Nauunawaan Ko Na Ang Ugnayan sa Pagitan ng Biblia at ng Diyos

Mayo 15, 2022

Ni Jean, Cameroon

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa loob ng maraming taon, ang kinaugaliang paraan para maniwala ang mga tao (sa Kristiyanismo, isa sa tatlong pangunahing relihiyon sa mundo) ay ang basahin ang Biblia. Ang paglihis mula sa Biblia ay hindi paniniwala sa Panginoon, ang paglihis mula sa Biblia ay paglihis sa mga panuntunan sa pananampalataya, at maling paniniwala, at kahit na magbasa pa ang mga tao ng ibang mga libro, ang paliwanag sa Biblia ang dapat na pundasyon ng mga librong ito. Ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Panginoon, dapat mong basahin ang Biblia, at maliban sa Biblia, hindi ka dapat sumamba sa anumang aklat na walang kinalaman sa Biblia. Kung ginagawa mo iyon, pinagtataksilan mo ang Diyos. Mula sa panahon ng pagkakaroon ng Biblia, ang pananalig ng mga tao sa Panginoon ay ang pananalig sa Biblia. Sa halip na sabihing ang mga tao ay naniniwala sa Panginoon, mas mabuting sabihin na naniniwala sila sa Biblia; sa halip na sabihing nagsimula na silang magbasa ng Biblia, mas mabuting sabihing nagsimula na silang maniwala sa Biblia; at sa halip na sabihing nagbalik na sila sa Panginoon, mas mabuti pang sabihing nagbalik na sila sa Biblia. Sa ganitong paraan, sinasamba ng mga tao ang Biblia na para bang ito ang Diyos, na para bang ito ang dugong bumubuhay sa kanila, at ang mawalan nito ay kapareho ng mawalan ng kanilang buhay. Itinuturing ng mga tao ang Biblia na kasintaas ng Diyos, at mayroon pang ang turing dito ay mas mataas kaysa sa Diyos. Kung wala sa mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, kung hindi nila nadarama ang Diyos, maaari pa rin silang patuloy na mabuhay—ngunit sa sandaling mawala sa kanila ang Biblia, o mawala ang mga kilalang kabanata at kasabihan mula sa Biblia, parang nawalan na rin sila ng buhay. … Ang Biblia ay naging diyos-diyosan sa isipan ng mga tao, ito ay naging isang palaisipan sa kanilang mga utak, at sadyang hindi nila kayang paniwalaang makagagawa ang Diyos ng gawaing nasa labas ng Biblia, hindi nila kayang paniwalaan na matatagpuan ng mga tao ang Diyos nang labas sa Biblia, at mas lalong hindi nila magawang paniwalaan na maaaring lumihis ang Diyos sa Biblia sa huling gawain at magsimulang muli. Hindi ito sukat maisip ng mga tao, hindi sila makapaniwala rito, at hindi rin nila ito makita sa kanilang isipan. Ang Biblia ay naging isa nang malaking balakid sa pagtanggap ng mga tao sa bagong gawain ng Diyos, at pagpapahirap sa pagpapalawak ng Diyos ng bagong gawaing ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1). Dati’y tumutulong sa ‘kin ang Biblia na makilala ang Panginoon sa pananampalataya ko, at parating sinasabi ng pastor na ito ang pundasyon ng aming pananampalataya. Akala ko, ang paniniwala sa Biblia ay paniniwala sa Panginoon, at inuna ko pa nga ito kaysa sa Panginoon. Tinandaan ko lang ang ilang patay na salita sa Biblia nang hindi iniisip ang pagsasagawa at pagdanas ng mga salita ng Panginoon. Noong tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw at nakita kung ano ang ibinubunyag ng Kanyang mga salita, saka ko lang naunawaan ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng Biblia. Sa wakas ay naitama na ang mga pagkakamali ko sa aking pananampalataya.

Dati akong nagbabasa ng Biblia, pumupunta sa mga pagtitipon ng iglesia, at madalas na naghahanap ng mga sermon sa Internet para mas maunawaan ang Panginoon. Minsan, nakakita ako ng isang pelikula sa YouTube na may pamagat na Saan ang Aking Tahanan. Talagang tagos sa puso at nakakaantig iyon. At tila ba sadyang maalab at may awtoridad ang mga salitang binabasa sa pelikula. Gustong-gusto kong malaman kung saan nanggaling ang mga iyon. Nang malaman ko na Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos pala iyon, tumingin ako sa Internet para malaman pa ang tungkol sa simbahang ito na gumawa ng pelikula. Pero nakakita ako ng ilang negatibong publisidad tungkol dito at hindi ko malaman kung totoo o gawa-gawa ito. Nang pag-isipan ko ito nang kaunti, naramdaman kong hindi ko dapat basta paniwalaan na lang ang sinasabi ng iba. Ika nga, “Huwag paniwalaan ang naririnig mo, subalit ikaw na mismo ang kumilatis kung totoo.” Alam kong dapat kong personal na siyasatin ito para makita kung mabuting simbahan ba ‘yon. Nagdesisyon akong mag-download ng ilan pang pelikula para panoorin. Nanood ako ng dalawa pa, Pagkamulat at Pananabik. Napukaw talaga ako ng mga ito. May awtoridad at makapangyarihan ang mga salitang binabasa sa mga ito, at praktikal ang pagbabahagi. Nalaman ko ang ugat ng pagkabagsak ng mga simbahan at ang pagkakaiba ng inililigtas at ganap na inililigtas. Sinasabi nito na ang Panginoong Jesus ay nagbalik na at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw na tumutupad sa propesiyang ito sa Biblia: “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). Labis akong natuwa, at natanto kong ang mga salitang iyon na binabasa sa mga pelikula ay ang mga pahayag ng nagbalik na Panginoon. Hindi nakakapagtakang lubos na may awtoridad at makapangyarihan ang mga iyon! Nag-iwan ako ng mensahe at nakipag-ugnayan sa mga kapatid sa iglesia at nakita kong talagang matatapat na tao sila at may kaliwanagan ang kanilang pagbabahagi. Napakasaya ko na makausap sila. Nagsimula akong dumalo sa kanilang mga pagtitipon.

Isang gabi, malapit na akong mag-download ng marami pang pelikula mula sa channel ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Habang nagba-browse ako sa mga pelikula, nakakita ako ng isang may pamagat na Lumabas sa Biblia. Nalito ako. Ano ang ibig sabihin niyon? Bakit kailangan nating lumabas ng Biblia sa ating pananampalataya? Paano magagawang paniwalaan at makilala ng mga tao ang Diyos kung wala ang Biblia? Naisip ko, parating sinasabi ng pastor na ang pananampalataya natin ay dapat nakabatay sa Biblia, at maling katuruan ang pag-alis mula sa Biblia. Hindi ba’t ang paglabas ng Biblia ay pagtataksil sa Panginoon? Sa sumunod na ilang araw, hindi na ako nanood ng mga awit at pelikula ng Iglesia, takot na maligaw sa aking pananampalataya. Pero hindi ko mapigilang magtaka, “Kung ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang Panginoong Jesus na nagbalik at hindi ko Siya tanggapin, hindi ba’t mawawalan ako ng pagkakataong salubungin ang Panginoon?” Nagtatalo ang isip ko, kaya nagsimula akong mag-ayuno at manalangin. Hiniling ko sa Diyos na liwanagan at gabayan ako upang malaman ko kung ang Makapangyarihang Diyos ba talaga ang Panginoong Jesus na nagbalik. Sa unang gabi ng pag-aayuno ko, hindi ako nakatanggap ng anumang inspirasyon mula sa Diyos, kaya naisip kong basahin ang Biblia. Binasa ko ang Pahayag 1:8, “Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Diyos, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat.” Binasa ko rin ang Pahayag 11:16–17, “At ang dalawampu’t apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang luklukan sa harapan ng Diyos, ay nagpatirapa, at nagsisamba sa Diyos. Na nangagsasabi, ‘Pinasasalamatan Ka namin, Oh Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na Ikaw ngayon, at noong nakaraan, at sa darating; sapagkat dala-dala Mo ang Iyong dakilang kapangyarihan, at naghari’.” Bigla kong naramdamang ang mga talatang ito ay patnubay ng Diyos para sa ‘kin. Sinasabi sa Pahayag na tatawagin ang Diyos na “ang Makapangyarihan” sa mga huling araw. Hindi ba’t iyon ang Makapangyarihang Diyos? Dahil sa natuklasan ko, gusto kong siyasatin pa ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nagpasya rin akong panoorin nang buo ang Lumabas sa Biblia para malaman ko kung tungkol ba talaga saan ‘yon.

Isang mangangaral ng ebanghelyo mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos sa pelikula ang nagbahagi nito: “Maraming relihiyosong tao ang nagsasabing hindi iwawaksi ng Diyos ang Biblia para gawin ang gawain ng pagliligtas, at maling katuruan ang kahit anong paglampas ng Biblia. Alin ang nauna: ang Biblia, o gawain ng Diyos? Sa simula, nilikha ng Diyos na Jehova ang kalangitan, ang lupa, at lahat ng bagay. Sinira Niya ng baha ang mundo, at sinira Niya ng apoy ang Sodoma at Gomorra. Umiiral na ba ang Lumang Tipan noong ginawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito?” Naisip ko, “Kailangan mo pa bang itanong? Noong nilikha ng Diyos ang lupa, nilubog sa baha ang mundo, at sinunog ang Sodoma at Gomorra, tiyak na hindi pa umiiral ang Biblia.” Nagpatuloy siya: “Walang Biblia noong ginawa ng Diyos ang lahat ng gawaing ito. Ibig sabihin, nauna ang gawain ng Diyos, at pagkatapos lang niyon ito naitala sa Biblia. At noong gumagawa ang Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala pang Bagong Tipan. Iyon ay sinulat ng Kanyang mga disipulo pagkatapos Niyang makumpleto ang gawain Niya. Malinaw na ang Biblia ay isa lang tala ng kasaysayan ng gawaing nagawa ng Diyos. Hindi gumagawa ang Diyos alinsunod sa Biblia at hindi Siya limitado rito. Ginagawa Niya ang Kanyang gawain batay sa plano ng pamamahala Niya at mga pangangailangan ng sangkatauhan. Kaya hindi natin puwedeng isipin ang gawain ng Diyos batay lang sa kung ano ang nasa Biblia at hindi natin puwedeng gamitin ang Biblia para limitahan ang Kanyang gawain. Hindi talaga natin masasabing maling katuruan ang anumang labas ng Biblia. May karapatan ang Diyos na gawin ang Kanyang sariling gawain at na gawin ito sa labas ng mga hangganan ng Biblia.”

Biglang namulat ang mga mata ko nang marinig ko ito. Walang Bagong Tipan noong gumawa ang Panginoong Jesus. Itinala ito ng mga tao noong natapos lang Siya sa Kanyang gawain. Ang Biblia ay tala lang ng nakaraang gawain ng Diyos. Bakit hindi ko naisip iyon kahit minsan dati?

Nagpatuloy ang pagbabahagi sa pelikula: “Kung sinasabi nating maling katuruan ang anumang labas sa Biblia, hindi ba’t tinutuligsa natin ang lahat ng nakaraang gawain ng Diyos? Noong dumating at gumawa ang Panginoong Jesus, hindi Siya gumawa batay sa Lumang Tipan, pero lumampas Siya roon, tulad ng Kanyang mga turo tungkol sa paraan ng pagsisisi, pagpapagaling ng may sakit at pagpapalayas ng mga diyablo, hindi pagsunod sa Sabbath, pagpapatawad sa iba nang pitumpung ulit na pitong beses, at higit pa. Wala roon ang nasa Lumang Tipan. Tuwirang sinalungat din niyon ang mga batas ng Lumang Tipan. Ibig sabihin ba niyon na ang gawain ng Panginoong Jesus ay hindi gawain ng Diyos? Tinuligsa ng mga punong saserdote, elder, at eskriba ang gawain at mga salita ng Panginoong Jesus bilang maling katuruan dahil lang hindi umayon ang mga ito sa Lumang Tipan. Sila ay naging mga taong lumaban sa Diyos. Kung tatanggapin natin ang mga pagkaunawa ng tao at sabihing maling katuruan ang kahit ano sa labas ng Biblia, hindi ba’t tinutuligsa rin natin ang gawain ng Panginoong Jesus?”

Pagkatapos ay nagbasa sila ng ilan sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na may kaugnayan sa usapin na maling katuruan ang kahit anong labas sa Biblia. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan, at kung nakain at nainom mo na ang Lumang Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya—kung naisagawa mo na kung ano ang kinailangan sa panahon ng Lumang Tipan noong Kapanahunan ng Biyaya—maaaring ikaw ay tatanggihan at kokondenahin ni Jesus; kung ginamit mo ang Lumang Tipan sa gawain ni Jesus, maaring ikaw ay naging isang Fariseo. Kung ngayon ay pinag-isa mo ang Luma at Bagong Tipan sa iyong pagkain at pag-inom, at pagsasagawa, kokondenahin ka ng Diyos ng ngayon; ikaw ay mapag-iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan! Kung kumakain at umiinom ka ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan, ikaw ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu! Noong panahon ni Jesus, pinamunuan Niya ang mga Judio at ang lahat ng sumunod sa Kanya ayon sa gawain ng Banal na Espiritu sa Kanya noong panahong iyon. Hindi Niya ginamit ang Biblia bilang basehan ng Kanyang ginawa, kundi nagsalita Siya ayon sa Kanyang gawain; hindi Niya binigyang-pansin kung ano ang sinabi ng Biblia, o kaya ay naghanap sa Biblia ng landas upang pamunuan ang Kanyang mga tagasunod. Mula noong nagsimula Siyang gumawa, ipinalaganap Niya ang daan ng pagsisisi—ni isang salita tungkol dito ay hinding-hindi nabanggit sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Hindi lamang Siya hindi kumilos ayon sa Biblia, kundi Siya ay namuno rin sa isang bagong daan, at gumawa ng bagong gawain. Kahit kailanman ay hindi Siya sumangguni sa Biblia kapag Siya ay nangangaral. Noong Kapanahunan ng Kautusan, walang sinuman ang nakagawa ng Kanyang mga himala ng pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo. Gayundin, ang Kanyang gawain, ang Kanyang mga turo at ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita ay lampas sa sinumang tao noong Kapanahunan ng Kautusan. Basta lamang ginawa ni Jesus ang Kanyang mas bagong gawain, at kahit na maraming tao ang kumondena sa Kanya gamit ang Biblia—at ginamit pa nga ang Lumang Tipan upang ipapako Siya sa krus—nahigitan ng Kanyang gawain ang Lumang Tipan; kung hindi, bakit ipinako Siya ng mga tao sa krus? Hindi ba ito dahil sa walang binanggit ang Lumang Tipan sa Kanyang turo, at sa Kanyang kakayahan na magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo? Ang Kanyang gawain ay ginawa upang umakay sa bagong daan, hindi ito para sadyang maghamon ng away laban sa Biblia, o kaya ay sadyang iwaksi ang Lumang Tipan. Pumarito lamang upang gampanan ang Kanyang ministeryo, upang dalhin ang bagong gawain sa mga naghahangad at naghahanap sa Kanya. Hindi Siya dumating upang ipaliwanag ang Lumang Tipan o itaguyod ang gawain nito. Ang Kanyang gawain ay hindi para pahintulutan ang Kapanahunan ng Kautusan na magpatuloy sa pagyabong, dahil hindi isinaalang-alang ng Kanyang gawain kung pagbabatayan ba nito ang Biblia; Si Jesus ay pumarito lamang upang gawin ang gawain na dapat Niyang gawin. … Kung tutuusin, alin ang mas dakila: ang Diyos o ang Biblia? Bakit kailangang gumawa ang Diyos nang naaayon sa Biblia? Maaari kaya na walang karapatan ang Diyos na higitan ang Biblia? Hindi ba maaaring lumihis ang Diyos sa Biblia at gumawa ng ibang gawain? Bakit hindi ipinangilin ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo ang araw ng Sabbath? Kung magsasagawa Siya nang isinasaalang-alang ang araw ng Sabbath at nang ayon sa mga utos ng Lumang Tipan, bakit hindi nangilin si Jesus sa Sabbath nang dumating Siya, at sa halip ay naghugas ng mga paa, nagtaklob ng ulo, naghati-hati ng tinapay, at uminom ng alak? Hindi ba wala itong lahat sa mga utos ng Lumang Tipan? Kung iginalang ni Jesus ang Lumang Tipan, bakit Niya hindi isinagawa ang mga doktrinang ito? Dapat mong malaman kung alin ang nauna, ang Diyos o ang Biblia!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1).

Ibinahagi ng mangangaral ng ebanghelyo sa pelikula ang pagbabahaging ito: “Hindi kumakatawan ang Biblia sa Diyos. Ito ay totoong tala lamang ng Kanyang unang dalawang yugto ng gawain, ibig sabihin, patotoo sa gawain ng Diyos sa mga Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya. Hindi ito kumakatawan sa lahat ng Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Napakalimitado ang mga tala ng Biblia ng mga salita ng Diyos. Mga parte lang ito ng buhay-disposisyon ng Diyos, at hindi maipapakita ang kabuuan nito. Ang Diyos ay laging bago, hindi lumilipas. Gumagawa Siya ng bagong gawain at bumibigkas ng mga bagong salita sa bawat kapanahunan. Halimbawa, noong dumating ang Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, Lumampas Siya ng Lumang Tipan para gawin ang bagong gawain. Hindi gumagawa ang Diyos alinsunod sa Kasulatan o sumasangguni sa Kasulatan. Hindi Niya hinahanap sa Kasulatan ang daan para akayin ang Kanyang mga tagasunod. Laging umuusad pasulong ang gawain ng Diyos. Kapag nag-uumpisa ang Diyos ng bagong kapanahunan at gumagawa ng bagong gawain, nagdadala Siya ng bagong daan para sa sangkatauhan at nagkakaloob ng higit pang katotohanan sa atin para makapagtamo tayo mula sa Kanya ng higit pang pagliligtas. Hindi inaakay ng Diyos ang sangkatauhan batay sa Kanyang dating gawain. Ibig sabihin, hindi gumagawa ang Diyos alinsunod sa Biblia dahil Siya ay hindi lang Panginoon ng Sabbath, kundi Siya rin ay Panginoon ng Biblia. Karapatan Niyang lahat ang humigit sa Biblia, na gumawa ng mas bagong gawain alinsunod sa Kanyang plano at mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa isang bagong kapanahunan ay hindi kailanman magiging pareho ng Kanyang gawain sa isang dating kapanahunan. Samakatuwid, ang pahayag na maling katuruan ang pag-alis mula sa Biblia ay talagang hindi naaayon.”

Naunawaan ko mula rito na itinatala ng Luma at Bagong Tipan ang gawain at mga salita ng Diyos sa mga Kapanahunan ng Kautusan at Biyaya, pero hindi kumakatawan sa lahat ng gawain ng Diyos. Inakala ko na ang pag-alis mula sa Biblia ay nangangahulugang hindi ako naniwala sa Panginoon. Hindi ba’t pinagpapantay ko ang Diyos at ang Biblia? Noong dumating ang Panginoong Jesus para gumawa, hindi Niya ito binatay sa Lumang Tipan. Kung sasabihin nating maling katuruan ang paglampas ng Kasulatan, hindi ba’t tinutuligsa natin ang gawain ng Panginoong Jesus? Kung isinilang ako sa kapanahunan noong gumagawa ang Panginoong Jesus, nilabanan ko sana Siya, kung umaayon ako sa aking kasalukuyang mga pagkaunawa. Kung nilimitahan ko lang sa Biblia ang gawain at mga salita ng Diyos, hindi ba’t magagawa ko rin ang pagkakamaling ginawa ng mga Fariseo na kumapit sa lumang Kasulatan para tuligsahin ang Panginoong Jesus?

Nagbasa ang mangangaral ng ebanghelyo ng isa pang talata ng mga salita ng Diyos sa pelikula: “Ang itinuturo Ko lamang sa iyo ay ang diwa at ang kuwentong napapaloob sa Biblia. Hindi Ko sinasabi na huwag mong basahin ang Biblia, o ipangalandakan mo na ito ay lubusang walang halaga, kundi magkaroon ka lamang ng wastong kaalaman at pananaw sa Biblia. Huwag maging masyadong nakatuon sa isang panig lamang! Kahit na ang Biblia ay isang aklat ng kasaysayan na isinulat ng mga tao, itinatala rin nito ang karamihan ng mga prinsipyo ng sinaunang mga banal at propeta sa paglilingkod sa Diyos, gayundin ang mga kamakailang karanasan ng mga apostol sa paglilingkod sa Diyos—lahat ng ito ay talagang nakita at nalaman ng mga taong ito, at maaaring magsilbi bilang sanggunian para sa mga tao ng kapanahunang ito sa paghahanap sa tunay na daan. … Hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 4).

Nang marinig ko ito, naunawaan ko na hindi ikinakaila ng Makapangyarihang Diyos ang halaga ng Biblia. Ang Biblia ay patotoo lang ng nakaraang gawain ng Diyos na makakatulong sa ating maunawaan ang gawaing nagawa na Niya at kung ano ang hinihingi Niya sa sangkatauhan pagkatapos. Pero gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at lipas na ang Biblia. Hindi nito kayang ibigay sa mga tao ang kasalukuyang kailangan nila. Ramdam ko ang aking pagtutol noong una kong nakita ang pamagat na Lumabas sa Biblia. Akala ko, batay sa Biblia ang pananampalataya ng lahat at ‘yon lang ang paraan para malaman kung paano maniwala at gumalang sa Diyos. Akala ko, ang pag-alis mula sa Biblia ay pag-alis mula sa Diyos. Kaya ayokong siyasatin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Akala ko, kailangan kong ibatay sa Biblia ang pananampalataya ko at kumakatawan ang Biblia sa Diyos. Ipinapakita nito na napalitan ng Biblia ang lugar ng Diyos sa puso ko. Hindi ako naniwala sa Diyos—naniwala ako sa Biblia. Itinuring ko na magkapantay ang Diyos at ang Biblia at nilimitahan ko sa loob ng Biblia ang gawain ng Diyos, iniisip na maling katuruan ang kahit anong nasa labas niyon. Hindi ba’t nililimitahan at nilalapastangan ko ang Diyos? Sumingap ako, nanlamig sa inisip kong ‘yon. Nakaramdam ako ng labis na utang na loob sa Diyos sa paggabay sa ‘kin patungo sa pelikulang ‘yon. Kung hindi, magiging ‘di sukat akalain ang mga kahihinatnan.

Pagkatapos, sabi ng mga tao na nagbabahagi ng ebanghelyo sa pelikula: “Ang walang-hanggang buhay ay hindi nagmumula sa Biblia….” Natigilan ako. Walang buhay na walang hanggan mula sa Biblia? Paano magiging posible ‘yon? Pinakinggan ko ang sumunod na sinabi nila. “Hindi ito kaayon ng mga pagkaunawa ng mga tao, pero hindi ito mapapasinungalingang katotohanan. Matagal nang sinabi sa’tin ng Panginoong Jesus noong pinagsalitaan Niya ang mga Pariseo: ‘Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay(Juan 5:39–40). Malinaw na sinabi ng Panginoong Jesus na walang buhay na walang hanggan sa mga Kasulatan. Iyon ay dahil ang mga Kasulatan ay nagpapatotoo lang sa Diyos. Kung gusto ng mga tao na matamo ang katotohanan at ang buhay, hindi sapat ang Biblia. Ang katotohanan at ang buhay ay dapat matamo mula kay Cristo Mismo. Isipin ang mga Pariseo na kumapit sa Lumang Tipan. Hindi sila nagtamo ng buhay na walang hanggan, bagkus, pinarusahan sila sa paglaban at pagtuligsa sa Panginoong Jesus. Pero ang mga tagasunod ng Panginoong Jesus na hindi kumapit sa mga Kasulatan, na tinanggap ang gawain at mga salita ng Diyos ng panahong iyon ay tinubos sa huli ng Panginoong Jesus. At gayon nga, ang tanging paraan para magtamo ng buhay na walang hanggan ay sundan ang mga yapak ni Cristo at ng Diyos. Kung basta na lamang tayong kumakapit sa Biblia, hindi lang natin ‘di matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, kundi gaya lang talaga ito ng sabi ni Pablo, ‘Datapuwa’t kinulong ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan’ (Galacia 3:22), at mawawala sa’tin ang pagliligtas ng Diyos. Gumagawa ang Diyos ng bagong gawain sa bawat kapanahunan. Inilabas ng Diyos na Jehovah ang batas at mga utos sa Kapanahunan ng Kautusan para batid ng mga Israelita kung paano sambahin ang Diyos, paano mabuhay sa lupa, kung ano ang kasalanan, at na parurusahan sila para sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtutubos, at personal na naging isang handog para sa kasalanan. Ang kinailangan lang gawin ng mga tao ay magtapat at magsisi para mapatawad ang kanilang mga kasalanan at matakasan ang pagkondena at pagsumpa sa ilalim ng batas. Gayunman, ang pagtubos ng Panginoong Jesus ay makakapagpatawad lang ng ating mga kasalanan. Malalim pa rin ang pagkakabaon ng ating pagiging likas na makasalanan. Parati tayong nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon tulad ng pagiging mapagmataas, mapanlinlang, makasarili, at kamuhi-muhi at hindi natin napipigilang magkasala at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kaya ipinropesiya ng Panginoong Jesus na babalik Siyang muli para gawin ang gawain ng paghatol, para linisin at ganap na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa mga huling araw, ginagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos, batay sa gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Ipinapahayag Niya ang lahat ng mga katotohanan para iligtas at linisin ang sangkatauhan at inihahayag ang mga misteryo ng plano ng pamamahala ng Diyos. Hinahatulan at inilalantad Niya ang mga napakasamang disposisyon at pagiging likas na tiwali ng sangkatauhan, na ipinapakita ang Kanyang banal at matuwid na disposisyon na walang pinapahintulutang pagkakasala. Ang mga salitang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang mga bagay na hindi sinabi ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan o sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga salitang ito ay ang pagdadala sa’tin ng Diyos ng daan sa buhay na walang hanggan sa mga huling araw. Ganap nitong tinutupad ang propesiya ng Panginoong Jesus: ‘Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13).”

Nagbasa sila ng isa pang talata ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos pagkatapos niyon. “Naghahatid ng buhay si Cristo ng mga huling araw, at naghahatid ng walang maliw at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ito lamang ang tanging landas kung saan makikilala ng Diyos at masasang-ayunan ng Diyos ang tao. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka bulag na tagasunod at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at iginapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakamit ang buhay ni makakamit ang walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay sapagkat ang mayroon lamang sila ay malabong tubig na kinapitan ng libu-libong taon sa halip na tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Mananatili magpakailanman na mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno ang mga hindi natustusan ng tubig ng buhay. Kung gayon, paano nila mapagmamasdan ang Diyos? Kung nagsisikap ka lamang na panghawakan ang nakaraan, nagsisikap lamang na panatilihin ang mga bagay sa kung ano sila sa pamamagitan ng hindi paggalaw, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan na at itapon ang kasaysayan, kung gayon hindi ka ba magiging palaging laban sa Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit nakaupo kang walang imik na naghihintay ng pagkawasak, nakakapit sa kahangalan mo at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman naluluma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka nila madadala paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga titik na magbibigay lamang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay. Ang mga banal na kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi mga landas na makapaghahatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba nagdudulot sa iyo na magmuni-muni ang pagkakaibang ito? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwagang napapaloob rito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung walang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan para makita kung sino ngayon ang nagpapatupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Ibinahagi ito ng mga ebanghelista ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos: “Kung kumakapit lang tayo sa Biblia sa ating pananampalataya nang hindi tinatanggap ang mga pahayag ng Diyos sa mga huling araw, hindi natin matatamo ang pagdidilig at pagbibigay-buhay ng tubig na buhay ng Diyos. Kung wala ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos, mabubuhay lang tayo sa buktot na siklo ng pagkakasala at pagtatapat. Kung hindi tatakasan ang mga gapos ng kasalanan, paano magiging angkop ang sinuman na makapasok sa kaharian ng langit? Sa pamamagitan lang ng pagtanggap ng gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw tayo madidiligan at mabibigyang-buhay ng mga salita ng Diyos, makakaunawa ng katotohanan, mapapalaya sa ating mga tiwaling disposisyon, at malilinis. Pagkatapos lang niyon tayo magiging angkop na pumasok sa kaharian ng langit.”

Lalo akong naliwanagan at nasabik habang nakikinig ako. Napakapraktikal ng pagbabahaging ito tungkol sa katotohanan. Walang buhay na walang hanggan sa Biblia—patotoo lang ito sa Diyos. Hindi ito kumakatawan sa Diyos, at lalong hindi nito mapapalitan ang Kanyang gawain ng pagliligtas. Tanging si Cristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Tanging si Cristo ang makapagbibigay sa’tin ng katotohanan at buhay. Ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw, ang lahat ng mga katotohanan para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan pero hindi ko talaga mabitawan ang Biblia. Napakahangal niyon! Lubos ang pasasalamat ko sa paggabay sa ‘kin ng Makapangyarihang Diyos para marinig ang tinig ng Diyos at matalikuran ang mga walang katotohanang paniniwala ko sa pananampalataya. Pagkatapos ay pormal kong tinanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...