Pinalaya Mula sa Katanyagan at Kayamanan

Pebrero 2, 2021

Ni Xiao Min, Tsina

Nahalal ako na maging isang lider ng iglesia noong isang taon. Alam ko na ito ay kabutihan at pagtataas ng Diyos. Tahimik akong nagpasya na masugid na hanapin ang katotohanan at gawin nang mabuti ang aking tungkulin. Pagkatapos nito, naging abala ako sa gawain ng iglesia, at kapag naharap ako sa mga paghihirap, sumandal ako sa Diyos at umasa sa Kanya. Tinalakay ko rin ang mga ito sa aking mga kasamahan at hinanap ang katotohanan para malutas ang mga ito. Matapos ang ilang panahon, nagsimula nang sumulong ang bawat aspeto ng gawain ng iglesia, at taos-puso kong pinasalamatan ang Diyos para sa Kanyang patnubay. Hindi nagtagal, isang eleksiyon ang ginanap para sa isa pang lider ng iglesia, at sa gulat ko, napili si Sister Xia, na kasama kong gumawa ng tungkulin ilang taon na ang nakakaraan. Si Sister Xia ay hindi naniwala sa Diyos sa matagal na panahon at medyo mababaw ang kanyang karanasan sa buhay. Nang magkasama kaming gumawa noon, kinailangan ko siyang tulungang lutasin ang ilan sa mga hirap at problema na kinaharap niya. Naramdaman kong sa pagkakataong ito ng paggawa namin nang magkasama, tiyak na mas may kakayahan ako kaysa sa kanya.

Minsan, pagkauwi ko, may nakita akong mensaheng iniwan ni Sister Xia para sa akin, sinasabing may isang lider ng grupo sa Iglesia ng Chengxi na hindi makagawa ng praktikal na gawain at kailangan nang palitan, at na mayroon pang ibang mga praktikal na problema na kailangan ng agarang solusyon. Gusto niyang pumunta ako at tumulong. Habang pinag-iisipan iyon, naramdaman kong iniisip niya siguro talaga na mas may kakayahan ako sa kanya, at dahil napakataas ng tingin niya sa akin, kailangan kong husayan at huwag ipahiya ang sarili ko! Habang lalo ko itong iniisip, mas nagiging masaya ako. Pagdating ko sa pagtitipon, natuklasan ko na may detalyadong pagkaunawa sa gawain si Sister Xia, at may iba’t ibang antas at praktikal ang kanyang pagbabahagi ng katotohanan. Nagulat akong makita na malaki ang iniunlad niya sa nakalipas na ilang taon. Inakala kong mas may kakayahan ako kaysa sa kanya at kakailanganin ko siyang bigyan ng maraming patnubay sa gawain, pero mukhang hindi naman ako nakakalamang sa kanya sa kakayahan! Talagang hindi ako nasiyahan at sa tingin ko ay siya na ang mangunguna, kaya pakiramdam ko ay kailangan kong ipakita sa lahat ng kapatid ang kakayahan ko! Hindi ako nangahas na magpakatamad nang kahit kaunti at sa halip ay piniga ko ang utak ko para makaisip kung paano ko mas mapapabuti ang pagbabahagi ko kaysa sa kanya. Bunga nito, naging kasing labo ng tubig-kanal ang pagbabahagi ko, at maski ako ay walang nakuhang kasiyahan mula rito. Naramdaman kong nawalan ako ng karangalan at talagang nalungkot ako.

Simula noon, hindi ko na mapigilang makipagkompetensiya kay Sister Xia. Minsan sa isang pagtitipon, nang malaman niya ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nakahanap siya ng nauugnay na mga salita ng Diyos, pagkatapos ay pinagtagpi-tagpi ang mga iyon kasama ang aktuwal niyang karanasan sa kanyang pagbabahagi, at nakita kong tumatango ang lahat habang nakikinig. May ilang nagsusulat, at may ilang nagsabing, “Mula ngayon may landas na kaming tatahakin.” Nakaramdam ako rito ng kapwa paghanga at inggit, kaya ano ang iniisip ko? “Ngayon, kailangan kong magmadali at magbahagi. Anuman ang mangyari, hindi puwedeng magmukhang wala akong laban sa kanya.” Pero habang lalo kong iniisip iyon, lalong hindi ako makapag-isip ng anumang ibabahagi. Nagsimula akong magkaroon ng masamang palagay laban kay Sister Xia, iniisip na, “Kailangan mo bang magbahagi ng masyadong mahaba? Nasabi mo na ang lahat ng puwedeng sabihin. Nakaupo lang ako rito na parang mga tenga ng isang taong bingi—pang-dekorasyon lang. Hindi puwede ito, kailangan kong magbahagi para mabawi ang aking dangal.” Nang huminto siya para uminom ng tubig, inilipat ko ang upuan ko papunta sa harap at nagsimula akong magbahagi. Gusto kong magbahagi ng isang bagay na talagang maganda, pero parang hindi ko iyon magawa nang tumpak. Magulo ang pagbabahagi ko. Nang makita kong kakaiba na ang tingin sa akin ng mga kapatid, napagtanto kong lumihis na ako sa paksa. Talagang hindi ako mapakali at gusto kong maghanap ng butas na mapagtataguan. Pinagmukha kong hangal ang sarili ko. Gusto ko lang na magmukhang kaaya-aya, pero nagmukha akong katawa-tawa sa huli. Inilagay ko ang sarili ko sa entablado, at nakita ng lahat na nabigo ako. Sa puso ko, sinimulan kong sisihin ang Diyos sa pagbibigay ng kaliwanagan sa aking kapatid, ngunit hindi sa akin, at nag-alala ako kung paano ako makikita ng ibang mga kapatid simula noon. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong nabalisa. Gusto kong takbuhan ang sitwasyon at ayoko na siyang makasama pa sa gawain. Naalala ko minsan sa isang pagtitipon, dalawang sister ang nasa hindi gaanong magandang kalagayan, at walang anumang pagbuti matapos ang pagbabahagi ni Sister Xia. Hindi lang ako hindi tumulong na magbahagi, pero naisip ko pa, “Ngayon ay makikita ng lahat na hindi niya kayang lumutas ng mga problema, kaya hindi nila siya titingalain habang hinahamak ako.” Noong panahong iyon, patuloy kong sinubukang makipagkompetensiya kay Sister Xia, at dumilim nang dumilim ang espirituwal na kalagayan ko. Wala akong anumang liwanag kapag nagbabahagi ako ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, at nang makita ko ang mga kapatid na nahaharap sa mga paghihirap o problema, hindi ko alam kung paano lulutasin ang mga iyon. Nagsimula akong antukin nang napakaaga tuwing gabi, at kinailangan kong puwersahin ang sarili ko na gawin ang tungkulin ko. Lumaki nang lumaki ang paghihirap ko. Wala akong magawa kundi ang manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na iligtas ako.

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking debosyonal isang araw: “Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lubos na ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang aking kalagayan at tumagos iyon sa aking puso. Pinagnilayan ko kung bakit namumuhay ako sa ganoon kahirap at nakakapagod na paraan. Ang ugat nito ay ang napakalakas na pagnanasa ko para sa pangalan at katayuan, at dahil napakamapagmataas ng disposisyon ko. Ginunita ko noong kasisimula ko pa lang gawin ang tungkuling ito. Nang nagkaroon ako ng kaunting tagumpay sa gawain ko at tiningala ako ng mga kapatid, talagang hinangaan ko ang sarili ko at inisip kong may talento ako. Nang makatrabaho ko si Sister Xia at nakita kong mas mahusay siya kaysa sa akin, nainggit ako, naging mahirap makasundo, at palaging nakikipagkompetensiya sa kanya. Nang hindi ko siya mahigitan, naging negatibo ako at nagreklamo, at nagbulalas pa ng aking mga damdamin sa aking tungkulin. Nang makita ko na hindi niya nalutas ang kalagayan ng mga sister na iyon, hindi lang ako hindi tumulong sa pagbabahagi, ayoko ring gumawa ng anuman at nagsaya ako sa kanyang pagkabigo. Determinado akong makita siyang napapahiya. Paano iyon naging paggawa sa aking tungkulin? Bilang isang lider sa iglesia, lubos akong iresponsable at hindi ko talaga inisip ang gawain ng iglesia o kung nalutas na ba ang mga problema ng mga kapatid. Ang iniisip ko lang ay kung paano ko siya mahihigitan. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at napakatuso. Ginulo ng pangalan at katayuan ang utak ko. Handa akong makitang hindi nalutas ang mga problema ng mga kapatid, makitang nalalagay sa kompromiso ang gawain ng iglesia, basta’t napoprotektahan ko ang aking reputasyon at katayuan. Hindi ba kinakagat ko ang kamay na nagpakain sa akin? Hindi talaga ako karapat-dapat sa ganoon kahalagang tungkulin. Napakakasuklam-suklam nito, napakakamuhi-muhi sa Diyos! Nang maisip ito, hindi ako nagsayang ng oras at lumapit ako sa Diyos para manalangin at magsisi, hinihiling sa Kanya na tulungan akong itapon ang mga kadena ng pangalan at katayuan.

Nabasa ko kalaunan ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni-muni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mabilis na nagliwanag ang puso ko pagkabasa ng mga salitang ito mula sa Diyos, at pagkatapos ay nagkaroon ako ng landas. Kung gusto kong makalaya mula sa pagkakagapos sa pangalan at katayuan, kailangan ko munang itama ang sarili kong puso. Kailangan kong ituon ang isip ko sa ibinigay na gawain ng Diyos at isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at kailangan kong isipin kung paano ko magagawa nang mabuti ang tungkulin ko. Habang napupuno ang puso ko ng mas maraming positibong bagay, nagiging mas madali nang bitawan ang mga negatibong bagay gaya ng pangalan, katayuan, kayabangan at karangalan. Napagtanto ko na ang paghanga sa akin ng iba ay hindi nangangahulugan na sinasang-ayunan ako ng Diyos, at ang panghahamak sa akin ng iba ay hindi nangangahulugan na hindi ako ililigtas ng Diyos. Ang mahalaga ay ang pag-uugali ko sa Diyos, at kung kaya kong isagawa ang katotohanan at gawin nang mabuti ang aking tungkulin. Nagpasalamat ako sa pagbibigay-liwanag ng Diyos na nagpatalikod sa akin mula sa aking mga maling gawain. Ayoko nang makipagkompetensiya kay Sister Xia, at gusto ko na lang gawin ang tungkulin ng isang nilikha para malugod ang Diyos. Simula noon, sadya akong nanalangin sa Diyos at isinapuso ko ang aking tungkulin, at sa mga pagtitipon ng iglesia ay nakinig akong mabuti sa pagbabahagi ng mga kapatid. Nang may matuklasan akong ilang problema, seryoso kong pinag-isipan ang mga ito, tapos ay naghanap ng nauugnay na mga salita ng Diyos at isinama ang mga iyon sa sarili kong mga karanasan para sa aking pagbabahagi. Natuto rin ako mula sa mga kalakasan ni Sister Xia para makabawi sa sarili kong mga kahinaan. Mas lumuwag at guminhawa ang pakiramdam ko dahil sa pagsasagawa sa ganitong paraan, at malaki ang ibinuti ng kalagayan ko. Nakadama ako ng pagpapasalamat sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Pero malalim na nakaugat sa loob ko ang pagnanasa sa pangalan at katayuan na sa sandaling lumitaw ang tamang sitwasyon, muling lumabas ang aking satanikong kalikasan.

Naaalala ko na may isang pagkakataon na aasikasuhin ko na ang ilang problema sa isang grupo, at habang papalabas na ako, sinabi ni Sister Xia na medyo komplikado ang mga problema sa grupong iyon, at gusto niyang sumama sa akin. Nang marinig kong sinabi niya iyon, nadurog ang alon ng kaligayahang sinasakyan ko. Naisip ko, “Kung gayon ay ikaw lang ang makakaayos ng mga bagay-bagay? Nagpapasikat ka lang ba? Ano ang ibig mong sabihin sa pagsasabi nito sa harap ng nakatataas sa atin? Sinasadya mo bang sirain ako sa iba?” Talagang sumama ang loob ko noong oras na iyon. Sa huli ay mag-isa akong umalis, pero hindi mawala ang sama ng loob na naramdaman ko. Reklamo ako nang reklamo tungkol kay Sister Xia habang papunta ako roon na hindi ko nagawang makita ang lugar na pagtitipunan at kinailangan kong bumalik. Lungkot na lungkot ako. Naisip ko, “Talaga bang wala akong silbi? Ni hindi ko makita ang isang lugar ng pagtitipon. Ano ang iisipin sa akin ng mga nakatataas sa amin? Talagang ipinahiya ko ang sarili ko sa pagkakataong ito!” Nang makabalik ako at nakita ang ibang mga sister, ayokong makipag-usap sa kanila.

Kinabukasan, magkahiwalay kaming pumunta ni Sister Xia sa iglesia para isakatuparan ang ilang gawain, at muli akong dumanas ng emosyonal na pagkaligalig. Iniisip ko, “Wala akong pakialam kung ano ang akala mo sa sarili mo, tingnan na lang natin kung sino ang mas magaling!” Tamang-tama ang pagdating ko sa iglesia at dumiretso ako sa pagsasakatuparan sa mga gawain, sabay na nakikipagbahagian at nagtatalaga ng mga gawain. Naisip ko, “Talagang nagsikap ako sa pagkakataong ito. Tiyak na magbubunga ito, at pagkatapos ay mauunahan ko na si Sister Xia.” Sa isang pulong ng mga kapwa-manggagawa kalaunan, nalaman kong ako ang may pinakakaunting nakamit sa aking tungkulin. Ni sa panaginip, hindi ko inasahan na puwedeng mangyari iyon. Nawalan ako ng pag-asa noong sandaling iyon at naramdaman ko na gaano mang pagsisikap ang gawin ko, hindi ko kailanman matatalo si Sister Xia. Noong mga sandaling iyon, habang nakikita kong pinangangalagaan ng nakatataas sa amin si Sister Xia sa tuwing mahuhuli siya ng balik, pakiramdam ko ay naisantabi ako. Talagang nainggit ako sa kanya. Kapag nakikita ko siyang gumagawa nang mas maayos kaysa sa akin sa lahat ng bagay at lubos siyang pinahahalagahan ng nakatataas sa amin, pakiramdam ko ay hindi ko na kailanman mararanasang mapansin uli. Naisip kong mas magandang maging isang lider ng grupo kaysa maging isang lider ng iglesia. Kahit papaano ay titingalain ako at susuportahan ng mga kapatid. Pakiramdam ko ay mas gusto ko nang maging isang malaking isda sa isang maliit na lawa kaysa maging isang maliit na isda sa isang malaking lawa. Patuloy lang na bumuhos ang mga hinaing ko. Talagang labag sa loob ko na mapunta sa kapaligirang iyon at hindi na ako makapaghintay na makalabas doon sa lalong madaling panahon. Palala nang palala ang kalagayan ko. Naiinggit at naiinis ako kay Sister Xia, at pakiramdam ko ay hindi ako mapapansin dahil sa kanya. Naisip ko rin, “Kung siya ay gumawa lamang ng anumang pagkakamali sa tungkulin niya at inilipat, maganda sana iyon.”

Dahil patuloy akong nabubuhay sa kalagayang ito ng pakikipaglaban para sa reputasyon at mga personal na interes, nang hindi man lang nagninilay sa sarili, hindi nagtagal ay dumating sa akin ang pagdidisiplina ng Diyos. Minsan, nagsaayos ako ng isang pagtitipon kasama ang ilan sa ibang lider. Bukod sa walang dumating, na-flat-an din ako ng gulong habang pabalik, at hindi nagtagal ay nagkaroon ako ng matinding sakit sa likod. Masakit at namamaga, mahirap tiisin ang sakit. Umabot sa punto na ni hindi na ako makagawa ng tungkulin ko. Tapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang hinihingi sa inyo ngayon—ang gumawa nang magkakasama na may pagkakaisa—ay katulad ng paglilingkod na hiningi ni Jehova sa mga Israelita: Kung hindi, tumigil na lang kayo sa paglilingkod(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). Natakot ako rito. Posible kayang gusto ng Diyos na tanggalan ako ng pagkakataon na gawin ang aking tungkulin? Kalaunan ay nabasa ko ang isa pang sipi mula sa mga salita ng Diyos: “Habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang maiinggit at mamumuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong di matatamo, at habang mas kaunti ang natatamo, mas namumuhi ka. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang aalisin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Natakot at nanginig ako sa mahigpit na mga salita ng Diyos. Ramdam ko ang matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Partikular nang mabasa ko ito mula sa mga salita ng Diyos, “Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang aalisin,” talagang naramdaman ko na nasa napipintong panganib ako. Pagkatapos niyon, narinig kong sinasabi ni Sister Xia, “Talagang palala na nang palala ang gawain ng iglesia sa lahat ng paraan….” Labis ang pagkabahala niya na nagsimula siyang umiyak. Pagkatapos ay naalala ko noong sinusuri ng nakatataas sa amin ang diwa ng pagkabigo namin na maayos na gumawa nang magkasama, sinasabing ginagambala at sinasabotahe nito ang gawain ng bahay ng Diyos. Hindi na ako nangahas pang ituloy na isipin ang tungkol doon, sa halip ay nagmadali na lang akong lumapit sa Diyos sa panalangin at paghahanap. Alam na alam ko na ang paghahangad ng pangalan at katayuan at pagkainggit sa iba ay hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, kaya bakit hindi ko mapigilan ang sarili ko sa paghahangad ng masasamang bagay na iyon?

Kalaunan ay nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding paghihirap. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka’t iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Nagawa kong matagpuan ang ugat ng problema sa mga pagbubunyag ng mga salita ng Diyos. Hindi ko kailanman mapigilan ang sarili ko sa paghabol sa reputasyon at katayuan dahil tinuruan ako sa eskuwelahan at inimpluwensiyahan ng lipunan mula noong maliit ako. Malalim na naitanim sa puso ko ang mga satanikong pilosopiya at kamalian, gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno,” “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Itinuring ko ang mga bagay na iyon bilang mga salitang dapat kong isabuhay at itinakda ko ang mga iyon bilang mga layunin sa buhay na dapat pagsikapan. Sa mundo man sa labas o sa loob ng bahay ng Diyos, hinangad ko lang ang mataas na pagtingin ng iba. Gusto kong malagay sa prominenteng posisyon nasaan man akong grupo, at na mapalibutan ako ng lahat. Akala ko ay iyon lang ang makabuluhang paraan para mabuhay. Hindi ganoon kahusay ang kakayahan ko kailanman, at hindi rin talaga ako magaling sa anumang bagay, pero hindi ko lang talaga matiis ang pagiging mas mababa sa iba. Kapag mas magaling sa akin ang isang tao, talagang sumasama ang loob ko, at hindi ko mapigilan ang sarili ko na makipagpaligsahan at makipagkompetensiya sa kanila. Sinusubukan kong mag-isip ng anuman para mauna. Kung hindi ko ito magawa, nagseselos ako at kinamumuhian sila, at sinisisi ko ang lahat maliban ang aking sarili. Isa iyong napakasamang paraan para mabuhay. Nakita ko rin sa wakas na ang paghahangad ng pangalan at katayuan ay hindi talaga ang tamang landas, at kapag lalo ko iyong ginawa, lalo akong magiging mapagmataas at makitid ang isip. Magiging mas makasarili ako at masama na walang anumang pagkakatulad sa tao. Pagkatapos ay tiningnan ko si Sister Xia: Maingat at seryoso niyang ginawa ang tungkulin niya, at nagtataglay ng liwanag ang pagbabahagi niya. Nagawa rin niyang lutasin ang mga praktikal na suliranin ng mga kapatid. Kapaki-pakinabang iyon para sa iba at para sa gawain ng iglesia. Isa iyong kamangha-manghang bagay at isang bagay na makakapagdala ng aliw sa Diyos. Ako naman, sa kabilang banda, ay makitid ang isip at inggitera, laging iniisip na ninanakaw niya sa akin ang atensiyon ng iba, kaya kumiling ako laban sa kanya. Gustong-gusto ko na mabigo siya at mapalitan. Nakita ko kung gaano ako kamalisyosa sa kalooban ko! Hinahangad ng Diyos na makakita ng mas maraming tao na naghahanap ng katotohanan at nagsasaalang-alang ng Kanyang kalooban, at nagagawa ang kanilang tungkulin para malugod Siya. Pero sa pagsisikap ko na ingatan ang sarili kong reputasyon at posisyon, hindi ko matiis ang mga kapatid na gumagawa nito. Nainggit ako sa kanila at hindi ko sila matagalan. Hindi ba paglaban iyon sa Diyos at pagsalungat sa Kanya? Hindi ba nito ginagambala ang gawain ng bahay ng Diyos? Ano ang pagkakaiba ko sa demonyong si Satanas? Saka nandiyan ang lahat ng mga opisyal ng Partido Komunista na bumubuo ng mga pangkat at nakikisali sa mga pagpupursigi para sa reputasyon at posisyon, at gagawin ang lahat para pigilin ang isang kalaban, pinupuksa ang kanilang mga kaaway at sinisiil ang mga tao. Hindi masabi kung gaano karaming kasamaan na ang naidulot nila, kung gaano karaming tao na ang pinatay nila! Sa huli, nagdudulot sila ng pagkawasak sa sarili nila, at parurusahan sila sa impiyerno kapag namatay sila. Bakit kaya sila nagtatapos sa ganitong paraan? Hindi ba dahil inuuna nila ang reputasyon at posisyon bago ang lahat? Pagkatapos, kung titingnan ang sarili kong asal, bagama’t hindi iyon kasing sama ng sa kanila, talagang magkapareho ito. Nabubuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas, at ang disposisyong inihayag ko ay mapagmataas, tuso, at masama. Malademonyo ang isinabuhay ko na walang anumang pagkakatulad sa tao. Paano magiging hindi karumal-dumal at nakamumuhi iyon sa Diyos? Ang madisiplina sa ganoong paraan ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos na dumarating sa akin, at higit pa rito, ito ang pagliligtas Niya sa akin. Nang mapagtanto ang lahat ng ito, mabilis akong lumapit sa Diyos sa panalangin. Sinabi ko, “O Diyos ko, hindi ko hinahanap ang katotohanan. Pangalan at katayuan lang ang hinahangad ko. Ako ay pinaglaruan at ginawang tiwali ni Satanas, hindi ko na talaga nadaramang isa akong tao. Nang mawalan ako ng reputasyon at katayuan, ayoko nang gawin ang tungkulin ko at malapit na Kitang ipagkanulo. Diyos ko, gusto kong magsisi sa Iyo. Handa na akong hanapin ang katotohanan, makipagtulungan sa aking kapatid, at maging mapagpakumbaba sa tungkulin ko para sa ikalulugod Mo.”

Pagkatapos nito, naging bukas ako kay Sister Xia. Idinetalye ko ang mga paraan ng pakikipagkompetensiya ko sa kanya para sa pangalan at pakinabang. Hiniling ko rin sa kanya na bantayan niya ako at tulungan niya ako. Matapos niyon, nagawa na naming mas maayos na magtulungan sa aming tungkulin. Kahit na nagpapakita pa rin ako minsan ng pagnanasa para sa pangalan at pakinabang, nakikita ko agad na ito ay ang satanikong disposisyon ko na nagpapakita ng sarili nito. Iniisip ko ang kalikasan at resulta ng pagpapatuloy nang ganito, at pagkatapos ay kaagad akong nananalangin sa Diyos at maingat na pinag-iisipan ang lahat. Masigasig akong nakikinig sa pagbabahagi ng aking kapatid at natututo mula sa mga kalakasan niya. Kapag nakikita kong mayroon siyang nakaligtaan sa kanyang pagbabahagi, sumisingit ako kaagad. Noong mga panahong iyon, iniisip ko kung paano malinaw na maibabahagi ang katotohanan para makinabang ang lahat mula rito. Nararamdaman ng lahat na talagang nakakapagbigay-liwanag ang ganoong uri ng mga pagtitipon at nakikinabang din ako mula sa mga iyon. Nararamdaman kong malaya at magaan ang puso ko. Gaya lang ito ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kung kaya mong tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan, kung gayon pagkaraang danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes. … nararamdaman mong may kahulugan at pagtustos sa gayong pamumuhay. Ang iyong espiritu ay magiging mapagpakumbaba, panatag at nasisiyahan. Ang gayong kalagayan ay magiging iyo, bilang isang reulta ng iyong pagbitaw sa iyong mga pansariling motibo, interes, at makasariling hangarin. Ito ay iyong makakamit(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lubos kong pinahahalagahan kung gaano kamangha-mangha na mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagsaksi sa isang Himala sa Gitna ng Kawalan ng Pag-asa

Sa mga pangyayaring kaugnay sa sakunang ito, nananalangin siya sa Diyos at umaasa sa Diyos, at sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, nakakatagpo siya ng pananampalataya at lakas, at nakakasaksi ng isang himala sa gitna ng kawalan ng pag-asa.

Leave a Reply