Kapag Namamayani ang Pagnanasa sa Katayuan

Enero 25, 2023

Ni Xin Yi, Tsina

Noong Hulyo 2020, pinangangasiwaan ko ang gawain ng pagdidilig kasama sina Brother Zhao Zhijian at Sister Li Muxin. Nagsisimula pa lang silang magsanay, kaya tinulungan ko silang unawain ang mga prinsipyo at maging pamilyar sa gawain sa lalong madaling panahon, at tinatanong nila ako kapag may hindi sila naiintindihan. Makalipas ang ilang panahon, napansin ko na pareho silang may kalakasan. Si Zhijian ay mahusay ang kakayahan at mabilis niyang natutunan ang mga prinsipyo, at si Muxin ay magaling talaga—maayos siyang gumawa at may kasanayan. Tuwing may ibinibigay na gawain, mabilis silang nakakahanap ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang mga suliranin ng mga bagong mananampalataya. Pakiramdam ko, hindi ako kasinghusay nila. Hindi ako kasing-epektibo nilang magtrabaho at hindi ako kasingbilis nilang umunawa. Kailangan ko pa ng panahon para pagnilayan ang mga problema ng mga bagong mananampalataya. Para bang mas mabagal at mas nakakapagod ang lahat ng bagay para sa akin kaysa para sa kanila. Kalaunan, habang mas nagiging pamilyar na sila sa gawain, unti-unti, nagsimula na silang gumanap ng mahalagang papel. Minsan, kinakailangan naming magkakasamang tumugon sa mga tanong ng mga tagapagdilig, pero dahil hindi ko pa tapos ang lahat ng gawaing nakaatang sa akin, sasabihin ni Muxin, “‘Wag kang mag-alala, may ilang simpleng tanong namang pwedeng kami na ang sumagot.” Hindi ako komportable kapag naririnig ko ‘yun. Hindi kaya takot lang sila na maaantala ang lahat kapag nakipagtalakayan sila sa akin kasi mabagal akong magtrabaho? Noon ko lang naranasan na parang hindi ako kabilang. Sumama pa nga ang loob ko: Bakit ba kulang na kulang ang kakayahan ko? Hindi madaling makaangkop ang isip ko at hindi ako mabilis makatugon. Hindi ako kasingbata at kasingtalino nila—magaling sila sa lahat ng bagay. Hindi ba ako ang magiging pinakawalang kakayahan simula noon? Anong iisipin nila sa akin? Baka sabihin nila na ang tagal ko na sa gawain ng pagdidilig pero nasa mas mababa pa rin akong antas kaysa sa kanila, samantalang kakatapos lang nilang magsanay. Sobrang nakakahiya ‘yon kung magkagayon. Dahil ayokong isipin nila na wala akong pakinabang, sinimulan kong magtrabaho nang pasikreto, gumugugol ng mas maraming oras sa pakikipagtipon sa mga baguhan, at sinusubukan kong maghanap ng mga salita ng Diyos at pag-isipan ang mga problema ng mga bagong mananampalataya. Naramdaman ko pa ngang aksaya lamang sa oras ang paglalaba at pagkain, at nagdadasal ako parati sa Diyos at hinihingi ang Kanyang tulong para mas maging epektibo ako sa aking tungkulin. Pero baligtad ang nangyari—gaano man ako magtrabaho, nabawasan pa rin ang pagiging epektibo ko. Bago ko pa namalayan, nawalan na ako ng gana sa tungkulin ko at ang dami kong ipinapasang problema sa mga katuwang ko para sila na ang mag-asikaso. Naisip kong kulang ako sa kakayahan, kaya tatrabahuhin ko na lang kung anuman ang kaya ko. Palala nang palala ang kalagayan ko, talagang naging pasibo na ako sa tungkulin ko, at hindi ko na napapansin ang mga problema sa gawain ko. Nang makitang hindi maganda ang kalagayan ko, nag-alok ng pagbabahaginan ang mga katuwang ko, pero hindi ko iyon tinatanggap. Hindi ko nagawang baguhin ang kalagayan ko at may ilang problema na hindi nalutas sa oras, na nakaapekto sa pagganap ko sa gawain ng pagdidilig.

Nakipagbahaginan sa akin ang lider nang malaman niya ang kalagayan ko. Sinabi niya na wala itong kinalaman sa kakayahan ko, kundi dahil sa labis kong pagnanasa sa karangalan at katayuan at kailangan kong baguhin ang kalagayan ko sa lalong madaling panahon para hindi nito maantala ang aming gawain. Napagtanto ko na hindi mabuti ang kalagayan ko at wala akong pagpapahalaga sa responsibilidad sa tungkulin ko, at hindi ko nagawang lutasin ang mga problema na nalulutas ko dati. Hindi ko na madama ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu; manhid na ako at mahina ang isip. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: “Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya(Mateo 13:12). Tiyak na may ginagawa akong hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya itinatago Niya ang Kanyang mukha sa akin. Medyo natakot ako, at nagdasal, “Diyos ko, nakakapagod po ang tungkulin ko at hindi ko madama ang Iyong paggabay. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan at gabayan ako, at tulutan akong pagnilayan ang sarili at maunawaan ang aking mga problema upang mabago ko ang maling kalagayan ko.” Pagkatapos nun, naghanap ako ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang kalagayan ko. Sabi ng Diyos, “Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya’ (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng ‘bawiin’? Ano ang pakiramdam niyon, bilang isang tao? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang hindi mananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi taos sa iyong tungkulin, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. … Kung pakiramdam mo lagi ay walang kabuluhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin, kung pakiramdam mo parang wala namang kailangang gawin, at hindi mo magawang mag-ambag, kung hindi ka kailanman binigyan ng kaliwanagan, at pakiramdam mo wala kang mailalabas na anumang katalinuhan o karunungan, problema nga ito: Nagpapakita ito na wala kang tamang motibo o tamang landas sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi sang-ayon ang Diyos, at hindi normal ang iyong kalagayan. Dapat kang magnilay: ‘Bakit wala akong landas sa pagganap sa aking tungkulin? Napag-aralan ko na ito, at saklaw ito ng aking propesyon—mahusay pa nga ako rito. Bakit kapag sinusubukan kong gamitin ang aking kaalaman, hindi ko magawa? Bakit wala akong resultang natatamo? Ano ang nangyayari?’ Nagkataon lang ba ito? May problema rito. Kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, nagiging matalino siya at marunong, malinaw niyang nauunawaan ang lahat ng bagay, matalas din siya, alisto at masyadong magaling; magkakaroon siya ng kakayahan at magiging inspirado sa lahat ng ginagawa niya, at iisipin niya na lahat ng ginagawa niya ay napakadali at walang paghihirap na makakasagabal sa kanya—pinagpapala siya ng Diyos. Kung napakahirap ng lahat ng bagay para sa isang tao, at siya ay padaskol-daskol, katawa-tawa, at walang kaalam-alam anuman ang kanyang ginagawa, kung hindi niya maunawaan anuman ang sabihin sa kanya, ano ang ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito ay wala siyang patnubay ng Diyos at wala siyang pagpapala ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, ‘Nagsumikap na ako, kaya bakit hindi ko nakikita ang mga pagpapala ng Diyos?’ Kung magsusumikap at magpapakapagod ka lamang ngunit hindi mo hinahangad na kumilos ayon sa mga prinsipyo, iniraraos mo lamang ang iyong tungkulin. Paano mo posibleng makikita ang mga pagpapala ng Diyos? Kung palagi kang walang ingat sa pagganap sa iyong tungkulin at hindi ka matapat kahit kailan, hindi ka mabibigyang-liwanag o matatanglawan ng Banal na Espiritu, at hindi mapapasaiyo ang patnubay ng Diyos o ang Kanyang gawain, at hindi magkakaroon ng bunga ang iyong mga ginagawa. Napakahirap gampanan nang maayos ang isang tungkulin o asikasuhin nang mabuti ang isang usapin sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas at kaalaman ng tao. Iniisip ng lahat na may kaunti silang nalalaman, na may ilan silang alam na gawin, ngunit hindi maayos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay, at palaging nagugulo ang mga bagay-bagay, na nagtatamo ng malawakang komento at tawanan. Problema ito. Maaaring malinaw na walang gaanong silbi ang isang tao subalit iniisip niya na may alam siyang gawin, at hindi sumusuko kahit kanino. May kinalaman ito sa problema sa kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagiging Matapat Lamang Makakapamuhay ang Isang Tao Bilang Isang Tunay na Tao). Medyo nataranta ako pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos. Kamakailan, lahat ay mahirap at nakakapagod para sa akin. Hindi ko napapansin ang mga problema sa gawain ko, at pakiramdam ko’y wala akong magawa sa harap ng mga problema na kaya ko namang harapin dati. Ito ay dahil ‘di ko matigilan ang pagrerebelde ko at itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin. Naging manhid ako at hangal, mangmang at mahina ang isip. Matagal-tagal na rin akong nagdidilig ng mga bagong mananampalataya at nauunawaan ko ang ilang katotohanan at pangitain, at naiintindihan ko ang ilang prinsipyo. Malinaw na dapat mas gumaling ako sa tungkulin ko sa paglipas ng panahon, pero mas lalo lang akong lumala. Hindi ko talaga madama ang paggabay ng Banal na Espiritu, at ang saloobin ko sa tungkulin ko ay kasuklam-suklam sa Diyos. Nakikita ko ang pagiging matuwid at kabanalan ng Diyos mula sa Kanyang mga salita. Kapag pinagpapala Niya ang mga tao o may kinukuha Siyang mga bagay, nakabatay ito sa mga prinsipyo. Kapag ibinibigay ng mga tao ang puso nila sa kanilang tungkulin, kapag ibinibigay nila ang lahat-lahat dito at ang motibasyon nila ay bigyang-kasiyahan ang Diyos, madali para sa kanila ang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Malinaw ang kanilang pang-unawa at nakatutuklas sila ng mga problema sa kanilang tungkulin, alam nila kung paano lutasin ang mga problema. Pagaling sila nang pagaling sa kanilang tungkulin. Kapag hindi matapat ang mga tao sa kanilang tungkulin, kapag lagi nilang iniisip ang kanilang reputasyon at katayuan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Tapos magiging manhid at hangal sila, at hindi nila maipapakita ang mga kalakasang naipapakita nila dati. Imposibleng magawa mo nang maayos ang tungkulin mo nang gano’n. Nagnilay ako sa kalagayan ko noong panahong iyon. Pagkatapos kong magsimulang magtrabaho kasama ang dalawang katuwang ko, noong una meron akong pakiramdam ng pasanin at kaya ko silang tulungang matutunan ang trabaho sa lalong madaling panahon, pero nang malaman kong mabilis ang pag-usad nila at mas bihasa na sila kaysa sa akin sa lahat ng bagay, nakaramdam ako ng pangamba—natakot akong mawala sa akin ang pagiging lider, kaya nagsimula akong malihis. Ayokong makita nilang ‘di ako gaanong magaling, kaya nagsumikap ako, nagpuyat. Para mas maging epektibo ako sa pagdidilig, naglaan ako ng mas maraming oras sa pakikipagtipon sa mga bagong mananampalataya. Pero gaano man ako magsumikap, anumang uri ng halaga ang binabayad ko, mas kaunti pa rin ang nagagawa ko kaysa sa kanila. Ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko sa pakikipagkumpitensya sa mga katuwang ko. Hiningi ko pa nga ang tulong ng Diyos para mas marami akong magawa sa trabaho ko at ‘di mapahiya. Sobrang hindi ako makatwiran. Ginagamit ko ang Diyos, dinadaya ko Siya—paano ‘yon naging paggawa ng tungkulin? Napuno ako ng pagsisisi at nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Naghahangad ako ng karangalan at katayuan, hindi ko ginagawa nang maayos ang tungkulin ko. Nagiging sagabal ako sa gawain ng pagdidilig. Gusto kong magsisi sa Iyo.”

Pagkatapos nun, may nabasa akong sipi ng mga salita ng Diyos na lubos na nakatulong sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung magagampanan mo man nang maayos ang iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga kagalingan, sa kahusayan ng iyong kakayahan, sa iyong pagkatao, iyong mga abilidad, o iyong mga kasanayan; nakasalalay iyon sa kung isa kang taong tumatanggap sa katotohanan at kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan. Kung kaya mong isagawa ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, magkakaroon ka ng maayos na pakikipagtulungan sa iba. Ang susi sa kung magagampanan ba nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin at kung magkakaroon ba siya ng maayos na pakikipagtulungan sa iba, ay nakasalalay sa kung kaya ba niyang tanggapin at sundin ang katotohanan. Ang kakayahan, mga kaloob, abilidad, edad, at iba pa ng mga tao ay hindi ang pinakamahalaga, lahat ng iyon ay pumapangalawa lamang. Ang pinakamahalagang bagay ay tingnan kung minamahal ba ng isang tao ang katotohanan, at kung naisasagawa ba niya ang katotohanan. Matapos makinig sa isang sermon, ang mga nagmamahal sa katotohanan at nakapagsasagawa ng katotohanan ay aaminin na tama iyon. Sa tunay na buhay, kapag may makakaharap silang mga tao, pangyayari, at bagay, ipatutupad nila ang mga katotohanang ito. Isasagawa nila ang katotohanan, magiging sarili nilang realidad iyon, at magiging bahagi ng kanilang sariling buhay. Iyon ang magiging mga panuntunan at prinsipyong pagbabatayan ng kanilang pagkilos at paggawa ng mga bagay-bagay; iyon ang kanilang ipamumuhay at ipakikita. Kapag nakikinig sa isang sermon, aaminin din ng mga hindi nagmamahal sa katotohanan na tama iyon, at iisipin na nauunawaan nilang lahat iyon. Naitala nila ang mga doktrina sa kanilang puso, ngunit ano ang ginagamit nilang mga prinsipyo at tuntunin sa pagsasaalang-alang ng isang bagay habang ginagawa iyon? Lagi nilang isinasaalang-alang ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga interes; hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay gamit ang katotohanan. Nangangamba sila na ang pagsasagawa ng katotohanan ay magsasanhi ng kawalan sa kanila, at nangangamba silang mahusgahan at mahamak ng iba—na mapahiya. Urong-sulong sila sa kanilang mga pagsasaalang-alang, pagkatapos ay iniisip nila sa huli, ‘Poprotektahan ko na lang ang aking katayuan, reputasyon, at mga interes, ito ang pinakamahalaga. Kapag natugunan na ang mga bagay na ito, magiging kontento na ako. Kung hindi matutugunan ang mga bagay na ito, hindi ako magiging masayang isagawa ang katotohanan, ni hindi iyon magiging kasiya-siya para sa akin.’ Ito ba ang taong nagmamahal sa katotohanan? Talagang hindi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos, na ang maayos na paggawa sa tungkulin ay hindi lang tungkol sa kakayahan, mga kaloob, o edad ng isang tao. Ang susi ay kung minamahal niya ang katotohanan at isinasagawa ito. Kung hindi niya minamahal o isinasagawa ang katotohanan, bagkus iniisip lang ang kanyang reputasyon at katayuan sa salita at gawa, at hindi itinataguyod ang gawain ng iglesia, kahit gaano pa kataas ang kakayahan o mga kaloob niya, mahihirapan siyang gawin ang tungkulin niya. Pero lagi kong iniisip na ang taong may mahusay na kakayahan at may pag-iisip na kayang makaangkop ay magiging magaling sa kanyang tungkulin, habang ‘yong mga mas matanda at kulang sa kakayahan ay hindi magtatagumpay gaano man sila kasigasig magtrabaho. Hindi ko naiintindihan ang katotohanan, pero lagi kong tinitingnan ang mga tao at bagay batay sa aking mga kuru-kuro. Sobrang hangal ko at mangmang! Pinagkakalooban ng Diyos ang lahat ng iba’t ibang kakayahan, ng iba’t ibang kaloob, at iba-iba ang hinihingi Niya sa atin. Isinasaayos ng iglesia na magtulungan tayo para bawat isa sa atin ay magamit ang ating kalakasan at mapunan ang kahinaan ng isa’t isa. Pagkatapos ay magkasama nating magagawa nang mabuti ang ating mga tungkulin. Ang pagkakaroon ng dalawang katuwang na mahusay ang kakayahan ay makakadagdag sa pagiging epektibo ng aming gawain. Mas mabilis naming malulutas ang mga problema, at hindi maaantala ang gawain namin. Kung nagawa ko sanang bitiwan ang ego ko at natuto mula sa kalakasan ng iba, hindi ba mas mabilis sana akong uusad? Wala ako ng kakayahan ng aking mga katuwang, pero hindi naman ako kulang na kulang na hindi ko na kayang gawin ang trabaho. Kapag nagkaroon ako ng tamang saloobin, kapag handa na akong magsikap sa tungkulin ko at seryosohin ito, mas malinaw kong makikita ang mga problema at mas mabilis na malulutas ang mga bagay. Kailangan kong tumigil sa pag-iisip sa mga personal kong pakinabang at kawalan sa sarili kong reputasyon at katayuan. Pagkatapos nun, pinagsikapan kong isagawa ang mga hinihingi ng Diyos, hindi na ako nakikipagkumpitensya sa aking mga katuwang, bagkus, isinasapuso ko na ang tungkulin ko. Unti-unting nagbago ang kalagayan ko sa paglipas ng panahon, at bumuti rin ang gawain ko.

Nagulat ako nang hindi nagtagal ay bumungad sa akin ang parehong problema. Nalipat sa iglesia namin ang ilang bagong mananampalataya na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Kami ni Zhijian ang namamahala sa pagdidilig sa kanila. Kahit na hindi pa siya matagal na gumagawa ng gawain ng pagdidilig, nagawa niyang makahanap ng mga salita ng Diyos na talagang akma para lutasin ang mga problema nila at talagang malinaw ang pagbabahagi niya. Kaya kong lutasin ang ilang problema nila pero hindi ko kayang makipag-usap nang kasinglinaw niya. Mas nasiyahan ang mga baguhan sa pagbabahagi ni Zhijian kaysa sa akin. Talagang nainggit ako. Sobrang bilis ng pag-usad ni Zhijian matapos lamang ang kaunting panahon sa trabaho, pero kinailangan ko ang lahat ng mga taon na iyon para makarating sa antas na iyon. Talagang naramdaman kong mas mababa ako sa kanya. ‘Pag nakikita kong may mga problemang ‘di naiintindihan ang mga tao, at pumupunta sila kay Zhijian para lutasin ang mga ‘yon, lalo akong naiinggit. Iba talaga kapag may mahusay na kakayahan. Hindi lamang siya nagkamit ng paghanga ng iba, ibig sabihin din nito ‘di siya gaanong nagsisikap sa kanyang tungkulin at nakakakuha pa rin ng mas magagandang resulta. Kung may kakayahan ako na tulad ng kay Zhijian, siguro hahangaan din ako ng lahat. Pero lagpas 50 na ang edad ko at kulang ang kakayahan ko. Hindi ako makakaalis sa antas na ‘yon gaano man ako kasigasig magtrabaho. Nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko bago ko pa namalayan. Sa tuwing may bagong mananampalataya na nagtatanong sa pagtitipon, pinapasagot ko kay Zhijian at nagdadagdag na lang ako ng ilang simpleng komento. Naging mas pasibo ako sa aking tungkulin, at mas napalayo ako sa Diyos. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa panalangin, at minsan sa gabi nakakatulog pa ako habang nagdarasal. Nang mapagtanto ko na nasa mapanganib na kalagayan ako, naghanap-hanap at nagnilay-nilay ako. Nang makita kong kulang ako sa kakayahan, naging negatibo at pasibo ako sa tungkulin ko: Anong tiwaling disposisyon ang nasa likod nun?

Kalaunan, nakabasa pa ako ng mas maraming salita ng Diyos. “Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, o bantog at marangal, o namumukod sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Laging iniisip na namumukod ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanya, o maging mas mahusay sa kanya—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na maging mas mataas o mas malakas kaysa sa sarili niya—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanya, at kapag nagkaroon sila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Ikinumpara ko ang kakayahan ko sa kakayahan ng mga katuwang ko, at naging negatibo ako at umatras nang hindi ko sila mapantayan. Mayabang na disposisyon ang namayani rito. Dahil sa kayabangan ko, hindi ko maayos na naharap ang sarili kong mga kahinaan at kakulangan, at mas lalo kong hindi matanggap kapag may ibang mas magaling o mas may kakayahan kaysa sa akin. Nang makita ko ang mga katuwang ko na mas malakas sa akin sa lahat ng aspeto, nangunguna sa grupo at nakukuha ang paghanga at pagsang-ayon ng lahat, hindi ako komportable, wala sa balanse, at ‘di ko matanggap ang realidad na ‘yon. Bagama’t kinikilala ko na mas mababa kaysa sa iba ang kakayahan ko, hindi ko ‘yon matanggap sa puso ko. Patuloy akong palihim na nakikipagpaligsahan sa kanila. Determinado akong makipagkumpitensya sa kanila, ikumpara ang sarili ko sa kanila. Nang hindi ko sila madaig, naging negatibo ako at nawalan ng sigla sa tungkulin ko. Hindi ba’t ang mayabang kong disposisyon ang gumagana rito? Napakayabang ko at napakamangmang!

Naisip ko rin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos kung saan pinuna Niya ang mga disposisyon ng mga anticristo. Sabi ng Diyos, “Para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ang kanyang buhay, at ang kanyang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanyang ginagawa, ang una niyang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanyang iniisip, na sapat na patunay na mayroon siyang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi niya isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa isang anticristo, ang katayuan at reputasyon ay hindi ilang karagdagang pangangailangan, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng katayuan o reputasyon; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang katayuan at reputasyon ay malapit na konektado sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan sa araw-araw. At kaya para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ay ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang pinagsisikapan, ano man ang kanilang mga mithiin, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa katayuan at reputasyon. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay katayuan at reputasyon pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, nakikita nila ang paghahangad ng katayuan at reputasyon na katumbas ng pananampalataya sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Masasabi na sa mga puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang pananalig sa Diyos at ang paghahangad ng katotohanan ay ang pagsisikap para sa katayuan at reputasyon; ang paghahangad ng katayuan at reputasyon ay ang paghahangad din ng katotohanan, at ang pagkakamit ng katayuan at reputasyon ay ang pagkakamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang karangalan o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o gumagalang sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananampalataya sa Diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng mataas na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon magkaroon sila ng tinig sa iglesia, ng reputasyon, upang makinabang sila, at magkaroon ng katayuan—madalas nilang pinag-iisipan ang gayong mga bagay. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem: Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Ikatlong Bahagi)). Talagang masakit at mahirap para sa akin ang mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa mga disposisyon ng mga anticristo. Ang paghahangad nila sa karangalan at katayuan ay hindi lang panandalian, sa halip ay nasa kaibuturan nila iyon—panghabambuhay na paghahangad iyon. Para sa kanila, ang katayuan ay nakahihigit sa lahat, kasinghalaga pa nga ito ng kanilang mga buhay. Laging gusto ng mga anticristo na may papel at boses sila at hindi sila payag maging mas mababa sa iba. Kailangan nila ang respeto at paghanga ng lahat para magkaroon sila ng gana sa kanilang tungkulin. Kung wala ‘yon, nagiging negatibo at tamad sila, at nawawalan pa nga ng interes sa pananampalataya. Ano ang ipinagkaiba ng pag-uugali ko sa pag-uugali ng isang anticristo? Ginaganahan ako sa tungkulin ko kapag tinitingala at pinahahalagahan ako ng iba, pero kapag nahihigitan at nalalagpasan ako ng mga katuwang ko sa lahat ng bagay, at hindi natutugunan ang pagnanasa ko sa katayuan, wala na akong nararamdamang pasanin para sa aking tungkulin. Napakahalaga ng gawain ng pagdidilig ngayong maraming baguhan ang nangangailangan ng agarang pagdidilig. Dapat ay tinutulungan ko silang matutuhan ang katotohanan at maunawaan ang gawain ng Diyos, para magkapundasyon sila sa tunay na daan sa lalong madaling panahon. Pero hindi ko ito isinasapuso. Ang nasa puso ko lamang ay ang sarili kong karangalan at katayuan, at ipinapasa ko ang lahat kay Zhijian. Hindi ko ginagawa ang tungkulin na dapat kong ginagawa. Wala talaga akong pagkatao! Hindi ako nakokonsensya o nagsisisi kapag hindi ko ginagampanan nang maayos ang tungkulin ko. Para sa akin, ang makitang magdusa ang reputasyon at katayuan ko ay kasingsakit ng pagkawala ng buhay ko. Kinakalkula ko ang mga kawalan at pakinabang ko, at nagiging negatibo at mahina dahil d’on. Lagi akong umaasa na maging tulad ng mga katuwang ko, na may mas mahusay na kakayahan, na lahat ay magtatanong sa akin tungkol sa mga bagay na ‘di nila naiintindihan at hahanapin nila ako para sa talakayan para ako ang maging sentro ng grupo. ‘Yon ang parati kong hinahabol, ang gusto kong makuha. Nakatuon ako sa paghimok sa iba na tingalain ako, na hangaan ako. Ang ganoong hangarin at pananaw ay kapareho ng sa isang anticristo, ‘di ba? Dahil nasa maling landas ako at nawala ko ang paggabay ng Banal na Espiritu, hindi ko natatapos ang tungkulin na dapat ay natatapos ko. Kaya kahit na makakuha man ako ng mas mataas na posisyon at makamit ang paghanga ng lahat, hindi ba palalayasin lang din ako ng Diyos sa huli? Nang mapagtanto ko ‘yon, medyo natakot ako. Nakita ko na sa paghahangad ko sa katayuan, nasa landas ako na laban sa Diyos! Gusto kong baguhin ang mali kong hangarin at itigil ang pakikipagkumpitensya sa iba. Gusto kong gawin ang tungkulin na dapat kong ginagawa.

Pagkatapos nun, naghanap ako ng landas ng pagsasagawa. Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Ano ang dapat gawin ng isang tao para magampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin? Dapat niya itong magampanan nang buong puso at buong lakas. Ang ibig sabihin ng paggamit ng buong puso at buong lakas ng isang tao ay pagtuon ng buong isip niya sa pagganap sa kanyang tungkulin at hindi pagpapahintulot na maging abala siya sa ibang bagay, at pagkatapos ay paggamit sa lakas na taglay niya, paggugol sa buong lakas niya, at pagdadala ng kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan niya, at ng mga bagay na kanyang naunawaan para gamitin sa gawain. Kung ikaw ay nakauunawa at tumatanggap at mayroong magandang ideya, dapat mong kausapin ang iba tungkol doon. Ito ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan. Ganito mo magagampanan nang mabuti ang iyong tungkulin, ganito mo makakamit ang katanggap-tanggap na pagganap ng iyong tungkulin. Kung nais mo palaging akuin ang lahat ng bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging gumawa ng malalaking bagay nang mag-isa, kung gusto mo palaging nasa iyo ang atensyon at hindi sa iba, ginagampanan mo ba ang iyong tungkulin? Ang ginagawa mo ay tinatawag na paghahari-harian; pagpapakitang-gilas iyon. Satanikong pag-uugali iyon, hindi pagganap sa tungkulin. Walang sinuman, anuman ang kanyang mga kalakasan, mga kaloob, o espesyal na mga talento, ang kayang umako sa lahat ng gawain nang mag-isa; dapat siyang matutong makipagtulungan nang maayos kung nais niyang magawa nang mabuti ang gawain ng iglesia. Iyon ang dahilan kung bakit ang maayos na pakikipagtulungan ay isang prinsipyo ng pagsasagawa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao. Basta’t ginagamit mo ang iyong buong puso at buong lakas at buong katapatan, at inaalay ang lahat ng kaya mong gawin, ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Hindi mahalaga ang kakayahan ko. Basta mayroon akong tapat na puso at kaya kong magtrabaho nang maayos kasama ang iba, gawin ang lahat ng makakaya ko, at gawin nang maayos ang lahat ng dapat kong gawin nang hindi nanloloko, naaayon iyon sa kalooban ng Diyos. Sa katunayan, kaming tatlo ay binigyan ng Diyos ng iba’t ibang kakayahan at kalakasan para mapunan namin ang isa’t isa. Mahusay ang kakayahan ng dalawa kong katuwang at magaling sa trabaho; nakikita nila ang mga pangunahing bahagi ng mga problema. Pinunan nila ang mga kakulangan ko. Medyo kulang ang kakayahan ko, pero mas matanda ako nang kaunti sa kanila, kaya kaya kong isipin ang mga bagay sa paraang mas maingat, mas kumpleto. Lahat kami ay may mga kalakasan, pwede kaming magtulungan, at makikinabang dito ang aming gawain. Pero sa halip na hanapin ang katotohanan, ikinukumpara ko ang mga kalakasan ng mga katuwang ko sa sarili kong mga kalakasan, na naging dahilan para maging negatibo at pasibo ako, at hindi ko magawa ang tungkulin ko. Ngayong iniisip ko ‘to, talagang masyado akong naging hangal. Nang maunawaan ko iyon, kapag gumagawa ako ng tungkulin pagkatapos nun, kaya ko nang maging mas maagap. Anuman ang mga paghihirap o problema na mayroon ako, tinatalakay ko ang mga ito sa aking mga katuwang. Kapag hindi ako napipigilan ng aking kakayahan at edad, mas gumagaan ang pakiramdam ko sa aking tungkulin. Kapag nagtutulungan kami upang ilabas ang kalakasan ng bawat isa, maayos kaming nakakapagtrabaho nang sama-sama. Pagkatapos ay maayos na nakakagawa ang lahat nang sama-sama at ang aming gawain ng pagdidilig ay mas matagumpay.

Pinaalala nito sa’kin ang sinabi ng Diyos: “Marami man kayo o kakaunti na sama-samang tumutupad sa inyong tungkulin, anuman ang sitwasyon, at kahit kailan, huwag ninyong kakalimutan ang isang bagay na ito—magkasundo. Sa pamumuhay sa kalagayang ito, maaari kayong magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Kapag binitawan natin ang karangalan at katayuan at maayos na nagtrabaho kasama ang iba, makakamit natin ang paggabay ng Banal na Espiritu at makukuha ang magagandang resulta sa’ting mga tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman