Pinatibay ng Brutal na Pagpapahirap ang Pananampalataya Ko

Disyembre 10, 2019

Ni Zhao Rui, Tsina

Noong tagsibol ng 2009, nagsagawa ang Partido Komunista ng Tsina ng isang malawakang kampanya ng pagdakip na target ang mga miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Dinakip ang mga pinuno ng iglesia sa buong bansa at sunud-sunod na ibinilanggo. Bandang alas-9 ng gabi noong ika-4 ng Abril, kakalabas lang namin mula sa bahay ni Sister Wang ng isang sister na katulong ko sa pagganap ng aming mga tungkulin at naglalakad kami papunta sa daanan nang biglang lumundag sa likuran namin ang tatlong di-unipormadong lalaki at sapilitan kaming kinaladkad hawak ang mga braso namin, habang sumisigaw na, “Halika na! Sasama kayo sa amin!” Bago pa kami nakakibo, isinakay kami sa likod ng isang itim na sedan na nakaparada sa gilid ng daan. Kagaya iyon sa mga pelikula kung saan dumarating ang mga gangster at dinudukot ang isang tao kahit maliwanag, maliban lang sa ngayon ay nangyayari ito sa amin sa totoong buhay, at ito ay ganap na nakakatakot. Lubos akong nadaig at ang nagawa ko na lang ay ang tahimik na tumawag sa Diyos nang paulit-ulit: “Mahal kong Diyos! Iligtas Mo ako! O Diyos, pakiusap iligtas Mo ako….” Bago ko pa nagawang huminahon, huminto ang sedan sa bakuran ng Munisipal na Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Noon ko lang natanto na nahuli kami ng mga pulis. Hindi nagtagal, ipinasok din si Sister Wang. Dinala kaming tatlo sa isang tanggapan sa ikalawang palapag at kinuha ng isang babaeng pulis, nang walang anumang pagpapaliwanag, ang aming mga bag at pinatayo kami nang nakaharap sa pader. Pagkatapos noon ay pilit niya kaming pinaghubad at siniyasat niya ang aming mga katawan, at kasabay noon ay sapilitang kinuha ang ilang gamit tungkol sa aming gawain sa iglesia, mga resibo ng perang hawak ng iglesia, mga cellphone namin, mahigit 5,000 RMB na cash, isang card sa bangko at isang relo, pati na iba pang personal na pag-aari na dala namin at nasa mga bag namin. Habang nangyayari ang lahat ng ito, labas-masok sa silid ang pito o walong lalaking pulis at dalawa sa mga pulis na nagbabantay sa amin ang bigla pang tumawa at itinuro ako, sinasabing, “Mataas ang posisyon ng isang ito sa iglesia, mukhang nakabingwit tayo ng malaki ngayon.” Hindi nagtagal pagkatapos noon, pinosasan ako ng apat na di-unipormadong pulis, tinakpan nila ng sumbrero ang mga mata ko, at dinala ako sa isang sangay ng Kawanihan ng Pampublikong Seguridad na malayo mula sa lungsod.

Noong pumasok ako sa interrogation room at nakita ang mataas na bintanang may mga rehas na bakal at ang nakakatakot at nanlalamig na tiger chair, pumasok sa isip ko ang mga nakakapangilabot na kwento ng mga kapatid na pinahirapan na dati. Sa pag-iisip ko sa di-malamang pagpapahirap na sunod na gagawin sa akin ng masasamang pulis, labis akong natakot at nagsimulang kusang manginig ang mga kamay ko. Sa desperadong kalagayang ito, inalala ko ang mga salita ng Diyos: “May takot pa rin sa puso mo. Kung gayon ay hindi ba puno pa rin ng mga ideya ni Satanas ang puso mo?” “Ano ang isang mananagumpay? Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay kailangang maging matapang at manalig sa Akin upang maging malakas sa espirituwal; kailangan silang lumaban upang maging mga mandirigma at labanan si Satanas hanggang kamatayan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). Dahan-dahang pinahinahon ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos ang natataranta kong puso at tinulutan akong matanto na nagmumula kay Satanas ang takot ko. Naisip ko sa sarili ko: “Nais ni Satanas na pahirapan ang laman ko upang sumuko ako sa paniniil nito. Hindi ako maaaring mahulog sa mapagsabwatang balak nito. Sa lahat ng oras, lagi kong magiging matatag na kaagapay at walang-hanggang suporta ang Diyos. Ito ay isang espirituwal na pakikipaglaban at kinakailangan kong tumayong saksi sa Diyos. Dapat akong tumayo sa tabi ng Diyos at hindi ako maaaring sumuko kay Satanas.” Nang natanto ko ito, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos! Kasama sa mabubuting layunin Mo na mahulog ako sa mga kamay ng masasamang pulis na ito ngayon. Subali’t, napakababa ng tayog ko at ako ay natataranta at natatakot. Nananalangin akong bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas ng loob, upang makawala ako mula sa mga pagpipigil ng impluwensya ni Satanas, hindi magpasakop dito at matatag na tumayong saksi sa Iyo!” Pagkatapos kong manalangin, napuno ng lakas ng loob ang puso ko, at nabawasan ang takot ko sa masasamang pulis na iyon na mukhang masama ang balak.

Pagkatapos, itinulak ako ng dalawang pulis paupo sa tiger chair at ikinandado ang mga kamay at paa ko. Tumuro ang isa sa mga pulis, na isang matangkad at malaking halimaw, sa ilang salitang nasa pader na nagsasabing “Sibilisadong Pagpapatupad ng Batas” at saka hinampas ang mesa at sumigaw, “Alam mo ba kung nasaan ka? Ang Kawanihan ng Pampublikong Seguridad ang sangay ng pamahalaang Tsino na dalubhasa sa karahasan! Kapag hindi ka umamin, makikita mo ang hinahanap mo! Magsalita ka! Anong pangalan mo? Ilang taon ka na? Saan ka galing? Anong posisyon mo sa iglesia?” Napuno ako ng galit nang makita ko ang kanyang mapusok na pag-uugali. Naisip ko sa sarili ko: “Lagi nilang sinasabi na sila ang ‘Kapulisan ng mga Tao’ at na ang layunin nila ay ang ‘puksain ang masasama at hayaan ang mga sumusunod sa batas na mamuhay nang payapa,’ nguni’t sa katunayan ay isa lang silang pangkat ng mga siga, mga bandido at mga bayarang mamamatay-tao sa mundo ng mga kriminal. Mga demonyo silang nagsasagawa ng direktang pag-atake sa katarungan at nagpaparusa sa mabubuti at kagalang-galang na mga mamamayan! Ang mga pulis na ito ay nagbubulag-bulagan sa mga lumalabag sa batas at gumagawa ng krimen, hinahayaan silang mamuhay nang hindi naaabot ng batas. Subali’t, sa kabila ng katunayang ang tanging ginagawa namin ay ang manampalataya sa Diyos, magbasa ng salita ng Diyos at maglakad sa tamang landas sa buhay, kami ang naging pangunahing target ng karahasan ng pangkat na ito ng mababagsik. Tunay na tampalasang tagapagbaligtad ng katarungan ang pamahalaang CCP.” Kahit na buong-puso kong kinamuhian ang masasamang pulis na iyon, alam kong napakababa ng tayog ko at hindi ko makakayanang tiisin ang malupit nilang pagpapahirap, kaya muli’t muli akong tumawag sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na bigyan ako ng lakas. Sa sandaling iyon, binigyang-liwanag ako ng mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Tinulungan akong maging handa ng pag-aliw at pagpapalakas ng loob ng mga salita ng Diyos, at naisip ko sa sarili ko: “Dapat akong maging handa ngayon na ipagsapalaran ang lahat—kung umabot sa sukdulan at mamatay ako, e di magkagayon. Kung inaakala ng pangkat na ito ng mga demonyo na malalaman nila mula sa akin ang tungkol sa pera ng iglesia, gawain namin o mga pinuno, nagkakamali sila!” Kinalaunan, gaano man nila ako tinanong o sinubukang kuhanan ng impormasyon, wala akong sinabi ni isang salita.

Noong nakita nilang tumatanggi akong magsalita, nagalit iyong isa pang pulis at, pagkatapos hampasin ang mesa, sinugod ako, sinipa ang tiger chair na inuupuan ko at saka itinulak ang ulo ko habang sumisigaw, “Sabihin mo sa amin ang nalalaman mo! Huwag mong isiping wala kaming alam. Kung wala kaming anumang alam, kung sa gayon paano sa tingin mo namin nagawang matagumpay na hulihin kayong tatlo?” Umatungal iyong matangkad na pulis, “Huwag mong ubusin ang pasensya ko! Kung hindi ka namin patitikimin ng kaunting sakit, iisipin mong hanggang pagbabanta lang ang gagawin namin. Tayo!” Pagkatapos na pagkatapos niyang magsalita ay kinaladkad niya ako mula sa tiger chair papunta sa ilalim ng isang bintana, na napakataas sa pader at may mga rehas na bakal. Gumamit sila ng isang pares ng posas na may mga pantusok para sa bawat kamay, na ang isang dulo ay nakakandado sa palibot ng mga kamay ko at ang kabila ay nakakabit sa rehas kung kaya nakabitin ang mga kamay ko mula sa bintana at ang mga bola lang ng talampakan ko ang sumasayad sa lupa. Binuksan ng isa sa kanila ang aircon upang pababain ang temperatura sa silid at saka marahas akong hinampas sa ulo gamit ang isang nakarolyong aklat. Noong makita niyang nanatili pa rin akong tahimik, sumigaw siya sa galit: “Magsasalita ka ba o hindi? Kung hindi ka magsasalita, ‘pasasakayin ka namin sa duyan’!” Pagkatapos noon, gumamit siya ng isang mahabang panaling pang-empake ng militar upang itali ang mga binti ko at pagkatapos ay ikinabit ang panali sa tiger chair. Pagkatapos ay hinila nila palayo sa pader ang tiger chair kung kaya’t nakalutang ako sa hangin. Habang gumagalaw pasulong ang katawan ko, dumudulas ang mga posas pababa sa base ng mga pulso ko at bumabaon ang mga pantusok na nasa loob ng mga posas sa likod ng mga kamay ko. Dumanas ako ng napakatinding sakit, nguni’t mariin kong kinagat ang labi ko upang pigilan ang sarili kong sumigaw sapagka’t hindi ko nais na tumawa ang masasamang pulis na iyon sa paghihirap ko. Sinabi ng isa sa kanila habang nakakatakot na nakangisi, “Mukhang hindi masakit! Hayaan mong dagdagan ko nang kaunti para sa iyo.” Pagkasabi noon, itinaas niya ang binti niya at mariing tinapakan ang mga binti ko at pagkatapos ay inugoy ang katawan ko nang pabalik-balik. Nagsanhi ito na humigpit nang humigpit ang mga posas na nakapalibot sa mga pulso at likod ng mga kamay ko at sa huli ay napakasakit na nito kung kaya’t hindi ko napigilang sumigaw sa sakit, na nagpahalakhak nang todo sa kanila. Noon lang siya tumigil sa pagdiin sa mga binti ko, at naiwan ako roong nakalutang sa hangin. Matapos ang higit-kumulang dalawampung minuto, bigla niyang sinipa ang tiger chair pabalik sa akin, na gumawa ng nakakapangilabot na matinis na tunog at humiyaw ako nang bumalik sa posisyon ang katawan ko, na nakabitin mula sa pader na mga bola lang ng talampakan ko ang tumatapak sa lupa. Magkasabay na dumulas ang mga posas pabalik sa mga pulso ko. Sa biglaang pagluwag ng mga posas, mabilis na dumaloy ang dugo palayo sa mga kamay ko at pabalik sa mga braso ko, na nagsanhi ng tumitibok na sakit mula sa presyon ng nagbabalik na dugo. Tumawa sila nang nakakatakot nang makita ang pagdurusa ko at pagkatapos ay tinanong ako, sinasabing, “Ilang tao ang nasa inyong iglesia? Saan ninyo itinatago ang pera?” Kahit paano nila ako tanungin, tumanggi akong magsalita hanggang sa sobrang galit ay nagsimula na silang magmura: “Buwisit! Masyado kang matigas! Tingnan natin kung gaano katagal ka makakatiis!” Pagkasabi noon, hinila uli nila ang tiger chair palayo sa pader, kaya lumutang na naman ako sa hangin. Sa pagkakataong ito, mahigpit na kumapit ang mga posas sa mga bukas nang sugat sa likod ng mga kamay ko, at mabilis na namaga at lumaki ang mga kamay ko dahil sa dugo, na pakiramdam ko ay malapit na silang pumutok. Mas matindi pa ang sakit ngayon kaysa noong una. Malinaw silang naglarawan sa isa’t isa ng “mga kahanga-hangang karanasan” nila sa pagpapahirap at pagpaparusa ng mga bilanggo. Nagtagal ito ng labinlimang minuto bago nila sa wakas sinipa ang upuan pabalik sa pader at bumalik ako sa dating posisyon ko na nakabitin nang tuwid pababa mula sa bintana na ang mga bola ng paa ko lang ang sumasayad sa lupa. Kasabay nito, napuno uli ako ng pumupunit na sakit. Pagkatapos, isang pandak at punggok na lalaking pulis ang pumasok at nagtanong, “Nagsalita na ba siya?” Sumagot ang dalawang pulis, sinasabing, “Isang tunay na Liu Hulan ang isang ito!” Naglakad palapit sa akin ang mataba at masamang pulis na iyon at malakas akong sinampal sa mukha, habang marahas na sinasabing, “Tingnan natin kung gaano ka katigas! Hayaan mong luwagan ko itong mga kamay mo.” Tumingin ako pababa sa kaliwang kamay ko at nakita kong labis itong namamaga at nangingitim na. Pagkatapos, sinunggaban niya ang mga daliri ng kaliwang kamay ko at nagsimulang alugin ang mga iyon nang pabalik-balik at himasin at pisilin ang mga iyon hanggang napalitan muli ng sakit ang pamamanhid. Pagkatapos ay inayos niya ang mga posas upang malagay sa pinakamahigpit at sinenyasan ang dalawang pulis na iyon na hilahin uli ako pataas sa hangin. Lumutang na naman ako sa hangin at nanatili sa ganoong posisyon nang dalawampung minuto bago ibinaba. Paulit-ulit nila akong itinataas sa hangin at ibinababa, pinahihirapan ako hanggang sa puntong ginusto ko nang mamatay upang matakasan ang sakit. Bawat beses na dumudulas pataas at pababa ng mga kamay ko ang mga posas ay mas masakit kaysa nauna. Sa huli, bumaon nang malalim sa mga pulso ko ang mga pantusok at tumagos sa balat ng likod ng mga kamay ko, na nagsanhi ng matinding pagdurugo. Tuluyan nang tumigil ang pagdaloy ng dugo sa mga kamay ko at namaga na ang mga ito na parang mga lobo. Ang sakit na ng ulo ko dahil sa kawalan ng oxygen at pakiramdam ko ay malapit na itong sumabog. Akala ko talaga ay mamamatay na ako.

Noong inakala kong hindi ko na makakayanan, sumaisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng biglaang bugso ng lakas at naisip ko kung paano nagdusa sa krus ang Panginoong Jesus: Nilatigo Siya, kinutya at ipinahiya ng mga sundalong Romano at binugbog hanggang sa magdugo. Subali’t pinagbuhat pa rin Siya ng mabigat na krus na iyon, ang parehong krus kung saan nila Siya ipinako nang buhay kinalaunan, hanggang dumanak na ang bawat patak ng dugo mula sa katawan Niya. Anong lupit na pagpapahirap! Pagdurusang ang hirap isipin! Subali’t tahimik na tiniis ng Panginoong Jesus ang lahat ng iyon. Kahit na tiyak na hindi mailalarawan ng mga salita ang sakit, maluwag sa kalooban na inilagay ng Panginoong Jesus ang sarili Niya sa mga kamay ni Satanas upang matubos ang sangkatauhan. Naisip ko sa sarili ko: “Ngayon, nagkatawang-tao ang Diyos sa pangalawang pagkakataon at dumating sa ateistang bansa ng Tsina. Dito, nakatagpo Siya ng mga panganib na labis na mas peligroso kaysa sa hinarap Niya noong Kapanahunan ng Biyaya. Magmula nang nagpakita ang Makapangyarihang Diyos at nagsimulang gampanan ang Kanyang gawain, ginamit na ng pamahalaang CCP ang lahat ng uri ng paraan upang siraan, lapastanganin, baliw na tugisin at dakpin si Cristo, hambog na umaasang pabagsakin ang gawain ng Diyos. Ang pagdurusang pinagdaanan ng Diyos sa Kanyang dalawang pagkakatawang-tao ay higit sa kayang isipin ninuman, lalo na ang kaya nilang kayanin. Dahil nagtiis na ng matinding pagdurusa ang Diyos para sa atin, dapat akong magkaroon ng higit na konsensya; dapat kong palugurin ang Diyos at bigyan Siya ng ginhawa, kahit na mamatay pa ako.” Sa sandaling iyon, pumasok sa isip ko ang paghihirap ng lahat ng mga banal at mga propeta sa lahat ng kapanahunan: si Daniel sa yungib ng mga leon, si Pedro na nakapako nang patiwarik sa krus, si Santiago na pinugutan ng ulo…. Nang walang naiiba, ang mga banal at propetang ito ay lahat matunog na tumayong saksi sa Diyos sa bingit ng kamatayan, at natanto kong dapat kong hangarin na tularan ang kanilang pananampalataya, debosyon at pagpapasakop sa Diyos. Kung kaya, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Wala Kang kasalanan nguni’t ipinako Ka para sa aming kaligtasan. Nagkatawang-tao Ka pagkatapos sa Tsina upang gampanan ang gawain Mo, nang inilalagay sa kapahamakan ang buhay Mo. Napakadakila ng pagmamahal Mo kung kaya hindi Kita mababayaran kailanman. Pinakamalaking karangalan para sa akin na magdusa kasama Mo ngayon at handa akong tumayong saksi upang paginhawahin ang puso Mo. Kahit kunin pa ni Satanas mula sa akin ang buhay ko, hindi ako bibigkas ni isang salita ng pagdaing!” Habang nakatuon ang isip ko sa pagmamahal ng Diyos, tila nabawasan nang husto ang sakit sa aking katawan. Sa ikalawang kalahati ng gabing iyon, salit-salitang ipinagpatuloy ng masasamang pulis ang pagpapahirap sa akin. Noong bandang alas-9 ng sumunod na umaga lang nila sa wakas inalis ang pagkakatali ng mga binti ko at iniwan akong nakabitin mula sa bintana. Parehong lubusang manhid at walang pakiramdam ang mga braso ko at namamaga ang buong katawan ko. Sa panahong iyon, nadala na sa katabing interrogation room ang babaeng kapatid na kasama kong gumaganap ng mga tungkulin. Bigla na lang pumasok sa interrogation room ko ang walo o siyam na pulis, at isang maliit at matabang pulis ang nagmamadaling pumasok at tinanong ang masasamang pulis na humahawak sa akin: “Nagsalita na ba siya?” “Hindi pa,” sagot nila. Pagkarinig niya sa sagot nila, agad siyang lumapit sa akin, dalawang beses akong sinampal sa mukha at galit akong sinigawan, “Hindi ka pa rin nakikipagtulungan! Alam namin ang pangalan mo, at alam naming isa kang mahalagang pinuno sa iglesia. Huwag kang magkamaling isipin na wala kaming alam! Saan mo nilagay ang pera?” Nang makita niyang tahimik pa rin ako, pinagbantaan niya ako, sinasabing, “Kung hindi ka aamin, mas malala ang mangyayari sa iyo kapag natuklasan namin mismo. Dahil sa posisyon mo sa iglesia, hahatulan ka ng dalawampung taon sa kulungan!” Pagkatapos noon, hinawakan nila ang card ko sa bangko at tinanong ang pangalan na nasa card at ang pin number. Naisip ko sa sarili ko, “Hayaan nang makita nila, wala na akong pakialam. Hindi naman nagsalin ng malaking pera ang pamilya ko sa account na iyon. Baka kapag nakita nila, hindi na nila ako kukulitin tungkol sa pondo ng iglesia.” Nang nakapagpasya na ako, sinabi ko sa kanila ang pangalan at pin number.

Kalaunan, nagpaalam akong pupunta sa banyo at noon lang nila ako ibinaba sa wakas. Sa puntong iyon, lubusan na akong nawalan ng kontrol sa mga binti ko, kaya binuhat nila ako papunta sa banyo at nagbantay sa labas. Subali’t, ganap na akong nawalan ng pakiramdam sa mga kamay ko at hindi na umaabot sa mga ito ang mga utos mula sa utak ko, kaya tumayo lang ako roon na nakasandal sa pader, lubos na walang kakayanang ibaba ang pantalon ko. Noong hindi pa rin ako lumalabas pagkatapos ng ilang sandali, tinadyakan pabukas ng isa sa mga pulis ang pinto at sinigawan ako nang may mahalay na ngisi, “Hindi ka pa tapos?” Nang makita niyang hindi ko maigalaw ang mga kamay ko, nilapitan niya ako at ibinaba ang pantalon ko at pagkatapos ay itinaas uli iyon noong matapos na ako. Isang pangkat ng mga lalaking pulis ang nagtipon-tipon sa labas ng banyo at nagsasabi ng lahat ng uri ng mapangutyang komento at hinihiya ako gamit ang bastos nilang pananalita. Biglang hindi ko nakayanan ang kawalan ng katarungan sa panghihiya ng mga siga at demonyong ito sa isang inosenteng dalagang kagaya ko na lagpas dalawampung taong gulang lang at nagsimula akong umiyak. Naisip ko rin na, kung naging paralisado na talaga ang mga kamay ko at hindi ko na kayang alagaan ang sarili ko sa hinaharap, mas mabuti pang mamatay na ako. Kung kaya ko lang maglakad nang maayos noong sandaling iyon, tumalon na sana ako mula sa gusali at tinapos na ang lahat noon din. Kung kailan ako nasa aking pinakamahina, pumasok sa isip ko ang isang himno sa iglesia na “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”: “Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya. Determinado akong manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Ah, kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Sa mga pangaral ng Diyos na nakakabit sa puso ko, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap. Magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi na Siya muling bibigyan ng alalahanin” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Muli akong binigyan ng pananampalataya ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos at lumakas ang aking espiritu. Naisip ko sa sarili ko: “Hindi ako maaaring malinlang ng mga panlalansi ni Satanas at hindi ko dapat tapusin ang buhay ko dahil sa ganitong bagay. Hinihiya at tinutuya nila ako upang gumawa ako ng isang bagay na sasaktan at ipagkakanulo ang Diyos. Kung mamamatay ako, mahuhulog lang ako sa kanilang mapagsabwatang pakana. Hindi ko maaaring hayaang magtagumpay ang pakikipagsabwatan ni Satanas. Kahit totoo mang nalumpo na ako, hangga’t humihinga pa ako, dapat akong magpatuloy na mabuhay upang magpatotoo sa Diyos.”

Pagbalik ko sa interrogation room, natumba ako sa sahig dahil sa pagod. Pinalibutan ako ng mga pulis at sinigawan ako, inuutusan akong tumayo muli. Agad na lumapit sa akin iyong pandak at matabang pulis na sumampal sa mukha ko, marahas niya akong tinadyakan at pinagbintangang nagpapanggap. Sa sandaling iyon, nagsimulang manginig ang katawan ko, at kinapos ako ng hininga at nagsimulang hingalin. Nagsimulang mangisay at bumaluktot palapit sa isa’t isa ang kaliwang binti at ang kaliwang bahagi ng dibdib ko. Nanlamig at nanigas ang buong katawan ko at gaano man hilahin at batakin ng dalawang pulis, hindi nila ako magawang ituwid. Sa isip ko, alam kong ginagamit ng Diyos ang sakit at pagdurusang ito upang bigyan ako ng malalabasan, kung hindi ay magpapatuloy lang silang pahirapan ako nang malupit. Pagkatapos lang makita ng masasamang pulis na iyon ang nanganganib kong kalagayan saka sila huminto sa wakas sa pagbugbog sa akin. Pagkatapos ay ikinulong nila ako sa tiger chair at pumunta sa kabilang silid upang pahirapan ang kapatid kong babae sa iglesia, nang may dalawang pulis na naiwan upang bantayan ako. Nang marinig ko ang paulit-ulit na nakakakilabot na pagsigaw ng kapatid ko, gustung-gusto kong sugurin ang mga demonyong iyon at labanan sila hanggang kamatayan, subali’t sa lagay ng mga bagay-bagay, lugmok ako at pagod na pagod, kaya ang nagawa ko lang ay manalangin sa Diyos at magmakaawa sa Diyos na bigyan ng lakas ang kapatid ko at pangalagaan siya upang magawa niyang tumayong saksi. Kasabay noon, galit na galit kong isinumpa ang masama at makasalanang partidong iyon na nagsadlak sa mga tao nito sa kailaliman ng pagdurusa at hiniling sa Diyos na parusahan ang mga hayop na ito na mukhang tao. Maya-maya, pagkakita sa akin na nakalugmok doon at tila mapapatiran na ng hininga, at dahil ayaw nilang mag-asikaso sa sinumang mamamatay sa oras ng pagbabantay nila, dinala nila ako sa ospital sa wakas. Pagdating ko sa ospital, nagsimula na namang mangisay at bumaluktot palapit sa isa’t isa ang mga binti at dibdib ko at kinailangan ng ilang tao upang hilahin pabalik sa tuwid na posisyon ang katawan ko. Pareho nang namamaga na parang lobo at nababalot ng namuong dugo ang dalawang kamay ko. Namimintog ang mga kamay ko dahil sa nana at hindi sila makapagsimula ng IV dahil pagkatusok na pagkatusok ng karayom, lumalabas ang dugo mula sa ugat, kumakalat sa nakapalibot na tissue at tumatagas mula sa lugar ng injection. Nang makita ng doktor ang nangyayari, sinabi niya, “Kailangan nating tanggalin ang mga posas na ito!” Inirekomenda niya rin sa mga pulis na dalhin ako sa ospital ng munisipyo para sa karagdagang pagsusuri, dahil nag-aalala siya na may sakit ako sa puso. Ayaw gumawa ng masasamang pulis na iyon ng anuman upang tulungan ako, nguni’t pagkatapos noon ay hindi na nila ako ipinosas. Noong sumunod na araw, sumulat ng isang pahayag na puno ng kalapastanganan at paninira sa Diyos ang pulis na nagtanong sa akin upang gamitin bilang verbal kong pahayag at inutusan akong pirmahan ito. Nang tumanggi akong pirmahan ang pahayag, nabuwisit siya, dinakma niya ang kamay ko at pinilit akong itatak ang fingerprint ko sa pahayag.

Noong maggagabi ng ika-9 ng Abril, sinamahan ako ng direktor ng sangay at ng dalawa pang lalaking pulis papunta sa detention center. Nang makita ng doktor sa detention center na namamaga ang buong katawan ko, at na hindi ako makalakad, na walang pakiramdam ang mga braso ko at tila mamamatay na ako, tumanggi silang tanggapin ako, takot na baka mamatay ako roon. Pagkatapos noon, nakipagtawaran ang direktor ng sangay sa gobernador ng detention center nang halos isang oras at nangako na kung may mangyayari sa akin, hindi pananagutin ang detention center, at saka lamang pumayag sa wakas ang gobernador na tanggapin ako sa pangangalaga nila.

Matapos ang mahigit sampung araw, mahigit isang dosenang masasamang pulis ang inilipat mula sa ibang presinto at pansamantalang itinalaga sa detention center upang salit-salitang tanungin ako buong araw at gabi. May mga nakatakdang limitasyon sa haba ng panahon na maaaring tanungin ang isang bilanggo, nguni’t sinabi ng mga pulis na ito ay isang malaki at mahalagang kaso na napakaseryoso, kaya hindi nila ako basta patatahimikin. Dahil takot sila na, kung tatanungin nila ako nang masyadong matagal ay baka, dahil sa mahina kong pangangatawan, magkaroon ako ng kung anong uri ng emergency na pangkalusugan, tinatapos nila ang pagtatanong nila nang bandang ala-1 ng madaling araw at ibinabalik ako sa selda ko, at ipinapatawag ako pagsikat ng araw sa susunod na umaga. Tinanong nila ako nang humigit-kumulang 18 oras bawat araw, nang tatlong sunud-sunod na araw. Subali’t, gaano man nila ako pagtatanungin, wala akong sinabi ni isang salita. Nang makita nilang hindi nagbubunga ang mararahas nilang pamamaraan, sinubukan naman nila ang mararahang pamamaraan. Nagsimula silang magpakita ng pag-aalala sa mga pinsala ko at ibibili nila ako ng gamot at papahiran ng mga ointment ang mga sugat ko. Nang naharap ako sa biglaang pagpapakita ng “kabaitan” na ito, ibinaba ko ang depensa ko, iniisip na: “Kung magsasabi ako sa kanila ng maliit na bagay lang tungkol sa iglesia, magiging maayos naman siguro….” Agad-agad, pumasok sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag kayong magpadalus-dalos, kundi lalong lumapit sa Akin nang mas madalas kapag sumasapit sa inyo ang mga bagay-bagay; maging mas maingat at mag-ingat sa lahat ng aspeto para maiwasang magkasala sa Aking pagkastigo, at maiwasang mabitag sa mga tusong pakana ni Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 95). Bigla kong napagtanto na nahulog na ako sa tusong pakana ni Satanas. Hindi ba’t ang mga ito rin ang parehong mga tao na nagpapahirap sa akin noong mga nakaraang araw lang? Kaya nilang baguhin ang kanilang pag-uugali, nguni’t hindi mababago ang kanilang masamang kalikasan—ang minsang demonyo, palaging demonyo. Iminulat ako ng mga salita ng Diyos sa katunayang mga lobo lang silang nakabihis-tupa, at na palagi silang may kinikimkim na mga lihim na hangarin. Magmula noon, gaano man nila ako tuksuhin o tanungin, hindi ako nagsalita. Hindi nagtagal, ibinunyag ng Diyos ang tunay nilang kulay; mabagsik akong tinanong ng isang opisyal na tinatawag nilang Kapitan Wu: “Isa kang pinuno sa iglesia, subali’t hindi mo alam kung nasaan ang pera? Kung hindi mo sasabihin sa amin, may mga pamamaraan kami para malaman!” Isang matanda at payat na pulis ang bumulalas ng pang-aabuso, sumisigaw na, “Buwisit, pinagbigyan ka namin pero umabuso ka naman! Kung hindi ka magsasalita, ilalabas ka namin at ibibitin uli. Tingnan natin kung gusto mo pa ring maging isang Liu Hulan at magtago ng impormasyon mula sa amin pag nagkagayon! Marami akong paraan para pakitunguhan ka!” Nang lalo siyang nagsalita nang ganito, lalo akong naging determinadong magpatuloy na manahimik. Sa huli ay nainis siya at lumapit at itinulak ako, sinasabing, “Sa ganitong klase ng pag-uugali, magaan na sentensya na ang dalawampung taon!” Pagkatapos noon, pagalit siyang lumabas ng silid dahil sa pagkabigo. Pagkatapos, isang opisyal mula sa Panlalawigang Kagawaran ng Pampublikong Seguridad na namumuno sa mga bagay tungkol sa pambansang seguridad ang dumating upang tanungin ako. Marami siyang ginawang pahayag na umaatake at lumalaban sa Diyos at patuloy niyang ipinagyabang kung gaano siya kabihasa at katalino, na nagsanhi na paulanan siya ng papuri ng iba pang mga opisyal. Nang mapagmasdan ko ang mayabang at hambog niyang kapangitan, at marinig ang lahat ng kanyang mga kasinungaling bumabaluktot sa katotohanan at nagkakalat ng tsismis at ang kanyang mga huwad na paratang, nakaramdam ako ng kapwa pagkamuhi at pandidiri sa opisyal na ito. Ni hindi ko siya magawang tingnan kung kaya tumitig na lang ako sa pader na nasa harapan ko at pinabulaanan sa isip ko ang bawat isa sa mga argumento niya. Buong umaga nagtagal ang litanya niya at nang sa wakas ay natapos na siya, tinanong niya kung anong nasa isip ko. Naiinip kong sinabing, “Hindi ako nakapag-aral, kaya wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo.” Galit niyang sinabi sa ibang mga tagapagtanong, “Wala na siyang pag-asa. Tingin ko makadiyos na siya, wala nang magagawa sa kanya!” Pagkasabi noon malungkot siyang umalis.

Nang kinaladkad ako ng masamang pulis papunta sa selda ko sa detention center at nakita kong naroon din sa seldang iyon si Sister Wang, nagbigay ng bugso ng init sa puso ko ang pagkakita sa mahal kong ito sa buhay. Alam kong pangangasiwa at pagsasaayos ito ng Diyos at na nagmamalasakit sa akin ang pagmamahal ng Diyos, at alam kong ginawa ito ng Diyos sapagka’t, sa panahong iyon, halos lumpo na ako—matindi nang namamaga at namimintog sa nana ang mga braso at kamay ko, wala nang pakiramdam ang mga daliri ko, na singkapal na ng longganisa at naninigas, hindi ko na halos maigalaw ang mga binti ko at nanghihina at nananakit na ang buong katawan ko. Sa panahong iyon, inalagaan ako ng kapatid kong babae araw-araw—siya ang nagsipilyo ng mga ngipin ko para sa akin, hinilamusan niya ako, pinaliguan, sinuklay ang buhok ko at pinakain ako…. Pagkaraan ng isang buwan, pinalaya ang kapatid ko, at sinabihan akong pormal na akong naaresto. Pagkatapos palayain ang kapatid ko, nang maisip ko kung paanong hindi ko pa rin kayang alagaan ang sarili ko at wala akong ideya kung gaano katagal pa akong ikukulong, labis kong naramdaman ang kawalan ng magagawa at ang kapanglawan. Hindi ko mapigilang tumawag sa Diyos: “O Diyos, pakiramdam ko’y tila lumpo ako—paano ako makakapagpatuloy nang ganito? Nagsusumamo ako sa Iyo na pangalagaan ang puso ko, upang malampasan ko ang kalagayang ito.” Noong nasa sukdulan na ako at nakakaramdam ng labis na pagkaligaw, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!). Ang mga salita ng Diyos ay nagmistulang isang nagniningning na ilaw na tumatanglaw sa puso ko at nagtutulot sa akin na maunawaan ang kalooban Niya. Naisip ko sa sarili ko: “Ang kapaligirang kinakaharap ko ngayon ay ang pinaka-hindi pamilyar sa akin. Nais ng Diyos na maranasan ko ang gawain Niya sa loob ng ganitong klase ng kapaligiran upang maperpekto ang pananampalataya ko. Bagama’t iniwan na ako ng aking kapatid, ang Diyos ay tiyak na hindi pa! Sa pag-alala sa landas na aking nilakaran, ginabayan ako ng Diyos sa bawat hakbang sa daang ito! Kung aasa ako sa Diyos, walang kahirapang hindi malalampasan.” Nakita kong masyadong maliit ang pananampalataya ko, kaya’t nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos, handa akong lubusang ilagay ang sarili ko sa mga kamay Mo at magpasakop sa mga pangangasiwa Mo. Anumang mga kalagayan ang kaharapin ko sa hinaharap, magpapasakop ako sa Iyo at hindi magrereklamo.” Pagkatapos kong manalangin, nakaramdam ako ng katahimikan at kahinahunan. Kinahapunan ng sumunod na araw, ipinasok ng bantay sa kulungan ang isang panibagong bilanggo. Nang makita niya ang kalagayan ko, nagsimula siyang alagaan ako kahit hindi ko hiniling. Dito, nakita ko ang pagkakamangha-mangha at pagkamatapat ng Diyos; hindi ako pinabayaan ng Diyos—ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay nasa mga kamay ng Diyos, pati na ang mga iniisip ng tao. Kung hindi dahil sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, bakit napakabait sa akin nitong babaeng ito na hindi ko pa kailanman nakilala? Pagkatapos noon, lalo ko pang nasaksikan ang pagmamahal ng Diyos. Nang pinalaya ang babaeng iyon mula sa detention center, nagpadala ang Diyos ng sunud-sunod na mga babae na hindi ko pa kailanman nakilala upang alagaan ako, at ipinasa nila sa isa’t isa ang pag-aalaga sa akin na para bang nagpapasahan ng baton sa karera. Mayroon pang ilang bilanggo na nagsalin ng pera sa account ko pagkatapos silang palayain. Sa panahong ito, kahit medyo nagdusa ang katawan ko, nagawa kong maranasan nang personal ang katapatan ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Anong klase mang sitwasyon ang kalagyan ng tao, hindi siya kailanman iniiwan ng Diyos, kundi sa halip ay palagi siyang tinutulungan. Basta’t hindi nawawala ang pananampalataya ng tao sa Diyos, tiyak na magagawa niyang saksihan ang mga gawa ng Diyos.

Nakulong ako nang mahigit isang taon at tatlong buwan at pagkatapos ay kinasuhan ng pamahalaang CCP ng “paggawa sa pamamagitan ng isang kulto upang hadlangan ang pagpapatupad ng batas” at nahatulan ng tatlong taon at anim na buwang pagkakakulong. Pagkatapos akong mahatulan, inilipat ako sa Panlalawigang Bilangguan ng mga Babae upang doon gugulin ang aking sentensya. Sa bilangguan, sumailalim kami sa higit pang di-makataong pagtrato. Pinilit kaming magtrabaho nang pisikal araw-araw at ang mga kinakailangan naming gawin bawat araw ay labis na higit sa makakayang tapusin ninuman. Kapag hindi namin natapos ang trabaho namin, isasailalim kami sa pisikal na parusa. Halos lahat ng perang kinita namin sa pagtatrabaho ay napunta sa bulsa ng mga bantay sa kulungan. Binigyan lang kami ng ilang yuan bawat buwan bilang allowance sa pamumuhay diumano. Ang opisyal na pahayag na ginamit ng bilangguan ay na binibigyan nito ng reedukasyon ang mga bilanggo sa pamamagitan ng pagtatrabaho, nguni’t ang totoo, mga makinang tagagawa ng pera lang nila kami, mga di-binabayarang tagapaglingkod. Sa panlabas, ang mga patakaran ng bilangguan sa pagpapaikli ng sentensya ng mga bilanggo ay tila napakamakatao—kapag naabot nila ang ilang kondisyon, maaaring maging kwalipikado ang mga bilanggo na magkaroon ng angkop na kabawasan sa kanilang sentensya. Subali’t ang katotohanan, palabas lang ito at para lamang magandang tingnan. Ang buong katotohanan, ang kanila umanong makataong sistema ay mga hungkag na salita lamang na nasusulat. Ang mga utos lamang na personal na ibinibigay ng mga bantay ang mga totoong batas dito. Mahigpit na kinontrol ng bilangguan ang kabuuang bawas sa mga sentensya para sa buong taon upang matiyak na may sapat na kapasidad sa trabaho at magarantiyang hindi bababa ang kita ng mga bantay ng bilangguan. Ang bawas sa sentensya ay isang pamamaraang ginamit ng bilangguan upang pataasin ang pagiging produktibo sa trabaho. Sa daan-daang bilanggo sa kulungan, mga sampu lamang ang makakakuha ng bawas sa sentensya kung kaya magpapakahirap magtrabaho ang mga tao at makikisali sa mga intriga laban sa isa’t isa upang makakuha nito. Subali’t, ang karamihan sa mga bilanggong makakakuha ng bawas sa sentensya ay yaong may mga koneksyon sa pulis na hindi nga kinailangang magtrabaho nang pisikal mula’t mula. Walang ibang nagawa ang mga bilanggo kundi sarilinin ang mga hinanakit nila tungkol dito. Nagpakamatay ang iba bilang protesta, nguni’t pagkatapos, gagawa lamang ang bilangguan ng kung anong mga kuwento upang mapanatag ang mga pamilya ng mga biktima, kung kaya’t nasayang lang ang kanilang pagkamatay. Sa bilangguan, hindi kami kailanman itinuring ng mga bantay na parang mga tao; kung nais naming kausapin sila, kailangan naming mag-squat sa sahig at tingalain sila, at kung may anumang hindi sila magustuhan, pagagalitan nila kami at iinsultuhin sa pamamagitan ng mahahalay na gawi. Nang sa wakas ay natapos na ang tatlo’t kalahating taong sentensya ko at nakauwi na ako, hindi naitago ng pamilya ko ang dalamhati nila nang makita nila akong mukhang taong kalansay, na napakahina at pagod na halos hindi na ako makilala, at pumatak ang maraming luha. Subali’t, puno ng pasasalamat sa Diyos ang mga puso namin. Nagpasalamat kami sa Diyos na buhay pa ako at na pinangalagaan Niya ako kung kaya’t nakalabas ako nang buo mula sa impiyernong iyon sa lupa.

Pagkauwi ko lang sa bahay saka ko nalaman na habang nakakulong ako, dalawang beses na pumunta ang masasamang pulis at walang habas na hinalungkat at hinalughog ang bahay. Umalis sa bahay namin ang mga magulang ko, na kapwa nananampalataya sa Diyos, at halos dalawang taon silang namuhay nang patago-tago upang maiwasang mahuli ng pamahalaan. Nang sa wakas ay umuwi na sila, ang masasamang damo sa bakuran ay lumaki na na singtaas ng mismong bahay, gumuho na ang ilang bahagi ng bubong at napakagulo na ng buong lugar. Nag-ikot din sa nayon namin ang mga pulis at nagkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa amin: Sinabi nilang mayroon akong niloko at tinangayan ng perang nagkakahalaga ng mula isang milyon hanggang lagpas isandaang milyong RMB at na may niloko ang mga magulang ko at tinangayan ng ilang daang libong RMB upang mapaaral ang nakababata kong kapatid na lalaki sa kolehiyo. Mga napatunayang propesyonal na sinungaling ang pangkat na ito ng mga demonyo, ang pinakamagagaling sa lahat! Sa katunayan, dahil tumakas mula sa bahay ang mga magulang ko, kinailangan ng nakababata kong kapatid na gumamit ng pera mula sa scholarship at mga utang upang makabayad siya ng matrikula at makapagtapos ng kolehiyo. Bukod pa roon, noong umalis siya ng bahay upang magtrabaho, kinailangan niya munang mag-ipon nang paunti-unti para sa mga gastos sa pagbyahe sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pananim na inalagaan ng pamilya namin at pamimitas ng mga hawthorn berry para ibenta. Nguni’t walang hiyang kumilos ang mga diyablong iyon, isinangkot ang pamilya ko gamit ang mga maling paratang, na ang mga tsismis ay umiikot pa rin hanggang sa araw na ito. Kahit ngayon, tinatanggihan pa rin ako ng nayon ko dahil sa reputasyon ko bilang isang nakulong na politikal na maysala at manloloko. Talagang kinamumuhian ko ang CCP—isang pangkat ng mga diyablo!

Kung aalalahanin ang mga taon kong ginugol sa pagsunod sa Diyos, sa teoretikal na antas ko lang natanggap ang mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa malademonyong kalikasan at diwa ng pamahalaang CCP, nguni’t hindi ko talaga kailanman naunawaan ang mga ito. Sapagka’t, mula sa murang edad, nakintal sa isip ko ang mga doktrina ng makabayang edukasyon, na kinondisyon ako at sistematiko akong nilinlang na mag-isip sa isang tiyak na paraan, naisip ko pang pagmamalabis ang mga salita ng Diyos—sadyang hindi ko magawang talikuran ang pag-idolo ko sa bansa namin, sa pag-iisip na laging tama ang Partido Komunista, na ipinagtatanggol ng hukbo ang aming sariling bayan, at na pinaparusahan at pinupuksa ng kapulisan ang masasamang elemento sa lipunan at pinangangalagaan nila ang kapakanan ng publiko. Tanging sa pagdanas ng pag-uusig sa kamay ng mga demonyong ito saka ko nakita ang tunay na mukha ng pamahalaang CCP; labis na mapanlinlang at mapagpaimbabaw ito at naloko na nang maraming taon ng mga kasinungalingan nito ang mga tao ng Tsina at ang buong mundo. Paulit-ulit nitong ipinapahayag na pinagtitibay nito ang kalayaan sa pananampalataya at mga legal na karapatang demokratiko, nguni’t ang totoo ay walang habas nitong inuusig ang paniniwala sa relihiyon. Ang tanging pinagtitibay nito ay ang sarili nitong paniniil, sapilitang pagkontrol at despotismo. Kahit labis nang napinsala ang aking katawan sa pagdanas ng malupit na pang-uusig ng CCP, at nasasaktan ako at nanghihina, patuloy akong binigyang-liwanag ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng mga ito ng pananampalataya at lakas, kaya’t nagawa kong maaninag ang mga pakana ni Satanas at tumayong saksi para sa Diyos. Kasabay nito, nagkaroon ako ng malalim na pagkadama ng pagmamahal at kabaitan ng Diyos at pinatibay ang pananampalataya ko na sundan ang Diyos. Gaya nga ng sinasabi ng salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Nagbalik na ako ngayon sa iglesia at ginagampanan ko ang tungkulin ko sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nang si Mama ay Makulong

Ni Zhou Jie, Tsina Labinlimang taong gulang ako nang tumakas kami ng mama ko mula sa aming bahay. Naaalala ko na malalim na ang gabi nang...

Ang Mga Kayamanan ng Buhay

Wang Jun Lalawigan ng Shandong Sa paglipas ng mga taon mula nang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ang...

Para lang sa 300,000 Yuan

Ni Li Ming, TsinaBandang alas nuwebe ng gabi noong Oktubre 9, 2009, habang kami ay nagtitipon ng asawa ko at ng anak ko, bigla kaming...