Mga Aral na Natutunan Ko Mula sa Pagkakatanggal
Noong 2012, napili akong maging isang lider sa iglesia. Sa paggabay ng Diyos, nagbunga ng ilang resulta ang gawain ng ebanghelyo ng aming iglesia, at nagtatag din kami ng dalawang bagong iglesia. Noon, pinili ako ng mga kapatid para mangasiwa sa gawain ng halalan ng iglesia, at kapag hindi maganda ang kalagayan ng mga kapatid, hinihiling din nila na bahaginan ko sila at tulungan. Pagkatapos ng pagbabahagi ko, nagagawa nilang baguhin ang kanilang kalagayan. Lalo na sa mga pagtitipon ng mga katrabaho, dahil nakikita ko na ang aming iglesia ang nagdala ng pinakamaraming baguhan, na ito ang may pinakamaraming lider at diyakono, at maayos na umuusad ang gawain sa lahat ng aspekto, sobrang tuwa ko. Naisip ko na talagang may mga abilidad ako sa pagtatrabaho at mahusay ako sa pagpili at pagtatakda sa mga tao.
Kalaunan, napili akong maging mangangaral. Isang beses, pinangunahan ko ang isang halalan ng iglesia, at sa unang halalan, isang kapatid na nagngangalang Wang Chen ang nakakuha ng pinakamaraming boto. Naisip ko, “Bagamat medyo nakatuon sa katayuan si Wang Chen at mahilig siyang magpakitang-gilas, sa ilang pagkakataon na nakapag-ugnayan kami, napansin kong may kaunti siyang pang-unawa sa kanyang tiwaling disposisyon. Bagay sa kanya ang maging isang lider.” Nang araw na iyon, nakita ko si Zhang Lin, na dating tinanggal mula sa kanyang posisyon bilang lider sa iglesia. Sinabi sa akin ni Zhang Lin, “Madalas na nagpapatotoo si Wang Chen tungkol sa sarili niya at nagpapakitang-gilas siya. Kapag nagbabahagi siya tungkol sa kanyang kalagayan, binabanggit lang niya ang magagandang katangian niya at hindi kailanman sinasabi ang tungkol sa kanyang mga katiwalian. Naging dahilan ito kaya sinasamba siya ng mga kapatid at sinasabi nila na kaya niyang magbahagi tungkol sa katotohanan at lumutas ng mga problema. Hindi siya nagkakaroon ng pagkaunawa sa sarili kahit pagkatapos niyang matanggal; hindi angkop na piliin siya bilang isang lider!” Pagkarinig dito, nagkaroon ako ng sarili kong mga opinyon tungkol kay Zhang Lin. Naisip ko, “Hindi ba’t katatanggal lang sa iyo, kaya masama sa loob mong makitang mahalal si Wang Chen? Saka, nakipag-ugnayan ako kay Wang Chen nang maraming beses, at sa tingin ko, nagpakita siya ng kaunting pagkaunawa sa pagkakatanggal sa kanya dati. Ibang-iba iyan sa sinasabi mo. Dapat mong pagnilayan ang mga motibo sa likod ng mga salita mo.” Noon, ako ang nangangasiwa sa halos lahat ng mga halalan ng iglesia, at ang mga nahalal ay naging angkop naman sa kanilang mga trabaho, kaya inakala ko na mahusay akong humusga at ayaw kong tanggapin ang payo ni Zhang Lin. Nang makauwi ako, sinabi ko sa kapatid na nakapareha ko na nakuha ni Wang Chen ang pinakamaraming boto sa halalang ito. Nagulat siya nang marinig ito, at sinabi niya, “May matinding pagnanais si Wang Chen para sa katayuan at may seryosong problema sa pagpapakitang-gilas. Bilang isang lider, nakatuon lang siya sa magandang katangian niya kapag nag-uulat tungkol sa gawain, at hindi niya kailanman binanggit ang kanyang mga paglihis. Kapag nagsasalita siya tungkol sa kanyang kalagayan, positibo ito lahat; hindi niya kailanman hinayaang makita ng sinuman ang tiwaling katangian niya. Sinabi niya na kinakausap siya ng lahat ng kapatid kapag may nangyayari, pero hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo. Noong panahong iyon, nakipagbahaginan kami sa kanya at pinuna namin ang mga problema niya, pero sinabi niya na wala naman daw siyang anumang lihim na motibo, na ang mga kapatid ang gustong humanga sa kanya. Pagkatapos matanggal, hindi siya nagkaroon ng anumang pagkaunawa sa sarili. Hindi pa rin natin makilatis si Wang Chen; dapat mong patuloy na hanapin ang katotohanan dito.” Pagkarinig na tinanggihan din ng kapatid na ito ang taong pinili ko, talagang nadismaya ako. Naisip ko, “Nagsasabi ka ng mga bagay na nangyari maraming taon na ang nakakaraan. Sa mga huling pagkakataong nakipag-ugnayan ako sa kanya, nakita ko na kaya niyang maunawaan ang sarili niya. Ang sitwasyon ay hindi gaya ng sinasabi mo. Huwag mong husgahan agad-agad ang ibang tao. Bukod pa riyan, ilang taon na akong lider ngayon, at marami na akong nakasalamuhang tao at alam ko kung paano maging mapagkilatis. Mas may karanasan ako kaysa sa iyo pagdating sa pagpili at pagtatakda ng mga tao; magkakamali ba talaga ako rito?” Pero sa panlabas, sinabi ko pa rin sa kanya nang mahinahon, “Matagal nang nangyari iyang mga sinasabi mo; may kaunting pagkaunawa na siya sa sarili niya ngayon. Hindi puwedeng tingnan lang natin ang nakaraan ng mga tao; dapat tama ang pagtingin natin sa kanila.” Nang hindi sumagot ang kapatid, mas tumibay ang paniniwala ko na tama ako.
May isang pagkakataon pa na nakita ko ang isang kapatid na nagngangalang Li Li. Natanggal siya sa kanyang tungkulin bilang lider at napakanegatibo niya, gusto na niyang umuwi. Inakala ko na baka gusto na ni Li Li na umuwi dahil wala na siyang gagawing tungkulin. Kung magsasaayos ako ng tungkulin para sa kanya, baka hindi na niya gugustuhing umuwi pa. Nagkataon namang nangangailangan ang iglesia ng taong gagawa ng mga pangkalahatang gawain, kaya ko naisip si Li Li, at naisip kong ibigay sa kanya ang tungkuling ito. Nakipagkita ako sa lider niya, si Zhang Hui, para pag-usapan ang pagsasaayos para kunin ni Li Li ang mga tungkulin sa mga pangkalahatang gawain. Sinabi ni Zhang Hui, “Hindi nagpakita si Li Li ng pagkaunawa sa sarili pagkatapos niyang matanggal. Hindi niya tinatanggap kapag pinupuna ng mga kapatid ang mga problema niya, at pakiramdam ng lahat ay napipigilan niya sila. Iniulat ng mga kapatid na may masama siyang pagkatao at hindi tumatanggap ng katotohanan.” Pagkarinig ko sa mga salita ni Zhang Hui, napuno ako ng panghahamak, Naisip ko sa sarili ko, “Katatanggal lang kay Li Li; normal lang na wala pa siyang masyadong pagkaunawa. At noong nakipag-ugnayan ako sa kanya dati, hindi ko napansin na masama ang pagkatao niya. Alam ba ninyo talaga kung paano humusga ng tao? Kahit medyo inaalala ni Li Li ang reputasyon at minsan ay nangangatwiran siya sa mga taong pumupuna sa mga problema niya, magninilay siya sa sarili at pagkatapos ay susubukan niyang kilalanin ang kanyang sarili, at hindi niya hahayaang humadlang sa kanyang tungkulin ang masamang lagay ng kanyang kalooban. Nagdadala siya ng pasanin sa kanyang tungkulin.” Kaya sinabi ko kay Zhang Hui, “Kilalang-kilala ko ang kapatid na ito at hindi ko napansin na masama ang pagkatao niya. Ayos lang na gawin niya ang tungkuling ito.” Kahit sa panlabas ay hindi ako nagmukhang matigas ang ulo, iniisip ko pa rin, “Ilang taon na akong lider; magkakamali pa ba ako sa paghusga sa ganitong bagay? Gagawin natin kung ano ang sinabi ko. Pumunta lang ako rito para ipaalam sa iyo ang tungkol dito. Sa huli, nasa akin ang desisyon.” Pagkatapos niyon, isinaayos ko agad na maibigay kay Li Li ang pangkalahatang gawain.
At kasabay niyan, namuhay ako sa isang kalagayan ng pagmamataas at kapalaluan; ang gusto ko ang nasusunod, at hindi ko tinanggap ang payo mula sa iba. Inakala ko na magaling ako, na may lalim sa paraan ko ng pagtingin sa mga isyu. Bukod pa roon, kapag nakikipag-usap ako sa kapareha kong kapatid tungkol sa gawain, pakiramdam ko palagi ay mas mahusay akong humusga kaysa sa kanya, at matibay kong pinanghawakan ang aking mga pananaw. Pagkatapos nito, nagsimulang bumaba ang mga resulta ng tungkulin ko, at lumala nang lumala ang kalagayan ko. Kahit kapag nakikipagbahaginan ako tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi ako makapagsalita nang may anumang liwanag. Palagi akong nakakatulog habang ginagawa ko ang aking tungkulin, at inaantok na ako pagdating ng ika-8 o 9 ng gabi; Hindi ko ito malabanan kahit pa gusto ko. Pakiramdam ko ay para bang naiwala ko ang gawain ng Banal na Espiritu, para bang itinatago sa akin ng Diyos ang mukha Niya. Sa panahong iyon, hindi ko pa rin magawang tukuyin ang mga problema kong ito. Makalipas ang ilang araw, naharap ako sa paghatol at pagkastigo ng Diyos.
Isang gabi, aksidente kong nabuksan ang isang liham ng pag-uulat. Nang makita ko ito, hindi ako makapaniwala. Sinabi sa sulat na hindi ko pinangasiwaan ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo noong panahon ko bilang isang mangangaral. Nang iulat sa akin ng mga kapatid na hindi akma si Wang Chen para maging lider, hindi ko iyon tinanggap, at hindi ko sinubukang unawain ang tunay na sitwasyon. Noong panahon ni Wang Chen bilang isang lider sa iglesia, hindi siya naghanap ng mga salita ng Diyos para bahaginan at tulungan ang mga kapatid kapag hindi magaganda ang kanilang kalagayan, sa halip pinagalitan niya sila sa hindi nila paghahangad ng katotohanan. Ang kapatid na naging kapareha niya, si Xiaoxue, ay pinuna ang mga problema ni Wang Chen, bukod sa hindi ito tinanggap ni Wang Chen, ipinagkalat niya rin sa mga kapatid ang mga problema ni Xiaoxue. Kinampihan tuloy ng lahat si Wang Chen at naniwala sila na huwad na lider si Xiaoxue. Nagkagulo sa iglesia, at mahigit dalawang buwan na hindi nagkaroon ng normal na buhay-iglesia ang mga kapatid. Nagdusa ng mga kawalan ang kanilang buhay pagpasok, at sobrang nagulo at nagambala ang gawain ng iglesia. Habang binabasa ko ang liham ng pag-uulat na ito, nanginginig ako mula ulo hanggang paa at kumakabog ang puso ko. Parang sinaksak ng bawat salita sa liham ang puso ko, at parang kinondena na ako; nasa isang kalagayan ako ng pagkatakot at pagkaalarma. Naisip ko, “Katapusan ko na talaga ngayon. Tatanggalin na kaya ako ng nakakataas na lider?” Naisip ko rin, “Patapos na ngayon ang gawain ng Diyos. Kung matatanggal ako sa panahong ito, hindi ba’t mangangahulugan iyon na nabunyag ako? Hindi ba’t mangangahulugan iyon na wala na akong pag-asang maligtas?” Pakiramdam ko ay may mabigat na bagay na nakadagan sa dibdib ko. Hindi ako nakakain nang maayos sa loob ng ilang araw na iyon, at hindi ako makatulog, natatakot ako na tatanggalin ako ng lider anumang oras. Hindi nagtagal, nakipagpulong sa akin ang nakatataas na lider. Nang makita niyang wala akong pagkaunawa sa sarili, isiniwalat at pinungusan niya ako, sinabi niyang napakayabang ko, hindi ko tinanggap ang payo ng mga kapatid, umakto ako nang pabasta-basta at naging padalus-dalos ako sa aking tungkulin, at ginagambala at ginugulo ko ang gawain ng iglesia. Sa huli, tinanggal ako ng lider. Pagkatapos akong tanggalin, naging napakanegatibo ko; ayaw kong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o manalangin, at nang maisip ko kung paano ako isiniwalat ng lider, labis akong namighati. Inakala kong katapusan ko na, na masyado akong mapagmataas, na wala na akong pag-asa. Sinukuan ko pa nga ang sarili ko at nagpakalugmok ako sa kalungkutan, hindi ako nagnilay sa sarili noong may oras ako at sa halip ay nanood lang ako ng ilang palabas sa TV para maging manhid sa sakit. Pinalipas ko ang mga araw na tulala ako sa kalituhan, nabubuhay na parang naglalakad na bangkay. Paminsan-minsan, naiisip ko, “Para saan ba talaga ako nananampalataya sa Diyos? Hihinto na lang ba talaga ako sa paghahangad ngayong natanggal na ako? Bakit nawala nang lahat ngayon ang lakas ko noon sa paghahangad? Isang tao ba akong taos-pusong nananampalataya sa Diyos?” Habang iniisip ito, lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “O Diyos! Pagkatapos kong matanggal, nahulog ako sa pagiging negatibo at nauwing ganito. Alam kong totoong napakababa ng tayog ko. O Diyos, pakigabayan Mo ako palabas sa negatibong kalagayan na ito.”
Isang araw, sa espirituwal na debosyon ko, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Iniisip ng ilang tao na sa sandaling maranasan ng isang tao ang mahatulan, makastigo, at mapungusan, o pagkatapos mabunyag ang kanyang tunay na kulay, ang kanyang kahihinatnan ay nakatakda na, at siya ay nakatadhana nang hindi magkaroon ng pag-asang maligtas. Karamihan sa mga tao ay hindi nakikita nang malinaw ang bagay na ito, nag-aalinlangan sila sa sangang-daan, hindi alam kung paano maglalakad sa hinaharap na landas. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay wala pa rin silang tunay na kaalaman sa gawain ng Diyos? Iyon bang mga laging may pagdududa tungkol sa gawain ng Diyos at pagliligtas ng Diyos sa tao ay mayroong anumang tunay na pananampalataya man lang? Karaniwan, kapag ang ilang tao ay kailangan pa lamang pungusan at hindi pa nakakaranas ng mga problema, pakiramdam nila ay dapat nilang sikaping matamo ang katotohanan at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa kanilang pananampalataya. Gayunpaman, sa sandaling magkaroon sila ng kaunting problema o anumang paghihirap, lumalabas ang kanilang likas na kataksilan, na nakasusuklam makita. Pagkatapos, sila man ay nasusuklam din, at sa huli ay hinahatulan nila ang kanilang sariling kalalabasan, sinasabing, ‘Tapos na ang lahat sa akin! Kung kaya kong gawin ang gayong mga bagay, hindi ba ibig sabihin niyan ay malalagot na ako? Hindi ako ililigtas ng Diyos kailanman.’ Maraming tao ang nasa ganitong kalagayan. Masasabi pa nga na ganito ang lahat ng tao. Bakit hinahatulan ng mga tao ang kanilang sarili nang ganito? Pinatutunayan nito na hindi pa rin nila nauunawaan ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ang minsanan lang na pagpupungos ay maaaring humantong na maging negatibo ka sa matagal na panahon, hindi makaahon, hanggang sa puntong baka isuko mo na ang iyong tungkulin; kahit sa maliit na sitwasyon lang ay maaari ka nang matakot kung kaya’t hindi mo na ipagpapatuloy ang paghahangad sa katotohanan, at hindi ka na makakaalis. Na para bang ang mga tao ay masigasig lamang sa kanilang paghahangad kapag pakiramdam nila ay wala silang kapintasan at walang dungis, gayunpaman kapag natuklasan nilang sila ay labis na tiwali ay hindi na nila kayang ipagpatuloy pa ang paghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nagsabi na ng mga salita ng pagkabigo at pagkanegatibo tulad ng, ‘Tiyak na katapusan na ito para sa akin; hindi ako ililigtas ng Diyos. Kahit na patawarin pa ako ng Diyos, hindi ko kayang patawarin ang aking sarili; hindi ko kayang magbago kailanman.’ Hindi nauunawaan ng mga tao ang layunin ng Diyos, na nagpapakita na hindi pa rin nila alam ang Kanyang gawain. Sa katunayan, natural para sa mga tao na minsan ay magpakita ng ilang tiwaling disposisyon sa kabuuan ng kanilang mga karanasan, o na umakto sa paraang hindi dalisay, o na iresponsable, o pabasta-basta at walang katapatan. Ito ay dahil sa ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon; ito ay hindi maiiwasang batas. Kung hindi dahil sa mga pagbubunyag na ito, bakit sila matatawag na mga tiwaling tao? Kung hindi tiwali ang mga tao, walang magiging kabuluhan ang gawain ng Diyos na magligtas. Ang problema ngayon, dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o tunay na nauunawaan ang kanilang mga sarili, at dahil hindi nila malinaw na nakikita ang kanilang sariling mga kalagayan, kinakailangan nilang ipahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita ng paglalantad at paghatol para makita nila ang liwanag. Kung hindi, mananatili silang manhid at mahina ang ulo. Kung hindi gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang mga tao kailanman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang siping ito ng mga salita ng Diyos ay tila mainit na agos na nagpakalma sa puso ko, inalo ako nito at pinalakas ang loob ko. Sa wakas ay napansin ko na namumuhay ako sa kalagayang ito ng kawalan ng pag-asa dahil nabigo akong maunawaan ang gawain ng Diyos. Inakala ko na dahil pumili at nagtakda ako ng mga tao base sa sarili kong kalooban at nagulo at nagambala ko ang gawain ng iglesia, hindi na ako ililigtas ng Diyos. Ang totoo, ang gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay para tulungan akong maunawaan ang aking katiwalian. Kung wala ang ibinunyag ng mga katunayan at kung wala ang pagpupungos na ito, hindi ko makikita kung gaano kalala ang mapagmataas kong disposisyon, at kung paanong nagawa ko ang napakaraming bagay na lumaban sa Diyos. Ngayon, natanggal ako, at ito ay pagprotekta ng Diyos sa akin, hinahayaan ako nito na agad huminto sa paggawa ng masama at makapagnilay sa sarili, magsisi, at magbago. Pero hindi ko pa rin naunawaan ang Diyos, iniisip ko na ibinubunyag at itinitiwalag Niya ako, kaya nabuhay ako sa pagiging negatibo at nagpaubaya ako sa kawalan ng pag-asa. Nasaktan ko nang labis ang Diyos! Nakaramdam ako ng sobrang pagkakautang sa Diyos, kaya sinabi ko sa sarili ko, “Kahit gaano pa ako katiwali, kailangan ko pa ring gawin ang makakaya ko para mapabuti ko ang sarili ko. Hindi ako maaaring magpakalubog sa pagiging negatibo.” Pagtapos niyon, normal na kumain at uminom ako ng mga salita ng Diyos at nanalangin ako sa Kanya araw-araw, at unti-unti, nagsimulang bumuti ang kalagayan ko.
Sa panahong iyon, pinagnilayan ko rin kung bakit ako nabigo at nadapa. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘pabasta-basta at padalos-dalos’? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, ‘Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!’ sumasagot ka, ‘Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,’ at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, ‘Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,’ hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: ‘Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.’ Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ibinunyag ng Diyos ang mismong pag-uugali ko. Ako iyong mismong inilarawan Niya: isang tao na may mapagmataas na disposisyon, kumikilos nang padalus-dalos at pabasta-basta. Inakala ko na medyo may karanasan na ako pagdating sa pagpili at pagtatakda ng mga tao, at na alam ko kung paano humusga ng tao base sa mga prinsipyo, kaya ayaw kong makinig sa mga mungkahi ng mga kapatid, inisip kong tama ako at hindi ako magkakamali sa paghusga ng tao. Pagdating naman sa paghalal ng mga lider ng iglesia, pinaalala sa akin ni Zhang Lin at ng kapatid na nakapareha ko na laging nagpapakitang-gilas si Wang Chen at nagpapatotoo sa sarili niya, na hindi siya nagkaroon ng tunay na pagkaunawa sa sarili pagkatapos niyang matanggal, at hindi siya karapat-dapat na maging isang lider. Gayumpaman, hindi ako nakinig sa payo ng mga kapatid, naniwala pa rin ako na ilang taon na akong lider at mas magaling ako sa paghusga ng mga tao. Hindi ko na nga inimbestigahan at inunawa ang bagay na ito, pinabulaanan ko pa ang mga kapatid, ginusto kong gawin nila ang sinabi ko. Dahil mapagmataas ako at mapagmagaling, pinanghawakan kong maigi ang sarili kong mga pananaw at kumilos ako nang walang pag-iingat, naging lider si Wang Chen, na nanggambala at nanggulo sa buhay iglesia. Gayundin, pagdating naman sa pagtataas ng posisyon ni Li Li, sinabi sa akin ni Zhang Hui na katatanggal lang nito at wala itong pagkaunawa sa sarili, at na may masamang pagkatao rin ito, hindi tumatanggap ng payo ng iba, at hindi akma para gumawa ng pangkalahatang gawain. Kahit alam kong may katuturan ang sinabi ni Zhang Hui, inakala ko na puwedeng bumuti ang kalagayan ni Li Li kung pagagawain siya ng isang tungkulin. At inakala ko na kilalang-kilala ko na siya, kaya pinilit kong itaas ang posisyon niya. Sa dalawang kasong ito ng pagpili at pagtatakda ng mga tao, sa parehong pagkakataon, nagbigay sa akin ng ilang mungkahi ang mga kapatid, pero hindi ako nakinig kahit katiting sa sinabi nila. Bilang resulta, naging sanhi ako ng matitinding pagkagambala at pagkakagulo sa gawain ng iglesia, at mahigit dalawang buwan na hindi nagkaroon ng normal na buhay-iglesia ang mga kapatid. Ito ang kinahinatnan ng pag-akto ko ayon sa aking mapagmataas na disposisyon, pagkilos nang pabasta-basta, at hindi pagtanggap sa payo ng iba. Nang maunawaan ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Kung hindi ako iniulat at tinanggal at napigilang gumawa ng masama, baka kung anu-ano pang masasamang bagay ang nagawa ko. O Diyos! Salamat sa pagbubunyag Mo sa akin; handa na akong magsisi.”
Kinalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking tiwaling disposisyon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sinabi ng Diyos na ang mga taong may mapagmataas na disposyon ay kayang gumawa ng mga bagay na magbubunga ng pagkagambala at kaguluhan at susuway sa mga prinsipyo; maaari silang maging laban sa Diyos. Ilang taon na akong nananalig sa Diyos at nagkaroon na ako ng ilang resulta sa aking tungkulin, kaya itinuturing ko ang mga ito bilang kapital. Inakala ko na mayroon akong kaunting katotohanang realidad, na may talento ako, na mas magaling ako kaysa sa lahat. Napakalaki ng tiwala ko sa aking sarili, inisip kong tama ako sa bawat isyu. Sa dalawang pagkakataong iyon na pumili ako at nagtakda ng tao, ginamit ng Diyos ang mga kapatid para paulit-ulit akong paalalahanan na ang pagtatakda sa mga taong ito ay hindi tumatalima sa mga prinsipyo, pero hindi ko talaga sineryoso ang mga iyon. Inakala ko na nauunawaan ko ang katotohanan at na mahusay ako sa paghusga ng mga tao, at ipinilit ko ang gusto ko, pumili at nagtakda ako ng mga tao nang ayon sa sarili kong mga ideya at hindi ko isinaalang-alang ang mga katotohanang prinsipyo. Inisip ko na nasa ilalim ko ang lahat at hindi ko pinanghawakan ang Diyos sa puso ko; walang hangganan ang aking kayabangan. Ang pagkakaroon ko ng ilang resulta nang gawin ko ang tungkulin ko noon ay hindi dahil mahusay ang kakayahan ko at nauunawaan ko ang katotohanan. Ang totoo, noong magsimula akong gumawa ng tungkulin ko, napakarami kong hindi nauunawaan. Nanalangin ako at umasa sa Diyos kapag nahihirapan ako, hinanap ko ang Kanyang layunin at kumilos ako ayon sa mga prinsipyo. Pinadali nito na makamit ang paggabay ng Banal na Espiritu, at may mga resulta rin sa aking tungkulin. Gayumpaman, itinuring ko ang mga resultang nakamit ko sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu bilang sarili kong kapital, palagi kong iniisip na nauunawaan ko ang katotohanan. Hindi ko tinanggap ang payo ng mga kapatid o hinanap ang mga katotohanang prinsipyo, kumilos ako nang pabasta-basta at padalus-dalos at nagdulot ako ng pagkagambala at kaguluhan sa gawain, sa huli ay nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu at natanggal ako. Ito ang pinakaugat ng aking kabiguan. Inisip ko kung paanong binigyan ni Cristo ng pagkakataon ang mga kapatid para ihayag ang kanilang mga opinyon sa bawat pagtitipon, at tinanggap Niya ang kanilang mga salita kapag tama sila. Pagkakita ko sa kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo at sa Kanyang diwa ng kagandahan at kabutihan, lalo pa akong nahiya. Wala akong halaga; naunawaan ko ang ilang doktrina at nagkaroon ako ng kaunting karanasan sa gawain at pagkatapos ay huminto na ako sa pakikinig sa iba, umakto ako nang may saloobing “kung ano ang gusto ko, iyon ang masusunod.” Kung noon sana ay nagawa kong makinig sa payo ng mga kapatid nang may bukas na isipan at may saloobin na tumatanggap ng katotohanan, hindi sana ako pumili at nagtakda ng mga tao sa paraang gusto ko at hindi ako nakagawa ng ganoong pinsala sa gawain. Nagsisisi talaga ako! Ginamit ng Diyos ang pag-uulat at pagtatanggal sa akin ng mga kapatid para pigilan akong gumawa ng masama; ito ay pagprotekta sa akin ng Diyos. May mapagmataas akong kalikasan, at kung wala ang Kanyang proteksyon, baka kung anu-anong masasamang bagay na ang nagawa ko. Ngayon, binigyan ako ng Diyos ng pagkakataon para magnilay at magsisi. Naramdaman ko na napakalaki ng pag-ibig ng Diyos para sa akin, at sa puso ko, sinabi ko sa sarili ko, “Sa hinaharap, anuman ang gawin ko, kailangan kong maghangad pa at panatilihin ang isang pusong may takot sa Diyos; hindi ako puwedeng basta kumilos nang walang ingat base lamang sa mga sarili kong ninanais.”
Noong 2020, naging isang lider muli ako sa iglesia. Noong panahong iyon, kailangan ng aming iglesia ng taong mangangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Sinabi ng kapatid na nakapareha ko na ang isang kapatid sa aming iglesia na nagngangalang Zhenxin ay aktibo sa kanyang tungkulin, may dalisay na puso, ay isang tamang tao, at maaari siyang linangin. Pagkarinig ko nito, naisip ko, “Nakipag-ugnayan na ako sa kapatid na ito nang ilang beses. Mababaw ang kanyang pagbabahagi, at hindi niya tinatalakay ang kanyang mga katiwalian. Magagawa ba ng isang taong gaya nito ang gawain ng pagdidilig?” Sa sandaling iyon, dalawang iba pang kapatid ang nagsabi rin na kahit aktibo si Zhenxin kapag gumagawa siya ng mga bagay-bagay, may kakulangan siya sa mga aspekto ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan at paglutas ng mga problema. Pagkatapos niyon, naging mas sigurado pa ako na nahusgahan ko ito nang tama, na hindi akma si Zhenxin para sa gawain ng pagdidilig. Nang maisip ko ito, napagtanto ko na naging mapagmataas at mapagmagaling uli ako. Inisip ko kung paanong nakagawa ako noon ng pagsalangsang dahil sa pagkapit ko sa sarili kong mga pananaw, at naramdaman kong hindi ako puwedeng patuloy na kumapit sa aking mga pananaw, na kailangan kong maghanap kasama ang mga nakauunawa ng katotohanan. Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon, paano ka magsasagawa para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang makapagbahaginan ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi pagkapit sa sarili mong mga opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap mo ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan at masiyasat ng lahat, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sinabi nila na ang kapatid na ito ay kayang gumawa ng gawain ng pagdidilig, pero pakiramdam ko ay hindi siya akma. Alam kong may mapagmataas akong disposisyon at maaaring hindi ko ito nahusgahan nang tama. Pakigabayan Mo ako para mapakawalan ko ang aking sarili at kumilos ako sa isang paraan na umaayon sa mga prinsipyo at kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia.” Sa isa sa mga pagtitipon namin, nagkataong naroon ang mangangaral, at kinonsulta ko siya. Nagbahagi sa akin ang mangangaral at sinabi niya na puwede akong humusga base sa kung paano sinuri si Zhenxin ng karamihan sa mga kapatid. Nagtanung-tanong ako at nalaman kong ang tingin ng lahat ay may mabuting pagkatao si Zhenxin, na siya ay matiyaga, at nagagawa niyang dalisay na maging bukas kapag nakikipag-ugnayan sa iba. Sinabi nila na kahit medyo mababaw ang buhay pagpasok ni Zhenxin, nagdadala siya ng pasanin sa kanyang tungkulin. Noong panahong iyon, kulang ng manggagawa sa iglesia, at walang ibang mas akma. Si Zhenxin ang pinakamagaling sa grupo ng mga pangkaraniwan, kaya angkop ang pagpili sa kanya para gumawa ng gawain ng pagdidilig. Pagkatapos ng pagsusuri ng mga kapatid, sa huli ay pinili namin si Zhenxin para maging lider ng grupo ng mga nagdidilig. Pagkatapos nito, nang makapareha ko si Zhenxin, napansin ko na nagagawa niyang kilalanin ang kanyang tiwaling disposisyon kapag may nangyayari sa kanya, at mayroon din siyang pagpapahalaga sa katarungan. Mabuti na lang, nakinig ako sa mga naunang payo ng lahat at hindi ko pinanghawakan ang sarili kong mga pananaw. Sa mga sumunod na araw, kapag nagtatalakay ng mga bagay sa mga kapatid, kapag nararamdaman kong tama ako o iba ang suhestiyon nila, sinasadya kong manalangin sa Diyos at maghimagsik sa aking sarili, nakikinig ako sa mga suhestiyon ng mga kapatid nang may pusong naghahanap. Kapag nagsasagawa sa ganitong paraan, nakikita ko na madalas ay may karapat-dapat na marinig sa kanilang mga suhestiyon, at pinakikita rin nito sa akin kung ano ang kulang sa akin. Nakatulong ito sa akin nang malaki sa pagganap ko ng tungkulin. Ang kakayahan kong magbago nang kaunti ay bunga lahat ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!