Ang Karanasan sa Impiyerno ng Isang Kristiyanong Taga-Myanmar Matapos Siyang Mamatay

Marso 30, 2023

Ni Dani, Myanmar

Interesado ako sa Kristiyanismo noong bata pa ako, pero dahil Budista ang pamilya ko, hindi ako naging Kristiyano. Naririnig ko na ang tungkol sa impiyerno noon, pero hindi talaga ako naniniwala rito.

Noong Abril 2022, inimbitahan ako ng isang kaibigan na sumali sa isang pagtitipon online, na siyang unang beses kong makabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nadama ko na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang pakikipag-usap ng Lumikha na nasa langit sa sangkatauhan. Nagbasa ako online ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos pagkatapos niyon. Nalaman ko na ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos, at na bumaba ang Diyos sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan. Pero dahil humadlang ang pamilya ko, at dahil kumapit din ako sa mga makamundong bagay, hindi ako regular na dumalo sa mga pagtitipon at huminto pa nga ako sandali sa aking grupo sa pagtitipon.

Pagkatapos, bandang 9:30 a.m. noong ika-3 ng Pebrero, 2023, medyo napagod ako pagkatapos ng isang pagtitipon, kaya humiga ako para magpahinga. Kalaunan ay sinabi sa akin ng nakababata kong kapatid na lalaki na hindi ako magising ng pamilya ko mula sa pagkakaidlip na iyon kahit ano pang pilit nila, kaya isinugod nila ako sa ospital para malunasan kaagad. Sinuri ako ng doktor at sinabi niyang huminto na ako sa paghinga, kaya nag-isyu na siya ng death certificate. Walang nagawa ang pamilya ko kundi iuwi ako. Ipinaalam nila ito sa mga kamag-anak at kapitbahay namin, at naghanda silang magsagawa ng lamay at ilibing ako pagkaraan ng tatlong araw.

Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa bahay namin noon. Ang alam ko lang ay napunta ako sa ibang mundo. Nakasuot ako ng puting damit, naglalakad mag-isa sa isang madilim at mausok na maliit na daan. Hindi ko makita ang langit o kung ano ang nasa harapan ko. Pababa ang daan, lubak-lubak, puno ng mga butas, mabato at paliko-liko. Sa magkabilang gilid, naaaninag ko lang ang iba’t ibang uri ng kakaibang halaman na hindi ko pa nakita noon na nababalot ng mga tinik. Naririnig ko rin ang ungol ng mga hayop sa paligid…. Naglalakad ako nang nakayapak sa daan, at natutusok nito ang mga paa ko. Napakainit ng buong katawan ko at medyo hinihingal ako. Naglakad ako nang naglakad, tapos ay may nakita akong demonyong nakasuot ng itim. Nakaitim ito mula ulo hanggang paa—hindi ko makita ang mukha o paa nito. Sabi nito, “Sumama ka sa akin!” Nakakasindak talaga ang boses nito. Sa takot, pilit kong sinabi, “Saan mo ako dadalhin? Hindi pa ako nakapunta—Hindi ako sasama. Gusto kong umuwi.” Ginusto ko nang tumakbo. Nang sandaling iyon, umaligid ang apat o limang demonyo na nakasuot ng mahahabang damit na itim na may pagka-asul, sinunggaban ako ng mga ito at sinabing, “Patay ka na, hindi ka na makakabalik. Marami kang kasalanan, at kailangan kang maparusahan sa mga kasalanang nagawa mo noong buhay ka pa.”

Pagkatapos ay dinala nila ako sa harap ng isang malaking tarangkahan kung saan nakita ko ang ilang demonyong nagbabantay. Matatangkad sila, may malalaking mata at tainga, at ang ilan ay may matutulis na ngipin na nakausli, mukha silang kakila-kilabot. May hawak silang mga sandata at walang mga damit pang-itaas, nakasuot ng mga kwintas na gawa sa mga buto at may mga bungo ng mga patay na nakasabit sa kanilang mga katawan. Puno sila ng mga peklat, Nakarinig ako ng napakaraming panaghoy sa sandaling binuksan ng mga bantay ang tarangkahan. Sa malapit at malayo, puno ang lugar ng mga daing ng pagdurusa mula sa matinding paghihirap. Napakainit doon, nakakapaso. Natakot talaga ako, at tinanong ko ang mga demonyo, “Ano bang kasalanan ko? Hindi ako dapat nandito.” Ipinakita nila sa akin paisa-isa ang lahat ng kasalanang nagawa ko sa aking buhay, sa anong araw, anong oras, at kahit hanggang sa anong minuto at segundo ko ginawa ang mga bagay na iyon. Kahit ang isang kasinungalingang nasabi ko na hindi ko man lang naisip noon ay napakalinaw na naitala roon. Narito ang ilang halimbawa. Noong ika-5 ng Setyembre, 2022, tumawag ang mga kapatid para anyayahan ako sa isang pagtitipon, pero masama ang loob ko dahil sa pressure sa pamilya, at hindi ako dumalo. Noong ika-10 ng Setyembre, 2022, lumiban ako sa isang pagtitipon at hindi ko sinagot ang mga tawag ng mga kapatid, ayaw ko silang makita. Noong ika-5 ng Oktubre, 2022, umalis ako sa lahat ng grupo ng pagtitipon at pinutol ko ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga miyembro ng iglesia. Noong ika-6 ng Oktubre, 2022, lumayo ako sa Diyos dahil pinaboran ko ang mga makamundong tunguhin at pagsasaya. Natulala ako. Natakot talaga ako nang makita ko kung gaano karaming kasalanan ang nagawa ko.

Tapos, dinala ako ng demonyong nakaitim sa isang lugar na may kahoy na karatula, na nagsasabing dito pinarurusahan ang mga nanloloko, nanghuhusga, o lumalapastangan sa Diyos. Dito ko nakita ang pinakamatinding parusa. Ang unang uri ng parusa ay pagkakaroon ng mga insekto na kumukutkot mula sa loob ng bibig at balat ng mga pinarurusahan at kinakagat sila ng mga insektong ito, para kainin ng mga insekto ang buong katawan nila—nakakatakot talaga ito. Sa pangalawang uri, ang mga taong pinarurusahan ay hubad, at isa-isa silang dinadala sa isang mahabang tabla, kung saan 10 katao ang maaaring parusahan nang sabay-sabay. Kailangan nilang lumuhod, nakatali ang mga kamay nila sa likod, at nakapatong sa tabla ang kanilang mga baba. May mga lubid na nakapulupot sa leeg nila, at kapag hinihila ang mga lubid, lumalabas ang dila nila. Sa tapat ng tabla, isang kahindik-hindik na demonyo na may mga sungay sa ulo ang nagkakabit ng mga kawit sa kanilang mga dila, pagkatapos ay hihilahin ang mga dila nila nang malakas; sa pagkakahila ay nadodoble ang haba ng dila ng ilan. Tapos, gumagamit ang demonyo ng isang pako na kasinghaba ng panulat para ipako sila sa tabla, na may apoy na nagliliyab sa ilalim nito. Walang tigil din ang demonyong iyon sa pagbubuhos ng kumukulo at umaapoy na tubig sa mga dila. Ang mala-apoy na tubig na ito ay dinadala mula sa isang malayong lawa, at tuloy-tuloy na ibinibigay sa lahat ng demonyo. Kapag ibinubuhos ito sa dila ng isang tao, ganap na nasisira ang dila. Lumuluwa pa nga ang mata ng ilang tao. Pagkatapos, binubuhusan ng mga demonyo ng umaapoy na tubig ang buong katawan ng mga pinaparusahan, kaya wasak na wasak ang mga ito. Ang mga pinaparusahan ay nananaghoy hanggang sa namamatay sila. Nakakatakot na makita iyon. Hindi ito nakakayanan ng ilan at hindi nagtatagal ay namamatay sila, pero kung kailangan pa nilang maparusahan dahil sa iba pang kasalanan, bubuhayin silang muli para patuloy na maparusahan. Kung hindi pa rin sila namatay pagkatapos ng kanilang parusa, lalabas ang mga insekto sa katawan nila at kakainin sila, tapos ay muli silang mabubuhay at maparurusahan sa iba na namang paraan.

Ang ikatlong uri ng kaparusahan ay ang maitapon sa lawa ng umaapoy na tubig. Nakita ko ang isang napakalaking bilog na platong bakal na may apat na lubid na nakakabit. Isa o dalawang daang tao ang dumarating mula sa ibang lugar ng parusa sa loob lang ng ilang segundo, lumilitaw ang mga ito sa plato. Nakaluhod sila sa napakainit na plato nang walang anumang damit habang awtomatikong itinatali ng mga lubid na may mga tinik ang kanilang mga kamay at pang-itaas na bahagi ng katawan. Ang mga taong ito ay nagmumula sa iba’t ibang relihiyon at lahi. Ang ilan ay hindi nananalig sa Diyos, habang ang ilan ay Kristiyano o Budista. Pinarurusahan sila dahil hindi nila tinanggap ang bagong gawain ng Diyos, at nilapastangan at hinusgahan nila ang Diyos. Bagamat tinanggap ng ilan sa kanila ang bagong gawain ng Diyos, mababaw ang kanilang pananalig, mapagwalang-bahala, at mapanlinlang sa Diyos. Ang gayong uri ng tao ay pinarurusahan din ng Diyos. Lahat sila ay tumatawag sa diyos ng kanilang pananampalataya. Ang ilan ay tumatawag sa ganitong diyos, ang ilan ay sa gayong diyos. Halu-halo ang mga tinig doon, at hindi ko sila marinig nang malinaw. Pero gaano man sila tumawag; walang sumasagot sa kanila. Pagkatapos niyon, dinadala ang mga taong iyon sa isang malaking lawa, at may umaapoy na kumukulong tubig sa loob ng lawang iyon. Kusang lumuluwag ang kanilang mga lubid, tumatagilid ang bakal na plato, at nahuhulog silang lahat. Napapakuluan sila at napiprito, nasusunog hanggang sa humihiyaw na sila sa sobrang sakit. Ang ilang tao ay nasa gilid, buong lakas na nagsisikap gumapang palabas ng lawa, pero nahuhulog sila pabalik. Hindi nagtatagal, nawawala na ang ingay ng mga sigaw. Patay na ang lahat, lumulutang sa ibabaw ng lawa ng umaapoy na tubig. Kapag patay na silang lahat, sinasalok silang lahat ng isang napakalaking lambat, at muli silang nabubuhay para sa sunod na kaparusahan.

Pagkatapos, dinala na ako sa ibang lugar. Ang mga naroroon ay pinarurusahan sa iba’t ibang paraan dahil sa pang-iinsulto sa kanilang mga magulang, nakatatanda, o mga guro. Hubo’t hubad ang ilan, nakakadena ang kanilang leeg, may mga matinik na kadena ang mga braso at binti. Hinahagupit sila nang husto hanggang sa dumadanak na ang kanilang laman at dugo. Nagpupumiglas sila at umiiyak sa sakit. Gumagamit ng mga palakol ang mga demonyo ng impiyerno para putulin ang kanilang mga kamay at paa, at gumagamit ng parang martilyo para durugin ang mga ito. Habang pinarurusahan, tinatanong sila, “Naisip mo bang huwag gawin ang kasalanang ito noong panahong iyon?” Nagsisisi sila, pero walang makakapagligtas sa kanila, at pinahihirapan sila hanggang sa mamatay. Pagkatapos niyon, muli silang nabubuhay at nakakatanggap ng susunod na parusa. Ang ilan ay inililibing nang buhay. Gumagalaw ang lupa doon, umiikot, at may nagliliyab na apoy sa lupa. Ang mga pinarurusahan ay dahan-dahang hinihigop pababa, lumulubog sa lupa hanggang sa mamatay sila.

Pagkatapos ay dinala ako sa lugar kung saan pinarurusahan ang mga nakikiapid. Pilit silang tumatakbo para makatakas. Ang ilan ay natatamaan at napapatay ng mga palaso, habang ang iba ay pinapatay sa saksak. Ang ilan ay hinahabol at kinakagat ng mga hayop hanggang sa mamatay. Sa huli, walang nakakatakas, at bawat isa sa kanila ay namamatay. Ang mga namatay ay muling nabubuhay para tanggapin ang susunod na kaparusahan.

May nakita akong ibang lugar na para sa pagpaparusa sa mga nanloko o nagkimkim ng masasamang intensyon sa iba, na nanamantala sa mga tao, o mga naging mapagkalkula o naiinggit sa iba. May nakabitin na tulay na yari sa kahoy at may matitinik na lubid sa magkabilang gilid nito. Dumudugo ang mga kamay kapag hinahawakan ang matitinik na lubid, pero nahuhulog sila kapag hindi humahawak sa mga ito, at may isang lawa ng apoy sa ibaba. Kahit na hindi sila mahulog, kailangan nilang dumaan sa isang gilingan ng karne at magiling, at pagkatapos ay mauuwi pa rin sila sa lawa ng apoy.

Ang ilang tao ay talagang nag-aalala sa hitsura, inaaksaya ang kanilang oras sa pagsisikap na magbihis nang maayos, pero hindi man lang nanalig sa Diyos, at hinusgahan at nilapastangan pa nga Siya. Unti-unting kinakain ng mga insekto ang mga mukha nila. Bukod sa kanila, may mga pinarurusahan din dahil sa pagmumura sa kapwa, pagnanakaw ng mga bagay, at iba pa. Depende sa mga kasalanang nagawa nila, paulit-ulit na pinarurusahan ang mga tao sa isang paraan bago inililipat sa iba pang uri ng parusa. Nanginginig ang buong katawan ko sa takot nang makita ito. Ang tunay na maparusahan nang ganoon ay talagang kakila-kilabot! Pinagsisihan ko ang mga kasalanang nagawa ko, pero hindi ko alam kung kanino ako magsusumamo, kung sino ang makapagliligtas sa akin. Noong sandaling iyon, wala sa huwisyo kong binigkas ang ilang sutra, pero walang nangyari, at hindi rin humupa ang takot ko. Bigla kong naalala na nananalig ako sa nag-iisang tunay na Diyos—ang Makapangyarihang Diyos. Sumagi sa isip ko ang isang bagay na sinabi ng Makapangyarihang Diyos. “Sa pang-araw-araw mong buhay, anumang mga paghihirap ang kinakaharap mo, dapat kang lumapit sa harapan ng Diyos; ang unang bagay na dapat mong gawin ay lumuhod sa harap ng Diyos sa panalangin, ito ang pinakamahalaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan). Alam ko na ang Diyos ang naghahari sa lahat, at na ang kinakaharap ko ay nangyayari nang may pahintulot Niya, kaya dapat akong tumawag sa Kanya. Naisip ko ang iba’t iba kong kasalanan. Malamig ang loob ko sa Diyos at binalewala Siya. Nananampalataya at dumadalo ako sa mga pagtitipon kapag maganda ang pakiramdam ko, pero lumiliban sa mga pagtitipon kapag hindi. Isa akong Kristiyano, pero wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Malamig ang loob ko at mapanlinlang ako sa Kanya. Kontento na akong aksayahin ang oras ko sa pagsasaya, pero hindi ako gumugugol ng anumang oras sa pagsamba sa Diyos. Nagsisisi talaga ako nang maisip ko ang lahat ng iyon at nagdasal ako sa Diyos sa puso ko. “Makapangyarihang Diyos, marami akong nagawang kasalanan. Naging malamig ang loob ko at binalewala Ka, nagsasaya ako sa pagkakasala at hindi ginagawa nang maayos ang tungkulin ko. Ngayon, natatakot talaga ako at puno ng pagsisisi. Ayaw kong mapunta rito at maparusahan dahil sa mga kasalanang iyon. Handa na akong magsisi—pakiusap bigyan Mo po ako ng pagkakataong magawa iyon. Nais kong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at gawin ang lahat ayon sa kalooban Mo.” Paulit-ulit akong nagdasal at nangumpisal nang ganito, isa-isa kong pinagsisihan sa Diyos ang mga kasalanang nagawa ko. Unti-unti akong kumalma at hindi na ako gaanong natakot. Maya-maya pa ay naramdaman kong may boses na tumatawag sa pangalan ko. Pagkatapos ay nakita ko ang isang sinag ng liwanag, at may tinig mula sa liwanag na nagsabi sa akin, “Dani, nagsisisi ka na ba? Marami kang nagawang kasalanan. Kailangan mong sumandal sa Diyos at huminto sa paggawa ng mga kasalanang ito—hindi ka maaaring maghintay na maparusahan bago magsisi. Iukit mo ang mga salita ng Diyos sa puso mo at hangarin mo ang katotohanan. Dapat tama ang nauunawaan mo at isinasagawa. Ito na ang huli mong pagkakataon, at hindi ka na maliligtas sa susunod. Habang nabubuhay ka, magsikap ka na magampanan nang mabuti ang tungkulin mo at makapasok sa kaharian ng Diyos. Huwag ulitin ang mga kasalanan o mga pagkakamali mo, at huwag gumawa ng mga bagay na pagsisisihan mo. Dahil hindi mo pa natapos ang tungkulin mo, hindi ka mamamatay. Ililigtas mo ang mga nahuhulog sa kapahamakan.”

Hindi ko kilala ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Tila nagsasalita ito kasabay ng ihip ng hangin. Hindi ito ganap na malinaw, pero naiintindihan ko ito. Bagamat malupit ang mga salita, nakapanghihikayat ang mga ito at napayapa ang pakiramdam ko. May mararamdamang pagmamahal at kaligtasan sa mga ito. Nakaramdam ako ng kaligayahan na hindi ko pa naranasan noon. Alam kong inililigtas ako ng Diyos, binibigyan ako ng pangalawang pagkakataon sa buhay. Unti-unti akong nagkamalay matapos marinig ang tinig na ito.

Pagkagising ko, nanginginig ako, natatakot pa rin talaga ako. Nalulungkot ako at talagang nagsisisi dahil sa paggawa ng napakaraming kasalanan. Alam kong babala ito ng Diyos sa akin. Lahat ng sinabi ng Diyos ay totoo. Kailangan kong maniwala sa sinabi Niya at makinig sa Kanya. Hindi pwedeng patuloy ko Siyang babalewalain at maging malamig ang loob ko sa Kanya. Binibigyan ako ng Diyos ng pagkakataon na hindi ko na pwedeng palampasing muli. Sinabi ko sa nakababata kong kapatid, “Gusto kong makausap si Sister Summer.” Si Sister Summer ay isang tagadilig sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, na maraming beses nang nakipagtipon sa akin. Pinadalhan ako ni Summer ng ilang salita ng Diyos pagkatapos niyang malaman ang sitwasyon ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang Diyos ay nananagot sa bawa’t isang buhay ng tao at Siya ay nananagot hanggang sa katapus-tapusan. Naglalaan ang Diyos para sa iyo, at kahit na, sa kapaligirang ito na winasak ni Satanas, ikaw ay nagkasakit o narungisan o nilapastangan, hindi ito mahalaga—ang Diyos ay maglalaan para sa iyo, at hahayaan kang mabuhay ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng pananampalataya dito. Hindi basta-basta tutulutan ng Diyos na mamatay ang isang tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII). “Mula nang isilang ka hanggang sa ngayon, nakapagsagawa ang Diyos ng malaking gawain sa iyo, ngunit hindi ka Niya binibigyan ng detalyadong salaysay ng lahat ng bagay na Kanyang nagawa. Hindi ka pinahintulutan ng Diyos na malaman ito, at ni hindi rin Niya sinabi sa iyo. Gayunman, para sa sangkatauhan, lahat ng Kanyang ginagawa ay mahalaga. Para sa Diyos, ito ay isang bagay na kailangan Niyang gawin. Sa Kanyang puso may isang mahalagang bagay na kailangan Niyang gawin na lubhang nakahihigit sa anuman sa mga bagay na ito. Ibig sabihin, mula nang isilang ang isang tao hanggang sa araw na ito, kailangang garantiyahan ng Diyos ang kaligtasan nila. … Ang ‘kaligtasang’ ito ay nangangahulugan na hindi ka lalamunin ni Satanas. Mahalaga ba ito? Hindi ka lalamunin ni Satanas—may kinalaman ba ito sa iyong kaligtasan o wala? Oo, may kinalaman ito sa iyong personal na kaligtasan, at walang anumang bagay ang mas mahalaga. Kapag nalamon ka ni Satanas, hindi na pag-aari ng Diyos ang iyong kaluluwa at katawan. Hindi ka na ililigtas ng Diyos. Tinatalikuran ng Diyos ang mga kaluluwa at mga taong nalamon na ni Satanas. Kaya sinasabi Ko na ang pinakamahalagang bagay na kailangang gawin ng Diyos ay ang garantiyahan ang kaligtasan mong ito, garantiyahan na hindi ka malalamon ni Satanas. Napakahalaga nito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI).

Pakiramdam ko ay ligtas ako nang mabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, na parang may maaasahan ako. Mas malinaw pang ipinakita sa akin ng karanasang ito na, mula sa kapanganakan hanggang sa kasalukuyan, ginagabayan tayo ng Diyos, binabantayan at pinoprotektahan tayo sa bawat sandali. Dapat akong humarap sa Diyos, gawin ang tungkulin ko, at suklian ang Kanyang napakagandang biyaya. Kailangan kong magpatotoo na tunay na naghahari ang Diyos sa lahat ng bagay, kabilang na sa espirituwal na mundo na hindi nakikita ng ating mga mata. Talagang mayroong impiyerno. Hindi ko naranasan ang paghihirap ng parusa sa impiyerno, pero nakita ko ang hitsura ng mga taong pinarurusahan sa impiyerno. Maraming tao sa paligid ko ang naghahangad ng mga makamundong tunguhin, sumusunod kay Satanas. Hindi pa sila humarap sa Diyos. Nag-aalala talaga ako para sa kanila, at ayaw kong mapunta sa impyerno ang mga kakilala ko, na magdusa sila nang ganoon. Tanggapin man nila o hindi ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, tutuparin ko ang responsibilidad ko at magpapatotoo ako sa kanila na talagang mayroong impiyerno, at na talagang umiiral ang awtoridad ng Diyos. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin mula sa paghihirap sa impiyerno. Gusto kong basahin ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sa mga hindi pa nakaharap sa Kanya, at para sa mga tumanggap na sa Makapangyarihang Diyos, pero hindi pinahahalagahan ang Kanyang pagliligtas.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng patutunguhan ng tao. Bukod dito, ito ay upang kilalanin ng lahat ng mga tao ang mga gawa at mga kilos Ko. Nais Kong makita ng bawat isang tao na tama ang lahat ng nagawa Ko na, at na ang lahat ng nagawa Ko na ay pagpapahayag ng disposisyon Ko. Hindi kagagawan ng tao, lalong hindi ng kalikasan, ang nagluwal sa sangkatauhan, kundi Ako, na nag-aaruga sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa sangnilikha. Kung wala ang pag-iral Ko, mapapahamak lamang ang sangkatauhan at pagdurusahan ang hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang kailanman ay makikitang muli ang napakarikit na araw at buwan, o ang luntiang mundo; makakatagpo lamang ng sangkatauhan ang napakalamig na gabi at ang walang tinag na lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang kaligtasan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, Ako ang Siya kung saan nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan. Kung wala Ako, magdurusa ng kapahamakan at yuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na mababayaran Ako ng tao ng ilang mabubuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang makabayad sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng naglaladlad na gawain Ko, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at napakanasisiyahan Ako. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Gayunman, umaasa Akong naghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa patutunguhan ninyo. Kung gayon ay malulugod Ako; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa sakunang sasapitin ninyo. Magmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay isinasaayos Ko. Kung hindi kayo lilitaw bilang mabuti sa paningin Ko, hindi ninyo matatakasang pagdusahan ang sakuna(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, TsinaNoong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil sa...