Isang Espesyal na Karanasan ng Pagdidisiplina

Enero 25, 2023

Ni Xiao Han, Tsina

Dati, may matindi akong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, at may mga nagawa pa akong nakasakit sa mga kapatid dahil sa inggit. Kalaunan, dinisiplina ako sa isang espesyal na paraan na sa wakas ay nagpamulat sa akin at nagpabago.

Noong 2019, tekstuwal na gawain sa iglesia ang ginagawa ko. Isang araw, isinaayos ng superbisor na pumunta si Sister Wang Qin at magtrabaho kasama namin. Dahil matagal ko nang ginagawa ang gawaing ito at nakabisado ko na ang ilang prinsipyo, hiniling sa akin ng superbisor na tulungan siya. Sinabi rin ng superbisor ko na may isang iglesia na kulang sa mga tekstuwal na manggagawa, kaya kung malilinang si Wang Qin, pwede siyang pumunta sa iglesiang iyon para gampanan ang kanyang tungkulin doon. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Kung gayon, kailangan kong sanayin si Wang Qin sa lalong madaling panahon.” Kaya, sinimulan kong matiyagang tulungan siya. Anuman ang mga problema at paghihirap na naranasan niya sa kanyang tungkulin, nakipagbahaginan ako sa kanya sa tamang oras para matulungan siyang lutasin ang mga ito, at unti-unting umusad si Wang Qin. Noong una, masaya akong makita ang kanyang paglago, pero kalaunan, nakita kong napakabilis ng pag-usad niya. Minsan, nakakahanap lang ako ng ilang pangunahing problema sa gawain, pero nakakahanap siya ng mga kritikal na isyu, at ang ibang sister sa grupo ay sumasang-ayon din sa kanyang mga pananaw. Sa panahong ito, medyo hindi ako komportable. Napaisip ako, “Napakabilis niyang umusad. Sa takbo nito, siguradong malalampasan niya ako. Sino na ang titingala sa akin pagkatapos nito?” Napansin ko rin kung ga’no kaespesyal si Wang Qin sa superbisor. Sa tuwing pumupunta ang superbisor sa grupo, kadalasan ay hinihiling nitong magbahagi si Wang Qin, at madalas nitong pinupuri siya sa harap ko dahil sa kanyang mahusay na kakayahan at mabilis na pag-usad, pero hindi ko magawang matuwa para sa kanya. Naisip ko, “Hay naku! Ngayon hindi na ako pinapansin o hinahangaan ng superbisor at mga katuwang ko tulad ng dati. Nakita nila kung gaano kalaki ang pag-usad ni Wang Qin mula nang dumating siya. Matagal na ako sa grupo, pero hindi ako umuusad nang kasingbilis niya. Sa tingin ba nila’y mas mababa ang kakayahan ko kaysa kay Wang Qin?” Habang lalo kong inisip, mas lalo akong naging miserable, hanggang sa puntong galit kong naisip, “Talagang umusad nang husto si Wang Qin, pero sa likod nito, kinailangan ng isang tao na maglaan ng oras at lakas para tulungan siya. Ngayong kilala na siya, may makakapansin ba sa akin, ako na tumulong sa kanya? Bakit dapat akong manatili lang sa likuran niya?” Habang lalo ko itong iniisip, mas lalong sumasama ang loob ko. Ni ayaw kong tingnan si Wang Qin. Alam kong mali ang kalagayan ko at na naiinggit ako sa sister ko. Minsan pinipigilan ko ang sarili ko, pero hindi ko pa rin maiwasang makipagkumpitensya sa kanya, at ayaw ko na ngang makipag-usap pa sa kanya.

Naalala ko minsan, nakita ko ang ilang problema sa gawain ni Wang Qin, kaya tumulong akong lutasin ang mga ‘to. Pagkatapos, sinabi ng superbisor na ang gawain ni Wang Qin ay nagawa nang maayos at na nakagawa siya ng pag-usad kamakailan. Dahil dito, naiinggit ang mga tingin na ipinukol sa kanya ng mga katuwang ko. Pagkatapos ng sinabi ng superbisor, nadismaya ako. Naisip ko, “Hindi ba’t ang maayos niyang gawain ay dahil sa tulong ko? Malinaw na ako ang may gawa nito, pero ngayon ang lahat ay tumitingala at naiinggit sa kanya.” Habang mas iniisip ko iyon, mas lalo akong ‘di natutuwa. Hindi ko maiwasang sisihin si Wang Qin. Malinaw na lumago siya nang husto dahil sa tulong ko. Noong nasa masamang kalagayan siya, naghanap ako ng mga bahagi ng salita ng Diyos para ipagbahaginan sa kanya. Ipinaliwanag ko sa kanya ang mga bagay noong hindi siya pamilyar sa mga prinsipyo. Nagbayad ako ng gano’n kalaking halaga para suportahan siya, kaya paanong hindi niya sinasabi sa superbisor ang tungkol dito? Naisip ko, “Mukhang hindi na kita matutulungan, dahil baka mahihigitan mo ako. Tapos mawawalan na ako ng kahit kaunting puwang sa puso ng superbisor o ng mga kapatid.”

Pagkatapos n’on, ‘pag nakakahanap ako ng mga pagkakamali sa gawain niya, hindi ako nakikipagbahaginan sa kanya sa mga prinsipyo, at hindi ko siya kinakausap tungkol sa mga bagay na hindi niya nauunawaan. Pumupunta lang ako sa kabilang kuwarto at hindi siya pinapansin. Ginagawa ko ito para ipakita sa superbisor na ang pag-usad ni Wang Qin ay dahil lahat sa pagsisikap ko, at na kung wala ang tulong ko at pagbabahaginan, hindi siya makakarating kung nasa’n siya ngayon. Naalala ko minsan, noong papunta ako sa ibang kuwarto para ‘di siya pansinin, nakita ko siya mula sa gilid ng mata ko, at nakita ko sa mga mata niya na nasasaktan siya. Para itong martilyo na pumukpok sa puso ko. Alam kong kumikilos ako mula sa isang tiwaling disposisyon, at dapat kong talikdan ang sarili ko, pero naisip ko kung gaano karaming pagsisikap at oras ang ginugol ko, paanong sa huli, ninakaw niya ang atensyon at papuri, at kung paanong madalas siyang pinupuri ng superbisor. Pakiramdam ko’y talagang hindi patas ang lahat at nawala ang kaunting paninising naramdaman ko. Hindi nagtagal, lalo siyang nanlumo dahil pakiramdam niya’y napipigilan ko siya, tumigil siya sa pag-usad, at nagsimula pa ngang umurong. Noong panahong ‘yon, hindi makapagtrabaho nang maayos si Sister Liu Siyu sa grupo kasama si Wang Qin, at nagkaroon ng kaunting maling palagay laban sa kanya. Nang makita ni Siyu na humina ang pagkaepektibo ni Wang Qin, naghinala siyang hindi angkop si Wang Qin sa tekstuwal na gawain. Nang sinabi niya sa akin ito, bukod sa hindi ko itinama ang kanyang maling palagay, lihim pa akong natuwa. Naisip ko, “Ngayon sa wakas ay nakikita na ng lahat ang tunay na tayog ni Wang Qin. Paano niya matatanggap ang napakaraming papuri kung hindi ko siya tinulungan noon?” May pahiwatig sa tonong sinabi ko kay Siyu, “Kailangan nating magkaroon ng mapagmahal na puso. Isinaayos si Wang Qin na magtrabaho kasama natin, kaya wala tayong magagawa. Kailangan lang nating sumunod.” Pagkatapos kong sabihin iyon, hindi lamang nanatili ang kanyang maling palagay kay Wang Qin, kundi lalo pang lumalim. Inisip niyang si Wang Qin ang nakaantala sa gawain at dahilan kaya hindi gaanong epektibo ang tungkulin namin. Minsan, kapag nakakausap niya si Wang Qin, napaka-agresibo niya at itinutulak niya ito palayo. Lalong napipigilan si Wang Qin at hindi gaanong nagsasalita. Medyo batid ko na, na ang sinabi ko’y nagpalala sa maling palagay sa pagitan ng mga sister, at medyo natakot ako, pero kapag naiisip ko kung paanong natanggap ni Wang Qin ang lahat ng atensyon at pagsang-ayon, hindi na ako nag-aalala. Dahil sa kawalan namin ng kakayahang magtulungan, lalo kaming naging hindi gaanong epektibo sa mga tungkulin namin. Nakipagbahaginan sa amin ang superbisor at sinabihan kaming magnilay sa aming mga saloobin sa tungkulin namin. Nahaharap sa sitwasyong ito, medyo nakonsensya ako. Sa totoo lang, ang kailangan ko lang gawin ay bitawan nang kaunti ang mga personal kong interes, itigil ang pagbibigay ng labis na atensyon sa katayuan ko sa puso ng iba, at makipagtulungan sa lahat para makapagpatuloy nang normal ang gawain. Pero nang maisip ko kung paano ako nagbayad ng ganoong halaga ngunit walang nakaalam tungkol dito, masyadong sumama ang loob ko, at ayaw ko pa ring pansinin si Wang Qin.

Hindi nagtagal, inaresto ako ng mga pulis sa isang pulong. Sa simula, naisip ko na ang Partido Komunista ay isang demonyong lumalaban sa Diyos, at na kung naniniwala ka sa Diyos sa China, madadakip ka sa malao’t madali, kaya hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Pero hindi ko maalis ang pakiramdam na ang pagdakip na ito ay hindi lamang pag-uusig, at na nilalaman nito ang kalooban ng Diyos. Naisip ko, “Bakit ako bigla na lang hinuhuli? Nagkasala ba ako sa Diyos sa kung anong paraan at napala ang pagdidisiplina Niya?” Kaya, tahimik akong nanalangin sa Diyos. Habang naghahanap ako, naalala ko ang isang patotoo sa karanasan na nabasa ko. Dahil ang may-akda ay naghangad ng katayuan at ginustong hangaan, at nagmatigas na tumahak sa maling landas, nakagawa siya ng kasamaan na nakagambala sa gawain ng iglesia. ‘Di nagtagal, inaresto siya at inusig. Habang nakakulong, nagnilay siya sa kanyang sarili at natantong ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para pigilan siya sa paggawa ng masama. Kalaunan, nalaman niya ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanyang paghahangad ng katanyagan at katayuan at binago ang kanyang mga maling pananaw sa paghahangad. Ngayon, naaresto ako. Hindi kaya natatanggap ko ang disiplina ng Diyos dahil maling landas ang tinahak ko? Hindi ko maiwasang maalala ang nangyari sa tungkulin ko. Malinaw kong alam na ang iglesia ay nangangailangan ng tekstuwal na talento, pero para pigilan si Wang Qin na malampasan ako, nanood lang ako at hindi tumulong habang siya ay nagiging pasibo, lubusang binalewala ang gawain ng iglesia, at dahil dito, nahadlangan ang tekstuwal na gawain. Habang iniisip ito, hindi ko maiwasang makaramdam ng sakit at lungkot. Tanong ko sa sarili ko, “Noon, ginugol ko ang mga araw sa paghahangad ng katanyagan at katayuan at pag-iisip kung paano makamit at mapanatili ang mga ito. Ngayong naaresto ako, mapapalakas ba ng katanyagan at katayuan ang pananampalataya ko? Malulutas ba nito ang kaduwagan ko? Matutulungan ba ako nitong tumayong saksi? Ano ang silbi ng katanyagan at katayuan?” Bigla kong natanto na ang palagi kong paghahangad ng katanyagan at katayuan ay nauwi sa walang iba kundi isang biro lang. Nakaramdam ako ng labis na pagsisisi, kaya’t may luha ang mga mata na nanalangin ako sa Diyos, sinasabing, “Diyos ko, hindi ko dapat hinangad ang katanyagan at katayuan. Nawala ko ang mga pagkakataong hangarin ang katotohanan. Kung magkakaroon ako ng pagkakataong gawing muli ang tungkulin ko, ayaw ko nang maghangad ng reputasyon at katayuan.” Naawa ang Diyos sa kahinaan ko. Hindi nagtagal, nabalitaan ng mga magulang ko ang pag-aresto sa akin, at pagkatapos magbayad ng 140,000 RMB na piyansa habang nakabinbin ang paglilitis, pinalaya ako.

Pagkauwi ko, paulit-ulit kong binasa ang salita ng Diyos at pinagnilayan ko ang sarili ko. Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Kung ikaw ay palaging nanggagambala, nang-aabala, at nangwawasak pagdating sa mga bagay na nais pag-ingatan ng Diyos, at kung palagi mong hinahamak ang mga ito at mayroon kang sariling mga kuru-kuro at mga saloobin, ipinahihiwatig nito na gusto mong makipagtalo sa Diyos, na hindi pumanig sa Kanya. Hindi mo pinahahalagahan ang gawain at mga interes ng Kanyang sambahayan. Palagi mong sinusubukang pahinain ito, palagi mong nais na maging mapangwasak, o palagi kang umaasa na magsamantala, manloko, at magdispalko. Kung ganito ka, hindi ba’t mapopoot ang Diyos sa iyo? (Mapopoot Siya.) At ano ang kinahihinatnan ng poot ng Diyos? (Kaparusahan.) Isa itong katiyakan. Hindi ka patatawarin ng Diyos; siguradung-sigurado na hindi ka Niya patatawarin. Ito ay dahil pinahina at pininsala ng mga bagay na ginawa mo ang gawain ng iglesia, sumalungat ang mga ito sa gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos, malaking kasamaan ang mga ito, mga kumalaban sa Diyos at isang direktang paglabag sa disposisyon ng Diyos—kaya paanong hindi mapopoot ang Diyos sa iyo? Kung hindi handa ang ilang tao na gawin ang isang trabaho dahil sa mahinang kakayahan, at hindi sinasadyang nagdulot sila ng ilang pagkagambala at pang-aabala, maaari itong mapatawad. Gayunman, kung naiinggit at nakikipagtalo ka para sa sarili mong mga interes, at sadya kang gumagawa ng ilang bagay na gumagambala, umaabala, at sumisira sa gawain ng Diyos, sadya kang nakagawa ng mga kasalanan. Malalabag nito ang disposisyon ng Diyos. Kaaawaan ka ba Niya? Ibinuhos ng Diyos ang lahat ng Kanyang dugo, pawis, at luha dito mismo sa gawain ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Kung gagawa ka nang laban sa Kanya, at sadyang pipinsalain ang mga interes ng Kanyang sambahayan at hahangarin ang sarili mong mga interes kapalit ng mga interes ng Kanyang sambahayan, naghahangad ng personal na kasikatan at katayuan, hindi inaalala ang tungkol sa pagkawasak ng gawain ng iglesia o nagsasanhi na hadlangan o wasakin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at nagdudulot pa nga ng malaking pagkalugi sa mga materyales at pananalapi ng sambahayan ng Diyos, sa tingin mo ba ay dapat patawarin ang isang taong tulad mo? (Hindi.) … Dahil sa iyong panggugulo, panggagambala at pangwawasak, o dahil sa iyong kawalang-ingat o kapabayaan sa iyong mga tungkulin, o dahil sa iyong mga makasariling hangarin at alang-alang sa paghahangad sa sarili mong mga interes, nagdulot ka ng mga kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, mga interes ng iglesia, at sa iba’t iba pang mga aspeto, at nagdulot ka pa nga ng matinding pagkagambala at pagkawasak sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, sa mga pahina ng iyong aklat ng buhay, paano dapat timbangin ng Diyos ang kahihinatnan mo? Ano ang dapat Niyang maging konklusyon tungkol sa iyo? Kung tutuusin, dapat kang parusahan; ito ang tinatawag na matanggap ang nararapat sa iyo. Ano ang nauunawaan ninyo ngayon? Ano ang mga interes ng mga tao? Sa totoo lang, ang mga iyon ay walang iba kundi labis-labis na hangarin; sa madaling salita, puro tukso ang mga iyon, puro huwad, at pawang mga pang-aakit ni Satanas para tuksuhin ang mga tao. Ang paghahangad sa iyong sariling kasikatan, katayuan, at mga interes ay nangangahulugan ng pagiging kasabwat sa masasamang gawain ni Satanas; nangangahulugan iyon ng paglaban sa Diyos. Para mahadlangan ang gawain ng Diyos, nilikha ni Satanas ang lahat ng uri ng sitwasyon para tuksuhin, guluhin, at lituhin ang mga tao, para mahadlangan sila sa pagsunod sa Diyos, at upang hindi nila magawang sundin ang Diyos, at sa halip, makipagtulungan sila kay Satanas at sundin si Satanas, na sadyang gumugulo at sumisira sa gawain ng Diyos. Paano man nagbabahagi ang Diyos tungkol sa katotohanan, hindi sila natatauhan. Paano man sila pinupungusan at iwinawasto ng sambahayan ng Diyos, hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hinding-hindi sila masunurin sa Diyos, at sa halip ay lubos na ginagawa ang mga bagay-bagay sa sarili nilang kusa, ginagawa ang gusto nila. Dahil dito, ginugulo at sinisira nila ang gawain ng iglesia, nagsasanhi na labis na maapektuhan ang pag-usad ng bawat tungkulin ng gawain ng iglesia, at nagsasanhi ng malaking kawalan sa pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos. Napakabigat ng kasalanang ito na tiyak na parurusahan sila ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nanginginig ako sa takot. Ramdam kong hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Lalo na no’ng nakita kong sinabi ng Diyos na hindi Niya kailanman pinapatawad ang mga nakikipagpaligsahan sa Kanya at binabalewala ang gawain ng sambahayan ng Diyos para maprotektahan ang kanilang sariling mga interes, at na ang mga lubhang lumalabag ay parurusahan ng Diyos, nadama ko ang matinding kirot sa puso ko. Naisip kong sa lahat ng mga taong ito sa tungkulin ko, ginabayan ako ng Banal na Espiritu, at sinuportahan at tinustusan ako ng salita ng Diyos. Kahit na matindi akong tinabas o iwinasto, para rin ito dalisayin at baguhin ako. Natamasa ko ang labis na pagmamahal mula sa Diyos, at dapat kong gawin nang mabuti ang tungkulin ko para suklian Siya. Nang isaayos ng superbisor na tulungan ko si Wang Qin, dapat ginawa ko ang aking makakaya, pero hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at wala akong pakialam sa gawain ng iglesia. Ginugol ko ang lahat ng oras ko sa pagkainggit at pakikipaglaban sa iba. Lalo na nang makita ko ang mabilis na pag-usad ni Wang Qin, at nang makita kong nakuha niya ang pagsang-ayon ng superbisor at ng mga katuwang namin, nainggit ako at nagalit, kaya ginawa ko ang mga bagay nang parehong hayagan at palihim para saktan siya. Malinaw kong alam na marami pa ring bahagi ng prinsipyo ang hindi niya naunawaan, pero hindi ako nagbahagi tungkol sa mga ‘to para gabayan siya. Nang makita ko siyang nasa masamang kalagayan, hindi ako nag-alok ng suporta o tulong. May mga maling palagay at mapamintas na opinyon si Siyu kay Wang Qin, pero sa halip na lutasin ang mga ito, natuwa ako rito, at sadyang pinalaki pa ang isyu gamit ang mga salita ko. Dahil dito, lumalim ang maling palagay ni Siyu kay Wang Qin. Dahil ibinukod si Wang Qin, naging miserable siya, nanlumo, at hindi nagawa nang normal ang kanyang tungkulin. Kung iisipin ang ginawa ko kay Wang Qin, at ang lahat ng pinsala at pasakit na dinala ko sa kapatid, paano ko masasabing meron akong anumang pagkatao? Sa pamamagitan ng paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita na naiinggit ako kay Wang Qin. Ayokong makitang nahihigitan niya ako, at ayokong masira ang reputasyon at katayuan ko. Hindi lamang ito hindi pakikisama sa kanya, ito ay paglaban sa Diyos. Mahalagang gampanin ang tekstuwal na gawain sa iglesia. Para sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan, nagkalakas-loob akong ibunton ang galit ko sa gawain. Nang makita kong masama ang kalagayan niya, na hindi siya epektibo sa kanyang gawain, na hindi magkasundo ang mga tao sa grupo, at na nabawasan ang pagiging epektibo ng gawain namin, hindi pa rin ako nagnilay sa sarili ko o nagsisi sa Diyos, at nanguna pa ako sa paghahasik ng inggit at alitan. Ginagambala ko ang gawain ng iglesia, kumikilos bilang isang lingkod ni Satanas, at gumagawa ng masama. Para sa mga tunay na may malasakit sa kalooban ng Diyos, kapag nakakakita sila ng isang taong mas mahusay kaysa sa kanila, o isang gumagawa nang mas epektibo kaysa sa kanila, natutuwa sila, pero dahil sa katanyagan at katayuan ko, nainggit ako kay Wang Qin, hindi ko kayang makita siyang magaling, at hindi ko talaga isinaalang-alang ang gawain ng iglesia. Ito’y walang iba kundi isang satanikong disposisyon! Nagalit si Satanas nang makita nitong natatakot si Job sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kaya ginusto nitong pahirapan si Job at ninais na mamatay ito. Hindi ba’t pareho ang diwa ng ibinunyag ko? Inasam kong makitang miserable si Wang Qin at hindi makagawa ng tungkulin niya. Napakalupit ko at napakasama!

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Katanyagan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang tanging maisip ng mga tao ay katanyagan at pakinabang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagdaranas ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at maghuhusga o magpapasya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang mga tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at hirap na hirap silang sumulong. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito, lumalayo ang sangkatauhan sa Diyos at nagtataksil sa Kanya at lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng katanyagan at pakinabang ni Satanas(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Wala akong gaanong pagkaunawa sa siping ito ng salita ng Diyos dati. Noon ko lang nalaman kung gaano ako naging kalupit at kakila-kilabot dahil sa pakikipagkumpitensya para sa katanyagan at pakinabang. Masyadong ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao! Ang mga bagay tulad ng “Dapat laging magsikap ang mga kalalakihan para maging mas mabuti kaysa sa kanilang mga kapanahon,” “Mamukod-tangi,” at “Pagnanais na maging mas mahusay kaysa sa iba” ay pawang mga satanikong pilosopiya na nanlilinlang sa mga tao. Noong namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, meron akong mga maling kaisipan. Gusto ko ang katanyagan at katayuan, at gusto kong maging pinakamahusay sa alinmang grupo ng mga tao. Gusto kong maging ang pinakamaningning na tao at makuha ang paghanga ng iba. Naniwala akong ito ang tanging paraan para mamuhay ng isang may halaga at makabuluhang buhay. Sa ilalim ng kontrol ng mga satanikong kaisipang ito, lalo akong naging mailap at suplada, at itinuring pa ang tungkulin ko bilang kasangkapan upang makipagkumpitensya para sa reputasyon at katayuan, na lubhang nakaantala sa tekstuwal na gawain, at nagdulot din ng pasakit at pagdurusa sa kapatid ko. Nakita ko na napakaraming masamang bagay at panlilinlang ang nagawa ko para sa aking reputasyon at katayuan, kapalit ang pagkapinsala sa gawain ng iglesia at ng buhay ng mga kapatid! Habang iniisip ang lahat ng ‘to, takot na takot ako. Sa sandaling ‘to ko lang napagtanto kung gaano ako naging masama at makasarili. Ang malaking pulang dragon ay mabangis na ginagambala ang gawain ng Diyos sa labas at inaaresto ang mga kapatid, pero nagawa ko ang gustong gawin ng malaking pulang dragon na hindi nito magawa sa loob ng iglesia. Paano ako naging napakakasuklam-suklam? Kayang parusahan ng mga anticristo ang mga tao para sa kapakanan ng katayuan, at kaya ko ring ibukod at supilin ang mga tao para sa kapakanan ng reputasyon at katayuan. Tinatahak ko ang landas ng anticristo. Pagkatapos ng kabiguang ito, nakita ko na ang paghahangad ng katanyagan at katayuan ay hindi isang tamang hangarin. Isa itong landas sa paglaban sa Diyos at pagkawasak. Kasabay nito, naramdaman ko rin ang proteksyon ng Diyos. Kung hindi ako malupit na itinuwid at dinisiplina ng Diyos, at nagsaayos ng sitwasyon para pigilan ang masasama kong gawa, hindi na sana magigising ang manhid at matigas kong puso. Nagpatuloy sana ako sa maling landas, at sa huli, kokondenahin at palalayasin lamang ako ng Diyos dahil sa aking masasamang gawa. Sa puntong iyon, masisira ko na sana nang lubusan ang pagkakataon kong maligtas. Pagkatapos n’on, nanalangin ako sa Diyos para sabihin na nais kong magsisi, at hiniling sa Kanya na bantayan ang puso ko, para kung muli kong hangarin ang pangalan at katayuan, at tumahak sa landas ng anticristo, maaari akong ibunyag ng Diyos, ituwid at disiplinahin.

Hindi nagtagal, nagpatuloy akong muli sa tekstuwal na gawain ko. Sa grupo, kasisimula pa lang ni Sister Xiao Yang sa gawain, at hiniling sa akin ng superbisor na sanayin at tulungan siya. Kung iisipin ang kabiguan ko dati, ayokong ulitin ang parehong pagkakamali, kaya ginawa ko ang makakaya ko para tulungan siya. Pagkaraan ng maikling panahon, nakagawa si Xiao Yang ng kaunting pag-usad. Kalaunan, narinig kong sinabi ng superbisor na may mahusay na kakayahan si Xiao Yang at mabilis siyang matuto, kaya karapat-dapat siyang linangin. Nang marinig ko ito, para itong tumutusok na karayom sa puso ko. Nawalan na naman ako ng kontrol sa sarili ko, at ayaw ko na siyang tulungan. Nang maisip ko ‘to, sumagi sa isip ko ang mga alaala ng pagkaaresto ko. Tahimik akong nanalangin sa Diyos upang hilingin sa Kanya na protektahan ang puso ko para hindi ko matahak ang maling landas. Kalaunan, kumain at uminom ako ng salita ng Diyos na angkop sa kalagayan ko, at nanood ako ng isang video ng pagbasa ng salita ng Diyos na labis na nakatulong sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Tiyaking hindi ka magiging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagsisikap na maging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng wangis ng isang tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at ginagawa ang iba na sambahin sila. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan at tumatangging magsisi, wala nang lunas para sa kanila, at mayroon lang isang kalalabasan para sa kanila: ang itiwalag. Ngayon, kung mabilis kayong magsisisi, may panahon pa; subalit kapag dumating na ang araw at tapos na ang gawain ng Diyos, lalo pang lalaki ang mga sakuna, at hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga naghahangad ng kasikatan, mga pakinabang, at katayuan at mga tumatangging magsisi ay ititiwalag lahat. Dapat maging malinaw sa inyong lahat kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng gawain ng Diyos, at kung ano ang kahulugan ng Kanyang pagliligtas sa tao. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na lumapit sa harapan Niya, makinig sa mga salita Niya, tanggapin ang katotohanan, iwaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, at magsagawa ayon sa sinasabi at inaatas ng Diyos, na ibig sabihin, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, sa halip na mamuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao o mga satanikong pilosopiya, at maghangad ng ‘kaligayahan’ ng tao. Kung hindi nakikinig ang isang tao sa mga salita ng Diyos o hindi tinatanggap ang katotohanan, at namumuhay pa rin ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at ayon sa mga disposisyon ni Satanas, at tumatangging magsisi, kung gayon ang ganitong uri ng tao ay hindi maliligtas ng Diyos. Kapag sumusunod ka sa Diyos, siyempre, ito ay dahil hinirang ka rin ng Diyos—kaya ano ang kahulugan ng pagkakahirang sa iyo ng Diyos? Ito ay upang baguhin ka at gawin kang isang tao na nagtitiwala sa Diyos, na tunay na sumusunod sa Diyos, na kayang talikdan ang lahat para sa Diyos, at nagagawang sundan ang daan ng Diyos, isang taong tinanggal ang kanyang satanikong disposisyon, at hindi na sinusundan si Satanas o namumuhay sa ilalim ng kapamahalaan ni Satanas. Kung sumusunod ka sa Diyos at tumutupad ka ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, subalit nilalabag mo ang katotohanan sa lahat ng aspeto, at sa lahat ng aspeto ay hindi ka kumikilos o dumaranas ayon sa Kanyang mga salita, at malamang pa nga na lumaban ka sa Diyos, aaprubahan ka kaya ng Diyos? Siguradong hindi. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa bagay na ito? Hindi talaga mahirap magsagawa ng tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang buong katapatan, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, mayroon talaga silang wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagsunod sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na umaasa ang Diyos na gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa isang makatwirang paraan, kumilos ayon sa salita ng Diyos, at hindi na mamuhay sa ilalim ng pangingibabaw ni Satanas o kumilos ayon sa kanilang satanikong disposisyon. Dapat kong pakawalan ang mga ambisyon ko ayon sa mga hinihingi ng Diyos, hindi na pansinin kung hahangaan ako ng iba, at tumuon sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad nang maayos sa tungkulin ko. Ito ang wastong gampanin at ang tamang landas. At saka, dahil sa patnubay ng Diyos kaya naunawaan ko ang ilang prinsipyo sa tungkulin ko, ito ang resulta ng mga taon ng paglilinang sa loob ng iglesia. Kung itinuring ko ang mga bagay na ito bilang sarili kong mga pribadong pag-aari, itinago ang mga bagay at ipinagkait ang mga bagay sa iba para maprotektahan ang reputasyon ko at katayuan, at matigas ang ulong nagpatuloy sa landas ng paglaban sa Diyos, kamumuhian at kasusuklaman lang sana ako ng Diyos. Pero kung masasabi ko sa iba ang lahat ng nalalaman ko, kahit na umusad sila at makakuha ng paghanga habang ‘di ako napapansin, maisasagawa ko ang katotohanan, mamumuhay nang matuwid, at makakaramdam ng seguridad at kapayapaan ng isip. Paano ito naging isang masamang bagay? Noong inaresto ako at ikinulong, at nahaharap sa pag-uusig ng mga pulis, ang reputasyon, katayuan, at paghanga ng iba ay hindi nakatulong sa akin kahit kaunti. Ang salita ng Diyos ang gumabay sa akin na manindigan noong ako ay kinubkob ni Satanas, at ang salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Kung naniniwala ako sa Diyos pero hindi ko nakakamit ang katotohanan, at tinanggihan ako ng Diyos, anong silbi kung hinahangaan ako ng mga tao? Hindi kung mataas ang tingin sa akin ng mga tao ang magpapasya kung maliligtas ako, ito ay kung kwalipikado akong nilikha sa mata ng Diyos, kung ang mga tiwaling disposisyon ko ay nagbago, at kung ako ay nagtataglay ng katotohanan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos sa mga tao na maging dakila o sikat. Sa halip, gusto ng Diyos ang mga tapat na tao na kayang gawin ang kanilang tungkulin sa isang tahimik at praktikal na paraan. Ang mga taong ganito lang ang tunay na tao. Nang maunawaan ko ang mga bagay na ‘to, gumaan ang pakiramdam ko, at alam ko na kung paano ako dapat magsagawa. Pagkatapos nito, ibinahagi ko ang lahat ng nauunawaan ko kay Xiao Yang. May mataas na kakayahan talaga siya. Kapag magkasama naming tinatalakay ang mga problema, palagi siyang nakakaisip ng mga bagay na hindi ko naisip, na pumupuno sa mga pagkukulang ko, at minsan, kapag naririnig ko na sumasang-ayon ang superbisor sa kanya, hindi na ako apektado.

Kalaunan, pagkatapos marinig ng mga kapatid ang karanasan ko, nakahanap sila ng isang sipi ng salita ng Diyos na tumutugon sa pananaw ko na karapat-dapat ako sa papuri para sa pag-usad ng ibang tao. “Kapag binibigyang-liwanag ng Diyos ang isang tao, biyaya ito ng Diyos. At ano naman ang kaunting naitulong mo? Dapat ka bang purihin para sa bagay na ito—o tungkulin at responsibilidad mo ba ito? (Tungkulin at responsibilidad.) Kapag kinikilala mong tungkulin at responsibilidad ito, ito ang tamang lagay ng pag-iisip, at hindi mo maiisip na subukang umani ng papuri. Kung ang lagi mong pinaniniwalaan ay ‘Kontribusyon ko ito. Magiging posible kaya ang pagbibigay ng Diyos ng kaliwanagan kung wala ang kooperasyon ko? Kailangan nito ng pakikipagtulungan ng mga tao; malaki ang bahagi ng pakikipagtulungan ng mga tao sa bagay na ito,’ kung gayon ay mali ito. Paano mo nagawang makipagtulungan kung hindi ka naman binigyan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kung wala namang nagbahagi ng mga prinsipyo ng katotohanan sa iyo? Hindi mo malalaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, ni hindi mo malalaman ang landas ng pagsasagawa. Kahit ginusto mong sundin ang Diyos at makipagtulungan, hindi mo malalaman kung paano. Hindi ba mga salitang walang kabuluhan ang ‘kooperasyon’ mong ito? Kapag walang tunay na pakikipagtulungan, kumikilos ka lang nang ayon sa sarili mong mga ideya—kung ganito ang kaso, tumutugon kaya sa pamantayan ang tungkuling ginagampanan mo? Talagang hindi, na nagpapahiwatig ng problema. Anong problema ang ipinapahiwatig nito? Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, magkamit man siya ng mga resulta, tumutugon man sa pamantayan ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, at matamo ang pagsang-ayon ng Diyos ay nakasalalay sa mga kilos ng Diyos. Kahit tuparin mo ang iyong mga responsibilidad at tungkulin, kung hindi gumagawa ang Diyos, kung hindi ka binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos, hindi mo malalaman ang iyong landasin, ang iyong direksyon, o ang iyong mga mithiin. Ano ang resulta niyan sa huli? Matapos magpagal sa loob ng buong panahong iyon, hindi mo nagawang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, ni hindi mo nakamit ang katotohanan o ang buhay—nauwi lang sa wala ang lahat. Samakatuwid, ang paggawa ng iyong tungkulin na pasado sa pamantayan, na napapakinabangan ng iyong mga kapatid, at nagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay lubos na nakasalalay sa Diyos! Maaari lamang gawin ng mga tao ang mga bagay na personal na kaya nilang gawin, na dapat nilang gawin, at na likas silang may kakayahang gawin—wala nang iba. Samakatuwid, sa bandang huli, ang pagganap sa iyong mga tungkulin sa epektibong paraan ay nakasalalay sa patnubay ng mga salita ng Diyos at sa kaliwanagan at pamumuno ng Banal na Espiritu; saka mo lamang mauunawaan ang katotohanan, at matatapos ang atas ng Diyos ayon sa landas na ibinigay sa iyo ng Diyos at sa mga prinsipyo na itinakda Niya. Ang mga ito ay biyaya at mga pagpapala ng Diyos, at kung hindi ito nakikita ng mga tao, nabubulagan sila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na ang paniniwala ko na ang pag-usad ng iba ay dahil sa aking pagsisikap, sa totoo lang, ay pagnanakaw sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya akong bigyang-liwanag ng Diyos, at kaya Niyang bigyang-liwanag ang iba. Hindi dahil sa sarili kong pagsisikap kaya naunawaan ko ang ilan sa mga prinsipyo sa tungkulin ko, ito ay resulta ng kaliwanagan ng Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu. Naunawaan ko lang ang mga prinsipyo nang ituro ng Diyos ang landas at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung wala ang kaliwanagan ng Diyos at patnubay ng salita ng Diyos, hindi ko mauunawaan ang anumang bagay o problema. Kahit ilang gabi pa akong magpuyat at kahit gaano man ako magsikap, wala itong silbi, at wala akong magagawa nang maayos. Pero inakala kong karapat-dapat ako sa papuri para sa kanilang pag-usad, at na kung wala ang tulong ko, hindi sila magkakaroon ng anumang pagsulong. Inangkin ko ang lahat ng tagumpay, masyado akong mayabang at napakataas ng tingin ko sa sarili ko. Maraming tao ang nagsimula sa tekstuwal na gawain at gumawa ng mga makabuluhang pagpapabuti nang wala ang tulong ko. Ang pag-usad nila ay bunga ng paggawa ng Diyos sa kanila. Ang kanilang kakayahan ay isang likas na bagay, at kapag tunay silang nagbayad ng halaga sa pamamagitan ng katotohanan at mga prinsipyo, at nagkamit ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, maaari silang umusad. Ang matulungan ko ang mga kapatid ngayon ay ang tungkuling dapat kong gampanan, at ito rin ay biyaya ng Diyos. Walang dapat hangaan o ipagmalaki rito. Sa pagbabalik-tanaw sa mga araw na kasama ko si Wang Qin, bagamat nagbahagi ako ng ilang prinsipyo sa kanya noong una, pagkatapos n’on, seryoso niyang sinuri ang mga bagay-bagay at pinagnilayan ang mga ito, kaya lagi niyang natatanggap ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos. Gano’n din si Xiao Yang. Ang ilan sa ideyang binanggit niya ay madalas na mga bagay na hindi ko naisip, at talagang pinalawak ng mga ‘yon ang pag-iisip ko. Nakita ko na lahat ng tao ay may kalakasan, kaya’t hangga’t tayo ay nagsusumikap at masipag sa mga tungkulin natin, lahat tayo ay makakakuha ng kaliwanagan ng Diyos at mauunawaan ang ilang prinsipyo ng katotohanan, at sa pagpupuno lamang sa isa’t isa natin magagampanan nang maayos ang ating mga tungkulin nang sama-sama.

Kalaunan, nagsasagawa na ako ayon sa mga salita ng Diyos. Pinatatahimik ko ang puso ko sa harap ng Diyos kapag ginagampanan ang tungkulin ko, at tumutuon sa kung paano gagawin nang maayos ang aking tungkulin at tutuparin ang mga responsibilidad ko. Nang hindi namamalayan, hindi na ako gaanong tumutuon kung hinahangaan ako ng iba at kung may puwang ba ako sa puso ng iba. Kapag tinutulungan ko ang mga kapatid, nakikita silang umuusad nang dahan-dahan, at unti-unting hinihigitan ako, hindi na ako masyadong naiinggit, at hindi ko na iniisip ang reputasyon at mga interes ko sa lahat ng oras. Nadama kong kaya kong tanggapin ang obserbasyon ng Diyos, bumaling sa Diyos, at gampanan ang aking tungkulin. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay praktikal at madali, at mas nakagagalak para sa akin kaysa sa paghanga ng sinumang iba. Naramdaman ko talaga kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa pagsasabing, “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Ang sarili ko at ang mga kapatid ay pawang may iba’t ibang karanasan, kakayahan, at kalakasan. Dapat naming punan ang isa’t isa at magtulungan nang magkasundo, at gampanan ang sarili naming papel sa kani-kanilang tungkulin. Ang paggawa sa ganitong paraan ay naaayon sa kalooban ng Diyos.

Bagamat ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos ay dumating sa akin dahil sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa kalikasan at mga kahihinatnan ng paghahangad ko sa katanyagan at katayuan. Nakita ko rin na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at natutunan ko kung paano umasal at gampanan ang tungkulin ko sa praktikal na paraan. Ang kaunting pagbabagong ito na nakamit ko ay ganap na resulta ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...

Isang Sandali ng Pagpili

Ni Li Yang, Tsina Isinilang ako sa probinsya at lumaki ako sa isang mahirap na pamilya. Mga simpleng magsasaka lang ang aking mga magulang...

Ang Pasakit Ng Pagsisinungaling

Ni Ni Qiang, Myanmar No’ng Oktubre 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa mga pagtitipon, nakita...