Ibinunyag Ako ng Pagkakaaresto sa Aking Anak

Enero 12, 2025

Ni Lin Zhi, Tsina

Sa pagkagat ng dilim noong Oktubre 14, 2023, ipinagbigay-alam sa akin ng isang sister na isang lider mula sa Iglesia ng Xinguang ang inaresto ng mga pulis. Nabigla ako nang mabalitaan ko ito at naisip ko, “Nakupo! ‘Yung anak kong babae kaya?” Agad kong binuksan ang sulat na ibinigay sa akin, para lang mabasa na, “Naaresto nga si Min Jing …” Biglang naubos ang lahat ng lakas mula sa aking katawan at naisip ko, “Naaresto ang anak ko! Lubhang masasama at kasuklam-suklam ang mga pulis na iyon. Wala silang hindi gagawin sa malupit nilang pang-uusig sa mga mananampalataya. Paano niya makakayanan ito? Ang anak ko ay sarili kong laman at dugo. Paano ko matitiis na hayaan siyang magdusa ng ganoong pagdurusa?” Pakiramdam ko ay para bang sinaksak at pinipilipit ang isang kutsilyo sa puso ko at desperado kong hiniling na sana ako na lang ang dumaan sa pagdurusang iyon sa halip na ang anak ko. Alalang-alala talaga ako dahil kapag nalaman ng mga pulis na isang lider ang anak ko, siguradong pipilitin siya ng mga ito na magsiwalat ng mga detalye tungkol sa iglesia. Nag-alala ako na kung hindi niya isisiwalat ang mga detalyeng iyon, baka lumpuhin siya ng mga pulis sa bugbog. Kung malulumpo siya sa ganoon kabatang edad, paano na siya makapapamuhay nang maayos sa hinaharap? Kung mapatay siya sa bugbog, habambuhay nang mawawala sa akin ang anak ko. Dalawang taon pa lamang siyang dumadalo sa mga pagtitipon at marami pa siyang katotohanan na hindi pa nauunawaan. Paano nagawang itulot ng Diyos na maaresto siya ng mga pulis? Bukod dito, tinalikuran ng anak ko ang kanyang propesyon at ang kanyang buhay may-asawa para maibuhos ang kanyang buong oras sa paggugol ng kanyang sarili para sa Diyos. Bakit hindi siya pinrotektahan ng Diyos? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang mga tao? Nagsimula akong magreklamo laban sa Diyos, at habang lalo kong naiisip ang buong bagay na ito, lalo namang sumama ang loob ko. Hindi ko napigilang mapaluha. Ginusto kong magbasa ng mga salita ng Diyos para maituwid ang kalagayan ko, pero hindi ko talaga ito magawa. Naisip ko ang dalawang sister na nakasama ko noon, na matapos maaresto, ay pinilit na magkanulo ng mga lider at manggagawa, sapilitang na-brainwash at kalaunan ay ipinagkanulo ang Diyos at naging mga Hudas. Sigurado akong pipilitin din ng mga pulis ang anak ko na ipagkanulo ang iglesia, at kung ibi-brainwash din nila siya, at sa huli ay maligaw at kumilos siya na parang isang Hudas, tuluyan na siyang mawawalan ng pagkakataon sa kaligtasan! Habang iniisip ko ito, hindi ko maiwasang magreklamo sa aking puso, iniisip na, “Bakit hindi pinrotektahan ng Diyos ang aking anak? Bakit itinulot Niyang mangyari sa anak ko ang ganitong uri ng sitwasyon?” Sinisi ko rin ang sister na nagpapatuloy sa aking anak dahil sa kawalan nito ng pag-iingat at sa kabiguan nitong mapagtanto kung gaano na kadelikado ang sitwasyon at sa hindi paglipat sa anak ko sa tamang oras sa tahanan ng ibang host. Pagkatapos niyon, ilang araw akong nasa masamang kalagayan—hindi ako makakain, makatulog, o makapagtuon sa aking tungkulin, ni hindi nga ako nakinig nang makipagbahaginan sa akin ng mga salita ng Diyos ang sister na kapareha ko. Hindi ko mapigilang maglaro ang imahinasyon ko. Alam ko na kung magpapatuloy ako nang ganito, maaantala ko ang aking tungkulin at magdurusa ang buhay ko, kaya lumapit ako sa harapan ng Diyos para manalangin, “O Diyos ko! Mula nang maaresto ang anak ko, lubhang naging negatibo at mahina ako at nagreklamo pa nga ako laban sa Iyo at nagkaroon ng maling pagkaunawa sa Iyo. Hindi ko alam kung anong leksyon ang dapat kong matutunan mula sa sitwasyong ito. Pakigabayan Mo nawa ako para maunawaan ko ang Iyong layunin.”

Pagkatapos niyon, binasa sa akin ng sister na kapareha ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dapat ay madalas na suriin ng mga tao ang anumang bagay sa kanilang puso na hindi kaayon ng Diyos, o na isang maling pagkaunawa sa Kanya. Paano ba nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa? Bakit nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos? (Dahil naaapektuhan ang sarili nilang interes.) Matapos makita ng mga tao ang mga totoong pangyayari tungkol sa pagpapalayas sa mga Hudyo mula sa Judea, nasaktan sila, at sinabing, ‘Noong una, mahal na mahal ng Diyos ang mga Israelita. Inakay Niya sila palabas ng Ehipto at itinawid sa Dagat na Pula, binigyan sila ng manna mula sa kalangitan at tubig-bukal na maiinom, pagkatapos ay personal Niya silang binigyan ng mga batas para pamunuan sila, at tinuruan sila kung paano mamuhay. Nag-uumapaw ang pagmamahal ng Diyos para sa tao—lubhang pinagpala ang mga taong nabuhay noon! Paanong biglang nagbago ang saloobin ng Diyos sa isang kisap-mata? Saan napunta ang lahat ng Kanyang pagmamahal?’ Hindi ito matanggap ng mga tao, at nagsimula silang magduda, sinasabing, ‘Ang Diyos ba ay pag-ibig o hindi? Bakit hindi na makita pa ang orihinal Niyang saloobin sa mga Israelita? Naglahong parang bula ang Kanyang pagmamahal. May pagmamahal ba Siya kahit kaunti?’ Dito nagsisimula ang maling pagkaunawa ng mga tao. Ano ang konteksto kung saan bumubuo ng mga maling pagkaunawa ang mga tao? Dahil kaya ito sa hindi kaayon ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Ang katunayan bang ito ang nagiging sanhi para magkamali ang tao ng pagkaunawa sa Diyos? Hindi ba’t nagkakaroon ng maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos dahil nililimitahan nila ang depinisyon nila ng Kanyang pagmamahal? Iniisip nilang, ‘Ang Diyos ay pag-ibig. Samakatuwid, dapat Niyang alagaan at protektahan ang mga tao, at buhusan sila ng biyaya at mga pagpapala. Ganito ang pagmamahal ng Diyos! Gusto ko kapag minamahal ng Diyos ang mga tao nang ganito. Lalo kong nakikita kung gaano minahal ng Diyos ang mga tao nang itawid Niya sila sa Dagat na Pula. Lubos na pinagpala ang mga tao noon! Nais ko sanang maging isa sa kanila.’ Kapag wiling-wili ka sa kuwentong ito, tinatrato mo ang pagmamahal na ibinunyag ng Diyos sa sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan, at ang nag-iisang palatandaan ng Kanyang diwa. Nililimitahan mo ang pagpapakahulugan mo sa Kanya sa iyong puso, at tinatrato ang lahat ng ginawa ng Diyos nang sandaling iyon bilang pinakamataas na katotohanan. Iniisip mong ito ang pinakakaibig-ibig na katangian ng Diyos, at ang siyang pinakanagtutulak sa mga tao para igalang at katakutan Siya, at na ito ang pagmamahal ng Diyos. Ang totoo niyan, ang mga kilos mismo ng Diyos ay positibo, pero dahil sa limitado mong mga depinisyon, naging mga kuru-kuro ang mga ito sa iyong isip, at basehan kung paano mo binibigyang-kahulugan ang Diyos. Dahil sa mga ito ay nagkakamali ka ng pagkaunawa sa pagmamahal ng Diyos, na para bang wala nang anupaman ito kundi awa, malasakit, proteksyon, patnubay, biyaya, at mga pagpapala—na para bang iyon lang ang pagmamahal ng Diyos. Bakit labis mong pinahahalagahan ang mga aspektong ito ng pag-ibig? Dahil ba nauugnay ito sa pansarili mong interes? (Oo, ganoon nga.) Sa aling mga pansariling interes ito nauugnay? (Sa mga layaw ng laman at isang maginhawang buhay.) Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos, gusto nilang matamo ang mga bagay na ito mula sa Kanya, pero hindi ang iba pang bagay. Ayaw isipin ng mga tao ang tungkol sa paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, pagdurusa para sa Diyos, pagtalikod sa mga bagay at paggugol ng kanilang sarili, o maging pagsasakripisyo ng kanilang sariling buhay. Gusto lang ng mga tao na tamasahin ang pagmamahal, malasakit, proteksyon, at patnubay ng Diyos, kaya binibigyang-kahulugan nila ang pagmamahal ng Diyos bilang ang tanging katangian ng Kanyang diwa, at ang nag-iisa Niyang diwa. Hindi ba’t ang mga bagay na ginawa ng Diyos noong itinawid Niya ang mga Israelita sa Dagat na Pula ang pinagmulan ng mga kuru-kuro ng mga tao? (Oo, ang mga ito ang pinagmulan.) Lumikha ito ng konteksto kung saan bumuo ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung bumuo sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, matatamo ba nila ang isang tunay na pagkaunawa tungkol sa gawain at disposisyon ng Diyos? Malinaw na hindi lamang sa hindi nila ito mauunawaan, kundi magkakamali rin sila ng interpretasyon dito at bubuo ng mga kuru-kuro tungkol dito. Pinatutunayan nito na masyadong makitid ang pag-unawa ng tao, at hindi ito tunay na pagkaunawa. Dahil hindi ito ang katotohanan, kundi isang uri ng pagmamahal at pagkaunawa na sinusuri at binibigyang-kahulugan ng mga tao mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kuru-kuro, imahinasyon, at makasariling hangarin; hindi ito naaayon sa tunay na diwa ng Diyos. Sa ano pang mga paraan minamahal ng Diyos ang mga tao bukod sa awa, pagliligtas, malasakit, proteksyon, at pagdinig sa kanilang mga panalangin? (Sa pamamagitan ng pagtutuwid, pagdidisiplina, pagpupungos, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino.) Tama iyon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa maraming paraan: sa pamamagitan ng pamamalo, pagdidisiplina, panenermon, gayundin ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at iba pa. Ang lahat ng ito ay aspeto ng pagmamahal ng Diyos. Tanging ang perspektibang ito ang komprehensibo at naaayon sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ito, kapag sinusuri mo na ang iyong sarili at napagtatantong mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ba’t magagawa mo nang kilalanin ang iyong mga pagkabaluktot, at na dapat mong pagbutihan ang pagninilay-nilay kung saan ka nagkamali? Hindi ba’t matutulungan ka nitong lutasin ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Oo, makakatulong ito.) Upang magawa ito, dapat mong hanapin ang katotohanan. Hangga’t hinahanap ng mga tao ang katotohanan, mapapawi nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at sa sandaling mapawi na nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, makapagpapasakop na sila sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na namumuhay ako sa isang kalagayang may maling pagkaunawa sa Diyos dahil nilimitahan ko ang Kanyang pagmamahal. Sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko, nanampalataya akong ang pagmamahal ng Diyos ay kinapapalooban ng awa, mapagmahal na kabaitan, proteksyon, at pagpapala. Ang pag-uusig, paghihirap, mga pagsubok at pagpipino ay hindi tugma sa kuru-kuro ko at naniwala akong hindi pagmamahal ng Diyos ang mga ito, kaya nang maaresto ang anak ko, nagreklamo ako at nagkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at hindi ko nagawang magpasakop sa sitwasyong pinatnugutan Niya. Nagnilay-nilay ako sa kung paanong, noon, napilitan akong umalis ng bahay dahil tinutugis ako ng mga pulis. Noong panahong iyon, batang-bata pa ang anak ko at nagawa naman niyang lumaking malusog sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Inakala kong ito ang bumubuo sa pagmamahal ng Diyos. Matapos sumampalataya sa Diyos, nagsimula na ang anak kong gumampan ng kanyang tungkulin sa iglesia. Inakala ko na dahil ginugugol naman ng aming buong pamilya ang aming sarili para sa Diyos, tiyak na magkakaroon kami ng magagandang kalalabasan at hantungan, kaya lalo kong inisip na ito ang pagmamahal ng Diyos at pinasalamatan ko ang Diyos sa aking puso. Ngayon, naaresto ang aking anak at malamang na papahirapan siya. Kung hindi niya kakayanin ang pag-uusig na ito at maging isang Hudas siya, mawawala ang pagkakataon niya sa kaligtasan. Dahil dito, nakuwestiyon ko ang pagmamahal ng Diyos, nasisi ko ang Diyos dahil sa hindi Niya pagprotekta sa aking anak, at nagkaroon ako ng maling pagkaunawa sa Kanya sa aking puso. Ang pagtingin ko sa pagmamahal ng Diyos ay nakabatay nang lubos sa kung ano ang pabor sa akin. Kung sisiguraduhin ng Diyos na magiging maayos at mapayapa ang lahat para sa aking pamilya at pabor sa aking pamilya ang mga kalalabasan, masasabi ko na ang Diyos ay pag-ibig. Pero kapag hindi umayon sa aking mga kuru-kuro at hindi pabor sa aking pamilya ang mga sitwasyon, itatatwa ko ang pag-ibig ng Diyos. Inakala ko na ang pag-ibig ng Diyos ay kinapapalooban ng awa, mapagmahal na kabaitan, proteksyon at mga pagpapala, pero kuru-kuro at imahinasyon ko ito at hindi ito ayon sa katotohanan. Hindi lang binubuo ng awa at mapagmahal na kabaitan ang pag-ibig ng Diyos, binubuo rin ito ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino. Maaaring tila isang masamang bagay ang pagkakaaresto sa aking anak, pero kung nagawa niyang hanapin ang katotohanan at manindigan sa kanyang patotoo, mapeperpekto ang kanyang pananalig at kalooban na dumanas sa pagdurusa. Makakabuti pa nga ito para sa anak ko. Bukod dito, ang pagkakaaresto sa anak ko ay nakatulong para mabunyag ang aking mga kuru-kuro, imahinasyon, at di-makatwirang mga hinihingi sa Diyos, nang sa gayon mapagnilayan ko ang aking katiwalian at mga karumihan. Naunawaan ko rin na hindi dapat maghanap ang isang tao ng biyaya at mga pagpapala sa kanyang pananalig at dapat siyang magtuon sa kung ano ang pinakamahalaga: ang maranasan ang gawain at mga salita ng Diyos, matamo ang katotohanan, maiwaksi ang katiwalian at makamit ang pagbabago sa disposisyon. Nakita ko na anuman ang gawin ng Diyos, lagi itong isang pagpapamalas ng Kanyang pagliligtas at pag-ibig.

Pagkatapos, patuloy akong naghanap hinggil sa aking isyu. Nang maaresto ang aking anak, sa aking puso ay hiling ako nang hiling sa Diyos at nagreklamo nang nagreklamo laban sa Diyos—ano ang naging kalikasan ng aking problema? Sa kalagitnaan ng aking paghahanap, natagpuan ko ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “May ilang mangmang na magulang na hindi nakakaunawa sa buhay o tadhana, hindi nila kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at madalas silang gumagawa ng mga kamangmangan pagdating sa kanilang mga anak. Halimbawa, pagkatapos matutong magsarili ng kanilang mga anak, maaaring maharap ang mga ito sa ilang espesyal na sitwasyon, paghihirap, o seryosong insidente; ang ilan ay nagkakasakit, may ibang nasasangkot sa mga demanda, may nagdidiborsiyo, may nalilinlang at naii-scam, at may iba pa na nakikidnap, napapahamak, nabubugbog nang husto, o nahaharap sa kamatayan. May ilan pa nga na nalululong sa droga, at iba pa. Ano ang dapat gawin ng mga magulang sa mga espesyal at mabibigat na sitwasyong ito? Ano ang karaniwang reaksiyon ng karamihan sa mga magulang? Ginagawa ba nila ang nararapat nilang gawin bilang mga nilikha na may pagkakakilanlan bilang magulang? Napakadalang na makarinig ang mga magulang ng gayong balita at tumugon tulad ng gagawin nila kung nangyari ito sa isang estranghero. Karamihan sa mga magulang ay nagpupuyat hanggang sa mamuti ang kanilang buhok, hindi makatulog gabi-gabi, walang gana kumain sa araw, pinipiga ang utak nila sa kakaisip, at ang ilan ay mapait pa ngang tumatangis, hanggang sa mamula ang kanilang mga mata at maubusan na sila ng luha. Taimtim silang nananalangin sa Diyos, hinihiling na isaalang-alang ng Diyos ang sarili nilang pananalig at protektahan Niya ang kanilang mga anak, na paboran at pagpalain Niya ang mga ito, na kaawaan Niya ang mga ito at iligtas ang buhay ng mga ito. Bilang mga magulang sa ganitong sitwasyon, nalalantad lahat ang kanilang mga kahinaan bilang tao, pagkamarupok, at damdamin para sa kanilang mga anak. Ano pa ang ibang nabubunyag? Ang kanilang pagiging mapaghimagsik laban sa Diyos. Nagsusumamo sila sa Diyos at nananalangin sa Kanya, nagmamakaawa sa Kanya na ilayo ang kanilang mga anak sa kapahamakan. Kahit pa maganap ang isang sakuna, ipinagdarasal nila na hindi mamatay ang kanilang mga anak, na ang mga ito ay makatakas sa panganib, hindi mapahamak ng masasamang tao, hindi lumala ang mga sakit, bagkus ay gumaling, at iba pa. Ano ba talaga ang ipinagdarasal nila? (Diyos ko, sa mga dasal na ito, mayroon silang mga hinihingi sa Diyos, nang may bahid ng pagrereklamo.) Sa isang aspekto, labis silang hindi nasisiyahan sa sitwasyon ng kanilang mga anak, nagrereklamo na hindi dapat hinayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. May halong reklamo ang kanilang kawalang-kasiyahan, at hinihiling nila sa Diyos na magbago ang isip Niya, na huwag Siyang kumilos nang ganito, na ilayo Niya ang kanilang mga anak mula sa panganib, na panatilihin Niyang ligtas ang mga ito, na pagalingin Niya ang sakit ng mga ito, na tulungan Niyang makatakas ang mga ito sa mga demanda, na makaiwas ang mga ito sa kalamidad kapag dumarating ito, at iba pa—sa madaling sabi, na gawin ng Diyos na maayos ang lahat. Sa pagdarasal nang ganito, sa isang aspekto, nagrereklamo sila sa Diyos, at sa isa pa, humihingi sila sa Kanya. Hindi ba’t ito ay pagpapamalas ng pagiging mapaghimagsik? (Oo.) Sa pahiwatig, sinasabi nila na ang ginagawa ng Diyos ay hindi tama o mabuti, na hindi Siya dapat kumilos nang ganito. Dahil mga anak nila ito, at sila ay mga mananampalataya, iniisip nila na hindi dapat hayaan ng Diyos na mangyari ang mga gayong bagay sa kanilang mga anak. Ang mga anak nila ay hindi katulad ng iba; dapat makatanggap ang mga ito ng mga espesyal na pagpapala mula sa Diyos. Sapagkat nananalig sila sa Diyos, dapat Niyang pagpalain ang kanilang mga anak, at kung hindi Niya ito gagawin, sila ay mababagabag, iiyak, magmamaktol, at aayaw nang sumunod sa Diyos. Kung mamamatay ang kanilang anak, mararamdaman nilang hindi na rin nila kaya pang mabuhay. Ito ba ang sentimyentong nasasaisip nila? (Oo.) Hindi ba’t isa itong uri ng pagprotesta laban sa Diyos? (Ganoon nga.) Ito ay pagprotesta laban sa Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). Inilalantad ng Diyos kung paanong humihiling ang mga magulang ng mga di-makatwirang bagay sa Diyos kapag nahaharap sa kasawian ang kanilang mga anak, naniniwalang dapat kumilos ang Diyos sa ganito o ganoong paraan at sinisisi Siya kung hindi Siya kumikilos nang ayon sa gusto nila. Pagpoprotesta ito laban sa Diyos. Nasa ganoon na ganoon akong kalagayan. Pagkarinig kong naaresto ang aking anak, nag-alala at natakot ako na pahihirapan at pagdudusahin siya ng mga pulis, at mas nag-alala pa nga ako na baka ipagkanulo niya ang mga kapatid, maging isang Hudas at hindi magkaroon ng magandang kalalabasan. Hindi ko na namalayan na nagsimula na pala akong magreklamo laban sa Diyos, iniisip na, “Iniwan naman ng anak ko ang kanyang propesyon para gugulin nang buong panahon ang kanyang sarili para sa Diyos. Paanong hindi siya mapoprotektahan ng Diyos?” Lagi akong nagkakaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos o hindi kaya ay humihingi ng mga di-makatwirang bagay sa Kanya. Wala talaga ako sa katwiran! Inisip ko ang tungkol sa kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at isinasaayos Niya ang bawat sitwasyon na kinakaharap natin sa araw-araw. Pero, hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nawala ako sa katwiran at naging mapanlaban laban sa Diyos nang maaresto ang anak ko. Pagkatapos, nang subukan ng kapatid na kapareha ko na makipagbahaginan ng mga salita ng Diyos sa akin, ni hindi ako nakinig sa kanya at hindi ko tinanggap ang mga salita ng Diyos. Kung hindi ko nalutas ang kalagayan kong ito at may masamang nangyari sa aking anak, siguradong magrereklamo ako at baka kalabanin ko pa ang Diyos at ipagkanulo Siya! Naisip ko kung paanong noong dumaan si Job sa mga pagsubok at nawala ang lahat ng kanyang ari-arian at mga anak at napuno ng pigsa ang kanyang katawan, kinilala niya na ang Diyos ang nagbigay sa kanya ng kanyang ari-arian at mga anak, at na ipinahintulot ng Diyos na mabawi ang mga iyon. Dahil dito, hindi siya nagreklamo o nakipagtalo sa Diyos, at nagawa niyang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at sa mga pagsasaayos ng Diyos at pinuri pa nga niya ang pangalan ng Diyos. Sa panig ko naman, nang maharap ako sa pagkakaaresto sa aking anak, nagsimula akong mag-alinlangan sa pagkamakapangyarihan sa lahat, kataas-taasang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, patuloy na nag-aalala at nangangamba at hingi pa nga nang hingi at nakikipagtalo sa Diyos. Naghihimagsik at nilalabanan ko ang Diyos! Pagkatanto nito, ayaw ko na sanang maghimagsik o lumaban pa sa Diyos. Anuman ang mangyari sa aking anak, pahirapan man siya o hindi o kung magkakaroon ba siya ng magandang hantungan at kalalabasan, hindi na ako magrereklamo laban sa Diyos at magpapasakop ako sa lahat ng bagay sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.

Kalaunan, natagpuan ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos: “Sa mga mata ng Diyos, magkahiwalay ang buhay ng mga anak at ng mga magulang. Hindi sila pag-aari ng isa’t isa, at wala ring herarkiya ang kanilang ugnayan. Siyempre, lalong wala silang relasyon ng pagmamay-ari o pagiging pag-aari. Ang buhay nila ay nagmumula sa Diyos, at ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kanilang tadhana. Ang mga anak ay ipinanganak lang ng kanilang mga magulang, ang mga magulang ay mas matanda kaysa sa kanilang mga anak, at ang mga anak ay mas bata kaysa sa kanilang mga magulang; subalit, batay sa ugnayang ito, sa mababaw na penomenang ito, naniniwala ang mga tao na ang mga anak ay mga aksesorya at pribadong pag-aari ng kanilang mga magulang. Hindi ito pagtingin sa usapin mula sa ugat nito, kundi pagsasaalang-alang lamang ito batay sa panlabas na aspekto, sa laman, at sa mga damdamin ng isang tao. Samakatuwid, mali ang mismong paraang ito ng pagsasaalang-alang, at mali ang perspektibang ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 19). “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng kinalalakhang kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na nagkamali akong isipin na “personal kong pag-aari” ang aking anak dahil laman at dugo ko siya. Ang buhay ng tao ay galing sa Diyos—ang Diyos ang siyang nagbibigay sa tao ng mahalaga niyang hininga. Ang papel ng isang magulang ay ang magsilang lamang ng mga anak at palakihin sila hanggang sa wastong gulang. Kapag nakumpleto na ito, tapos na ang ating misyon. Ang bawat tao ay nakapag-iisa; may kani-kanyang kapalaran ang mga magulang at ang mga anak at ang bawat isa sa atin ay dapat mamuhay ayon sa rutang itinakda ng Lumikha, isinasakatuparan ang ating mga responsabilidad. Napagtanto ko rin na ang dahilan kung bakit nag-aalala ako sa pagdaan sa pagdurusa ng laman ng aking anak at, bilang kanyang ina, ginusto ko sanang ako na lang ang magdusa kapalit niya, ay dahil sa kakulangan ko ng pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa realidad, kung anong mga karanasan ang mararanasan natin, kung anong pagdurusa ang pagdaraanan natin at kung anong papel ang dapat nating gampanan sa buhay ay nakatakda na, kaya balewala lang ang pag-aalala ko. Kahit gaano pa ako mag-alala, walang magbabago at wala itong magiging epekto para sa kinabukasan at kapalaran ng anak ko. Kung, matapos maaresto, duwag na ginawa ng anak ko kung ano ang kinakailangan niya para manatiling buhay, ipinagkanulo ang mga kapatid para maprotektahan ang sarili niyang mga interes, naging isang Hudas at natiwalag, kung gayon, ang kanyang kalikasang diwa at ang landas na kanyang tinahak ang nagpasya nito. Walang sinumang makapagpapabago niyon. Pagkaraang mapagtanto ito, naging mas malinaw kaagad ang lahat. Alam kong kailangan kong ibigay ang aking anak sa Diyos, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ilagay ang aking puso sa aking gawain at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Kalaunan, pagkatapos kumain at uminom ng ilan sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng pagpeperpekto, at pagbubunyag at pagtitiwalag sa mga tao. Ginagamit ng Diyos ang malaking pulang dragon para dalisayin ang iglesia. Para sa mga nagsisihangad sa katotohanan, kahit ano pang masamang balak ang maisip ng CCP o kahit ano pang tsismis at kabulaanan ang imbentuhin nito, hindi sila maliligaw, hindi nila itatatwa o ipagkakanulo ang Diyos at magagawa nilang makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Para naman sa mga hindi nagsisihangad sa katotohanan at sa mga hindi sa Diyos, mabubunyag sila at matitiwalag sa pamamagitan ng mga kapaligirang ito. Ginagamit ng Diyos ang masasamang sitwasyong ito para subukin ang mga tao: Ang mga maninindigan sa kanilang patotoo ay mga trigo, samantalang ang mga hindi makakapanindigan ay mga inabandonang ipa. Isa ito sa mga pamamaraan sa proseso ng Diyos sa pagsubok sa mga tao at ito ang karunungan ng gawain ng Diyos. Makapasa man o hindi ang anak ko sa pagsubok na ito at magawa man niyang makapagpatotoo ay nakadepende sa kung paano niya hinangad ang katotohanan sa mga normal na pagkakataon at nakadepende rin ito sa kanyang kalikasang diwa at sa landas na pinili niya. Kung nagawa niyang manindigan sa kanyang patotoo sa Diyos, maipapakita niyon na mayroon siyang tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung, sa panahon ng pagsubok na ito, itinatwa at ipinagkanulo niya ang Diyos, ito ang magiging paraan ng Diyos para ibunyag siya. Matuwid ang Diyos sa lahat ng tao. Nang mapagtanto ko ito, pakiramdam ko ay nakalaya at napanatag ang loob ko.

Dalawang buwan na nakakalipas mula nang maaresto ang aking anak at wala pa rin akong anumang balita tungkol sa kanyang sitwasyon, pero alam kong ang kanyang kapalaran ay nasa mga kamay ng Diyos at hindi ako napipigilan ng kanyang sitwasyon. Bukod dito, napagtanto ko na kailangan kong pahalagahan ang oportunidad na mayroon pa rin ako para gawin ang aking tungkulin at gampanan nang maayos ang aking mga responsabilidad. Sa sandaling maisantabi ko na ang aking pag-aalala at malasakit para sa aking anak, magagawa ko nang ilagay ang aking puso sa aking tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply