang mga ilusyon, sa kabila ng maraming kapakinabangan at malaking kasiyahang maaaring matamo sa panlabas ng taong nagpapatupad sa mga kaparaanang ito? Ito ba ay isang landas ng paghahanap sa katotohanan? Ito ba ay isang landas na maaaring maghatid ng kaligtasan sa tao? Napakalinaw na hindi. Ang mga pamamaraan at panlolokong ito, gaano man nakatago sa iba o hindi mahalata ang mga ito, at gaano man katalino ang pagkakabuo sa mga ito, ay kinokondena at kinasusuklamang lahat ng Diyos sa huli, dahil nakatago sa likod ng mga kilos na iyon ang personal na ambisyon at ang isang uri ng saloobin at diwa ng paghahangad na labanan Siya. Sa kaibuturan, siguradong hindi kikilalanin ng Diyos ang taong iyon kailanman bilang taong tumutupad sa kanyang tungkulin, at sa halip ay tatawagin siyang masamang tao. Ano ang konklusyon ng Diyos kapag hinaharap Niya ang masasamang tao? ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan!’ Nang sabihin ng Diyos na, ‘Magsilayo kayo sa Akin,’ pinapupunta Niya ang mga tao kay Satanas, kung saan naninirahan si Satanas, at ayaw na Niya sa kanila. Ang ibig sabihin ng ayaw na Niya sa kanila ay hindi Niya sila ililigtas. Kung hindi ka kasama sa kawan ng Diyos, lalo nang hindi isa sa Kanyang mga tagasunod, kung gayon ay hindi ka kasama sa mga ililigtas Niya. Ganito ang pagtukoy sa gayong tao(“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Lubos akong natakot matapos kong mabasa ito. Nararamdaman kong hindi pahihintulutan ng disposisyon ng Diyos ang paglabag. Palagi akong nagkukunwari para dayain at iligaw ang mga tao para maging sikat. Sa totoo, gusto kong palitan ang Diyos sa puso ng mga tao, para itrato nila akong tulad ng Diyos. Nakikipagpaligsahan ako sa Diyos, isang bagay na lubos na pagkakasala sa Kanya. Habang binabalikan ang taong iyon ng pakikisalamuha sa mga kapatid, araw-araw akong nagkukunwari. Walang sinumang nakakaunawa talaga sa kung anong klaseng tao ako, ipinagpapalagay nila na ako’y nakakaunawa ng katotohanan, may tayog at walang mga katiwalian. Pikit-mata nila akong sinamba. Sa panlilinlang at panloloko ng mga tao, gumagawa ako ng masama at nilalabanan ang Diyos. Ipinapaalala nito sa akin ang mga Fariseo, na naglingkod sa Diyos pero hindi Siya kailanman dinakila o nagpatotoo sa Kanya. Walang-tigil silang nagsalita sa templo at nagpakitang-gilas sa pamamagitan ng pagsasabi ng ilang doktrina at kaalaman sa Kasulatan. Sinadya nilang tumayo sa daan para magdasal at ginawang mas malapad ang kanilang mga pilakteri at mas mahaba ang mga palawit ng kanilang mga damit. Mukha silang relihiyoso at may maraming magandang pag-uugali, at sila’y lubos na iginalang ng mga tao, lahat ay tiningala at sinamba sila. Pero ang Diyos, na kinokondena sila bilang mga gumagawa ng masama at tulad ng ahas, ay pinatawan sila ng pitong kapahamakan. Ang Diyos ay may matuwid at banal na disposisyon, at hindi pahihintulutan ang anumang paglabag laban sa Kanyang disposisyon. Kinamumuhian at kinokondena Niya ang mga ipokritong nananabik sa kasikatan tulad ng mga Fariseo. Ganap Niyang hindi inililigtas ang mga taong tulad noon. Ang lahat ng ginawa ko noon ay tulad ng sa mga Fariseo. Dumalo ako sa maraming pagtitipon at tinapos ang ilang gawain habang tinutupad ang aking tungkulin, pero ang mga layunin ko ay hindi para mapalugod ang Diyos, kundi para protektahan ang sarili kong katayuan at imahe sa mga tao. Palagi akong nagpapanggap na talagang naiintindihan ko ang katotohanan at lubos na nauunawaan ang mga bagay-bagay. Iniwasan ko pa ngang pag-usapan ang mga kahinaan at katiwalian ko para hangaan ako at sambahin ng iba, at ang resulta ay dinala ko ang mga tao sa harap ko. Kung ipinagpatuloy ko ang pagpapanggap at pagtahak ng parehong landas ng sa mga Fariseo, itinaboy at inalis sana ako ng Diyos. Ang makitang kinokondena at inaalis ng Diyos ang ganoong klase ng mga tao ay talagang tinakot ako. Sinisi ko ang sarili ko at napuno ako ng pagsisisi. Itinaas ako ng Diyos sa isang pang-lider na posisyon, umaasang didiligan at susuportahan ko ang mga baguhan, gagabayan ang mga kapatid para mabilis na maunawaan ang katotohanan at maglalatag ng pundasyon sa tunay na daan. Pero hindi ko ginawa nang maayos ang trabaho ko, hindi ko isinakatuparan ang mga tungkulin ko bilang lider. Pinanghawakan ko lang ang katayuan ko. Hindi ko tinutulungan ang mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay, kundi sa totoo’y nililinlang at pinipinsala ko sila. Sobra akong kasuklam-suklam, walang-walang konsensya o katwiran. Habang lalo ko itong iniisip, mas nakakaramdam ako ng pagsisisi. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at nagdasal sa Kanya: “O Diyos ko, hindi ko hinanap ang katotohanan sa pagtupad ng aking tungkulin, sa halip ay maling landas ang sinundan ko, hinahabol ang kasikatan at katayuan. Talagang ginawa kong kasuklaman at kamuhian Mo ako. Diyos ko, ayoko nang magpatuloy nang ganito. Gusto ko nang magsisi at magbago. Nagdarasal ako sa Iyo para sa pamumuno at patnubay.”

May nakita akong ilang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan: “Una, dapat mong maunawaan kung ano ang tunay na nilikha: Ang isang tunay na nilikha ay hindi isang mahigit pa sa tao, kundi isang tao na nabubuhay nang matuwid at mapagkumbaba sa mundo at hindi katangi-tangi sa anumang paraan. Anong ibig sabihin ng pagiging hindi katangi-tangi? Nangangahulugan ito na gaano ka man katangkad o gaano ka man kataas lumundag, nananatili ang katunayan na ang iyong aktwal na taas ay hindi magbabago, at wala kang katangi-tanging galing. Kung nais mong laging lampasan ang iba, ang mailuklok nang mataas sa iba, bunga ito ng iyong mapagmataas at maka-Satanas na disposisyon, at ito ay kahibangan mo. Ang totoo’y hindi mo ito matatamo, at imposible para sa iyo na magawa ito. Hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong talento o kasanayan, at hindi ka rin Niya binigyan ng ganoong diwa. Huwag mong kalimutan na ikaw ay isang normal at karaniwang kasapi ng sangkatauhan, hindi naiiba sa iba sa anumang paraan, bagama’t ang iyong anyo, pamilya, at ang dekada ng iyong pagsilang ay maaaring naiiba, at maaaring may mga pagkakaiba sa iyong mga talento at kaloob. Ngunit huwag mong kalimutan ito: Gaano ka man naiiba, ito ay nasa ganitong maliliit na bagay lamang, at ang iyong tiwaling disposisyon ay katulad ng taglay ng iba, at ang mga prinsipyo, layunin, at oryentasyon na dapat mong panghawakan sa pagtupad ng iyong tungkulin ay katulad ng taglay ng iba. Tanging sa kanilang mga kalakasan at kaloob nagkakaiba ang mga tao(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Napagtanto ko mula sa mga siping ito na isa lang akong pangkaraniwang nilikha, katulad ng iba. Umaasa ang Diyos na magagawa kong manatili sa aking kinalalagyan at kumilos nang tapat habang masigasig na tinutupad ang sarili kong tungkulin. Binigyan ako ng Diyos ng partikular na mga katangian at kasanayan sa wika. Dapat kong ipagpasalamat ang mga ito sa Diyos at gamitin ang mga ito para tuparin ang tungkulin ko. Bagkus ginamit ko ang mga bagay na ito bilang puhunan para makaungos. Malinaw na isa akong tiwaling tao na puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas. Pero sinubukan ko ang lahat para itago ang mga katiwalian at pagkukulang ko, nagpapanggap bilang isang perpektong tao para hangaan at sambahin ako ng iba. Napagtanto kong ang hinahangad ko ay mapagpaimbabaw at nakakahiya. Ito’y karima-rimarim sa tao at kasuklam-suklam sa Diyos. Palagi akong nagpapanggap, itinatago ang aking mga katiwalian, pero kahit na hindi ito nahahalata ng ibang tao, ang mga katiwaliang iyon ay parte pa rin ng pagkatao ko, kaya, hindi ba’t nililinlang ko rin ang sarili ko tulad ng iba? Kung hindi ko kailanman bubuksan ang sarili ko para hanapin ang katotohanan, ang mga tiwaling disposisyon na iyon ay ’di malulutas kailanman. Hindi lang ako nagdusa sa sarili kong buhay, iniligaw at nilinlang ko pa ang ibang tao. Hindi ba’t para ko na ring binaril ang sarili ko sa paa? Ang pagkukunwari at panlilinlang ay malinaw na isang hindi magandang landas.

Isang beses sa isang pagtitipon, binasa namin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos at nahanap ko ang landas para sa pagsasagawa. “Ang ibig sabihin ng ‘pagbabahagi at pagniniig ng mga karanasan’ ay ang pagsasabi ng bawat kaisipang nasa iyong puso, ng iyong kalagayan, ng iyong mga karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos, at ng tiwaling disposisyong nasa loob mo, at pagkatapos ay pagpapahintulot sa ibang makita ang mga iyon, tanggapin ang mga positibong bahagi, at makilala ang negatibo. Ito lamang ang pagbabahagi, at ito lamang ang tunay na pakikipagniig(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Upang mapalaya ang sarili mo mula sa kontrol ng katayuan, kailangan mo muna itong tanggalin sa iyong mga layunin, iyong mga saloobin, at iyong puso. Paano ito nakakamit? Dati-rati, noong wala kang katayuan, hindi mo papansinin ang mga hindi kaakit-akit sa iyo. Ngayong mayroon ka nang katayuan, kapag nakakita ka ng sinumang taong gayon, dapat kang gumugol ng dagdag na oras sa pagbabahagi sa kanila—dapat ay kabaligtaran ka nila. Dapat kang gumugol ng mas maraming oras sa paghahayag ng nilalaman ng iyong puso sa mga tao, na inilalantad ang sarili mo, ibinabahagi ang iyong mga problema at kahinaan, kung paano mo sinuway ang Diyos, at kung paano ka nakalaya mula rito, at paano mo nagawang tuparin ang kalooban ng Diyos. Laging iniisip ng ilang tao na kapag may katayuan ang mga tao, lalo silang dapat umasta na parang mga opisyal, na seseryosohin at igagalang lamang sila ng iba kung magsasalita sila sa isang partikular na paraan. Kung matatanto mong mali ang ganitong paraan ng pag-iisip, dapat kang manalangin sa Diyos at talikuran ang mga bagay na makalaman. Huwag mong tahakin ang landas na iyon. Kapag may saloobin kang kagaya ng mga ito, dapat kang kumawala sa kalagayang iyon, at huwag pahintulutan ang iyong sarili na maipit dito. Sa sandaling maipit ka rito, at magkaanyo ang mga saloobin at pananaw na iyon sa loob mo, magbabalatkayo ka, babalutin mo ang iyong sarili, gagawin pa ito nang napakahigpit, upang walang sinuman ang makakakita pa sa iyo, o magkakaroon ng pandama sa iyong puso at isip. Makikipag-usap ka sa iba na para bang nasa likod ng isang maskara. Hindi nila magagawang makita ang iyong puso. Dapat matuto kang hayaan ang ibang tao na makita ang laman ng iyong puso, magtapat ng saloobin sa mga tao at maging mas malapit sa kanila. Dapat mong layuan ang mga hilig ng laman—at talagang wala namang mali rito; pwede rin naman itong maging landas. Anuman ang mangyari sa iyo, dapat mo munang pagnilay-nilayan ang mga problema sa sarili mong pag-iisip. Kung ang hilig mo pa rin ay magpanggap o magkunwari, dapat kang manalangin sa Diyos agad-agad: ‘O Diyos! Nais kong muling magbalatkayo, at muli na naman akong makagagawa ng mga pakana at panlilinlang. Tunay akong isang diyablo! Ginagawa Kitang mamuhi sa akin nang labis! Nasusuklam ako sa aking sarili sa kasalukuyan. Mangyaring disiplinahin ako, sisihin ako, at parusahan ako.’ Dapat kang manalangin at ilabas sa liwanag ang iyong saloobin. Sangkot dito kung paano ka nagsasagawa(“Para Malutas ang Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao, Dapat na Mayroon Siyang Tiyak na Landas ng Pagsasagawa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ang mga salita ng Diyos ay mas lalo akong binigyang-liwanag. Ang pag-alis sa pagkaalipin sa kasikatan at katayuan ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng katotohanan at pagiging tapat na tao. Kailangan nating ibunyag ang ating puso at magtapat sa mga kapatid tungkol sa ating mga katiwalian at pagkukulang para ipakita sa lahat ang ating totoong sarili. Kapag nagtatanong ang iba, kailangan nating sumagot nang ayon sa ating makakaya at maging tapat kapag hindi natin nauunawaan ang isang bagay, para lahat tayo’y maaaring hanapin ang katotohanan nang sama-sama. Sa pamamagitan ng mas lalong pagsasagawa nito, unti-unti nating mapapalaya ang mga sarili natin mula sa pagkaalipin sa kasikatan at katayuan. Nang sandaling iyon naisip ko na dapat akong magtapat sa iba at ibunyag sa kanila kung paano ako nagpanggap. Pero nagtalo ang loob ko tungkol sa kung anong mangyayari kung magtatapat ako nang ganoon: “Kapag sinabi ko sa kanila ang tunay kong disposisyon, anong iisipin ng lahat? Mamaliitin kaya nila ako?” Lalo tuloy akong kinabahan. Napagtanto kong sinusubukan ko lang na magkunwari ulit, kaya nagdasal ako sa Diyos sa puso ko. Inisip ko kung paanong palagi kong inaalala dati kung anong tingin sa akin ng iba at ’di isinaalang-alang kailanman kung anong hinihingi ng Diyos sa akin. Nagpasya akong titigilan ko nang iwasan ang kahihiyan at protektahan ang aking katayuan. Kailan kong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao, nagtatapat sa lahat at inilalantad ang aking mga sariling katiwalian para ipaalam sa kanilang isa akong tiwaling tao, at ’di karapat-dapat sa gano’ng paghanga. Mas kumalma ako matapos kong isipin ang mga bagay sa ganoong paraan, at nagbahagi ako sa kung paanong, para protektahan ang aking reputasyon at katayuan, ay itinago ko ang sarili kong mga katiwalian at pagkukulang. Ibinahagi ko rin kung anong natutunan ko tungkol sa mga panganib ng paghahangad ng katayuan para matuto ang mga kapatid mula sa aking mga kabiguan. Matapos magbahagi, nakaramdam talaga ako ng kapayapaan at kalayaan, at sinabi ng iba na talagang nakinabang sila mula rito. Tunay ko ring naramdaman ang kapayapaan at kasiyahan ng pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang tapat na tao. Ngayon kapag kasama ko ang mga kapatid, binubuksan ko ang puso ko sa pagbabahagi sa kanila at pinag-uusapan kung paano ibinubunyag ng iba’t-ibang sitwasyon ang aking mga katiwalian, kung paano ko napagtantong mayroon ako ng mga ito, at kung paano ko hinanap ang katotohanan. Kapag hindi ko alam ang paraan para sa pagsasagawa sa sandaling iyon, tapat kong sinasabi nang hindi isinasaalang-alang kung anong iisipin nila sa akin. Kapag tinutupad ko ang aking tungkulin kasama ang mga kapatid, sadya akong nagtatapat tungkol sa mga bagay na nagpapalito sa akin o mahirap para sa akin. Ipinapaalam ko rin sa kanila ang tungkol sa mga bagay na ’di ko nauunawaan o ’di kayang gawin at hinihimok silang magbigay ng mga mungkahi at mag-ambag para maaari kaming matutong lahat sa isa’t isa. Unti-unting nakaya ng mga kapatid ang pasanin ng kanilang tungkulin at nagsimulang magnilay sa mga katiwaliang kanilang ibinunyag, at pagkatapos ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos para makilala ang kanilang sarili. Habang nakikita ang lahat ng ito, paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko. Mula sa karanasang ito, lubos kong naramdaman na ang pinakaimportanteng bahagi ng pagiging isang nilikha ay pagiging isang tapat na tao, isinasakatuparan ang ating tungkulin sa abot ng ating makakaya, at pagiging tapat sa Diyos at sa ibang tao. Ito lang ang paraan na makikinabang ang ibang tao at mapapatibay ng kung anong ating isinasabuhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagsubok ng Isang Hambingan

Ni Xingdao, South Korea“Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon...