Pagiging Mabuting Tao Ba ang Pagiging Tapat sa Iba?

Pebrero 17, 2025

Ni Yu Ming, Tsina

Noong 2012, noong ako ay isang lider sa iglesia, nahatak at nailigaw ni Zheng Xin ang ilang kapatid upang makipagkompitensiya para sa posisyon sa pamumuno, hinusgahan ako bilang isang huwad na lider at pinanawagan ang pagtanggal sa akin, na humantong sa malaking kaguluhan sa loob ng iglesia. Noong panahong iyon, napansin ni Wang Chen kung ano ang nangyayari at kaagad na iniulat ito sa akin, at magkasama kaming nakipagbahaginan sa mga kapatid upang kilatisin at himayin ang kalikasan ng mga ginawi ni Zheng Xin. Nakilatis ng mga kapatid si Zheng Xin, at sa wakas ay humupa ang malaking kaguluhan sa loob ng iglesia. Mula nang sandaling iyon, naging mapagpasalamat ako kay Wang Chen. Kung wala ang pagtulong niya na tapusin ang gulo, baka talagang napigilan at napahirapan ako, napatalsik mula sa posisyon ko at nawala ang aking tungkulin. Noong 2019, ako at ang asawa ko ay tinugis ng pulis at hindi namin nagawang makipag-ugnayan sa mga kapatid, nawalan kami ng komunikasyon sa iglesia. Noong 2021 ko lang nakausap ang mga kapatid at inilipat ako sa ibang iglesia. Ang lider ng iglesia na dumating upang sunduin kami nang oras iyon ay walang iba kundi si Wang Chen, at isinaayos niya na makadalo kami sa mga pagtitipon at makapagsimulang gumampan sa aming mga tungkulin. Lalong lumalim ang pasasalamat ko sa kanya, at pakiramdam ko ay nagpakita siya ng pabor sa akin. Itinuring ko siya bilang kapamilya, iniisip ko sa sarili ko na, “Hindi ko alam kung paano ko siya mapapasalamatan para dito. Dapat suklian ko siya nang wasto kapag nagkaroon ako ng pagkakataon.”

Kalaunan, napili ako bilang isang lider ng iglesia at nakasama ko sina Wang Chen at Chen Mo. Matapos ang ilang panahon, napansin kong laging sobra-sobrang sumuri ng mga tao at bagay si Wang Chen at mahilig siyang magsimula ng gulo. Nagkaalitan sila ni Chen Mo at hindi siya kailanman nagnilay o sumubok na kilalanin ang sarili niya, at ipinapakalat pa niya sa mga pagtitipon ang masasamang palagay niya laban kay Chen Mo at ang yamot niya rito, dahilan kaya nadamay ang mga kapatid sa pagtatalo, kumampi sila sa kanya at hinusgahan si Chen Mo. Dagdag pa rito, hindi niya kailanman isinagawa ang katotohanan, palaging nakikipag-ugnayan sa iba batay sa mga pilosopiya para sa makamundong pakikitungo. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa mga paghihirap sa kanilang tungkulin, hindi siya nagbabahagi ng katotohanan para malutas ang mga iyon, sa halip ay parati niyang isinasaalang-alang ang kanilang laman at sinasabi na hindi sila dapat masyadong mahigpit sa kanilang sarili, na dahilan kaya nagpakasasa sila at nagpaunlak sa kanilang mga kahinaan. Napansin ko rin na bihirang magtanong si Wang Chen o sumubaybay sa gawain, at hindi niya nilulutas ang mga isyu kapag natutuklasan niya ang mga iyon. Kapag may mga baguhan na hindi nakadadalo sa mga pagtitipon, hindi niya iyon pinapansin. Hindi niya isinasaayos nang wasto ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, at kapag humaharap sa mga nakatataas na lider, nanlilinlang at nagsisinungaling siya sa mga nakatataas sa kanya habang itinatago ang mga bagay-bagay mula sa mga taong nasa ilalim niya. Kapag tinutukoy ng mga kapatid ang kanyang mga isyu, hindi niya tinatanggap ang mga iyon, gumagawa siya ng iba’t ibang dahilan at sinusubukang ipagtanggol ang kanyang sarili. Nagpapakalat pa siya ng pagkanegatibo sa mga kapatid, sinasabing naghirap siya nang matindi sa kanyang tungkulin sa loob ng maraming taon at wala siyang nakamit, at na baka mas mainam pang hindi manampalataya sa Diyos at sa halip ay magpakasaya na lang sa makamundong buhay ng laman. Noong panahong iyon, ilan sa mga bagong mananampalataya ang hindi nagawang kilatisin siya at nalihis sila, ayaw na nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Sa panahon ding iyon, patuloy na ginulo ni Wang Chen ang buhay iglesia, na nakaaapekto sa lahat ng kapatid sa kanilang mga tungkulin. Napagtanto noon ng mga nakatataas na lider na huwad na lider si Wang Chen na hindi gumagawa ng tunay na gawain at naghanda silang tanggalin siya. Ngunit sa aking mga pakikipag-ugnayan kay Wang Chen, napagtanto ko na hindi lang siya isang huwad na lider kundi isa ring hindi mananampalataya. Seryoso ang mga isyu niya, at kailangan siyang agarang tanggalin at paalisin, kung hindi ay magpapatuloy siya sa panggugulo sa buhay iglesia. Naisip kong iulat sa mga nakatataas na lider ang kanyang panghindi-mananampalatayang mga pag-uugali. Pero napuno ang isipan ko ng mga alaala ng pagtulong sa akin ni Wang Chen sa pagpapahupa ng malaking kaguluhan sa iglesia at pagsasaayos ng aking tungkulin, kaya nag-alinlangan ako sa aking puso, iniisip na, “Kung iuulat ko ang kanyang mga problema, aakusahan ba niya ako na walang konsensiya at walang utang na loob?” Dahil sa pag-iisip nito, hindi nagawa ng puso ko na mapayapa sa loob ng mahabang panahon. Kung talagang paaalisin siya, nangangahulugan iyon ng katapusan ng kanyang paglalakbay sa pananalig, at siguradong maghihinanakit siya sa akin! Nagtatalo talaga ang loob ko, at hindi ko magawang sumulat ng ulat. Naisip ko, “Siguro dapat ko siyang tulungan ulit? Kung makapagbabago siya kahit paano at hihinto na sa panggagambala at panggugulo, baka hindi na siya kailangang paalisin pa?” Sa mga kaisipang ito, hindi ko itinuloy ang pag-uulat ng mga isyu ni Wang Chen. Nang makita kong muli si Wang Chen, nagbahagi ako ng salita ng Diyos sa kanya, hinihimok siya na magnilay at subukang kilalanin pa ang sarili niya kapag may nangyayari sa kanya. Pero gaano man ako magbahagi, hindi niya iyon sineseryoso at nagpatuloy siya sa panggugulo sa iglesia gaya ng ginawa niya noon, hinahadlangan ang mga kapatid na magkaroon ng normal na buhay iglesia at inaapektuhan ang kanilang buhay pagpasok. Napakapangit ng pakiramdam ko at sinisi ko ang aking sarili, iniisip na, “Bakit napakagulo ng isip ko? Bakit hindi ko magawang manindigan sa panig ng Diyos at maprotektahan ang gawain ng iglesia?” Noon ako nagsimulang maghanap sa katotohanan at magnilay sa aking sarili.

Isang araw, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang katangian ng mga damdamin? Tiyak na hindi ang anumang positibo. Ito ay nakatuon sa mga pisikal na relasyon at nagbibigay-kasiyahan sa mga kagustuhan ng laman. Paboritismo, pagtatanggol sa mga kakulangan ng iba, pagkagiliw, pagpapalayaw, at pagpapakasasa ay lahat nasa ilalim ng mga damdamin. Ang ilang tao ay masyadong nagtitiwala sa mga damdamin, tumutugon sila sa anumang nangyayari sa kanila batay sa kanilang mga damdamin; sa kanilang puso, alam na alam nilang mali ito, gayumpaman ay hindi pa rin nila magawang maging obhetibo, lalo na ang kumilos ayon sa prinsipyo. Kapag palaging napipigilan ng mga damdamin ang mga tao, kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Napakahirap nito! Ang kawalan ng kakayahan ng maraming tao na isagawa ang katotohanan ay pangunahing bunga ng mga damdamin; itinuturing nila ang mga damdamin bilang napakahalaga, inuuna nila ang mga ito. Mga tao ba sila na nagmamahal sa katotohanan? Tiyak na hindi. Ano ang mga damdamin, sa diwa? Ang mga ito ay uri ng tiwaling disposisyon. Ang mga pagpapamalas ng mga damdamin ay mailalarawan gamit ang ilang salita: paboritismo, pagprotekta sa iba nang walang prinsipyo, pagpapanatili ng mga pisikal na relasyon, at pagkiling; ito ang mga damdamin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Katotohanang Realidad?). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkamulat. Sa panahon na iyon, namumuhay ako sa aking mga damdamin at umaakto nang walang prinsipyo. Maliwanag kong napagtanto na hindi lang isang huwad na lider si Wang Chen na hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain, kundi siya rin ay isang hindi mananampalataya. Dapat isiniwalat ko na ang pag-uugali niya sa mga nakatataas na lider. Gayumpaman, patuloy kong inisip ang pabor na ipinakita niya sa akin at pinangalagaan ko ang aming tinatawag na pagkakaibigan, kaya hindi ko iniulat ang kanyang mga isyu, hinayaan siyang magpatuloy sa paggawa ng kasamaan sa iglesia at sa panggugulo sa buhay iglesia. Umakto ako batay sa aking mga damdamin, ipinagtatanggol at pinagtatakpan siya. Sa kagustuhan kong panatilihin sa iglesia ang isang hindi mananampalataya, nakipagsabwatan ako kay Satanas at naging kakutsaba nito. Gumawa talaga ako ng kasamaan! Ang malaking pulang dragon ay nandadakip, nang-uusig, at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at heto ako, pinoprotektahan ang isang hindi mananampalataya sa loob ng iglesia, ginagawa kung ano ang nais pero hindi magawa ng malaking pulang dragon. Hindi ba’t paghihimagsik ito laban sa Diyos at paglaban sa Kanya? Umaakto ako bilang tagapagtanggol ni Satanas! Sa pamamagitan ng mga katunayang nabunyag, sa wakas ay nakita ko kung paanong nabuhay ako batay sa aking mga damdamin, hindi magawang makilala ang tama sa mali o mabuti sa masama, walang anumang pagpapahalaga sa katarungan at hinayaan ang isang hindi mananampalataya na manggulo sa buhay iglesia. Naging mapanghimagsik ako sa Diyos! Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Ang mga damdamin ay Kanyang kaaway(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 28). Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi at paninisi sa sarili, at nagpasya akong iulat sa mga nakatataas na lider ang mga isyu ni Wang Chen.

Ilang araw pagkatapos, nang dumating ang mga nakatataas na lider para tanggalin si Wang Chen, iniulat ko ang kanyang sitwasyon. Matapos ang beripikasyon, nalaman nilang totoo ngang hindi mananampalataya si Wang Chen, at ipinasulat nila sa akin ang mga pag-uugali niya para makatulong sa paglilikom ng kanyang mga materyal para sa pagpapaalis. Nang maisip ko si Wang Chen na pinapaalis, hindi ko maiwasang maalala ang lahat ng mga pagkakataon na tinulungan niya ako noon, at naisip ko, “Pinakitaan niya ako ng pabor, at ngayon gagawa ako ng isang pagsusuri para mapaalis siya. Kapag nalaman niya ang tungkol dito, aakusahan ba niya ako na gumaganti ng poot sa kabutihan at walang konsensiya? Paano ko siya haharapin pagkatapos?” Pero nang maisip ko ang mga pagpapamalas niya ng pagiging hindi mananampalataya, ang kamalayan ko sa konsensiya ay nagsasabing dapat kong sundin ang mga prinsipyo at ilista ang kanyang mga pag-uugali. Gayumpaman, hindi ko malampasan ang panloob na balakid na ito at nadama ko na nasa isang mahirap akong kalagayan. Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas matindi ang sakit na nararamdaman ko, at nakaramdam ako ng kadiliman at ng panghihina sa loob. Kaya, matapos magpaliban ng lampas 10 araw, hindi ko pa rin naisulat ang mga pag-uugali ni Wang Chen. Sa panahon na ito, nagdusa ako sa matinding pagsakit ng ngipin, at minsan sa sobrang sakit ay pinagpapawisan ako. Hindi ako nangahas kumain at hindi ako makatulog. Napagtanto ko na baka ito ang pagdidisiplina ng Diyos, at nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos, hindi mananampalataya si Wang Chen, at dapat ilista ko ang kanyang mga pag-uugali at paalisin siya ayon sa mga prinsipyo. Pero kapag naiisip ko ang pabor na ipinakita niya sa akin, ayaw kong magsulat. Napakamapagmatigas ang puso ko, napakamapaghimagsik! O Diyos, gusto kong bumalik sa Iyo. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako at gabayan Mo ako na makilala ang sarili ko, upang manatili ako sa mga prinsipyo, at maprotektahan ang mga interes ng iglesia.”

Pagkatapos, patuloy akong nagnilay, iniisip na, “Ano ba ang pumipigil sa akin para manatili sa mga prinsipyo at maprotektahan ang mga interes ng iglesia?” Sa isang pagtitipon, natagpuan ko ang sagot sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa kaibuturan ng puso ng mga tao, marami pa ring kuru-kuro at imahinasyon, sari-saring kaisipan, mga pananaw, at mga lason ng tradisyonal na kultura, at maraming bagay na mapanlaban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ay nakatago sa kalooban nila, hindi pa naisisiwalat. Ang mga ito ang pinagmulan ng mga pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at ang mga ito ay nagmumula sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag may ginawa ang Diyos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro mo ay lalabanan mo Siya at sasalungatin. Hindi mo maiintindihan kung bakit kumilos nang gayon ang Diyos, at bagama’t alam mong mayroong katotohanan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at nais mong magpasakop, hindi mo iyon magawa. Bakit hindi mo magawang magpasakop? Ano ang dahilan sa iyong pagsalungat at paglaban? Ito ay dahil maraming bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao ang laban sa Diyos, laban sa mga prinsipyo sa pagkilos ng Diyos at laban sa Kanyang diwa. Mahirap para sa mga tao ang magkamit ng kaalaman tungkol sa mga bagay na ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). “Sinasabi Ko ang lahat ng ito upang mapagtanto ng mga tao na ang ugat at ang diwa ng mapaghimagsik na kalikasan ng tao ay pangunahing nagmumula sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, na hinuhubog ng edukasyon na kanilang tinatanggap mula sa pamilya at lipunan, at gayon na rin mula sa tradisyonal na kultura. Pagkatapos na ang mga bagay na ito ay unti-unting matanim nang malalim sa puso ng mga tao, sa pamamagitan ng kaugalian ng pamilya, o sa impluwensiya ng lipunan at akademikong edukasyon, magsisimula ang mga taong mamuhay ayon sa mga ito. Magsisimula silang maniwala nang hindi nila namamalayan na ang tradisyonal na kulturang ito ay tama, malinis, at hindi maaaring pulaan, at na sa pamamagitan lamang ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi ng tradisyonal na kultura na sila ay maaaring maging mga tunay na tao. Kung hindi nila gagawin iyon, mararamdaman nilang wala silang konsensiya, na salungat sila sa pagkatao at walang anumang pagkatao, at hindi nila ito matatanggap. Hindi ba’t ang mga kaisipan at pananaw na ito ng tao ay napakalayo sa katotohanan? Ang mga bagay sa mga kaisipan at pananaw ng tao, at ang mga mithiing hinahangad ng mga tao, ay nakatuon lahat sa mundo, kay Satanas. Ang hinihingi ng Diyos na hangarin ng tao ang katotohanan ay nakatuon sa Diyos, sa liwanag. Ang mga ito ay dalawang magkaibang direksyon, dalawang magkaibang layon. Kumilos ka ayon sa mga layon na ibinigay ng Diyos sa tao at sa mga hinihingi Niya sa tao, at ang pagkatao mo ay lalong magiging normal, lalo kang magkakaroon ng wangis ng tao, at magiging mas malapit ka sa Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kaisipan at pananaw ng tradisyonal na kultura, lalong mawawala sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran, lalo kang magiging huwad at peke, lalo kang susunod sa mga kalakaran ng mundo, at magiging bahagi ka ng mga puwersa ng kasamaan. Kung magkagayon ay ganap kang mabubuhay sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ganap mo nang nalabag ang katotohanan at pinagtaksilan ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Nagdala sa akin ng kaliwanagan ang mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na umakto ako batay sa aking mga damdamin at hindi ko ginustong idokumento ang mga pag-uugali ni Wang Chen sa takot na mapaalis siya, unang-una dahil nakagapos ako at napigilan ng mga ideya at mga pananaw na itinanim ni Satanas sa akin, gaya ng “Dapat maging tapat ang isang tao,” “Hindi dapat maging walang awa at walang utang na loob ang isang tao,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian” at iba pa. Dahil kontrolado ng mga ideya at pananaw na ito, palagi kong inuuna ang kabaitan ng tao, tinitingnan ko pa ito bilang mas mahalaga kaysa sa pagsasagawa ng katotohanan at sa mga interes ng iglesia. Nang isaalang-alang ko ang pag-uulat ng mga pagpapamalas ni Wang Chen ng pagiging isang hindi mananampalataya, hindi ko maiwasang alalahanin kung paano niya ako natulungan noon, iniisip na ang pag-uulat ng mga pag-uugali niya ay walang puso at walang utang na loob at na kamumuhian ako ng iba. Napipigilan ng mga ideya at pananaw na ito, hindi ko maisagawa ang katotohanan at manindigan sa mga prinsipyo. Kahit noong ipinalista sa akin ng mga lider ang mga pag-uugali ni Wang Chen, nag-alangan ako dahil sa pabor na ipinakita niya sa akin, hinayaan siyang magpatuloy sa paggawa ng kasamaan at sa panggugulo sa mga kapatid sa iglesia. Ang iglesia ay isang lugar para magampanan ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin at maghangad ng katotohanan. Sa agarang pagpapaalis lamang ng mga hindi mananampalataya mula sa iglesia mapangangalagaan ang buhay iglesia ng mga kapatid. Ang pagsusulat tungkol sa mga pagpapamalas ni Wang Chen ng pagiging isang hindi mananampalataya ay pagsasagawa ng katotohanan at isang positibong bagay, pero tiningnan ko ito bilang pagtataksil at hindi pagkakaroon ng konsensiya. Hindi ko talaga mapag-iba ang mabuti sa masama, o maunawaan kung ano ang iibigin at ano ang kapopootan, at wala talaga akong anumang prinsipyo o paninindigan. Kung agad kong iniulat ang mga problema ni Wang Chen, baka mas maaga siyang napaalis sa iglesia, pero dahil hindi ko isinagawa ang katotohanan at pinrotektahan ko siya, nagpatuloy siya sa panggagambala at panggugulo sa iglesia, na nagdala ng mga kawalan sa buhay pagpasok ng mga kapatid at nagpaantala rin sa gawain ng iglesia. Bilang isang lider, hindi lang ako nabigong isaalang-alang ang mga buhay ng mga kapatid o protektahan ang mga interes ng iglesia, pinagtakpan ko rin si Wang Chen batay sa mga damdamin, nagpakita ng katapatan at konsensiya sa isang hindi mananampalataya. Hindi ako tumanaw ng utang na loob at nag-alok ng tulong sa isang tagalabas, gumanap bilang kampon ni Satanas. Dati, nabuhay ako sa mga ideya at pananaw na itinanim sa akin ni Satanas, iniisip ko na naging marangal at tapat ako. Ngayon ko lang napagtanto na ang mga ideya at mga pananaw na ito ay kumokontra sa Diyos. Pinigilan ako ng mga ito na isagawa ang katotohanan, kapalit ng aking konsensiya at katwiran at inalis ang aking pagkatao. Sa pamumuhay ayon sa mga ideya at mga pananaw na ito, maaari lang akong gumawa ng masama, lumaban sa Diyos, at maitaboy at maitiwalag ako ng Diyos. Kung hindi dahil sa napapanahong disiplina ng Diyos sa pagkakaroon ko ng karamdaman, hindi ko pa maiisipang pagnilayan ang sarili ko. Hindi na ako makapagpapatuloy pa sa paghihimagsik; kailangan kong bumalik agad sa Diyos.

Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin para mabago kahit papaano ang mga nakalilinlang kong pananaw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung minsan, gagamitin ng Diyos ang mga serbisyo ni Satanas upang tulungan ang mga tao, ngunit kailangan nating siguraduhing sa Diyos tayo magpapasalamat sa gayong mga pagkakataon at hindi tayo magsusukli ng kabutihan kay Satanas—ito ay usapin ng prinsipyo. Kapag dumarating ang tukso sa anyo ng isang masamang taong nagkakaloob ng kabutihan, kailangan munang maging malinaw sa iyo kung sino talaga ang tumutulong at umaalalay sa iyo, kung ano ang sarili mong sitwasyon, at kung may ibang landas na puwede mong tahakin. Dapat maging handa kang umangkop sa pagharap sa gayong mga sitwasyon. Kung gusto kang iligtas ng Diyos, kahit kaninong serbisyo pa ang gamitin Niya upang maisakatuparan ito, dapat mo munang pasalamatan ang Diyos at tanggapin ito na mula sa Diyos. Hindi mo dapat idirekta lang sa mga tao ang iyong pasasalamat, lalong huwag mong ialay ang iyong buhay sa isang tao bilang pasasalamat. Isa itong malaking pagkakamali. Ang mahalaga ay mapagpasalamat ang iyong puso sa Diyos, at tinatanggap mo ito mula sa Kanya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 7). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan ko na parati kong nakikita ang pagtulong ni Wang Chen bilang kabaitan ng tao. Hindi ko pa ito tinanggap na mula sa Diyos, kinilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, o pinag-isipan kung paano susuklian ang pag-ibig ng Diyos. Talagang napakagulo ng isip ko! Sa panahon ng malaking kaguluhan sa iglesia, tinulungan ako ni Wang Chen na pakalmahin ang mga bagay-bagay at kalaunan ay nagsaayos siya ng angkop na tungkulin para sa akin. Ito ang tungkulin at responsabilidad na dapat niyang tuparin; hindi ito katumbas ng kabaitan. Bukod pa roon, ang lahat ng ito ay pinamatnugot at isinaayos ng Diyos. Dapat ay tinanggap ko ito mula sa Diyos, pinasalamatan Siya, at sinuklian ang pag-ibig ng Diyos, pero itinuring kong kabaitan ng tao ang pag-ibig at proteksyon ng Diyos sa tao. Napakabulag ko. Nang mapagtanto ito, nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, at nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at magsagawa ng katotohanan para malugod ang Diyos.

Kalaunan, natagpuan ko ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at naunawaan ko kung ano ang bumubuo sa isang taong may tunay na mabuting pagkatao. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kailangang may pamantayan para sa pagkakaroon ng mabuting pagkatao. Hindi kasama rito ang pagtahak sa landas ng pagtitimpi, hindi pagkapit sa mga prinsipyo, pagsisikap na huwag makasakit ng sinuman, pagsipsip kahit saan ka magpunta, pagiging matatas at wais sa lahat ng iyong nakakasalamuha, at panghihikayat sa lahat na magsabi nang maganda tungkol sa iyo. Hindi ito ang pamantayan. Ano kung gayon ang pamantayan? Ito ay ang magawang magpasakop sa Diyos at sa katotohanan. Ito ay ang pagharap sa tungkulin at sa iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at mga bagay nang may mga prinsipyo at pagpapahalaga sa responsabilidad. Ito ay malinaw na nakikita ng lahat; ang lahat ay maliwanag tungkol dito sa kanilang puso. Bukod doon, sinisiyasat ng Diyos ang mga puso ng mga tao at inaalam ang kanilang sitwasyon, bawat isa sa kanila; kahit sino pa sila, walang makakaloko sa Diyos. Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, na hindi sila kailanman nagsasabi nang masama tungkol sa iba, hindi kailanman pinipinsala ang mga interes ng sinuman, at sinasabi nilang hindi sila kailanman naghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipili pa nga nilang dumanas ng kawalan kaysa samantalahin ang iba, at iniisip ng lahat ng iba na mabubuti silang tao. Gayumpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng sambahayan ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang sarili nilang mga kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang mga interes. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Anong uri ng pagkatao ito? Hindi ito mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong mga tao; dapat ninyong tingnan ang kanilang ipinamumuhay, ang kanilang ibinubunyag, at ang kanilang saloobin kapag ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, pati na ang kanilang kalagayang panloob at ang kanilang minamahal. Kung ang pagmamahal nila sa sarili nilang kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa kanilang katapatan sa Diyos, kung ang pagmamahal nila sa kanilang sariling kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, o kung ang kanilang pagmamahal sa sarili nilang kasikatan at pakinabang ay nakahihigit sa konsiderasyong ipinapakita nila para sa Diyos, nagtataglay ba ang gayong mga tao ng pagkatao? Hindi sila mga taong may pagkatao. Nakikita ng iba at ng Diyos ang kanilang paggawi. Napakahirap para sa gayong mga tao na matamo ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Dati, lagi kong iniisip na ang mga nagbabalik ng kabaitan at mga nagpapahalaga sa katapatan ay mga taong may mabubuting pagkatao. Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, saka ko lang napagtanto na lubhang walang katuturan ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay. Ang isang taong may tunay na mabuting pagkatao ay iyong nakikibahagi sa mga isipin at alalahanin ng Diyos, may tapat na puso, isang matuwid na tao, nagmamahal sa mga positibong bagay, mayroong pagpapahalaga sa katarungan, at kayang ipaglaban ang mga katotohanang prinsipyo at unawain kung ano ang dapat mahalin at ano ang dapat kamuhian. Ako naman, sa pagsubok na mapanatili ang aking mabuting imahe bilang isang tapat na tao sa mata ng iba, hindi ako nag-alinlangan sa pagpinsala sa mga interes ng iglesia. Pinili kong panooring guluhin ni Wang Chen ang buhay iglesia at hadlangan niya ang mga kapatid sa paggampan sa kanilang mga tungkulin sa halip na mapaalis siya. Paano ako matatawag na isang taong may mabuting pagkatao? Ako ay simpleng isang taong walang pagkatao, isang taong makasarili at kasuklam-suklam. Nang mapagtanto ito, hindi ko na inisip na may mabuting pagkatao ako. Pagkatapos, natagpuan ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng ilang landas sa pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa anong prinsipyo hinihingi ng mga salita ng Diyos na itrato ng mga tao ang iba? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa Kanyang layunin. Hinihingi ng Diyos na mahalin ng mga tao ang mga minamahal Niya at kamuhian nila ang kinamumuhian Niya, na kampihan Siya ng mga tao kapag may nangyayari at itaguyod nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kasama ang mga kapatid na taos-pusong nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kapag ang isang tao ay may nakitang mga problema sa kanilang mga tungkulin, dapat siyang magbahagi sa kanila ng katotohanan at suportahan sila nang may pag-ibig at isagawa ang pagpupungos sa kanila kung kailangan. Para sa mga masasamang tao, mga hindi mananampalataya, at mga anticristo, dapat silang isiwalat at iulat, iwasan sila at tanggihan. Ang mga pagsasagawang ito lamang ang nakaayon sa layunin ng Diyos. Ngayon na nabunyag na si Wang Chen bilang isang hindi mananampalataya at isang taong kampon ni Satanas, magagambala lang ang gawain ng iglesia kung pananatilihin siya sa iglesia. Hindi na ako maaaring kumilos batay sa mga damdamin ko; dapat isulat ko na ang mga pang-hindi mananampalatayang pag-uugali niya at paalisin siya sa iglesia sa lalong madaling panahon. Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos: “O Diyos, nagpakita Ka sa akin ng gayong pabor at nagbigay sa akin ng pagkakataon para maging isang lider, pero hindi ko iningatan kahit kaunti ang mga interes ng iglesia. Handa akong magsisi sa Iyo, upang isagawa ang katotohanan at protektahan ang gawain ng iglesia.” Matapos manalangin, isinulat ko ang mga pag-uugali ni Wang Chen. Sa pagsisiyasat, nalaman ng mga nakatataas na lider na talagang hindi mananampalataya si Wang Chen at pinaalis siya sa iglesia. Pagkakita sa kinalabasang ito, naging payapa at masaya ang puso ko, dahil sa wakas ay nagawa kong isagawa ang katotohanan at isaalang-alang ang layunin ng Diyos.

Kalaunan, nang mapag-aralan ng mga nakatataas na lider ang mga dahilan ng hindi magagandang resulta sa gawain namin, muli kong naalala ang lahat ng mga pagkakataon na hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Bilang isang lider sa iglesia, ang pag-akto batay sa mga damdamin at pagpahintulot na manatili ang isang hindi mananampalataya sa iglesia, na nagdudulot ng kaguluhan sa buhay iglesia, ay isang pagsalangsang sa harapan ng Diyos at isang mantsa. Bilang isang lider, nabigo akong tuparin kahit ang sarili kong tungkulin at responsabilidad. Habang iniisip ko ito, nakonsensiya ako at sinisi ko ang sarili ko, iniisip na hindi ako karapat-dapat na maging isang lider sa iglesia, kaya sinabi ko sa nakatataas na lider na magbibitiw na ako sa posisyon. Pagkarinig nito, nagbahagi sa akin ang nakatataas na lider, sinasabi na, “Hinahatulan at ibinubunyag ng Diyos ang mga tao para dalisayin sila mula sa mga satanikong disposisyon sa loob nila na lumalaban sa Diyos, upang hayaan silang magkaroon ng tunay na pagsisisi. Ito ang taimtim na layunin ng Diyos; huwag ninyo Siyang ipagkamali.” Totoong nagpapasalamat ako sa Diyos. Noong mapagmatigas ako at mapanghimagsik, dinisiplina ako ng Diyos sa pamamagitan ng karamdaman upang mapagnilayan ko ang aking sarili, at ngayon, nang maipakita ko na ang kaunting pagnanais na magsisi, nagpakita ng habag sa akin ang Diyos, binigyan ako ng pagkakataong ipagpatuloy ang paggawa ko ng aking tungkulin. Naantig ako nang husto rito.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko na marami sa mga pananaw ko sa mga bagay ay hindi nakaayon sa katotohanan, at na ako ay lubhang nangangailangan ng paghatol at pagdadalisay ng Diyos. Sa aking mga karanasan sa hinaharap, hiling ko na mas makapagsagawa pa ako ng katotohanan, maghangad ng pagiging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at magawa nang maayos ang tungkulin ko.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman