Napalaya Mula sa mga Gapos ng Tahanan

Pebrero 5, 2022

Ni Cheng Shi, Tsina

Noong Hunyo 2012, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakatiyak ako na ang Makapangyarihang Diyos ay ang Panginoong Jesus na nagbalik, ang Tagapagligtas na pumarito sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan, at napuno ako ng pagkasabik. Naisip ko ang asawa ko na madalas pumupunta noon sa simbahan kasama ang kanyang superbisor habang siya ay nag-aaral bilang isang graduate student sa Tsina. Nang siya ay mangibang-bansa, pumupunta rin siya sa simbahan kasama ang lokal na pamayanan ng mga Intsik. Gusto kong sabihin sa kanya ang magandang balita sa lalong madaling panahon.

Bumalik ang asawa ko sa Tsina noong simula ng Setyembre at pinatotohanan ko sa kanya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nagulat ako nang, matapos niyang marinig ito, nakahanap siya online ng lahat ng uri ng sabi-sabi na inimbento ng CCP at ng mga negatibong propaganda na naninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Matapos iyon, tiningnan niya ako nang masama at sinigawan, “Tingnan mo ito! Ang pinaniniwalaan mo ay ang ‘Kidlat ng Silanganan,’ na matinding tinutugis ng CCP sa loob nang maraming taon. Sa sandaling arestuhin ka nila, sesentensiyahan ka at ikukulong. Bawal ka nang maniwala rito!” Pagkatapos ay pinunit niya ang lahat ng libro ko ng salita ng Diyos. Sa oras na iyon, galit na galit ako, pero naisip ko pagkatapos na tutol ang asawa ko sa paniniwala ko dahil saglit siyang nalinlang ng mga sabi-sabi ng CCP, pero mauunawaan niya rin kalaunan. Gayunman, alam ko na anuman ang mangyari, ang paniniwala sa Diyos ang tamang landas sa buhay, at hinding-hindi ko ito isusuko. Matapos iyon, araw-araw akong tinawagan ng asawa ko para subaybayan ang mga galaw ko. Noong panahong iyon, isa akong graduate student, kaya para maiwasan ang pagbabantay niya, dumadalo ako sa mga pagtitipon na malapit sa aking paaralan, at umuuwi lang ng Sabado at Linggo. Sa pagtatapos ng 2012, inilunsad ng CCP ang isang kampanya ng mas matinding pagpigil at pag-aresto laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Sa internet, telebisyon, at sa mga pahayagan, may mga sabi-sabi at maling akala na naninira at umaatake sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos kahit saan, at ginagamit ito ng gobyerno na dahilan para arestuhin ang mga mananampalataya sa Diyos sa lahat ng dako. Natakot ang asawa ko na maaaresto ako dahil sa paniniwala sa Diyos, na maaaring makaapekto sa kanya at sa anak naming babae, kaya naging pahigpit nang pahigpit ang mga restriksiyon niya sa akin. Binantaan niya rin ako, sinasabi na ididiborsiyo niya ako kung patuloy akong maniniwala sa Diyos. Sobrang sumama ang loob ko dahil dito. Sa Tsina, ang paniniwala sa Diyos ay hindi lang nagdadala ng panganib na masentensyahang makulong tayo, dumaranas din tayo ng pag-uusig mula sa ating mga pamilyang walang pananalig. Napakahirap ng mga bagay-bagay para sa atin! Kung magdidiborsiyo kami ng asawa ko, anong mangyayari sa anak naming babae? Sa mga ilang araw na iyon, wala akong interes sa pagganap ng aking mga tungkulin. Miserable talaga ako.

Nang malaman ng isa sa mga sister ang tungkol sa aking kalagayan, binasahan niya ako ng isang sipi ng salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang mahihirap na kalagayang ito, sa panlabas, ay ang asawa ko na pinaghihigpitan at inuusig ako, pero ang totoo sa likod nito ay ang pagmamanipula at panggugulo ni Satanas. Nais akong iligtas ng Diyos, at nagdudulot si Satanas ng lahat ng uri ng kaguluhan at panggagambala para pagtaksilan ko ang Diyos, maiwala ang Kanyang kaligtasan, at sa huli ay mahila pababa sa impiyerno kasama nito. Napakasama at napakalupit ni Satanas! Nang matanto ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, napakababa ng aking tayog, kaya hinihiling ko na bigyan Mo ako ng pananampalataya at tulutan Mo akong manindigan laban sa mga panggugulo ni Satanas. Kahit na idiborsiyo ako ng asawa ko, hindi Kita pagtataksilan, at hindi ako mahuhulog sa mga pakana ni Satanas.” Matapos akong manalangin, hindi na iyon napakahirap tiisin, at nagpatuloy akong magpalaganap ng ebanghelyo at tumupad ng aking tungkulin.

Hindi nagtagal pagkatapos nito, naaresto ako ng mga pulis sa isang pagtitipon. Inakusahan ako ng mga pulis ng “panggugulo sa kaayusang panlipunan” at ikinulong ako sa loob ng tatlumpung araw. Sa interogasyon ko, binantaan ako ng mga pulis, “Alam na ng paaralan mo na naaresto ka dahil sa paniniwala sa Diyos, at plano ka nilang patalsikin. Pero, kung makikipagtulungan ka sa amin at sasabihin sa amin ang nalalaman mo, makikipag-usap kami sa dean para sa iyo, at maaaring magpatuloy ang pag-aaral mo para makapagtapos. Pag-isipan mo ito nang mabuti!” Pagkaalis nila, tiningnan ko ang malalamig na rehas na bakal ng selda, at lubos akong nakaramdam ng pagkalumbay at kalungkutan. Naisip ko, “Kung mapapatalsik ako sa aking paaralan dahil sa paniniwala sa Diyos, magiging isyung pampulitika ito at maitatala ang bagay na ito sa student record at police file ko, walang ospital ang tatanggap sa akin kailanman, at mauuwi sa wala ang pangarap kong maging isang doktor. Sa tatlumpung taong gulang lang, mawawala nang tuluyan ang aking pag-aaral, trabaho, at kinabukasan. Paano ako patuloy na mabubuhay? Paano ko haharapin ang diskriminasyon at pangungutya ng mga tao sa paligid ko?” Sa loob ng ilang araw, hindi ako nakakain o nakatulog nang maayos.

Noong panahong iyon, madalas akong nanalangin sa Diyos tungkol dito. Isang umaga, napansin ko ang sarili ko na hindi namamalayang humuhuni ng isang himno ng salita ng Diyos na pinamagatang “Ang Pinakamakabuluhang Buhay”: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Habang kinakanta ko ang himno na iyon, lubha akong naantig, at hindi ko mapigilan ang pagdaloy ng mga luha ko. Isa akong nilikha, at dapat lang naman akong maniwala at sumamba sa Diyos. Natural at tama na gawin ko ito. Itinakda ng Diyos na maisilang ako sa isang pamilya na naniniwala sa Panginoon para malaman ko ang pagkakaroon ng Diyos mula sa murang edad. Sa mga huling araw, naging mapagbigay-loob sa akin ang Diyos at tinulutan Niya akong marinig ang tinig ng Panginoon at tanggapin Siya. Tinulutan Niya akong matamasa ang pagdidilig at pagtustos ng salita ng Diyos, tanggapin ang paghatol at pagpapadalisay, at matanggap ang pagkakataong mailigtas ng Diyos. Isa itong kamangha-manghang pagpapala! Naisip ko ang maraming tao na sumunod sa Diyos sa pagdaan ng mga henerasyon. Para ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos, nagdusa sila ng pag-uusig at paghihirap, at marami pa nga ang nagbuwis ng kanilang buhay. Lahat sila ay lumikha ng maganda at matunog na patotoo para sa Diyos. Ano lang ba ang kaunting pagdurusa ko kung pagbabatayan ito? Naisip ko, “Kung susuko akong paniwalaan ang Diyos para protektahan ang sarili kong mga interes at kinabukasan, mayroon pa rin ba akong konsiyensiya? Karapat-dapat ba akong matawag na tao?” Ang isiping iyon ang nagbigay sa akin ng lakas, at sumumpa ako na mapatalsik man ako o anuman ang aking maging hinaharap at kapalaran, at paano man ako tanggihan o siraan ng mga tao sa paligid ko, hinding-hindi ko pagtataksilan ang Diyos, at tatayo akong saksi para sa Diyos. Sa aking huling interogasyon, napakahinahon kong sinabi sa mga pulis, “Kung patatalsikin ako ng paaralan, hinihiling ko lang na sabihin ninyo sa asawa ko na pumunta sa paaralan para kunin ang mga gamit ko.” Nang makita ng mga pulis kung gaano ako kadeterminado, umalis sila na mukhang labis na pinanghinaan ng loob. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos.

Matapos akong palayain, galit na sinabi ng asawa ko, “Sinabi sa akin ng mga pulis na kapag naaresto ka uli dahil sa paniniwala sa Diyos, hindi lang iyon magiging isang buwan ng detensiyon. Makakaapekto ito sa akin at pati na rin sa anak natin. Maaapektuhan ang pagkakataon ng anak natin sa unibersidad at trabaho, at hindi siya makakapagtrabaho sa serbisyong pampubliko. Hindi mo ba naiintindihan? Dahil sa pagkaaresto mo dahil sa paniniwala sa Diyos, nagdusa rin ako ng isang buwan. Hindi ko masasabi sa iyo kung gaano karaming beses akong umiyak, at muntikan na akong maaksidente sa sasakyan. Para mailabas ka sa detention center, nagpalibut-libot akong nagmamakaawa ng tulong at lubusan kong napahiya ang sarili ko! Ayaw ko nang magdusa pa uli nang ganoon kahit kailan. Puwede bang itigil mo na ang paniniwala, at mas isipin ang tungkol sa pamilya natin?” Pagkatapos niyon, para pigilan ako sa pakikipag-ugnayan sa aking mga kapatid, binantayan niya ako na parang isa akong kriminal. Hindi niya ako pinapayagang umalis ng bahay at hindi talaga ako binigyan ng anumang kalayaan. Kapag pumapasok siya sa trabaho, pinababantayan niya ako sa nanay niya. Palagi siyang tumatawag para itanong kung nasaan ako at kung ano ang ginagawa ko. Walang tigil din niyang sinabi sa akin ang tungkol sa iba’t ibang panibagong galaw ng CCP at tungkol sa mararahas na pamamaraang ginamit ng mga iyon para ipaalam sa akin ang mga kinahihinatnan ng pagsuway sa CCP at alisin ang mga ideya ko tungkol sa paniniwala sa Diyos. Sinabi rin niya, “Alam kong hindi totoo ang mga sabi-sabi na gawa-gawa ng CCP tungkol sa iyong simbahan. Nais mong maniwala sa Diyos, pero hindi nila ito pinahihintulutan. Kung susuway ka, sisirain nila ang buhay mo. Tingnan mo ang mga taong humantong sa kalunus-lunos na pagkamatay sa panahon ng Rebolusyong Pangkultura at sa Insidente noong Ikaapat ng Hunyo. Kung gagalitin mo ang CCP, ni hindi ka makatatakas sa ibang bansa.” Sumali sa usapan ang biyenan ko, sinasabing, “Walang kuwenta ang CCP, pero may kapangyarihan sila. Mga hindi importante at ordinaryong tao lang tayo, at hindi tayo sapat na malakas para labanan sila.” Pagkatapos niyon, pinatalsik ako sa paaralan dahil sa aking paniniwala sa Diyos, at isinisi ng asawa ko ang lahat ng masasamang bagay na nangyari sa aming pamilya sa paniniwala ko sa Diyos. Sa tuwing may anumang gumugulo sa kanya, pinagagalitan niya ako, kinukutya ako, at pinapasaringan ako. Ang ganitong klase ng buhay ay iniwan akong labis na nalulumbay, at higit pa roon, hindi ako makapagbasa ng salita ng Diyos o makontak ang aking mga kapatid, kaya lalo akong miserable, at hindi ko alam kung kailan matatapos ang mga araw na iyon.

Noong panahong iyon, madalas akong manalangin sa Diyos para hilingin sa Kanya na bigyan ako ng kaliwanagan, gabayan ako, at tulutan akong maunawaan ang Kanyang kalooban. Isang araw, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi…. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na dahil kinamumuhian ng malaking pulang dragon ang Diyos at marahas na nilalabanan Siya, bilang mga mananampalataya ng Diyos sa Tsina, nakatakda tayong magtiis ng labis na pagdurusa, pero ang pagdurusa na ito ay makabuluhan. Ginagamit ng Diyos ang ganitong uri ng pag-uusig at pagtitiis para gawing perpekto ang ating pananampalataya at bigyan tayo ng pagkakilala. Dahil lang sa naniniwala ako sa Diyos, ikinulong ako ng CCP, pinatalsik ako sa aking paaralan, at ginamit ang trabaho at kinabukasan ng pamilya ko para bantaan ako at puwersahin akong isuko ang tunay na daan. Tunay na masama ang CCP! Sinubukan akong pigilan ng asawa ko na maniwala sa Diyos dahil kinatakutan niya ang kanilang mararahas na hakbang. Ang personal na pagdanas sa pag-uusig ng CCP ay tinulutan akong makita ang malademonyong diwa nito ng pagiging masidhing masama at pagkapoot sa katotohanan. Naisip ko, “Habang lalo akong inuusig ng CCP, mas lalo ko itong tatanggihan at tatalikdan, at susundan ang Diyos hanggang sa huli.” Pagkalipas ng sampung buwan, nakahanap ako ng pagkakataon para kontakin ang mga kapatid. Nang sa wakas ay nakakabasa na ako uli ng salita ng Diyos, labis ang kasabikan ko, at mas lalo kong nadama ang pagiging katangi-tangi ng salita ng Diyos. Habang lalo akong nagbabasa, mas natatanglawan at sumisigla ang pakiramdam ko.

Isang araw makalipas ang ilang buwan, natagpuan ng asawa ko ang aking kuwaderno ng debosyonal sa kuwarto ko. Nang malaman niyang naniniwala pa rin ako sa Diyos, uminit ang ulo niya at sa isang suntok niya ay sumadlak ako sa sahig at pagkatapos ay sinuntok niya ako nang hindi bababa sa dalawampu pang beses sa ulo. Hilung-hilo ako, at may mga bukol ako sa ulo na kasinglaki ng itlog ng kalapati. Naalala ko ang malamig na pagngangalit sa mukha ng asawa ko at kung paanong ang anim na taong gulang na anak ko ay takot na takot na nagsimula siyang humagulgol, “Huwag mong suntukin si mama! Huwag mong suntukin si mama! …” Hinawakan ako sa kuwelyo ng asawa ko at hinagis ako palabas ng pinto habang galit na galit niyang sinabi, “Kung patuloy kang maniniwala sa Diyos, umalis ka sa bahay ko!” Nang makita ko kung paanong nagbago ang asawa ko, kung gaano siya kalupit at kawalang-awa, at kung paanong wala siyang kapaki-pakialam sa mga taong pinagsamahan namin, naramdaman kong nadurog ang puso ko. Ang lubos na hindi ko kinaya ay ang makita kung gaano katakot ang anak kong babae sa kanyang marahas na galit. Sa sandaling lumapit siya sa akin, akala ng anak ko ay bubugbugin niya ako, kaya tumakbo siya sa harap ko at itinaas ang kanyang maliliit na braso para protektahan ako at sinabing, “Lumayo ka kay mama!” Minsan, kapag nasa itaas ako ng bahay, sa sandaling lumapit sa hagdan ang asawa ko, sisigawan siya ng anak ko na huwag umakyat ng hagdan. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ng anak ko na puno ng takot at pagkabalisa, ang pinsala sa isipan na dulot ng pagharap sa karahasan sa tahanan sa murang edad, para iyong kutsilyo na pinipihit sa puso ko, at mas lalo kong kinamuhian ang malaking pulang dragon. Ang lahat ng sakunang ito ay sanhi ng pag-uusig ng Partido Komunista.

Isang araw, pagbalik ng asawa ko matapos ang trabaho, inilabas niya ang kanyang cellphone at galit na sinabing, “Tingnan mo, napakaraming tao na naman ang inaresto ng CCP. Nais mo pa rin bang maniwala? Gusto mo bang mamatay? Puwede kang maniwala sa Diyos, sige, pero huwag mo akong hilahin at ang anak natin pababa kasama mo. Kung maaaresto ka na naman, magiging napakahirap ang mga buhay natin. Kung alam ko lang na tatahakin mo ang landas ng paniniwala sa Diyos, hindi sana kita pinakasalan kailanman.” Labis-labis akong nasaktan sa sinabi ng asawa ko. Nagbalik-tanaw ako sa nakaraang yugto ng panahon, kung paanong binigyan niya ako ng mas kaunting kalayaan kaysa sa isang kriminal dahil lang naniniwala ako sa Diyos, kung gaano kadalas niya akong binugbog, at kung paano nito nasaktan ang anak ko, at napagtanto kong hindi ko na kayang makipagkompromiso, kaya sumang-ayon ako sa hiling ng asawa ko na diborsiyo. Nang makita niya na nagpupumilit akong magpatuloy na maniwala sa Diyos, tinawagan niya ang kapatid kong lalaki at hiniling sa kanya na himukin ako. Mahal ako ng kapatid ko at palagi niya akong ipinagmamalaki, pero dahil inusig ako ng CCP, pinatalsik ako sa paaralan at pinagbawalang ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Kung makikipagdiborsiyo ako pagkatapos niyon, makukumpleto ko na ang aking transpormasyon na maging katatawanan ng nayon. Labis na madidismaya ang kapatid ko! Hindi ko alam kung paano harapin ang kapatid ko, tumawag ako sa Diyos sa aking puso at hiniling sa Kanya na protektahan ako para makatayo akong saksi para sa Diyos, at kahit anuman ang mangyari, hindi ko kailanman isusuko ang aking paniniwala sa Diyos. Pagkatapos, naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaan ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Tama iyon. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Diyos ay natural at tama. Dapat tayong manindigan sa pinili nating landas, at hindi tayo dapat maloko ni Satanas. Hindi natin maaaring hayaan kahit ang pinakamalalapit na tao na humadlang. Pagdating ng kapatid ko, pinuna ako nang pinuna ng asawa ko sa harap niya, sinasabing hindi ako dapat maniwala sa Diyos. Nang makita ng asawa ko kung gaano ako kahinahon, itinaas niya ang kamay niya para saktan ako, pero pinigilan siya ng kapatid ko. Mahinahong sinabi sa akin ng kapatid ko, “Matanda ka na, at kaya mo nang gumawa ng sarili mong mga desisyon tungkol sa buhay mo. Pero kailangan mong isipin kung anong mangyayari sa anak mo kapag nakipagdiborsiyo ka. Kung titingnan mo kung ano ang nangyari sa anak ko, malalaman mo kung ano ang mangyayari sa anak mo. …” Ang mga salita ng kapatid ko ay sandaling nagpalungkot sa akin, dahil naisip ko ang tungkol sa diborsiyo niya, at kung paanong ang kanyang anak ay madalas na kinukutya at minamaliit ng mga tao sa paligid niya. Nakakaawa para sa isang bata na walang ina. Sa sitwasyon ko sa puntong iyon, kung makikipagdiborsiyo ako, tiyak na makukuha ng asawa ko ang kustodiya ng anak namin, at siya ay magiging batang walang ina. Hindi ba’t magdurusa siya ng diskriminasyon at pangungutya mula sa kanyang mga guro at kaklase? Kung wala ako sa kanyang tabi, kung titira siya kasama ang kanyang amang hindi mananampalataya at kanyang lolo at lola, magagawa ba niyang tahakin ang landas ng paniniwala sa Diyos? Nang maisip ko kung gaano pa siya kabata, pakiramdam ko hindi ko kakayaning malayo sa kanya. Miserable talaga ako noong panahong iyon, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko kayang pakawalan ang anak ko. Palagi akong nakadarama ng kalungkutan kapag naiisip ko ang kanyang kinabukasan. Hinihiling kong bigyan Mo ako ng kaliwanagan, gabayan ako, at protektahan ang puso ko.”

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng kinalalakhang kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang patas na mga kondisyon ang makakaimpluwensya sa misyon ng isang tao, na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay nagkakahustong pag-iisip ayon sa kanilang sariling kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na plinano para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga responsabilidad bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). “Ang mga plano at pantasya ng mga tao ay perpekto; hindi ba nila alam na ang bilang ng mga anak na mayroon sila, ang hitsura, mga kakayahan ng kanilang mga anak, at iba pa, ay hindi nila mapagpapasyahan, na ni kapiraso ng mga kapalaran ng kanilang mga anak ay wala sa kanilang mga palad? Ang mga tao ay hindi mga panginoon ng kanilang sariling kapalaran, subalit umaasa sila na mababago nila ang mga kapalaran ng mas nakababatang henerasyon; wala silang kapangyarihan na takasan ang kanilang sariling mga kapalaran, subalit sinusubukan nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak na babae’t lalaki. Hindi kaya nasosobrahan ang tiwala nila sa kanilang mga sarili? Hindi ba ito kahangalan at kamangmangan ng tao?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na nilikha ng Diyos ang lahat at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at ang buong kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang mga magulang ay narito lang para palakihin ang kanilang mga anak, gayunman, hindi nila mababago ang kapalaran ng kanilang mga anak. Palagi kong naiisip na maaari kong impluwensiyahan at kontrolin ang buhay ng anak ko, na makahahanap siya ng kaligayahan hangga’t nasa tabi niya ako, at maaakay ko siya sa landas ng paniniwala sa Diyos. Pero nang mag-isip ako uli, ni wala nga akong kontrol sa sarili kong kapalaran, kaya paano ko makokontrol ang kapalaran ng anak ko? Naisip ko kung paanong nagkasakit ang anak ko at hinimatay ilang araw na ang nakararaan, at ni hindi ko mapagaan ang sakit niya, kaya ko lang maghintay at magbantay. Ang kaya ko lang ay magmakaawa sa Diyos na protektahan ang aking anak. Nadapa ang anak ko habang umaakyat ng bundok at nahulog sa isang bangin. Wala talaga akong magawang anuman. Ngunit misteryoso siyang nailigtas ng isang patay na puno sa gilid ng bangin. Ang mga insidenteng ito ay nagpaunawa sa akin, na kahit na inalagaan ko ang anak ko sa lahat ng posibleng paraan, walang garantiya na hindi siya magkakasakit o daranas ng sakuna. Ang buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang pagdurusang pinagdaraanan ng isang tao sa kanyang buhay at kung anong landas ang kanyang tinatahak ay matagal nang paunang itinalaga ng Diyos. Walang magagawa ang mga tao at hindi nila maiimpluwensyahan ang mga bagay na ito. Sa sandaling naunawaan ko ang mga bagay na ito, nakadama ako ng malaking kaginhawahan. Napagtanto kong dapat kong ipaubaya ang anak ko sa mga kamay ng Diyos at sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Bilang isang nilikha, ito ang dapat kong gawin.

Kalaunan, nang makita ng asawa ko na nagpupumilit akong maniwala sa Diyos, nagpasya siyang idiborsiyo ako. Hiningi niya sa aking umalis ng bahay nang walang kahit ano at tumangging ibigay sa akin ang kustodiya para sa aming anak. Nais pa nga niyang alisin ang aking karapatan na bumisita. Nang tanungin ko siya tungkol sa hatian ng ari-arian, hinampas pa niya ako sa ulo ng tasang stainless. Ginamit ko ang mga kamay ko para protektahan ang sarili ko pero nalamog ang mga pulsuhan ko, na nangangahulugang hindi ako makabitbit ng mabibigat na bagay sa loob ng mahigit dalawang buwan. Marahas niya ring hinampas ang likod ko nang ilang beses, na naging sanhi para ubuhin ako nang matindi sa loob ng mahigit isang buwan. Matapos ang lahat ng iyon, kinamkam niya ang daan-daang libong inipon ko mula sa trabaho. Sabi niya, “Naniniwala ka sa Diyos, hindi ba? Kung gayon hilingin mo sa Diyos mo na bigyan ka ng pagkain at tubig.” Nang makita ko ang asawa ko na labis na hindi makatwiran at malupit, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay masama? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang ‘Diyos’ o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng masamang kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang masamang kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Ang ibinunyag ng mga salita ng Diyos ay tinulutan akong malinaw na makita ang masamang kalikasan ng paglaban sa Diyos ng asawa ko. Noong una, nang malaman ng asawa ko na naniniwala ako sa Makapangyarihang Diyos, labis siyang tutol, at pinunit pa niya ang aking mga libro ng salita ng Diyos. Kalaunan, galit na galit na sinimulan niya akong subukang pigilan sa paniniwala sa Diyos at tinrato niya akong parang bilanggo, hindi binigyan ng anumang kalayaan, at madalas na malupit akong binubugbog. Para bang gusto niya akong patayin. Nang magdiborsiyo kami, kinamkam niya ang lahat ng ari-arian ko para puwersahin akong maging desperado at gawing imposible para sa akin na mabuhay. Ang layon niya ay gawin akong ipagkanulo at itanggi ang Diyos. Ngayon ay malinaw ko nang nakikita ang kalikasang diwa ng asawa ko. Isa siyang diyablo na kinamumuhian at nilalabanan ang Diyos. Wala kaming pagkakatulad ng asawa ko. Sa pamumuhay na kasama siya, wala akong kalayaan, at binugbog ako at pinigilan. Napakasakit nito! Paano ito naging tahanan? Ang mga ito ay walang anuman kundi mga gapos. Ito ay impiyerno.

Matapos ang diborsiyo ko, hindi na ako nahahadlangan at napipigilan ng asawa ko. Nagawa kong pumunta sa mga pagtitipon at magbasa ng mga salita ng Diyos nang normal, at agad akong tumanggap ng mga tungkulin sa iglesia. Nadama ko ang matinding gaan at kaginhawahan. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Paghatol Ay Liwanag

Zhao Xia Lalawigan ng Shandong Ang pangalan ko ay Zhao Xia. Isinilang ako sa isang pangkaraniwang pamilya. Dahil sa impluwensiya ng mga...

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Si Fan, South Korea Tinanggap ko ang tungkulin ng pagdidilig ng mga baguhan dalawang taon na ang nakararaan. Nadama kong isa itong...