Ang Pagkilos nang Pabasta-Basta ay Nakapinsala sa Akin

Nobyembre 28, 2022

Ni Zhou Xuan, Tsina

Sa pagtatapos ng 2012, nagsimula akong maglingkod bilang lider ng iglesia. Napansin kong mabagal ang pag-usad ng lahat ng proyekto sa iglesia at iilan lang ang mga miyembro na nakakagawa nang maayos sa kanilang tungkulin. Dahil alam kong bago pa lang akong mananampalataya at wala akong mabuting pagkaunawa kung paano pumili ng mga manggagawa, madalas kong ilahad sa panalangin sa Diyos ang mga paghihirap ko at hanapin ang mga nauugnay na prinsipyo. Kung hindi ko maintindihan ang isang bagay, naghahanap at nakikipagbahaginan ako sa mga katrabaho ko. Unti-unti, nagsimulang bumuti ang paghusga ko sa mga tao at sitwasyon, nagawa kong magtalaga ng mga tungkulin sa mga tao batay sa kanilang mga kalakasan at nagsimula kaming makakita ng ilang pag-usad sa gawain ng iglesia.

Naalala ko minsan habang tinatalakay ang gawain, iminungkahi kong linangin si Sister Li Zhi bilang lider ng grupo, ngunit ilang katrabaho ang hindi sumang-ayon sa aking pananaw, nangangatwiran na si Li Zhi ay napipigilan ng kanyang pamilya at hindi umaako ng responsibilidad sa kanyang tungkulin. Hindi niya diniligan ang mga baguhan nang nasa oras, at kahit pagkatapos ng ilang pagbabahaginan, hindi pa rin siya bumuti. Dahil sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, hindi siya angkop na maglingkod bilang lider ng grupo. Naisip ko: “Bago pa lang si Li Zhi sa kanyang pananalig at ang paglilimita ng pamilya niya ay pansamantalang kahinaan lamang. Hindi natin siya dapat limitahan na hindi angkop para sa paglilinang batay lamang sa isang pansamantalang sitwasyon, dapat natin siyang suportahan at tulungan nang may pagmamahal.” Pagkatapos nun, madalas akong magbigay ng suporta kay Li Zhi, nagbabahagi sa kanya tungkol sa mga layunin ng Diyos, at sa kabuluhan ng paggawa ng tungkulin ng isang tao. Unti-unti, nagsimulang bumuti ang kalagayan ni Li Zhi—hindi na siya napipigilan ng kanyang pamilya, at nagsimula na siyang regular na tuparin ang kanyang tungkulin. May isang brother din na may mahusay na kakayahan, na malinaw at maliwanag magbahagi sa katotohanan, at responsable sa pagtupad ng kanyang tungkulin, kaya iminungkahi ko na sanayin siya sa pangangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Pero may pagdududa ang sister na nakapareha ko. Naisip niya na mapipigilan ang iba ng mayabang na disposisyon ng brother kaya hindi ito angkop na sanayin sa ngayon. Naalala ko na sinasabi ng isa sa mga prinsipyo na: “Dapat na itaas ang katungkulan at linangin ang mga taong may mapagmataas na disposisyon ngunit kayang tanggapin ang katotohanan, at bukod pa rito ay may mabuting kakayahan at may mga kaloob. Hinding-hindi dapat sila ihiwalay” (170 Mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Katotohanan, 135. Ang mga Prinsipyo ng Pakikitungo sa mga Taong may Iba’t-ibang Mapagmataas na Disposisyon). May mayabang na disposisyon ang brother, pero tinanggap niya ang katotohanan, at kapag tinutukoy ng iba ang mga isyu niya, tinatanggap niya ang pagpuna at gumagawa ng pagbabago. Kaya, sa pangkalahatan, natugunan niya ang mga prinsipyo para sa pagpromote at paglinang. Ipinaliwanag ko ang dahilan ko nang may kaugnayan sa prinsipyong ito at ilang manggagawa ang sumang-ayon sa akin pagkatapos akong mapakinggan. Matapos maitalaga ang brother na mangasiwa sa gawain ng pagdidilig, nagkaroon siya ng magagandang resulta sa kanyang tungkulin at napatunayang lubos siyang may kakayahan sa kanyang trabaho. Hindi nagtagal, napromote siya. Pagkatapos nun, nasiyahan ako sa sarili ko, iniisip na: “Maaaring bago lang ako sa pananampalataya, pero may mahusay akong kakayahan at mas mahusay akong humusga ng mga tao at sitwasyon kaysa sa iba pang mga katrabaho. Kung ang iglesia ay walang ekspertong tulad ko, sino ang makakakilala at maglilinang ng mga bagong talentong ito?” Para sa bawat proyekto ng iglesia, matalino akong nagtalaga ng mga miyembro, pinapalitan ang mga miyembrong hindi angkop para sa kanilang mga trabaho at ‘di nagtagal, nagsimulang umusad ang gawain ng iglesia. Kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, lumalapit silang lahat sa akin para sa pagbabahaginan at tinatanong nila ang opinyon ko. Harapan pa nga akong pinupuri ng ilan, sinasabing: “Matagal nang mananampalataya ang mga naunang lider ng iglesia, pero hindi nila nagawang maayos ang gawain ng iglesia. Hindi ka pa matagal nananalig, pero nung sandaling dumating ka, nagsimulang umusad ang gawain. Tiyak na matalino kang lider na may mahusay na kakayahan.” Nang marinig ko ‘yon, lalo pa akong nasiyahan sa sarili ko, iniisip na isa akong tunay na bihirang talento sa iglesia.

Pagkatapos nun, pinangunahan ko ang gawain ng ilan pang iglesia. Minsan kapag namimili ang nakatataas na pamunuan, hinihingi nila ang payo ko. Habang tumatagal ay mas lalo akong nakukumbinsi na angkop nga akong maging lider: may mahusay akong kakayahan, mahusay akong pumili ng talento at kaya kong lumutas ng mga isyu nang naaayon sa prinsipyo. Lalo akong nagkakaroon ng tiwala sa sarili ko habang tumatagal. Pagkatapos nun, sa tuwing naiisip kong nakagawa ako ng tumpak na pagsusuri ng isang sitwasyon, mag-isa akong nagdedesisyon nang hindi kumokonsulta sa ibang mga katrabaho. Pakiramdam ko’y mas nauunawaan ko ang mga prinsipyo kaysa sa kanila at may mas mahusay akong kabatiran. Kahit na makipagtalakayan ako sa kanila, tiyak na susundin namin ang plano ko sa huli, kaya hindi na kailangang magtalakayan. Kapag nagmumungkahi ang mga katrabaho ko, iniisip kong hindi ito kasinghusay ng mga ideya ko, direkta ko itong tinatanggihan at nagpapatuloy ako sa sarili kong plano.

Minsan, nang kinailangan ng iglesia ng isang miyembro na mag-aalaga sa aming mga libro, iminungkahi ko na italaga ang isang baguhan na nagngangalang Zheng Ye, dahil alam kong may mabuti siyang pagkatao. Pinaalalahanan ako ng isang katrabaho: “Bago pa lang sa pananalig si Zheng Ye at ang asawa niya ay isang walang pananampalataya. Kung may biglaan at hindi inaasahang sitwasyon, hindi ako sigurado kung mapoprotektahan niya ang mga libro.” No’ng panahong iyon, akala ko ay tinanggihan ang mungkahi ko at medyo naasiwa ako. Naisip ko: “Ako ang lider—hindi ko ba talaga kayang makahanap ng taong mangangalaga sa mga libro? Kung tutuusin, hindi kami pumipili ng isang lider, kaya bakit kailangang napakataas ng pamantayan?” Hindi ko pinakinggan ang payo ng katrabaho ko at inatasan ko si Zheng Ye na itago ang mga libro. Nang malaman ito ng isa sa mga sister, iwinasto niya ako, sinasabing: “Batay sa anong prinsipyo mo itinalaga si Zheng Ye? Kailangan nating maghanap ng ligtas na bahay para itago ang mga libro. Bago lang sa pananalig si Zheng Ye, wala pa siyang gaanong pundasyon at ang asawa niya ay kontra sa kanyang pananampalataya. Kung may mangyayari, hindi ba ito makakasama sa gawain ng iglesia?” Hindi ako sumang-ayon, iniisip na: “Batay sa prinsipyo, maaaring hindi angkop si Zheng Ye, pero may mabuti siyang pagkatao at handang gawin ang tungkuling ito. Hindi ba kayo masyado lang nag-iisip dito? Ganun ba talaga ito kaseryoso?” Kaya sinabi ko: “Nakipagbahaginan na ako sa kanya—kung makakahanap kayo ng mas angkop, kunin natin ang napili niyo.” Nang makitang kahit kaunti ay hindi ko tinatanggap ang ideya niya, hindi na siya nagsalita pa. Hindi nagtagal pagkatapos nun, nakaaway ni Zheng Ye ang asawa niya at itinapon ng asawa niya ang lahat ng libro, at ang ilan sa mga libro ay nasira. Napilitan kaming magpuyat para ilipat ang mga libro sa ibang lugar. Pagkatapos, iwinasto ako ng mga katrabaho ko dahil sa hindi ko pagkilos ayon sa prinsipyo at dahil sa pagsunod ko sa sarili kong opinyon, na nagresulta sa pagkasira ng mga libro. Sinabi nila sa akin na dapat kong pagnilayang mabuti ang nangyari. Wala sa loob akong sumang-ayon, pero sa puso ko, naisip ko: “Isa lang itong pagkakamali. Itinalaga ko siya batay sa aktwal na sitwasyon ng iglesia nung panahong iyon. Sino bang nakakaalam na may mangyayaring ganito.” Pagkatapos, patuloy kong sinunod ang sarili kong kagustuhan sa tungkulin ko. Kapag tinatalakay ang gawain namin, direkta kong tinatanggihan ang payo ng mga katrabaho ko at pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa tingin kong tama. Unti-unti, napipigilan ko na pala ang mga katrabaho ko at hindi sila nangangahas na magbigay ng mga opinyon sa anumang bagay na napagpasyahan ko na.

Minsan, nagpunta ako sa ibang iglesia para tanggalin ang isang lider na nagngangalang Zhang Fan. Bago siya tanggalin, dapat ay nakipagbahaginan muna ako tungkol sa kanyang pangkalahatang pagganap sa kanyang tungkulin at sinuri ito at saka siya tinanggal. Pero naisip ko kung paanong nung nakipagbahaginan ako sa kanya dati tungkol sa kanyang pagganap, hindi niya tinanggap ang sinabi ko at nakipagtalo pa nga siya tungkol sa mga detalye. Kaya pakiramdam ko’y walang silbi na magbahagi sa kanya at dapat ko na lang siyang tanggalin nang diretso. Pagkatapos, nagpatawag ako ng pulong kasama si Zhang Fan at ang ilan pang diyakono at nagbigay ako ng maikling paliwanag kung bakit dapat siyang tanggalin. Pero ayaw sumuko ni Zhang Fan, at patuloy na nakikipagtalo sa akin at kinuwestiyon pa nga ako, sinasabing: “Linawin mo sa akin—batay sa anong prinsipyo mo ako tinanggal?” Naisip ko: “Naipaliwanag ko na noon ang mga isyu sa pagganap mo, pero patuloy kang nagrereklamo at nakikipagtalo, at sinusubukan mong hanapan ako ng mali. Hindi mo talaga kilala ang sarili mo at ayoko nang makipagbahaginan sa iyo.” Kaya hindi ko na lang siya pinansin. Pinaalalahanan ako ni Sister Wang Chen, sinasabing: “Maaaring masyado ngang mapagpuna si Zhang Fan—dapat mo pa rin siyang bahaginan tungkol sa mga prinsipyo at linawin sa kanya kung bakit siya natanggal.” Kahit alam kong tama si Wang Chen, naisip ko na dahil isang lider ng iglesia si Zhang Fan, alam na alam niya ang mga prinsipyong ito, kaya hindi na kailangang mag-aksaya ng oras sa kanya tungkol dito. Kaya, binasa ko lang ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano tratuhin ang gawain ng mga lider, pero habang binabasa ko ito, medyo nakonsensya ako. Ginagamit ko ang mga salita ng Diyos para supilin si Zhang Fan, hindi ko nilulutas ang isyu niya—hindi iyon tama. Pero naisip ko, kung hindi ko ito babasahin, hindi ko siya makokontrol. Pagkatapos basahin ang sipi, napakatahimik ng silid at nakaupo lang doon si Zhang Fan, na nag-aapoy sa galit. Akala ko tapos na ang usapin, pero sa gulat ko, sa isang pagtitipon, sinabi ni Zhang Fan na ang ilang lider at manggagawa ay hindi sumusunod sa prinsipyo, kaya napipigilan ang ibang lider at manggagawa at nagagambala ang gawain ng iglesia. Medyo natakot ako. Ang lahat ng ito ay ang kinahinatnan ng pagkilos ko nang pabasta-basta at hindi pagsunod sa prinsipyo, pero inamin ko na lang na mali ito nang hindi seryosong pinagninilayan ang isyu.

Kalaunan, nang magtanggal ng isa pang lider, muli ko na namang hindi sinabi sa mga kapatid ang mismong dahilan ng pagkakatanggal. Ang ilan sa mga kapatid ay walang pagkakilala sa lider na ito at madalas makipagtalo sa mga pagtitipon na hindi ko sinunod ang prinsipyo sa pagtanggal sa lider. Humantong ito sa medyo magulong sitwasyon sa iglesia. Matapos malaman ang sitwasyon, pinaalalahanan ako ng isang sister, sinasabing: “Mabuti pang bilisan mo’t magbahagi ka sa kanila, kung hindi, mas lalong gugulo nang gugulo ang sitwasyon sa iglesia.” Hindi ako sumang-ayon sa kanya, iniisip na: “Dapat tanggalin ang mga huwad na lider, hindi ko sinusubukang parusahan ang sinuman, kaya bakit nila pinapalaki ito?” Dahil hindi ako kumilos ayon sa prinsipyo at hindi ko pinagnilayan at kinilala ang aking sarili, unti-unti kong nakitang mas nagiging matrabaho ang tungkulin ko. Hindi na ako nakatanggap ng kaliwanagan at patnubay mula sa Diyos at kapag inaasikaso ang gawain ng iglesia, madalas akong nalilito. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa Diyos sa araw-araw kong panalangin at ang mga iglesiang pinangangasiwaan ko ay hindi nakakakuha ng magagandang resulta sa kanilang gawain. Nagsimula kong mapagtanto na marahil ay hindi ko na kaya ang tungkuling ito.

Hindi nagtagal, sumulat ang ilang kapatid, inuulat ako at inaakusahan akong kumikilos nang walang ingat at hindi man lang tinatanggap ang katotohanan. Matapos malaman ng isang nakatataas na lider ang sitwasyon ko, inilantad at iwinasto niya ako, sinasabing: “Bilang lider ng iglesia, nang maharap sa isang importanteng bagay tulad ng pagpili at pagtanggal ng mga tao, hindi ka kumonsulta sa mga katrabaho mo, hindi mo hinanap ang mga prinsipyo, bagkus basta-basta kang kumilos, at sinunod ang sarili mong plano. Nang paalalahanan ka ng mga kapatid, hindi ka nagpaubaya. Masyado kang mayabang at mapagmagaling. Nang mabigo ka at inilantad, hindi mo pinagnilayan ang sarili mo at patuloy mong ginawa ang gusto mo. Ang pabasta-basta mong pag-uugali ay nagdulot ng kaguluhan sa buhay-iglesia at napinsala ang buhay ng mga kapatid. Dahil sa ginawa mo, hindi ka na nababagay na maglingkod bilang lider. Mas marami pang kawalan kaysa pakinabang nang ilagay ka sa pwestong ito.” Nang marinig ko kung paano ako inilantad at iwinasto ng lider, labis akong nadismaya at sumama ang loob, at napaiyak ako. Tinanong ko ang sarili ko: “Paano ko nagawang sirain nang husto ang gawain ng iglesia?” Hindi lamang ako nabigo sa mga tungkulin ko bilang lider, nagambala ko pa ang gawain ng iglesia. Gusto ko na lang maghanap ng mapagtataguan. Tulala ako pauwi. Naisip ko na dahil pabasta-basta akong kumilos sa aking tungkulin, dahil wala akong ingat at nakagambala ako sa gawain ng iglesia, tiyak na kamumuhian ako ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang tulad ko? Habang mas nag-iisip ako, mas lalong sumasama ang loob ko at ni hindi ko alam kung paano ako nakauwi. Lumuhod ako sa kama at nanalangin sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Hindi ko po alam kung paano ako humantong sa ganito. Wala akong anumang tunay na pagkakilala sa sarili ko. O, Diyos! Alam kong may mga aral na matututunan sa pagkakatanggal, pero masyado akong manhid. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako para makilala ko ang sarili ko at maunawaan ko ang mga layunin Mo.”

Sa aking mga debosyonal, naisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na madalas kong kantahin: “Ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagtuturo, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito?

Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya?(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Ang Paghatol at Pagkastigo ng Diyos ay Upang Iligtas ang Tao). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos. Tama ‘yan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang humatol at kumastigo. Pagtutuwid, pagdidisiplina, pagwawasto o paglalantad man ito, ginagawa Niya ang lahat ng ito para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan. Maaaring sumama ang loob ko pagkatapos matanggal, pero ito ang perpektong pagkakataon para pagnilayan ko at kilalanin ang sarili ko. Ito ay pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Hindi ko pwedeng hindi maunawaan ang layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, medyo napayapa ang pakiramdam ko. Gusto ko lang hanapin ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang sarili ko at tunay na magsisi sa lalong madaling panahon.

Nang maisip ko kung paano ako inilantad at iwinasto ng lider dahil sa pagkilos nang pabasta-basta at pagiging walang ingat, naghanap ako ng mga nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos para kainin at inumin at pagnilayan. Nakita ko ang ilang salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang ilang tao ay mahilig magtrabahong mag-isa, nang hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay kaninuman o sinasabi kaninuman. Ginagawa lamang nila ang mga bagay-bagay pagdating ng mga iyon sa kanila, anuman ang pananaw ng iba sa mga iyon. Iniisip nila, ‘Ako ang lider, at kayo ang mga hinirang ng Diyos, kaya kailangan ninyong sundan ang ginagawa ko. Gawin ninyo ang mismong sinasabi ko—ganyan dapat.’ Hindi nila ipinapaalam sa iba kapag kumikilos sila; hindi malinaw ang kanilang mga kilos. Lagi silang palihim na nagsisikap para sa isang bagay at kumikilos nang patago. Katulad lamang ng malaking pulang dragon, na pinananatili ng iisang partido ang monopolyo sa kapangyarihan, nais nila palaging linlangin at kontrolin ang iba, na sa tingin nila ay walang kabuluhan at walang halaga. Gusto nila ay palaging sila ang magpasya sa mga usapin, nang hindi iyon tinatalakay o binabanggit sa iba, at hindi nila kinokonsulta kailanman ang mga opinyon ng ibang mga tao. Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito? Mayroon ba itong normal na pagkatao? (Wala.) Hindi ba’t ito ang kalikasan ng malaking pulang dragon? Ang malaking pulang dragon ay diktador at wala sa katwiran. Hindi ba’t supling ng malaking pulang dragon ang mga taong may ganitong uri ng tiwaling disposisyon?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). “Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano na ang nagawa mo sa iyong tungkulin, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at lakas na nasa likod ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng pagtupad ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang sarili mong mga kaisipan, mithiin, at pakana ang mga prinsipyo, daan, at batayan ng iyong pagkilos, ang iyong lakas ay upang pangalagaan ang iyong pansariling mga kapakanan at ipagsanggalang ang iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin; hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong gawain, hindi mo hinahanap ang prinsipyo ng katotohanan at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi kasiya-siyang natutupad ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos habang pinagninilayan ko ang mga siping ito. Inilantad ng mga ito kung paanong likas na katangian ng malaking pulang dragon na maging mayabang, makasarili at kumilos nang pabasta-basta. Ang mga gayong pananaw ng mga tao sa paghahangad at ang mga landas na tinatahak nila ay pawang salungat sa Diyos. Binigyan ako ng iglesia ng pagkakataong maglingkod bilang lider, hindi bilang isang opisyal ng pamahalaan. Binigyan nila ako ng responsibilidad at gusto nilang sundin ko ang kalooban ng Diyos, makipagtulungan nang maayos sa iba para magawa nang maayos ang gawain ng iglesia at tuparin ang aking tungkulin. Ngunit, sa halip, itinuring ko ang gawain ng iglesia bilang sarili kong pribadong negosyo. Nang magsimula akong makakuha ng ilang resulta sa gawain ko at magkaroon ng kaunting karanasan sa pagpili ng talento, inisip ko na may mahusay akong kakayahan, pambihirang mga kasanayan sa trabaho at na magaling akong humusga ng mga sitwasyon at tao. Lalo na nang magsimula akong lapitan ng mga kapatid nung may mga tanong sila, inilagay ko ang sarili ko sa isang pedestal, at naniwalang mas nauunawaan ko ang katotohanan kaysa sa kanila. Hindi ako makahinto sa pagmamagaling, at naniwala akong ang pag-usad sa gawain ng iglesia ay lahat dahil sa akin, at na ang mga kapatid ay lahat mas mababa sa akin at walang karapatang magpahayag ng mga opinyon. Dapat unahin ang mga opinyon ko para sa anumang gawain na kailangang talakayin. Kaya nang tukuyin ng mga kapatid kung paano ako lumihis sa aking gawain, hindi ko sila pinansin at patuloy kong ginawa ang gusto ko. Minsan kapag nagpapahayag sila ng naiibang opinyon, tinatanggihan ko ito nang hindi man lang muna isinasaalang-alang. Iginigiit kong sundin nila ang plano ko at kung minsan ay isinasakatuparan ko na lang ang mga plano nang hindi muna kinokonsulta ang mga katrabaho ko. Dahil iginiit ko ang pagpili sa isang taong hindi naaayon sa prinsipyo para mangalaga sa mga libro, at hindi ako nakinig nang paalalahanan ako ng mga katrabaho ko at balaan na huwag itong gawin, nasira ang mga libro. Sa kabila nun, hindi ko pa rin pinagnilayan ang sarili ko. Tinanggal ko si Zhang Fan nang hindi tinutukoy at pinagbabahaginan ang mga isyu niya, na naging dahilan para magalit siya, hindi sumunod, at maghanap ng mali. Nagdulot ito ng malaking pang-aabala at humantong sa kaguluhan sa buhay-iglesia. Sa mga tungkulin ko, hindi ko inuna ang paghahanap sa katotohanan at hindi ko ginabayan ang iba na pumasok sa realidad ng katotohanan. Sa halip, pinangunahan ko ang paglabag sa mga prinsipyo, pinilit ang lahat na sundin ang mga utos ko, hindi sila pinahintulutan na magpahayag ng mga naiibang opinyon at ninais kong masunod sa lahat ng bagay. Hindi ba’t kumikilos ako tulad ng isang diktador? Bilang lider ng iglesia, malinaw kong nauunawaan na dapat tayong gumawa ayon sa mga prinsipyo, pero hindi ko ito pinansin, sinunod ko ang gusto ko at lagi kong gustong ako ang may huling pasya. Hindi ba’t nakikipagkumpetensiya ako sa Diyos? Ang bawat kilos ko ay naghayag ng aking anticristong disposisyon. Nang pagnilayan ko kung paano ako kumilos, nakita ko na lahat ng pag-uugali ko ay kasuklam-suklam sa Diyos. Kung hindi ko pagsisisihan at itutuwid ang aking pag-uugali, hindi ba’t magiging pareho ng sa mga anticristo ang kalalabasan ko?

Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsabing: “Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ugat ng pagsunod ko sa sarili kong plano at pabasta-bastang pagkilos ay dahil napakayabang ng aking likas ng pagkatao. Masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, iniisip na mas magaling ako kaysa sa iba, na mas magaling akong humusga ng mga tao at sitwasyon. Wala akong respeto kahit kanino. Kapag tinatalakay ang gawain sa mga katrabaho, lagi kong iniisip na tama ako, at kahit sino pa ang hindi sumasang-ayon sa akin, hindi ako nakikinig. Kahit nung magdulot ako ng mga pang-aabala at magulong sitwasyon sa iglesia dahil sa aking kayabangan at pagmamagaling, hindi ko pa rin tinulutan ang sarili ko na magpakumbaba, sa paniniwalang isang beses lang ito na pagkakamali. Nang paalalahanan ako ng isang sister, nabigo akong pagnilayan at kilalanin ang sarili ko, at iniisip kong pinapalaki lang ng iba ang isang maliit na bagay. Natanto kong mayabang talaga ako. Nasaan ang katwiran ko? Ang mga resultang nakuha ko sa gawain at ang magagandang pagpili na nagawa ko ay ang resulta ng patnubay ng Diyos at epekto ng mga salita Niya sa akin. Kung wala akong kaliwanagan at patnubay ng Diyos at ng mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, wala akong kakayahang gumawa ng anuman. Pero inangkin ko ang lahat ng kapurihan, at ginamit ang mga resultang ito bilang kapital para sa aking kayabangan at pagmamagaling. Talagang wala akong kahihiyan. Kung hindi dahil sa malupit na paglalantad at pagtanggal sa akin ng lider ko, hindi ko sana mapagninilayan ang sarili ko kailanman. Noon ko lang natanto na ang pagkalantad at pagkatanggal ay paraan ng Diyos para protektahan ako. Kung hindi, sino ang nakakaalam kung anong iba pang kasamaan ang magagawa ko dahil sa aking mayabang na disposisyon? Nang matanto ko ang lahat ng ito, talagang natakot ako at nahiya, at nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Ayoko nang mamuhay ayon sa mayabang kong disposisyon, ni kumilos nang pabasta-basta at walang ingat. Pakiusap, gabayan Mo po ako para makahanap ng landas ng pagsasagawa.”

Pagkatapos nun, naghanap ako patungkol sa aking isyu at nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kung gayon, paano mo lulutasin ang iyong pagiging pabasta-basta at padalos-dalos? Sabihin na, halimbawa, na may nangyari sa iyo at may sarili kang mga ideya at plano; bago mo pagpasyahan kung ano ang gagawin, dapat mong hanapin ang katotohanan at dapat ka man lang magbahagi sa lahat tungkol sa iniisip at pinaniniwalaan mo tungkol dito, na hinihiling sa lahat na sabihin sa iyo kung tama ang iyong mga iniisip at plano at kung naaayon ang mga ito sa katotohanan, at hinihiling sa lahat na gumawa ng huling pagsusuri para sa iyo. Ito ang pinakamagandang pamamaraan ng paglutas sa pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Una, maaari mong ipaliwanag ang pananaw mo at hanapin ang katotohanan; ito ang unang hakbang na dapat mong isagawa para malutas ang pagiging pabasta-basta at padalos-dalos. Nangyayari ang ikalawang hakbang kapag nagpapahayag ang ibang mga tao ng salungat na mga opinyon—ano ang maisasagawa mo para maiwasang maging pabasta-basta at padalos-dalos? Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, dapat kang magdasal, hanapin ang katotohanan mula sa Diyos, at pagkatapos ay humanap ng batayan sa mga salita ng Diyos—tukuyin kung paano kikilos batay sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakaangkop at tumpak na pagsasagawa. Kapag hinahanap ng mga tao ang katotohanan at inilalabas ang isang problema para sama-samang mapagbahaginan ng lahat at makahanap ng sagot para doon, sa panahong iyon nagbibigay ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu. Binibigyang-liwanag ng Diyos ang mga tao ayon sa prinsipyo, sinisiyasat Niya ang iyong saloobin. Kung ayaw mong makipagkompromiso kahit tama man o mali ang pananaw mo, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at babalewalain ka; hindi ka Niya hahayaang umusad, ilalantad ka Niya at ibubunyag ang iyong pangit na kalagayan. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong saloobin, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni hindi pabasta-basta at padalos-dalos, bagkus ay saloobin ng paghahanap at pagtanggap ng katotohanan, kung ibabahagi mo ito sa lahat, gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at marahil ay aakayin ka Niya sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba. Minsan, kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, inaakay ka Niya na maunawaan ang pinakakahulugan ng isang bagay sa pamamagitan lamang ng ilang salita o parirala, o sa pagbibigay sa iyo ng pakiramdam. Napagtatanto mo, sa sandaling iyon, na anuman ang iyong kinakapitan ay mali, at, sa sandali ring iyon, nauunawaan mo ang pinakaangkop na paraan ng pagkilos. Sa pagdating sa gayong antas, nagtagumpay ka bang maiwasan ang paggawa ng kasamaan, at pagpasan ng mga kahihinatnan ng isang pagkakamali? Paano nakakamit ang ganoong bagay? Natatamo lamang ito kapag mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at kapag hinahanap mo ang katotohanan nang may pusong masunurin. Kapag natanggap mo na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at natukoy ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa, ang iyong pagsasagawa ay maaayon sa katotohanan, at magagawa mong matugunan ang kalooban ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Inilatag ng mga salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa. Upang malutas ang kayabangan, pagmamagaling at kawalang-ingat, ang pinakamahalaga ay ang magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, saloobing naghahanap sa katotohanan, at pagnanais na makipagtulungan nang maayos sa iba. Kapag nahaharap sa mga problema, dapat makipagtalakayan sa iba at magkaroon ng kasunduan bago magpatuloy. Kung nagbabanggit ang iba ng naiibang opinyon, dapat matutong magpakumbaba, at hanapin ang katotohanan at mga prinsipyo kasama ang iba. Walang perpektong tao—walang proyekto ng iglesia ang matatapos ng isang tao lang, lahat ito ay kailangan ng kooperasyon at talakayan para magawa nang maayos. Sa kabiguang ito, napagtanto ko kung gaano kahalaga sa tungkulin ng isang tao na hanapin ang katotohanan at gumawa ayon sa prinsipyo. Ang paggawa sa ganitong paraan ay magbibigay-daan sa akin na maiwasang magdulot ng pagkaantala at pagkagambala. Kung ang isang tao ay mayabang, mapagmagaling, pabasta-basta at walang ingat, gaano man katalino ang isang tao, hindi pa rin siya magkakamit ng magagandang resulta at magdudulot lamang ng mga pagkaantala at pagkagambala sa gawain ng iglesia. Makalipas ang ilang panahon, nang makita ng mga kapatid na nagsisi at nagbago na ako nang kaunti habang ginagawa ang aking tungkulin, muli nila akong pinili bilang lider ng iglesia. Habang iniisip kung paanong dati’y lagi kong gusto na ako ang masunod sa aking tungkulin, at na labis iyong nakapinsala sa iba at iniwan akong maraming pagsisisi, nangako ako sa Diyos: Hindi na ako kikilos nang pabasta-basta at pipilitin ang iba na magpasakop sa akin at makikipagtulungan ako nang maayos sa iba.

Minsan, habang tinatalakay ang gawain ng pagdidilig sa isang iglesia kasama ng mga katrabaho, pakiramdam ko’y responsable si Wang Chen, may talento sa kanyang trabaho at dapat linangin bilang isang diyakono ng pagdidilig. Pero hindi sumang-ayon ang dalawang kapareha: Sa tingin nila, kahit na si Wang Chen ay responsable naman at isang mahusay na manggagawa, wala siyang gaanong karanasan sa buhay at hindi niya inuuna ang paghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan kapag nahaharap sa mga isyu, kaya hindi siya angkop na mangasiwa sa gawain ng pagdidilig. Nang marinig ko ito, naramdaman kong umusbong ang galit sa loob ko: “Ako ang lider dito—sa tingin n’yo ba’y mas magaling kayong humusga ng mga tao kaysa sa akin?” Nang sasabihin ko na sana ang pananaw ko, bigla kong napagtanto na ibinubunyag ko na naman ang mayabang kong disposisyon at gusto ko na namang kumilos nang pabasta-basta. Nang maalala ang dati kong kabiguan, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Diyos na tulungan akong magpakumbaba at magpatuloy ayon sa prinsipyo. Pagkatapos manalangin, napagtanto ko na kung mapipili namin ang maling tao sa posisyon ng pagdidilig, magdudulot ito ng malaking pinsala sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, kaya kailangan kong magpatuloy nang maingat. Pagkatapos nun, hinanap ko kasama ng iba ang mga prinsipyo sa pagpromote at pagsasanay ng mga tao kasama ng iba, at pagkatapos ng pagtitipon at pakikipagbahaginan kay Wang Chen, nalaman kong kulang talaga siya sa karanasan sa buhay, hindi niya pinagninilayan at kinikilala ang sarili niya kapag nahaharap siya sa mga problema, hindi niya hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga problemang iyon, at hindi siya angkop sa gawain ng pagdidilig. Sa huli, sumang-ayon ako sa mga opinyon ng iba. Mas guminhawa ang pakiramdam ko matapos magsagawa nang ganito. Sa pagbabalik-tanaw sa aking karanasan, nagdulot ng labis na pasakit sa damdamin, pagsisisi at pagkamuhi sa sarili ang pagdurusa dahil sa mga kinahinatnan ng pagkilos nang pabasta-bata. Nagbigay-daan din ito na makilala ko ang sarili kong mayabang na disposisyon at mapagtanto na hindi ako dapat kumilos batay sa sarili kong mga ideya lamang sa aking tungkulin, na dapat kong mas hanapin ang mga layunin ng Diyos, gumawa ayon sa prinsipyo, at dakilain ang Diyos higit sa lahat. Tanging sa paggawa nito ko matatanggap ang patnubay ng Diyos at hindi ako maliligaw. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nakagapos

Ni Li Mo, Tsina Noong 2004, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at hindi nagtagal, isinumbong ako dahil...