Ang Panlilinlang at Paghihinala ay Nagdudulot Lang ng Pagdurusa

Oktubre 30, 2022

Ni Zhang Han, Greece

Palagi akong nasa pagsasanay sa paggawa ng video sa iglesia, pagkatapos isang araw noong Hunyo 2020, sinabi sa akin ng lider na kailangan ng iglesia ng mga taong mangangasiwa sa mga pangkalahatang gawain, at gusto niya akong ilipat. Nang marinig ko ang balita, iniisip ko na ang gawaing ‘yon ay pisikal lang, at hindi kasingganda ng kasalukuyan kong tungkulin na nangangailangan ng mga kasanayan. Pero nang malamang dahil ito sa kulang sila ng mga tao, medyo nakahinga ako nang maluwag. Pero kalaunan, nalaman ko na marami-raming iba ang inilipat sa tungkuling ‘yon dahil lamang natanggal sila, at ang ilan ay medyo matanda na. Sa puntong iyon, tumindi ang lahat ng maling pagkaunawa at pagtutol sa puso ko. Kung ito ay tungkol lamang sa gawaing walang kasanayan, kahit sino ay pwedeng gawin ito. Naisip ko rin ang mga kapatid sa paligid ko na laging na-popromote, palaging nakakakuha ng mas mahahalagang trabaho. Nang malapit nang matapos ang gawain ng Diyos, nagkaroon ako ng karaniwang posisyon. May pagkakataon ba ako sa kaligtasan? Pero nung panahong ‘yon, hindi ko ‘yon matanggap. Nasadlak lang ako sa pagkanegatibo. Napuno ako ng mga pagdududa: Bakit ba talaga nila binago ang tungkulin ko? Mahalaga ba ito sa gawain? Hindi pa ako nakapangasiwa ng mga pangkalahatang gawain at wala ako ng mga kasanayang ‘yon. Baka inakala ng lider na kulang ako sa kakayahan at hindi karapat-dapat sanayin para sa paggawa ng video, kaya naghanap siya ng dahilan para ilipat ako. Panay ang hula ko sa isip ko at gusto ko talagang malaman kung ano ang tunay na pagsusuri sa akin ng lider. Gusto kong malaman kung ito ay isang “promosyon” o isang “demosyon.” Medyo nalungkot ako nang ilang araw. Lalo na nang maisip ko na malamang ay inilagay ako ng lider sa gawaing ‘yon dahil kulang ako sa kakayahan, pakiramdam ko’y malabo ang mga inaasam ko sa hinaharap at talagang miserable ako. Lumapit ako sa Diyos at tumawag sa panalangin, “Diyos ko, hindi ko matanggap itong sitwasyong kinalalagyan ko at puno po ako ng maling pagkaunawa sa Iyo. Hindi ko po alam kung paano malalampasan ito. Pakiusap gabayan Mo po ako para makilala ang aking sarili at makalabas sa negatibong kalagayang ito.”

Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos pagkatapos manalangin: “Kung lagi mong hinaharap ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, at ginagamit ang mga iyon para sukatin ang lahat ng ginagawa ng Diyos, para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos, hindi ba ito panghuhusga sa Diyos, hindi ba ito paglaban sa Diyos? Akma nga kaya ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao? At kung hindi, sa gayon ba ay hindi mo ito tinatanggap o sinusunod? Sa gayong mga pagkakataon, paano mo dapat hanapin ang katotohanan? Paano mo dapat sundin ang Diyos? Kinapapalooban ito ng katotohanan; dapat maghanap ng sagot mula sa mga salita ng Diyos. Kapag nananalig sila sa Diyos, dapat manatili ang mga tao sa lugar ng isang nilikha. Anumang oras, nakatago man o nagpakita sa iyo ang Diyos, nadarama mo man ang pagmamahal ng Diyos o hindi, dapat alam mo kung ano ang iyong mga responsibilidad, obligasyon, at tungkulin—dapat mong maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa pagsasagawa. Kung nakakapit ka pa rin sa iyong mga kuru-kuro, na sinasabing, ‘Kung malinaw kong makikita na nakaayon ang bagay na ito sa katotohanan at nakaayon sa aking mga imahinasyon, susunod ako; kung hindi malinaw sa akin at hindi ko makumpirma na ang mga ito ay gawa ng Diyos, maghihintay muna ako sandali, at susunod ako kapag natitiyak ko nang gawa ito ng Diyos,’ isang tao ba ito na sumusunod sa Diyos? Hindi. … Ano ang tungkulin ng isang nilikha? (Ang tumayo sa lugar ng isang nilikha, tanggapin ang atas ng Diyos, at sundin ang mga pagsasaayos ng Diyos.) Tama iyan. At ngayong natagpuan mo na ang ugat, hindi ba’t madaling lutasin ang problemang ito? Ang pagtayo sa posisyon ng isang nilikha at pagsunod sa Lumikha, na iyong Diyos, ang pinakamahalagang bagay na dapat sundin ng bawat nilalang(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapasakop sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagkakamit ng Katotohanan). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na bilang isang nilikha, ang pinakapangunahing katwiran na dapat kong taglayin ay ang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng sitwasyon. Kahit sandali ko itong hindi maintindihan, dapat akong magdasal at maghanap nang may pusong tumatanggap at nagpapasakop. Kung ikukumpara iyon sa pag-uugali ko, nakita kong napakarami kong kondisyon para magpasakop. Kadalasan sa isang sitwasyon na umaangkop sa mga kuru-kuro ko at hindi nakakaapekto sa aking mga interes, kaya kong magpasakop at tanggapin ito. Pero ang pagbabagong ito sa tungkulin ko ay may kinalaman sa aking kinabukasan at kapalaran, kaya hindi ako basta makapagpasakop dito at gustong-gusto kong magtanong tungkol dito, para malaman kung ano talaga ang nangyari. Pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya, wala pa rin akong kahit katiting na pagpapasakop sa Diyos. Kaunting pagbabago lang sa tungkulin ko ay naglagay na sa’kin sa ganoong pagkaligalig, masyado akong tutol, maliban pa sa isang malaking isyu na paparating. May tayog ba ako? Nakonsensya at napahiya ako nang matanto ito, at pakiramdam ko’y handa akong magpasakop at gawin nang maayos ang tungkulin ko.

Nang masigasig ko nang gawin ito, nalaman ko na ang pangangasiwa ng mga pangkalahatang gawain ay hindi kasingsimple ng pagtatrabaho nang mahabang oras, tulad ng naisip ko. May mga prinsipyong dapat pasukin sa bawat bahagi ng proseso, at naramdaman ko talaga na anuman ang gawain sa sambahayan ng Diyos, may mga aral na matututuhan, at mga katotohanang mapapasok. Pero pagkaraan ng ilang panahon, nalaman kong hindi ako kasinghusay sa pangangasiwa ng mga bagay gaya ng ibang mga kapatid, at mas mabagal din ako sa kanila. Pagdating sa mga kasanayan at kahusayan, malayo ako sa kanila. Isang lider ang dumating para kausapin ako isang gabi at sinabing hindi nila kailangan ng maraming tao sa gawaing iyon, at may video project na kailangan nila akong mangasiwa. Nablangko ang isip ko nang marinig ko ‘yon. Gusto kong tanungin ang lider tungkol sa mga partikular na dahilan sa pagbabago ng aking tungkulin, pero naramdaman kong hindi makatwiran ang pagtatanong nang prangka. Nilunok ko na lang ang sasabihin ko na sana. Paulit-ulit kong iniisip ang pag-uusap namin pagkatapos nun, gusto kong malaman ang dahilan sa likod ng paglipat ko mula sa sinabi niya. Hindi ba ako naging epektibo sa aking tungkulin, at ito ba ang dahilan nila para alisin ako? Pero sinabi niyang kailangan nila ako para sa paggawa ng video, kaya baka isa itong normal na paglipat. Pero kung tungkol lamang ito sa mga pangangailangan ng gawain, pwede akong bumalik pagkatapos ng sandaling panahon, at hindi na ako kailangang alisin. Siguradong iniisip niyang kulang ako sa kakayahan at hindi ko kayang gawin ang tungkuling ‘yon. “Hindi kailangan ng maraming tao para mangasiwa sa mga pangkalahatang gawain” ay tiyak na ang dahilan para bitawan ako. Malamang hindi sinabi sa’kin ng sister na ito na kulang ako sa kakayahan dahil ayaw niyang sumama ang loob ko. Sa sandaling iyon, nalungkot talaga ako. Hindi ko akalain na pagkatapos ng lahat ng taon ng aking pananampalataya, hindi ko man lang mapangasiwaan nang maayos ang mga pangkalahatang gawain. Anong silbi ko? Isa lang ba akong yagit? Mayro’n pa ba akong pag-asa sa kaligtasan sa aking pananampalataya? Malalantad ba ako at palalayasin? Pero marami akong masalimuot na naiisip, at lalo akong nalungkot. Hindi ako nakinig nang mabuti nang sabihin sa’kin ng sister na ‘yon ang tungkol sa paggawa ng video, at nang dalhin niya ako sa isang pulong ng pagbubuod ng kanilang gawain, hindi ako lubos na nakatutok. Nakatulog pa nga ako nang patapos na. Noong panahong ‘yon, pabaya at tamad ako sa tungkulin ko nang walang anumang pasanin. Nang may nagtanong tungkol sa paglipat ko, nagkunwari akong walang narinig at ayaw kong sumagot. Ayaw ko talagang harapin ang katunayan na hindi ko ginampanan nang maayos ang anumang tungkulin. Gusto kong magtago nang mag-isa, at walang makitang sinuman. Sa sandaling panahon, ganap akong nawala sa kadiliman at hindi makita ang kalooban ng Diyos. Pakiramdam ko’y natapos na ang landas ng aking pananampalataya, at labis akong nasaktan.

Isang beses, nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pagbabago sa kanilang tungkulin, pagkatapos ay nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Diyos, “Sa ilalim ng mga normal na sitwasyon, dapat tanggapin at magpasakop ang isang tao sa mga pagbabago sa kanyang tungkulin. Dapat din siyang magnilay-nilay sa kanyang sarili, kilalanin ang diwa ng problema, at kilalanin ang sarili niyang mga pagkukulang. Ito ay isang bagay na labis na kapaki-pakinabang, at napakadali para sa mga tao na makamit ito—hindi ito ganoon kahirap. Ang mga pagbabago sa tungkulin ng isang tao ay hindi balakid na hindi makakayang lampasan; sapat ang pagkasimple ng mga ito na kaya itong pag-isipan nang malinaw at tratuhin nang tama ng kahit sino. Kapag may ginagawang mga pag-aakma sa kanilang mga tungkulin, kahit papaano, dapat magpasakop ang mga tao, makinabang sa pagninilay sa kanilang sarili, pati na rin magkaroon ng tumpak na pagsusuri kung kuwalipikado ba ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Subalit hindi ganito para sa mga anticristo. Iba sila sa mga normal na tao, kahit ano pa ang mangyari sa kanila. Ano ang ipinagkaiba nila? Hindi sila sumusunod, hindi sila maagap na nakikipagtulungan, ni hindi sila naghahanap ng katotohanan kahit katiting. Sa halip, inaayawan nila ito, at tinututulan ito, sinusuri ito, pinagninilay-nilayan ito, at nagsasapantaha nang husto ukol dito: ‘Bakit hindi ako pinapayagang gawin ang tungkuling ito? Bakit ako inililipat sa isang hindi mahalagang tungkulin? Paraan ba ito para ibunyag ako at palayasin ako?’ Paulit-ulit nilang iniisip ang mga nangyari, walang tigil na sinusuri ito at pinag-iisipan itong mabuti. Kapag walang nangyari, ayos na ayos lang sila, pero kapag may nangyari nga, nagsisimulang maging maligalig ang kanilang puso, at napupuno ng mga katanungan ang kanilang isip. Maaaring sa hitsura nila ay mukhang mas mahusay sila kaysa sa iba sa pagninilay sa mga isyu, pero sa totoo lang, mas masama lang ang mga anticristo kaysa sa mga normal na tao. Paano naipapamalas ang kasamaang ito? Ang kanilang mga isinasaalang-alang ay matitindi, masasalimuot at patago. Ang mga bagay na hindi mangyayari sa isang normal na tao, isang taong may konsensya at katwiran, ay mga karaniwang bagay na lang para sa isang anticristo. Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang nagawa ng Diyos ay hindi mali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa ng mga tao nang may kaunting konsensya at pagiging makatwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. Pagdating sa pag-aakma ng mga tungkulin, agad magbibigay ang mga anticristo ng katwiran, panlilinlang, at paglaban, at sa kanilang kaibuturan ay ayaw nilang tanggapin iyon. Ano ba talaga ang nasa puso nila? Paghihinala at pagdududa, pagkatapos ay sinusuri nilang mabuti ang iba gamit ang lahat ng uri ng pamamaraan. Sinusubukan nilang alamin ang reaksyon ng iba sa kanilang mga salita at kilos, at pinipilit at hinihimok pa nila ang mga tao na sabihin ang katotohanan at magsalita nang tapat sa pamamagitan ng imoral na kaparaanan. Sinisikap nilang pag-isipan iyon: Bakit nga ba sila inilipat? Bakit hindi sila pinayagang gampanan ang kanilang tungkulin? Sino ba talaga ang nagmamando? Sino ang nagtatangkang guluhin ang mga bagay-bagay para sa kanila? Sa kanilang puso, tanong sila nang tanong kung bakit, patuloy silang nagsisikap na alamin kung ano talaga ang nangyayari, para malaman nila kung kanino sila makikipagtalo o makikipagtuos. Hindi nila alam kung paano lumapit sa harap ng Diyos para pagnilayan ang kanilang sarili, para tingnan kung ano ang problema sa kanilang kalooban, hindi nila hinahanap ang dahilan sa kanilang sarili, at hindi sila nananalangin sa Diyos at nagninilay sa kanilang sarili at nagsasabing, ‘Ano ang problema sa paraan ng pagganap ko sa aking tungkulin? Nagiging pabaya ba ako at pabasta-basta, at wala ba akong prinsipyo? Nagkaroon man lamang ba ng anumang epekto?’ Sa halip na itanong sa kanilang sarili ang mga bagay na ito, patuloy nilang pinagdududahan ang Diyos sa kanilang puso: ‘Bakit ibinigay sa iba ang tungkulin ko? Bakit tinatrato ako nang ganito? Bakit masyado silang hindi makatwiran? Bakit hindi sila patas sa akin? Bakit hindi nila iniisip ang pride ko? Bakit nila ako tinutuligsa at nilalayuan nang ganito?’ Lahat ng ‘bakit’ na ito ay malinaw na paghahayag ng tiwaling disposisyon at pagkatao ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katungkulan o Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita kong ang pag-uugali ko’y kasingsama ng sa mga anticristo. Nang binago ang tungkulin ko, tila wala akong reaksyon, pero ang totoo’y magulo ang isip ko. Hinuhulaan at sinisiyasat ko ang dahilan ng mga pagbabago, at ang tunay na kahulugan sa likod ng bawat salita mula sa mga lider sa dalawang pagkakataong ‘yon. Naghinala pa ako na inilipat ako dahil wala akong kakayahang pangasiwaan ang mga pangkalahatang gawain, at inakalang pinaparanas sa akin ng Diyos ang maraming paglipat para ilantad ako bilang isang walang silbi, at ginagamit ‘yon para palayasin ako. Nagkaroon ako ng napakasama at tusong kalikasan! Masyado akong nag-iisip tungkol sa pagbabago sa tungkulin ko, sinisiyasat at sinusuri ito, sinusubukang tiyakin mula sa mga salita ng mga lider kung ano talaga ang tingin nila sa’kin, at ginagamit ‘yon para matukoy kung gaano kataas o kababa ang posisyon ko sa sambahayan ng Diyos, kung talagang may puwang ako sa puso ng Diyos, at kung gaano kalaki ang tsansa ko sa kaligtasan at mga pagpapala. Naghinala ako, puno ng pagdududa, lumalaban, at nanunubok, na mga disposisyon ng isang anticristo. Naalala ko ang sinabi ng Diyos: “Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Simple lang mag-isip ang matatapat na tao. Sila ay prangka at tao-puso sa Diyos at sa mga tao, nang walang mga pagdududa o pagiging mapagbantay. Kaya nilang tanggapin ang katotohanan, at hinahanap at pinagninilayan nila ang kalooban ng Diyos sa mga sitwasyong itinatakda Niya. Hinahayaan sila ng Diyos na matuto nang higit pa, at makamit ang katotohanan. Sa puntong iyon, napagtanto ko na ang katusuhan at mga pagdududa ko ay ginawa akong napakanegatibo at miserable, at itinulak ako palayo sa Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayaw ko na pong mamuhay ayon sa aking tusong disposisyon. Ang mga pagbabagong ito sa tungkulin ko ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ko, pero nais ko pong magpasakop at tanggapin ang mga ito, at hangaring malaman ang Iyong kalooban.”

Kalaunan napaisip ako kung bakit ganoon katindi ang reaksyon ko sa bawat pagbabago sa tungkulin ko. Tapos nabasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking maunawaan ang mga karumihan sa aking pananampalataya. “Kung titingnan ang saloobin at pananaw ng isang anticristo tungkol sa pagbabago sa kanyang tungkulin, nasaan ang problema niya? Malaki ba ang problema rito? (Oo.) Ang pinakamalaking pagkakamali niya ay na hindi niya dapat iugnay ang pagbabago sa tungkulin sa pagtanggap ng mga pagpapala; isang bagay ito na hindi talaga niya dapat gawin. Sa katunayan, walang koneksyon ang dalawang ito, ngunit dahil puno ng mga pagnanasang mapagpala ang puso ng anticristo, anumang tungkulin ang kanyang gampanan, ikinokonekta at iniuugnay niya iyon sa kung siya ba ay pagpapalain o hindi. Kung kaya, wala siyang kakayahang gampanan nang tama ang kanyang tungkulin, at malalantad at mapapalayas lamang siya; kasalanan niya ito, siya mismo ang tumahak sa desperadong landas na ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katungkulan o Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala). “Ganap na angkop na pagbabago iyon sa tungkulin, ngunit sinasabi ng mga anticristo na ginagawa iyon para pahirapan sila, na hindi sila tinatratong tao, na ang pamilya ng Diyos ay walang pagmamahal, na tinatrato silang parang makina, tinatawag kapag kailangan sila, pagkatapos ay isinasantabi kapag hindi. Hindi ba’t binabaluktot niyon ang lohika? May konsensya o katwiran ba ang isang taong nagsasabi ng gayong bagay? Wala siyang pagkatao! Binabaluktot niya ang isang ganap na makatwirang bagay; binabaluktot niya ang isang ganap na angkop na pagsasagawa at ginagawang isang bagay na negatibo—hindi ba ito ang kasamaan ng isang anticristo? Mauunawaan ba ng isang taong ganito kasama ang katotohanan? Talagang hindi. Problema ito ng isang anticristo; babaluktutin niya ang lohika ng anumang nangyayari sa kanya. Bakit siya nag-iisip sa baluktot na paraan? Dahil siya ay likas na napakasama, masama ang diwa. Una sa lahat, ang kalikasan at diwa ng isang anticristo ay masama, na sinusundan ng kanilang kabangisan, at ang mga ito ang kanilang mga pangunahing katangian. Ang likas na kasamaan ng mga anticristo ay humahadlang sa kanilang maunawaan nang tama ang anumang bagay, at sa halip ay binabaluktot nila at namamali ang pakahulugan nila sa lahat ng bagay, nagmamalabis sila, gumagawa ng walang saysay na pagtutol, at hindi nila maasikaso nang maayos ang mga bagay-bagay o mahanap ang katotohanan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem: Gusto Nilang Umatras Kapag Walang Katungkulan o Walang Pag-asang Magtamo ng mga Pagpapala). Nakikita ko mula sa mga salita ng Diyos na kumikilos ako gaya ng isang anticristo, iniisip na ang tungkulin ko at kung ako’y pagpapalain ay mahigpit na magkaugnay. Inisip ko na ang pagkapromote at paggawa ng isang tungkulin na sa tingin ko’y mas mahalaga ay nangangahulugan ng isang mas magandang pagkakataon sa kaligtasan. Pero ang pagkatanggal o paggawa ng isang tungkuling sa tingin ko’y hindi mahalaga ay nagpaisip sa’kin na may maliit akong tsansa sa kaligtasan. Dahil sa maling pananaw na ito, noong binago ng iglesia ang tungkulin ko, napakasensitibo ko talaga at masyadong inisip ang mga bagay-bagay. Hindi ko ‘to maharap nang tama, takot na mawalan ako ng pag-asa sa kaligtasan at mga pagpapala kung hindi ako mag-iingat. Inuna ko ang mga pagpapala nang higit sa lahat sa aking pananampalataya, at sa pagharap sa mga paglilipat na ito, ang una kong naisip ay kung promosyon ba ito o demosyon. Kung mukha itong isang mas mababang posisyon, pakiramdam ko’y dine-demote ako, na malalantad at palalayasin ako. Miserable ako at inisip na mabibigo ako dahil sa isang maliit na bagay. Masyado kong inasam ang mga pagpapala! Ganap na normal para sa sambahayan ng Diyos na baguhin ang mga tungkulin ng mga tao. Minsan nakabatay ito sa tayog, kakayahan, o mga kasanayan ng isang tao, na magbibigay-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa kanyang sariling pagpasok sa buhay. Minsan may problema sa kanyang saloobin sa tungkulin niya, at namumuhay siya sa katiwalian, kaya sa pagbabago ng kanyang tungkulin, maaari siyang lumapit sa Diyos para pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, at magsisi sa Diyos, at hindi na tahakin ang maling landas. Ito ang dakilang kaligtasan ng Diyos. Minsan ito ang hinihingi ng gawain, at ang mga naaangkop na pagbabago ay kailangang gawin sa tamang panahon. Sinusunod ng lider ang pangangailangan ng gawain, at nang makitang talagang nakakapagod para sa akin ang pangangasiwa sa mga pangkalahatang gawain, binigyan niya ako ng tungkulin na akma sa aking mga kasanayan, para magamit ako. Isa itong magandang bagay. Pero likas akong masama at tuso, iniisip ko lang ang mapagpala, iniuugnay ang mga bagay na nangyayari sa pagiging pinagpala, at nakikita ang mga bagay sa baluktot na paraan. Akala ko’y binago ang tungkulin ko para ilantad ako at palayasin. Katawa-tawa ‘yon! May mga maling akala at pag-iingat ako laban sa Diyos. Paano ko matututuhan at mapapasok ang katotohanan sa ganoong paraan? At paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko? Nakaramdam ako ng kaunting pagsisisi sa isiping ito, at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging bulag at hindi paghahangad sa katotohanan. Ayaw ko nang maging gano’n. Handa akong bitawan ang pagnanais ko para sa mga pagpapala, para hanapin ang katotohanan sa anumang sitwasyong isinaayos ng Diyos, at gawin ang aking tungkulin.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ang pinakadiwa sa kung maaari bang maligtas ang mga tao o hindi ay pangunahing nakadepende kung may konsensya at katinuan ba sila. Kung napanghahawakan ng mga tao ang diwang ito, mayroon silang konsensya at katinuan. Ang gayong mga tao ay may pag-asang maligtas. Kung wala sila nito, palalayasin sila. Ano ang limitasyon ng kung anong katanggap-tanggap sa inyo? Sabi mo, ‘Kahit bugbugin at pagalitan ako ng Diyos, at itakwil ako, at hindi ako ililigtas, hindi pa rin ako magrereklamo. Magiging tulad ako ng isang baka o kabayo: patuloy akong maglilingkod hanggang wakas, susuklian ko ang pagmamahal ng Diyos.’ Parang magandang pakinggan ang lahat ng iyan, ngunit talaga bang kaya mong makamtan ito? Kung talagang taglay mo ang gayong karakter at pagpapasya, malinaw Kong sinasabi sa iyo: May pag-asa kang maligtas. Kung wala ka ng ganitong karakter, kung wala kang ganitong konsensya at katinuan, hindi magtatagal ang paglilingkod mo hanggang sa kahuli-hulihan. Alam mo ba kung paano ka pakikitunguhan ng Diyos? Hindi mo alam. Alam mo ba kung paano ka susubukin ng Diyos? Hindi mo rin ito alam. Kung wala kang pundasyon, isang limitasyon ng kung anong katanggap-tanggap sa iyo, isang tamang kaparaanan sa paghahanap, at ang iyong mga moralidad at pagpapahalaga ay hindi nakaayon sa katotohanan, kapag nakaranas ka ng dagok, kabiguan, o mga pagsubok at pagpipino, hindi mo magagawang manindigan—kaya manganganib ka. Ano ang papel na ginagampanan ng konsensya at katinuan? Kung sasabihin mong, ‘Narinig ko na ang lahat ng sermon na ito, at nauunawaan ko talaga ang ilang katotohanan. Ngunit hindi ko pa ito naisasagawa, hindi ko pa napalugod ang Diyos, hindi ako ineendorso ng Diyos—at kung pababayaan ako ng Diyos sa huli, at ayaw na sa akin, ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kahit parusahan at sumpain ako ng Diyos, hindi ko tatalikuran ang Diyos. Saanman ako magtungo, ako ay isang nilikha ng Diyos, mananalig ako sa Diyos magpakailanman, at kahit kailanganin kong magtrabaho na parang baka o kabayo, hindi ako titigil sa pagsunod kailanman, at wala akong pakialam kung ano ang aking maging katapusan’—kung ito talaga ang iyong pasya, mabuti: Magagawa mong manindigan. Kung wala kayong ganitong pasya, at hindi pa ninyo napag-isipan kailanman ang mga bagay na ito, walang duda na may problema sa karakter ninyo, sa inyong konsensya at katinuan. Iyon ay dahil, sa puso ninyo, hindi ninyo talaga ginusto kailanman na gumawa ng anuman para sa Diyos. Ang tanging ginagawa ninyo ay humingi ng mga pagpapala mula sa Diyos. Palagi ninyong kinakalkula, sa inyong isipan, kung anong mga pagpapala ang matatanggap ninyo sa pagsisikap o pagdanas ng paghihirap sa sambahayan ng Diyos. Kung ang tanging ginagawa mo ay kalkulahin ang mga bagay na ito, mahihirapan ka nang husto na manindigan. Maliligtas ka man o hindi ay depende lang sa kung mayroon ka bang konsensya at katinuan o wala. Kung wala kang konsensya at katinuan, hindi ka nararapat na iligtas, sapagkat hindi inililigtas ng Diyos ang mga demonyo at hayop. Kung pinipili mong tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, kung tumatahak ka sa landas ni Pedro, bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at gagabayan ka sa pag-unawa sa katotohanan, at lilikha ng mga sitwasyon para sa iyo na magiging dahilan para makaranas ka ng maraming pagsubok at pagpipino at magawang perpekto. Kung hindi mo pipiliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kundi tumatahak ka sa landas ni Pablo na anticristo, ikinalulungkot Ko—susubukin at susuriin ka pa rin ng Diyos. Ngunit hindi maitatanggi na hindi mo matatagalan ang pagsusuri ng Diyos; kapag may nangyari sa iyo, magrereklamo ka tungkol sa Diyos, at kapag sinubok ka, tatalikdan mo ang Diyos. Sa sandaling iyon ay mawawalan ng silbi ang iyong konsensya at katinuan, at palalayasin ka. Hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong walang konsensya o katinuan; ito ang pinakamababang pamantayan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay talagang nagpaisip sa akin. Matapos mabago ang aking tungkulin, nadama kong halos wala na akong pag-asa sa kaligtasan. Nilabanan ko ang Diyos at nagreklamo. Naging pabaya at negatibo ako sa tungkulin ko at ginamit iyon para ilabas ang sarili kong kawalang-kasiyahan. Wala talaga akong pagkatao at katwiran, at walang taglay na kahit na pinakapangunahing konsensya. Katulad lang ako ng mga humintong gawin ang kanilang tungkulin matapos masira ang kanilang pag-asa na mapagpala. Kung hindi dahil sa patnubay ng Diyos sa tamang oras, na nagpapahintulot sa aking maunawaan ang aking mga motibo at pagnanais para sa mga pagpapala at makita ang aking pangit at satanikong mukha pagkatapos kong mawalan ng pag-asa para sa aking kinabukasan, ayaw kong isipin kung hanggang saan sana ako nasadlak. Tiyak na mawawalan sana ako ng kwalipikasyong gumawa ng isang tungkulin at mapapalayas ng Diyos. Nakakatakot isipin ang posibilidad na iyon. Napagtanto ko rin kung gaano kakritikal ang pansariling hangarin ng mga tao sa kanilang pananampalataya. Ang mga tunay na naghahanap sa Diyos ay tapat sa kanilang tungkulin at hindi humihingi ng mga pagpapala sa kanilang pananampalataya o tungkulin. Masaya silang maglingkod, kahit walang magandang kinalabasan at hantungan. Ang ganoong uri ng katangian ay kinakailangan para makayanan ang mga pagsubok ng lahat ng uri ng kapaligiran. Nakahanap din ako ng landas ng pagsasagawa mula sa mga salita ng Diyos. Kailangan kong magpasakop, kahit ano pang tungkulin ang ginagawa ko, at tumuon sa paghahangad sa katotohanan, at paglilinis at pagbabago sa mga karumihan sa aking pananampalataya.

Minsan ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nagbigay sa akin ng kaunting praktikal na pagkaunawa sa mga pamantayan ng Diyos para sa kaligtasan. “Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na habang lalong nadaragdagan ang mga taon na naniniwala sila sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na habang lalong dumarami ang nauunawaan nilang espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi rito ay na dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una na ay makalaya mula sa impluwensya ni Satanas, makalaya mula sa kasalanan, at tunay na bumaling sa Diyos at sumunod sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad ng katotohanan. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal naniwala ang isang tao sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung gaano siya nagdurusa, o kung nagtataglay siya ng mga kaloob o natatanging katangian. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya ngayon, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng paniniwala mo sa Diyos, gaano karaming pagpasok sa realidad ng salita ng Diyos ang nakamit mo? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa anumang realidad ng salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na kung maliligtas man ang isang tao ay walang kinalaman sa kanyang tungkulin. Ang kaligtasan ay tungkol sa kung nakamit na niya ang katotohanan, naiwaksi ang kasalanan at ang kanyang satanikong disposisyon, at kung siya ay tunay na nagpapasakop sa Diyos. Ang pagkamit ng katotohanan ay nakasalalay sa paghahangad ng isang tao at sa landas na kanyang tinatahak. Ang Diyos ay matuwid, walang kinikilingan kailanman. Anuman ang kakayahan o tungkulin ng isang tao, hangga’t hinahangad niya ang katotohanan at nakatuon sa kanyang sariling pagbabago ng disposisyon, unti-unti niyang matututunan ang katotohanan, maiwawaksi ang katiwalian, at maliligtas. Naisip ko ang dalawang lider na kilala ko noon. Tila desidido sila sa paghahangad, at talagang malinaw ang kanilang pagbabahaginan sa mga pagtitipon, kaya naisip ko na tiyak na maliligtas sila. Inidolo at tiningala ko sila. Sa gulat ko, kalaunan ay nalantad sila sa pagtahak sa landas ng anticristo. Sila ay tila masigasig sa kanilang pananampalataya at mahusay ang kanilang pagbabahaginan, pero lahat ng iyon ay doktrina, isang huwad na imahe para iligaw ang iba. Sa katunayan, hinahabol nila ang karangalan at katayuan, nagtatayo ng sarili nilang negosyo nang hindi gumagawa ng anumang totoong gawain. Dahil dito, lubhang nagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos at sila ay pinalayas. Naisip ko rin ang maraming kapatid na regular na gumagawa ng mga tungkuling hindi kahanga-hanga, pero nakatuon sila sa paghahangad sa katotohanan. Nagpapakita sila ng ilang katiwalian kapag may nangyayaring mga bagay-bagay, pero kaya nilang pagnilayan at kilalanin ang kanilang mga sarili, at isagawa ang katotohanan para malutas ang kanilang katiwalian. Binabago nila ang kanilang mga disposisyon sa buhay. Samantalang ako, matagal na akong mananampalataya nang hindi talaga hinahangad ang katotohanan, kaya hindi pa rin ako nakapasok sa realidad ng katotohanan. Nang maharap sa kaunting pagbabago sa aking tungkulin, nagkaroon ako ng napakalaking maling pagkaunawa at mga hinaing nang walang anumang pagpapasakop. Hindi ako makatakas sa pagkanegatibo ko. Kung hindi ako tumuon sa paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, siguradong maiiwan akong walang natamo, at palalayasin.

Ang mapagdaanan ang mga pagbabagong ito sa tungkulin ko ay nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking tuso at masamang disposisyon. Nakita ko rin na hindi nagbago ang pananaw ko sa pananampalataya at mga motibo para sa mga pagpapala, at napagtanto ko na ang kaligtasan ng isang tao ay walang kaugnayan sa kanyang tungkulin. Ang susi ay kung kaya niyang hanapin ang katotohanan, kung nagbabago ang kanyang disposisyon sa buhay, at kung siya ay nagpapasakop sa Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Matapos Gumuho ang Pangarap Ko

Ni Lin You, Tsina Mula pa sa murang edad, gustung-gusto ko na talagang sumayaw. Sinabi ng nanay ko sa akin na noong ako ay napakabata pa,...