Paano Harapin ang Matabasan at Maiwasto

Marso 28, 2023

Ni Rosalie, Timog Korea

Miyerkules, Agosto 17, 2022, Maaliwalas ang kalangitan

Sinimulan ko ang isang bagong tungkulin ngayong araw. Gumagawa ako ng tekstuwal na gawain. Bagama’t hindi inaasahan, masaya akong magampanan ang tungkuling ito. Alam kong biyaya ito ng Diyos at binibigyan Niya ako ng pagkakataong magsagawa. Gusto kong gumawa ng magandang trabaho. Pero labis akong hindi pamilyar sa gawaing ito, at dagdag pa rito, nalaman ko kung paanong tinatabasan at iwinawasto ang iba dahil sa pagiging sutil at walang prinsipyo sa ganitong uri ng gawain, kaya nagsimula akong mag-alala, iniisip na: “Tatabasan at iwawasto rin ba ako sa tungkuling ito? Pero, hindi ba’t isang magandang bagay kung matututo ako ng mga aral mula sa pagkakatabas? Magandang pagkakataon ito para makamit ang katotohanan!”

Linggo, Setyembre 4, 2022, Maulap

Ang bilis ng panahon. Sa isang iglap, mahigit kalahating buwan na akong gumagawa ng tekstuwal na gawain. Sa pagbabahagi ng lider sa mga prinsipyo at patnubay sa gawain, medyo naging mas pamilyar ako sa gawaing ito at natuto ako ng ilang prinsipyo. Pero nang nakita ko ang ilang kapatid na iwinawasto dahil sa hindi paggawa sa kanilang tungkulin nang may mga prinsipyo at sa pagiging sutil, medyo kinabahan ako, natatakot na ako mismo ay iwawasto. Bagamat alam kong ang pagtatabas ng lider ay pagtutukoy sa mga tiwaling disposisyon at diwa ng mga problema na naaayon sa salita ng Diyos, at na nakakatulong ito sa atin na makilala ang ating sarili at makapasok sa mga katotohanang prinsipyo, ayaw ko pa ring matabasan o maiwasto. Iwinasto si Brother Saul ngayong araw dahil sa hindi paggawa sa kanyang tungkulin nang naaayon sa mga prinsipyo. Paulit-ulit siyang binahaginan at itinama ng lider tungkol dito, pero patuloy pa rin niyang ginagawa ang parehong pagkakamali. Sinabi ng lider na wala siyang pang-espirituwal na pang-unawa at hindi niya naiintindihan ang mga prinsipyo. Bamagat hindi nakapukol sa akin ang mga salitang ito, nang marinig ko ang mga salitang “walang espiritwal na pang-unawa,” medyo nabahala ako. Pinaalalahanan ko ang sarili ko: “Kailangan kong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at hindi ako pwedeng magkamali, o kung hindi ay maiwawasto ako. Magkakaproblema ako kapag nakitang wala akong espirituwal na pang-unawa. Paanong maliligtas ang gayong tao? Karapat-dapat man lang ba siyang linangin?” Lalo akong nababalisa sa mga isiping ito. Sa paggawa sa tungkulin ko ngayong gabi, buong oras akong tensyonado. Ginawa ko ang mga bagay nang may lubos na pag-iingat, natatakot na magkamali. Pero hindi ko naiintindihan kung bakit ganito ang epekto sa akin ng pagkakawasto ng ibang tao.

Biyernes, Setyembre 9, 2022, Maaliwalas na kalangitan

Kamakailan ay puno ako ng pangamba sa tungkulin ko at palaging nag-aalala. Takot na takot akong magkamali. Minsan tinatanong ng iba ang pananaw ko, pero kahit na may mga pananaw akong natitiyak kong alinsunod sa katotohanan, natatakot akong makapagsabi ng maling bagay. Kinakailangan ko munang lumapit sa ilang tao at makuha ang kanilang pagsang-ayon bago ko sabihin ang pananaw ko. Sa totoo lang, nakakapagod ang ganitong paggawa ng tungkulin ko, at pakiramdam ko ay napalayo na ako sa Diyos. Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin ngayong araw. Sabi ng Diyos: “Ang ilang anticristo na nagtatrabaho sa sambahayan ng Diyos ay tahimik na nagpapasyang kumilos nang napakaingat, para maiwasang magkamali, mapungusan at maiwasto, galitin ang Itaas o mahuli ng kanilang lider na gumagawa ng masama, at tinitiyak nila na may nanonood kapag gumagawa sila ng mabubuting gawa. Subalit, gaano man sila kaingat, dahil mali ang kanilang mga motibo at ang landas na kanilang tinatahak, at dahil nagsasalita at kumikilos lamang sila alang-alang sa reputasyon at katayuan at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, madalas nilang labagin ang mga prinsipyo, gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, kumilos bilang mga alipin ni Satanas at madalas pa ngang gumawa ng mga paglabag. Lubhang karaniwan para sa gayong mga tao na lumabag nang madalas sa mga prinsipyo at gumawa ng mga pagkakasala. Kaya, mangyari pa, mahirap para sa kanila na iwasang mapungusan at maiwasto. Nakita nila na nalantad at napalayas ang ilang anticristo dahil mahigpit na pinungusan at iwinasto ang mga ito. Nakita ng sarili nilang mga mata ang mga bagay na ito. Bakit kumikilos nang napakaingat ang mga anticristo? Ang isang tiyak na dahilan ay na natatakot ang mga ito na malantad at mapalayas. Iniisip ng mga ito, ‘Kailangan kong mag-ingat—tutal, “Sa pag-iingat nagmumula ang kaligtasan” at “Ang mabubuti ay may mapayapang buhay.” Kailangan kong sundin ang mga prinsipyong ito at paalalahanan ang sarili ko sa bawat sandali na iwasang gumawa ng mali o mapasok sa gulo, at kailangan kong pigilan ang aking katiwalian at mga intensyon at huwag hayaan na makita ang mga ito ng sinuman. Basta’t hindi ako gumagawa ng mali at magtitiyaga ako hanggang sa huli, magtatamo ako ng mga pagpapala, makaiiwas sa mga kapahamakan, at magtatagumpay sa aking paniniwala sa Diyos!’ Madalas nilang himukin ang kanilang sarili, engganyuhin at hikayatin ang kanilang sarili sa ganitong paraan. Naniniwala sila na kung gagawa sila ng mali, labis na mababawasan ang kanilang mga pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Hindi ba ito ang kalkulasyon at paniniwalang nasa kaibuturan ng kanilang puso? Kung isasantabi kung tama ba o mali ang kalkulasyon o paniniwalang ito ng mga anticristo, batay sa paniniwalang ito, ano ang lubos nilang ipag-aalala kapag iwinawasto at pinupungusan sila? (Ang kanilang mga inaasam-asam at kapalaran.) Iniuugnay nila ang maiwasto at mapungusan sa kanilang mga inaasam-asam at kapalaran—may kinalaman ito sa kanilang likas na kasamaan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Inilarawan ng siping ito ang mismong kalagayan ko. Kapag nakikita kong iwinawasto ang iba, hindi ko ito tinatanggap bilang nagmumula sa Diyos o hinahanap kung bakit ang mga taong ito ay iwinawasto, kung paano sila lumihis, kung paano ako matututo sa kanilang mga kabiguan, at kung paano ko dapat iwasang lumihis nang ganoon din sa hinaharap upang magawa kong kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Sa halip, mahigpit kong iniugnay ang pagkakawasto at ang kapalaran ko. Pakiramdam ko, kapag mas malubha kang iwinawasto, mas bababa ang pag-asa mong mabiyayaan. Naging mas mapagbantay at maingat ako, iniisip na hangga’t hindi ako nagkakamali o naiwawasto, may pag-asa akong mabiyayaan. Dahil sa mga mali kong pagkaunawa tungkol sa pagkakawasto at dahil labis kong pinahahalagahan ang mga pagpapala, masyado akong naaapektuhan sa mga bagay na may kinalaman sa kapalaran ko at masyadong maingat sa lahat ng ginagawa ko. Natatakot ako na kung hindi ako mag-iingat, iwawasto ako at mawawalan ng magandang kahihinatnan. Nakikita ko na masyado akong mapanlinlang! Maraming beses na nagbabahagi ng mga prinsipyo sa amin ang lider at inaakay kami, pero hindi namin sineseryoso ang mga sinasabi niya. Patuloy kaming nagpapakasutil at nagpapakabulag, at nanggagambala ng gawain. Hindi ba’t normal lang talaga na iwasto kami? Ang isang makatwirang tao ay magninilay-nilay sa kanyang sarili batay rito, kung saan siya nagkukulang o kung saan siya walang espirituwal na pang-unawa, at hahanapin niya ang katotohanan at agad na itutuwid ang kanyang mga paglihis. Ito ang isang taong may positibong pagpasok at isang naghahanap sa katotohanan. Iwinawasto tayo para tulungan tayong makapasok sa katotohanan at gawin nang maayos ang ating mga tungkulin. Pero bukod sa hindi ko hinahanap ang katotohanan o nagninilay-nilay, mapagbantay rin ako at mali ang pagkakaunawa. Hindi ko matukoy ang mabuti sa masama! Dahil sa paghahayag ng salita ng Diyos, ngayon ay may kaunti na akong pagkaunawa sa kalagayan ko.

Lunes, Setyembre 12, 2022, Malakas ang ulan

Sa isang pagtitipon ngayong araw, nalaman ng lider na naging negatibo si Saul pagkatapos maiwasto, at na nararamdaman niyang napipigilan at nasusupil siya. Tinanong kami ng lider kung napipigilan ba kami. Naalala ko ang kalagayan ko kamakailan lang at sinabi ko na medyo napipigilan ako. Pagkatapos ay nagbahagi nang kaunti ang lider na talagang nakaantig sa akin. Sabi niya: “Bakit may mga taong paulit-ulit na iwinawasto pero hindi pa rin nakakapagkamit ng katotohanan, at sinasabi nilang napipigilan sila, naaapi, at nasasaktan? Ito ay dahil hindi sila nakatuon sa pag-unawa o pagkamit ng katotohanan, ibig sabihin wala silang anumang nakakamit. Lumalaban at nagagalit sila kapag iwinawasto. Nakikipaglaban sila sa iba. Ito ba ay isang tao na tumatanggap sa katotohanan? Ang totoo, ang mga taong ito ay iwinawasto dahil nilabag nila ang mga katotohanang prinsipyo, pero tumatanggi silang magnilay-nilay, at nagpapakatamad pa nga. Ipinapakita nito na hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at na lumalaban at sumasalungat sila sa katotohanan. Ang pagiging salungat sa katotohanan ay, sa diwa, ang pagiging salungat sa Diyos. Ang kalikasan nito ay napakalubha.” Sa wakas ay napagtanto ko sa pagbabahagi ng lider kung gaano kaseryoso ang kalikasan ng pagtanggi sa katotohanan o ng pagkakawasto, at kung gaano kamapanganib ang kalagayang ito. Pagkauwi ko, matagal akong hindi mapakali nang husto, at kaytagal kong hindi makatulog habang nakahiga sa kama. Nagsimula akong mapaisip, “Paano mismo nagpapamalas ang hindi pagtanggap sa katotohanan? Paano ako matututo ng aral at magninilay-nilay sa sitwasyong ito?”

Miyerkules, Setyembre 14, 2022, Maaliwalas ang kalangitan

Tinanggal si Saul ngayong araw. Tinanggal din ang iba pa dahil hindi nila tinanggap ang katotohanan at hindi sila umuusad sa kanilang mga tungkulin. Nalaman ko sa isang sister na madalas na sutil si Saul sa paggawa ng tungkulin at nilalabag niya ang mga prinsipyo, at na matiyagang nagbabahagi sa kanya ng mga prinsipyo ang lider sa bawat pagkakataon. Minsan ay tinatabasan siya ng lider at tinutukoy nito ang diwa ng problema niya, pero hindi niya hinahanap ang katotohanan o nagninilay-nilay. Bilang tugon sa pagkakatabas, nagpapakatamad siya at tumatangging ibahagi ang mga pananaw niya sa mga talakayan sa gawain. Minsan sa isang pagtitipon, sinabi pa niya: “Hindi nakikita ng lider kapag gumagawa ako ng magandang trabaho, pero iwinawasto niya ako kapag hindi.” Mahirap paniwalaan na sinabi niya ito, at ang katunayang nagawa niya iyon ay nagpapakitang hindi niya talaga tinanggap ang katotohanan! Nabasa ko ang ilang sipi ng salita ng Diyos: “Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan at iwinawasto, ang unang ginagawa niya ay labanan at tanggihan ito sa kaibuturan ng kanyang puso. Nilalabanan niya iyon. At bakit ganoon? Ito ay dahil ang mga anticristo, sa kanilang kalikasang diwa, ay nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at hindi nila talaga tinatanggap ang katotohanan. Natural, ang diwa at disposisyon ng isang anticristo ay humahadlang sa kanya na kilalanin ang sarili niyang mga pagkakamali o kilalanin ang sarili niyang tiwaling disposisyon. Batay sa dalawang katunayang ito, ang saloobin ng isang anticristo kapag pinupungusan at iwinawasto ay ang tanggihan at labanan ito, nang ganap at lubusan. Kinasusuklaman at nilalabanan niya iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at wala siya ni katiting na bahid ng pagtanggap o pagpapasakop, lalo nang walang anumang tunay na pagninilay o pagsisisi. Kapag ang isang anticristo ay pinupungusan at iwinawasto, sinuman ang gumagawa niyon, tungkol saan man iyon, gaano man katindi ang dahilan kaya siya ang sinisisi sa bagay na iyon, gaano kalantad ang pagkakamali, gaano kalaki ang kasamaang nagawa niya, o ano ang ibinubunga ng kanyang kasamaan para sa iglesia—hindi isinasaalang-alang ng anticristo ang alinman dito. Para sa isang anticristo, pinupuntirya siya ng nagpupungos at nagwawasto sa kanya, o sadyang hinahanapan siya ng mali para parusahan siya. Maaari pa ngang isipin ng anticristo na inaapi siya at ipinapahiya, na hindi makatao ang pakikitungo sa kanya, at na hinahamak siya at kinukutya. Matapos pungusan at iwasto ang isang anticristo, hindi niya pinagninilayan kailanman kung ano talaga ang nagawa niyang mali, anong uri ng tiwaling disposisyon ang nabunyag niya, kung hinanap ba niya ang mga prinsipyo sa bagay na iyon, o kung kumilos ba siya alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo o tinupad ang kanyang mga responsabilidad. Hindi niya sinusuri ang kanyang sarili o pinagninilayan ang alinman dito, ni hindi niya pinag-iisipan ang mga isyung ito. Sa halip, hinaharap niya ang pagwawasto at pagpupungos ayon sa sarili niyang kagustuhan at may init ng ulo. Sa tuwing pinupungusan at iwinawasto ang isang anticristo, mapupuspos siya ng galit, sama ng loob, at kawalang-kasiyahan, at hindi makikinig sa payo ng sinuman. Hindi niya tinatanggap ang mapungusan at maiwasto, at hindi niya nagagawang bumalik sa harap ng Diyos para makilala at mapagnilayan ang kanyang sarili, para lutasin ang kanyang mga kilos na labag sa mga prinsipyo, tulad ng pagiging pabasta-basta o walang ingat o panggugulo sa kanyang tungkulin, ni hindi niya ginagamit ang pagkakataong ito para lutasin ang kanyang sariling tiwaling disposisyon. Sa halip, naghahanap siya ng mga dahilan para ipagtanggol ang kanyang sarili, para mapawalang-sala ang sarili niya, at magsasabi pa nga siya ng mga bagay na nagpapasimula ng alitan at nag-uudyok sa iba(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Anumang sitwasyon ang sumulpot—lalo na sa harap ng paghihirap, at lalo na kapag ibinubunyag at inilalantad ng Diyos ang mga tao—ang unang dapat gawin ng tao ay humarap sa Diyos upang magmuni-muni, suriin ang kanyang mga salita at gawa at ang kanyang tiwaling disposisyon, sa halip na suriin, aralin, at husgahan kung tama ba o mali ang mga salita at kilos ng Diyos. Kung mananatili ka sa tama mong posisyon, dapat mo mismong malaman kung ano talaga ang dapat na ginagawa mo. Ang mga tao ay may tiwaling disposisyon at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi ito isang malaking problema. Ngunit kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, subalit hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan—mayroon na sila ngayong totoong problema. Mayroon kang tiwaling disposisyon at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at maaari mong mahusgahan ang Diyos nang wala sa katwiran, maaaring lumapit at makipag-ugnayan ka pa rin sa Kanya ayon sa dikta ng iyong kalooban, mga kagustuhan, at emosyon. Ngunit kung hindi mo hinahanap at isinasagawa ang katotohanan, hindi magiging gayon kadali ang mga bagay-bagay. Hindi lamang na hindi mo magagawang magpasakop sa Diyos, kundi maaaring maging mali rin ang pagkaunawa mo at magreklamo ka tungkol sa Kanya, kondenahin mo Siya, salungatin Siya, at kagalitan at tanggihan pa Siya sa puso mo, na sinasabing hindi Siya matuwid, na hindi lahat ng ginagawa Niya ay talagang tama. Hindi ba mapanganib na maaari mong maisip ang gayong mga bagay? (Oo.) Lubhang mapanganib ito. Ang hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring mangahulugan ng kanilang buhay! At maaari itong mangyari anumang oras at saanmang lugar(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Para sa lahat ng taong madalas na pasibo, dulot ito ng kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, parang demonyo na mumultuhin ka ng pagiging pasibo, kaya palagian kang magiging pasibo at magkakaroon ng pakiramdam ng hindi pagsunod, sa Diyos, kawalan ng kasiyahan at pagkakaroon ng sama ng loob sa Diyos. Kapag dumating ito sa puntong nagsisimula ka nang lumaban, sumusuway at sumisigaw laban sa Diyos, mararating mo na ang katapusan. Kapag sinimulan ka nang ilantad, suriin at tatakan ng mga tao, kapag masyado nang huli ang lahat ay matatanto mo ang madilim na realidad ng sitwasyon at babagsak ka sa lupa, punong-puno ng pagsisisi. Sa gayon, ang tanging magagawa mo ay hintayin ang parusa ng Diyos!(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 17). Sa wakas ay naunawaan ko sa mga salita ng Diyos na ang pinakamalinaw na panukat kung tinatanggap ba ng isang tao ang katotohanan ay ang kung paano niya hinaharap ang pagkakawasto. Kapag iwinawasto, ang mga naghahangad at tumatanggap sa katotohanan ay kayang magnilay, at gaano man sila kalubhang iwinasto, palagi nilang nagagawang magdasal sa Diyos, kinokonsidera kung saan sila mismo nagkamali, kung ano ang nagsanhi nito, at kung anong tiwaling disposisyon ang ibinubunyag nila, at pagkatapos ay hinahanap ang katotohanan at matuto mula rito. Bagamat may kaunting pagkanegatibo at kahinaan, ito ay dahil nakikita nila ang lalim ng kanilang katiwalian at ang tindi ng kanilang mga paglabag, nagsisimula silang makonsensya at magsisi, at dahil doon, sa kanilang mga puso ay kinamumuhian nila ang sarili nila. Pero hindi sila makukulong sa pagkanegatibo. Hahanapin nila ang katotohanan at patuloy na magnilay-nilay sa kanilang mga sarili mula sa mga kabiguang ito, at kapag talagang alam nila ang kanilang problema at malinaw na nakikita ang kalikasan ng kanilang mga kilos, nakikita nila ang pagmamahal at proteksyon ng Diyos sa pagkakawasto, at pinasasalamatan nila ang Diyos. Sa sandaling ito, ang kalagayan ng isang tao ay tama at positibo. Pero ang isang taong hindi tumatanggap sa katotohanan ay iba ang turing sa pagkakawasto. Bagamat hindi hayagang nagrereklamo ang ilan, kailanman ay hindi nila pinagninilayan o kinikilala ang sarili nila sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Sa loob nila, nakikipagtalo sila, lumalaban, at nagdadahilan. Habang mas iniisip nila ito, lalo nilang nararamdamang naaagrabyado at nasasaktan sila, hanggang sa puntong pakiramdam nila ay naaapi na sila. Natural na nagdudulot ito ng mga negatibong emosyon. Ang mga negatibong emosyong ito ay naglalaman ng kanilang kawalang-kasiyahan sa realidad at sa iba. Para sa mga tumatanggap sa katotohanan, ang pagkakawasto ay tunay na nagpapabatid sa kanila ng kanilang tiwaling disposisyon, nagsisisi sila, at nagbabago, at nalalaman nila na iyon ang pagkakataon ng pagbabago sa kanilang pananampalataya. Pero iyong mga hindi tumatanggap sa katotohanan ay malalantad at mapapalayas. Lahat ng yaong madalas na maging negatibo ay hindi tinatanggap ang katotohanan, likas silang nayayamot sa katotohanan, at hindi sila makakasulong gaano man sila katagal sa kanilang pananampalataya. Nang maiwasto, hindi nagnilay-nilay si Saul o kinilala ang kalikasan at mga kahihinatnan ng pagiging sutil sa pagtatrabaho, lalong hindi niya hinanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sa halip, napipigilan siya, negatibo, at walang sigla. Noong una, akala ko normal lang na manlumo pagkatapos maiwasto at magiging maayos siya pagkatapos ng ilang araw ng pagninilay-nilay. Pero sinabi ng ilang kapatid na ganito na siya dati pa—masigasig at aktibo sa panlabas, pero sa sandaling lumitaw ang mga problema sa gawain at iwinasto siya, nagiging negatibo siya at walang sigla, at humihinto sa pag-aambag sa mga talakayan sa mga problema. Sinasabi niya na habang mas dumarami ang mungkahi niya sa trabaho, mas dumarami ang isyung nalalantad, at na babawasan niya ang kanyang mga mungkahi at opinyon, para mas kaunting isyu ang malalantad. Sa kanyang pinakahuling pagkakatabas, naramdaman niyang napipigilan siya at naaapi sa kanyang tungkulin, at nanlulumo at nasasaktan din. Ang negatibong saloobin niyang ito ay pagtanggi sa katotohanan sa diwa, at paninisi at paglaban sa Diyos. Nabubunyag sa kanya ang isang anticristong disposisyon. Sa wakas ay napagtanto ko na sa likod ng pagkanegatibong ito ay nagtatago ang isang satanikong disposisyon na lumalaban sa Diyos. Hindi ba’t dapat akong mamulat sa pagtahak ni Saul sa maling landas? Mas lalo itong naging malinaw nang mabasa kong sinabi sa salita ng Diyos: “Ang hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring mangahulugan ng kanilang buhay! At maaari itong mangyari anumang oras at saanmang lugar(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikatlong Bahagi)). Wala akong masyadong personal na karanasan sa ganito noon, pero sa mga pinagdaanan ko nitong mga nakaraang araw, sumang-ayon nang husto ang puso ko sa mga salitang ito. Napakamapanganib na hindi hanapin o tanggapin ang katotohanan kapag iwinawasto. Sa katunayan, ang mga kapatid na tinanggal kamakailan ay matatalino, pero ang kanilang malubhang kahinaan ay ang pagkayamot at hindi paghahanap sa katotohanan, kaya kailanman ay hindi sila nagkaroon ng resulta sa kanilang mga tungkulin at natanggal sila sa huli. Habang mas iniisip ko ito, mas nakikita ko ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan.

Huwebes, Setyembre 15, 2022, Umaambon

Ilang araw nang tumatakbo sa isipan ko ang pagbabahagi ng lider noong gabing iyon, at paulit-ulit na bumabalik ang isipan ko sa mga salitang ito ng Diyos: “Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan). Dati, kapag nababasa ko ang mga salita ng Diyos na: “ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol,” at “isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan,” ang mga nasa mundo ng relihiyon na kumakapit sa mga kuru-kurong panrelihiyon ang agad na sumasagi sa isipan ko. Nais lamang nilang maligtas sa pamamagitan ng biyaya. Tumatanggi silang tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Sila ay mga papet at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan ng Diyos. Pero napapaisip ako, “Ang pagtanggap ba sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nangangahulugan din ng pagtanggap sa Kanyang paghatol? Ganoon ba ito tinitingnan ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng tunay na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos?” Sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi nangangahulugan ng tunay na pagtanggap sa Kanyang paghatol sa mga huling araw. Kailangan mong matanggap man lang ang maiwasto para matanggap ang paghatol ng Diyos sa mga huling araw. Kung hindi mo matatanggap ang maiwasto, hinding-hindi mo matatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Nabasa ko ang ilan pang salita ng Diyos kung paano harapin nang tama ang pagkakawasto. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag tinatabasan at iwinawasto, ano ang dapat malaman man lang ng mga tao? Dapat maranasan ang pagtatabas at pagwawasto para magampanan nang husto ang tungkulin ng isang tao—hindi puwedeng wala ito. Isa itong bagay na dapat harapin ng mga tao sa araw-araw at maranasan nang madalas sa kanilang pananampalataya sa Diyos at pagtatamo ng kaligtasan. Walang sinuman ang maaaring hindi matatabas at mawawasto. Ang pagtatabas at pagwawasto ba sa isang tao ay isang bagay na may kinalaman sa kanilang kinabukasan at kapalaran? (Hindi.) Para saan ba ang pagtatabas at pagwawasto sa isang tao? Ang mga ito ba ay para kondenahin ang mga tao? (Hindi, ito ay para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magampanan ang kanilang tungkulin ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyon. Iyon ang pinakatamang pagkaunawa ukol dito. Ang pagtatabas at pagwawasto sa isang tao ay isang uri ng disiplina, isang uri ng pagtutuwid, pero isa rin itong uri ng pagtulong at pagliligtas sa mga tao. Ang pagtatabas at pagwawasto ay magtutulot sa iyo na mabago mo kaagad ang mga maling paghahangad mo. Tinutulutan ka nitong agarang matanto ang mga problemang kasalukuyang mayroon ka, at tinutulutan kang makita kaagad ang mga tiwaling disposisyong inilalantad mo. Anu’t anupaman, nakakatulong sa iyo ang pagtatabas at pagwawasto para malaman mo ang iyong mga pagkakamali at matupad mo ang iyong mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, inililigtas ka nito sa tamang oras para hindi ka makagawa ng mga pagkakamali at malihis ng landas, at pinipigilan ka nito na makapagdulot ng mga trahedya. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tulong sa mga tao, ang kanilang pinakamalaking lunas? Dapat magawang tratuhin nang tama ng mga may konsiyensiya at katwiran ang pagwawasto at pagpupungos sa kanila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)). Napakalinaw ng salita ng Diyos sa tamang saloobin at landas ng pagsasagawa na dapat nating taglayin sa pagkakawasto. Sa katunayan, ang pagkakawasto ay ganap na walang kaugnayan sa ating kapalaran. Malupit man ang wikang ginagamit, nakababahala man ito, o kumokondena pa nga, lahat ito ay para tulungan tayong makilala ang ating katiwalian, at makita ang mga paglihis sa ating gawain. Ito ay para tulungan tayong hanapin ang katotohanan at gawin ang ating mga tungkulin nang may mga prinsipyo. Ang maiwasto nang madalas o malubha ay hindi nangangahulugan na walang magandang kapalaran ang isang tao, hindi rin nangangahulugan na magkakaroon ng magandang kapalaran ang isang tao kapag hindi iwinasto. Bagamat maaaring tabasan at iwasto nang madalas ang ilan, at kung minsan ay maaaring malubha ito, masidhi, o tila isang paglalantad o pagkokondena, kalaunan, nahahanap ng mga taong ito ang katotohanan, nakakapagnilay-nilay, at nagkakamit ng kaunting pagkaunawa sa kanilang tiwaling disposisyon, mga kakulangan, at mga paglihis. Nagagawa nilang magbago at lumago sa buhay, at sa huli, kaya pa rin nilang pumasan ng mahalagang gawain. Ginunita ko ang aking saloobin sa pagkakawasto mula nang maging isang mananampalataya. Siyam na taon na akong nananalig sa Diyos, at sa lahat ng taon na ito, bihira akong maiwasto o magkaroon ng malalaking problema o mga kabiguan. Dati nang naiiba ang pananaw ko sa pagkakawasto. Pakiramdam ko ay masamang bagay ang maiwasto, na kapareho ito ng mailantad o makondena. Umuurong ako sa takot kapag nakikitang iwinawasto ang iba, natatakot na mangyayari din ito sa akin kapag hindi ako nag-ingat. Pinagkamalan kong pagkondena at paglantad ang maiwasto, tinatanggihan at nilalabanan ito, gustong manatili sa komportableng sitwasyon sa aking pananampalataya. Paanong naiiba ang paghahangad ko sa yaong mga gusto lang makinabang sa relihiyon? Napakarami ko nang nabasang salita ng Diyos at malinaw sa akin na ang gawain Niya sa mga huling araw ay naglalayong linisin at gawing perpekto ang tao sa pamamagitan ng paghatol, pagpipino, pagtatabas at pagwawasto. Pero wala akong tunay na kaalaman at ayaw kong tanggapin ang maiwasto o mapino, kaya kahit ilang taon pa akong nananalig sa Diyos, hindi ako makaka-usad. Hindi ko makakamit ang katotohanan o matatamo ang pagbabago sa aking disposisyon sa buhay, at sa huli, parurusahan ako. Habang mas iniisip ko ito, mas napagtatanto ko kung gaano kamapanganib ang kalagayan ko. Nananabik ako sa kaginhawaan at naghahangad ng biyaya, kaya kahit hindi ako iwinawasto, hindi ibig sabihin na magkakaroon ako ng magandang kahihinatnan. Kung hindi ko kailanman hahanapin ang katotohanan o babaguhin ang aking tiwaling disposisyon, hindi ako maililigtas sa huli. Hindi ang pagkakawasto ang maghahayag sa kahihinatnan ng isang tao, kundi ang saloobin niya sa katotohanan ang maghahayag kung sino siya. Dati ko nang inaakala na masamang bagay ang maiwasto, at na marahil ay sama ng loob o pagkondena ito ng Diyos. Pero ngayon nakikita ko na kung gaano ako kabaluktot ang mga pananaw ko! Luhaan akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, sa wakas nakikita ko na ang aking kamangmangan at kahangalan. Sa mga taon ko sa pananampalataya, hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan at likas akong nayayamot sa katotohanan. Palagi ko pong iniiwasan na matabasan at maiwasto. Diyos ko, gusto ko pong magsisi. Handa na po akong matuto ng mga aral mula sa pagkakawasto.” Gumaan nang husto ang pakiramdam ko pagkatapos magdasal, nakaramdam din ako ng paghahangad at pananabik. Umaasa ako na mararanasan ko ang matabasan at maiwasto para makausad ako sa buhay.

Miyerkules, Oktubre 5, 2022, Maulap

Hindi malilimutan ang nangyari ngayong araw. Habang gumagawa ng isang proyekto, dahil sutil kong ginagawa ang aking tungkulin at hindi naghahanap ng mga prinsipyo, kinailangang ulitin ang trabaho, na nakaantala sa pag-usad. Tinukoy ng lider ang kalikasan ng problemang ito at iwinasto ako sa pagiging mayabang at walang kakayahan. Sinabi niya na ipinakita nito ang kawalan ko ng espirituwal na pang-unawa. Paulit-ulit na tumatakbo sa isipan ko ang mga sinabi niya. Sumama ang loob ko at sinimulan kong limitahan ang sarili ko, iniisip na: “Naaarok ng lider kung ano ako. Sa tingin niya ay hindi ako angkop sa tungkuling ito. Matatanggal ako anumang araw ngayon.” Lalo akong nanlumo. Nang mapagtantong mali ang kalagayan ko, nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, iwinasto ako ngayong araw. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong matutunan mula rito o kung paano ko pagninilayan ang sarili ko. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para makilala ang aking sarili at maiwaksi ang mga negatibong emosyong ito.” Pagkatapos magdasal, naalala ko na ang paghahanap sa katotohanan ang pinakamahalaga kapag iwinawasto. Ano ang malulutas ng pagiging negatibo? Dapat kong pagnilayan kung ano mismo ang mga problema ko at kung paanong wala akong espirituwal na pang-unawa. Tahimik kong pinag-isipan ito, napagtanto kong ang pinakadahilan kaya iwinasto ako ngayon ay ang sutil kong paggawa sa tungkulin ko, nang hindi nagninilay-nilay o naghahanap ng mga prinsipyo. Nakapagbahagi ang lider sa mga prinsipyong nauugnay dito, pero sinunod ko lang ang mga panuntunan. Pakiramdam ko pa nga na dahil ilang beses ko nang narinig ang mga prinsipyong ito, nakabisado ko na ang mga ito at hindi ko na kailangang aralin pa ang mga ito. Bulag akong nagtiwala sa sarili ko, isinantabi ang mga prinsipyo, itinuring na tama ang mga opinyon ko at hindi hiningi ang mga opinyon ng iba. Masyado akong sutil, hindi kumilos ayon sa mga prinsipyo, at bulag na sumunod sa mga panuntunan. Hindi ba’t ito ay kawalan ng espirituwal na pang-unawa? Kung hindi ako iwinasto nang ganito, mananatili akong manhid, inaakalang nagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, nang hindi talaga nalalaman kung anong kasamaan ang maaari kong magawa. Ang maiwasto ay isang babala at proteksyon sa akin. Ngayong nakita ko na ito, hindi na ako nakakaramdam ng pagkanegatibo. Nagagawa ko nang tumuon sa paghahanap gamit ang mga prinsipyo, at napapaalalahanan ang sarili ko na huwag ulitin ang ganitong mga pagkakamali.

Sabado, Oktubre 8, 2022, Maaliwalas ang kalangitan

Nasa isang pagtitipon kami kasama ang lider ngayong araw. Matiyaga siyang nagbahagi sa amin sa mga prinsipyo ng paggawa ng isang tungkulin at pagkatapos ay tinanong niya kami kung may mga nakamit kami kamakailan. Hinikayat niya kaming hangarin ang katotohanan, at na anuman ang mga sitwasyon, ang matuto ng mga aral ang pinakamahalaga. Binasahan din niya kami ng isang sipi ng salita ng Diyos: “Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, natabas, naiwasto, o nailantad, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man natabas o naiwasto, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapapatunayan ito. Ano’t anupaman, ang matabas, maiwasto, o mailantad ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Usapin, at Bagay sa Malapit). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos at hindi ko napigilan ang mga luha ko. Bagamat nakapanlulumo at masakit ang maiwasto at kung minsan ay pakiramdam ko ay parang malulugmok ako sa pagkanegatibo, talagang ipinakita sa akin ng karanasang ito ang pagmamahal ng Diyos. Ang ganitong uri ng sitwasyon ang nagtulak sa akin na humarap sa Diyos para magnilay at makilala ang sarili kong tiwaling disposisyon, at pagnilayan kung saan ako may mga problema. Nang magkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko, nakaramdam ako ng kapayapaan ng loob at kaginhawahan. Kung hindi ako iwinasto, hindi ko alam kung anong mga panggugulo ang maaari kong nagawa sa tungkulin ko, o kung anong mga problema o kapabayaan ang maaaring lumitaw. Dahil sa pagkakawasto nang ganito, mas pinagtuunan ko ng pansin ang paghahanap ng mga prinsipyo sa tungkulin ko. Personal kong nakita na ang maiwasto ay hindi mapaghihiwalay sa paggawa ng ating tungkulin.

Sinundan: Kwento ni Joy

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Espirituwal na Labanan

Ni Yang Zhi, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling...