Pagkatapos ng Lindol

Abril 7, 2022

Ni Leny, Pilipinas

Noong Hulyo 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Noong panahong iyon, nagbasa ako ng maraming salita ng Makapangyarihang Diyos, at sa tuwing binabasa ko ang mga ito, pakiramdam ko ay harapan akong kinakausap ng Diyos. Labis itong nakapagtutustos at nakadama ako ng galak at kasiyahan. Isa iyong pakiramdam na hindi ko pa naranasan noon. Kalaunan, natutunan ko sa pagtitipon at pagbabahaginan na habang tayo ay nabubuhay, dapat tayong manalig, magbasa ng mga salita ng Diyos, at gumawa ng tungkulin ng isang nilikha. Noong panahong iyon, kahit na ang aking ama ay kontra sa aking pananalig at madalas mawalan ng pasensya sa akin, nagpatuloy akong pumunta sa mga pagtitipon, dahil alam ko na iyon lang ang paraan para maunawaan ang mga salita ng Diyos. Ang buhay ko’y lubhang walang kabuluhan noong hindi ko pa nababasa ang mga salita ng Diyos. Ang Kanyang mga salita ang nagpasaya at nagbigay sa akin ng direksyon sa buhay.

Ngunit hindi nagtagal, naharap ako sa isang tukso. Inanyayahan ako ng kapitbahay ko na magtrabaho bilang sales clerk sa tindahan na pinagtatrabahuhan niya, sinasabing puwede akong kumita ng 500 pesos sa isang araw. Sinabi niya na sigurado siyang kukunin nila ako. Mukhang magandang kita iyon para sa akin. Makakaya kong bilhin ang mga bagay na gusto ko sa perang iyon, at matutulungan ko rin ang aking mga magulang. Pero kung kukunin ko ang trabahong iyon, malamang na hindi na ako makakadalo sa mga pagtitipon nang regular. Gusto ko ang trabaho at atubili akong palampasin ang pagkakataong kumita ng pera. Sa huli ay hindi ko nadaig ang tukso at pumayag akong kunin ang trabaho. Pumirma lang ako ng isang buwang kontrata, iniisip na pagkatapos niyon ay makakadalo na ako nang regular sa mga pagtitipon, at pansamantala, gagawin ko ang makakaya ko para patuloy na makadalo sa mga ito. Gayunpaman, hindi nangyari ang mga bagay-bagay tulad ng inaasahan ko. Hindi ako nakakauwi bago mag-alas-sais ng gabi. Mahaba ang biyahe ko, kaya pagod na pagod na ako pagdating ko sa bahay. Wala na akong lakas na dumalo ng mga pagtitipon. Kung gabing-gabi na akong nakauwi, minsan ay hindi ko na inaabutan ang mga pagtitipon. Sa paglipas ng panahon, pakiramdam ko ay lumalayo ako sa Diyos, at nakadama ako ng ‘di maipaliwanag na takot at pagkabalisa. Nanatili akong may ngiti sa mukha ko, pero sa loob-loob ko’y nakadama ako ng matinding kalungkutan. Kung minsa’y nakakaramdam ako ng labis na kapanglawan na napapaiyak ako. Pakiramdam ko’y lahat ng liwanag sa buhay ko’y naglaho. Namimighati ako, at na-miss ko talagang pumunta sa mga pagtitipon. Ang tanging nagagawa ko kapag walang mga kustomer ay ang magsulat sa aking notebook ng mga salita ng Diyos na naaalala ko, at binabasa at pinagninilayan ang mga ito kapag may oras ako. Nadama ko ang tulong at patnubay ng Diyos. Palagi akong nakatingin sa kalendaryo, binibilang ang mga araw na natitira sa aking kontrata. Nais ko nang matapos ang trabahong iyon at simulang makipagtipon ulit.

Isang araw nag-Facebook ako at nakita ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na ipinadala ng isang kapatid: “Darating ang lahat ng uri ng sakuna, sunud-sunod; daranas ng mga kalamidad ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang nangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga iyon sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga iyon sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang kababalaghan ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa lahat ng bansa at mga bayan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 65). “Ang awa Ko ay inihahayag sa mga nagmamahal sa Akin at nagtatatwa ng kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng kasamaan, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang katiwasayan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinasusuklaman ang kanilang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong may kaisipang katulad ng sa Akin. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa pag-iisip; lagi Ko silang kinasusuklaman sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong gantihan Ko sila, na maiibigan Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Naramdaman ko ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, at talagang natakot ako. Nakita kong natutupad ang sinabi Niya. Nitong mga huling nagdaang taon, pumutok ang bulkan sa Mindanao, at ang mga sakunang tulad ng mga bagyo, lindol, at pandemya ay dumarami at mas tumitindi. Pero sa pagkakataong ito, nagpasya akong kumita ng pera at lumayo sa Diyos. Natakot akong kung wala ang proteksyon ng Diyos, kapag dumating ang sakuna ay masasawi ako. Nagdasal ako, “Diyos ko, patawarin Mo po ako sa pagpili sa pera, at paglayo sa Iyo. Alam kong hindi ko po sinunod ang Iyong kalooban, pero gusto ko pong magsisi.” Sinabi ko sa sarili ko na hindi pa huli ang lahat para magsisi, may pagkakataon pa akong makabalik sa mga pagtitipon. Inaabangan kong matapos ang kontrata ko para makagawa ako ulit ng tungkulin.

Naaalala ko na talagang nababahala ako noong Disyembre 15, 2019. Hindi ko alam kung bakit, pero may masama akong kutob. Wala akong ganang magtrabaho—gusto ko nang umuwi at umalis sa mall. Tapos ay nagpasama sa akin ang isang katrabaho na pumunta sa banyo. Makalipas ang ilang minuto, habang naglalakad kami pabalik sa mall, biglang gumewang ang lupa. Nakita kong tumatakbo palabas ng mall ang mga tao. Ang ilan ay takot na takot. Naglaglagan ang mga bagay-bagay mula sa istante kahit saan. Buti na lang nasa tapat kami ng exit, kaya dali-dali kaming nakalabas ng gusali. Umuuga nang husto na para akong nasa duyan. Nang makapunta ako sa isang ligtas na lugar, inisip ko ang lahat ng nangyari, kung paano nangyaring lumabas ako ng mall para pumunta sa banyo bago ito nagsimula, at kung paanong kailangan naming maghintay nang matagal sa labas dahil maraming tao roon. Nagsimula ang lindol noon mismong gusto na naming bumalik sa mall. Eksakto ang tiyempo—pinrotektahan ako ng Diyos mula sa dalang panganib ng lindol. Sobrang naantig ako, hindi dahil nakaligtas ako, kundi dahil nakita ko ang pag-ibig ng Diyos at na kasama ko Siya. Iniligtas Niya ako mula sa lindol. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos mula sa aking puso, “Salamat po Makapangyarihang Diyos, iniligtas Mo po ako!” Maraming tumakbo sa isipan ko habang nakatayo ako sa labas ng mall. Alam kong kumita ako ng kaunting pera, pero nakaramdam ako ng pagkabalisa at pagkalungkot. Napagtanto kong hindi mahalaga ang pera. Wala itong silbi sa isang sakuna. Ang paglapit sa harapan ng Diyos at pagtanggap ng Kanyang kaligtasan ang tanging mahalaga. Sa sandaling iyon, talagang inasam kong makauwi na at sumali sa isang pagtitipon. Gusto kong sabihin sa mga kapatid kung paano ako ginabayan ng Diyos palayo sa sakuna, at kung paano ko nasaksihan ang Kanyang pag-ibig at Kanyang mga gawa.

Habang pauwi ako noong araw na iyon, hindi ko mapigilang mag-isip-isip: Bakit pinrotektahan pa rin ako ng Diyos kahit na lumayo ako sa Kanya? Binuksan ko ang app ng iglesia at nakita ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos. “Ang pag-ibig ng Diyos ay praktikal: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naiiwasan ng tao ang sunud-sunod na mga sakuna, habang paulit-ulit na ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagpapaubaya sa mga kahinaan ng tao. Ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagbibigay-daan upang unti-unting makilala ng mga tao ang katiwalian at satanikong diwa ng sangkatauhan. Iyong ipinagkakaloob ng Diyos, ang Kanyang pagbibigay kaliwanagan sa tao at ang Kanyang paggabay ay nagbibigay-daan sa sangkatauhan upang higit pa lalong makilala ang diwa ng katotohanan, at patuloy na malaman kung ano ang kinakailangan ng mga tao, kung anong daan ang dapat nilang tahakin, para sa ano ang kanilang pamumuhay, ang kahalagahan at kahulugan ng kanilang mga buhay, at kung paano lumakad sa daang tatahakin. Lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa Kanyang orihinal na layunin. Ano, kung gayon, ang layuning ito? Bakit ginagamit ng Diyos ang mga paraang ito upang isagawa ang Kanyang gawain sa tao? Anong resulta ang nais Niyang makamit? Sa madaling salita, ano ang nais Niyang makita sa tao? Ano ang nais Niyang makuha mula sa kanila? Ang nais na makita ng Diyos ay na maaaring mapasiglang muli ang puso ng tao. Ang mga paraang ito na ginagamit Niya upang gumawa sa tao ay isang patuloy na pagsisikap na gisingin ang puso ng tao, gisingin ang espiritu ng tao, bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung saan sila nanggaling, sino ang gumagabay, sumusuporta, at nagkakaloob sa kanila, at kung sino ang nagpahintulot sa tao na mabuhay hanggang sa ngayon; ang mga ito ay paraan upang bigyang-kakayahan ang tao na maunawaan kung sino ang Lumikha, na Siyang dapat nilang sambahin, kung anong uri ng daan ang dapat nilang lakaran, at sa anong paraan dapat lumapit ang tao sa harapan ng Diyos; ang mga ito ay paraan upang unti-unting pasiglahin ang puso ng tao, upang makilala ng tao ang puso ng Diyos, maunawaan ang puso ng Diyos, at maintindihan ang matinding pangangalaga at paglingap na nasa likod ng Kanyang gawain na iligtas ang tao. Kapag napasigla na ang puso ng tao, hindi na niya nais pang mabuhay na may masama at tiwaling disposisyon, kundi sa halip ay nais hanapin ang katotohanan upang palugurin ang Diyos. Kapag ang puso ng tao ay nagising na, nakakaya na ng tao na ihiwalay ang kanilang sarili nang lubusan kay Satanas. Hindi na sila mapipinsala pa ni Satanas, hindi na muling kokontrolin o lilinlangin nito. Sa halip, ang tao ay maaaring maagap na makipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga salita upang bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos, sa gayon ay nakakamit ang pagkatakot sa Diyos at ang paglayo sa kasamaan. Ito ang orihinal na layunin ng gawain ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Talagang naantig ako nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Nadama ko ang pag-ibig ng Diyos at ang Kanyang awa. Pinili kong isuko ang mga pagtitipon at ang aking tungkulin para sa kasiyahan ng laman, kaya inakala kong hindi ako ililigtas ng Diyos. Ngunit pinrotektahan Niya ako sa lindol na iyon, at nakita kong hindi Niya ako pinabayaan. Nais ng Diyos na magising ako at tumigil sa pagnanasa ng pera, na bumalik ako sa harapan Niya, hanapin ang katotohanan, at gampanan ang tungkulin ko. Nadama kong napakaswerte ko. Hindi ko puwedeng sayangin ang pagkakataong iyon mula sa Diyos, kundi kailangan kong magsisi, bitawan ang mga kasiyahan ng laman, at bumalik sa paggawa ng tungkulin ng isang nilikha sa iglesia.

Nang matapos ang aking kontrata, halos ibinuhos ko ang lahat ng oras at lakas ko sa aking tungkulin. Nakadama ako ng ilang kahinaan kapag nagkakaproblema ako sa aking tungkulin, at napapagod talaga ako minsan at gustong magpahinga, pero lagi kong iniisip kung paano ako pinrotektahan ng Diyos sa lindol. Gaano man karaming paghihirap ang naranasan ko, alam kong kailangan kong magsumikap na makipagtulungan at gawin ang aking tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Inisip kong matatakasan ko ang hirap ng mga sakuna at magkakaroon ako ng magandang hantungan sa pamamagitan lamang ng paggawa ng tungkulin ko sa ganitong paraan. Pagkatapos isang araw, napanood ko ang isang patotoong tinatawag na Nailantad ang Aking Motibo Para sa Pagpapala sa Pamamagitan ng Karamdaman. Isa iyong video ng isang kapatid na matagal nang mananampalataya, na maraming isinuko at nagtrabaho nang husto, ginagawa ang kanyang tungkulin hanggang sa nagkaroon siya ng malubhang sakit. Naging miserable siya at nagreklamo pa nga. Pakiramdam niya ay marami siyang ginugol, at na dapat protektahan siya ng Diyos at pakitaan siya ng kabaitan. Kaya hindi niya maunawaan kung bakit siya nagkasakit. Bakit hindi siya pinrotektahan at pinakitaan ng biyaya ng Diyos? Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto niyang hindi niya ginagawa ang kanyang tungkulin para hanapin ang katotohanan at sundin ang Diyos, kundi para pagpalain at makapasok sa kaharian ng Diyos. Ipinakita sa akin ng kanyang karanasan na ang mga motibo ko sa aking tungkulin ay maaaring marumi rin, dahil ginawa ko ang tungkuling iyon na umaasa na ililigtas ako ng Diyos mula sa sakuna. Natakot ako na sinusubukan kong makipagtawaran sa Diyos, katulad ng kapatid na ito. Tinanong ko ang sarili ko noong gabing iyon: Ginagawa ko ba ang tungkulin ko para malugod ang Diyos, o ginagawa ko ba ito para makuha ang biyaya ng Diyos? Napaisip ako sa nakaraan. Matapos ang lindol, lubha akong natakot. Natakot akong masasadlak ako sa sakuna. Kaya ang pananabik kong makabalik sa paggawa ng tungkulin ay pag-aasam lamang na ililigtas ako ng Diyos sa mga sakuna. Noon ko natanto na pareho ng sa kapatid sa video ang mga motibo at pananaw ko. Dumanas siya ng karamdaman, at ako ay dumanas ng lindol. Ang aking mga paggugol ay hindi upang magpasakop sa Diyos at mapalugod Siya, kundi ito ay para maprotektahan Niya ako mula sa sakuna, para sa huli ay makaligtas ako at makapasok sa Kanyang kaharian. Talagang balisa ako nang gabing iyon. Hindi ko talaga matanggap na ginagawa ko lang ang tungkulin ko kapalit ng mga pagpapala ng Diyos. Gustung-gusto kong maging totoo rito. Pero ang totoo ay para lamang magtamo ng mga pagpapala ang pananampalataya ko. Wala akong takot sa Diyos sa aking puso, at hindi ko Siya sinunod at sinamba bilang aking Lumikha.

Kalaunan, naghanap ako ng ilang nauugnay na mga salita ng Diyos, at nagtamo ng ilang kaalaman tungkol sa aking sariling maling mga paghahangad. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang palagay sa Akin ng mga tao ay isa lamang manggagamot na walang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Ganap na inihayag ng mga salita ng Diyos ang aking kalagayan. Ang aking pananampalataya ay para lamang magtamasa ng Kanyang biyaya, para mailigtas Niya ako sa sakuna. Pagkatapos ng lindol, binitawan ko ang aking paghahangad para sa pera at kasiyahan, at bumalik sa aking tungkulin sa iglesia, ngunit gaano man ako nagtrabaho nang husto, sinikap ko lang na mailigtas ako ng Diyos at mailayo ako sa sakuna. Gusto kong gamitin ang pagkakataon kong gumawa ng tungkulin kapalit ng mga pagpapala ng kaharian ng Diyos. Gumawa ako ng tungkulin para lamang magtamo ng mga pagpapala—nakipagtawaran ako sa Diyos. Labis akong napahiya at nakonsensya nang makita ko ang aking mga kasuklam-suklam na motibo at maling pananaw. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, nagpapasalamat po ako sa Iyo sa paglalantad ng aking tiwaling disposisyon, sa pagtutulot po sa akin na makilala ang aking sarili at makita kung gaano ako katiwali. Lahat po ng pagsisikap ko ay pakikipagtawaran sa Iyo. Dinadaya po Kita. O Diyos, ayoko nang gawin ang tungkulin ko para lang sa mga pagpapala. Hahangarin ko pong malugod Ka.”

Isang araw, nagpadala sa akin ang isang sister ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na tumulong din sa akin na makilala nang kaunti ang sarili ko. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa inyong pananampalataya sa Diyos, anong landas ang tinatahak ninyo ngayon? Kung hindi ninyo hinahangad, tulad ni Pedro, ang buhay, pag-unawa sa inyong sarili, at kaalaman sa Diyos, hindi mo tinatahak ang landas ni Pedro. Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: ‘Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at gampanang mabuti ang aking tungkulin.’ Pinangingibabawan ito ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ang kanilang pagkaunawa ng ilang salita ng doktrina na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at kanyang hinangad; ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na maraming tao ang kayang isuko ang lahat para gumugol para sa Kanya, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan, at ang layunin nila ay hindi para mapalugod ang Diyos, kundi para makakuha ng Kanyang mga pagpapala. Katulad lang sila ni Pablo. Nagdusa at naglakbay nang husto si Pablo upang ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon, ngunit nais lamang niyang mapalitan ang gawain at pagsisikap na iyon ng mga pagpapala ng Diyos. Pagkatapos niyang gumawa ng maraming trabaho, sinabi niya, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Lahat ng ginawa ni Pablo ay para lamang makipagtawaran. Lahat ng ito ay para sa mga pagpapala, gantimpala, para sa isang korona. Sa trabaho lang siya may pakialam, hindi sa pagsasagawa ng katotohanan, at nabigo siyang pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Bunga nito, hindi kailanman nagbago ang kanyang disposisyon. Kaya hindi siya kailanman binigyan ng pagsang-ayon ng Diyos, kahit na napakarami niyang ginawa. Sa pagninilay-nilay sa aking sarili, nakita kong katulad lang ako ni Pablo. Umalis ako sa trabaho at ibinigay ang halos lahat ng aking oras at lakas sa aking tungkulin, kung minsan ay kumakain lang ng isang beses sa isang araw kapag abala ako. Ngunit hindi iyon para hanapin ang katotohanan o para mapalugod ang Diyos. Hindi ko sinikap na kilalanin ang sarili ko o lutasin ang aking katiwalian habang ginagawa ang tungkulin ko. Gusto ko lang makita ng Diyos kung gaano ako nagsumikap, para iligtas ako sa mga sakuna upang sa huli ay makapasok ako sa Kanyang kaharian at magkaroon ng magandang destinasyon. Nakita ko kung gaano katindi ang ginawang pagtitiwali sa akin ni Satanas, kung gaano kamakasarili ang kalikasan ko, at na ang lahat ng ginawa ko ay para sa sarili ko. Wala akong katapatan o tunay na pagmamahal sa Diyos. Sarili ko lang ang minahal ko. Napakasakit para sa akin na makita ito. Nagdasal ako, “Diyos ko, pakiusap, tulungan Mo po akong baguhin ang aking mga motibo at pananaw sa tungkulin ko. Gusto kong gawin ang aking tungkulin ayon sa hinihingi Mo, hindi para sa aking sarili.”

Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Wala Akong ibang magagawa at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng masasamang layon at wala kayong interes sa Akin. Iyan ang lawak ng inyong tungkulin, ng inyong tanging tungkulin. Hindi ba ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang? Paano kayo maituturing bilang isang nilalang? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at hamak na katulad ninyo, kundi para sa mga yaong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang kabuluhan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa araw-araw! Kung hindi ninyo kayang maging tapat sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kahihinatnan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan! Hindi lamang hindi sinisikap ng mga mangmang at mayayabang ang kanilang makakaya, ni hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin, nakalahad pa ang kanilang mga palad para sa biyaya, na para bang karapat-dapat sila sa kanilang hinihingi. At kung bigo silang matamo ang kanilang hinihingi, lalo pa silang nagiging hindi matapat. Paano maituturing na makatwiran ang gayong mga tao? Mahina ang inyong kakayahan at wala kayong katwiran, ganap kayong walang kakayahang tuparin ang tungkuling dapat ninyong gawin sa gawain ng pamamahala. Bumaba na ang inyong kahalagahan. Ang kabiguan ninyong suklian Ako sa pagpapakita sa inyo ng gayong biyaya ay isa nang pagpapakita ng sukdulang pagkasuwail, na sapat upang kayo ay isumpa at nagpapamalas ng inyong karuwagan, kawalan ng kakayahan, kababaan, at pagiging hindi karapat-dapat. Paano kayo nagkaroon ng karapatang patuloy na ilahad ang inyong mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Hindi ko natanto kung gaano ako kasakim hanggang sa mabasa ko iyon. Gumugol ako ng maraming oras sa aking tungkulin, ngunit kasabay niyon ay humihingi ako ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos at nakikipagtawaran sa Kanya. Hindi ko talaga ginagawa ang tungkulin ko at hindi ako isang tunay na nilikha. Paano ako nagkaroon ng anumang karapatan na humingi ng biyaya ng Diyos? Ano ang karapatan ko na humiling na iligtas Niya ako mula sa sakuna at papasukin ako sa Kanyang kaharian? Kung wala ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, hindi ko pa rin malalaman kung gaano ako kasuwail at katiwali, o kung gaano kinamumuhian ng Diyos ang aking mga kasuklam-suklam na motibo para magtamo ng mga pagpapala. Inisip ko lang ang sarili ko, hindi ang kalooban ng Diyos. Ang isang tulad ko ay hindi karapat-dapat sa mga pagpapala at pagliligtas ng Diyos. Ang disposisyon ng Diyos ay banal at matuwid. Gusto Niya ang mga taong tapat sa Kanya, na kayang gawin ang isang tungkulin nang may dalisay na puso. Ngunit may dalisay at taos ba akong puso? Wala talaga. Hiyang-hiya ako sa mga kasuklam-suklam kong motibo at labis-labis na mga hangarin. Hindi ako karapat-dapat sa biyaya ng Diyos o sa Kanyang pagpapala. Gusto kong baguhin ang aking sarili at ang aking mga maling motibo, at umasa ako na maibibigay ko ang lahat ng mayroon ako sa aking tungkulin upang mapalugod ang Diyos.

Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakatulong sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Dahil ako ay isang nilikha, dapat kong gawin ang aking tungkulin—responsibilidad at obligasyon ko iyon. Hindi ako dapat nakikipagtawaran sa Diyos o humihingi ng mga pagpapala mula sa Diyos, at hindi ko dapat iniisip kung maliligtas ba ako o parurusahan sa huli. Kailangan ko lang isipin kung paano gawin nang maayos ang aking tungkulin. Akala ko dati, hindi ako parurusahan ng Diyos hangga’t gumagawa ako ng tungkulin, at hindi rin Niya ako hahayaang masadlak sa sakuna. Akala ko’y parurusahan lamang Niya ang mga taong hindi sumusunod sa Kanya o gumagawa ng tungkulin, kaya sinikap kong gamitin ang aking tungkulin bilang pamalit para sa proteksyon ng Diyos. Pagkatapos ay napagtanto ko na ang isang tungkulin ay ang pinakamababang dapat gawin ng isang nilikha. Wala itong kinalaman sa pagiging pinagpapala o isinumpa. Kung maliligtas man ako o maparurusahan sa huli, tinitingnan ng Diyos kung nakamit ko na ang katotohanan, at kung nagbago na ba ang disposisyon ko. Iyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa mga sakuna, kahit isa ako sa mga mapipinsala o mamamatay, dapat pa rin akong magpasakop sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos at huwag na huwag sisihin ang Diyos. At hindi ko na dapat gamitin ang paggawa ng tungkulin para subukang makaligtas sa mga sakuna. Hindi iyan paggawa ng tungkulin ng isang nilikha. Dapat kong ialay ang sarili ko sa Diyos at gawin ang tungkulin ko nang walang kapalit, dahil ako’y isa lamang nilikha. Sa aking tungkulin pagkatapos niyon, lagi kong sinusuri ang mga motibo ko at pinaaalalahanan ang aking sarili na hindi ko ito dapat gawin para sa aking sarili, kundi para mapalugod ang Diyos at maghatid ng kagalakan sa Kanya.

Labis-labis ang aking pasasalamat sa Diyos! Ginamit Niya ang mga sitwasyong ito upang ibunyag ang aking tiwaling disposisyon at mga maling pananaw, para magbigyan ako ng kaunting kaalaman tungkol sa mga kasuklam-suklam kong motibo sa paghahanap ng mga pagpapala, at gumawa ng ilang pagbabago sa aking mga pananaw sa pananampalataya. Ngayon, ayaw ko nang gumawa ng tungkulin para makakuha ng biyaya mula sa Diyos o makatakas sa sakuna, kundi gusto ko lang talagang hanapin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ng isang nilikha para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman