Ang Aking Kuwento ng Paggawa Kasama ang isang Bagong Mananampalataya

Abril 25, 2024

Ni Ouzhen, Myanmar

Noong Abril 2020, pinili ako upang maglingkod bilang isang diyakono ng iglesia Noong una, talagang kinabahan ako at nag-alala ako na hindi ako mahusay na makagagawa, ngunit salamat sa tulong at suporta ng aking mga kapatid, unti-unti kong naunawaan ang ilang prinsipyo at nagawa ang ilang gawain. Kalaunan, napili akong maging isang lider ng iglesia at nangasiwa ako ng mas maraming gawain. Minsan ay pinupuri ako nang husto ng nakatataas na lider. Halimbawa, sinasabi niya na hindi niya kailangang mag-alala kapag nagtatalaga sa akin ng gawain samantalang kailangan pa niyang subaybayan ang iba na itinalaga sa parehong gawain. Dahil dito ay naisip kong maganda ang ginagawa ko. Kalaunan, ang isang brother na nagngangalang Christopher na aking diniligan ay pinili upang maging isang lider ng iglesia. Pangkaraniwan lang ang husay ni Christopher, ngunit mahilig siyang magpalaganap ng ebanghelyo at nagtamo siya ng magagandang resulta. Masaya ako na napili siya sapagkat sinasalamin nito ang sarili kong kakayahan, dahil ako ang nagdilig at naglinang sa kanya.

Noong Hunyo 2022, nagtungo ako sa isang nayon upang kumustahin ang gawain ng ebanghelyo. Hindi personal na nakadalo si Christopher dahil may isyu sa kaligtasan, kaya nakipagtuwangan siya sa akin mula sa malayo. Tinatanong niya ako tungkol sa aking sitwasyon sa nayon, at natutulungan kami nito na malaman ang mga suliranin at kagyat na maiwasto ang mga ito. Ngunit, noong panahong iyon, naisip ko na dahil bago siya sa pananampalataya at bago pa lamang naging lider kaya wala siyang kakayahang gawin ang gawain. Dalawang taon na akong naging lider at naunawaan ko na ang ilang prinsipyo; higit pa roon, ako mismo ang nagdilig kay Christopher, kaya ayaw ko siyang maging katuwang at ayaw kong makilahok siya sa gawaing pinangangasiwaan ko. Isang araw, nagmensahe sa akin si Christopher: “Ano ang iyong mga plano sa nayon sa hinaharap? Pag-usapan natin kapag may panahon ka.” Nang makita ko ang mensaheng iyon, nakadama ako ng kaunting pagtutol: “Ilang araw pa lang ang lumipas tapos tinatanong mo na kung kumusta ang pag-usad ng gawain ko? Hindi iyon ganoon kabilis. Kung tutuusin, hindi lamang ito ang aking proyekto.” Ayaw ko nang talakayin pa sa kanya ang bagay na ito, kaya tumugon na lamang ako: “Kadarating ko pa lamang at hindi pa ako nakakapagsimulang magplano.” Sumagot siya: “Kung ganoon ay dapat ka nang magsimulang magplano sa lalong madaling panahon.” Nang makita ko ang kanyang mensahe, naisip ko: “Magtatagumpay nga kaya ang proyektong ito kung hahayaan ko ang isang taong may mas kaunting kahusayan at karanasan kaysa sa akin na gumanap bilang aking katuwang?” Hindi ako nasisiyahan sa mga nangyayari. Pagkatapos niyon, tuwing dumarating si Christopher upang makibalita sa pag-usad ng aking gawain, gusto ko lamang na balewalain siya. Halos hindi ako nakikipagtalakayan sa kanya tungkol sa gawain, pakiramdam ko ay wala namang saysay na gawin pa iyon at na, sa huli, ako lang din naman ang gagawa ng lahat. Kaya sinarili ko ang pagsasaayos ng lahat ng gawain sa nayon. Isang beses, pinadalhan ako ni Christopher ng isang mensahe na nagsasabing: “May ilang baguhan sa katabing nayon na ayaw magpalaganap ng ebanghelyo dahil sa takot na madakip. Dati ay labis silang masigla, subalit kamakailan lamang ay tumigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon. Maaari bang tulungan mo sila?” Nang makita ko ang mensahe niya, naisip ko: “Hindi na kailangang sabihin mo pa sa akin iyan. Malinaw naman, kailangan nila ng aking tulong, subalit wala akong panahon ngayon. May kalayuan din ang nayon na iyon, hindi madali ang basta na lamang magtungo roon. Sa huli, ako rin naman ang pupunta roon, at hindi ikaw. Wala ka rin naman talagang ginagawa, kaya wala nang dahilan na makipagtalakayan pa sa iyo. Mayroon akong mga sarili kong ideya at plano para sa mga proyektong ito; at magpapatuloy ako ayon sa sarili kong iskedyul, hindi ko kailangan ang iyong gabay at pagsusubaybay.” Kaya tumugon ako, sinabi ko: “Wala pa akong oras para magpunta roon. Nagtatrabaho sa araw ang mga baguhan, at hindi pa nagkakatugma ang mga iskedyul.” Maiksi lamang ang naging tugon ni Christopher: “Ah, sige kung ganoon.” Kung sa iba iyon, magtatanong pa siya tungkol sa mga detalye ng gawain, subalit hindi na siya naglakas-loob na magtanong pa matapos akong tumugon. Pagkatapos niyon, tumigil na akong makipagtalakayan kay Christopher tungkol sa gawain, at kapag sinusubukan niyang mag-iskedyul ng pakikipagpulong sa akin, lagi kong sinasabi: “Abala ako sa ibang gawain. Maaari tayong mag-usap kapag may panahon na ako.” Kahit na may libreng oras ako, hindi ko siya hinahanap at gumagawa na lang ako ng ibang gawain. Unti-unti, ang mga kapatid na nasa tatlong pangkat na pinangangasiwaan ko ay hindi na makapagtuwangan nang maayos, at nagsasari-sarili sila sa paggawa at bihira silang makipagtalakayan sa isa’t isa. Ang atmospera tuwing nagtitipon kami ay hindi na kasing sigla nang sa ibang iglesia, at hindi maganda ang mga resulta sa aming gawain ng ebanghelyo. Mayroon naman akong kabatiran sa sarili ko noong panahong iyon, subalit pinangatwiranan ko na lang ang sarili ko. Sinasabi ko na hindi ko naman iniiwasang makatuwang siya, may iba lang akong gawaing kailangang gawin at wala akong masyadong oras para makipagtalakayan sa kanya. Isang beses, inanyayahan ako ni Christopher na makipagpulong sa mga superbisor ng tatlong pangkat upang ibuod at ibahagi ang tungkol sa mga suliraning mayroon kami sa aming mga tungkulin. Nang may pagsangguni sa mga salita ng Diyos, sinabi ni Christopher: “Sinasabi ng mga salita ng Diyos na kapag nahaharap tayo sa mga suliranin sa ating mga tungkulin, dapat tayong huminto upang ibuod ang anumang suliranin at tukuyin ang anumang paglihis. Sa kasalukuyan, hindi tayo maayos na nagtutuwangan, kanya-kanyang gumagawa ang lahat, hindi nagkakaisa ang ating isipan, at hindi natin tunay na sinusuportahan ang mga kapatid, na nagdulot ng pagkaantala sa pag-usad ng ating gawain. Mula ngayon, dapat tayong mag-usap-usap at magtalakayan nang higit pa at magtulungan upang matapos ang gawain nang maayos.” Ibinahagi rin niya at ng iba pa ang mabubuting pamamaraan ng pagsasagawa na ginamit ng ibang iglesia, subalit wala akong ganang makinig at nagpatuloy akong magsagawa ayon sa sarili kong paraan. Bilang resulta, ang gawaing pinangangasiwaan ko ay hindi nagbunga ng anumang resulta sa loob ng tatlong buwan. Kalaunan, limang opisyal mula sa nayon na tinitirhan ko ang pumunta sa akin upang interogahin ako, tinangka nilang siyasatin ang aking telepono at binalaan nila ako, sinabi na kapag nahuli nila akong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa nayon, ipapadala nila ako sa pamahalaang pandistrito at ang pamahalaang pandistrito na raw ang bahala sa akin. Bahagya akong nagulat sa nangyari at inisip ko: “Bakit nangyayari ito? Nitong nakaraang ilang buwan ay hindi maganda ang mga resulta sa aking tungkulin at bihira akong makipagtalakayan kay Christopher tungkol sa gawain—ginagamit kaya ng Diyos ang sitwasyong ito upang paalalahanan akong matuto mula sa mga balakid na ito? Kung hindi ako magninilay-nilay at hindi iwawasto ang aking mga isyu, maaaring hindi na magtagal pa ang paggampan ko sa tungkuling ito.”

Isang araw, sa katapusan ng Agosto, nakipagpulong ako sa online kasama ang ilang kapwa manggagawa para talakayin kung dapat na ba akong umalis sa nayong iyon. Tinanong ako ng isang lider ng pangkat: “Wala kang naging resulta sa nayon na iyon sa nakalipas na tatlong buwan, sa tingin mo, bakit nangyari iyon?” Sinabi kong hindi ako sigurado. Pagkatapos ay sinabi ng lider ng pangkat: “Hindi ba’t dapat kang magnilay nang kaunti sa problemang ito? Sinasabi ng mga kapatid na kumikilos ka nang walang pakundangan at hindi ka nakikipagtuwang sa iba. Wala ka kapag hinahanap ka nila upang pag-usapan ang gawain. Pinapunta ka namin sa nayong ito upang i-motivate ang mga kapatid at palaganapin ang gawain ng ebanghelyo, subalit hindi mo ginawa ang dapat mong gawin.” Isa pang lider ng pangkat ang nagsabi: “Kung hindi mo pa nagawa kung ano ang itinalaga sa iyo, dapat bumalik ka na kung ganoon!” Naramdaman kong namumula na ang aking mukha at ang bawat salita nila ay parang suntok sa aking sikmura. Sa sandaling iyon, gusto ko na lamang gumapang sa isang sulok. Pakiramdam ko ay lubha akong naagrabyado: Hindi naman ako ganap na tumatangging makipagtulungan at hindi ko naman kasalanan lahat na wala kaming nagiging resulta. Napakatindi ng pang-uusig sa amin ng gobyerno at ako rin ang namamahala sa iba pang proyekto. Paano nila nasasabing hindi ko nagawa kung ano ang dapat kong gawin? Tinanong ako ng lider ng pangkat kung mayroon akong anumang ideya, subalit hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kaya tumugon na lamang ako, sinabi kong: “Babalik na ako kung ganoon.” Pagkatapos ay mabilis kong ibinaba ang tawag. Pagkatapos ibaba ang tawag, napahiga ako sa aking higaan at umiyak nang husto. Paulit-ulit kong naiisip ang mga sinabi ng mga lider ng pangkat: “Ano pa ang ginagawa mo riyan kung hindi mo naman nagagawa ang dapat mong gawin?” at “Kung hindi mo pa nagawa kung ano ang itinalaga sa iyo, dapat bumalik ka na kung ganoon!” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nalulungkot. Sa mga sumunod na araw, patuloy akong nagdasal sa Diyos at nagbahagi sa akin ang aking lider at sinuportahan niya ako. Tinulutan ako nitong payapain ang aking isipan at pagnilayan ang aking kalagayan noong panahong iyon. Naisip ko, “Kamakailan ay sinasarili ko ang paggawa sa lahat ng bagay. Hinamak ko si Christopher at hindi ko tinalakay sa kanya ang gawain. Kapag sinusubukan niyang makipag-usap sa akin tungkol sa gawain, lagi kong sinasabing abala ako. Ang totoo, ayaw kong makilahok siya sa aking gawain. Malinaw na nalugmok ako sa aking tiwaling disposisyon at inaantala ko ang gawain, ngunit kapag tinatabas at iwinawasto ako, nakikipagtalo ako at walang kahit na katiting na katwiran.” Naisip ko kung paanong sinabi ng mga kapatid na kumilos ako nang walang pakundangan sa aking mga tungkulin at ayaw kong talakayin ang gawain sa iba—ito ay isang napakalubhang problema, kaya humanap ako ng nauugnay na sipi sa mga salita ng Diyos para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa tingin, maaaring parang may mga katulong at katuwang ang ilang anticristo, subalit kapag talagang may nangyayari, gaano man katama ang iba, hindi kailanman nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng mga ito. Ni hindi nila ito isinasaalang-alang, lalong hindi nila tinatalakay o pinagbabahaginan ang tungkol dito. Hindi nila ito pinag-uukulan ng anumang atensyon, na para bang wala roon ang iba. Kapag nakikinig ang mga anticristo sa sasabihin ng iba, wala sa loob lang nila iyong ginagawa o nagpapakitang-tao lang sila para masaksihan ng iba. Ang huling desisyon ng anticristo ang dapat pa ring masunod; balewala lang ang mga salita ng iba, talagang walang bisa ang mga iyon. Halimbawa, kapag may dalawang taong nananagot sa isang bagay, at ang isa sa kanila ay may diwa ng isang anticristo, ano ang naipapakita ng taong ito? Anuman ito, siya at siya lamang ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay, ang nagtatanong, ang nag-aayos ng mga bagay-bagay, at ang nakakaisip ng solusyon. At kadalasan, inililingid niya ang mga bagay-bagay sa kanyang kasama. Ano ang turing niya sa kanyang kasama? Hindi bilang kanyang katuwang, kundi palamuti lamang. Sa paningin ng anticristo, hindi talaga niya itinuturing na kapareha ang mga kapareha niya. Sa tuwing may problema, pinag-iisipan itong mabuti ng anticristo, at sa sandaling napagdesisyunan na niya kung ano ang gagawin, ipinapaalam niya sa lahat na ganito ito dapat gawin, at walang sinumang pinapayagang kuwestyunin ito. Ano ang diwa ng kanyang pakikipagtulungan sa iba? Ang pinakabatayan ay para mapasakanya ang huling salita, hindi kailanman tinatalakay ang mga problema sa sinumang iba pa, inaako ang lahat ng responsabilidad para sa gawain, at ginagawang palamuti lamang ang kanyang mga kapareha. Lagi siyang kumikilos nang mag-isa at hindi nakikipagtulungan kahit kanino. Hinding-hindi niya tinatalakay o binabanggit ang kanyang gawain sa sinumang iba pa, madalas siyang magdesisyon nang mag-isa at humarap sa mga isyu nang mag-isa, at sa maraming bagay, nalalaman lang ng ibang mga tao kung paano natapos o naasikaso ang mga bagay-bagay kapag tapos na iyong gawin. Sinasabi ng ibang mga tao sa kanya, ‘Kailangang talakayin ang lahat ng problema nang kasama kami. Kailan mo hinarap ang taong iyon? Paano mo siya inasikaso? Paanong hindi namin nalaman ang tungkol dito?’ Hindi siya nagbibigay ng paliwanag ni nagbibigay ng anumang pansin; para sa kanya, wala talagang silbi ang kanyang mga kapareha, at mga palamuti lamang o pampaganda. Kapag may nangyayari, pinag-iisipan niya ito, nagpapasya siya, at kumikilos batay sa kung ano ang tingin niya ay mabuti. Kahit gaano pa karaming tao ang nasa paligid niya, para bang wala roon ang mga taong iyon. Para sa anticristo, wala silang ipinagkaiba sa hangin. Sa ganitong kaso, may bagay bang totoo sa kanyang pakikipagtambal sa iba? Wala talaga, iniraraos lang niya ang gawain at nagkukunwari. Sinasabi sa kanya ng iba, ‘Bakit hindi ka nakikipagbahaginan sa iba kapag may nakakaharap kang problema?’ Sumasagot siya ng, ‘Ano ba ang alam nila? Ako ang lider ng grupo, ako ang siyang magdedesisyon.’ Sinasabi naman ng iba, ‘At bakit hindi ka nakipagbahaginan sa iyong kasama?’ Tugon niya, ‘Sinabi ko sa kanya pero wala siyang opinyon.’ Ginagamit niyang mga dahilan ang kawalan ng opinyon ng ibang tao o ang kawalan ng mga ito ng kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili upang pagtakpan ang katunayan na umaasta siya na siya mismo ang batas. At hindi ito nasusundan ng bahagya mang pagsisiyasat sa sarili. Magiging imposible para sa ganitong uri ng tao na matanggap ang katotohanan. Isa itong problema sa kalikasan ng anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos kung paanong ang mga anticristo ay kumikilos nang walang pakundangan, hindi nakikipagtulungan sa iba, nagpapasya nang sila lamang, palaging ang may huling salita, hindi tinatalakay ang gawain sa kanilang mga katuwang, at nagpapatuloy sa paggawa matapos na makapagpasya sa sarili nila. Hindi nila tinatanggap ang mabubuting mungkahi ng iba at madalas na hinahamak ang iba, iniisip na mayroon silang mahuhusay na ideya. Sa mga mata ng mga anticristo, ang mga katuwang ay pawang ingay o palamuti lang sa paligid. Natanto kong kumikilos ako gaya ng isang anticristo: Mula nang magsimula akong maging katuwang ni Christopher, hinamak ko siya dahil sa kanyang mahinang kahusayan, mababang kakayahan sa gawain at relatibong kakulangan sa karanasan. Ayaw kong makilahok siya sa aking proyekto. Inisip ko na nakapaglingkod na ako bilang isang lider nang mas matagal kaysa sa kanya, na mas nakakaunawa ako kaysa kanya, at makakapagsaayos ako ng gawain nang ako lang; naisip ko na hindi siya makakapagbigay ng anumang mabuting mungkahi, kaya walang saysay na makipagtalakayan pa sa kanya. Nang tanungin niya ako tungkol sa aking mga plano para sa gawain, nakaramdam ako ng pagtutol at naramdaman kong umasta siyang nakatataas sa akin sa pamamagitan ng agad na pagtatanong sa akin tungkol sa aking pag-usad, kaya binalewala ko na lang siya. Nang may ilang kapatid na hindi nangahas na gawin ang kanilang tungkulin dahil sa takot na madakip at nagtanong si Christopher kung sinusuportahan ko sila, ginagawa niya lamang ang kanyang responsabilidad, subalit mapagmataas kong inisip, “Sino ba siya para mag-utos sa akin samantalang siya mismo ay hindi malutas ang isyu?” Kalaunan, nang magtipon kami upang ibuod ang mga isyu, ibinahagi ng mga kapatid ang ilang landas ng pagsasagawa, ngunit hindi ko ginamit ang mga iyon. Dahil kumilos ako nang walang pakundangan, hindi nakipagtuwangan sa iba o ginamit ang mga mungkahi nila, patuloy akong nabigong magkaroon ng mga resulta sa aking tungkulin. Lagi kong ginagawa ang aking tungkulin ayon sa sarili kong mga paniniwala, ginagawa kung anuman ang iniisip kong tama, hindi man lang nakipagtuwangan sa iba, na nagresulta ng mga pagkaantala sa gawain. Kasamaan ang ginagawa ko! Sa pagninilay-nilay rito, nagawa kong tanggapin ang tagubilin at pagwawasto ng mga lider ng pangkat. Negatibo nang naimpluwensiyahan ng aking asal ang gawain ng iglesia. Kung hindi nila ako iwinasto at tinabasan nang ganoon, hindi ko mapagninilayan ang aking sarili o matatanggap kung gaano kalubha ang aking problema. Ang pagtatabas at pagwawasto ay mga anyo ng pagmamahal ng Diyos!

Pagkatapos, lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap kung bakit hindi ko magawang makipagtuwangan sa iba sa aking tungkulin at kung bakit kailangan na ako ang laging may huling salita. Kalaunan, nahanap ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na tunay na nagsasabi sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maaaring nagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin sa loob ng ilang taon, ngunit walang kapansin-pansing pag-unlad sa inyong buhay pagpasok, nauunawaan lamang ninyo ang ilang mababaw na doktrina, at wala kayong tunay na kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos, walang mga pambihirang tagumpay na mapag-uusapan—kung ito ang inyong tayog ngayon, ano ang malamang na gagawin ninyo? Anong mga katiwalian ang ipapakita ninyo? (Kayabangan at kapalaluan.) Titindi ba ang inyong kayabangan at kapalaluan, o hindi magbabago? (Titindi ang mga iyon.) Bakit titindi ang mga iyon? (Dahil iisipin natin na lubhang kwalipikado tayo.) At sa anong batayan pinagpapasyahan ng mga tao ang antas ng sarili nilang mga kwalipikasyon? Sa kung ilang taon na nilang nagagampanan ang isang partikular na tungkulin, sa kung gaano karaming karanasan na ang kanilang natamo, hindi ba? At dahil sa ganitong sitwasyon, hindi ba kayo unti-unting magsisimulang mag-isip ayon sa tagal ng panunungkulan? Halimbawa, maraming taon nang naniwala sa Diyos ang isang partikular na brother at matagal na siyang nakaganap sa tungkulin, kaya siya ang pinakakwalipikadong magsalita; may isang partikular na sister na hindi pa gaanong matagal dito, at bagama’t may kaunti siyang kakayahan, wala siyang karanasan sa pagganap sa tungkuling ito, at hindi pa natatagalan ang paniniwala niya sa Diyos, kaya siya ang pinakamababa ang kwalipikasyon para magsalita. Ang taong pinaka-kwalipikadong magsalita ay iniisip sa kanyang sarili na, ‘Dahil mas matagal na ako sa tungkulin, ibig sabihin niyan ay nakaabot na sa pamantayan ang pagganap ko sa aking tungkulin, at nakarating na sa tugatog ang aking paghahangad, at wala na akong dapat pagsumikapan o pasukin pa. Nagampanan ko nang maayos ang tungkuling ito, humigit-kumulang ay nakumpleto ko na ang gawaing ito, nasisiyahan na ang Diyos.’ At sa ganitong paraan nagsisimula silang makampante. Nagpapahiwatig ba ito na nakapasok na sila sa katotohanang realidad? Hindi na sila umuunlad. Hindi pa rin nila natatamo ang katotohanan o ang buhay, subalit iniisip nila na lubha silang kwalipikado, at nagsasalita ayon sa tagal ng kanilang panunungkulan, at naghihintay ng gantimpala ng Diyos. Hindi ba ito pagpapakita ng mayabang na disposisyon? Kapag hindi ‘lubhang kwalipikado’ ang mga tao, alam nila na dapat silang mag-ingat, ipinapaalala nila sa kanilang sarili na huwag magkamali; kapag naniwala na sila na lubha silang kwalipikado, nagiging mayabang sila, at nagsisimulang maging mataas ang tingin nila sa sarili, at malamang na maging kampante. Sa gayong mga pagkakataon, hindi ba malamang na humingi sila ng mga gantimpala at ng isang putong mula sa Diyos, tulad ng ginawa ni Pablo? (Oo.) Ano ang relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos? Hindi ito ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ito ay walang iba kundi isang relasyong transaksyonal. At kapag gayon ang sitwasyon, walang relasyon ang mga tao sa Diyos, at malamang na ikubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila—na isang mapanganib na senyales(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan). Inilalantad ng Diyos kung paanong kapag may isang taong hindi hinahangad ang katotohanan at hindi nakikilala ang kanyang sarili, ay iisipin niyang mayroon siyang kahusayan at karanasan pagkatapos na gampanan ang isang tungkulin nang ilang panahon at magsisimulang igiit na siya ang nauna, hinahamak niya ang iba, sobrang nagmamataas, hindi hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at hindi nakikipagtuwangan sa iba sa kanyang tungkulin, kumikilos nang walang pakundangan, ginagawa kung anong magustuhan niya at lumalakad sa daan ng paglaban sa Diyos. Mula nang pumasok ako sa pananampalataya, palagi akong gumagampan ng isang tungkulin at naging lider na ako sa loob ng dalawang taon. Naisip ko na matagal na ako sa pananampalataya, na mayroon akong mahusay na kakayahan sa gawain at mayroon nang ilang karanasan sa gawain, kaya naging mapagmataas ako. Napakasaya ko sa paglilinang ng iba at pagsubaybay sa kanilang gawain, subalit nadismaya ako nang maging katuwang ko si Christopher at nagsimula siyang makilahok sa aking gawain. Lagi kong iniisip na ako ang nagdilig at naglinang sa kanya, na mas mababa kaysa sa akin ang kahusayan niya, at na nagsisimula pa lamang siya at wala pang gaanong karanasan, kaya ayaw kong maging bahagi siya ng aking gawain. Nang tanungin niya ako kung sinuportahan ko ang mga baguhan at kung ano ang iskedyul ng aking gawain, nayamot na ako at sinagot na lamang siya nang pabasta-basta. Hindi ko inisip na kailangan pang makipagtalakayan sa kanya, at kahit na makipagtalakayan ako sa kanya, wala siyang magiging anumang makabuluhang mungkahi. Naisip ko, magagawa ko ito nang wala siya, kaya hindi ako nakipagtalakayan o nakipagtuwangan sa kanya at ako lang ang nagpapasya at nagsasaayos ng mga bagay-bagay. Nakikita ko lamang siya bilang isang palamuti. Hinihingi ng Diyos na matutuhan nating makipagtuwangan sa iba sa ating mga tungkulin, isa itong pangunahing prinsipyo sa pagganap ng ating mga tungkulin, subalit binalewala ko ang hinihingi ng Diyos at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Lagi kong iniisip na ayos lang akong mag-isa, na magagawa ko ang gawain nang ako lamang at hindi ko kailangan makipagtuwangan sa sinuman. Inisip kong kaya kong pamahalaan ang lahat ng ito at hindi ko kailangan ang sinuman para pangasiwaan ang aking gawain. Lubha akong mapagmataas at labis-labis ang pagtingin ko sa aking sarili! Sinanhi ng aking mapagmataas na disposisyon na hindi ko isaalang-alang ang iba at mawalan ng puwang ang Diyos sa puso ko. Wala akong may-takot-sa-Diyos na puso at lumalakad ako sa landas ng pagsalungat sa Diyos. Nang una akong dumating sa nayon, puno ako ng pananalig at gusto kong tuparin ang aking tungkulin upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi ko kailanman inakalang mangyayari ang mga bagay nang ganoon. Paano ako naging ganoon kayabang at kamanhid? Wala akong ni katiting na kamalayan sa maling landas na aking nilalakaran. Kung nagpatuloy ako nang ganoon, ako ay magiging isang anticristo na ginambala ang gawain ng Diyos at sa huli ay malalantad at ititiwalag ako ng Diyos, pagkatapos niyon ay magtatapos na ang aking buhay ng pananampalataya. Sa pagkakatanto ng lahat ng ito, nakadama ako ng kaunting takot at tahimik akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos, ginambala ko ang gawain ng iglesia. Ngayon ay nakikilala ko ang aking katiwalian at ang kalubhaan ng aking mga isyu. Nais kong magsisi at ayaw kong labanan Ka gamit ang aking tiwaling disposisyon.”

Pinagnilayan ko rin kung saan ako nagkamali sa pagkiling ko na tumuon sa kahusayan at karanasan sa gawain ng mga tao sa aming mga ugnayan. Ano ang pinakamahalagang aspekto ng aking tungkulin? Habang pinag-iisipan ko nang husto ang mga katanungang ito, nakita ko ang isa pang sipi sa mga salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo ginagawa ang personal mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, ‘Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.’ Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at plano, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung nagagawa mong malinaw na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tungkulin mo at ng sarili mong personal na gawain, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo). Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema … Walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang nangyayari sa iyo sa bawat araw, o kung gaano karaming trabaho ang ginagawa mo, kung gaano ka nagsisikap dito—ang tinitingnan Niya ay kung ano ang saloobin mo patungkol sa mga bagay na ito. At sa ano nauugnay ang saloobin kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito, at ang paraan kung paano mo ginagawa ang mga ito? May kaugnayan ito sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan o hindi, at gayundin sa iyong buhay pagpasok. Tinitingnan ng Diyos ang iyong buhay pagpasok, at ang landas na tinatahak mo. Kung tumatahak ka sa landas ng paghahangad ng katotohanan, at mayroon kang buhay pagpasok, magagawa mong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at madali mong magagampanan ang iyong mga tungkulin sa paraang nasasapat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Hindi kasama sa paggawa ng ating tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang paggawa natin ng bagay ayon sa gusto natin nang hindi isinasama ang ibang tao. Ang ating tungkulin ay bahagi ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung kikilos tayo nang walang pakundangan at hindi makikipagtulungan, malamang na magagambala at magugulo natin ang gawain. Natutuhan ko rin na hindi sinusukat ng Diyos ang mga tao batay sa kung gaano na sila katagal sa pananampalataya, kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, o kung gaano karaming karanasan ang mayroon sila sa kanilang tungkulin, sa halip ay nakabatay ang Diyos sa kanilang saloobin sa katotohanan, sa kanilang oryentasyon sa kanilang tungkulin at kung lumalakad ba sila sa daan ng paghahangad sa katotohanan. Kung hindi ko hinangad ang katotohanan, hindi tinanggap ang magagandang mungkahi ng iba, at kailangan na laging ako ang may huling salita, hindi ako magkakaroon ng magagandang resulta sa aking tungkulin. Lagi kong itinuturing na kapital ang aking diumano’y kahusayan at ang pagiging lider ko ng ilang panahon at pagkakaroon ko ng karanasan. Inisip ko na sa pamamagitan ng mga kwalipikasyong ito, matutupad ko nang maayos ang aking tungkulin at hindi ko kailanman naisip ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo. Sa katunayan, ang pagkakaroon ng ganoong karanasan at kahusayan ay hindi nangangahulugang mayroon akong mga katotohanang prinsipyo; mga kagamitan lamang ang mga iyon na maaari kong gamitin sa aking tungkulin. Natanto ko na ginamit ko ang karanasan at kahusayan bilang katotohanang prinsipyo at inakala kong nauunawaan ko ang katotohanan at na kumikilos ako nang naaayon sa prinsipyo. Lalo akong naging mapagmataas, hinamak ang mga kapatid at ginawa ang anumang gustuhin ko. Bilang resulta, matapos ang tatlong buwang paggawa, wala akong naibungang kahit anong resulta. Natanto ko na para maayos na magawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, hindi mahalaga kung gaano katagal na siyang mananampalataya, kung gaano karami na ang kanyang naiambag, o kung gaano karami na ang kanyang karanasan. Ang susi ay ang hangarin ang katotohanan, kumilos ayon sa prinsipyo at makipagtuwangan nang maayos sa iba.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng mas malinaw na landas kung paano maayos na makikipagtuwangan sa iba. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang maayos na pagtutulungan ay kinasasangkutan ng maraming bagay. Kahit paano, ang isa sa maraming bagay na ito ay ang tulutan ang iba na magsalita at magbigay ng ibang mga mungkahi. Kung tunay kang makatwiran, anumang uri ng gawain ang ginagawa mo, kailangan mo munang matutuhang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat ka ring magkusang hingin ang mga opinyon ng iba. Basta’t sineseryoso mo ang bawat mungkahi, at pagkatapos ay sama-sama ninyong nilulutas ang mga problema, talagang makapagtutulungan kayo nang maayos. Sa ganitong paraan, daranas ka ng mas kaunting paghihirap sa iyong tungkulin. Anumang mga problema ang lumitaw, magiging madaling lutasin at harapin ang mga iyon. Ito ang epekto ng maayos na pagtutulungan. Kung minsan ay may mga pagtatalo tungkol sa mga walang kuwentang bagay, ngunit basta’t hindi nito naaapektuhan ang gawain, hindi magiging problema ang mga iyon. Gayunman, sa mahahalaga at malalaking bagay na kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, kailangan ninyong magkasundo at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. … Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayo na kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung lagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng pagkilala, at iisipin mo na naroon ang iba para pagsilbihan ka sa iyong posisyon, problema ito, at hahamakin at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunti pang atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makakapagtrabaho ka nang maayos kasama ang iba. Ano ang epektong makakamtan ng maayos na pagtutulungang ito? Malaki ang epekto. Magkakamit ka ng mga bagay na hindi mo pa nakakamit dati, iyon ay ang liwanag ng katotohanan at mga realidad ng buhay; matutuklasan mo ang mabubuting katangian ng iba at matututo ka mula sa kanilang mga kalakasan. Mayroon pang iba: Ang tingin mo sa ibang mga tao ay walang alam, mahina ang utak, hangal, mas mababa sa iyo, ngunit kapag nakinig ka sa kanilang mga opinyon, o nagtapat sa iyo ang ibang mga tao, matutuklasan mo nang hindi sinasadya na walang sinumang kasing-ordinaryo na tulad ng iniisip mo, na lahat ay maaaring magbigay ng ibang mga kaisipan at ideya, at na lahat ay may mga bagay na maituturo sa iyo. Kung matututo kang makipagtulungan nang maayos, higit pa sa pagtulong lamang sa iyo na matuto mula sa mga kalakasan ng iba, maaaring ilantad nito ang iyong kayabangan at pagmamagaling, at pigilan kang isipin na matalino ka. Kapag hindi mo na itinuturing na mas matalino ka at mas magaling kaysa sa lahat ng iba pa, titigil ka na sa sobrang pagpapahalaga sa sarili at pagpuri sa iyong sarili. At mapoprotektahan ka niyan, hindi ba? Iyan ang aral na dapat mong matutuhan at mapakinabangan sa pakikipagtulungan sa iba(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). “Palagay niyo ba may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspetong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspetong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pakikipagtuwangan, dapat tayong tumayo nang kapantay ng iba at matutong makinig nang maingat sa kanila at aktibong magtanong tungkol sa kung ano ang hindi natin nauunawaan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa sa ganitong paraan, matutuklasan natin ang mga kalakasan ng mga kapatid at ang mga bahagi kung saan mas malakas sila kaysa sa atin. Kung magkagayon ay hindi natin sila hahamakin at hindi na tayo magiging kontento sa sarili at walang pakundangan sa ating asal. Dapat din tayong magkaroon ng mas malinaw na pagkaunawa sa ating mga sarili at tumigil sa pagturing sa ating mga sarili na mataas. Kailangan nating matutuhang matukoy ang mga kalakasan ng mga tao at magkaroon ng wastong saloobin sa kanilang mga kahinaan. Sa pagbabalik-tanaw, bagaman nakapaglingkod na bilang isang lider sa loob ng dalawang taon, wala akong talento sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at nangangailangan ako ng suporta kapag kinukumusta ang gawain ng ebanghelyo. Samantalang si Christopher, hindi pa siya ganoon katagal sa pananampalataya, subalit lagi niyang ipinalalaganap ang ebanghelyo, nakakakuha siya ng magagandang resulta at nakapagpabalik-loob na ng maraming tao. Marami siyang karanasan pagdating sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya dapat ay aktibo kong hinihingi ang tulong niya. Gayundin, napakaresponsable ni Christopher sa kanyang tungkulin, nagdadala siya ng pasanin sa kanyang gawain, aktibo niya akong hinahanap upang ibuod ang aming gawain at ginagamit niya ang mabubuting pagsasagawa mula sa ibang iglesia. Lahat ng ito ay mga kalakasan na mayroon akong maaaring matutuhan. Dati akong labis na mapagmataas at hindi ko nakita ang mga kalakasan ni Christopher, hinamak ko pa nga siya. Hindi ko tinanggap ang mga mungkahi niya at hindi siya hinayaang makilahok sa aking gawain. Wala akong kwenta subalit napakalaki ng tiwala ko sa sarili ko–talagang nakakahiya. Wala ako ni katiting na kamalayan sa sarili. Kung nakipagtulungan akong mabuti kay Christopher noon, hindi sana naantala ang gawain. Kapag binabalikan ko iyon, nagsisisi ako nang husto. Ang mga dati kong paglabag ay hindi na maaaring tubusin, ngunit handa akong gawin nang mabuti ang aking tungkulin mula ngayon. Makikipagtalakayan at makikipag-usap ako sa iba kapag may kinakaharap akong mga suliranin, uunahin ko ang mga interes ng iglesia, matututo akong makipagtuwangan sa iba at hindi ko na tatahakin ang lumang daan.

Kalaunan, iniwan ko ang nayon. Itinalaga ako sa iba’t ibang proyekto at nagkaroon ako ng bagong katuwang. Sa pagkakataong ito, ang katuwang ko na ay si Sister Mina. Masaya akong makipagtuwangan sa kanya nang matiwasay upang magawa nang maayos ang aming mga tungkulin. Kalaunan, unti-unti kong napansin na bagaman mas matanda kaysa sa akin si Mina, mas matagal na ako kaysa sa kanya sa pananampalataya o sa paggawa ng tungkulin. Pagdating naman sa pangangasiwa at pagsusubaybay ng gawain, may mga kakulangan pa siya. Minsan, naririnig ko rin na sinasabi ng mga kapatid ang mga problema tungkol sa kanya. Nagsimulang lumitaw muli ang aking mapagmataas na disposisyon. Nagsimula akong mag-isip na ako ang pangunahing may papel sa aming gawain at si Sister Mina ay naroon lamang para magsanay. Isang beses, noong kailangan naming sumulat ng isang panukala ng gawain, partikular na sinabi sa amin ng aming lider na dapat naming pagtalakayan ang gawain nang magkasama, subalit naisip ko: “Hindi ito mahirap na gampanin, kayang-kaya kong gawin ito nang ako lang at hindi na kailangang dalawa pa kami na gumawa rito. Hindi naman parang hindi ko kayang gawin ito nang ako lamang.” Pagkatapos ng pagtitipon, gusto ko sanang magpatuloy na sa gawain nang ako lamang, subalit tinawagan ako kaagad ni Mina at alam kong gusto niyang magtalakayan kami. Pero ayaw ko talagang gawin iyon, kaya hindi ko sinagot ang telepono. Pagkatapos, medyo nakonsensiya ako. Naisip ko kung paanong ang aking pagmamataas at pag-aatubiling makipagtuwangan kay Christopher ay hinadlangan dati ang gawain, kung magpapatuloy ako nang ganoon, tiyak na maaapektuhan nito ang aming gawain. Kaya nagdasal ako sa Diyos, sinasabing: “O Diyos, maagap akong hinanap ni Mina upang pag-usapan ang gawain, ngunit nagmataas ako at ayaw kong makipagtuwangan sa kanya. O Diyos, ayaw kong patuloy na kumilos nang walang pakundangan at guluhin ang gawain ng iglesia, pakiusap gabayan Mo akong tumigil sa pamumuhay sa pamamagitan ng aking mapagmataas na disposisyon upang makipagtuwangan ako kay Mina nang maayos.” Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kayong makipag-ugnayan sa isa’t isa, na bawat isa’y sinususugan ang iba at humahantong sa mas magandang resulta ng gawain, upang maalagaan ang kalooban ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang magtatamo ng tunay na pagpasok(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). Labis na tumimo sa akin ang mga salita ng Diyos. Para magawa nang maayos ang aking tungkulin, kailangan kong matutuhang makipagtuwangan nang maayos kay Mina at tumigil sa pamumuhay nang ayon sa aking mapagmataas na disposisyon at sa pagkilos nang walang pakundangan. Dahil doon, tinawagan ko si Mina at tinalakay ang mga pagsasaayos sa aming gawain simula noon. Ibinahagi ni Mina ang mga ideya niya sa akin at naisip kong magaganda ang mga iyon, kaya sa huli ay ginagamit ko ang mga iyon. Hindi nagtagal, nakagawa kami ng plano nang mas mabilis kaysa sa noong ako lang ang gumagawa. Ang saya ko talaga. Hindi ito isang malaking tagumpay, subalit masarap sa pakiramdam na talikuran ang aking sarili at isagawa ang ayon sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos niyon, natutuhan ko nang makipagtuwangan sa ibang kapatid at nakita kong nakakakuha kami ng mas magagandang resulta sa aming gawain sa bawat lumilipas na buwan. Nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Matapos Gumuho ang Pangarap Ko

Ni Lin You, Tsina Mula pa sa murang edad, gustung-gusto ko na talagang sumayaw. Sinabi ng nanay ko sa akin na noong ako ay napakabata pa,...