Ang Pinili ng Guro

Agosto 19, 2024

Ni Mo Wen, Tsina

Habang lumulubog ang araw sa kanluran, sa oras ng takipsilim, bukas ang pinto ng isang maliit na bahay sa bukid, na may puting telang nakatali sa hawakan ng pinto, at may isang natirang sinag ng araw na umabot sa walang pinturang pader ng looban, na gawa sa mga pulang bloke.

Isang kabaong ang nasa gitna ng bulwagan. Sa harap ng kabaong, nakaluhod ang isang pitong taong gulang na batang babae, isang siyam na taong gulang na batang lalaki, at isang ginang na nasa tatlumpung taon ang edad, na isang taga-baryo.

“Nanay, may nangyari sa pamilya natin. Bakit walang dumating na kamag-anak para tumulong sa atin?” Binasag ng malambing na boses ng batang babae ang katahimikan sa bahay.

“Pagkamatay ng tatay ninyo, tayo na lang ang magkakasama, isang ina at mga anak, na umaasa sa isa’t isa. Dahil sa pagkakasakit ng tatay ninyo, naubos ang lahat ng ipon natin. Hinahamak tayo ng mga kamag-anak natin dahil mahirap tayo, minamaliit nila tayo. Mula ngayon, dapat kayong magsikap, huwag ninyong hayaang maliitin kayo ng ibang tao. Umaasa akong pareho kayong magkakaroon ng magandang kinabukasan, magiging matagumpay kayo, at babaguhin ninyo ang kapalaran natin!” Pinahid ng nanay ang mga luha niya, napuno ng determinasyon ang mga mata niya, at habang nakatingin sa dalawang batang anak, taimtim siyang nagsalita.

Ang pitong taong gulang na batang ito ay si An Ran.

Malalim na tumatak sa puso ni An Ran ang eksenang ito mula sa kabataan niya. Mula pagkabata, alam ni An Ran na dapat siyang maging masipag; ang magsikap na maging mahusay at makuha ang paghanga ng ibang tao ang layunin niya sa buhay. Lalong sinipagan ni An Ran sa paaralan, sa paniniwala niya na sa masipag na pag-aaral niya lang makakamit ang magandang kinabukasan. Noong nasa elementarya siya, halos palaging kasama si An Ran sa tatlong pinakamagagaling sa klase niya.

Sa edad na labintatlo, nasa junior high school si An Ran nang ibahagi ng kapitbahay nila sa nanay niya ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nang araw na iyon, sinamahan ni An Ran ang nanay niya na manood ng video tungkol sa paunang paglikha ng Diyos. Mula noong araw na iyon, nalaman ni An Ran na nilikha ng Diyos ang mga tao, na may Kataas-taasang Kapangyarihan sa langit at lupa at sa lahat ng bagay na gumagabay at nangangalaga sa buong sangkatauhan. Sumaya si An Ran—napakabuti ng Diyos!

Sa edad na labinlima, dahil kulang sila ng pambayad sa paaralan, napilitan si An Ran na tumigil sa pag-aaral at magtrabaho. Kahit na alam ni An Ran na mabuting manampalataya sa Diyos, pakiramdam niya ay bata pa siya at malayo pa ang kinabukasan niya. Ayaw niyang magkaroon ng ordinaryong buhay na walang naabot. Sino ang rerespeto sa kanya kapag nagkaganoon? Kaya, nagpasya siyang magtrabaho nang maigi at kumita ng pera, na humanap ng disente at respetadong trabaho. Hangga’t kaya niyang patibayin ang sarili niya, mabubuhay siya nang matagumpay sa harap ng iba at hindi na siya mamaliitin. Nag-isip nang nag-isip si An Ran kung paano siya mabilis na magtatagumpay. Kaya, paminsan-minsan na lang siya nakakadalo sa mga pagtitipon kapag may oras siya.

Isang gabi noong labimpitong taong gulang si An Ran, hindi pa nawawala ang nagtatagal na init sa hangin. Klik. Kalabog. Ang tunog ng sunud-sunod na pagbubukas at pagsasara ng pinto ay mabilis at masistema, sinundan ng mga nagmamadaling yabag. Nagbalik ang pinsan niya.

“Ano’ng problema? May nangyari ba?” tanong ni An Ran.

“May magandang balita ako para sa iyo. Apurahang kumukuha ng mga titser ang paaralan namin. Nabanggit na kita sa lider ng paaralan. Kapag natanggap ka, prestihiyoso ang trabahong ito at malaki ang suweldo.” Nang marinig ni An Ran ang balitang ito, agad siyang natuwa. Mula pagkabata, inasam niya na maging mahusay at itaguyod ang sarili niya balang araw. Ngayon, may napakagandang oportunidad para sa kanya na maging isang guro, na itinuturing na isang respetadong propesyon. Alam niya na mga nagtapos ng kolehiyo ang mga nakakapagtrabaho sa mga paaralan, iyong mga kahit papaano ay may associate’s degree. Kung wala ang tulong ng pinsan niya, paano siya magkakaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa isang paaralan? Sa kalaunan, puwede siyang kumuha ng eksamen para maging kuwalipikado sa pagtuturo at maging isang pormal na guro. Pagkatapos puwede na niyang maabot ang katanyagan at kapakinabangan, hindi ba? Kapag dumating ang araw na iyon, wala nang mangmamaliit sa kanya. Sa pag-iisip niya nito, walang pag-aatubiling pumayag si An Ran.

Habang lumalakad siya palabas ng bahay ng pinsan niya, naging balisa si An Ran: Sa hinaharap, kapag nagtrabaho siya sa isang pribadong paaralan, ibig sabihin niyon ay kada dalawang linggo lang ang magiging pahinga niya, at siguradong hindi siya makakadalo sa mga pagtitipon. Malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Kung maaapektuhan ng kanyang trabaho ang pagdalo niya sa mga pagtitipon, makakasama ito sa buhay niya. Pero ito ang oportunidad na noon pa pinapangarap ni An Ran para mangibabaw. Ayaw niyang palampasin ito. Pagkatapos ng matagal na pag-iisip, pinili pa rin ni An Ran ang trabaho. Inalo niya ang sarili niya sa pagsasabi na hangga’t nagbabasa siya ng mas maraming salita ng Diyos at dumadalo sa mga pagtitipon tuwing bakasyon niya sa trabaho, magiging ayos lang. Hindi magiging ganoon katindi ang epekto nito.

Sa pagtatapos ng bakasyon sa tag-init, matagumpay na nakuha ni An Ran ang trabaho at naging guro siya sa mababang paaralan gaya ng hinihiling niya. Sa wakas, nakahanap si An Ran ng plataporma para matupad ang mga pangarap niya, at sobrang nasasabik siya, ibinibigay niya ang 110% niya sa trabahong ito.

Sa pagsisimula ng taglagas, pumasok sa paaralan ang bagong grupo ng mga estudyante, at napuno ng masayang kuwentuhan at tawanan ang paaralan. Napakunot-noo si An Ran, habang mabilis na naglalakad papunta sa gusali ng pagtuturo nang may dalang patung-patong na mga libro sa mga braso niya, iniisip niya, “Talagang matindi ang kompetisyon sa mga klase sa paaralang ito. Nakatuon ang diskusyon ng mga lider at direktor sa mga grado sa eksamen ng klase ng bawat guro. Wala akong karanasan sa pagtuturo. Noong una akong pumasok sa paaralan, nagturo ako sa mga klaseng may pinakamabababang grado sa baitang nila. Kung gusto ko silang makahabol sa ibang klase, dapat maglaan ako ng mas maraming panahon at pagsisikap.” Nagpasya si An Ran: “Dapat mapataas ko ang mga grado nila sa eksamen at maging napakahusay akong guro na pinupuri ng mga magulang ng mga estudyante.” Sa pag-iisip niya nito, hindi maiwasan ni An Ran na huminga nang malalim. Matindi ito!

Pagkatapos niyon, parang di-tumitigil na orasan na si An Ran, hindi kailanman nangangahas na magpahinga kahit sandali. Nakasanayan niya ang pagtatrabaho nang lampas sa oras at pagpupuyat, itinatama ang mga takdang-aralin at tinuturuan ang mga nahihirapang estudyante sa gabi para mapataas ang mga grado nila. Pagkatapos ng ilang buwan, umakyat mula sa pinakahuli ang mga klase ni An Ran at napunta sa una at pangalawang puwesto. Sinundan ito ng papuri mula sa mga magulang at mataas na pagtingin mula sa mga lider, na talagang nagpasaya sa banidad ni An Ran. Tuwang-tuwa siya, naglalakad siya nang taas-noo, at nagmamalaki siya nang makatagpo niya ang mga tao mula sa baryo niya. Naniwala siya na sulit ang lahat ng pagsisikap niya, gaano man ito kahirap at nakakapagod.

Gayunpaman, sa kabila ng kanyang makinang na panlabas, siya lamang ang nakakaalam sa walang patid na pait at paghihirap na pinagdaanan niya.

“Sinabi ko sa iyo nang maraming beses, bakit hindi ka lumipat sa isang trabaho na hindi gaanong abala? Tingnan mo ang sarili mo, nabawasan ka na nang mahigit limang kilo sa loob lang ng isa’t kalahating taon, palagi kang umiinom ng gamot at nagpapaineksyon, at pinapagod mo ang sarili mo sa kakatrabaho. Sinusubukan mo bang patayin ang sarili mo? Paano ka mananalig sa Diyos kung hindi ka man lang makadalo sa mga pagtitipon? Mauunawaan mo pa ba ang katotohanan at maliligtas ka pa ba kung ganito?” Umupo ang nanay ni An Ran sa tabi ng kama niya, puno ng awa ang mga mata nito, pinapagalitan si An Ran.

“Nanay, alam kong masyadong abala ang trabahong ito at wala nang panahon para sa mga pagtitipon, pero…” Bago pa siya matapos magsalita, sumakit ang lalamunan ni An Ran.

Humarap ang nanay niya at nag-abot ng baso ng tubig kay An Ran. Pagkaalis ng nanay niya, inalala ni An Ran ang nakaraang taon. Ang lantarang kompetisyon at tagong paghihirap sa gitna ng mga kasamahan, ang madalas na pagpupuyat, at ang bigat ng trabaho ay naging dahilan para mahirapang makatulog si An Ran, madalas siyang binabagabag ng mga bangungot sa oras na magawa niyang makatulog. Partikular na naging mahina ang resistensya niya, at halos araw-araw na siyang umiinom ng gamot. Dahil sa mabigat na trabaho bawat araw, wala nang natitirang panahon o lakas si An Ran para lumapit sa Diyos. Pakiramdam niya ay isa siyang makinang hindi kailanman tumitigil sa pagtakbo, na walang alam na anumang bagay maliban sa trabaho. Minsan, naisip niya, “Dapat ba akong magpalit ng trabaho? Talagang nakakaapekto sa buhay pagpasok ko ang pagpapatuloy ko nang ganito. Pero kung magbibitiw ako sa trabaho, hindi ba’t ganap na mawawasak ang habambuhay kong pangarap na mamukod-tangi? Makakahanap pa ba uli ako ng ganito kagandang oportunidad?” Ang mga humahangang tingin ng mga kamag-anak at kaibigan, at ang mga papuri mula sa mga magulang ng mga estudyante at mga lider sa paaralan—ang lahat ng ito ang mga inaasam-asam ni An Ran. “Gaya nga ng kasabihan,” naisip niya, “‘Dapat may lakas ng loob ang mga tao na ipaglaban ang dignidad nila.’ Nabubuhay ang mga tao para patunayan ang mga sarili nila at umani ng respeto, hindi ba? Ano ang katuturan ng buhay kung magiging karaniwan ka lang buong buhay mo?” Bumangon si An Ran at bumalik sa mesa niya, kinuha niya ang panulat niya para ipagpatuloy ang paggawa ng mga lesson plan niya. Nakapagpasya na siya: Hindi niya tatalikuran ang trabahong ito. Hangga’t ginagamit niya nang mabuti ang mga bakasyon niya sa trabaho para kumain at uminom ng salita ng Diyos at dumalo sa mas maraming pagtitipon, magiging pareho lang iyon.

Noong 2011 na Pista ng Tagsibol, habang naglilinis ng bahay kasama ang nanay niya, biglang naramdaman ni An Ran na hindi niya maitaas ang kanang braso niya at hindi siya nangahas na yumuko. Noong sinubukan niyang yumuko, may narinig siyang lagitik. Natakot at nalito si An Ran.

“May frozen shoulder at cervical spondylosis ka. Parehong nakukuha ang mga iyan sa pagtatrabaho. Kung hindi ka agad na magsisimula ng pagpapagamot, baka hindi na magamot ang mga iyan. Hindi talaga maayos ang kondisyon ng katawan mo; kailangang simulan mo na agad ang pagpapagamot,” seryosong payo kay An Ran ng doktor sa ospital.

Pagkatapos niyang marinig ang mga salita ng doktor, takot na takot si An Ran: “Labingsiyam na taong gulang lang ako. Kakasimula pa lang ng buhay ko, at marami pang pangarap ang kailangan kong tuparin. Kung lalala ang frozen shoulder at cervical spondylosis ko, paano ako makakaraos sa mga darating na araw? Makakapunta pa ba ako sa klase at makakapagtrabaho nang normal?” Iniisip pa lang niyang puwedeng mawasak ang pinapangarap niyang tagumpay, nadama talaga ni An Ran na ayaw niya iyon at hindi niya maiwasang magreklamo, “Bakit napakapait ng buhay ko? Bakit hindi ko matupad ang mga hiling ko? Nakatakda ba akong maliitin buong buhay ko?” Hindi niya maiwasang umiyak.

Madilim ang kalangitan, na para bang uulan ng niyebe. Umihip ang malamig na hangin, pinanginig ang mga tao na para bang nahulog sila sa isang bodega ng yelo.

Namaluktot si An Ran sa kama niya, puno ng kabiguan ang mukha niya. Pakiramdam niya parang wala na siyang kinabukasan at nawalan siya ng sigla sa lahat ng ginagawa niya. Sa sakit na nararamdaman niya, ang kaya niya lang gawin ay lumapit sa Diyos sa panalangin, “O, Diyos, bigla akong nagkaroon ng seryosong sakit, at natatakot ako. Hindi ko alam kung paano magpatuloy mula rito. Sa nakaraang taong ito, nagtrabaho ako sa lahat ng oras at hindi ako gaanong nakadalo sa mga pagtitipon. Alam kong hindi ito umaayon sa layunin Mo, pero hindi ko kayang bitawan ang trabaho ko. Pakiramdam ko mapait ang buhay ko, at hindi ko alam kung bakit nangyari ang lahat ng ito sa akin. Nawa’y bigyang-liwanag Mo ako at tulungan Mo akong malampasan ang sakit na ito.”

Sa panahong iyon, bakasyon dahil taglamig, at inilaan ni An Ran ang panahon niya sa pagdalo sa mga pagtitipon o kaya ay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos sa bahay. Partikular niyang ikinasaya ang panonood ng mga pelikula at video tungkol sa ebanghelyo. Noong napanood niya na sa Kapanahunan ng Biyaya, maraming misyonero ang naglakbay nang malayo sa Tsina, tinalikuran ang mga pamilya at mga asawa nila, at tiniis ang lahat ng uri ng pang-uusig, pero hindi pa rin napagod na magpalaganap ng ebanghelyo at kusang-loob na ginugol ang mga sarili nila para sa Diyos, nang hindi pinagsisisihan ang desisyon nila, sobrang napukaw ang emosyon ni An Ran. Naisip niya, “Nanalig sila sa Panginoong Jesus nang may gayong sigasig, at ngayon ay tinanggap ko ang ikatlong yugto ng gawain ng Diyos, sinasalubong ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Mas marami ang narinig ko sa mga salita ng Diyos at mas marami akong naunawaan sa mga katotohanan at misteryo kumpara sa kanila. Nagtamasa ako ng maraming pagdidilig at pagkakaloob mula sa mga salita ng Diyos, kaya dapat mas lalo akong magpalaganap ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos.” Naalala ni An Ran ang maraming kapatid sa paligid niya na bumitaw sa mga pag-aasawa at trabaho nila, aktibong ginagampanan ang mga tungkulin nila sa iglesia at sinusuklian ang pagmamahal ng Diyos. Ilang taon na siyang nananampalataya sa Diyos, tinatamasa ang biyaya ng Diyos, pero sa halip na gampanan niya ang mga tungkulin niya, hindi man lang siya regular na nakakadalo sa mga pagtitipon. Napaisip siya kung tunay ba siyang mananampalataya ng Diyos. Inalala niya ang mga kapatid na dati niyang kasamang magtipon, na ngayon ay gumaganap ng mga tungkulin nila sa iglesia, habang siya ay naghahangad ng kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan, tinanong ni An Ran ang sarili niya, “Bakit hindi ko kayang tigilan ang paghahangad ng kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan?”

Isang araw, binasa ni An Ran ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay para sa kapakanan ng tao. Ipagpalagay, bilang halimbawa, ang kalangitan at lupa at ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos upang magsilbi sa tao: Ang buwan, ang araw, at ang mga bituin na ginawa Niya para sa tao, ang mga hayop at mga halaman, ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig, at iba pa—ang lahat ay ginagawa para sa kapakanan ng pag-iral ng tao. At kaya, paano Niya man kinakastigo at hinahatulan ang tao, ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng kaligtasan ng tao. Kahit na tinatanggal Niya sa tao ang kanyang makalamang mga inaasahan, ito ay para sa kapakanan ng pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa para manatili siyang buhay. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Naunawaan ni An Ran na nasa kamay ng Diyos ang tadhana ng tao at hindi nasasakop ng sarili niyang pagnanais. Napagtanto niya na isa lang siyang hindi mahalagang nilikha at hindi niya makokontrol ang mga karanasang pagdadaanan niya sa buhay. Gayunpaman, ginusto niya na palaging gawin ang mga bagay sa paraan niya at hindi siya nagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Inisip niya na mapait ang buhay niya dahil nagkasakit siya at hindi niya na kayang ipagpatuloy ang trabaho niya o mamukod-tangi. Hindi ba’t pagrereklamo ito laban sa Diyos? Sa pagninilay sa nakaraang taon, napagtanto ni An Ran na dahil sa pagtutok niya sa trabaho, nanlamig ang relasyon niya sa Diyos. Kung hindi dahil sa sakit niya, mananatili siyang nakatuon lang sa trabaho at sa pagkita ng pera, nang walang oras o lakas para lumapit sa Diyos. Ngayon, sa kabila ng pisikal niyang pagdurusa, kaya niyang tumahimik at maglaan ng oras para magbasa ng salita ng Diyos, na isang mabuting bagay. Handa si An Ran na magpasakop at maghangad ng layunin ng Diyos.

Habang lumilitaw ang araw ng taglamig, lalong nakakaakit ang init nito. Napuno ng sikat ng araw ang bawat sulok ng bakuran, pinupuspos ng init ang katawan niya.

Umupo si An Ran sa bakuran, sumandal sa upuan niya, tahimik na nagbabasa ng mga salitang ito ng Diyos: “Ngayon ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon na pinagbubukud-bukod Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ang ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa, na malinaw mong mabatid at tiyakin ang lahat ng gawaing Aking nagawa na sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas tungo sa Aking gawain nang ito ay maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahabol sa mga kaaliwan ng laman, na makakaantala sa Aking gawain at sa iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na pangalagaan ka, ay magdudulot sa iyo ng kapahamakan. Hindi ba kahangalan ito para sa iyo? Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pinagdurusahan ngayon ay ang mismong bagay na nangangalaga sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabiktima ng mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at iwasang mangapa sa makapal na hamog at hindi makita ang araw. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa paghatol ng dakilang araw(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao). Habang pinag-iisipan niya ang mga salita ng Diyos, unti-unting naunawaan ni An Ran na mula pagkabata, palagi niyang hinahangad ang kahusayan, ninanais niyang baguhin ang tadhana niya gamit ang sarili niyang mga kamay. Palagi niyang nadadama na kailangan niyang gumawa ng pangalan sa mundo at makamit ang paghanga ng mga tao; kung hindi, magiging walang kabuluhan ang buhay. Ano ang punto ng pagiging buhay kung mananatiling mababang klase ang isang tao? Sa paghahangad niya ng kahusayan at kaluwalhatian, nagtrabaho nang maigi si An Ran para kumita ng pera, at pagkatapos niyang tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, kahit na alam niyang ang bahaging ito ng gawain ay para sa paglilinis at pagbabago ng mga tao, na ito ang huling bahagi ng gawain ng Diyos, at ang bahaging ito ng gawain ay isang beses lang darating sa buhay, at kung mapapalampas niya ito ay mawawala sa kanya ang pagkakataong maligtas, lumayo pa rin siya sa Diyos para hanapin ang kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan, at ginawa niyang halaga ng buhay ang pagtupad sa mga mithiin niya at ang pagnanais at paghahanap ng kahusayan. Para sa mga ito walang humpay siyang nagtrabaho, mapait na naghirap siya sa alimpuyo ng katanyagan, kapakinabangan, at kayamanan, na sa huli ay nagdulot sa kanya ng ganap na pisikal na pagdurusa at malalim na pasakit. Pinakamahalaga sa lahat, inilayo niya ang sarili sa Diyos at pinagkanulo ang Diyos para mamukod-tangi at alang-alang sa mga tinatawag na pagkakataon, pinagpapaliban ang mga oportunidad para makipagtipon sa iba at makamit ang katotohanan. Hindi ba’t ito ang sinabi sa mga salita ng Diyos: “Iyang buong pag-iimbot mong kinahuhumalingan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan”? Hindi humahantong sa mabubuting pagkakataon ang paghahanap ng kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan; sa totoo lang nakakasama ito at nakakasira ng sarili! Napagtanto ni An Ran na kahit hindi nagdulot ng kirot sa kanya ang sakit na ito, pinigilan din nito ang paghahangad niya ng katanyagan at kapakinabangan. Sa panlabas, mukhang winasak ng sakit na ito ang mga pangarap niya, pero ang hindi nakikita, pinrotektahan siya nito. Sa pamamagitan ng sakit na ito, nakalapit si An Ran sa Diyos, napagnilayan niya ang sarili niyang landas at talagang napag-isipan niya ang buhay niya—ano ang mas mahalaga, ang paghahangad ng katotohanan at buhay, o katanyagan at kapakinabangan? Sa sandaling iyan, nagkaroon ng reyalisasyon si An Ran, habang pinag-iisipan ang mga salita sa Bibliya: “Aking nakita ang lahat na gawa, na nagawa sa ilalim ng araw; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala” (Mangangaral 1:14). “Sapagkat ano ang pakikinabangan ng tao, kung makakamtan niya ang buong sanlibutan at maiwawala niya ang kanyang sariling buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kanyang buhay?(Mateo 16:26). Nagdadala ng panandaliang kasiyahan ang kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan at nagbibigay ng kabantugan at paggalang ng iba, pero kung ibig sabihin nito ay pagkawala ng pagkakataon para makamit ang katotohanan at kaligtasan, ito ay parang pagsasakripisyo ng sariling buhay ng isang tao. Ano ang katuturan ang naroon?

Patuloy na nagbasa si An Ran ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihan ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagtutol sa mga taong ito na walang kamalayan, dahil kinailangan Niyang maghintay ng sagot sa napakatagal na panahon mula sa mga tao. Hangad Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, bigyan ka ng tubig at pagkain upang gisingin ka, upang hindi ka na mauhaw at magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman ang labis na kapanglawan ng mundong ito, huwag magulumihanan, huwag manangis. Tatanggapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras. Siya ay lagi sa iyong tabi upang bantayan ka, naghihintay sa iyong pagbabalik. Hinihintay Niya ang araw na biglang babalik ang iyong alaala: na matatanto mo na ikaw ay nagmula sa Diyos, at minsa’y nawalan ka ng direksyon, at minsa’y nawalan ka ng malay sa daan at minsa’y nagkaroon ng ‘ama,’ at na iyong matatanto, bukod pa riyan, na ang Makapangyarihan sa lahat ay laging nagbabantay, naghihintay nang napakatagal na panahon sa iyong pagbabalik. Noon pa man ay binabantayan ka at lubhang umaasam, naghihintay ng tugon na walang kasagutan. Ang Kanyang pagmamasid at paghihintay ay hindi matutumbasan, at ang mga ito ay para sa kapakanan ng puso at espiritu ng tao. Marahil ang pagmamasid at paghihintay na ito ay walang tiyak na katapusan, at marahil ang mga ito ay malapit nang magwakas. Ngunit dapat mong malaman kung saan talaga naroroon ang iyong puso at espiritu sa mismong sandaling ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Nakikita niyang paulit-ulit na tinatawag ng mga salita ng Diyos ang sangkatauhan, talagang naantig ang puso ni An Ran, pinalabo ng luha ang paningin niya. Nagbuntong-hininga siya sa loob-loob niya, “Palaging naghihintay ang Diyos sa pagbabalik ko, hindi kailanman sumusuko sa pagliligtas sa akin.” Napagtanto ni An Ran na matagal niya nang narinig ang boses ng Diyos at nakapagbasa ng marami sa mga salita ng Diyos. Alam niya na ang Diyos, sa mga huling araw, ay nagkatawang-tao para personal na iligtas ang sangkatauhan—isa itong napakadalang na pagkakataon. Pero naging masyado siyang mapagmatigas at manhid sa puso niya, itinuon niya ang kanyang isip, lakas, at oras sa pagtatrabaho para sa pera, hinahangad ang paghanga ng iba, pinaghihirapan na pataasin ang sarili niya. Kung ipagpapatuloy niya ang landas na ito, papagurin lang niya ang kanyang sarili, at ganap siyang magiging sakripisyong biktima ng katanyagan at kapakinabangan, hindi nakakakuha ng mabubuting pagkakataon at sa huli ay mangwawasak sa sarili niya. Sa sandaling iyon, talagang naantig si An Ran, puno ng luha ang mga mata niya. Kinilala niya na pagmamahal at pagliligtas ang lahat ng bagay na ibinigay sa kanya ng Diyos, na tinugon niya ng pagtanggi, pag-iwas, at paglaban. Nadama niyang may utang siya sa Diyos. Tahimik siyang nagpasya na buong-pusong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at makibahagi sa mga pagtitipon, at hindi na kailanman lulubog sa kawalan ng pag-asa at pagkasira.

Pagkatapos ay nakinig siya sa isang pagbasa ng mga salita ng Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng impluwensya ng diyablo, ganap na natatapakan sa karumihan nito. Kung hindi mo nauunawaan ang kahulugan ng buhay o natatamo ang tunay na daan, ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Sa pakikinig sa mga salita ng Diyos, natagpuan ni An Ran ang tamang layunin sa buhay, naramdaman niya na lubusan siyang lumaya at naging kalmado. Pinag-isipan niya ang lahat ng mga taong nabuhay siya para sa katanyagan at kapakinabangan, pinahirapan nang matindi ang sarili niya dahil sa pagnanais niyang mamukod-tangi, pinasan ang stress, sakit, at pait, sa huli humarap sa pagkasira kasama ni Satanas. Lahat ng ito ay dahil sa pamumuhay ayon sa maling pananaw sa buhay. Ngayon naunawaan ni An Ran na ang kayamanan, katayuan, katanyagan, at kapakinabangan ay mga bagay na walang-halaga. Bilang isang nilikha, ang pamumuhay para italaga ang sariling buhay sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, at pagkilala sa Diyos ay ang pinakamakabuluhang pag-iral. Kung buong-puso siyang maghahangad ng katotohanan habang nasa gawain ng Diyos, iwinawaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, sa kalaunan maaari siyang maging isang taong sinang-ayunan ng Diyos. Kahit na wala siyang matanggap na pagkilala mula sa mga tao sa habambuhay niya, ang pagsang-ayon ng Diyos ang magiging pinakamataas na karangalan. Sa pag-iisip sa napakaraming kapatid, may ilang nagtapos sa unibersidad, ilang nagpapatakbo ng mga negosyo ng pamilya, na kakayaning tumalikod sa sarili nilang katanyagan at kapakinabangan para gampanan ang kanilang mga tungkulin, ano ang mayroon doon na hindi mabitawan ng isang gaya niyang hamak na guro? Isinara ni An Ran ang aklat niya ng mga salita ng Diyos, lumuhod siya, at nanalangin, “O Diyos, naging mapaghimagsik ako, nabuhay ako nang naghahangad ng kayamanan, katanyagan, at kapakinabangan, hindi taos-pusong lumalapit sa Iyo. Ngayon nagising ako at napagtanto ko na hindi sulit ang paghahandog ng buhay ko para sa katanyagan, kapakinabangan, at kayamanan. O Diyos, salamat sa hindi pagsuko sa pagliligtas sa akin, palagi Mong hinihintay ang pagbabalik ko. Handa ako, mula ngayon, na pagtuunan ang pagkain at pag-inom ng mga salita Mo, makibahagi sa mas maraming pagtitipon, at gawin ang mga tungkulin ko. Ayoko nang maloko at mapinsala ni Satanas.” Pagkatapos manalangin, nakaramdam si An Ran ng katatagan sa puso niya. Sa mga sumunod na araw, masipag siyang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos araw-araw at dumalo sa mas maraming pagtitipon.

Hindi naglaon pagkatapos ng Pista ng Tagsibol, biglang tumawag sa kanya ang isang kaklase niya na matagal na niyang hindi nakakausap, inalok nito sa kanya ang isang posisyon para magtrabaho sa after-school program ng siyudad, kung saan magtuturo siya sa mga estudyante sa oras lang ng pagkain nila. Kahit na mas maliit ang bayad sa trabahong ito at walang dalang pagkilala o paghanga, natuwa si An Ran na mayroon siyang mas maraming panahon para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at gumanap ng mga tungkulin niya.

Sa isa pang Linggo ng umaga, habang naglalakad si An Ran pauwi. Habang mabilis na naglalakad ang ibang paroo’t parito sa daan, binagalan niya ang paglalakad, nalilito ang isip niya—noong nakaraang araw ay nakatanggap siya ng tawag galing sa pinsan niya na pinipilit siyang bumalik sa pagtatrabaho sa paaralan; pareho din ang ipinipilit ng mga kamag-anak niya. Pinag-isipan ni An Ran: Bumuti na siya sa sakit niya, at bata pa siya—bakit hindi niya ito subukan muli? Kung bumalik siya sa paaralan, susunod ang paggalang at paghanga ng ibang tao.

Habang dumaraan ang hangin, naalala ni An Ran ang mapapait na araw sa paaralan. Ngayon, sa wakas nagawa na niyang makalabas, at kaya niya nang dumalo nang normal sa mga pagtitipon, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at gampanan ang mga tungkulin niya. Kung babalik siya sa trabaho sa paaralan, hindi ba’t nananawagan ito ng mga di-kinakailangang paghihirap?

Pagkaisip nito, kinuha ni An Ran ang telepono niya at nagpadala ng mensahe sa pinsan niya, magalang na tumatanggi.

Beep! Sa isang busina, tumigil ang isang kotse sa harap ni An Ran. Kinuha niya ang maleta niya at sinimulan ang landas ng pagganap ng kanyang tungkulin.

Habang nakaupo siya sa may tabi ng bintana ng kotse, inalala ni An Ran ang pinagdaanan niya, mula sa isang taong malalim na nakapulupot sa pera, kasikatan, at kapakinabangan, patungo sa pagiging isang miyembrong gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Tunay nga, bawat hakbang ay pinangunahan ng Diyos at pinuno ng sobra-sobrang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Kung hindi nagkakaloob ng kaliwanagan at pamumuno ang mga salita ng Diyos, maaaring nakakulong pa rin siya sa alimpuyo ng paghahangad sa katanyagan, kapakinabangan, at katayuan. Tahimik siyang nagpasalamat sa Diyos sa puso niya, nakahanda lamang na mahalin ang mahalagang panahon na tinatamasa niya ngayon, para taimtim niyang hangarin ang katotohanan at tuparin ang mga tungkulin niya para ipanatag ang puso ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Lihim na Payo Upang Lutasin ang Poot

Ang Diyos ay habambuhay na pinakamataas at marangal, habang ang tao ay habambuhay na mababa at walang kabuluhan. Ito ay dahil habambuhay na nagsasakripisyo ang Diyos at inilalaan ang Kanyang sarili sa sangkatauhan; ang tao, sa kabilang banda, ay habambuhay na kumikilos para lamang sa kanyang sarili.