Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglalaan ng mga Iglesia

Marso 28, 2022

Ni Reese, USA

Sa unang bahagi ng 2021, dahil lumalago nang husto ang mga iglesia namin, nagpasya ang lider na hatiing muli ang mga responsibilidad ko at ng iba ko pang mga kasamahan. Hindi ko ito masyadong pinag-isipan noong una, pero nang mas nalaman ko kung anong nangyayari, nakita ko na mas maraming problema ang mga iglesiang magiging responsabilidad ko. Karamihan sa mga baguhan ay wala pang magandang posisyon sa kanilang pananalig, at ang mga lider at diyakono ay hindi pa napipili lahat. Pero ang mga iglesiang pinamahalaan ni Sister Lilly ay mas maayos ang lagay kaysa sa akin. Ang mga bagong mananampalataya na iyon ay medyo matatag ang lagay at may mahusay na kakayahan, at ang kanilang mga lider at diyakono ay talagang responsable. Hindi ko naiwasang mainggit sa kanya. Inisip ko kung bakit niya nakuha ang mas maaayos na mga iglesia, habang iyong sa akin ay may napakaraming problema. Mangangailangan ito ng sobra-sobrang pagsusumikap ko para pamahalaan ang gawain! Kung hindi ko mapagalaw ang mga bagay-bagay, anong iisipin ng lider sa akin? Sasabihin ba niyang wala akong kakayahan at walang magawa na kahit ano? Baka hindi niya ako masyadong magustuhan. Ang pag-iisip niyon sa gano’ng paraan ay talagang nakakadismaya para sa akin. Pagkatapos noon, kapag pumupunta sa mga pagtitipon ng mga iglesiang iyon, palaging maraming problema na kailangang lutasin na kumakain ng maraming oras. Pareho ang sitwasyon sa bawat iglesia. Hindi ako masyadong nakakapagpahinga at talagang nahihirapan ako sa mga tungkulin ko. Iniisip ko na ang isang bagay na kayang gawin ni Sister Lilly sa loob ng isang oras ay tatagal ng dalawa o tatlong oras sa akin. Ang sarili kong kakayahan at mga kasanayan ay limitado, pero napakaraming problema ng mga iglesia. Wala akong nagagawang kapansin-pansin na pag-unlad sa kabila ng lahat ng oras at pagsusumikap na iyon, kaya kapag ikinumpara ng lider ang mga resulta ko kay Sister Lilly, tiyak na iisipin niyang pangkaraniwan ako, na hindi ako magaling at walang binatbat kay Sister Lilly. Sobrang sama ng kalagayan ko nang panahon iyon, at sa tuwing may nakakaharap akong problema, talagang hindi ako nasiyahan at pakiramdam ko’y ginagawan ako ng masama. Pagod ang isip at katawan ko. Kaya, lumapit ako sa Diyos para manalangin at maghanap, sinasabing, “Diyos ko, alam kong pinahintulutan Mo ang pamamahaging ito ng gawain at dapat akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos, pero lumalaban pa rin ako. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan na maunawaan ang Iyong layunin at makilala ang sarili kong katiwalian.”

Tapos nabasa ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos, at ang isa sa mga ito ay eksakto sa kalagayan ko nang panahong iyon. Sabi ng Diyos: “Kung marami ka nang natutuhan at nabigyan ka na ng Diyos ng marami, dapat kang bigyan ng mas mabigat na pasanin—hindi para pahirapin ang buhay mo, kundi dahil ito ang mismong nababagay sa iyo. Tungkulin mo ito, kaya huwag mong subukang mamili, o na tanggihan, o takasan ito. Bakit mo iniisip na mahirap ito? Ang totoo, kung medyo isasapuso mo ito, ganap na makakaya mo ito. Ang pag-iisip mo na mahirap ito, na hindi ito patas na pagtrato, na sadya kang pinag-iinitan—iyan ay pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Ito ay pagtangging gampanan ang iyong tungkulin, hindi pagtanggap mula sa Diyos. Hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Kapag namimili ka sa pagganap ng iyong tungkulin, ginagawa kung ano ang magaan at madali, ginagawa kung ano lang ang pinagmumukha kang magaling, ito ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Ang hindi mo magawang tanggapin ang iyong tungkulin o makapagpasakop ay nagpapatunay na suwail ka pa rin sa Diyos, na ikaw ay sumasalungat, umaayaw, at umiiwas sa Kanya. Ito ay isang tiwaling disposisyon. Ano ang dapat mong gawin kapag nalaman mong ito ay isang tiwaling disposisyon? Kung nadarama mo na ang mga gawaing ibinibigay sa iba ay madaling tapusin samantalang ang mga gawaing ibinibigay sa iyo ay ginagawa kang abala sa mahabang panahon at kinakailangan dito na magsikap ka sa pagsasaliksik, at dahil dito ay hindi ka masaya, tama ba na hindi ka maging masaya? Talagang hindi. Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag nadama mong mali ito? Kung ikaw ay mapanlaban at sinasabi mong, ‘Tuwing nagbibigay sila ng mga trabaho, ibinibigay nila sa akin ang mahihirap, marurumi, at higit na nangangailang gawain, at ibinibigay nila sa iba ang magagaan, simple, at kapansin-pansin na gawain. Iniisip ba nilang tao akong madali nilang ipagtulakan? Hindi ito patas na paraan ng pamamahagi ng mga trabaho!’—kung ganyan ka mag-isip, iyan ay mali. Mayroon man o walang mga paglihis sa pamamahagi ng mga trabaho, o makatwiran man o hindi ang pamamahagi ng mga ito, ano ang masusing sinisiyasat ng Diyos? Ang puso ng tao ang masusi Niyang sinisiyasat. Tinitingnan Niya kung ang isang tao ay may pagpapasakop sa kanyang puso, kung nakapagdadala siya ng ilang pasanin para sa Diyos, at kung minamahal niya ang Diyos. Batay sa pagsukat ng mga hinihingi ng Diyos, hindi katanggap-tanggap ang iyong mga palusot, hindi umaabot sa pamantayan ang pagtupad mo sa iyong tungkulin, at hindi mo taglay ang katotohanang realidad. Walang-wala kang pagpapasakop, at nagrereklamo ka kapag gumagawa ka ng ilang gawaing maraming hinihingi o marumi. Ano ang problema rito? Unang-una, mali ang iyong mentalidad. Ano ang ibig sabihin niyan? Nangangahulugan iyan na mali ang iyong saloobin sa iyong tungkulin. Kung lagi mong iniisip ang iyong pagpapahalaga sa sarili at ang mga sarili mong interes, at wala kang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at walang-wala kang pagpapasakop, hindi iyan ang wastong saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Kung matapat kang gumugugol para sa Diyos at may-takot-sa-Diyos na puso, paano mo tatratuhin ang mga gawaing marurumi, mabibigat, o mahihirap? Magiging iba ang iyong mentalidad: Pipiliin mong gawin ang anumang mahirap at hahanapin mo ang mabibigat na pasanin. Tatanggapin mo ang mga gawaing ayaw tanggapin ng ibang tao, at gagawin mo ito dahil lamang sa pagmamahal sa Diyos at para mapalugod Siya. Mapupuno ka ng galak sa paggawa nito, nang walang anumang bahid ng reklamo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pagbabasa nito, pinagnilayan ko kung anong ibinunyag ko noong mga nakaraang araw na iyon. Nang makitang walang magandang pundasyon ang mga baguhan ng mga iglesiang pinamahalaan ko at kakaunti ang may kayang umako ng tungkulin, talagang nakaramdam ako ng paglaban. Hindi pa napili ang lahat ng lider at diyakono at mahirap pangasiwaan ang iba’t ibang proyekto, kaya hindi ko lang kailangang gumugol ng oras at lakas para pamahalaan ang mga bagay, kundi baka hindi rin maging maganda ang kalabasan ng mga ito at pagkatapos ay hindi ako magmukhang magaling. Ginusto ko lang pangasiwaan ang mga iglesiang maayos na ang takbo, nang sa gayon ay hindi ko na kailangang mag-alala nang husto tungkol sa mga bagay-bagay at mas madali akong makakakuha ng mga resulta, at mas gaganda ang tingin sa akin ng iba. Palagi kong iniisip na ang paghahati ng gawain sa gayong paraan ay hindi patas para sa akin, na nakuha ni Sister Lilly ang madaling gawain na magpapamukhang magaling siya, samantalang nakuha ko ang mahirap at nakakapagod na gawain. Hindi ako mamumukod-tangi o magkakamit ng pagpupugay. Kaya talagang tutol ako sa gayong paghahati ng gawain at ayokong tanggapin ito. Pero sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita kong ang paraan ko ng pag-iisip tungkol dito ay pagtanggi sa tungkuling iyon, pagiging pihikan at pag-ayaw gawin ang kahit ano na hindi nagdadala sa akin ng mga pakinabang. Ni katiting ay hindi ako naging masunurin. Palagi kong inisip na talagang tapat at responsable ako sa tungkulin ko, at hindi ko kailanman inasahan na mabubunyag ako sa gayong paraan. Nakita kong mali ang mga motibo at pananaw ko sa aking tungkulin. Sa halip na subukang tuparin ang aking tungkulin para mapalugod ang Diyos, ginusto kong makuha ang paghanga at papuri ng iba. Paano ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkikimkim ng mga layuning iyon sa aking tungkulin?

Kalaunan, may nabasa akong sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong ialay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay para matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng pagganap ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang utos na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito o hindi sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, na hindi mo pa nagawa dati, o isang bagay na mahirap gawin, dapat mo pa rin itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, at matuto tungkol dito, habang dumaranas ka at pumapasok. Kahit pa ikaw ay nahihirapan, napapagod, napapahiya, o ibinubukod, kailangan mo pa ring ibigay ang iyong buong pagkamatapat. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo maibibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong ituring na tungkuling dapat mong gampanan, hindi bilang personal na bagay. Paano mo dapat maunawaan ang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hinding-hindi magagawa ng mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos na tanggihan ang atas ng Diyos; hindi nila kailanman magagawang tanggihan ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang kaakibat nito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, na isagawa ang katotohanan at ibigay ang iyong buong pagkamatapat sa lahat ng bagay, upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang pinagtutuunan dito? Iyon ay ang mga salitang ‘sa lahat ng bagay.’ Ang ‘lahat ng bagay’ ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan, ito ay mga bagay kung saan hindi ka mahusay, mga bagay na kailangan mong matutunan, mga bagay na mahirap, o mga bagay kung saan kailangan mong magdusa. Gayunpaman, anuman ito, basta’t ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, kailangan mo itong tanggapin mula sa Kanya; kailangan mong tanggapin ito at gampanan nang mabuti ang tungkulin, ibigay dito ang iyong buong pagkamatapat at tugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa. Anuman ang mangyari, dapat mo laging hanapin ang katotohanan, at sa sandaling nakatitiyak ka na kung anong uri ng pagsasagawa ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, ganoon ka dapat magsagawa. Tanging sa paggawa nito mo isinasagawa ang katotohanan, at sa ganitong paraan ka lamang makakapasok sa katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nang mabasa ko ito, alam kong totoo ito. Ang isang tungkulin ay nagmumula sa Diyos, atas Niya ito sa atin at responsibilidad natin ito. Gaano man ito kahirap o gaano man kaliit ang karangalan dito, obligasyon natin ito na kailangan nating tanggapin. Iyon ang saloobing dapat mayroon tayo, at ito ang katwiran na kailangang taglayin ng isang nilikha sa harap ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na pinangasiwaan ko ay hindi ang gusto ko, at ang pagnanasa ko sa katayuan ay hindi matutugunan, pero ito ang pinahintulutan ng Diyos. Kailangan ko itong tanggapin mula sa Diyos, at ihinto ang pagtrato sa tungkulin ko mula sa maling perspektiba. Lumapit ako sa Diyos para manalangin, gustong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, para gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin, diligan nang maayos ang mga bagong mananampalataya, at tulungan silang maging matatag sa tunay na landas sa lalong madaling panahon. Medyo bumuti ang pag-uugali ko sa tungkulin ko pagkatapos ng dasal na iyon at hindi na masyadong masama ang loob ko.

Makalipas ang ilang panahon, parami nang parami ang iglesia na itinatayo, kaya muling hinati ng lider ang aming mga responsibilidad. Ang nag-iisang iglesia na medyo maayos ang lagay at ang nag-iisang sister na mahusay sa pagdidilig ng mga baguhan sa loob ng saklaw ko ay inilipat sa responsabilidad ng ibang mga katrabaho. Talagang sumama ang loob ko at hindi ako natuwa rito. Akala ko’y lubos nilang naunawaan ang sitwasyon ko, na pinangasiwaan ko ang mga iglesiang may pinakamaraming problema at nahihirapan na ako sa gawain. Hindi naging madaling hanapin ang magaling na tagapagdilig na kapatid na iyon, at ililipat pa siya, kaya paano ko magagawa ang kahit ano sa gawain ko? Kung patuloy akong mahihirapan na makakuha ng magagandang resulta, anong iisipin ng iba sa akin? Iisipin nilang wala akong kakayahan at hindi ko kayang gawin ang mga bagay. Magiging sobrang kahiya-hiya iyon! Anong mukha ang ihaharap ko sa mga pagpupulong ng mga kasamahan pagkatapos no’n? Naiyak ako sa pag-iisip nito. Napagtanto ko ring hindi na naman ako nasiyahan at naging masuwayin. Kaagad akong lumuhod sa panalangin, at sinimulang pagnilayan ang aking sarili. Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. … Anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung tutulutan ba sila nitong mangibabaw; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang kasikatan, pakinabang at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompitensiya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang sumasamba at tumitingala sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, hindi rin sila nagninilay-nilay kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung nagkaroon ba ng mga paglihis o pagpapabaya sa kanilang gawain, o kung mayroon bang anumang mga problema, lalong hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensiyahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmumulan ay ang sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)). Sinasabi ng mga salita ng Diyos kung gaano kamakasarili at kasuklam-suklam ang mga anticristo, na mayroon silang mga sariling ambisyon at pagnanasa sa kanilang tungkulin at palaging pinoprotektahan ang mga sarili nilang interes sa kanilang diskarte sa mga bagay-bagay. Anuman ang tungkulin na ginagawa nila, hindi nila kailanman iniisip ang mga layunin ng Diyos, kung paano gagawin nang maayos ang kanilang tungkulin, o siguraduhing hindi naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Reputasyon at katayuan lang ang iniisip nila, walang pakialam sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Tungkol naman sa aking pag-uugali, nang makitang maraming problema ang mga iglesiang nasa pangangalaga ko, ang unang pumasok sa isip ko ay hindi kung paano sumandal sa Diyos para gawin ang makakaya ko para suportahan sila, kundi ang takot ko na hindi ako makagawa nang maayos at na hamakin ako ng iba, na magiging isang kahihiyan. Tutol at hindi ako natuwa sa pamamahagi ng gawain, at nagpabaya pa nga sa aking tungkulin. Noong nalaman kong ang isang magaling na kapatid na gumagawa sa ilalim ng pamamahala ko ay ililipat, ang unang reaksyon ko ay mawawalan ako ng isang magaling na manggagawa, kaya ang mga sarili kong tagumpay sa gawain ay mababawasan. Pagkatapos ay iisipin ng lider na wala akong kakayahan at hindi ko mapamahalaan ang gawain ng iglesia. Napagtanto kong ang inisip ko lang sa tungkulin ko ay ang sarili kong reputasyon at katayuan, kung paano ako makakaraos nang walang masyadong pagsusumikap, at makapagpapasikat pa rin at makakamit ang paghanga ng iba. Hindi ko tiningnan ang kabuuan ng gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam, at iyon ay disposisyon ng isang anticristo. Nang mapag-isipan itong mabuti, alam kong ang maitalaga sa mga iglesia na mas maraming problema ay layunin ng Diyos. Ang mga iglesiang iyon na may mas maraming isyu at baguhan na hindi pa masyadong matatag ay nagtulak sa akin na sumandal sa Diyos at mas hanapin ang katotohanan para lutasin ang lahat ng mga problemang iyon. Kinailangan ko ring mas magbayad ng halaga para suportahan sila, nang sa gayon ay matutuhan nila ang katotohanan sa gawain ng Diyos at magkaroon ng pundasyon sa tunay na daan. Isa itong magandang pagsasanay para sa akin. At habang pahirap nang pahirap ang mga bagay, mas lalo akong napilitan nito na ang katotohanan at maghanap ng mga solusyon, nang sa gayon ay matutuhan ko ang maraming katotohanan sa gayong paraan. Mabuti ito para sa pagpasok ko sa buhay. Tapos napagtanto ko na ang tungkuling iyon ay hindi pagpapahirap sa akin ng kahit sino, kundi, may pagsang-ayon ito ng Diyos at nakabubuti ito para sa akin. Kailangan kong tanggapin ito at magpasakop, at isapuso ito. Ang pagkatantong ito ay nakatulong sa akin na baguhin ang pag-uugali ko, at hindi na masyadong masama ang loob ko.

Pagkatapos noon, may nabasa pa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang mamili; bagkus, ito ay dahil habang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagambala at nagugulo ng mga tao ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, at maaari pa ngang makaimpluwensiya sa pagkain at pag-inom ng maraming tao ng mga salita ng Diyos, sa pag-unawa nila sa katotohanan, at sa pagkamit nila ng kaligtasan ng Diyos. Ito ay isang katunayang hindi mapag-aalinlanganan. Kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, siguradong hindi nila hahangarin ang katotohanan at hindi nila matapat na tutuparin ang kanilang tungkulin. Magsasalita at kikilos lamang sila alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at lahat ng gawaing ginagawa nila, nang wala ni katiting na eksepsyon, ay alang-alang sa mga bagay na iyon. Ang umasal at kumilos sa gayong paraan ay walang pagdududang pagtahak sa landas ng mga anticristo; ito ay isang paggambala at panggugulo sa gawain ng Diyos, at lahat ng iba’t ibang kahihinatnan nito ay nakakahadlang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian at sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos sa loob ng iglesia. Kaya, maaaring sabihin ng isang tao nang may katiyakan na ang landas na tinatahak ng mga naghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay ang landas ng paglaban sa Diyos. Ito ay sadyang paglaban sa Kanya, pagkontra sa Kanya—ito ay ang makipagtulungan kay Satanas sa paglaban sa Diyos at pagsalungat sa Kanya. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging kasangkapan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto. Kapag hinahangad ng isang tao ang katotohanan, nagagawa niyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at ang pasanin ng Diyos. Kapag ginagawa niya ang kanyang tungkulin, itinataguyod niya ang gawain ng iglesia sa lahat ng aspekto. Nagagawa niyang dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Diyos, pakinabang ang dulot niya sa mga kapatid, at sinusuportahan at tinutustusan niya ang mga ito, at nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian at patotoo, na nagdadala ng kahihiyan kay Satanas. Bilang resulta ng kanyang paghahangad, nagkakamit ang Diyos ng isang nilikha na tunay ngang may kakayahang matakot sa Diyos at tumalikod sa kasamaan, na nagagawang sambahin ang Diyos. Bilang resulta rin ng kanyang paghahangad, naisasakatuparan ang kalooban ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay umuunlad. Sa mga mata ng Diyos, positibo ang gayong paghahangad, ito ay matapat. Ang gayong paghahangad ay napakalaking pakinabang para sa mga hinirang ng Diyos, at lubos ding kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, nakakatulong ito upang mapausad ang mga bagay-bagay, at sinasang-ayunan ito ng Diyos(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Binigyan ako nito ng higit na pag-unawa sa paghahangad ko ng pansariling interes. Napagtanto kong kapag ginagawa iyon ng mga tao, kumikilos sila sa ngalan ni Satanas, nagiging kasangkapan nito para gambalain ang gawain ng iglesia. Dati, inisip ko na tanging ang paggawa ng mga halatang masasamang bagay, malinaw na paghadlang sa gawain ng iglesia at sa buhay-iglesia ay pag-asta bilang isang alagad ni Satanas. Pero nakita ko na kung ang hahangarin lang natin sa ating tungkulin ay mga pansariling interes at babalewalain ang mga interes ng iglesia, magkakaroon lang tayo ng negatibong epekto sa gawain ng iglesia at makakagambala tayo. Inisip ko kung ano ang ibinunyaga ko sa aking tungkulin, at kahit na mukhang hindi ako kailanman nagpakatamad, na kaya kong pangasiwaan ang ilang mahihirap na gawain at magpuyat sa trabaho, at kahit kailan ay wala akong ginawang anumang talagang nakakagambala, wala akong mga tamang motibo sa aking tungkulin. Hindi ito para mapalugod ang Diyos, sa halip, ito’y isang pagtatangkang mamukod-tangi at makamit ang paghanga ng iba. Noong hindi ko nagustuhan ang pagkakahati-hati ng gawain, talagang hindi ako nakuntento at nagpakatamad ako. Hindi ko kayang basta magpasakop at isipin kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko, o kung paano mag-aalok ng agarang suporta sa mga kapatid. Nahadlangan ko na ang aming gawain ng pagdidilig nang hindi ko namamalayan. Ang totoo niyan, mas marami akong karanasan kaysa sa mga kasamahan ko. Bago lang sa gawain ang ibang mga kapatid at hindi pamilyar sa gawain ng iglesia, kaya ang pagtatalaga ng mas maaayos na iglesia at tagapagdilig sa kanila ay mabuti para sa aming pangkalahatang gawain. Pero makasarili ako, gustong panatilihin ang maaayos na iglesia at tagapagdilig sa ilalim ng pamamahala ko. Kung nasunod ang gusto ko, at napunta sa mga bagong katrabaho ang mga iglesia na mayroong mas maraming problema, maaapektuhan ang gawain at hindi ito magiging mabisa, na hindi magiging mabuti para sa gawain ng iglesia. Mas marami ang problema ng mga iglesia ko, pero sa totoo ay magandang pagsasanay ito para sa akin. Kung makapaglalaan lang ako ng kaunti pang pagsusumikap at isasapuso ito, magagawa ko pa rin ang ilan sa mga bagay na iyon, at maaaring bumuti ang aming pangkalahatang kahusayan. Hindi ba’t iyon ang pinakamainam na pagsasaayos? Tapos napagtanto ko kung paanong inilantad ng hatian ng gawaing ito ang aking makasarili, kasuklam-suklam, at di-makatwirang pag-iisip. Nakita ko rin na kung may mga makasarili akong interes sa tungkulin ko, maaaring makagambala lang iyon sa gawain ng iglesia. Dati-rati, reputasyon at katayuan, at mga personal na interes lang ang habol ko sa aking tungkulin, at bilang resulta, nakagawa ako ng mga pagsalangsang. Kung hindi ako nagbago sa pagkakataong iyon, sa halip ay nagpatuloy na suwail na protektahan ang mga sarili kong interes, alam kong magagambala kong muli ang gawain ng iglesia, at maitataboy ako ng Diyos. Nakakatakot na isipin ito para sa akin. Lumapit ako sa Diyos para magdasal at magsisi. Sabi ko, “Diyos ko, wala akong ibang ginawa sa tungkulin ko kundi protektahan ang mga sarili kong interes nang hindi iniisip ang kabuuang gawain ng iglesia o ang Iyong mga layunin. Sa pagkataong taglay ko, hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng tungkulin. Diyos ko, gusto kong tunay na magsisi.”

Pagkatapos noon, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nagbigay sa akin ng landas para sa pagpasok: “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos ang dapat mauna sa lahat ng nangyayari, hindi ang mga pansarili kong kapakinabangan. Ang reputasyon at katayuan ay pansamantala lang, at ang paghahangad sa mga gano’ng bagay ay walang katuturan. Ang hindi pamumuhay sa katiwalian, pagsasagawa sa katotohanan, at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Nabigyan ako ng kaliwanagan nang maunawaan ko ito. Paano man hatiin ang gawain, hindi ko pwedeng patuloy na protektahan ang mga pansarili kong interes, at ang aking karangalan at katayuan, sa halip ay kailangan kong sumunod at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Kahit na hindi ako makakuha ng magagandang resulta, kailangan kong pagtuunan ang pamumuhay sa harap ng Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsusuri. Anuman ang isipin ng iba sa akin, ang pagsasapuso ng aking tungkulin at pagiging responsable ay ang tanging paraan para umayon sa layunin ng Diyos.

Sa sumunod na ilang araw, isinapuso ko ang tungkulin ko, hindi iniisip ang mga sarili kong interes. Sa paggawa nito, pakiramdam ko’y hindi na ako masyadong kontrolado ng aking katiwalian. Makalipas ang ilang araw, habang tinatalakay ang gawain sa isang kapatid, sinabi niyang hindi siya masyadong magaling magsalita ng Ingles at kinailangan niya ng isang tagapagsalin nang kumustahin niya ang isang iglesia ng mga baguhan. Nahihirapan siya at walang masyadong nagagawa sa kanyang tungkulin. Nang sabihin niya iyon, naisip ko na maayos ang pag-i-Ingles ko, kaya baka pwede akong makipagpalit sa kanya, at pwede kong subaybayan ang gawain ng iglesiang iyon. Pero naisip ko na maraming problema ang iglesiang iyon, kaya ang pangangasiwa roon ay malamang na mangangailangan ng maraming pagsusumikap at baka walang gaanong maging pag-unlad. Nag-alala akong baka maapektuhan nito ang opinyon ng iba sa akin, kaya ayokong makipagpalit sa kanya. Pero sa isiping iyon, napagtanto kong sariling kapakinabangan ko na naman ang isinasaalang-alang ko, pinoprotektahan ang karangalan at katayuan ko, kaya dali-dali akong lumapit sa Diyos sa panalangin, handang maghimagsik laban sa sarili ko at isagawa ang katotohanan. Matapos magdasal, napagtanto ko na ang sitwasyon ay pagsubok sa akin at pagbibigay sa akin ng pagkakataong isagawa ang katotohanan. Hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa katiwalian, pinoprotektahan ang mga pansarili kong interes kagaya ng dati. Kung ang pagbabagong ito ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia, kailangan kong gawin ito. Kaya pinag-isipan ko ang mga responsibilidad ng iba naming mga kasamahan at naramdaman kong talagang mas makabubuting makipagpalit ako sa kapatid na iyon. Ibinahagi ko ang mga naisip ko sa lider at siya at ang iba pang mga kasamahan ay sumang-ayon dito. Talagang naging kalmado ako pagkatapos naming gawin ang mga pagbabago, at lubos akong nasiyahan. Pakiramdam ko’y isinasagawa ko na sa wakas ang katotohanan at nagiging isang tunay na tao. Tulad nga ng sinasabi ng Diyos: “Dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon).

Pagkatapos noon, tinigilan ko na ang pagiging negatibo tungkol sa mga iglesiang pinamamahalaan ko, sa halip ay ginawa ko ang makakaya ko para pangalagaan ang gawain ng bawat iglesia. Kapag may ilang tagadilig na nagrereklamo tungkol sa kanilang mga hirap sa gawain, magbabahagi ako tungkol sa mga salita ng Diyos para itama ang mga mali nilang pananaw, at aasa sa Diyos at hahanapin ang katotohanan kasama sila para lutasin ang mga problemang iyon. Kapag nakikita kong maraming problema ang ilang baguhan at hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, hindi ko na sila sinisisi sa pagiging sakit ng ulo, sa halip ay kinakausap ko nang masinsinan ang mga kapatid para maunawaan ang kanilang mga paghihirap, at nagbabahagi sa kanila tungkol sa mga salita ng Diyos. Tungkol naman sa kawalan ng sapat na mga lider at diyakono sa posisyon, mas pinagtuunan ko ang pagsasanay ng mga may talento. Nagbahagi ako sa mga kapatid na may mas mahusay na kakayahan, na mas akmang sanayin para sa mga tungkuling iyon, tungkol sa kahalagahan at mga prinsipyo ng paggawa ng isang tungkulin, at gumugol ng oras sa paggawa nang kasama sila. Kapag napapansin kong may ilang medyo kumplikadong gawain sa mga iglesia at walang tumitingin dito, ginagawan ko ng paraan para pangasiwaan ito. Noong una, hindi ko alam kung maayos kong magagawa ito, pero wala akong pag-aalinlangan na hindi ko pwedeng patuloy na ilayo ang sarili ko sa mga bagay na iyon, na hindi ko pwedeng makasariling isaalang-alang lamang ang munting sakop ng aking gawain, sa halip ay kailangan kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at itaguyod ang pangkalahatang gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng pag-usad sa gawaing ito. Dagdag pa rito, pinili ang lahat ng lider at diyakono sa mga iglesiang pinamamahalaan ko. Sa ilang iglesia, dumoble ang bilang ng mga taong tumatanggap ng tungkulin, at kayang magtrabaho nang mag-isa ang mga baguhang sinanay ko. Sa mga iglesiang hindi maayos ang takbo dati, bawat bahagi ng kanilang gawain ay bumubuti na. Talagang nakikita ko ang mga gawa ng Diyos doon. Tunay ko ring naranasan na ang gusto ng Diyos ay ang puso at pagpapasakop ng mga tao, kaya kung kaya nating isaalang-alang ang mga layunin Niya at isipin lang ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi ang mga sarili nating interes, makakamit natin ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Pinatatag ng pag-unawa rito ang pananampalataya ko sa Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbangon sa Harap ng Kabiguan

Ni Fenqi, South KoreaBago ako naniwala sa Diyos, pinaaral ako ng Partido Komunista ng Tsina, at wala akong inisip kundi ang kung paano...