Isang Tungkulin na Hindi Maiiwasan

Pebrero 18, 2024

Ni An xin, Myanmar

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong 2019 at pagkaraan ng ilang buwan, sinimulan kong ipalaganap ang ebanghelyo. Masayang-masaya ako na magampanan ang aking tungkulin. Nang maglaon, naging abala ako sa mga isyu ng pamilya at umako ako ng mas kaunting pasanin sa aking gawain sa ebanghelyo. Iniisip ko na marami pang oras at maaari akong hindi magmadali, kaya’t hinati ko ang oras ko sa paghahanap ng trabaho at pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit dalawampung araw pa lang akong nagtatrabaho roon nang tumama ang Covid. Napakabilis nitong kumalat at nagsimulang mag-lockdown ang Wa State. Sarado ang mga tindahan at kompanya, at nakabarikada ang mga kalsada. Medyo nabalisa ako noong mangyari ito; akala ko ay marami akong oras at pwede akong hindi magmadali, kaya hindi ako nag-apura sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit tumitindi ang mga sakuna at napakarami pa rin ang hindi nakarinig sa tinig ng Diyos, nakita ko na hindi ko natupad ang aking responsabilidad at nakaramdam ako ng pagkakautang sa Diyos. Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ngayon, ano ang inyong responsabilidad? Ito ay ang dalhin sila palabas mula sa Kapanahunan ng Biyaya at papasok sa bagong kapanahunan. Matutupad ba ninyo ang atas ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pagdarasal at pagsambit sa Kanyang pangalan? Sapat na ba ang mangaral lang ng ilang salita ng Diyos? Talagang hindi ito sapat. Hinihingi nito sa bawat isa sa inyo na magkaroon ng pasanin na gampanan ang atas na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, na malawakang ipamahagi ang mga salita ng Diyos, na ipalaganap ang mga salita ng Diyos sa iba't ibang paraan, at iproklama at palawigin ang ebanghelyo ng kaharian. Ano ang ibig sabihin ng palawigin? Ito ay nangangahulugan na iparating ang mga salita ng Diyos sa mga hindi pa nakatanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, na ipaalam sa mas maraming tao na gumagawa ang Diyos ng bagong gawain, at pagkatapos ay magpatotoo sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos, gamitin ang inyong mga karanasan para magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, at dalhin din sila sa bagong kapanahunan—sa ganitong paraan, papasok sila sa bagong kapanahunan tulad ninyo. Malinaw ang kalooban ng Diyos. Hindi lamang para sa inyo na nakarinig sa Kanyang mga salita, na tumanggap sa mga ito, at sumunod sa Diyos, ang makapasok sa bagong kapanahunan, kundi dadalhin din Niya ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunang ito. Ito ang kalooban ng Diyos, at ito ay isang katotohanan na dapat malaman ng bawat tao na sumusunod ngayon sa Diyos. Hindi inaakay ng Diyos ang isang grupo ng tao, ang isang maliit na paksyon, o ang isang maliit na pangkat etniko papasok sa bagong kapanahunan; sa halip, nilalayon Niyang dalhin ang buong sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Paano maisasakatuparan ang layong ito? (Sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo.) Tunay nga na dapat itong maisakatuparan sa pamamagitan ng malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, gamit ang iba't ibang pamamaraan at diskarte upang malawakang maiparating ang ebanghelyo. Madali lamang magsalita tungkol sa malawakang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ngunit paano ba ito dapat partikular na gawin? (Nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng tao.) Mismo, ito ay nangangailangan ng pakikipagtulungan ng tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na gumagawa ang Diyos upang iligtas hindi lamang ang isang maliit na grupo ng mga tao, o isang partikular na bansa lamang, sa halip, Siya ay gumagawa upang iligtas ang sangkatauhan at gabayan ang lahat ng tao sa isang bagong panahon; ito ang kalooban ng Diyos. Napakarami pa rin ang hindi nakarinig sa tinig ng Diyos at nakapagkamit sa kaligtasan ng Diyos, namumuhay pa rin sila sa kasalanan, sa katiwalian at pagpapahirap ni Satanas. Kailangan nila ang mga katulad natin na tumanggap ng bagong gawain ng Diyos para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian sa kanila, at bigyan sila ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo ng Diyos at matanggap ang Kanyang kaligtasan. Ito ang ating sama-samang misyon. Tumitindi ang mga sakuna at kumakalat ang pandemya. Kung hindi ko seseryosohin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, palaging naniniwalang marami pang oras, binibigyang-layaw ang aking laman at hindi nagbabayad ng halaga sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, lalo lamang magiging mas mahirap na ipalaganap ang ebanghelyo habang tumitindi ang mga sakuna. Wala pang nagpalaganap ng ebanghelyo sa mga tao sa bayan ko, at kung patuloy na titindi ang mga sakuna, maaaring hindi sila makaharap sa Diyos. Kailangan kong ihinto ang pagpapalayaw sa aking laman, kailangan kong alalahanin ang kalooban ng Diyos at tuparin ang aking tungkulin, kaya nagpasya ako sa harap ng Diyos na ipapalaganap ko ang ebanghelyo sa aking bayan. Noong 2021, bumalik ako sa aking bayan at ipinalaganap ang ebanghelyo sa ilang kaibigan at kakilala. Pagkatapos nilang tanggapin ang gawain ng Diyos sa huling araw, nagbahagi ako sa kanila tungkol sa paghahanda ng mabubuting gawa at hiniling ko sa kanila na dalhin ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan para makinig sa mga salita ng Diyos. Handang-handa silang lahat na gawin ito. Sa ganoong paraan, nagsimula kaming magpalaganap ng ebanghelyo sa mas maraming tao at kalaunan ay nagtatag kami ng iglesia. Masayang-masaya ako. Sa panahong iyon ko napagtanto kung ano ang ibig sabihin ng masipag at responsableng paggampan sa aking tungkulin. Naramdaman ko ang patnubay ng Banal na Espiritu at mas naging handa akong ipalaganap ang ebanghelyo. Lalong lumalakas ang loob ko sa tuwing nakikita ko ang mga baguhan na nagpapakita ng sigasig at pagnanais na dumalo sa mga pagtitipon.

Isang araw, nagdaos kami ni Yanni ng pagtitipon sa isang lugar ngunit walang dumating sa oras na napagkasunduan, kaya ipinahanap ko sila kay Yanni. Pagbalik niya, sinabi niya sa akin: “Kababalik lang mula sa Mongmao ng asawa ng baguhan na si Ima at sinasabi nitong huwad ang ebanghelyo natin. Sinabi rin nito na inaaresto ng gobyerno ang mga manggagawa ng ebanghelyo at huhulihin din ang mga mananampalataya. Nagtrabaho raw ito sa isang nayon at mayroong isang tao roon na lihim na nagpapalaganap ng ebanghelyo nang hindi nalalaman ng lokal na pastor, ng punong nayon o ng lider ng tract ng nayon. Kung mabuting bagay ang ipinapalaganap nila, bakit kailangan nilang ilihim ito? Sinabi niya na dapat magdalawang-isip ang mga tao bago makinig para maiwasang malinlang. Natakot silang lahat nang husto kaya hindi sila naglakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon.” Medyo nalungkot ako: Maayos naman ang mga baguhan sa simula at masigasig silang dumadalo sa mga pagtitipon, pero pagkatapos ng mga tsismis, hindi na sila dumalo. Paano namin ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng ebanghelyo kung gayon? Hindi ko na alam kung paano magpapatuloy. Kaya, nagdasal ako sa Diyos. Kalaunan, nakipagbahaginan sa amin ang superbisor ko na si Isa; “Saanman ginagawa ang gawain ng Diyos, darating si Satanas para gambalain ito. Sa harap ng problemang ito, sama-sama nating hanapin ang kalooban ng Diyos.” Pagkatapos, pinadalhan niya kami ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang mga suliraning lumilitaw, palagi mo dapat matutunan ang iyong leksiyon at magkaroon ka ng pagkilatis; hindi mo ito dapat hayaang mawala na lang nang walang saysay, ni hindi mo dapat palampasin ang anumang pagkakataon na matuto ka ng iyong leksiyon at magkaroon ng pagkilatis. Sapagkat nangyari ang isang bagay, hindi natin dapat harapin ito nang may negatibo at naninising saloobin; sa halip, dapat natin itong harapin nang may positibong saloobin. Paano iyon ginagawa? Sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang problema. Lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon, at may pagkakaiba sa pagitan ng mabubuti at masasamang tao sa aspekto ng pagkatao, kaya paanong hindi magkakaroon ng mga problema kapag nagtitipon ang mga tao? Ano dapat ang saloobin mo, ngayong nailatag na ng Diyos ang sitwasyong ito para sa iyo, na naipakita na Niya sa iyo ang gayong mga tao, kaganapan, at mga bagay na nangyayari sa paligid mo? Pasalamatan ang Diyos sa paglalatag ng iba’t ibang problemang ito sa iyong harapan. Binibigyan ka Niya ng pagkakataong magsanay at matuto, at na makapasok sa katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 20). Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang Kanyang kalooban. Nakapaloob sa sitwasyong ito ang mabuting layunin ng Diyos, layon nitong hanapin natin ang katotohanan at magkaroon tayo ng pagkakilala. Dating masigasig ang mga baguhan, dumadalo sila sa mga pagtitipon araw at gabi, pero ngayon ay natatakot sila sa naririnig na mga sabi-sabi at hindi na sila dumadalo. Nang makitang inililigtas ng Diyos ang mga tao, sinimulang gambalain at sirain ni Satanas ang lahat ng kapangyarihan nito, gumagamit ng mga tsismis para linlangin at dayain ang mga tao, itinutulak sila na lumayo sa Diyos at mawalan ng pagkakataong maligtas. Si Satanas ay napakasama at kasuklam-suklam! Alam ko noon na matindi ang espirituwal na labanan, pero hindi ko pa ito personal na naranasan at hindi ko nakilala ang masasamang intensiyon ni Satanas, kaya nabigla ako at hindi alam ang gagawin sa sitwasyong ito at hindi ko naunawaan kung bakit nangyayari ito. Ipinapalaganap ko ang ebanghelyo sa kanila para marinig nila ang tinig ng Diyos at makamit ang pagliligtas ng Diyos. Mabuting bagay ito. Bakit nila ipinapakalat ang mga tsismis na ito? Nadismaya rin ako sa taong nagpakalat ng tsismis at sa sitwasyong bunga ng tsismis. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ako dapat maging negatibo at mapanisi kapag may mga problema, kundi dapat akong magkaroon ng saloobin na nagpapasakop. Binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong magsagawa, at kailangan kong matuto mula sa sitwasyong ito. Kailangan kong hanapin ang katotohanan sa paghihirap na ito at hanapin ang mga baguhan para ibahagi ang mga salita ng Diyos, upang makilala nila ang mga kasinungalingan ni Satanas at hindi sila malinlang. Nang mapagtanto ko ito, handa na akong magpatuloy.

Pagkatapos niyon, isa-isa naming hinanap ni Yanni ang mga baguhan. Kung natitipon namin ang ilan sa kanila, sabay-sabay na rin namin silang binabahaginan, pero kung hindi, paisa-isa namin silang binabahaginan. Isang beses, nang magbahagi kami sa isang grupo, may dumating din na pastor. Nakinig ang pastor sa mga sermon noong nakaraan pero hindi na siya dumalo mula nang marinig niya ang mga tsismis. Sa pagkakataong ito, dumating lang siya para sunduin ang asawa niya mula sa pagtitipon. Pagdating niya, nilapitan ko siya agad para batiin. Binuksan ng pastor ang kanyang Bibliya at sinabi: “Sa Mateo Kabanata 24, Bersikulo 23–24, sinasabi nito na lilitaw ang mga huwad na Cristo sa mga huling araw para linlangin ang mga tao. Napakaraming tao ang nagpapalaganap ng ebanghelyo ngayon, pero hindi namin alam kung sino ang nangangaral ng tunay na daan at kung sino ang nangangaral ng huwad, natatakot kaming malinlang kaya hindi kami naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon.” Sumagot ako sa kanya, sabi ko: “Malaking bagay ang pagsalubong sa Panginoon, dapat tayong personal na magsiyasat anuman ang sabihin ng iba. Katulad ng kung mayroong isang talagang masarap na mansanas, pero ang sabi ng iba sa iyo ay pangit daw ang lasa nito, kaya’t nagpasya kang huwag itong tikman, hindi ba’t kahangalan iyon? Pareho ito sa paghahanap at pagsisiyasat sa tunay na daan. Kung hindi ka personal na maghahanap at magsisiyasat, at susundin mo lang ang sinasabi ng iba, baka mapalagpas mo ang pagkakataong salubungin ang Panginoon at habang-buhay kang magsisi. Kung gusto mong malaman kung ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ang tunay na daan at kung ito ba ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, dapat mong basahin ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos para makita kung ang mga ito ay mga salita ng Diyos at mga pagpapahayag ng katotohanan.” Binasa ko sa kanila ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Matapos basahin ang sipi, ibinahagi ko sa kanila na ang pinakamahusay na paraan para makilala ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kumpirmahin na kaya Niyang magpahayag ng katotohanan, gumawa ng gawain ng Diyos at magdala sa mga tao sa katotohanan, buhay, at tunay na daan. Kung hindi maipahayag ng isang tao ang katotohanan hindi siya ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi siya si Cristo. Si Cristo ay Espiritu ng Diyos na nakapaloob sa laman, Siya ay may banal na diwa. Tanging si Cristo ang makapagpapahayag ng katotohanan at makagagawa ng gawain ng pagliligtas, walang makapapalit sa Kanya. Ang Panginoong Jesus, halimbawa, ay nagsagawa ng gawain ng pagtubos, nagpasan sa mga kasalanan ng buong sangkatauhan, nagpahayag sa daan ng pagsisisi at gumawa ng maraming himala, kabilang na ang pagbibigay ng paningin sa bulag, pagpapalakad sa mga pilay at pagbuhay sa mga patay, lahat ng ito ay nagpapamalas ng awtoridad ng Diyos. Bukod sa Diyos, sino ang makapagpapahayag ng katotohanan at makapagpapabuhay ng mga patay? Sino ang makapagsasagawa sa gawain ng pagtubos? Sino pa ang may ganoong antas ng awtoridad? Walang sinuman! Sa pamamagitan ng mga salita at gawain ng Panginoong Jesus kinikilala natin na Siya ay si Cristo, ang Diyos Mismo. Nagpahayag ng maraming katotohanan ang Makapangyarihang Diyos, nagsagawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw, at tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at itinatag ang Kapanahunan ng Kaharian. Inihayag ng Makapangyarihang Diyos ang misteryo ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan, hinatulan at inilantad ang pinagmulan ng kasalanan at paglaban ng tao sa Diyos, at binigyan ang sangkatauhan ng landas tungo sa kadalisayan at kaligtasan, na magdadala sa kanila sa isang magandang destinasyon sa huli. Walang ibang makapagpapahayag ng mga salitang ito o makapagsasagawa ng gawaing ito, tanging ang Diyos Mismo ang makakagawa ng ganitong uri ng gawain. Mula rito, makukumpirma natin na ang Makapangyarihang Diyos ay si Cristo ng mga huling araw, Siya ang ikalawang pagparito ng Panginoong Jesus. Higit pa rito, ang Diyos ay palaging bago at hindi luma, at hindi gumagawa ng parehong gawain nang dalawang beses. Ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Hindi Niya inulit ang gawain ng pagpapagaling ng mga maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo na ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Pagdating naman sa mga huwad na Cristo, hindi nila taglay ang diwa ng Diyos at hindi nila kayang ipahayag ang katotohanan, kaya lamang nilang kopyahin ang mga nakaraang gawa ng Diyos at isagawa ang ilang simpleng himala para linlangin ang mga tao. Kung may isang taong nagpakita na kayang gumawa ng mga himala at sinabi nitong siya ang Panginoong Jesus na nagbalik, tiyak na peke siya, isang huwad na Cristo na sinusubukang linlangin ang mga tao. Kaya, hindi natin dapat iwasang magsiyasat sa gawain ng Diyos dahil lang sa may mga huwad na Cristo sa mga huling araw. Kung hindi natin babasahin ang mga salita ng Diyos at sisiyasatin ang Kanyang gawain, paano natin maririnig ang tinig ng Diyos? Inililigtas ng Diyos ang mga tunay na nananalig sa Kanya. Kung mapapalagpas natin ang pagsalubong sa pagparito ng Panginoon, habang-buhay tayong magsisisi. Matapos marinig ang aking pagbabahagi, sinabi nila: “Naiintindihan ko. Nagsasagawa ang Diyos ng bagong gawain, hindi na Niya pinapagaling ang mga maysakit at pinapalayas ang mga demonyo tulad noong Kapanahunan ng Biyaya. Kung may isang taong kayang gumawa ng mga himala ngunit hindi makapagpahayag ng katotohanan, isa siyang huwad na Cristo.” Nagbahaginan din kami tungkol sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos, ang kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ang kahulugan ng Kanyang pangalan. Nakita ng pastor na may batayan sa Bibliya ang sinabi namin, at inamin niya na binabasa namin ang mga salita ng Diyos, na pumarito ang Diyos para gumawa ng isang bagong yugto ng gawain.

Ilang saglit pa, nagtanong ang isang baguhan, “Dahil gawain ito ng Diyos, bakit hindi natin ito ipangaral sa publiko?” Binasa ko muna ang dalawang sipi ng Kasulatan: “Nalalaman natin na tayo’y sa Dios at ang buong sanglibutan ay nakahilig sa masama(1 Juan 5:19). “At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa(Juan 3:19). Pagkatapos ay ibinahagi ko ito: Napakasama ng mundong ito, ang lahat ng sangkatauhan ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kinasusuklaman nila ang katotohanan at liwanag at mas pinipili ang kasamaan at kadiliman. Nagkatawang-tao na ang Diyos para isagawa ang Kanyang gawain at iligtas ang sangkatauhan, bukod sa hindi Siya tinanggap ng sangkatauhan, nilabanan at tinanggihan din Siya ng mga ito. Ang mga satanikong rehimen at mga pwersang anticristo ng mundo ng relihiyon ay talagang nasusuklam sa pagparito ng Diyos. Upang mapanatili ang kanilang kapangyarihan at matiyak ang kanilang katayuan at kaunlaran, pinagbabawalan nila ang mga tao na manampalataya sa Diyos o makinig sa Kanyang mga salita, inuusig at inaaresto rin nila ang mga nananalig sa Diyos at nagpapalaganap ng ebanghelyo, ninanais pa nga nila na tuluyang ipagbawal ang gawain ng Diyos. Katulad lang ito noong ginampanan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain. Nabalitaan ni Herodes na ang bagong silang na Panginoong Jesus ay ang Hari ng mga Hudyo at ginusto nitong ipapatay ang Panginoong Jesus, kaya’t iniutos niya na patayin ang lahat ng batang lalaki na wala pang dalawang taon ang gulang. At ang mga Pariseo sa mundo ng relihiyon ay nag-alala na mananampalataya ang lahat ng tao sa Panginoong Jesus at makikinig sa Kanyang mga salita, na hihinto na sa pagsunod sa kanila ang mga tao, kaya’t nilabanan at kinondena nila ang Panginoong Jesus. Kaya, sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ipinangaral ng Panginoong Jesus sa publiko ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa mga sinagoga. Nagbigay Siya ng mga sermon sa Kanyang mga disipulo sa mga bundok at mga bangkang pangisda. Ginawa ito upang maiwasan ang panggugulo at panunukso ng mga satanikong demonyo, na kapaki-pakinabang para sa Kanyang gawain. At sinabi rin ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga disipulo: “Datapuwat pagka kayo’y pinag-usig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan(Mateo 10:23). Sapagkat nagpahayag ang Makapangyarihang Diyos ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw, Siya rin ay inusig at kinondena ng mga satanikong rehimen at pwersang anticristo sa mundo ng relihiyon. Kung ipapalaganap natin ang ebanghelyo sa publiko, mahaharap tayo sa matitinding hadlang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa panahong si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa at nagsasalita Ako sa inyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga hindi mananampalataya. Ang Aking gawain sa inyo ay sarado sa mga nasa labas. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay hayag lamang sa inyo at hindi sa iba pa. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa inyo at inihahayag lamang sa inyo; wala sa mga hindi mananampalataya ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang maging ganap ang mga taong narito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, natatago ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit sa mga nasa daloy na ito, maaaring sabihin na Siya ay hayag. Bagama’t ang lahat ay bukas sa Diyos, ang lahat ay inihahayag, at ang lahat ay napapalaya, totoo lamang ito sa mga taong naniniwala sa Kanya; kung ang mga nalalabi, ang mga hindi mananampalataya, ang pag-uusapan, walang ipinaaalam sa kanila. Ang gawaing kasalukuyang isinasagawa sa inyo at sa China ay mahigpit na nakasarado, upang hindi nila malaman. Kung malalaman nila ang gawaing ito, pagkondena at pag-uusig lamang ang gagawin nila rito. Hindi sila maniniwala rito. Ang gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi isang madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, magiging imposibleng magpatuloy ito. Ang yugtong ito ng gawain ay sadyang hindi maisasagawa sa lugar na ito. Kung ang gawaing ito ay isasagawa nang lantaran, paano nila pahihintulutan itong sumulong? Hindi ba ito magdadala ng mas malaking panganib sa gawain? Kung hindi itinago ang gawaing ito, at sa halip ay isinagawa tulad sa panahon ni Jesus, nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi kaya matagal na itong ‘sinunggaban’ ng mga demonyo? Kaya ba nilang tiisin ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga sinagoga upang mangaral at magbigay ng sermon sa tao, hindi kaya matagal na Akong nagkadurug-durog? At kung nangyari ito, paano patuloy na maisasagawa ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi ipinapamalas nang lantaran ay para magkubli. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, malaman, o matuklasan ng mga hindi mananampalataya. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging napakatatag gaya ngayon. Kaya, ang gumawa nang patago sa paraang ito ay may benepisyo sa inyo at sa kabuuan ng gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 2). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Para sa mga tumatanggap sa tunay na daan at sumusunod sa Diyos, ganap na nakahayag ang mga detalye ng gawain sa huling araw, walang aspeto nito ang nakatago. Subalit hindi ito nakahayag sa mga hindi mananampalataya at sa mga lumalaban sa Diyos. Lalo na sa mga lugar kung saan inuusig ang Diyos, hindi maaaring ipalaganap sa publiko ang ebanghelyo. Halimbawa, sa panahon ngayon kapag nabalitaan ng ilang gobyerno na nagsasagawa ang mga tao ng pananampalataya at nagpapalaganap ng ebanghelyo, ipinag-uutos nila ang pag-aresto at pag-usig sa mga ito. At saka, nagpapakalat ng tsismis at kasinungalingan ang mundo ng relihiyon at pinipigilan nito ang mga tao na maghanap at magsiyasat sa tunay na daan. Kung ipapalaganap natin ang ebanghelyo sa publiko, mahahadlangan ang gawain. Isa pa, hindi dapat siyasatin ng isang tao ang tunay na daan batay sa kung ito ay ipinangaral sa publiko o hindi, kundi sa halip ay batay sa kung mayroon itong katotohanan at tinig ng Diyos. Ito lamang ang tamang paraan. Nagkaroon sila ng pagkilatis sa mga tsismis, naintindihan ang kahalagahan ng pagtanggap sa tunay na daan, at naging handang patuloy na makinig sa mga sermon. Matapos marinig ang aking pagbabahagi, kinilala din ng pastor na taglay ng mga salitang binasa namin ang katotohanan at na iyon ang tinig ng Diyos. Pagkatapos niyon ay hindi na siya nanggambala at pumupunta siya sa mga pagtitipon kapag may oras siya. Laking pasasalamat ko sa patnubay ng Diyos.

Pero hindi tumigil ang mga tsismis. Hindi na dumalo si Ima sa mga pagtitipon at nagsimula siyang manggambala kasama ang asawa niya. Nagsimula siyang mag-ikot-ikot, ipinapahayag na ang ebanghelyong ipinangangaral namin ay nagmumula sa China, na ang aming mga manggagawa sa ebanghelyo ay nakapatay ng maraming tao, na naglalakbay kami sa buong mundo para linlangin ang mga tao gamit ang aming ebanghelyo, at ngayon ay nandito na sa Myanmar para gawin din iyon, kaya dapat daw iwasan ng mga tao na makinig. Hindi siya pinaniwalaan ng ilang baguhan, alam nilang mabubuting tao kami at hindi namin sila niloloko. Sinabi rin ni Ima na nagpapanggap lang kami na mabait sa kanila sa simula, pero unti-unti kaming manghihingi ng pera, at na kung wala silang pera, kukunin namin ang kanilang mga anak, at kung hindi sila dadalo sa mga pagtitipon, papatayin namin sila. Noong panahong iyon, galit na galit ako at hindi ko maarok kung bakit sila nagpapakalat ng mga gayong tsismis. Pero medyo natakot din ako. Galing ako sa labas ng nayon, at hindi ako gaanong kilala ng mga baguhan. Kung may isang malinlang sa mga tsismis at maisip nitong gagawin ko ang gaya ng sinabi ni Ima, isusumbong ba nila ako? Sinabi ni Ima at ng kanyang asawa sa lahat ng nakatagpo nila na isa akong mamamatay-tao at sinubukan nilang kumbinsihin ang host ko na itaboy ako. Isang gabi, nang lumabas ako para ipalaganap ang ebanghelyo at diligan ang mga baguhan, pinagsarhan ako ng bahay ng host ko dahil naniwala ito sa sinabi ni Ima. Natakot din sa akin ang lahat ng taganayon, ayaw nilang pumunta sa mga pagtitipon at gusto nila akong itaboy. Masamang-masama ang loob ko. Pumunta ako roon para ipalaganap ang ebanghelyo ng pagliligtas ng Diyos sa huling araw, upang matamo rin nila ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos, pero ang kapalit ay nagpakalat sila ng mga tsismis, siniraan ako at sinabing mamamatay-tao ako. Natakot ang lahat sa akin at gusto nila akong paalisin. Kung hindi ako aalis, maaari akong maaresto. Talagang natakot ako. Kung aarestuhin ako at ikukulong, bibigyan ba ako ng mahabang sentensiya? Ano kaya ang iisipin ng pamilya ko kapag nalaman nila? Sobrang nakakahiya iyon! Takot na takot akong maaresto at mapahiya, kaya hindi ako makatulog sa gabi. Hindi ko alam kung paano harapin ang sitwasyong ito, kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako. Kinabukasan, nang mabalitaan ng superbisor ko ang nangyayari, pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, madalas na kahaharapin ng isang tao ang gayong mga pangungutya, panlilibak, panunuya, at paninirang-puri, o nalalagay pa nga siya sa mga mapanganib na sitwasyon. Ang ilang kapatid, halimbawa, ay tinutuligsa o dinudukot ng masasamang tao, at ang iba ay isinusumbong sa mga pulis, na siya namang ipinapasa sa pamahalaan. Ang ilan ay maaaring arestuhin at ikulong, samantalang ang iba naman ay maaari pa ngang bugbugin hanggang sa mamatay. Nangyayari ang lahat ng bagay na ito. Ngunit ngayong alam na natin ang mga bagay na ito, dapat ba nating baguhin ang ating saloobin tungkol sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay tungkulin at obligasyon ng lahat. Anumang oras, anuman ang ating marinig, o makita, o anumang klase ang pagtrato sa atin, kailangang palagi nating panindigan ang responsabilidad na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang sitwasyon, hindi natin dapat isuko ang tungkuling ito dahil sa pagiging negatibo o sa kahinaan. Ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo ay hindi mapayapang paglalayag, kundi puno ng panganib. Kapag nagpalaganap ka ng ebanghelyo, hindi ka haharap sa mga anghel, o mga taga-ibang planeta, o mga robot. Haharap ka lamang sa masama at tiwaling sangkatauhan, sa buhay na mga demonyo, sa mga halimaw—lahat sila ay mga taong nabubuhay sa masamang lugar na ito, sa masamang mundong ito, sila ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, tiyak na naroon ang lahat ng uri ng panganib, maliban pa sa walang-katuturang paninirang-puri, panunuya, at mga di-pagkakaunawaan, na madalas nang mangyari. Kung talagang itinuturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo na isang responsabilidad, isang obligasyon, at bilang tungkulin mo, magagawa mong ituring nang tama ang mga bagay na ito at mapamahalaan pa nang tama ang mga ito. Hindi mo susukuan ang iyong responsabilidad at ang iyong obligasyon, ni hindi ka lilihis mula sa iyong orihinal na layunin na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos dahil sa mga bagay na ito, at hinding-hindi mo isasantabi ang responsabilidad na ito, sapagkat ito ang tungkulin mo. Paano dapat unawain ang tungkuling ito? Ito ang halaga at pangunahing obligasyon ng buhay ng tao. Ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos ay ang halaga ng buhay ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ay Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kapag ipinapalaganap natin ang ebanghelyo, nahaharap tayo sa malulupit na tao na ginawang tiwali ni Satanas, pati na rin sa lahat ng uri ng pagkondena at pag-atake na mula sa mga anticristo, masasamang tao at mga hindi mananampalataya. Maaaring maranasan natin ang pangungutya, paninira, at pang-iinsulto, ang maiulat at maaresto, at ang magkaroon ng banta sa buhay natin. Ang mga nagpapakalat ng tsismis na isa akong mamamatay-tao at na gumagawa ako ng masasamang gawa ay nagtatangka lang na sirain ang aking reputasyon at pigilan ang pagpapalaganap ko ng ebanghelyo. Gusto nilang gumamit ng mga tsismis at paninira para pabagsakin ako, para hindi na ako maglakas-loob na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos. Ito ang mapanlinlang na pakana ni Satanas. Kung aalis ako ng nayon at titigil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan, mahuhulog ako sa pakana ni Satanas at magiging katatawanan nito. Sa takot ng mga baguhan na dumalo sa mga pagtitipon at magbasa ng salita ng Diyos sa pangambang maiulat o maaresto, alam kong mas lalo nilang kailangan ang pagdidilig para maunawaan nila ang katotohanan, makita ang mapanlinlang na pakana ni Satanas at hindi mamuhay sa takot. Pero dahil pinagsarhan ako ng bahay, pakiramdam ko ay inagrabyado ako at mas lalo akong nag-alala na baka maaresto at mapahiya ako, kaya’t ginusto kong huminto at umuwi. Hindi ko itinuring ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang aking responsabilidad at obligasyon. Hindi ko talaga nagampanan ang responsabilidad ko. Nahaharap sa ganitong hindi kanais-nais na sitwasyon, hindi ko hinanap ang kalooban ng Diyos o isinasaalang-alang ang mga baguhan, at ginusto ko lang na talikuran ang aking tungkulin. Wala akong kahit katiting na pagkaresponsable! Habang mas mahirap ang isang sitwasyon at habang mas sinasalakay at ginagambala sila ng mga pwersa ng kadiliman ni Satanas, iyong mga tunay na sumusunod sa kalooban ng Diyos ay makakaramdam na mas lalo silang obligadong tumindig, magbahagi sa katotohanan, pabulaanan at ilantad ang mga kasinungalingan at maling paniniwala na nagmumula kay Satanas, panatilihin ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ipahiya si Satanas. Ito lamang ang nagbibigay-ginhawa sa puso ng Diyos at ang tunay na pagsasakatuparan sa tungkulin. Ang responsabilidad at tungkulin ko ay ang ipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at magpatotoo sa Lumikha. Ito ay isang napakamakabuluhang gawain at apurahang layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nagkaroon ako ng kumpiyansa na ipagpatuloy ang aking gawain. Gaano man kami guluhin ni Satanas o paano man ako tratuhin ng mga baguhan, mananatili ako at magpapatuloy sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan.

Pagkatapos niyon, hinanap namin ang mga baguhan. Paulit-ulit nilang sinasabi sa amin: “Gusto rin naming magtipon, pero natatakot kaming malinlang at mas lalong natatakot kami na tatawagan ng asawa ni Ima ang mga pulis para ipahuli kami.” Nagbahagi sa kanila si Isa, sinasabing: “Alam nating lahat na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos, kaya bakit sinasabi ng mga tao na nagpapakalat Siya ng maling pananampalataya noong panahong iyon? Sino ang nagsabi nito? Ito ay ang mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon. Nakita nila kung paano nagsimulang sumunod sa Panginoong Jesus ang lahat ng kanilang disipulo at nataranta sila. Nag-aalala sila na kung mananampalataya ang lahat sa Panginoong Jesus, wala nang darating para makinig sa kanilang mga sermon at wala nang sasamba sa kanila. Kaya, nagsimula silang magpakalat ng mga tsismis at magbawal sa mga tao na sumunod sa Panginoong Jesus. Sa Bibliya, makikita natin na inaakusahan Siya ng ilan ng maling pananampalataya, habang ang iba ay nagsasabing nagpalayas Siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng prinsipe ng mga diyablo. Nang mabuhay muli ang Panginoong Jesus pagkatapos na maipako sa krus, sinuhulan nila ang mga kawal na nagbabantay sa libingan at pinilit ang mga itong sabihin na ninakaw ng mga disipulo ng Panginoong Jesus ang Kanyang bangkay mula sa libingan at na hindi totoong nabuhay Siyang muli. Hindi ba’t nagpapakalat sila ng mga tsismis? Malinaw na nabuhay muli ang Panginoong Jesus, ngunit ayaw lang nila itong tanggapin. Napakaraming tsismis ang kumalat noong panahong iyon, at pinakalat ang lahat ng ito para pigilan ang mga tao sa pananampalataya sa Panginoong Jesus. Ngayon, dahil kinondena nila ang Panginoong Jesus bilang erehe, bakit tayo mananampalataya sa Kanya?” Sumagot ang lahat ng baguhan: “Dahil ang Panginoong Jesus ang Diyos, ang Manunubos.” Nagpatuloy si Isa, sinasabing: “Nagkatawang-tao at pumarito ang Diyos para isagawa ang Kanyang gawain at iligtas ang sangkatauhan. Hindi kayang makita ng diyablo na nagkakamit ng mas maraming tao ang Diyos, kaya nagpapakalat ito ng mga tsismis tungkol sa Kanya at nakikipagtulungan ito sa gobyerno para usigin ang Kanyang mga disipulo at pigilan silang sumunod sa Diyos. Gayunpaman, hindi napigilan ang mga taong tapat na sumusunod sa Diyos. Ang isa sa mga disipulo ng Panginoong Jesus ay kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, ang isa ay ipinako nang patiwarik at ang ilan ay ikinulong. Gayunpaman, nanalig at sumunod pa rin sila sa Panginoon. Hindi ba’t naibunyag sa pamamagitan ng pag-uusig at paghihirap na ito ang mga tunay na mananampalataya ng Diyos? Ang mga hindi mananampalataya na ‘kumain lang ng mga tinapay at nabusog’ ay naniwala sa mga tsismis o hindi naglakas-loob na manalig sa Diyos dahil sa takot na maaresto at mausig. Ang mga gayong tao ay parang mga damo. Inilalantad sila ng gawain ng Diyos at sila ay pinalalayas. Sa huli, mapupunta silang lahat sa impiyerno kasama ang mga nag-imbento ng mga tsismis.” Pagkatapos ay binasa niya ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Sa bansa ng malaking pulang dragon, nagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Tunay na ito ang ‘giikan’ na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang nakapasok habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagtugon sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang yugtong ito ng gawain. Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at dalisay na ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking sambahayan? Paano Ko matutulutan ang mga soro na maging mga parasito sa Aking paraiso?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagpatuloy si Isa, sinasabing: “Bakit tinutulutan ng Diyos na umiral ang gayong mga tsismis? Ginagamit niya ang mga ganitong sitwasyon para subukan ang mga tao, para makita kung tapat o mapanlinlang ang kanilang pananalig. Ang mga tunay na mananampalataya sa Diyos ay nakikinig lahat sa Kanyang mga salita, at sa mahihirap na sitwasyon ay nagpapakita pa rin sila ng tapat na pananalig at sumusunod pa rin sila sa Diyos. Samantalang ang mga huwad na mananampalataya, pinaniniwalaan nila ang mga nagpapakalat ng tsismis at hindi sila naglalakas-loob na sundin ang Diyos dahil sa pangamba at takot. Sa huli, nabibihag sila ni Satanas at nawawalan ng pagkakataong maligtas.” Sinabi ng ilang baguhan: “Palagi tayong sinusubukang linlangin nitong mga nagpapakalat ng tsismis, napakasama nila! Bakit kailangan pa nating makinig sa mga sinasabi nila? Hindi na tayo makikinig.” Sinabi rin ng ilan: “Hindi na tayo makikinig kay Ima at sa asawa niya, makikinig tayo sa mga salita ng Diyos!” Laking pasasalamat ko sa Diyos nang marinig ko ang mga sinasabing ito ng mga baguhan! Gaano man kalupit si Satanas at anumang masamang pakana o tsismis ang gamitin nito, wala itong kapangyarihang pigilan ang gawain ng Diyos. Pagkatapos niyon, ipinagpatuloy ko ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Minsan, noong sumama ako sa isang baguhan para makipag-usap sa isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, ang potensyal na tatanggap ay nagsama ng pito o walong iba pa para makinig at lahat sila ay talagang masigasig. Pinatotohanan ko sa kanila kung paanong nagbalik na ang Panginoong Jesus, nagpahayag ng maraming katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol sa mga huling araw. Pagkatapos niyon, nagpatotoo ako sa kanila kung paanong nagsasagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Pagkatapos makinig, lahat sila ay naging handang magsiyasat, at sinabi ng ilan na tuwang-tuwa silang marinig ang mga salita ng Diyos. Hinikayat ko silang dalhin ang kanilang mga kaibigan at pamilya para makinig sa aming mga sermon, at handang-handa silang lahat na gawin iyon. Pagkatapos ng ilang araw pa ng pagbabahaginan, isa pang grupo ng mga tao ang tumanggap sa bagong gawain ng Diyos. Magmula noon, patuloy naming ipinapalaganap ang ebanghelyo at sa kabuuan, animnapu’t apat na tao mula sa nayon ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa huling araw.

Sa pagbabalik-tanaw sa karanasang iyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi iyon naging madali—naharap kami sa maraming mapanganib na sitwasyon, inusig kami at muntik pang maaresto, at naranasan din namin ang paninirang-puri at mga insulto, subalit ginagamit lang ng Diyos ang panggugulo ni Satanas para gawing perpekto ang aking pananalig at para makilala ko ang aking katiwalian at mga kakulangan. Sa pamamagitan ng karanasang ito, mas may kumpiyansa na ako ngayon na ipalaganap ang ebanghelyo!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply