Mga Pagninilay-Nilay sa Panghihigpit sa Iba

Marso 28, 2023

Ni Ding Li, Amerika

Ilang taon na ang nakalipas, nagsasanay ako sa pagsusulat ng kanta sa iglesia. Habang mas nakakabisado ko ang gawaing ito at ang mga prinsipyo, nakakakuha ako ng mas magagandang resulta sa tungkulin ko. Sa paglipas ng panahon, naging maganda ang pagtingin sa akin ng iba. Lumalapit sila sa akin para tanungin ako kapag nagkakaproblema sila sa pagsusulat ng kanta. Karaniwang sumasang-ayon ang lahat sa mga opinyon na ibinabahagi ko, kaya pinupuri ko ang sarili ko. Inakala ko na mas magaling ako sa kanila, na ako ang henyo na hindi pwedeng mawala sa grupo. Palagi akong may pakiramdam na mas nangingibabaw ako sa iba. Pagkatapos, dumating si Sister Sheila para sumulat ng kanta kasama namin. Inatasan siya ng superbisor na magtrabaho kasama ko, at hiniling sa akin na gabayan at tulungan siya. Noong una, sinubukan ko talagang turuan siya. Ibinuod ko ang aking karanasan para sa kanya at sinabi kung ano ang mga dapat tandaan, pero nagkakamali pa rin siya sa mga bagay na binibigyang-diin ko. Medyo naiinis ako sa kanya, iniisip ko kung paanong sinabi ko na sa kanya ang mga bagay na ito pero palagi pa rin siyang nagkakamali. Isinasapuso ba niya ito? Pagkatapos niyon, kapag tinutukoy ko ang mga pagkakamali niya, marahas ko siyang pinapagalitan, “Nasabi ko na sa iyo ang problemang ito dati. Bakit ginagawa mo pa rin? Sinusubukan mo man lang ba?” Minsan sa isang pagtitipon, sinabi ni Sheila na natatakot siyang magkamali sa kanyang tungkulin, at maiwasto. Hindi ako mapakali nang marinig iyon. Kamakailan, madalas kong tinutukoy ang mga isyu sa kanyang tungkulin, at sinusumbatan din siya. Napipigilan ba siya dahil sa akin? Pero naisip ko, palagi na lang siyang nagkakamali, kaya hindi mali ang ginawa kong pagtukoy sa mga ito. Kung hindi ako magsasalita, malalaman ba niya ang mga ito at mabilis na magbabago? Hindi naman sa masama ang mga intensyon ko. Gusto ko lang na masanay siya sa mga bagay-bagay at iwasang ikompromiso ang gawain. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti kong nakikita na kapag nahihirapan si Sheila sa kanyang tungkulin, o may mga iniisip o ideya, hindi na niya sinasabi sa akin. Dagdag pa, naging negatibo siya at hindi kailanman nadama na kaya niya ang gawain. Sa totoo lang, hindi lang si Sheila ang natrato ko nang ganoon. Ganoon din ako sa iba pang mga kapatid. Nakagawian kong ibuhos ang lahat ng oras at lakas ko sa tungkulin ko, at kung minsan ay nagtatrabaho pa ako hanggang gabing-gabi na para husayan ang trabaho. Pakiramdam ko ay nagdadala ako ng pasanin at tapat sa aking tungkulin. Kapag nakikita kong maagang natutulog ang mga nasa paligid ko, pakiramdam ko ay hindi sila nagdadala ng pasanin sa kanilang tungkulin, at pinapagalitan ko sila, “Kailangan mong magdala ng pasanin at magawang magbayad ng halaga, hindi magnasa ng ginhawa!” Kapag napapagod ang mga sister at tumatayo para iunat ang kanilang mga paa, o nag-uusap sandali, pakiramdam ko ay hindi sila nakatutok sa kanilang tungkulin. Hinahamak at pinagagalitan ko sila, “Kapag oras na para gawin ang tungkulin niyo, doon niyo dapat ituon ang lakas niyo. Hindi ba inaantala ng pag-uusap na ito ang gawain niyo?” Nagsimulang dumistansya sa akin ang ibang mga kapatid, at hindi na sila lumalapit para kausapin ako kapag nagkakaproblema sila o nahihirapan. Pakiramdam ko ay talagang nakabukod ako at hindi nakakasabay sa lahat. Masama ang loob ko, pero hindi alam kung ano ang sanhi ng problema.

Isang araw makalipas ang ilang buwan, biglang dumating ang isang lider para kausapin ako, at mahigpit na sinabi sa akin, “Kamakailan ay binanggit ng iba na nakagawian mong pagsabihan at higpitan ang mga tao. Talagang napipigilan ang mga kapatid dahil sa iyo, at hindi malaya ang pakiramdam nila sa kanilang mga tungkulin. Ito ay pagpapakita ng masamang pagkatao.” Ang marinig ito mula sa lider ay parang isang sampal sa mukha, at napaisip ako nang husto. Ang mga salitang “hinihigpitan ang mga tao” at “masamang pagkatao”, ay parang kutsilyo sa puso ko. Magulo ang isip ko. Paano ako naging isang taong may masamang pagkatao na naghihigpit sa iba? Paanong pinipigilan ko sila? Hindi ako makatulog ng buong gabing iyon. Paulit-ulit kong iniisip ang lahat, at talagang naguguluhan ako. Iniisip ko, natural sa akin ang pagiging prangka—sinasabi ko kung ano mismo ang iniisip ko. Pero totoo ang lahat ng sinasabi ko. Kapag nakakakita ako ng problema sa isang tao, mayroon akong lakas ng loob na sabihin ito nang diretsahan; hindi ako natatakot na mapasama ang loob ng iba. Pakiramdam ko ay pagiging matuwid iyon. Bakit naging panghihigpit iyon sa iba at pagkakaroon ng masamang pagkatao? Dahil sinabi ng lider na hinihigpitan ko ang iba, nagsikap akong magbago, at hinayaang makita ng lahat ang pagbabago ko. Para wala nang magsasabi na hinihigpitan ko sila o may masamang pagkatao ako. Pagkatapos niyon, nagsimula akong tumuon sa tono ng boses ko at inayos ang paraan ko ng pagsasalita. Palagi kong iniisip kung paano maging mas maingat sa pagsasalita para hindi ko masaktan ang pride ng mga tao at mapagmukha silang masama. Minsan ay may nakikita akong problema pero hindi ko ito tinutukoy, natatakot na may magsasabing nanghihigpit ako. Sa halip, hinayaan ko na ang superbisor ang magbahagi tungkol dito. Unti-unti, hindi ko na pinagagalitan o pinagsasabihan ang mga tao tulad ng dati, at sinabi ng iba na may pinagbago na ako. Pero hindi payapa o magaan ang pakiramdam ko. Labis akong nanlumo at hindi malaya ang pakiramdam ko. Masyado akong nag-iingat, paulit-ulit na tinitimbang at pinag-iisipan ang bawat salita na sinasabi ko. Sa puntong iyon, naitanong ko sa sarili ko: “Nagpapakita ba ng tunay na pagsisisi at pagbabago ang pag-uugaling ito? Hindi na napipigilan ang ibang tao kapag nakikipag-ugnayan ako sa kanila, pero bakit napipigilan ako?” Sa pasakit at kalituhan, lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako para tunay akong makapagnilay at maunawaan ko ang kalagayan ko.

Minsan sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang tiwaling disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Masama ito. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at masama, isang taong sa panlabas ay umaamin na nagkamali siya, at tinatanggap ang pagwawasto at pagpupungos, ngunit sa totoo lang ay walang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit natin sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo man lang hinanap ang katotohanan, hindi ka nagnilay at sumubok na kilalanin ang sarili mo, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy na paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at ayaw mong mailantad ka ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang totoong pagsisisi at pagbabago ay nangangailangan ng totoong pagninilay-nilay sa sarili, at pagkaunawa sa iyong tiwaling disposisyon at sa diwa ng iyong mga isyu. Kailangan mong malaman kung saan ka nagkakamali, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong katiwalian. Kung titingnan ang sarili ko, nang tukuyin ng lider ang problema ko ng panghihigpit sa iba, hindi man lang ako nagnilay, ni hinanap ang katotohanan para alamin kung ano ba talaga ang panghihigpit sa iba, anong mga pag-uugali ko ang nakakapigil, ano ang inihahayag ng mga salita ng Diyos tungkol sa isyung ito, ang saloobin ng Diyos sa gayong uri ng tao, at iba pa. Sa halip, sumunod na lang ako sa naisip ko, na napipigilan ang iba dahil masyado akong prangka at walang banayad na tono. Para maipakita sa lahat na nagbago na ako, inayos ko ang tono ng boses ko at pag-uugali. Hindi na ako prangka kapag nakakakita ako ng problema; sa halip ay malumanay ako, sinasabi ko ang kahit ano na hindi magpapahiya sa isang tao. Minsan, kitang-kita ko na may lumalabag sa mga prinsipyo, pero natatakot ako na sabihin ng iba na nanghihigpit ako kung magsasalita ako, kaya nagbubulag-bulagan ako, o sinasabi ito sa superbisor para siya na ang bahala rito. Matapos magsagawa nang ganito nang ilang panahon, bagamat sinasabi ng iba na hindi ko na sila hinihigpitan gaya ng dati, gumagawa lang ako ng mga pagbabago sa pag-uugali, hindi mga pagbabago sa aking disposisyon sa buhay. Nang iwasto ako, hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang aking tiwaling disposisyon. Nagtimpi lang ako, nagpapanggap. Kaya labis akong nanlulumo at napipigilan. Umiiwas ako sa problema at masyadong nag-iingat sa bawat sinasabi ko. Nakakapagod mamuhay nang ganito. Tanging paghihirap ang idinulot ko sa sarili ko sa hindi paghahanap sa katotohanan at pagsunod sa mga panuntunan. Kaya, noong panahong iyon, naisip ko na hindi ako pwedeng magpatuloy nang ganoon. Kailangan kong lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili kong mga problema, at makaalis sa negatibo kong kalagayan.

Kalaunan, naghanap ako ng mga salita mula sa Diyos tungkol sa panghihigpit sa iba, at ginamit ang mga paghahayag na iyon sa pagninilay-nilay sa sarili ko. Isang araw, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos. “Magagawa mo bang ipaunawa sa mga tao ang katotohanan at mapapasok sila sa realidad nito kung inuulit mo lamang ang mga salita ng doktrina, at pinapangaralan ang mga tao, at iwinawasto sila? Kung hindi totoo ang katotohanan na ibinabahagi mo, kung mga salita lamang ito ng doktrina, kahit gaano mo pa sila iwasto at pangaralan, mauuwi lang ito sa wala. Iniisip mo bang kapag natatakot ang mga tao sa iyo, at sinusunod nila kung ano ang sabihin mo, at hindi sila naglalakas-loob na tumutol, ay pareho lang ito sa nauunawaan nila ang katotohanan at pagiging masunurin? Isa itong malaking pagkakamali; hindi ganoon kadali ang pagpasok sa buhay. Ang ilang lider ay parang isang bagong tagapamahala na sumusubok na magkaroon ng matinding impresyon, sinusubukan nilang ipatupad ang bago nilang taglay na awtoridad sa mga hinirang ng Diyos upang magpasakop ang lahat sa kanila, iniisip na mas mapapadali nito ang kanilang trabaho. Kung wala ang realidad ng katotohanan sa iyo, hindi magtatagal ay malalantad ang iyong totoong tayog, mabubunyag ang tunay mong pagkatao, at maaaring mapalayas ka. Katanggap-tanggap ang kaunting pagwawasto, pagtatabas, at disiplina sa ilang administratibong gawain. Pero kung wala kang kakayahang ibahagi ang katotohanan, sa huli, hindi mo pa rin magagawang lutasin ang problema, at maaapektuhan nito ang mga resulta ng gawain. Kung, kahit ano pang mga isyu ang lumitaw sa iglesia, patuloy mong sinesermunan ang mga tao at sinisisi sila—kung ang ginagawa mo lang ay magalit—ito ang tiwali mong disposisyon na ipinapakita ang sarili nito, at naipakita mo ang pangit na hitsura ng katiwalian mo. Kung palagi kang nakatayo sa pedestal at sinesermunan ang mga tao nang ganito, sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga tao ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang makakamit na totoo, at sa halip ay mamumuhi at masusuklam sila sa iyo. Dagdag pa rito, magkakaroon ng ilang tao na matapos mong maimpluwensiyahan dahil sa kawalan ng pagkakilala ay sesermunan din ang iba, at iwawasto sila at tatabasan sila. Magagalit din sila at iinit din ang kanilang mga ulo. Hindi lang sa hindi mo magagawang lutasin ang mga problema ng mga tao—mauudyukan mo rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. At hindi ba iyon pag-akay sa kanila sa landas tungo sa kapahamakan? Hindi ba’t isa itong masamang gawain? Ang isang lider ay pangunahing dapat manguna sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagtutustos ng buhay. Kung lagi kang nakatayo sa pedestal at sinesermunan ang iba, magagawa ba nilang maunawaan ang katotohanan? Kung gagawa ka sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, kapag malinaw nang nakita ng mga tao kung ano ka talaga, iiwanan ka nila. Madadala mo ba ang mga tao sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan? Tiyak na hindi; ang magagawa mo lang ay sirain ang gawain ng iglesia at maging sanhi para kamuhian ka at iwanan ka ng lahat ng taong hinirang ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, nagiging malinaw sa akin na nakakasakal na pag-uugali ang kapag nakikita mo ang mga problema ng iba pero hindi ka nagbabahagi sa katotohanan para tulungan sila, o nagtuturo ng isang landas ng pagsasagawa, sa halip ay mapagmataas mong pinapagalitan at pinagsasabihan sila dahil sa kanilang mga pagkakamali, at pinipilit silang gawin ang gusto mo. Nang ikumpara ko ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, nakita kong ganoon ako. Noong unang magsanay magsulat si Sheila ng kanta, hindi siya pamilyar sa maraming proseso sa trabaho, kaya normal lang ang magkamali. Bilang partner niya, dapat ay buong pagmamahal ko siyang tinulungan at sinuportahan, nagtutulungan dapat kami upang ibuod ang mga dahilan ng kanyang mga pagkakamali, pagkatapos ay baguhin ang mga pagkakamaling iyon. Pero hindi ko isinasaalang-alang ang kanyang tunay na tayog o mga paghihirap. Hindi ko siya inunawa o inalala man lang, at hindi ko hinanap ang pinagmulan ng mga pagkakamali niya. Hinamak ko lang siya at hinusgahan siyang hindi tapat sa kanyang tungkulin. Marahas ko pa nga siyang sinasaway at pinapagalitan palagi, na nagparamdam sa kanya na hinihigpitan siya at naapektuhan ng masama niyang kalagayan ang tungkulin niya. Ganoon din ako sa mga pakikipag-ugnayan ko sa ibang mga kapatid. Kapag may nakikita akong mas maagang natutulog kaysa sa akin, nagpapahinga at nagpapalakad-lakad, o nag-uusap sandali, akala ko ay pabaya sila sa kanilang tungkulin, masyadong inaalala ang laman, at minaliit ko sila. Palagi kong pinagagalitan ang iba, kaya sumasama ang loob nila sa akin at iniiwasan pa nga ako. Bukod sa hindi nagbigay sa iba ng magandang halimbawa o pakinabang ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa kanila nang ganito, natakot at napigilan din sila nito. Talagang hindi ako naging mapagmahal sa iba at wala akong pagkatao. Sa katunayan, talagang normal lang na tumayo at maglakad-lakad pagkatapos magtrabaho nang mahabang oras, o na makipag-usap at magpahinga sandali. Pero iginiit ko na maging tulad ko ang lahat, nagpupuyat at hindi nakikipag-usap nang kaswal. Masyado akong mayabang at mapagmagaling. Nakikitungo ako nang may katiwalian sa lahat, hindi ibinabatay ang mga kilos ko sa mga salita ng Diyos o sa mga prinsipyo ng katotohanan. At napipigilan at nahihigpitan ang mga tao dahil dito. Sa puntong ito ng pagninilay-nilay ko, nakonsensya at nalungkot ako. Nakita ko na talagang hindi ako makatwiran, at lubhang walang pagkatao.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na nakatulong sa akin na makita nang mas malinaw kung ano ang ugat nito. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao). Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang dahilan kung bakit masyado akong dominante at mapanupil sa iba ay ganap na dahil sa mayabang at sataniko kong kalikasan. Matagal na akong nagsusulat ng kanta, kaya pamilyar ako sa mga prinsipyo at kasanayan, at madalas na hilingin ng superbisor na tulungan at gabayan ko ang iba. Itinuring ko ito bilang personal na kapital, iniisip na talagang espesyal ako, at mas mahusay kaysa sa iba. Bago ko pa namalayan, inilalagay ko na ang sarili ko sa isang pedestal at minamaliit ang lahat. Nang paulit-ulit na magkamali si Sheila sa kanyang pagsusulat ng kanta, nawalan ako ng pasensya at pinagalitan siya, pero ang totoo ay minamaliit ko siya at itinataas ang sarili ko, ipinapakita sa lahat na mas mahusay ako kaysa sa kanya. Nagkakamali siya at nagdudulot ng mga problema na hindi ko ginagawa; lumilipad ang isip niya at iresponsable siya, samantalang seryoso at responsable ako sa tungkulin ko. Pero ngayong naiisip ko ito, marami ring kalakasan si Sheila. May mahusay siyang kakayahan, mabilis umusad sa pagsusulat ng kanta, at may magagandang mungkahi. Pero nakatuon lang ako sa kanyang mga kapintasan at hindi nakikita ang kanyang kagalingan. Mataas ang pamantayan at mahigpit ang mga hinihingi ko sa kanya. Hindi ko siya pinahihintulutang magkamali sa isang bagay na itinama ko na sa kanya. Minsan, kapag nakikita ko ang iba na nag-uusap o natutulog nang maaga, pinagsasabihan ko rin sila. Itinuring ko ang mga pansarili kong hinihingi at mga pamantayan bilang mga prinsipyo ng katotohanan, at pinapasunod dito ang iba, sinusumbatan sila kapag nagkakamali sila. Kumikilos ako na parang wala akong kapintasan at isang perpektong tao na hindi mapapantayan ninuman. Masyado akong mayabang at hindi makatwiran. Ang totoo, madalas akong nagkakamali sa tungkulin ko. Ilang beses na negatibong naapektuhan ang gawain namin dahil sa aking kawalang-atensyon at kapabayaan. Nagiging pasibo rin ako at umaatras kapag nahaharap sa mga hamon sa tungkulin ko; ayaw kong magbayad ng halaga. Hindi ako mas mahusay kaysa sa iba, pero hindi ko makita ang sarili kong mga problema at kapintasan. Pakiramdam ko palagi ay mas magaling ako kaysa sa iba. Wala talaga akong kamalayan sa sarili. Nang mapagtanto ko ito, hiyang-hiya ako. Kinasusuklaman ko rin na sobra akong mayabang, at na hindi ko isinasabuhay ang pagkatao.

Sa paghahanap ko pagkatapos niyon, napagtanto ko na palagi kong nararamdaman na ang magawang tukuyin ang mga problemang nakikita ko, at ang magsabi lang ng mga bagay na totoo, ay nangangahulugan na mayroon akong lakas ng loob na magsalita at hindi natatakot na mapasama ang loob ng mga tao, at na nagpapakita ito ng pagiging matuwid. Pero ang totoo, hindi ko mapag-iba ang pagiging matuwid sa pagiging mapagmataas. Dinala ko ang kalituhang ito sa harap ng Diyos sa panalangin at paghahanap. Minsan, sa isang pagtitipon, ibinahagi ng isang lider ng iglesia ang kanyang sariling pagkaunawa rito. Sa madaling sabi, ipinaliwanag niya na ang pagiging matuwid ay tumutukoy sa pagtataguyod ng katotohanan at pagprotekta sa gawain ng Diyos. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at alam kung ano ang naaayon sa katotohanan at mga salita ng Diyos, dapat mong itaguyod iyon. Pero ang hindi maglakas-loob na itaguyod ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan ay hindi pagiging matuwid. Ang pagiging mayabang at palalo ay tumutukoy sa satanikong disposisyon ng paghihimagsik laban sa Diyos at paglaban sa Kanya. Ang pagwawalang-bahala sa mga salita ng Diyos, at mga hinihingi Niya, labis na pagsasaalang-alang sa sarili, pagkapit sa sarili mong mga pananaw, mga sariling kuru-kuro, pag-iisip na alam mo ang lahat—ito ay pagiging mayabang at palalo. Ang kayabangan ay ganap na hindi naaayon sa pagiging matuwid at sa pagsunod sa mga prinsipyo. Ganap na walang kaugnayan ang mga ito. Nang marinig ang pagbabahagi ng lider, nagkaroon ako ng pagkakilatis sa kaibahan ng kayabangan sa pagiging matuwid. Ang isang taong may katuwiran ay kayang itaguyod ang mga prinsipyo ng katotohanan at protektahan ang gawain ng iglesia. Kapag nakakakita siya ng isang tao na nakakapinsala sa mga interes ng iglesia, kaya niyang manindigan, magbahagi, at pigilan ito, at ibunyag ang mga problema ng iba. Maaari silang magsalita nang malupit minsan, pero ang sinasabi nila ay obhektibo at praktikal, at para sa kapakanan ng gawain ng iglesia. Kapaki-pakinabang ito sa pagpasok sa buhay ng iba, at hindi nagkikimkim ng anumang pansariling intensyon. Iyon ay isang pagpapakita ng katuwiran. Naisip ko kung paanong kapag nakikita ng lider ang isang tao na nagiging iresponsable sa kanyang tungkulin at pinipinsala ang gawain, tinatabasan at iwinawasto niya ito minsan. Bagamat maaaring malupit at prangka ang tono niya, binibigyang-diin niya ang kalikasan at kahihinatnan ng problema, para makagpagnilay-nilay at mabilis na magsisi ang mga tao, at pinipigilan nitong mapinsala ang gawain, at nakakatulong ito sa mga tao na magnilay-nilay at makilala ang kanilang sarili. Mayroon itong positibong kalalabasan. Pero ang panghihigpit sa iba ay pagpapakita ng kayabangan. Ito ay pagtutulak sa mga tao na gawin ang bagay-bagay ayon sa iyong mga pamantayan at ideya. Ang intensyon mo ay ipagyabang kung gaano ka kanakatataas. Bilang resulta, nagpapataw ka ng maraming patakaran sa mga tao, na nagsasanhi sa kanilang matakot at makaramdam na napipigilan sila, nililimitahan, o negatibo. Sa gawain ko kasama ni Sheila, kapag nakikita kong marami siyang pagkakamali, hindi ko inaalam kung ano ang nagsasanhi ng kanyang mga kamalian, o nagbibigay ng positibong pagbabahagi at tulong. Sa halip, sinusunggaban ko ang mga isyu niya at pinapagalitan siya, na nagparamdam sa kanya na talagang napipigilan siya. Malinaw na malinaw na nagpapakita ako ng isang mayabang na disposisyon, hindi matuwid na itinataguyod ang gawain ng iglesia. Kung ang isang tao ay may wastong intensyon, may prinsipyo, sinusubukang itaguyod ang gawain ng iglesia, at kayang obhektibong tukuyin ang mga isyung nakikita niya, kahit malupit siya magsalita, hindi siya nagmamayabang. Ang ganitong uri ng pagsasagawa ay nakapagpapatibay sa iba at kapaki-pakinabang sa gawain. Ito ay pagsasagawa sa katotohanan at pagpapakita ng katuwiran. Kaya kung nais mong lutasin ang isyu ng pagiging mayabang at panghihigpit sa iba, hindi ka maaaring tumuon lang sa maingat na pagsasalita, o hindi pagsasalita kapag may nakikita kang mga problema. Kailangan mong tumuon sa pagninilay-nilay sa sarili at paglutas ng iyong mayabang na disposisyon, sa pagsusuri sa intensyon sa likod ng iyong mga salita, at manatili sa kinabibilangan mo, at huwag nang humingi nang labis sa iba at husgahan sila ayon sa iyong mga kagustuhan at kuru-kuro.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng higit na kalinawan sa isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kahit papaano, dapat ang mga taong hinirang ng Diyos ay magtaglay ng konsensya at katinuan, at dapat makihalubilo at makipag-ugnayan sa mga tao—at harapin ang mga bagay-bagay—ayon sa mga pamantayan ng normal na pagkatao. Natural na ang pinakamainam ay ang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan na hinihingi ng Diyos, nakalulugod ito sa Diyos. Ano ba ang mga prinsipyo ng katotohanan na hinihingi ng Diyos? Na maging maunawain ang mga tao sa kahinaan at pagiging negatibo ng iba kapag sila ay mahina at negatibo, na maging maalalahanin ang mga tao sa pasakit at mga paghihirap ng iba, at pagkatapos ay magtanong tungkol sa mga bagay na ito, at mag-alok ng tulong at suporta, at basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos para matulungan silang lutasin ang mga problema, nang sa gayon ay hindi na sila maging mahina, at madala sila sa harapan ng Diyos. Isa ba itong paraan ng pagsasagawa na naaayon sa prinsipyo? Ang pagsasagawa nang ganito ay naaayon sa prinsipyo ng katotohanan. Natural na ang mga ganitong kaugnayan ay nakaayon din sa prinsipyo. Kapag sinasadya ng mga taong makialam at manggambala, o sinasadyang maging pabaya at pabasta-basta kapag gumaganap ng kanilang tungkulin, kung nakikita mo ito at nagagawa mong harapin ang mga bagay ayon sa prinsipyo, at kaya mong tukuyin ang mga bagay na ito sa kanila, at pagsabihan sila, at tulungan sila, kung gayon, nakaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung nagbubulag-bulagan ka, o kinukunsinti sila at pinagtatakpan sila, at sukdulan pa ngang nagsasalita ng mabubuting bagay para purihin at palakpakan sila, binobola sila gamit ang mga salitang hindi totoo, kung gayon ang ganoong mga pag-uugali, ang gayong mga paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga isyu, at pag-aasikaso ng mga problema, ay malinaw na salungat sa mga prinsipyo ng katotohanan, at walang basehan sa mga salita ng Diyos—kung magkagayon, ang mga pag-uugali at paraang ito ng pakikisalamuha sa mga tao at pagharap sa mga isyu ay malinaw na hindi lehitimo(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Naisip ko ang sinabi ng Diyos, at napagtanto na kapag nakikipag-ugnayan at nagtatrabaho kasama ang mga kapatid, kailangan nating matutong tratuhin sila nang patas at makita ang kanilang mga kalakasan. Hindi natin pwedeng maliitin ang mga tao dahil lamang sa mayroon silang ilang kapintasan at problema. Hindi iyon makatwiran. Naiiba ang tayog, kakayahan, at kapasidad ng bawat isa para sa pang-unawa. Hindi tayo pwedeng labis na humingi at gumawa ng mga pagsusuri batay sa pansariling kagustuhan, na para bang angkop ito sa lahat. Kapag napapansin natin ang mga problema ng iba, dapat natin silang tulungan nang may pagmamahal at magbahagi sa katotohanan para suportahan sila para maunawaan nila ang mga prinsipyo ng katotohanan at makahanap ng landas ng pagsasagawa. Iyon ang pinakamahusay na paraan para malutas ang mga problema. Para naman sa mga madalas na pabasta-basta at nakakagambala sa kanilang tungkulin, maaari silang iwasto at ilantad. Iyon ay pagkilos nang responsable para sa gawain ng iglesia, hindi iyon panghihigpit. Nang maunawaan ko ang lahat ng ito, sinimulan kong isagawa ang mga salita ng Diyos. Kapag nakakakita ako ng mga isyu sa tungkulin ng iba pagkatapos niyon, nakikipag-usap muna ako sa kanila at inaalam ko kung ano ang nagsasanhi ng problema, kung ito ba ay dahil sa pagiging pabaya o hindi pag-unawa sa mga prinsipyo. Pagkatapos ay naghahanap ako ng mga nauugnay na salita ng Diyos para sa pagbabahagi, at naghahanap ng landas ng paglutas. Kung hindi sila nagbabago pagkatapos kong magbahagi nang maraming beses sa parehong bagay, at naaantala at naaapektuhan nila ang gawain ng iglesia, tinatabasan at iwinawasto ko sila ayon sa nararapat. Hindi ko na nararamdamang napipigilan ako.

Naaalala ko ang miyembro ng aming grupo na si Sister Clara. Hindi siya nagdala ng pasanin sa kanyang tungkulin o nagbigay ng lahat ng kanyang makakaya. Humantong ito sa hindi mahusay na pagsulat ng kanta at hindi magagandang resulta. Ipinaalam ko sa kanya ang mga problema niya, pero ayaw niyang tanggapin ito, at kung anu-ano ang idinahilan para pangatwiranan ang sarili niya. Napagtanto ko na nasa mapanganib siyang kalagayan, at kung hindi niya babaguhin ang mga bagay-bagay at papasok, tiyak na maaapektuhan ang gawain. Kung masyado itong malubha, maaari pa nga siyang matanggal. Kaya, pagkatapos niyon, naging prangka ako sa kanya tungkol sa mga isyu niya, inilalantad ang kalikasan ng kanyang pag-uugali, at ang mga kahihinatnan ng pagpapatuloy nang ganoon. Pagkatapos ay napagtanto niya sa wakas kung gaano kaseryoso ang problema niya at naging handa siyang magsisi at magbago. Malaki ang ipinagbago ng saloobin ni Clara sa tungkulin niya pagkatapos niyon, at mas naging produktibo siya sa gawain. Ngayon, kapag nakikita ko ang iba na lumalabag sa mga prinsipyo at gumagawa ng mga bagay na nagkokompromiso sa gawain ng iglesia, mayroon pa rin ako ng pagnanais na magmayabang. Pero mabilis akong nagdarasal sa Diyos at pinaaalalahanan ang sarili ko na tratuhin nang patas ang iba, at hanapin ang pinakamainam na paraan para matulungan sila at mabigyang-pakinabang. Pagkatapos magsagawa nang ganito nang ilang panahon, unti-unting naging normal ang mga relasyon ko sa iba. Isang araw narinig kong sinabi ng isang sister na nakatulong sa kanya ang pagbabahagi ko, at nagbigay-daan ito sa kanya na mabago niya nang kaunti ang kalagayan niya. Masayang-masaya ako.

Sa paggunita sa nakalipas na ilang taon, ang maranasang maiwasto ay nagbigay-daan sa akin na magnilay-nilay at maunawaan ang panghihigpit ko sa iba, at binigyan ako nito ng ilang landas ng pagsasagawa sa pakikipag-ugnayan sa mga kapatid at pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Ang kaunting pagkaunawa at pagbabago na ito ay dahil sa pagliligtas ng Diyos sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Huling Pagkamulat

Ni Lin Min, Tsina Noong 2013, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakasigasig ko noong panahong ‘yon....

Sa Wakas Namumuhay na Ako nang Kaunti na Parang Tao

Sa mga salita ng Diyos nakita ko ang isang paraan para masanay sa pagpasok at nalaman ko kung paano maglingkod na kasama ng iba. Naunawaan ko ang mga kagustuhan ng Diyos: Lahat ay may kalakasan, at nais ng Diyos na gamitin ng lahat ang mga kalakasang iyon sa gawain ng pamilya ng Diyos, at sa paggawa nito ang mga kahinaan ng lahat ay mapupunan.