Ang Aral na Natutunan Ko sa Pagkakasakit ng Anak Ko

Oktubre 1, 2025

Ni Li Xin, Tsina

Ako ang namamahala sa gawain ng sermon ng iglesia. Noong Hulyo 2023, umalis ako ng bahay para gawin ang tungkulin ko, at sa panahong iyon, ang anak kong babae ay nakapag-asawa na, nagkaanak, at may sarili na siyang pamilya. Nagtatrabaho sa ibang lugar ang manugang ko, at ang anak ko at ang apat na taong gulang kong apo ay sa bahay ko nakatira. Nang malapit na akong umalis, hindi ako mapakali, dahil habang wala ako sa bahay, kung sasakit ang ulo ng bata o lalagnatin ito, walang ibang tutulong sa anak ko. Pero naisip ko kung gaano kahalaga ang tungkulin ko, kaya tumuloy pa rin ako para gawin ito.

Minsan, umuwi ako noong Nobyembre, at sinabi sa akin ng anak ko na nagpunta siya sa ospital para magpatingin at na-diagnose daw siyang may depresyon. Nagulat ako at tinanong ko siya, “Paano ka nagkaroon ng depresyon? Ano ang bumabagabag sa iyo?” Masungit na sinabi ng anak ko, “Saan ba ako magsisimula?” Mabilis akong nagtanong, “Anong mga sintomas ang nararanasan mo? Gaano na kalubha?” Sabi ng anak ko: “Madalas akong hindi makatulog sa gabi, at kung ano-ano ang iniisip ko sa araw. Napakamiserable ng pakiramdam ko, at gusto ko na lang umiyak. Pakiramdam ko, walang kabuluhan ang buhay, at kung minsan, naiisip ko pa ngang ayoko nang mabuhay. Sabi ng doktor, kaya ko pa namang kontrolin ang mga iniisip ko, pero kapag hindi ko na makontrol, mapapahamak ako.” Nang marinig kong sinabi ng anak ko na naiisip na niyang ayaw na niyang mabuhay, medyo natakot ako, kaya inalo ko siya, “Huwag kang maniwala sa doktor. Baka nagkamali lang sila sa pagsusuri?” Sabi ng anak ko: “Alam ko ang sakit ko. Gusto ko lang malaman mo. Nagreseta ang doktor ng gamot na kailangan kong inumin sa loob ng anim na buwan, pero pagkatapos kong inumin, nagsusuka ako at sumasama ang pakiramdam ko. Walang ibang tao sa bahay, kaya natatakot ako, at gusto ko sanang manatili ka muna rito ng ilang araw.” Pagkasabi niyon, bumalik na sa kuwarto niya ang anak ko para magpahinga. Hindi ako mapakali sa loob ng mahabang panahon, iniisip na, “Hindi naman basta-basta nagkakaroon ng depresyon sa isang iglap lang. Gaano kaya katinding pasakit ang pinagdadaanan ng anak ko para magkaroon siya ng ganitong sakit?” Hindi ko maiwasang maawa sa anak ko, at pakiramdam ko ay hindi ko siya naalagaang mabuti. Sa tuwing umuuwi ako, nakatuon lang ako sa pagtulong sa kanya sa mas maraming gawaing-bahay, pero halos hindi kami nag-uusap nang masinsinan, at palagi na lang akong nagmamadaling umalis. Kung sa bahay lang sana ako gumagawa ng tungkulin, nagkaroon sana ako ng sapat na oras para makipag-usap sa kanya, at nasabi niya sana sa akin ang mga bumabagabag sa kanya. Napayuhan ko sana siya nang higit pa, at baka hindi lumala nang ganito ang kondisyon niya. Mula nang matagpuan ko ang Diyos, palaging sinusuportahan ng anak ko ang aking pananalig at mga tungkulin, at tinutulungan akong asikasuhin ang bahay, at nabawasan nito nang malaki ang mga alalahanin ko, pero ngayong may ganitong sakit ang anak ko, labis akong nakokonsensiya, na para bang hindi ako mabuting ina at hindi ko natupad ang responsabilidad ko bilang nanay. Naalala ko rin ang mga kaso ng mga taong may depresyon na nagpakamatay o tumalon mula sa mga gusali, at natakot talaga ako. Nag-alala ako kung ano ang mangyayari kung lumala ang kondisyon niya at may gawin siyang mapanganib habang wala ako sa bahay. Ano na lang ang mangyayari sa apo ko kung mawalan siya ng ina? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong natatakot at mas lalong nadudurog ang puso ko. Naisip ko na sa sandaling iyon, kailangan ng anak ko ng pagkalinga, at kailangan kong manatili sa bahay ng ilang araw, at kapag naging mas maayos na ang kondisyon niya, saka ako babalik sa paggawa ng tungkulin ko. Kaya nanatili ako sa bahay nang dalawang araw, at dinala ko ang anak ko sa isang tradisyonal na Tsinong doktor. Sinabi sa akin ng anak ko na nagkakaproblema sila ng asawa niya sa kanilang relasyon, at nag-aaway sila hanggang sa puntong pinag-iisipan na nilang magdiborsyo, at hindi inaasikaso ng mga biyenan niya ang bata. Pakiramdam niya ay naapi siya at namuhay siya nang laging nasusupil. Umiiyak ang anak ko habang inilalabas niya ang lahat ng sama ng loob sa kanyang puso. Nang makita kong humahagulhol ang anak ko, mas lalo pang nadurog ang puso ko at nakonsensiya ako, at pakiramdam ko ay binigo ko siya. Pakiramdam ko, kung mas nagmalasakit ako sa kanya at tumulong sa pag-aalaga sa bata, hindi sana siya makararanas ng ganoon katinding pagkasupil at sama ng loob. Ngayong may sakit na siya, pakiramdam ko ay hindi ko na siya puwedeng basta na lang pabayaan, at kailangan ko siyang alagaang mabuti para gumaling siya sa sakit na ito. Kaya nakipagbahaginan ako sa anak ko, sinasabi sa kanya na ang lahat ng pasakit na ito ay dala ni Satanas, at sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos makakamit ang Kanyang pangangalaga at proteksyon. Naghanap din ako ng ilang salita ng Diyos at mga video ng patotoong batay sa karanasan para sa anak ko, at pumayag siyang panoorin ang mga ito. Pero hindi pa rin ako mapanatag, at naisip ko, “Kung sa bahay ako gagawa ng tungkulin, makikita ko ang anak ko araw-araw, at kung mas madalas kaming mag-uusap, siguradong gaganda ang pakiramdam niya. Pero napakaabala ng tungkulin ko, at kung mananatili ako sa bahay, mahahati ang atensiyon ko at maaapektuhan ang tungkulin ko. Pero sa ganitong kondisyon ng anak ko, hindi ba niya iisipin na wala akong puso kung wala ako sa bahay? Nasa isang panig ang anak ko, at sa kabila naman ang tungkulin ko. Pareho silang mahalaga sa akin.” Nagtalo ang kalooban ko. Pagkatapos kong pag-isipan, pakiramdam ko pa rin ay hindi basta-basta ang sakit ng anak ko. Kaya nagpasya akong alagaan ang anak ko sa bahay habang ginagawa rin ang aking tungkulin, at kapag bumuti na ang pakiramdam ng anak ko, saka ako aalis ulit para gawin ang tungkulin ko.

Pagkatapos, bumalik ako sa tahanang tinutuluyan at sinabi ko sa lider ang tungkol sa anak ko. Pagkatapos makinig, sinabi sa akin ng lider, “Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. May layunin ang Diyos sa pagharap mo sa ganitong sitwasyon, at kailangan nating hanapin ang katotohanan.” Pagkatapos, sabay naming binasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nasa hustong gulang man ang kanilang mga anak o hindi pa, ang buhay ng mga magulang ay pagmamay-ari lamang nila, hindi pagmamay-ari ng kanilang mga anak. Natural na hindi libreng yaya o alipin sa kanilang mga anak ang mga magulang. Anuman ang mga ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak, hindi awtomatiko na hahayaan na lamang nila ang kanilang mga anak na basta-basta silang utus-utusan nang walang anumang kabayaran, o na maging utusan, kasambahay, o alipin sila ng kanilang mga anak. Anuman ang mga damdamin mo para sa iyong mga anak, ikaw ay isa pa ring taong malaya. Hindi mo dapat akuin ang responsabilidad sa kanilang buhay kapag nasa hustong gulang na sila, na para bang ganap na tamang gawin iyon, dahil lang sa sila ay mga anak mo. Hindi mo kailangang gawin ito. Sila ay mga taong nasa hustong gulang na; natupad mo na ang iyong responsabilidad na palakihin sila. Mamumuhay man sila nang maayos o hindi sa hinaharap, kung sila man ay magiging mayaman o mahirap, at kung sila man ay mamumuhay nang masaya o malungkot, personal na nilang usapin iyon. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo. Bilang isang magulang, wala kang obligasyon na baguhin ang mga bagay na iyon. Kung hindi masaya ang kanilang buhay, hindi ka obligadong sabihin na: ‘Hindi ka masaya—mag-iisip ako ng paraan para ayusin ito, ibebenta ko ang lahat ng ari-arian ko, uubusin ko ang lahat ng lakas ko sa buhay para pasayahin ka.’ Hindi mo kinakailangang gawin ito. Kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad, iyon lang. Kung gusto mo silang tulungan, maaari mo silang tanungin kung bakit hindi sila masaya, at tulungan silang maunawaan ang problema sa teoretikal at sikolohikal na antas. Kung tatanggapin nila ang tulong mo, mas mainam pa iyon. Kung hindi, kailangan mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang magulang, at wala nang iba pa. Kung gusto ng iyong mga anak na maghirap, problema na nila iyon. Hindi mo kailangang mag-alala o mabahala tungkol dito, o na hindi makakain o makatulog nang maayos. Sobra-sobra na kung gagawin mo iyon. Bakit sobra-sobra na? Dahil nasa hustong gulang na sila. Dapat silang matutong mamahala sa lahat ng bagay na kinakaharap nila sa buhay nang sila lang. Kung nag-aalala ka sa kanila, iyan ay pagmamahal lang; kung hindi ka nag-aalala sa kanila, hindi ito nangangahulugang wala kang puso, o na hindi mo natupad ang iyong mga responsabilidad. Sila ay nasa hustong gulang na, at ang mga nasa hustong gulang ay dapat humarap sa mga problema ng ganitong edad at pangasiwaan ang lahat ng bagay na dapat gawin ng mga tao na nasa hustong gulang. Hindi sila dapat umasa sa kanilang mga magulang sa lahat ng bagay. Siyempre, hindi dapat akuin ng mga magulang ang responsabilidad sa kung magiging maayos ba ang mga trabaho, propesyon, pamilya, o buhay may asawa ng kanilang mga anak kapag nasa hustong gulang na ang mga ito. Maaari kang mag-alala tungkol sa mga bagay na ito, at maaari kang magtanong tungkol dito, ngunit hindi mo kailangang lubusang pangasiwaan ang mga ito, iginagapos ang iyong mga anak sa tabi mo, dinadala sila kahit saan ka magpunta, binabantayan sila kahit saan ka magpunta, at iniisip sila: ‘Kumakain kaya sila nang maayos ngayon? Masaya kaya sila? Maayos kaya ang trabaho nila? Pinahahalagahan ba sila ng kanilang amo? Mahal ba sila ng kanilang asawa? Masunurin ba ang kanilang mga anak? Matataas ba ang marka ng kanilang mga anak?’ Ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Kayang lutasin ng iyong mga anak ang sarili nilang mga problema, hindi mo kailangang makialam. Bakit Ko itinatanong kung ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa iyo? Ang ibig Kong sabihin dito ay walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na iyon. Natupad mo na ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga anak, napalaki mo na sila tungo sa hustong gulang, kaya dapat ay huwag ka nang makialam. Sa sandaling gawin mo ito, hindi ibig sabihin na wala ka nang gagawin. Napakarami pa ring bagay na dapat mong gawin. Pagdating sa mga misyong kinakailangan mong tapusin sa buhay na ito, bukod sa pagpapalaki ng iyong mga anak tungo sa hustong gulang, mayroon ka pang ibang mga misyon na dapat tapusin. Maliban sa pagiging magulang sa iyong mga anak, ikaw ay isang nilikha. Dapat kang humarap sa Diyos at dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Kanya. Ano ang iyong tungkulin? Natapos mo na ba ito? Inialay mo na ba ang iyong sarili rito? Natahak mo na ba ang landas tungo sa kaligtasan? Ito ang mga bagay na dapat mong pag-isipan. Tungkol sa kung saan susunod na pupunta ang iyong mga anak kapag nasa hustong gulang na sila, kung ano ang magiging buhay nila, kung ano ang magiging mga sitwasyon nila, kung magiging masaya at masigla sila, walang kinalaman sa iyo ang mga bagay na ito. … Tungkol naman sa anumang paghihirap nila sa trabaho o buhay, gawin mo ang lahat ng iyong makakaya na tulungan sila sa tuwing may magagawa ka. Kung ang pagtulong sa kanila ay makakaapekto sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi—karapatan mo iyon. Dahil wala ka nang anumang pananagutan sa kanila, dahil wala ka nang anumang responsabilidad sa kanila, at sila ay mga nasa hustong gulang na at marunong magsarili, kaya na nilang pamahalaan ang sarili nilang buhay. Hindi mo sila kailangang paglingkuran nang walang kondisyon o sa lahat ng oras. Kung hihingan ka ng tulong ng iyong mga anak, at ayaw mo silang tulungan, o kung makakaapekto ito sa paggampan mo ng iyong tungkulin, maaari kang tumanggi. Karapatan mo iyon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano dapat itrato ng mga magulang ang kanilang relasyon sa kanilang mga anak. Ang totoo, matapos palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak hanggang sa hustong gulang, natupad na ang kanilang responsabilidad sa pagpapalaki sa mga ito. Pagkatapos maghustong gulang ng mga anak, kung makararanas man sila ng mga kabiguan at paghihirap sa buhay o mamuhay nang masaya o hindi ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at bahagi ito ng kailangan nilang maranasan, at wala nang kinalaman ang mga bagay na ito sa kanilang mga magulang. Nang malaman ko ang tungkol sa sakit ng anak ko, dahil hindi ko nalalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, inakala kong hindi ko siya naalagaang mabuti at wala siyang mapagsabihan ng kanyang mga problema, at ito ang naging dahilan kung bakit siya nakaramdam ng matinding pagkasupil, kung hindi, hindi sana siya magkakaroon ng depresyon. Isinisi ko lahat sa sarili ko ang pagkakasakit niya. Napagtanto kong hindi umaayon sa mga katunayan ang pananaw kong ito. Pinalaki ko na ang anak ko hanggang sa hustong gulang, at natupad ko na ang mga responsabilidad ko. Ngayon, may asawa na at anak ang anak ko, at kung mamumuhay man siya nang masaya o magdurusa at mag-alala ay isang bagay na kailangan niyang maranasan. Puwede ko siyang tulungan at payuhan kapag may oras ako, at dalhin siya sa doktor, pero sa puntong ito, may tungkulin akong dapat gawin, at kailangan kong ilaan ang aking oras at lakas sa tungkuling iyon. Ito ang aking responsabilidad at obligasyon. Pero sa pag-asang gagaling sa lalong madaling panahon ang sakit ng anak ko, kahit na alam kong sa pananatili sa bahay, hindi ko mailalaan nang buo ang sarili ko sa aking tungkulin, at na makakaapekto ito sa pag-usad ng pagsasala ng sermon, wala akong pakialam. Sa puso ko, mas inuna ko ang anak ko kaysa sa tungkulin ko, at ang puso ko ay punong-puno ng mga alalahanin tungkol sa kanya. Hindi ko man lang inisip kung paano tuparin nang maayos ang tungkulin ko at palugurin ang Diyos. Masyado akong makasarili! May mga sermon pa na kailangan kong salain sa lalong madaling panahon para sa pangangaral ng ebanghelyo, kaya kailangan kong tumuon sa masigasig na paggampan sa aking tungkulin. Pagkatapos niyon, umalis na ako para gawin ang tungkulin ko.

Pero kapag hindi abala ang tungkulin ko, at naiisip ko ang anak ko na napakabata pa at may ganoong sakit, sobra pa rin akong nag-aalala. Hindi ko alam kung gagaling ba siya pagkatapos ng gamutan, at napapaisip ako kung ano ang mangyayari kung lumala pa ito. Sa pag-iisip sa mga bagay na ito, bigla na lang sumisikip ang dibdib ko sa pangangamba, at nagmamadali akong umuuwi para tingnan siya, at kapag nakikita kong maayos siya, mas napapanatag ako. Kung ilang araw akong hindi umuuwi, hindi mapakali ang puso ko sa aking tungkulin. Dahil hindi makatuon ang puso ko sa aking tungkulin, hindi naging maganda ang mga resulta ng gawain ko noong panahong iyon. Alam kong hindi ko maalis sa isip ko ang anak ko, kaya pinag-isipan kong mabuti kung paano lulutasin ang kalagayan ko. Sa aking paghahanap, may naisip akong isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anuman o gaano man karami ang gawin mo para sa iyong mga anak, hindi mo mababago ang kanilang tadhana o mababawasan ang kanilang paghihirap. Ang bawat taong nagsisikap na makaraos sa lipunan, siya man ay naghahangad ng kasikatan at pakinabang o tumatahak sa tamang landas sa buhay, bilang isang taong nasa hustong gulang na, dapat niyang akuin ang responsabilidad para sa sarili niyang mga ninanais at adhikain, at dapat siya ang magbayad para sa sarili niya. Walang sinuman ang dapat umako ng anuman para sa kanya; kahit ang kanyang mga magulang, ang mga taong nagsilang at nagpalaki sa kanya, ang mga taong pinakamalapit sa kanya, ay hindi obligadong magbayad para sa kanya o makibahagi sa kanyang paghihirap. Ang mga magulang ay walang ipinagkakaiba sa aspektong ito dahil hindi nila mababago ang anuman. Kaya, ang anumang gawin mo para sa iyong mga anak ay walang saysay. Dahil wala itong saysay, dapat mo nang isuko ang paraang ito ng pagkilos. … Ang tadhana ng bawat tao ay pauna nang inorden ng Diyos; kaya, kung gaano kalaking pagdurusa o pagpapala ang mararanasan nila sa buhay, kung anong klaseng pamilya, buhay may asawa, at mga anak ang magkakaroon sila, kung anong mga bagay ang mararanasan nila sa lipunan, at kung anong mga pangyayari ang kanilang mararanasan sa buhay, ay hindi mga bagay na sila mismo ay kayang hulaan o baguhin, kaya mas lalo pang walang abilidad ang mga magulang na baguhin ang mga iyon. Samakatwid, kapag may kinakaharap ang mga anak, kung nais ng mga magulang na tuparin ang kanilang mga responsabilidad, dapat nilang tulungan ang kanilang mga anak mula sa tamang perspektiba at akayin ang mga ito sa tamang landas. Kung wala silang ganoong abilidad, pinakamainam para sa mga magulang na maging panatag at tingnan ang mga bagay na ito mula sa perspektiba ng mga nilikha, na itinuturing ang kanilang mga anak bilang kapwa nila mga nilikha. Ang paghihirap na nararanasan mo, dapat din nilang maranasan; ang buhay na iyong isinasabuhay, dapat din nilang isabuhay; ang prosesong pinagdaanan mo sa pagpapalaki ng mga batang anak, pagdaraanan din nila; ang mga pagpapasikot-sikot, pandaraya at panlilinlang na nararanasan mo sa lipunan at sa mga tao, ang mga emosyonal na pagkakasangkot, at mga gusot sa pagitan ng mga tao, at ang bawat kaparehong bagay na naranasan mo, mararanasan din nila iyon. Katulad mo, silang lahat ay mga tiwaling tao, lahat tinangay ng agos ng kasamaan, ginawang tiwali ni Satanas; hindi mo ito matatakasan, at ganoon din sila. Kaya, ang naisin na tulungan silang iwasan ang lahat ng paghihirap at tamasahin ang lahat ng pagpapala sa mundo ay isang hangal na kahibangan at ideya. Gaano man kalawak ang mga pakpak ng isang agila, hindi nito kayang protektahan ang batang agila sa buong buhay nito. Kalaunan, darating ang batang agila sa punto na kailangan nitong lumaki at lumipad nang mag-isa. Walang nakakaalam kung saan naroroon ang kanyang bahagi ng kalangitan o kung saan nito pipiliing lumipad sa oras na iyon. Kaya, ang pinakamakatwirang saloobin para sa mga magulang pagkatapos lumaki ang kanilang mga anak ay ang matutong bumitiw, ang hayaan ang mga ito na maranasan ang buhay nang mag-isa, ang hayaan ang mga ito na mamuhay nang nakapagsasarili, at na harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang hamon sa buhay nang mag-isa. Kung hihingi sila ng tulong sa iyo at mayroon kang kakayahan at mga angkop na kalagayan para tulungan sila, siyempre, puwede mo silang tulungan at bigyan ng kinakailangang suporta. Gayumpaman, dapat mong maunawaan ang isang katunayan: Anuman ang tulong na ibigay mo, ito man ay pinansiyal o sikolohikal, maaari itong maging pansamantalang tulong lamang, at hindi nito kayang lutasin ang anumang malalaking isyu. Kailangan nilang tahakin ang sarili nilang landas sa buhay, at wala kang obligasyon na pasanin ang anuman sa kanilang mga gawain o kahihinatnan. Ito dapat ang saloobin ng mga magulang pagdating sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (19)). Habang pinag-iisipan kong mabuti ang mga salita ng Diyos, biglang sumigla ang puso ko. Ang uri ng buhay may-asawa, pamilya, at ang dami ng mga pagpapala at pagdurusang nararanasan ng isang tao sa buhay, ay pauna nang itinakda ng Diyos, at walang sinuman ang makapagbabago ng mga bagay na ito. Gaano man karami ang gawin ng mga magulang para sa kanilang mga anak, hindi nila mababago ang tadhana ng mga ito, ni hindi nila mapapagaan ang pagdurusa ng kanilang mga anak. Pinagnilayan ko ang aking sarili. Matapos kong marinig na may depresyon ang anak ko, lagi akong nag-aalala na baka lumala ang sakit niya at mawalan siya ng ganang mabuhay, kaya gusto kong umuwi at doon na gawin ang tungkulin ko, at kausapin siya nang madalas at payuhan, para sa ganitong paraan, mas mabilis na gagaling ang sakit ng anak ko at hindi na lalala pa. Napagtanto kong mali ang pananaw kong ito. Ang totoo, lahat ng tungkol sa anak ko ay nasa ilalim ng kontrol ng Diyos, at walang kinalaman ang pagkakasakit niya sa kung nasa bahay man ako o wala, at kung lalala ba ang sakit niya o kung kailan siya gagaling, wala iyon sa kontrol ko. Ang mga bagay na ito ay pawang bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang saysay ang mga pag-aalala at alalahanin ko. Dahil nagkakaproblema sa pagsasama ang manugang at anak ko at gusto nilang magdiborsyo, ang anak ko ay namumuhay sa pasakit at pinahihirapan ni Satanas. Pakiramdam niya ay walang kabuluhan ang kanyang buhay, at iniisip pa nga niyang tapusin na ang kanyang buhay. Ngunit kung walang pahintulot ang Diyos, hindi kayang kunin ni Satanas ang buhay ng isang tao. Pansamantala lang ang pagpapayo ko sa anak ko sa bahay, at ang landas ng buhay ng anak ko ay isang bagay na kailangan niyang maranasan mismo, at kung mayroon man itong mga pagpapala o pagdurusa, wala ito sa aking kontrol. Matapos kong maunawaan ito, sumigla ang puso ko, at dahil nabawasan na ang aking mga iniisip at alalahanin, mas nakatuon na ako sa aking tungkulin.

Kapag may libreng oras ako, pinag-iisipan kong mabuti ang aking kalagayan, at tinatanong ko ang aking sarili, “Gusto kong umuwi para alagaan ang anak ko, at hindi ako lubos na makatuon sa aking tungkulin, pero ano kaya ang ugat ng problemang ito?” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga taong nabubuhay sa tunay na lipunang ito ay ginawa nang lubos na tiwali ni Satanas. Sila man ay nakapag-aral o hindi, marami sa tradisyonal na kultura ang nakatanim na sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa partikular, kinakailangan ng mga babae na asikasuhin ang kanilang mga asawa at palakihin ang kanilang mga anak, na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, inilalaan ang buong buhay nila sa kanilang mga asawa at anak at nabubuhay para sa kanila, tinitiyak na ang pamilya ay may kompletong makakain tatlong beses sa isang araw, at ginagawa ang paglalaba, paglilinis, at lahat ng gawaing-bahay nang maayos. Ito ang tinatanggap na pamantayan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Iniisip din ng bawat babae na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, at na kung hindi niya ito gagawin ay hindi siya isang mabuting babae, at nilabag niya ang konsensiya at ang mga pamantayan ng moralidad. Magiging mabigat sa konsensiya ng ilang tao ang paglabag sa mga pamantayan ng moralidad na ito; mararamdaman nilang binigo nila ang kanilang mga asawa at anak, at na hindi sila mabubuting babae. Ngunit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos, makapagbasa ng maraming salita Niya, maintindihan ang ilang katotohanan, at makilatis ang ilang bagay, ay iisipin mo, ‘Ako ay isang nilikha at dapat kong gampanan ang aking tungkulin bilang nilikha, at gugulin ang sarili ko para sa Diyos.’ Sa oras na ito, mayroon bang hindi pagkakatugma sa pagitan ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at sa paggampan mo ng iyong tungkulin bilang isang nilikha? Kung nais mong maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi mo magagawa ang tungkulin mo nang buong oras, ngunit kung nais mong gawin ang tungkulin mo nang buong oras, hindi ka maaaring maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano ang gagawin mo ngayon? Kung pipiliin mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at maging responsable para sa gawain ng iglesia at maging tapat sa Diyos, dapat mong isuko ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ano nang iisipin mo ngayon? Anong uri ng salungatan ang lilitaw sa isip mo? Mararamdaman mo bang tila binigo mo ang iyong mga anak, ang iyong asawa? Saan nanggagaling ang damdaming ito ng pagkakasala at pagkabalisa? Kapag hindi mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha, nararamdaman mo bang tila binigo mo ang Diyos? Wala kang pagkaramdam ng pagkakasala o pagsisisi dahil sa puso at isip mo ay wala ni katiting na bahid ng katotohanan. Kaya, anong naiintindihan mo? Ang tradisyonal na kultura at ang pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Kaya ang kuru-kuro na ‘Kung hindi ako isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, hindi ako isang mabuti o disenteng babae’ ay lilitaw sa isip mo. Ikaw ay gagapusin at pipigilan ng kuru-kurong ito mula sa puntong iyon, at mananatili kang gapos ng ganitong uri ng mga kuru-kuro kahit pagkatapos mong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin mo. Kapag mayroong hindi pagkakatugma sa pagitan ng paggawa mo sa tungkulin mo at ng pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, bagama’t maaaring piliin mo nang may pag-aatubili na gampanan ang tungkulin mo, na magtaglay ka ng kaunting katapatan sa Diyos, magkakaroon pa rin ng pagkaramdam ng pagkabalisa at pagsisisi sa puso mo. Kaya naman, kapag mayroon kang kaunting bakanteng oras habang ginagawa mo ang tungkulin mo, maghahanap ka ng mga pagkakataon upang alagaan ang iyong mga anak at asawa, higit pang ninanais na bumawi sa kanila, at iisipin mo na ayos lang kahit na kailanganin mo pang lalong magdusa, basta’t mayroon kang kapayapaan ng isip. Hindi ba’t ito ay idinulot ng impluwensiya ng mga ideya at teorya ng tradisyonal na kultura tungkol sa pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina? Ngayon ay nakatapak ka na sa magkabilang kampo, nagnanais na gampanan ang tungkulin mo nang maayos ngunit nagnanais ding maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Ngunit sa harap ng Diyos, mayroon lang tayong iisang responsabilidad at obligasyon, iisang misyon: ang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. … Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niyang ‘Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao’? Ito ay para mapagtanto ng lahat na: Ang buhay natin at kaluluwa ay nagmula lahat sa Diyos at nilikha Niya—ang mga ito ay hindi mula sa mga magulang natin, at lalong hindi mula sa kalikasan, kundi ipinagkaloob sa atin ng Diyos; sadya lang na ang laman natin ang isinilang ng mga magulang natin, at ang mga anak natin ay isinilang natin, gayumpaman, ang mga kapalaran ng mga anak natin ay ganap na nasa kamay ng Diyos. Na tayo ay nakakapanalig sa Diyos ay isang oportunidad na ipinagkaloob Niya; ito ay itinakda Niya at biyaya Niya. Kaya, hindi mo na kailangang tuparin pa ang obligasyon o responsabilidad mo sa kahit kaninuman; dapat mo lang tuparin ang tungkulin sa Diyos na nararapat mong tuparin bilang isang nilikha. Ito ang dapat gawin ng mga tao higit sa ano pa man, ito ang pangunahing bagay at pangunahing usapin na pinakanararapat na tapusin ng mga tao sa buhay nila. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, hindi ka isang nilikhang pasok sa pamantayan. Sa mata ng ibang tao, maaaring isa kang mabuting asawa at mapagmahal na ina, isang napakahusay na maybahay, isang anak na may paggalang sa magulang, at isang kagalang-galang na miyembro ng lipunan, ngunit sa harap ng Diyos, ikaw ay isang naghihimagsik laban sa Kanya, isang hindi tumupad sa mga obligasyon o tungkulin niya sa anumang paraan, isang tumanggap ngunit hindi tumapos sa atas ng Diyos, isang sumuko sa kalagitnaan. Maaari bang makamit ng isang gaya nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang halaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Pinagnilayan ko kung paano ako lubhang naimpluwensyahan ng mga tradisyonal na kaisipang pangkultura ng “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina” at “Ang isang babae ay dapat magtaglay ng lahat ng kabutihang-asal.” Itinuring ko ang mga ito bilang mga panuntunan para mabuhay, at naniwala ako na dapat mahalin ng isang ina ang kanyang mga anak, asikasuhing mabuti ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, at laging alalahanin at isipin ang kanyang mga anak. Pakiramdam ko, ito ang kahulugan ng pagiging isang mabuting ina. Dahil sa aking tungkulin, hindi ako maaaring manatili sa bahay para alagaan ang anak ko o tulungan siyang alagaan ang kanyang anak, kaya madalas kong nararamdaman na nagkukulang ako sa aking anak. Matapos ma-diagnose na may depresyon ang anak ko, para makabawi sa kanya, kahit na alam kong ang paggawa ng tungkulin mula sa bahay ay mangangahulugang hindi ako makakatuon sa aking mga tungkulin at maaantala nito ang aking tungkulin, wala akong pakialam. Ang tanging iniisip ko lang ay ang maging isang mabuting ina para makabawi sa pagkukulang ko sa aking anak. Nang magkabangga ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang pagiging isang mabuting ina, ginusto kong piliin na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Sa anong paraan ako naging tapat sa Diyos sa paggawa niyon? Kung umuwi ako para alagaan ang anak ko at maging isang mabuting ina, ngunit hindi ko naman natupad ang aking tungkulin, kung gayon lahat ng aking mga kilos ay magiging paghihimagsik laban sa Diyos at walang halaga sa Kanyang paningin, at mawawala rin sa akin ang pagkakataong maligtas. Noon ko lang napagtanto na binaluktot ng tradisyonal na kultura ang mga responsabilidad at relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak, na nagiging dahilan para gustuhin lang ng mga tao na maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina, at hindi na gawin ang tungkulin ng isang nilikha para palugurin ang Diyos, at hindi namamalayan, nagiging sanhi ito para sila ay lumayo sa Diyos at ipagkanulo Siya. Naisip ko kung gaano karaming santo sa buong kasaysayan ang tinalikuran ang kanilang mga pamilya at trabaho at tiniis ang mga paghihirap, naglakbay sa malalayong lugar para ipangaral ang ebanghelyo. Para sa mga walang pananampalataya, tila pinabayaan nila ang kanilang mga pamilya, ngunit ang totoo, tinupad nila ang mga responsabilidad ng mga nilikha. Sila ang tunay na mabubuting tao na may konsensiya at katwiran. Kung hindi dahil sa napapanahong pakikipagbahaginan mula sa lider, muntik ko nang isuko ang aking tungkulin. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, muntik ko nang ipagkanulo ang aking tungkulin para maging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina. Salamat po sa Inyong pangangalaga at proteksyon. Ayoko nang mamuhay ayon sa tradisyonal na kultura. Nais ko lamang magsagawa ayon sa Inyong mga salita para tuparin nang maayos ang aking tungkulin.”

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na pakitunguhan nang tama ang aking relasyon sa aking anak. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag kailangan ng iyong mga anak na magtapat ng saloobin sa iyo, dapat kang makinig, at pagkatapos mong makinig, dapat mong itanong kung ano ang kanilang iniisip at balak na gawin. Maaari ka ring magbigay ng sarili mong mga suhestiyon. … Kung gusto ka nilang makisali, maaari mo itong gawin. At ipagpalagay na, nang makisali ka na nga, napagtanto mo na: ‘Naku, napakalaking problema nito! Maaapektuhan nito ang paggampan ko sa aking tungkulin. Hindi talaga ako pwedeng makisali rito; bilang isang mananampalataya sa Diyos, hindi ko magagawa ang mga bagay na ito.’ Kung gayon, dapat agad kang humiwalay sa usaping iyon. Sabihin nang gusto pa rin nilang makialam ka, at iniisip mo: ‘Hindi ako makikialam. Ikaw mismo ang dapat na mangasiwa rito. Sapat nang nakinig ako sa pagbubulalas mo ng hinaing na ito at ng lahat ng walang katuturang isyu na ito. Natupad ko na ang mga responsabilidad ko bilang magulang. Hindi talaga ako pwedeng makialam sa bagay na ito. Mapanganib iyan, at hindi ako makikisali diyan. Kung gusto mo, sige, harapin mo iyan nang mag-isa.’ Hindi ba’t angkop ito? Ito ay pagkakaroon ng paninindigan. Hindi mo dapat bitiwan ang mga prinsipyo o ang iyong paninindigan kailanman. Ito ang mga bagay na dapat gawin ng mga magulang. … Ano ang mga pakinabang sa pagkilos nang ganito? (Nagiging napakadali ng buhay.) Sa pinakamababa, mapapangasiwaan mo na ang usapin ng pisikal na pagmamahal sa pamilya nang angkop at maayos. Ang iyong mental at espirituwal na mundo ay magiging panatag, hindi ka gagawa ng mga walang kabuluhang sakripisyo, o magbabayad ng anumang karagdagang halaga; magpapasakop ka sa gitna ng mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at hahayaan mo Siya na mangasiwa sa lahat ng bagay na ito. Tutuparin mo ang bawat responsabilidad na dapat gawin ng mga tao, at hindi mo gagawin ang alinman sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao. Hindi ka mag-aabot ng tulong para makialam sa mga bagay na hindi dapat gawin ng mga tao, at mamumuhay ka nang ayon sa itinuturo sa iyo ng Diyos. Ang paraan ng pamumuhay na itinuturo ng Diyos ay ang pinakamagandang landas, dahil dito maaari silang mamuhay nang magaan, masaya, maligaya, at payapa. Subalit, ang pinakamahalaga, bukod sa magkakaroon ka ng mas maraming libreng oras at lakas para gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at magpakita ng debosyon sa iyong tungkulin, magkakaroon ka rin ng mas maraming lakas at oras para maglaan ng pagsusumikap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung ang iyong lakas at oras ay nakatali at abala sa iyong mga damdamin, laman, sa iyong mga anak, at sa iyong pagmamahal sa pamilya, hindi ka magkakaroon ng karagdagang lakas para hangarin ang katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (18)). Nilinaw sa atin ng mga salita ng Diyos na kapag nasa hustong gulang na ang mga anak, maituturing nang natupad ang mga responsabilidad ng mga magulang. May sariling buhay at landas na tatahakin ang mga anak, at anuman ang mangyari, ang kanilang mga karanasan ay para lamang pagdaanan nila mismo. Hindi na kailangang mag-alala pa ng mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak o magbayad pa ng halaga para sa kanila. Kapag hindi abala sa mga tungkulin, maaaring bisitahin ng mga magulang ang kanilang mga anak at tulungan ang mga ito sa mga bagay-bagay sa abot ng kanilang makakaya, ngunit kapag nagkabangga ang tungkulin ng isang magulang at ang pag-aalaga sa kanilang mga anak, dapat unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dapat nilang panghawakan ang kanilang tungkulin at gawin ito nang may katapatan. Nang maunawaan ko ang mga prinsipyo kung paano ituring ang mga anak, nalaman ko kung paano hahawakan ang aking relasyon sa aking anak, at naging handa akong ipagkatiwala ang aking anak sa mga kamay ng Diyos, at kung bubuti man ang sakit ng anak ko o hindi, magpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos niyon, naibuhos ko na ang puso ko sa aking mga tungkulin, at nakita ko ang pag-unlad sa mga ito.

Ngayon, malaki ang naging pagbuti ng kalagayan ng pag-iisip ng anak ko dahil sa gamutan. Kapag may pagkakataon, nakikipagbahaginan din ako sa aking anak batay sa mga salita ng Diyos, at nagkamit siya ng kabatiran sa diwa ng pag-aasawa, hindi na namumuhay sa pasakit, at hinaharap na niya ngayon ang buhay nang may positibong saloobin. Sa pamamagitan ng pagkakasakit ng anak ko, nagkamit ako ng pagkilatis sa tradisyonal na ideya ng “pagiging isang mabuting asawa at mapagmahal na ina.” Malinaw kong nakita na hindi ito isang positibong bagay, at hindi na ako kumakapit dito. Hindi na ako nalulunod sa pagkakonsensiya para sa aking anak o sa pakiramdam na binigo ko siya, at nakalaya at nakawala na ang puso ko. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman