Naglakas-loob Ako sa Wakas na Mag-ulat ng Maling Gawain

Disyembre 11, 2024

Ni Liu Yi, Tsina

Habang naglilingkod bilang isang lider, itiniwalag ko sa iglesia ang isang sister na hindi marapat na maitiwalag, nagbigay ng isang hindi makatarungang paratang dahil sa kawalan ko ng responsabilidad at mga prinsipyo sa tungkulin ko. Kalaunan, pinayagan ang sister na bumalik sa iglesia at ako ay itinuring na isang huwad na lider at natanggal mula sa posisyon ko dahil sa hindi paggawa ng totoong gawain. Inatasan ako ng iglesia na maglaan ng ilang panahon para magnilay at handa naman ako na unawain ang sarili ko sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili at tunay na magsisi. Noong panahong iyon, kasama ko sa bahay si Sister Qin Ken. Ang isang lider ng iglesia na nagngangalang Li Jing ay madalas pumunta sa amin para tanungin si Qin Ken tungkol sa iba’t ibang aspekto ng kanyang tungkulin. Sinasabi rin niya kay Qin Ken ang mga kakulangan na napapansin niya sa ibang mga kapatid at kung paano niya pinungusan ang mga ito. Noong una, hindi ko ito masyadong inisip, pero sa paglipas ng panahon at nagpatuloy siya sa palaging pagsasalita nang ganito, nagsimula akong mag-isip: “Hindi ba’t hinuhusgahan at hinahamak mo ang mga tao habang nakatalikod sila para magpakitang-gilas? Makakakuha ka ba talaga ng mga resulta sa pamamagitan ng panunumbat lamang sa mga kapatid kapag may mga problema sila sa halip na magbahagi ng katotohanan upang lutasin ang kanilang mga isyu?” Pinag-isipan kong banggitin ito kay Li Jing, pero naisip ko: “Nasa panahon dapat ako ng pagninilay-nilay pagkatapos kong matanggal—paano kung hindi niya tanggapin ang aking puna at sabihing hindi ako kumikilos nang nararapat sa panahon na ito ng pagninilay-nilay? Kung sisiyasatin ng nakatataas na pamunuan ang aking kalagayan at sasabihin ni Li Jing na hindi pa ako nagbabago, sinong nakakaalam kung gaano pa katagal bago ako maitalaga sa bago kong tungkulin? Hindi bale na, mabuti pang wala akong banggitin.” Pero pagkatapos niyon, hindi pa rin ako mapakali. Pagsasawalang-bahala ang hindi pagpansin sa problemang ito na nakita ko kay Li Jing. Kalaunan, nang marinig ko si Li Jing na hinuhusgahan at hinahamak ang mga kapatid at nagpapakitang-gilas na naman, tinukoy ko ito sa kanya. Sa tingin, mukhang tinanggap niya ang pamumuna ko, pero nagpatuloy pa rin siya sa ganoong gawi. Ilang beses kong tinukoy sa kanya ang isyu, pero hindi niya talaga binabago ang mga gawi niya. Naisip ko sa sarili ko: “Mukhang kinikilala niya ang problema niya, pero hinding-hindi niya binabago ang ugali niya. Hindi niya tinatanggap ang katotohanan. Marahil ay pwede ko siyang hanapin at pagkatapos ay suriin at ibahagi sa kanya ang tungkol sa hindi niya pagtanggap sa katotohanan. Makakatulong iyon sa kanya.” Pero naisip ko: “Ilang beses ko na itong binanggit sa kanya. Paano kung kapag binanggit ko ito uli, hindi lang niya hindi tanggapin ito, kundi kondenahin pa ako? Nasa panahon ako dapat ng pagninilay-nilay ngayon—magkakaroon pa ba ako ng pagkakataong mailigtas kung maititiwalag ako? Hindi bale na, mabuti pang magpakabait na lang ako at manahimik.”

Kalaunan, sinimulan kong i-host ang dalawang sister, sina Qin Ken and Xia Yu. Isang umaga, naulinigan kong pinagsasabihan sila ni Li Jing sa pagiging masyadong mabagal sa pagsasagawa ng gawain ng paglilinis ng iglesia, sinasabi na mamaliitin siya ng kanyang lider dahil dito. Sumagot ang dalawang sister, sinabi na: “Malaking bagay ang pagtitiwalag sa isang miyembro ng iglesia. Kailangan nating beripikahin at unawain ang lahat ng aspekto ng sitwasyon bago tayo magpatuloy. Kung masyado tayong magmamadali, malamang na magkakamali tayo sa pagkondena ng mga tao.” Pero hindi ito tinanggap ni Li Jing at sinabing plano niyang kondenahin si Sister Chang Jing bilang isang masamang tao at patalsikin ito. Ang totoo, may mayabang na disposisyon lamang si Chang Jing—habang nagsisilbi bilang isang diyakono ng ebanghelyo, hindi siya nakapagbabahagi ng katotohanan para lutasin ang mga isyu at laging sinusumbatan ang mga tao at ipinaparamdam sa kanila na sila ay napipigilan. Pero wala siyang diwa ng isang masamang tao at hindi sumasapat ang mga kondisyon para maitiwalag siya. Noong oras na iyon, hindi sumang-ayon sina Qin Ken at Xia Yu kay Li Jing at sinabi na ang asal ni Chang Jing ay hindi umaabot sa mga pamantayan ng pagtitiwalag. Sinabi rin nila na nagkamit si Chang Jing ng kaunting pag-unawa sa mga dati niyang paglabag sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili. Gayunpaman, hindi lang hindi pinansin ni Li Jing ang kanilang mga pangangatwiran, sinumbatan pa niya sila, sinabi na poprotektahan nila ang isang masamang tao sa hindi pagtitiwalag kay Chang Jing at aantalahin ang gawain ng paglilinis ng iglesia. Nang marinig ito, naisip ko: “Ang gawain ng paglilinis ng iglesia ay napakahalaga, at dapat na isagawa batay sa prinsipyo. Gumagawa ng kasamaan si Li Jing sa pamamagitan ng basta-bastang pagkondena at pagtiwalag sa isang tao na hindi naaabot ang mga espesipikasyon ng pagtitiwalag para lang protektahan ang sarili niyang reputasyon at katayuan!” Pinag-isipan kong tukuyin ito kay Li Jing, pero naisip ko: “Host lang ako para sa mga kapatid ko at hindi masyadong matimbang ang mga salita ko. Kahit na banggitin ko ito sa kanya, baka hindi niya tanggapin ang pamumuna ko. Mabuti pang hindi na ako makialam dito.” Sa isiping ito, itinikom ko na lang ang bibig ko sa huli. Noong hapong iyon, narinig ko na ipinaayos ni Li Jing sa dalawang sister ang lahat ng impormasyon kay Chang Jing para paghandaan ang pagtitiwalag sa kanya. Sinabi uli ng dalawang sister ang kanilang mga alalahanin na ang asal ni Chang Jing ay hindi naaabot ang mga kondisyon para sa pagtitiwalag at hiniling kay Li Jing na gumawa pa ng paghahanap. Pero hindi nakinig si Li Jing at muling kinondena ang mga sister sa pag-antala sa gawain ng paglilinis at pagprotekta sa isang masamang tao. Pagkatapos niyang sabihin ito, padabog siyang umalis ng silid. Naalala ko ang sarili kong kuwento ng hindi paggawa ng tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo, at kung paanong mali kong kinondena ang isang miyembro ng iglesia dahil nabigo akong beripikahin ang mga detalye ng kaso para sa kanyang pagtitiwalag. Noong humingi ako ng tawad sa sister na naitiwalag, sinabi niya sa akin na nagdulot ng labis na sakit at pagdurusa sa kanya na hindi siya maaaring makipagtipon o magbasa ng mga salita ng Diyos. Dahil dito ay nakaramdam ako ng lubos na pagsisisi at pagkakonsiyensiya. Hindi na mababawi ang idinulot kong kapahamakan sa sister na iyon at ang pinsalang ginawa ko sa kanyang buhay, at ang buong pangyayari ay nag-iwan ng permanenteng mantsa sa buhay ko bilang isang mananampalataya. Kung ang usaping ito hinggil sa pagtitiwalag kay Chang Jing ay titimbangin ayon sa mga prinsipyo, ang asal ni Chang Jing ay hindi ganoon kalubha para maging marapat sa pagtitiwalag. Gayunpaman ay determinado si Li Jing na itiwalag si Chang Jing para protektahan ang kanyang sariling reputasyon at katayuan. Ito ay paggawa ng masama! Noong gabing iyon, nagpabaling-baling ako sa higaan, hindi makatulog—inisip ko nang inisip kung paanong noong nakipagbahaginan ang dalawang sister kay Li Jing, hindi siya tumatanggap at basta-basta pa silang kinondena. Hindi ba niya ginagamit ang kanyang katayuan para supilin at pigilan sila? Naisip ko na dapat hanapin ko si Li Jing at makipagbahaginan sa kanya para protektahan ang gawain ng iglesia. Pero naisip ko kung paanong hindi tinanggap ni Li Jing ang mga mungkahi ko dati. Ano ang gagawin ko kung akusahan niya ako ng pang-aantala at panggagambala sa gawain ng paglilinis kapag binanggit ko na naman ito? Natanggal na ako dahil sa paglabag ko at nasa panahon pa rin ng pagninilay-nilay. Ano ang gagawin ko kung maitiwalag ako sa iglesia batay sa mga paratang na iyon? Nang maisip ko ito, nag-alinlangan ako.

Pagkatapos niyon, lumapit ako sa Diyos para maghanap at magdasal at nabasa ang sumusunod na sipi ng Kanyang salita: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Magagawa mo bang maging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba’y taong sumusunod sa Aking kalooban?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Napuno ako ng kahihiyan sa paghatol ng salita ng Diyos at gusto kong itago ang mukha ko. Pagkatapos matanggal, lagi kong sinasabi na gusto kong pagnilayan ang aking sarili at magsisi, pero wala sa inaasal ko ang nagpapakita ng pagsisisi. Alam na alam ko na sumasalungat si Li Jing sa mga prinsipyo sa gawain ng paglilinis para mapanatili ang kanyang katayuan at reputasyon, at na mapipinsala niya ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid at ang gawain ng iglesia. Pero nag-alala ako na hindi niya tatanggapin kapag nakipagbahaginan ako sa kanya, at na paparatangan niya ako ng pang-aantala at panggagambala sa gawain ng paglilinis ng iglesia at ititiwalag ako. Para protektahan ang sarili ko, hindi ako nangahas na magsalita ng anuman kahit pa malinaw kong napansin na may problema. Walang-wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Napagtanto ko na kung ititiwalag talaga ni Li Jing si Chang Jing, hindi lang niya masasaktan si Chang Jing, mag-iiwan din siya ng mantsa ng paglabag sa kanyang sarili. Alam ko na dapat ko nang tigilan ang pagiging mapagpalugod ng mga tao. Ngayon na nakita ko nang nasa landas tungo sa kabiguan si Li Jing na tulad ng tinahak ko noon, kailangan kong tukuyin ang kanyang isyu at ipabatid sa kanya kung gaano kalubha ang mga kahihinatnan ng kanyang mga kilos. Pagkatapos niyon, nakipagtagpo ako kay Li Jing at nagbahagi sa kanya tungkol sa sarili kong karanasan ng maling pagpaparatang sa isang tao dahil hindi ko isinagawa ang pagtitiwalag batay sa mga prinsipyo. Pero hindi tinanggap ni Li Jing ang sinabi ko at sinabihan pa ako na magpatuloy na lang sa pagho-host sa mga kapatid at huwag makisali sa gawain ng paglilinis dahil nasa panahon pa rin ako ng pagninilay-nilay matapos matanggal. Medyo nadismaya ako nang sinabi niya ito at naisip ko: “Lumalagpas ba ako sa limitasyon ko? Kung babanggitin ko itong muli sa kanya, mas lalo ba niya akong hindi magugustuhan? Kung talagang mapasama ko ang loob niya, susubukan ba niyang pahirapan ang buhay ko? Pero malubha talaga ang diwa ng asal ni Li Jing, at magiging napakamapanganib para sa kanya na magpatuloy nang ganito!” Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, hiniling sa Kanya na gabayan ako sa bagay na ito.

Pagkalipas ng dalawang araw, pumunta si Li Jing sa tinitirhan namin, dinala ako sa tabi at tinanong ako kung anong tingin ko sa plano niya na tanggalin si Qin Ken dahil hinayaan nito ang mga damdamin nitong diktahan kung paano nito gawin ang tungkulin nito at inantala nito ang gawain ng paglilinis. Sinabi ko: “Nagdadala ng mabigat na pasanin si Qin Ken sa kanyang tungkulin at hinarap ang kaso ni Chang Jing ayon sa prinsipyo. Hindi ko makita kung paano niya inantala ang gawain ng paglilinis.” Ngunit iginiit ni Li Jing na masamang tao si Chang Jing at dapat na maitiwalag. Sinabi rin niya na kaya walang pag-usad sa gawain ng paglilinis ay dahil pinoprotektahan ni Qin Ken si Chang Jing. Medyo nagulat ako nang marinig ko na sabihin niya ito—kumikilos si Qin Ken ayon sa mga prinsipyo sa pamamagitan ng pagtutol sa pagtitiwalag kay Chang Jing. Paanong tatanggalin na lang siya ni Li Jing nang basta-basta? Mabilis akong tumugon: “Hindi tayo maaaring basta-bastang magtiwalag o magtanggal ng mga tao, at hindi seryosohin ang buhay ng ating mga kapatid dahil lang gusto nating protektahan ang sarili nating reputasyon at katayuan! Mayroon akong paglabag sa rekord ko ngayon dahil hindi ko ginawa ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo—pakiusap, huwag mong tahakin ang landas tungo sa kabiguan gaya ng ginawa ko! Dapat nating gawin ang ating mga tungkulin nang mahigpit na naaayon sa mga prinsipyo.” Galit na tumugon si Li Jing: “Nakapagdesisyon na akong tanggalin si Qin Ken, kahit anong sabihin mo ay hindi magbabago ang isip ko.” Nang marinig ko ito, nagalit ako at pakiramdam ko ay wala akong magawa. Naisip ko: “Hindi ko pwedeng pasamain ang loob mo, kaya mananahimik na lang ako. Ano’t anuman, ibinigay ko sa iyo ang opinyon ko at bahala ka na kung tatanggapin mo ito o hindi.” Pagkatapos niyon, nanahimik na lang ako. Sa huli, tinanggal pa rin ni Li Jing si Qin Ken at inilipat ako sa malayong lugar upang gawin ang tungkulin ko. Sinabi niya na ang paglipat na ito ay para sa sarili kong kaligtasan—sinabi niyang pinapaigting ng CCP ang kanilang kampanya ng panunupil at pang-aaresto at dahil dati akong lider at maraming nalalaman tungkol sa iglesia, pinakamaigi kung wala akong direktang ugnayan sa mga kapatid. Sinabi rin niya sa akin na mula noon, anumang liham na ipapadala ko at ipapadala sa akin ay dadaan sa kanya. Bago pa ako makatugon, inunahan na niya ako at sinabing, “May iba pa akong kailangang puntahan ngayon,” at mabilis na umalis sakay ng kanyang bisikleta. Nakatayo ako sa pintuan ng aking bahay, pinapanood siyang umalis sakay ng kanyang bisikleta habang tumutulo ang aking mga luha. Naisip ko: “Pinaghihigpitan mo na ako ngayon at sinusubukan akong kontrolin?” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo kong nararamdamang nasasakal ako. Ginunita ko ang asal ni Li Jing noong panahong iyon: Noong magmungkahi ako sa kanya, hindi niya ito tinanggap at pinagbantaan pa ako, sinabi na dapat magpatuloy na lang ako sa pagho-host sa mga kapatid at huwag lumagpas sa limitasyon ko. Pagkatapos, dahil nag-aalala siya na malalantad ang masasama niyang gawa, pinadala niya ako sa malayong lugar at hindi ako hinayaan na makipag-ugnayan sa mga kapatid, sa palusot na sinusubukan niya lang akong protektahan. Napakasama niya at mapanlinlang! Para mapanatili ang sarili niyang katayuan at reputasyon, sinusupil at kinokondena niya ang sinuman na hindi sumusunod sa kanyang mga utos, sinusunod ang panuntunan ni Satanas na “Hayaang mamayani ang mga sumusunod sa akin at mamatay ang mga tumututol sa akin.” Hindi ba’t kumikilos siya na parang isang anticristo? Alam kong hindi ako pwedeng patuloy na makipagkompromiso, at na kailangan kong iulat si Li Jing at ibunyag ang kanyang masasamang gawa. Ang problema ay anuman ang isulat ko ay kailangang dumaan sa kanya. Kung malalaman niya na sumulat ako ng liham na iniuulat siya, may posibilidad na lalo niya akong susupilin. Kung gagawa siya ng paratang laban sa akin at ititiwalag ako sa iglesia, ano na lang ang magiging pagkakataon ko na mailigtas? Nang maisip ko ito, umurong akong muli at lubhang nagdusa.

Sa sumunod na ilang araw, laging tumatakbo sa isip ko ang mga dati kong pakikipag-ugnayan kay Li Jing at wala ako sa kondisyon na gawin ang tungkulin ko. Isang gabi, sa wakas ay nagpasya akong sumulat ng liham para iulat si Li Jing, pero habang nagsusulat ako, nagsimula akong mag-isip: “Kung iuulat ko siya, iisipin ba ng ibang mga kapatid na hindi ako umaasal nang nararapat sa panahon ng pagninilay-nilay ko? Nang matanggal si Qin Ken, hindi ko maalala na nabalitaan ko na iniulat niya si Li Jing. Magmumukha bang sinusubukan kong magpakitang-gilas kung iuulat ko siya? Una, nagmungkahi ako kay Li Jing at ngayon ay iniuulat ko siya. Kung alam niya ito, iisipin ba niyang hindi ko lang mabitawan ang problemang ito na nakikita ko sa kanya?” Binura ko ang liham pagkatapos kong mapagtanto ang lahat ng ito, pero medyo nakonsiyensiya ako nang gawin ito. Sa paraan ng panunupil ni Li Jing sa akin, kung hindi ko siya iuulat, sinong nakakaalam kung sino pa ang susupilin niya sa hinaharap. Halos hindi ako nakatulog noong gabing iyon. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, sinasabi na: “Diyos ko, gusto kong iulat si Li Jing, pero natatakot ako na lalo pa niya akong susupilin kapag nalaman niya. Diyos ko, hindi ko alam kung paano ko malalampasan ang sitwasyon na ito, pakiusap po, gabayan Mo ako.”

Kalaunan, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong pumasok mula sa panig ng pagiging positibo, maging aktibo at huwag kang balintiyak. Hindi ka dapat mayanig ng kahit sino o kahit ano, sa lahat ng sitwasyon, at hindi ka dapat maimpluwensyahan ng mga pananalita ng sinuman. Kailangan mong magkaroon ng isang matatag na disposisyon; anuman ang sabihin ng mga tao, kailangan mong isagawa kaagad ang nalalaman mong katotohanan. Kailangan mong isaloob palagi ang Aking mga salita, kahit sino pa ang kaharap mo; kailangan mong magawang manindigan sa iyong patotoo sa Akin at magpakita ng konsiderasyon sa Aking mga pasanin. Hindi ka dapat pikit-matang sumasang-ayon sa iba nang wala kang sariling mga ideya; sa halip, dapat kang maglakas-loob na manindigan at tumutol sa mga bagay na hindi umaayon sa katotohanan. Kung alam na alam mo na may mali, subalit wala kang lakas ng loob na ilantad ito, hindi ka isang taong nagsasagawa ng katotohanan. May gusto kang sabihin, ngunit hindi ka naglalakas-loob na magsalita, kaya nagpapaliguy-ligoy ka at pagkatapos ay binabago ang paksa; nasa loob mo si Satanas na pinipigilan ka, na nagiging dahilan para magsalita ka nang walang anumang epekto at hindi mo magawang magtiyaga hanggang katapusan. May takot pa rin sa puso mo, at hindi ba ito ay dahil puno pa rin ng mga ideya ni Satanas ang puso mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 12). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na minamahal ng Diyos ang mga nagpoprotekta sa gawain ng iglesia. Kapag may nakikita silang lumalabag sa mga prinsipyo at nagpapahamak sa mga interes ng iglesia, naisasagawa nila ang katotohanan para protektahan ang gawain ng iglesia. Salungat dito, nasusuklam ang Diyos sa mga bulag na sumasang-ayon sa iba at makasarili at kasuklam-suklam na kumikilos lamang para protektahan ang sarili nilang mga interes. Nananatili silang walang pakialam kapag nasasaksihan nilang napipinsala ang gawain ng iglesia. Habang pinagninilayan ko ang inasal ko noong panahong iyon, napagtanto ko na kahit alam ko na hindi tama na basta-bastang hinatulan ni Li Jing ang iba habang nakatalikod sila at nagpakitang-gilas siya, nag-alala ako na kapag patuloy akong nagsalita, mapapasama ko ang loob niya. Kaya, para protektahan ang sarili kong mga interes, minaliit ko ang isyu nang banggitin ko ito sa kanya. Para mapanatili ang sarili niyang reputasyon at katayuan, iginiit ni Li Jing na bansagan si Chang Jing na masamang tao at itiwalag ito, pinaratangan si Qin Ken at Xia Yu na inaantala ang gawain ng paglilinis at tinanggal si Qin Ken. Alam ko na ang mga asal na ito ay lumalabag sa mga prinsipyo, na gumagawa siya ng masama at nilalabanan ang Diyos. Pero nag-alala ako na kung direkta kong ibubunyag ang diwa ng kanyang ginawa, pahihirapan niya ang buhay ko, at ititiwalag ako sa batayan ng salaysay na inaantala at ginagambala ko ang gawain ng paglilinis ng iglesia. Kaya binigyan ko na lang siya ng ilang payo at hinikayat siya na baguhin ang kanyang asal, na nagtulot sa kanyang magpatuloy sa kampanya niya ng walang kahihiyang paggawa ng kasamaan. Dahil nag-aalala na iuulat ko ang mga kilos niya, ibinukod ako ni Li Jing at hindi ako hinayaan na makipag-ugnayan sa ibang mga kapatid. Malinaw kong nakikita na sinusubukan niyang pagtakpan ang kanyang masasamang gawa. Dapat ay nanindigan ako na ibunyag at iulat siya, pero natakot ako na mapasama ang loob niya at hindi man lang nagkaroon ng tapang na sumulat ng ulat. Nabubuhay ako nang walang dangal, at isa akong duwag na hindi nangangahas na isagawa ang katotohanan. Hindi ko isinasaalang-alang ang gawain ng iglesia, o nagpapakita ng anumang pagmamalasakit para sa posibleng pinsala na idinudulot sa buhay ng mga kapatid. Wala ako ni katiting na pagpapahalaga sa katarungan at tunay na makasarili at kasuklam-suklam!

Habang patuloy akong naghahanap, nakita ko ang mga sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa ang pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensiya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Kung mas bubusisiin ang mga detalye, anong mga pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao ang ipinapakita ng taong ito? Subukang suriin kung anong mga katangian ang matatagpuan sa gayong mga tao at anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila. (Makasarili sila at mababang-uri.) Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, ‘Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro). Sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na namumuhay ako batay sa mga satanikong lason gaya ng: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang matitinong tao ay mahusay sa pag-iingat sa sarili, tanging hangad nila ay hindi magkamali,” “Mas may kontrol ang mga lokal na opisyal kaysa sa mga opisyal ng estado,” at “Hindi pwedeng maging mapili ang mga pulubi.” Naging sobrang makasarili at mapanlinlang ako at isinaalang-alang lamang ang sarili kong mga interes. Hindi ako nangahas na magsabi ng kahit ano nang mapansin ko ang isang huwad na lider na gumagawa ng masama at pinipinsala ang mga interes ng iglesia. Nawala ang aking konsiyensiya at katwiran bilang isang nilikha, at hindi ko talaga isinasabuhay ang wangis ng isang totoong tao. Ginunita ko ang pagtitiwalag ni Li Jing kay Chang Jing. Alam ko na ang asal ni Chang Jing ay hindi ganoon kalala para maitiwalag at na ang pagtitiwalag ay magdudulot sa kanya ng pagdurusang espirituwal at lubos na makapipinsala sa pagpasok niya sa buhay. Gayunpaman, para protektahan ang sarili kong mga interes, hindi ko pinigilan si Li Jing sa basta-bastang pagtitiwalag sa kanya. Sobra akong naging makasarili at walang pagkatao! Nang tanggalin ni Li Jing si Qin Ken, nag-alala ako na matatanggalan ako ng tungkulin kung mapapasama ko ang loob ni Li Jing, kaya hindi ako naglakas-loob na itaguyod ang mga prinsipyo at pigilan ang masamang gawa na ito. Hindi ko personal na ginawa ang mga paglabag na ito, pero nanood ako nang walang pakialam habang gumagawa ng masama si Li Jing at hinayaan siyang gambalain at sirain ang gawain ng iglesia at supilin at parusahan ang mga sister ko. Hindi ba’t pumapanig ako kay Satanas at tinutulungan ang masasama na isakatuparan ang kanilang masasamang gawa? Napoot ako sa sarili ko nang mapagtanto ko ito. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at hindi nalalabag. Kinamumuhian Niya ang mga namumuhay nang walang dangal, na sarili lamang ang pinagmamalasakitan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ako maninindigan kailanman na ibunyag ang masasamang gawa ni Li Jing at hahayaan siyang patuloy na manggambala at gumawa ng kasamaan sa iglesia, mapagtatakpan ko ang masasama niyang gawa at kamumuhian at kasusuklaman ako ng Diyos. Nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Sa iglesia, maging matatag kayo sa inyong patotoo sa Akin, panindigan ang katotohanan; ang tama ay tama at ang mali ay mali. Huwag malito sa kung alin ang itim at puti. Makikipagdigma kayo kay Satanas at dapat ninyong lubusang magapi ito upang sa gayon ay hindi na ito kailanman babangon. Dapat ninyong ibigay ang lahat ng mayroon kayo upang pangalagaan ang Aking patotoo. Ito ang magiging layunin ng inyong mga pagkilos—huwag kalimutan ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Binigyan ako ng landas ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Kapag napapansin ko ang mga bagay na hindi umaayon sa mga prinsipyo, dapat kong isantabi ang sarili kong mga interes at itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia. Ito ang responsabilidad na dapat kong isagawa bilang isang nilikha at ang prinsipyo ng pag-uugali para sa lahat ng mananampalataya. Hindi ako maaaring patuloy na mag-alala sa mga pagkakataon at kapalaran ko, at mamuhay nang walang dangal para lang protektahan ang sarili kong mga interes. Kailangan kong isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng iglesia—kailangan kong manindigan na ibunyag at iulat ang masasamang gawa ni Li Jing.

Pagkatapos niyon, nagnilay-nilay ako kung bakit ako patuloy na nag-aalala na ang pag-uulat kay Li Jing ay makakaapekto sa mga pagkakataon at kapalaran ko. Napagtanto ko na mayroon akong ilang mapanlinlang na ideya. Naisip ko na dahil nasa panahon pa rin ako ng pagninilay-nilay pagkatapos matanggal, kung may sasabihin akong isyu sa isang lider, iisipin ng mga tao na hindi ako umaasal nang nararapat habang nagninilay-nilay. Inisip ko na isa lang akong host, at na wala akong posisyon at katayuan at hindi matimbang ang mga salita ko, kaya hindi ako nangahas na komprontahin si Li Jing nang makita kong basta-basta siyang nagtitiwalag at nagtatanggal ng mga tao. Naisip ko na dahil isang lider si Li Jing, kung mapasama ko ang loob niya, papahirapan niya ang buhay ko at hindi ko magagawa ang tungkulin ko. Naisip ko rin na kung maititiwalag ako, tuluyang mawawala ang anumang pagkakataon ko na mailigtas. Mali ang paniniwala ko na ang kapalaran ko ay nasa mga kamay ni Li Jing at na nakasalalay lahat sa kanya kung maipagpapatuloy ko ba ang paggawa ng tungkulin ko at makakamit ang kaligtasan o hindi. Hindi ako naniwala na ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng Diyos at ng katotohanan. Kalapastanganan ang ganitong uri ng ideya at isa itong maling pagkaunawa sa Diyos. Ang kapalaran ko ay nasa mga kamay ng Diyos at walang tao ang may impluwensiya rito, lalong walang lider ang makapagpapasya rito. Noon, ang mga naghahari-harian at mapaniil na anticristo ay gumawa ng masama at nanggambala sa iglesia, ang ilan ay nakontrol ang iglesia at sinubukang magtatag ng sarili nilang mga nagsasariling kaharian, pero lahat sila ay naitiwalag sa huli. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Banal na Espiritu. Walang masamang tao o anticristo ang maaaring mapirmi sa iglesia at lahat sila ay mabubunyag sa huli at matitiwalag ng Diyos. Kahit na ako ay supilin, parusahan, o itiwalag pa dahil sa pagbubunyag at pag-uulat sa isang huwad na lider, pansamantala lamang ito at hindi nangangahulugan na hindi ko kailanman makakamit ang kaligtasan. Bilang miyembro ng iglesia, anuman ang tungkulin na gawin ko, nakagawa man ako ng mga paglabag o hindi, o natanggal man ako noon, kung mapansin ko ang isang huwad na lider o anticristo na gumagawa ng masama, ginagambala ang gawain ng iglesia o sinusupil ang mga taong hinirang ng Diyos, kailangan kong manindigan na iulat at ibunyag ang gayong asal. Iyon ang aking responsabilidad at obligasyon.

Habang iniisip ko kung ano ang dapat kong isulat sa aking ulat, nakasalubong ko si Xia Yu. Nang may luha sa kanyang mga mata, sinabi niya sa akin na nagbigay siya ng ilang mungkahi kay Li Jing pagkatapos niyang makita na nabigo itong sundin ang mga prinsipyo sa gawain ng paglilinis ng iglesia. Sinabi niya na hindi tinanggap ni Li Jing ang kanyang payo at tinanggal siya. Mas nilinaw sa akin ng nakakaiyak na kwento ni Xia Yu na kapag ang mga huwad na lider at anticristo ay gumagamit ng kapangyarihan sa iglesia, hindi lang nito napipinsala ang mga kapatid, nagagambala at nagugulo rin nito ang gawain ng iglesia. Kung hindi ko ibubunyag at iuulat si Li Jing sa lalong madaling panahon, lalo lang nitong mapipinsala ang gawain ng iglesia. Nagpasya akong magsulat ng liham na nagbubunyag sa masasamang gawa ni Li Jing nang gabi ring iyon at hiniling sa mga kapatid na ipasa ito sa mga nakatataas na lider. Sa gulat ko, pag-uwi ko ay nakita ko ang mensahe mula sa mga nakatataas na lider na inaanyayahan ako na makipagtagpo sa kanila. Alam ko na nagbukas ng landas ang Diyos para sa akin. Nang magtagpo kami, inilahad ko ang lahat ng masasamang gawa ni Li Jing sa kanila. Sinabi nila na kamakailan ay nakatanggap sila ng mga mensahe na nag-uulat kay Li Jing at haharapin daw nila ang bagay na ito ayon sa mga prinsipyo sa lalong madaling panahon pagkatapos siyasatin at beripikahin ang mga akusasyon. Nang marinig ko ito, naging masaya ako na sa wakas ay nakapagsagawa ako ng kaunting katotohanan at sa wakas ay nakalaya na ang puso ko mula sa panunupil.

Makalipas ang ilang araw, nakatanggap ako ng mensahe mula sa mga nakatataas na lider na nagsasabi na sa pagsisiyasat, natuklasan na si Li Jing ay isang huwad na lider na tinatahak ang landas ng isang anticristo. Ang kalikasan ng bagay na ito ay medyo malubha, kaya nagsimula sila sa pagtatanggal sa kanya. Kung hindi siya magsisisi, pakikitunguhan siya bilang isang anticristo. Nang marinig ko ito, tunay na naramdaman ko na si Cristo at ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Walang sinuman ang may huling salita sa mga usapin ng iglesia at walang masamang tao ang maaaring manatili sa sambahayan ng Diyos. Napagtanto ko rin na tanging sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpoprotekta sa gawain ng iglesia tayo magiging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Rosalie, Timog KoreaSinimulan kong diligan ang mga baguhan sa iglesia dalawang taon na ang nakararaan. Alam kong isa talaga itong...