Napakarami Kong Nakamit Mula sa Pagdaranas ng Sakit

Agosto 19, 2024

Ni Violet, Greece

Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasam, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok at pagpipino. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay at nagpakita ka ng katiwalian, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay para maisuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagpipigil ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto, ang mga tao ay napipigilan pa rin ng kanilang satanikong kalikasan, at sa alinmang aspeto na mayroon pa rin silang sarili nilang mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat silang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng masasakit na pagsubok. Walang nakakaunawa sa mga layunin ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa tuwing binabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, ipinapaalala nito sa akin ang karanasan ko mismo sa pagkakasakit. Kung hindi pa ako ibinunyag ng karamdaman ko, hindi ko pa kailanman makikita ang mali kong pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos para lamang magkamit ng mga pagpapala, at hindi ko sana mabibitiwan ang nararamdaman kong pagkabalisa at pag-aalala tungkol sa aking mga inaasam sa hinaharap at hantungan. Salamat sa Diyos sa paglalatag ng mga pangyayari na naging dahilan para maranasan ko ang sakit na ito at magkamit ng mga hindi inaasahang gantimpala.

Mula noong bata pa ako, sakitin na ako. Noong 21 taong gulang ako, nagka-bronchitis ako at sinisinat ako sa loob ng tatlong buwan. Nagpunta ako sa maraming ospital, malaki at maliit, pero walang nakapagpagaling nito. Gayundin, ang likidong gamot na iniinom ko ay nagdulot ng malubhang pinsala sa aking tiyan at sa mga ugat ko, at ang nagawa ko lang ay umuwi para magpalakas. Noong makauwi ako, hindi ako makakain, at lumala nang lumala ang kalusugan ko. Pakiramdam ko ay naghihintay na lamang akong mamatay. Nang makita ng nanay ko kung gaano kasakit ang nararanasan ko, ipinangaral niya sa akin ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang katunayan na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan, kung bakit napakasakit ng buhay ng mga tao, kung paano sila makakawala sa pasakit na ito, kung ano ang dapat gawin ng isang tao upang magkaroon ng makabuluhang buhay, at iba pa. Noong panahong iyon, walang ibang nagpapasaya sa akin kundi ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw. Para bang nakakalimutan ko ang sakit ko dahil dito. Kalaunan, bahagyang bumuti ang kalusugan ko, at nagsimula akong magkaroon ng buhay iglesia. Pagkalipas ng kalahating taon, gumaling na ako. Dahil natamasa ko ang biyaya ng Diyos, pinagpasyahan ko sa puso ko na ialay ang buong buhay ko at gugulin ang aking sarili para sa Kanya upang suklian ang Kanyang pagmamahal. Pagkatapos niyon, maagap kong inilaan ang sarili ko sa aking tungkulin. Maulan man o mahangin, malamig o mainit, o kung nahaharap man kami sa banta ng pag-aresto at pang-uusig ng Partido Komunista, ipinagpatuloy ko ang pagganap ng aking tungkulin sa hirap at ginhawa.

Ganoon lang ay mabilis na lumipas ang siyam na taon, at lalong tumitindi ang pang-uusig ng Partido Komunista. Mapalad ako na makatakas mula sa Tsina at makarating sa isang malaya, at demokratikong bansa kung saan ay nagpatuloy ako sa pananampalataya sa Diyos. Sa mga taong iyon, ipinagpatuloy ko ang pagganap sa aking tungkulin. Sa loob ng ilang panahon, nasa lugar ako na iba ang oras kumpara sa mga baguhan na dinidiligan ko, at kinailangan kong magpuyat gabi-gabi upang gampanan ang aking tungkulin. Bagaman napapagod ako paminsan-minsan, kapag naiisip ko ang dakilang hantungan na inihanda ng Diyos para sa atin, nadarama kong sulit ang pagtitiis ng gaano man karaming pagdurusa. Noong 2021, madalas naninikip ang dibdib ko at kumakabog ang puso ko, at madalas ding pabago-bago ang tibok ng puso ko. Bukod pa rito, pagod na pagod ang buong katawan ko, at madalas akong inaantok. Noong una, hindi ko ito pinansin, dahil inisip ko na gagaling ako kung magpapahinga lang ako nang kaunti. Bukod pa rito, kakatanggap pa lang ng mga baguhan sa Makapangyarihang Diyos at wala pa silang matatatag na pundasyon; kung hindi ko sila didiligan kaagad, magdurusa ng kawalan ang kanilang buhay. Gayunpaman, lumipas ang ilang buwan, at lumala nang lumala ang aking mga sintomas. Kung minsan, bigla akong nakararamdam ng matinding pananakit sa puso ko. Medyo nag-alala ako, dahil natatakot ako na mayroon akong isang uri ng malubhang sakit. Pero naisip ko, “Kahit na mahina na ang kalusugan ko mula pa noong bata pa ako, hindi pa ako nagkaroon ng malubhang sakit dati. Marahil ito ay mga normal na tugon ng katawan sa pagpupuyat sa panahong ito. Malamang na hindi ito malubha. Gayundin, sa loob ng mga taong ito ay tinalikuran ko ang lahat at ginugol ko ang aking sarili para sa Diyos, kaya dapat protektahan Niya ako at huwag akong hayaang magkaroon ng matinding karamdaman.”

Noong isang gabi ng Pebrero 2022, ginagamit ko ang computer ko at ginagawa ang aking tungkulin gaya ng dati, nang makaramdam ako ng bahagyang pananakit sa puso ko na parang sinasaksak. Noong una, gusto kong tiisin iyon at hintaying mawala, pero lumala iyon nang lumala, na para bang pinupulikat. Nagsimula akong kapusin ng hininga, at kalaunan, hindi ko na kinayang manatiling nakatayo at bumagsak ako sa sahig. Habang nangyayari ito, sobra akong natakot, at hindi ko na napigilan ang pagpatak ng mga luha ko. Nakita ako ng isang sister sa bahay at binuhat niya ako patungo sa kama, at kalaunan, nakatulog ako. Nang magising ako, pasado alas-9 na ng gabi, at tumitig ako sa kisame, inaalala ang nangyari at naisip ko, “Hinimatay ba ako dahil sa pananakit ng puso? May sakit ba talaga ako sa puso? Nakamamatay ang mga sakit sa puso; mamamatay na ba ako? Tinalikuran ko ang lahat at ginampanan ang aking tungkulin, kaya bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos?” Hindi ko maunawaan kung ano ang layunin ng Diyos sa pagkakaroon ko ng ganitong sakit. Kailangan kong patahimikin ang aking isip at basahin ang mga salita ng Diyos, kaya inilabas ko ang aking telepono at nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang layunin ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at panghawakan nang mahigpit ang iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung walang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nananampalataya kang makikita mo ang Kanyang mga kilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananampalatayang iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakakamtan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Nakatulong ang mga salita ng Diyos para mapakalma ako nang kaunti. Napagtanto ko na nahaharap ako sa isa sa mga pagsubok ng Diyos, at na mayroong layunin ang Diyos sa pagkakaroon ko ng sakit na ito; hindi ko pa lang ito naiintindihan. Noong maharap si Job sa mga pagsubok, hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, ngunit hindi pa rin siya nagkasala sa pamamagitan ng kanyang mga labi. Sa halip, nanalangin siya at humingi ng patnubay, naging magandang saksi siya para sa Diyos. Sa huli, ibinunyag ng Diyos ang Kanyang sarili kay Job; isang napakalaking pagpapala niyon. Ngayon, hinimatay ako dahil sa sakit sa puso, at bagaman hindi ko pa rin maintindihan kung ano ang layunin ng Diyos, dapat akong matuto mula kay Job at hindi magkasala gamit ang aking mga labi. Dagdag pa rito, tinitingnan din ng Diyos kung mayroon akong tunay na pananampalataya. Dati, noong maayos ang kalusugan ko, nagugugol ko ang aking sarili para sa Kanya, nagdurusa at nagbabayad ng halaga para sa aking tungkulin nang walang mga reklamo. Ngayong nahaharap ako sa sakit na ito, hindi ako makapagreklamo sa Diyos. Kailangan kong hanapin ang layunin ng Diyos; hindi ko kayang mawala ang pananampalataya ko sa Kanya.

Sa panahon pagkatapos niyon, lumala ang aking kalusugan. Madalas kumakabog ang puso at naninikip ang dibdib ko, at nanghihina ang buong katawan ko. Kapag nagsasalita ako, madalas akong nahihirapang huminga at kinakapos ng hangin, at kahit mga simpleng gawaing bahay ay hindi ko magawa. Nang makita ko ang aking kalagayan, sumama ang loob ko, at napaisip, “Ako ay 30 taong gulang pa lang; kailangan ko ba talagang mamuhay na bahagyang may kapansanan sa hinaharap? Nagsimula akong manampalataya sa Diyos noong 21 taong gulang ako, na ginugugol ang aking kabataan at tinatalikuran ang lahat. Hindi rin ako nagpatinag nang hinarap ko ang pang-uusig ng Partido Komunista. Bakit hindi ako pinrotektahan ng Diyos? Ngayon, aktibong ginagawa ng lahat ang kanilang mga tungkulin, pero may ganito akong sakit. Sa mahalagang sandali na ito, hindi ko magawa ang tungkulin ko o makapaghanda ng mabubuting gawa. Magkakaroon pa rin ba ako ng magandang kalalabasan at hantungan?” Habang mas nag-iisip ako, mas lalong sumasama ang loob ko, at nagtago ako sa balkonahe para mag-isang umiyak. Habang mas umiiyak ako, mas lalo kong nadamang naagrabyado ako, iniisip ko na talagang miserable ang aking kasalukuyang kalagayan. Pagkatapos kong umiyak, mas naging bahagyang kalmado ang isip ko, at lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, labis akong binabagabag ng sakit na ito, at hindi ko alam kung ano ang Iyong layunin. Alam kong hindi ako dapat magreklamo o maging walang katwiran sa paghingi sa Iyo, pero napakahina ng puso ko at napakaliit ng tayog ko. Pakigabayan Mo ako upang maunawaan ko ang Iyong layunin, para makilala ko ang aking sarili at matuto ako ng mga aral sa gitna ng mga pangyayaring ito.” Pagkatapos kong manalangin, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Itinuring sila ng Diyos bilang mga miyembro ng pamilya, subalit itinuring Siya ng tao bilang isang estranghero. Gayunman, pagkaraan ng ilang panahon ng gawain ng Diyos, naunawaan ng mga tao kung ano ang sinisikap Niyang makamit, at nalaman nila na Siya ang tunay na Diyos; nalaman din nila kung ano ang maaari nilang matamo mula sa Diyos. Paano itinuring ng mga tao ang Diyos sa panahong ito? Ang tingin nila sa Kanya ay isang mahihingan ng tulong, at inasam nilang mapagkalooban ng Kanyang biyaya, mga pagpapala, at mga pangako. Sa panahong ito, paano itinuring ng Diyos ang mga tao? Itinuring Niya sila bilang mga layon ng Kanyang paglupig. Nais ng Diyos na gumamit ng mga salita upang hatulan sila, suriin sila, at isailalim sila sa mga pagsubok. Gayunman, para sa mga tao noon, ang Diyos ay isang bagay na maaari nilang gamitin upang makamtan ang sarili nilang mga layunin. Nakita ng mga tao na ang katotohanang inilabas ng Diyos ay maaari silang lupigin at iligtas, na nagkaroon sila ng isang pagkakataong matamo ang mga bagay na nais nila mula sa Kanya, at matamo rin ang mga hantungang nais nila. Dahil dito, nabuo ang katiting na katapatan sa kanilang puso, at naging handa silang sundan ang Diyos na ito(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, labis akong nabalisa at sumama ang loob. Dinala ako ng Diyos sa Kanyang sambahayan at itinuring akong kapamilya, at binibigyan ako ng pagkakataong gawin ang aking tungkulin at nagbigay-daan sa akin para magkamit ng iba’t ibang katotohanan sa aking tungkulin upang sa wakas ay maiwaksi ko ang aking tiwaling disposisyon at makamit ang pagliligtas ng Diyos. Gayunpaman, itinuring ko ang Diyos bilang isang tagapagligtas, na ang gusto ko lang ay makakuha ng biyaya at mga pagpapala mula sa Kanya. Nang maharap sa sakit na ito, kinuwenta ko kung gaano karami ang tinalikuran ko para sa Diyos, at inisip na dahil tinalikuran ko at iginugol ang aking sarili para sa Kanya, hindi ako dapat nagkasakit, at dapat ay biniyayaan ako ng Diyos ng mabuting kalusugan. Nang hindi ko nakuha ang gusto ko, pinanghinaan ako ng loob at nadismaya. Hindi ko pala tinalikuran ang lahat at hindi ko ginugol ang aking sarili para sa Diyos alang-alang sa pagsukli ng Kanyang pagmamahal. Bagkus, nakipagtransaksyon ako sa Kanya; tumatalikod ako at gumugugol upang makakuha ng biyaya at mga pagpapala. Nang makita kong marami pa rin akong kasuklam-suklam na motibo sa aking pananampalataya sa Diyos, labis akong nalungkot at naisip ko na hindi ako karapatdapat sa pagliligtas ng Diyos. Naisip ko kung gaano kasama ang loob ng Diyos nang makita na ginagawa ko lamang ang aking tungkulin upang magkamit ng mga pagpapala mula sa Kanya. Kung inaalagaan lamang ng isang anak ang kanyang mga magulang para magmana siya ng ari-arian, paniguradong masasaktan ang mga magulang. Kapareho lang ako ng hindi matapat na anak na iyon, nagpapagal at ginugugol lamang ang aking sarili para sa aking sariling kapakanan. Hindi ito ang gustong makita ng Diyos. Sa pagkaunawa nito, nanalangin ako sa Diyos bilang pagsisisi. Handa akong bitiwan ang aking layunin na magtamo ng mga pagpapala at gawin ang aking tungkulin alang-alang sa pagsukli sa pagmamahal ng Diyos. Pagkatapos noon, sinimulan kong ayusin ang iskedyul ng pagtulog ko. Karaniwang tumutuon ako sa pagpapahinga nang mas madalas, pagsasaayos ng aking diyeta, at normal na paggawa ng aking tungkulin araw-araw. Sa aking pagkagulat, pagkaraan ng isang linggo, unti-unting bumuti ang aking kalusugan. Wala akong nagawa kundi magpasalamat at magpuri sa Diyos.

Noong Disyembre ng taon ding iyon, itinalaga ako sa isang bagong tungkulin. Dahil kailangan kong maging pamilyar sa gawain at suriin rin ang gawain ng mga kapatid sa grupo, may ilang araw na gabing-gabi na ako nakakatulog. Isang araw, makalipas ang alas 5 ng hapon, nakaramdam ako ng mahinang kirot sa puso ko. Medyo nagpatuloy ito nang nagtagal, at lalong sumasakit nang sumasakit. Tumayo ako at pumunta sa palikuran, at nang lumabas ako, parang may mali talaga sa puso ko, at nahihirapan akong huminga. Hindi ako makatayo nang tuwid, kaya nilagay ko ang kamay ko sa pinto at saka dahan-dahang bumagsak sa sahig. Halos kalahating oras akong nakahiga sa sahig. Hindi maganda ang pakiramdam ng puso ko, at walang tigil na nanginginig ang buong katawan ko. Natakot ang isa sa mga kapatid nang makita akong nakahiga roon, at tinulungan niya akong humiga sa aking kama. Kalaunan, pagkatapos ng 10 ng gabi, gusto kong umupo at kunin ang laptop desk sa kama, ngunit wala akong anumang lakas. Sa oras na iyon, puno ng dalamhati ang aking puso, at naisip ko, “Kung palaging mahina sa hinaharap ang kalusugan ko, ano ang gagawin ko?” Kinabukasan, pumunta ako sa ospital kasama ang isang kapatid na babae upang magpatingin, ngunit ipinakita ng mga resulta na normal naman ang lahat. Hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa o mabalisa dahil doon. Mabuti na wala akong sakit, pero may mali talaga sa akin, at kung hindi matukoy ang sakit, walang paraan upang magamot ito. Nang maglaon, habang isinasaalang-alang ang aking kalagayan sa kalusugan, binawasan ng superbisor ang aking trabaho. Nang makita kong paulit-ulit na binabawasan ang aking mga tungkulin, hindi ko maiwasang mag-alala, at naisip ko, “Unti-unting nawawala ang tungkulin ko, kaya hindi ba nangangahulugan na magkakaroon ako ng mas kaunting pagkakataon para maghanda ng mabubuting gawa? Paano ako maghahanda ng mabubuting gawa at makamit ang kaligtasan sa hinaharap?” Nang maisip ko ito, bahagya akong naging negatibo. Pagkatapos niyon, mas lumubha ang kalusugan ko, at kinailangan ko pang idikit ang kamay ko sa dingding habang naglalakad ako mula sa kuwarto ko papuntang banyo. Karaniwang nakakaupo lang ako sa kama, at kapag hindi ko na kayang manatiling nakatayo, sasandal na lang ako sa dingding o hihilig sa mesa. Naisip ko sa sarili ko, “Dati, basta magpahinga ako saglit, gagaling ako. Bakit palala na ito nang palala ngayon? Abala ang lahat, at ginagawa ang kanilang mga tungkulin; kung hindi ko magagawa ang aking tungkulin dahil sa aking karamdaman, hindi ko ba maiwawala ang pagkakataon kong makamit ang kaligtasan? Pagkatapos nito, hangga’t kinakaya ng kalusugan ko, magsusumikap ako sa aking tungkulin. Limitado lang ang mga tungkulin na magagawa ko ngayon, ngunit hangga’t nananatili ako sa aking tungkulin, baka makita ng Diyos na kaya kong magsumikap at pahintulutan akong gumaling nang mas mabilis.” Pagkatapos niyon, nanatiling mahina ang kalusugan ko, at padalas na nang padalas ang pananakit ng puso ko. Hindi ko kinakaya ang matakot sa isang bagay, at kapag may malakas na ingay, nababalisa ang puso ko. Naisip ko na, “Ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya upang gampanan ang aking tungkulin habang may ganito akong sakit, kaya bakit lumalala nang ganito ang aking kalusugan? Bakit hindi ako pinapagaling ng Diyos? Halos dalawang taon na ang sakit na ito. Nagpunta na ako sa ospital, pero hindi nila ito matukoy, at wala akong magagawa para gamutin ito. Naging mas mahirap para sa akin ang mamuhay mag-isa ngayon, at wala akong sapat na lakas para gawin ang aking tungkulin. Matatanggal na ba ako?” Pahina na ako nang pahina sa loob, kaya nanalangin ako sa Diyos at humingi ng patnubay.

Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na ito: “Kapag nagkakasakit ang mga normal na tao, palagi silang nagdurusa at nalulungkot, at may limitasyon ang kaya nilang tiisin. Subalit may isang bagay na dapat tandaan: Kung palagi na lang iniisip ng mga tao na umasa sa kanilang sariling lakas kapag may sakit sila para mawala ang kanilang sakit at maalpasan nila ito, ano ang magiging resulta sa huli? Bukod sa kanilang pagkakasakit, hindi ba’t mas lalo pa silang magdurusa at malulungkot? Kaya habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat nilang hanapin ang katotohanan, at mas dapat nilang hanapin ang paraan ng pagsasagawa upang maging ayon sa mga layunin ng Diyos. Habang mas nababalot ng sakit ang mga tao, mas dapat silang lumapit sa Diyos at kilalanin ang kanilang sariling katiwalian at ang mga hinihingi nila sa Diyos na hindi makatwiran. Habang mas nababalot ka ng sakit, mas nasusubok ang iyong tunay na pagpapasakop. Kaya naman, kapag ikaw ay may sakit, ang iyong abilidad na patuloy na magpasakop sa mga pamamatnugot ng Diyos at maghimagsik laban sa iyong mga reklamo at hindi makatwirang mga hinihingi ay nagpapakita na ikaw ay tunay na naghahangad sa katotohanan at tunay na nagpapasakop sa Diyos, na ikaw ay nagpapatotoo, na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay totoo at makapapasa sa pagsubok, at na ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Diyos ay hindi lamang mga islogan at doktrina. Ito ang dapat isagawa ng mga tao kapag sila ay nagkakasakit. Kapag ikaw ay may sakit, ito ay upang ilantad ang lahat ng iyong hindi makatwirang mga hinihingi at iyong hindi makatotohanang mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ito rin ay upang subukin ang iyong pananampalataya sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Kung papasa ka sa pagsubok na may ganitong mga bagay, mayroon kang tunay na patotoo at tunay na ebidensya sa iyong pananampalataya sa Diyos, katapatan sa Kanya, at pagpapasakop sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, at ito ang dapat taglayin at ipamuhay ng isang nilikha. Hindi ba’t pawang positibo ang mga bagay na ito? (Oo.) Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat hangarin ng mga tao. Bukod dito, kung tinutulutan ka ng Diyos na magkasakit, hindi ba’t maaari din Niyang bawiin ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar? (Oo.) Kayang bawiin ng Diyos ang iyong sakit anumang oras at saanmang lugar, kaya hindi ba’t kaya rin Niyang panatilihin ang sakit sa iyong katawan at hindi ito kailanman mawala? (Oo.) At kung idudulot ng Diyos na hindi mawala ang mismong sakit na ito sa iyo kailanman, magagampanan mo pa ba ang iyong tungkulin? Kaya mo bang panatilihin ang iyong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t ito ay isang pagsubok? (Oo.) Kung ikaw ay magkakasakit at gagaling pagkatapos ng ilang buwan, hindi nasusubok ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang iyong katapatan at pagpapasakop sa Kanya, at ikaw ay walang patotoo. Madaling magtiis ng sakit sa loob ng ilang buwan, ngunit kung ang iyong sakit ay magtatagal nang dalawa o tatlong taon, at ang iyong pananampalataya at ang iyong pagnanais na maging mapagpasakop at tapat sa Diyos ay hindi magbabago, bagkus ay lalo pa ngang magiging totoo, hindi ba’t ito ay nagpapakita na ikaw ay lumago na sa buhay? Hindi ba’t ikaw ang aani nito? (Oo.) Kaya, habang ang isang taong tunay na naghahangad sa katotohanan ay may sakit, siya ay sumasailalim at personal na dumaranas ng maraming pakinabang na dulot ng kanyang pagkakasakit. Hindi siya balisang nagsisikap na maalpasan ang kanyang karamdaman o nag-aalala kung ano ba ang magiging resulta kung magtatagal ang kanyang karamdaman, kung anong mga problema ang idudulot nito, kung lalala ba ito, o kung mamamatay ba siya—hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito. Bukod sa hindi siya nag-aalala sa mga bagay na ito, nagagawa niyang makapasok nang positibo, at magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at maging tunay na mapagpasakop at tapat sa Kanya. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, siya ay nagkakaroon ng patotoo, at ito rin ay lubos na nakakatulong sa kanyang buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon, at nagtatatag ng matibay na pundasyon para sa kanyang pagkakamit ng kaligtasan. Napakaganda niyon!(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). Ang mga salita ng Diyos ay parang liwanag sa gitna ng dilim, inaaliw at binibigyan ako ng landas para makapagsanay. Alam ng Diyos kung ano ang pinakakailangan ko sa sandaling ito. Inilatag niya ang mga pangyayaring ito para tulungan akong hanapin ang katotohanan mula sa mga ito at nauunawaan ang aking tiwaling disposisyon. Kasabay nito, nais ng Diyos na subukin ang aking pananampalataya at ang aking pagpapasakop. Madali lang sana para sa Diyos na alisin ang sakit na ito sa akin, ngunit hindi Niya ginawa iyon. Sa halip, lumala ang aking mga sintomas, at tiyak na mayroong Siyang layunin dito. Ibinunyag ng dalawang karanasang ito sa karamdaman ang karamihan sa aking pagiging mapanghimagsik. Sa tuwing nahaharap ako sa sakit na ito, ang aking pansariling kahilingan sa simula ay maaaring magpasakop at hindi magreklamo, ngunit nang lumala ang sakit, magsisimula akong magreklamo at mangatuwiran sa Diyos. Sa nakalipas na dalawang taon, palagi kong nararanasan ang mga pangyayaring ito, ngunit hindi ako nanindigan sa aking patotoo, laging kinikimkim ang layunin na gumawa ng mga transaksyon. Patuloy na inilatag ng Diyos ang mga pangyayaring ito para maranasan ko, at ito ang pagpapakita Niya ng responsabilidad sa aking buhay at pagliligtas sa akin. Hindi dapat ako maging walang konsensiya at magreklamo sa Diyos. Sa pagharap sa mga pangyayaring ito, sa isang aspekto, kailangan kong magkaroon ng tunay na pagpapasakop at gawin ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Sa ibang aspeto, kailangan ko ring maunawaan ang mga tiwaling disposisyon na aking ibinunyag at hanapin ang mga katotohanan na dapat kong pasukin.

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos na ito: “Pinag-usapan natin ngayon ang tungkol sa kung paano tutol ang mga anticristo sa katotohanan, kung paano nila gusto ang mga di-matuwid at buktot na bagay, kung paano nila hinahangad ang mga interes at pagpapala, hindi kailanman binibitiwan ang kanilang layunin at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, at kung paano sila palaging nakikipagtawaran sa Diyos. Kung gayon, paano dapat kilatisin at iklasipika ang usaping ito? Kung tatawagin natin itong inuuna ang pakinabang bago ang lahat, magiging masyadong magaan iyon. Katulad ito ng pagtanggap ni Pablo na mayroon siyang tinik sa kanyang laman, at na dapat siyang gumawa upang pagbayaran ang mga kasalanan niya, pero sa huli, hiniling pa rin niyang magkamit ng korona ng katuwiran. Ano ang kalikasan nito? (Pagiging malupit.) Isa itong uri ng malupit na disposisyon. Pero ano ang kalikasan nito? (Pakikipagtawaran sa Diyos.) Mayroon itong ganitong kalikasan. Naghanap siya ng pakinabang sa lahat ng ginawa niya, itinuturing ang lahat bilang isang transaksyon. May isang kasabihan sa mga walang pananampalataya: ‘Walang libreng tanghalian.’ Kinikimkim din ng mga anticristo ang ganitong lohika, iniisip nila, ‘Kung gagawa ako para sa Iyo, ano ang ibibigay Mo sa akin bilang kapalit? Anong mga pakinabang ang matatamo ko?’ Paano bubuurin ang kalikasang ito? Inuudyukan ito ng mga pakinabang, inuuna ang pakinabang bago ang lahat, at pagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Nananalig sila sa Diyos para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananalig sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananalig sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalaban at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi lamang ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Inilagay ako ng mga salita ng Diyos sa isang kalagayan ng malalim na pagninilay-nilay. Isiniwalat ng Diyos na naniniwala sa Kanya ang mga anticristo upang magkamit ng mga pagpapala at makipagtransaksyon sila sa Diyos sa kanilang mga tungkulin. Hindi sila nananampalataya sa Diyos para hangarin ang katotohanan at baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay. Ang tunay kong tayog ay ibinunyag ng palaging pagharap ko sa sakit na ito sa loob ng mahigit dalawang taon. Sa simula, normal kong mararanasan ito, ngunit sa pangmatagalan, nang lumala ang aking kondisyon, nagsimulang magpakita ang aking mga reklamo at maling pagkaunawa ko, at nagsimula kong gamitin ang aking pagtalikod at paggugol ng aking sarili sa pangangatuwiran sa Diyos. Nakakaranas ang lahat ng tao ng sakit at kamatayan; ang mga bagay na ito ay normal. Ang pagtalikod sa lahat para manampalataya sa Diyos at gawin ang aking tungkulin ay sarili kong desisyon at isang bagay na kusang-loob kong ginawa. Ang paggugol ng aking sarili sa aking tungkulin at ang aking karamdaman ay walang kinalaman sa isa’t isa. Gayunpaman, ginamit ko ang paggugol ng aking sarili bilang kapital upang gumawa ng hindi makatwirang mga paghingi sa Diyos. Naisip ko na dahil tinalikuran ko ang lahat para sundin ang Diyos at gawin ang aking tungkulin, dapat akong protektahan ng Diyos, at huwag hayaan na magkaroon ako ng ganitong sakit o magdusa nang labis, at bigyan ako ng magandang hantungan sa hinaharap. Nang hindi ito nangyari, nagreklamo ako, nangatwiran at sumigaw sa Diyos. Naisip ko si Pablo, na naglibot sa halos buong Europa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at paggawa ng maraming gawain, ginawa niya ang lahat ng ito para lang makakuha ng korona at magandang hantungan sa hinaharap. Sinabi ni Pablo na, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Sa pagsasalita ng mga salitang ito, hayagang nakipagtransaksyon si Pablo sa Diyos. Ang paggawa ng tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ganap na natural, at higit pa rito, ito ay ang pagtataas ng Diyos sa tao. Ngunit tiningnan ni Pablo ang bagay na paggugol ng sarili para sa Diyos sa pamamagitan ng isang lenteng pangtransaksyon, lubos na binabaluktot ang kahulugan ng paggawa ng tungkulin. Kung hindi niya matamo ang mga gantimpala ng Diyos, mangangatwiran at sisigawan niya ang Diyos, na lubos na nagsiwalat sa kanyang masama at buktot na disposisyon. Nakita ko na ang landas na tinahak ko sa aking pananampalataya sa Diyos ay kapareho ng kay Pablo. Kung nagpatuloy ako sa ganitong paraan, tiyak na mapaparusahan ako sa huli tulad niya. Nang malaman ko ito, bahagyang natakot ako, at naisip ko, “Lumalabas na napakaseryoso ng kalikasan at ng kahihinatnan ng paghahangad ng mga pagpapala sa pananampalataya ng isang tao sa Diyos. Hindi ko maaaring ipagpatuloy ang pagsunod sa maling pananaw na ito tungkol sa paghahangad.”

Bagaman medyo nabaligtad ang aking kalagayan, hindi bumuti ang aking kalusugan, at patuloy itong lumala. Naisip ko na baka bilang na ang mga araw ko, at paminsan-minsan ay nagkakaroon ako ng mga negatibong kaisipan, gaya ng, “Ang sakit kayang ito ang paraan ng Diyos para ibunyag at parusahan ako? Kung hindi, bakit ito patuloy na lumalala sa halip na bumuti?” Sa pag-iisip nito, sobrang sakit ng puso ko at nahihirapan akong makayanan ito. Isang araw, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na: “Dapat ay madalas na suriin ng mga tao ang anumang bagay sa kanilang puso na hindi kaayon ng Diyos, o na isang maling pagkaunawa sa Kanya.” Kaya, hinanap ko ang isang buong sipi ng mga salita ng Diyos at binasa ito: “Dapat ay madalas na suriin ng mga tao ang anumang bagay sa kanilang puso na hindi kaayon ng Diyos, o na isang maling pagkaunawa sa Kanya. Paano ba nagkakaroon ng mga maling pagkaunawa? Bakit nagkakamali ng pagkaunawa ang mga tao sa Diyos? (Dahil naaapektuhan ang sarili nilang interes.) … Sa ano pang mga paraan minamahal ng Diyos ang mga tao bukod sa awa, pagliligtas, malasakit, proteksyon, at pagdinig sa kanilang mga panalangin? (Sa pamamagitan ng pagtutuwid, pagdidisiplina, pagpupungos, paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino.) Tama iyon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pagmamahal sa maraming paraan: sa pamamagitan ng pamamalo, pagdidisiplina, panenermon, gayundin ng paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, pagpipino, at iba pa. Ang lahat ng ito ay aspeto ng pagmamahal ng Diyos. Tanging ang perspektibang ito ang komprehensibo at naaayon sa katotohanan. Kung nauunawaan mo ito, kapag sinusuri mo na ang iyong sarili at napagtatantong mayroon kang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, hindi ba’t magagawa mo nang kilalanin ang iyong mga pagkabaluktot, at na dapat mong pagbutihan ang pagninilay-nilay kung saan ka nagkamali? Hindi ba’t matutulungan ka nitong lutasin ang iyong mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos? (Oo, makakatulong ito.) Upang magawa ito, dapat mong hanapin ang katotohanan. Hangga’t hinahanap ng mga tao ang katotohanan, mapapawi nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at sa sandaling mapawi na nila ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, makapagpapasakop na sila sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. … Kaya ng Diyos na pagkalooban ng biyaya at mga pagpapala ang mga tao, at bigyan sila ng pang-araw-araw nilang makakain, pero kaya rin Niyang bawiin ang lahat ng iyon. Iyon ang awtoridad, diwa, at disposisyon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pag-unawa Lamang sa Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos). Agad na pinasigla ng mga salita ng Diyos ang aking puso. Lumalabas na noon pa ako may maling pananaw: Naniwala ako na kung mahal ng Diyos ang isang tao, patuloy Niya itong pagpapalain, at gagawing maayos ang lahat para sa kanya at pananatilihin siyang ligtas at maayos, habang kung hindi Niya mahal ang isang tao, pahihirapan Niya sila ng maraming masasakit na bagay na nasa anyo ng mga biyaya at paghihirap, abala, sakit, at iba pa. Samakatuwid, noong patuloy na lumalala ang aking kalusugan, inakala ko na ito ang paraan ng Diyos para parusahan ako, at nabuhay ako sa aking mga kuru-kuro at imahinasyon, negatibo at may sakit. Nang maisip ko ito nang detalyado, bagama’t masakit ang dalawang taong ito ng karamdaman, higit pa akong nanalangin at humingi ng patnubay mula sa Diyos sa buong prosesong ito, at naramdaman ko na naging mas malapit ako sa Kanya. Napagtanto ko rin na may napakatindi akong layunin na hangarin ang mga pagpapala. Ang lahat ng ito ay paraan ng Diyos para pagpalain ako; pribilehiyo ko ito. Ito ay tulad ng ipinahayag ng mga salita ng Diyos na: ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang awa at kabaitan, pangangalaga at proteksyon. Ang paghatol at pagkastigo, gayundin ang mga pagsubok at pagpipino, ay pag-ibig din ng Diyos; ang mga ito ay ang Kanyang pagpapala at Kanyang biyaya. Ang pamamaraang ito ng pagpapakita ng pagmamahal ay maaaring hindi ko nagustuhan, ngunit ito ang kailangan ko. Kung wala ang mga pangyayaring ito, hindi ko mauunawaan ang aking sarili. Sa ngayon, naranasan ko mismo ang pagiging maalalahanin ng Diyos sa pagliligtas sa mga tao. Inililigtas ako ng Diyos noon pa man, ngunit kailangan pa rin Niyang tiisin ang aking mga maling pagkaunawa at mga reklamo. Habang iniisip ko ito, kinasusuklaman ko ang aking sarili, habang kasabay nito ay labis na naantig ako sa pag-ibig ng Diyos.

Sa panahong iyon, madalas kong naiisip ang naranasan ni Pedro. Alam kong hindi ako makakapantay sa pagkatao niya o sa kanyang determinasyon na hangarin na mahalin ang Diyos, pero gusto kong malaman kung ano ang kanyang karanasan noong siya ay dumaranas ng paghatol at pagkastigo at mga pagsubok at pagpipino, at kung paano niya nalampasan ang panahon ng kanyang matinding sakit at kahinaan. Nagsimula kong panoorin ang dalawang bidyo ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos: “Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol,” at “Paano Nakilala ni Pedro si Jesus.” Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ngayon ay dapat mo nang makita nang malinaw ang eksaktong landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o maging negatibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang pakiramdam ni Pedro sa panahong iyon: Labis siyang nalungkot; hindi na siya humiling ng kinabukasan o anumang mga pagpapala. Hindi siya naghangad na kumita, lumigaya, sumikat, o yumaman sa mundo; hinangad lamang niyang mamuhay ng pinaka-makabuluhang buhay, yaong masuklian ang pagmamahal ng Diyos at mailaan ang itinuring niyang pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. Madalas siyang manalangin kay Jesus sa mga salitang: ‘Panginoong Jesucristo, minsan Kitang minahal, ngunit hindi Kita tunay na minahal. Bagama’t sinabi kong may pananampalataya ako sa Iyo, kailanma’y hindi Kita minahal nang taos-puso. Iginalang lamang Kita, sinamba Kita, at pinangulilahan Kita, ngunit hindi Kita minahal kailanman ni hindi ako talaga nagkaroon ng pananampalataya sa Iyo.’ Palagi siyang nanalangin upang matibay siyang makapagpasiya, at palagi siyang nahikayat sa mga salita ni Jesus at naganyak siya mula sa mga iyon. Kalaunan, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, sinubok siya ni Jesus, na inuudyukan siyang manabik pang lalo sa Kanya. Sinabi niya: ‘Panginoong Jesucristo! Labis akong nangungulila sa Iyo, at nananabik akong masilayan Ka. Labis akong nagkukulang, at hindi ko matumbasan ang Iyong pagmamahal. Nagmamakaawa akong kunin Mo na ako kaagad. Kailan Mo ako kakailanganin? Kailan Mo ako kukunin? Kailan ko muling masisilayan ang Iyong mukha? Ayaw ko nang mabuhay sa katawang ito, upang patuloy na maging tiwali, ni hindi ko nais na maghimagsik pa. Handa akong ilaan sa Iyo ang lahat ng mayroon ako sa lalong madaling panahon, at ayaw kong palungkutin Ka pa.’ Ganito siya nanalangin, ngunit hindi niya alam sa panahong ito kung ano ang gagawing perpekto ni Jesus sa kanya. Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: ‘Pedro, nais kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?’ Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating sumpa na ibibigay niya ang kanyang buhay sa Diyos. Kaya nga, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin mula noon ay mas bumuti pa. Nanalangin siya, sinasabing: ‘Panginoong Jesucristo! Minsan Kitang tinalikuran, at minsan Mo rin akong tinalikuran. Gumugol tayo ng panahon na magkahiwalay, at ng panahon na magkasama. Subalit minahal Mo ako nang higit sa lahat. Paulit-ulit akong naghimagsik laban sa Iyo at paulit-ulit Kitang pinagdalamhati. Paano ko malilimutan ang gayong mga bagay? Lagi kong isinasaisip at hindi ko kinalilimutan ang gawaing nagawa mo sa akin at ang naipagkatiwala Mo sa akin. Nagawa ko ang lahat ng makakaya ko para sa gawaing nagawa Mo sa akin. Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong papel ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasailalim sa Iyong mga pamamatnugot, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako. Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo ako inaalala sa mga paglabag na iyon at na hindi Mo ako tinatrato batay sa mga iyon. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong mga layunin at sumunod sa Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at narito ako upang pag-utusan Mo’(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). “Kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tinatahak; kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap, kung ano ang gagawing perpekto ng Diyos, at kung ano ang naipagkatiwala sa inyo. Balang araw, marahil, susubukin kayo, at pagdating ng panahong iyon, kung nakakuha kayo ng inspirasyon mula sa mga karanasan ni Pedro, ipapakita nito na talagang tumatahak kayo sa landas ni Pedro(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus). Lubos akong naantig sa mga salita ng Diyos, at gayundin ang determinasyon ni Pedro na hangarin ang mapagmahal na Diyos. Matapos mabasa ang tungkol sa karanasan ni Pedro, napahiya ako at nanliit. Sa gitna ng mga pagsubok, palaging hinanap ni Pedro kung paano niya dapat ibigin ang Diyos nang mas wagas at kinasuklaman ang kanyang sarili noong hindi niya mapalugod ang Diyos. Lagi niyang hinahanap kung paano niya iaalay ang kanyang pinakamahahalagang bagay sa Diyos. Gayunpaman, sa panahon ng aking sakit, wala akong ibinunyag kundi ang paghihimagsik at mga maling pagkaunawa. Nag-aalala ako kung ano ang magiging hantungann ko sa hinaharap kapag lumala pa ang sakit ko o natatakot na mamamatay ako. Naisip ko na inilatag ng Diyos ang mga pangyayaring ito upang ibunyag at parusahan ako. Ang isinaalang-alang ko lang ay ang sarili kong kapakanan, at wala akong ginawa para matugunan ang Diyos. Napakababa lang ng tayog ko, at hindi ko kinaya ang kahit ano pang hirap. Bagama’t medyo mahina na ngayon ang aking laman, at limitado na ang mga tungkulin na magagawa ko, hindi ako nawawalan ng determinasyon na hangarin ang katotohanan. Anuman ang pangyayari na kinakaharap ko, ako ay isang nilikha, at ang paghahangad ng pagmamahal at pagkakilala sa Diyos ang layunin na dapat kong hangarin sa buhay na ito. Kung mabubuhay pa ako sa mundong ito, kailangan kong hangarin ang katotohanan at gampanan nang mabuti ang tungkulin na dapat kong gawin.

Isang araw, simula pa lang ng umaga ay nanghina na ang katawan ko. Mas dumalas kaysa dati ang pananakit ng puso ko, at mas tumatagal na rin ito. Halos buong araw akong nakahiga sa kama. Nang sumapit ang gabi, lumala ito, at nahihirapan na akong huminga. Tumawag ng ambulansya ang kapatid na kasama ko sa bahay, at nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, hindi ko na yata kayang magpatuloy pa. Natukoy Mo na ba noong una pa na hindi ako lalagpas sa ganitong edad? Mamamatay na ba ako?” Sa sandaling iyon, malinaw na pumasok sa aking isipan ang isang pangungusap ng mga salita ng Diyos na: “Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Tulad ng isang sinag ng ilaw, pinagliwanag ng mga salita ng Diyos ang aking puso. Mananatili man akong humihinga o hindi ay nasa kamay ng Diyos. Kung hindi Niya ako hahayaang mamatay, hindi ako mamamatay. Naisip ko ang mga karanasan ni Pedro na madalas kong basahin sa panahong ito. Kahit na nahaharap sa kamatayan, nanalangin si Pedro sa Diyos, sinasabi na hindi niya kayang mahalin Siya nang sapat. Nabigyan ako ng inspirasyon ng karanasan ni Pedro, at tahimik akong nanalangin sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, mamatay man ako o hindi, nagtitiwala ako na ang lahat ay nasa Iyong mga kamay. Kung paunang natukoy Mo na mabubuhay lang ako hanggang sa edad na ito, wala akong reklamo. Kahit na hindi ko kayang pantayan si Pedro, handa akong matuto mula sa kanya at magpasakop sa lahat ng Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha. Diyos ko, handa akong ialay sa Iyo ang aking pasasalamat at papuri.” Nang maglaon, habang inihahatid ako ng ambulansya sa ospital at nagsasagawa ng iba’t ibang pagsusuri ang doktor, sobrang kalmado ang pakiramdam ko. Mula sa mga pagsusuri, hindi pa rin sigurado ang doktor kung anong uri ng sakit ang mayroon ako, at walang paraan upang magpatuloy sa paggamot. Pinauwi lang ako ng doktor para magpagaling. Mas lalo akong nanampalataya na ang buhay ko ay nasa kamay na ng Diyos, at hindi makapagpapasya ang doktor kung mabubuhay ba ako o mamamatay. Kung mamamatay na talaga ako, walang paraan para mailigtas ako ng isang doktor, at kung hindi ko pa talaga oras para mamatay, hindi pa talaga ito mangyayari. Pagkauwi ko sa bahay, labis pa rin akong nanghihina, at humiga ako para matulog. Pagkagising ko, hindi ko namalayan na isinara ko pala ang kamao ko. Sa hindi inaasahan, mas lumakas ang mga kamay ko kaysa dati. Nagsuot ako ng tsinelas at bumangon mula sa kama, napagtanto ko na kahit papaano, kaya kong maglakad nang normal nang walang hawak na kahit ano bilang suporta. Hindi ako makapaniwala; gumaling ba talaga ako nang ganun-ganun lang? Pagkatapos niyon, lumipas ang isang linggo na wala akong naramdamang sintomas ng pakiramdam ng panghihina at kulang sa lakas, at nang maglaon, sinimulan kong gawin nang normal ang tungkulin ko. Ngayon, isang taon na ang lumipas. Unti-unti nang gumaling ang katawan ko, at nagagawa ko na nang normal ang aking tungkulin.

Pagkatapos kong maranasan ito, talagang naiintindihan ko mismo na ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos ay naglalayong dalisayin at iligtas ang tao. Bagaman medyo nagdusa ako sa panahon ng sakit na ito, labis na nahigitan ng mga pakinabang na nakamit ko ang sakit na naramdaman ko. Isang bagay ito na hindi ko ipagpapalit sa anumang bagay. Nagdala ito ng kayamanan sa aking buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, TsinaNoong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil sa...