Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Enero 20, 2022

Ni Ding Li, Estados Unidos

Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si Brother Li bilang isang diyakono ng pagdidilig, sinasabi na mahusay ang kakayahan niya at ang pagbabahagi niya sa mga pagtitipon ay nagbibigay ng kaliwanagan. Medyo nabigla ako sa balitang iyon. Nakasama ko siya sa tungkulin ko dati, kaya marami-rami akong nalalaman tungkol sa kanya. Totoo na magaling siyang magsalita at talagang marami siyang nasasabi sa kanyang pagbabahagi, pero karamihan sa mga iyon ay literal na doktrina lang at hindi talaga kayang lumutas ng mga praktikal na problema. May pagka-arogante din siya at madalas ginagawa ang mga bagay sa sarili n’yang paraan, at gumagawa siya ng mga desisyon sa trabaho sa sarili lang niya nang hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba. Humantong iyon sa ilang problema na nakapinsala rin sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ilang beses na binanggit sa kanya ng taong tagapamahala ang problema, pero hindi niya ito tinatanggap at hindi kailanman nagbago. Pinuna ko rin ang mga problema niya sa kanya. Kailanma’y hindi siya nagnilay o nagkamit ng mas mainam na pagkaunawa sa kanyang sarili, bagkus ay pinapangatwiranan lang ang kanyang pag-uugali. Hindi nagtagal, nakikita ko na siya’y isang taong laging bumubulalas ng doktrina, pero hindi kayang tumanggap ng katotohanan. Isang prinsipyo para sa paghahalal ng mga lider at manggagawa sa sambahayan ng Diyos ay na dapat mayroon silang dalisay na pagkaunawa sa katotohanan, nagagawang tanggapin ang katotohanan, mayroong pananagutan, at may mahusay na kakayahan. At ang diyakono ng pagdidilig ay dapat magaling sa paglutas ng mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan at makagagawa ng ilang praktikal na gawain. Ginawa siyang diyakono ng pagdidilig ni Sister Zhou dahil lang may kaunti siyang kakayahan at mahusay siyang mananalita. Hindi ’yon nakaayon sa mga prinsipyo. Mas lalo akong nabalisa habang lalo kong iniisip iyon, at gusto ko sanang ibahagi ang aking mga saloobin kay Sister Zhou, pero nag-atubili ako nang nasa dulo na ito ng dila ko. Gaya nang alam mo na, dati rin akong diyakono ng pagdidilig, at katatanggal ko pa lang sa aking tungkulin dahil hindi ko nalulutas ang mga praktikal na problema ng mga tao. Kung magpapasimula ako ng pagdududa sa taong kapipili pa lang ng lider, ano ang magiging dating ko no’n? Iisipin kaya ng mga tao na katatanggal ko pa lang sa tungkuling iyon, kaya naiinggit ako sa taong nakakuha ng posisyon, at hinahanapan ko siya ng mali? Paano kung sabihin nila na ginagambala ko ang gawain ng iglesia at pagkatapos ay tanggalin sa akin ang bago kong tungkulin? Naisip ko kakalimutan ko ito, na mas mabuting panatilihing simple ang mga bagay-bagay sa halip na magsalita at ilagay ang sarili ko sa gulo. Kaya’t nilunok ko ang mga salita nang sasabihin ko na ang mga ito. Kalaunan, narinig ko na ilang kapatid mula sa ibang grupo ay nakatrabaho rin ni Brother Li dati, at naramdaman nila na hindi niya binalikat kailanman ang pasanin para sa kanyang tungkulin at hindi siya akmang maglingkod bilang diyakono. Pagkatapos nakasiguro ako na tama ako tungkol sa kanya at naisip ko na dapat kong kausapin si Sister Zhou sa lalong madaling panahon para hindi maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos dahil maling tao ang namamahala rito. Dahil si Sister Zhou ang nagtalaga kay Brother Li, kung babanggitin ko ito sa kanya, hindi ba’t magiging paghahanap iyon ng mali sa harap niya mismo? Nakatrabaho ko na siya dati, at nalaman kong siya ay mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, at mapanupil. Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga bagay na ito pero hindi lang niya tinanggihang tanggapin ito, pinagalitan pa niya ako nang husto nang nasa masamang kalagayan ako pagkatapos no’n. Kaya’t kung magbanggit ako ng problema sa kanyang trabaho, naisip ko na baka isipin niyang nagiging pasaway ako sa kanya, na sinusubukan ko lang siya guluhin. Tapos anong gagawin ko kung pinahirap niya ang mga bagay-bagay para sa akin? Naalala ko ilang taon ang nakararaan nang punahin namin ng isang sister ang ilang pagkakamali ng isang lider, pinagbintangan kami ng lider na iyon na bumubuo ng isang grupo, at na pinagtutulungan at inaatake namin siya. Natanggal din ako sa tungkulin dahil do’n. Kalaunan, nalantad ang lider na iyon bilang isang anticristo at napatalsik, pero matagal akong hindi nagkaroon ng tungkulin dahil pinipigilan ako ng anticristo. Nag-alala ako na baka hindi tanggapin ni Sister Zhou ang sasabihin ko, tapos ay maghanap siya ng dahilan para tanggalin ang tungkulin ko sa akin. Ang gawain ng Diyos ay talagang malapit nang magtapos, kaya’t ito’y kritikal na panahon para gumawa ng tungkulin. Kung hindi ako makakagawa ng tungkulin at maghahanda ng mabubuting gawa sa panahong gaya nito, nag-aalala akong mawawala ang aking pagkakataon sa kaligtasan. Kung gayon hindi ba mas marami ang mawawala sa akin kaysa sa nakamit ko? Sa isiping iyon, inalis ko na sa aking isip ang ideya ng pagbanggit sa problema.

Pagkatapos no’n, narinig kong sinabi ng ilang kapatid na mula nang naging diyakono ng pagdidilig si Brother Li, nagbabahagi lang siya ng doktrina at nagmamalaki sa mga pagtitipon, at hindi talaga niya tinutulungan ang mga tao sa kanilang mga problema. Hindi niya rin inaako ang responsibilidad sa kanyang tungkulin, at sa mga baguhan na pinamamahalaan niya, ilan na ang tumigil sa pagpunta sa mga pagtitipon dahil nalinlang sila ng mga kasinungalingan ng Partido Komunista. Hindi niya inalok ang mga ito ng pagbabahagi at suporta sa tamang oras, kaya ilan sa kanila ang tumalikod sa pananampalataya. Napagtanto ko kung gaano kaseryoso ang problema nang marinig ko ang tungkol dito. Kung mananatili siyang nagsisilbi bilang diyakono ng pagdidilig, mas maraming pinsala lang ang maidudulot nito sa gawain ng iglesia, at alam kong kailangan ko itong isumbong agad. Pero sa oras na iyon, natakot akong mapasama ang loob ng lider at mailagay ang sarili ko sa gulo, kaya’t talagang nagtalo ang kalooban ko. Dapat ko ba itong isumbong, o hindi? Kung gagawin ko ito, natatakot ako sa magiging epekto nito sa akin, pero kung hindi ko gagawin, talagang makokonsensiya ako hinggil dito. Inisip ko kung paano ko ito babanggitin sa paraang makatitiyak na walang magiging aberya. Patuloy akong ginugulo ng mga isiping ito, kaya’t nalito at nabalisa ako.

Minsan sa isang pagtitipon, tinanong kami ng isang lider ng grupo kung meron kaming iba pang opinyon na nais ibahagi tungkol sa pagtataas ng posisyon ni Brother Li, at kung ganon, dapat kaming magpadala sa kanya ng mensahe tungkol dito. Nasabik talaga akong marinig ’yon, at naisip na isa itong magandang pagkakataon. Siya ang haharap, at ibubuod niya ang mga opiyon namin para ibahagi sa lider, sa gayon hindi malalaman ng lider kung sino ang nagsulat ng ano. Kapag sinubukan talaga niyang usisain ito, ang lider ng grupo ang magiging pananggalang sa harapan. Isinulat ko ang mga problemang nakita ko at ibinigay iyon sa lider ng grupo. Kinabukasan, nagulat ako nang sinabi niyang ipinadala na niya ang isinulat ko sa lider. Labis akong nabahala nang marinig ko na hindi niya ibinahagi ang mga bagay-bagay sa lider bilang feedback mula sa aming buong grupo. Tinanong ko, “Bakit basta mo na lang ipinadala ang orihinal kong mensahe kay Sister Zhou?” Nang makita ang aking matinding reaksiyon, tinanong niya ako, “Ang saloobin ng lahat ay ipinasa lahat sa lider at dapat maging tapat tayong lahat tungkol sa ating mga opinion. Ano ang dapat ikabahala do’n?” Hindi ko alam kung ano ang sasabihin bilang tugon dito. Nabigla ako at medyo napahiya. Hindi ko naisip na ang lider ng grupo at ibang mga kapatid ay nagbigay na ng mga mungkahi sa lider. May lakas nang loob silang magsalita, kaya bakit takot na takot ako na maging tapat tungkol sa problema? Lumapit ako sa Diyos sa panalangin at paghahanap, at nagnilay sa aking sariling kalagayan. Nagbasa ako ng sipi ng mga salita ng Diyos matapos no’n: “Ang konsiyensiya at katwiran ay dapat kapwa maging bahagi ng pagkatao ng isang tao. Ang mga ito ay kapwa pinakabatayan at pinakamahalaga. Anong klaseng tao ang isang taong walang konsiyensya at walang katwiran ng normal na pagkatao? Sa pangkalahatan, siya ay isang taong walang pagkatao, isang taong sukdulan ng sama ang pagkatao. Suriin natin ito nang mabuti. Ano ang mga ipinapakitang tiwaling pagkatao ng taong ito para sabihin ng mga tao na wala siyang pagkatao? Anong mga katangian ang taglay ng gayong mga tao? Anong partikular na mga pagpapamalas ang ipinapakita nila? Ang gayong mga tao ay basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos ni nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. … May iba pa ngang mga tao na, kapag nakakakita ng problema sa pagganap sa kanilang tungkulin, nananatiling tahimik. Nakikita nila na ang iba ay nagsasanhi ng mga pag-antala at mga paggambala, datapuwa’t wala silang ginagawa para pigilan ito. Hindi nila isinasaalang-alang kahit man lamang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni iniisip man lamang ang kanilang sariling mga tungkulin o pananagutan. Sila ay nagsasalita, kumikilos, namumukod-tangi, nagpupunyagi, at gumugugol ng lakas para lamang sa kanilang sariling banidad, katanyagan, katungkulan, mga kapakanan, at karangalan. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas ang mga ito tuwing may pagkakataong maparangalan o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakatong maparangalan, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? Nakadarama ba ng pagsisisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensya at katwiran na ganitong kumilos? Walang silbi ang konsiyensya ng ganitong klaseng tao, at hindi sila kailanman nakadama ng pagsisisi sa sarili. Kaya, mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Inilarawan ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Alam kong ang lider ay hindi nagtatalaga ng mga tao ayon sa mga prinsipyo, at nakita ko na hindi gumagawa ng praktikal na gawain si Brother Li bilang isang diyakono ng pagdidilig, kundi hinahadlangan niya ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Dapat sana nanindigan ako at isinumbong ang problema para protektahan ang gawain ng iglesia. Ito ang nakatakdang tungkulin ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Pero sa halip, natakot akong mapasama ang loob ni Sister Zhou at na aalisin niya ang aking tungkulin, kaya’t iniwasan kong isipin at nagbulag-bulagan ako sa problema. Ibinahagi ko nga ang aking opinyon sa lider ng grupo nang nakasulat, pero hindi ko gustong malaman ni Sister Zhou na ako ang nagsulat nito, natatakot na magiging sanhi ito ng problema para sa akin. Napagtanto kong pansariling interes ko lang sa lahat ng bagay ang iniisip ko, hindi kung paano itataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Napakawala kong konsensiya’t katwiran. Tinamasa ko ang napakaraming pagdidilig at pagtustos mula sa mga salita ng Diyos, pero nang magdusa ang gawain ng sambahayan ng Diyos, inisip ko lang na protektahan ang sarili ko. Wala akong anumang katapatan sa Diyos. Kinakagat ko ang kamay na nagpapakain sa akin. Wala talaga akong anumang pagkatao. Sumama nang sumama ang pakiramdam ko habang lalo ko itong iniisip, at nagtaka ako: Bakit ako takot na takot at balisang-balisa kapag nahaharap ako sa gayong isyu? Ang pagsasabi ng isang matapat na salita ay napakahirap na sa akin—anong uri ng disposisyon ang kumokontrol sa akin?

Kalaunan nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagpalinaw ng lahat sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Karamihan sa mga tao ay nais hanapin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasiya at hangarin lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o nakatatagpo ng mga taong buktot at masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay dumaranas ng mga pagkalugi ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang tiwalang magsalita? Wala iyon sa mga ito; ito ay na ikaw ay kontrolado ng iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga disposisyong ito ay ang pagiging tuso. Inuuna mong isipin ang iyong sarili, na nag-iisip ng, ‘Kung magsasalita ako, paano ako makikinabang dito? Kung magsasalita ako at may sumama ang loob, paano kami magkakasundo sa hinaharap?’ Tusong pag-iisip ito, hindi ba? Hindi ba’t bunga ito ng isang tusong disposisyon? Ang isa pa ay makasarili at masamang disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan ng mga kapakinabangan sa sambahayan ng Diyos? Bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Kahit na makita at marinig ko itong mangyari, hindi ko kailangang gumawa ng kahit ano. Hindi ko ito pananagutan—hindi ako pinuno.’ Nasa loob mo ang mga gayong bagay, na tila umusbong ang mga ito mula sa iyong walang malay na isip, at tila ba sumasakop ang mga ito ng mga permanenteng kalagayan sa iyong puso—ito ang mga tiwali at satanikong disposisyon ng tao. Kinokontrol ng mga tiwaling disposisyong ito ang iyong saloobin at itinatali ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol ng mga ito ang iyong bibig. Kapag may nais kang sabihin na nasa iyong puso, umaabot sa iyong mga labi ang mga salita ngunit hindi mo binibigkas ang mga ito, o, kung magsalita ka, paliguy-ligoy ang iyong mga salita, na nag-iiwan ng puwang upang makapanlinlang—sadyang hindi ka talaga nagsasalita nang malinaw. Walang naramdaman ang iba pagkatapos kang marinig, at ang suliranin ay hindi nalutas ng sinabi mo. Iniisip mo sa iyong sarili: ‘Nagsalita naman ako. Maalwan ang aking budhi. Natupad ko ang aking tungkulin.’ Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, at nananatili ang pinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi mo natupad ang iyong responsibilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsibilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Hindi ka ba ganap na nasasailalim ng kontrol ng iyong tiwali at mga satanikong disposisyon kung gayon? Kahit na positibo at umaayon sa katotohanan ang iniisip mo sa iyong puso at ang mga bagay na pinaniniwalaan mong tama, hindi ikaw ang panginoon ng iyong bibig, at hindi kailanman tumutugma sa nilalaman ng iyong puso ang sinasabi mo. Laging kailangang dumaan sa iyong isip at mga kaisipan ang iyong mga salita bago mo bigkasin ang mga ito. Hindi masasabi ng iba ang kahulugan sa likod ng mga ito, at nasisiyahan ka nang husto sa sarili mo. Wala ka talagang pakialam kung paano nagawa ang trabaho—ganito ka mag-isip(“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang makita ko kung paano ito inilarawan sa mga salita ng Diyos, nakikita ko na hindi ko isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos dahil ako’y likas na madaya, makasarili at kasuklam-suklam. Naisip ko kung paanong alam ko na hindi sinusunod ni Sister Zhou ang mga prinsipyo sa kanyang pagtatalaga kay Brother Li at pagkatapos ay kinokompromiso niya ang gawain ng iglesia dahil hindi siya gumagawa ng anumang praktikal na gawain. Nakita ko ang lahat ng ito nang kasing linaw ng sikat ng araw at alam kong dapat ko itong punahin, na makatutulong iyon sa gawain ng iglesia, pero hindi ako nagkaroon ng lakas nang loob na tumayo at magsalita. Tapos, nang manguna ang isang lider ng grupo, isinulat ko sa wakas ang aking mga pananaw, pero nang malaman ko na direkta niya itong ipinasa sa lider, hindi ako nasiyahan at pakiramdam ko “inilantad” niya ako. Sa lahat ng aking mga saloobin at pagkilos, pilit kong iniisip nang mabuti, kinakalkula kung paano ko poprotektahan ang aking sarili para hindi ako mawalan nang kahit ano. Kahit na alam na alam kong nagdurusa ang buhay ng mga kapatid at ang gawain ng iglesia, hindi ko isinasagawa ang katotohanan o ibinabahagi ang mga problemang nakita ko. Sinusunod ko ang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Hayaang umagos ang mga bagay kung wala naman itong personal na naaapektuhan,” “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali,” at “Ang punong hitik sa bunga ay binabato,” ganitong uri ng mga satanikong pilosopiya. Kinokontrol ng mga bagay na ito ang aking saloobin, pinananatili ako sa ilalim ng kanilang gayuma, at ginagawa akong tuso at mapanlinlang. May pananampalataya ako at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, pero walang puwang sa puso ko para sa Diyos. Halos hindi ako makapagsabi ng isang matapat na bagay o makapagbigay ng liwanag sa isang aktwal na sitwasyon. Kumikilos ako bilang kampon ni Satanas, namumuhay ng isang kaawa-awang buhay. Makasarili, kasuklam-suklam at kulang sa pagkatao, talagang nakasusuya ito sa Diyos. Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi sa puntong iyon at tahimik na umusal ng panalangin sa Diyos: “O, Diyos, labis akong makasarili at tuso. Hindi ako nanagot nang makita ko ang isang problema at hindi ko isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahabag-habag ako. O Diyos, ayoko nang mamuhay nang ganito. Iligtas N’yo ako mula rito. Gusto kong isagawa ang katotohanan at mapalugod Ka.” Medyo mas nagkakompiyansa ako matapos ang aking panalangin at tumigil na ako sa pag-aalala sa kung ano ang magiging reaksyon ni Sister Zhou matapos mabasa ang aking ulat.

Hindi lang siya hindi nagnilay sa kanyang sarili sa paglabag sa mga prinsipyo sa kanyang pagtatalaga, hindi rin niya binago ang tungkulin ni Brother Li. At saka, hindi niya hinaharap ang mga problema ng mga proyektong mabagal ang usad o kaya’y hindi epektibo. Iniisip ko na hindi niya tatanggapin ang katotohanan o gagawa ng anumang totoong gawain, kaya batay sa mga prinsipyo ng pagkilala sa mga huwad na lider, mukhang malamang na iyon nga siya. Gusto ko itong iulat sa mga nakatataas, pero muli akong nag-atubili. Kung isusumbong ko siya at malalaman niya ito, ano ang iisipin niya sa akin? Kung hindi siya maaalis bagkus ay mananatili bilang isang lider, hahanap kaya siya ng mga dahilan para sikilin ako? Naisip ko, hindi bale na. Ang pagtangging magbago o gumawa ng praktikal na gawain ay problema niya, kaya dapat ko na lang gawin nang maayos ang aking tungkulin at tingnan kung paano ang magiging takbo ng mga bagay-bagay. Kaya inilagay ko ito sa likod ng aking isipan at hinayaang maganap ang mga pangyayari. May nangyari kalaunan na nagkaroon ng malaking epekto sa akin at nakahanap ako ng lakas ng loob na isumbong si Sister Zhou.

Hindi nagtagal arinig ko na may isang lider sa ibang iglesia na nailantad na isang anticristo at napatalsik. Marami-rami siyang nagawang kasamaan sa panahon niya bilang lider, at nakita ng lahat kung ano siya talaga, pero walang nangahas na magsalita. Wala ni isang tao sa buong iglesia ang nag-ulat sa kanya, at kahit pagkatapos siyang mailantad at mapatalsik, hindi pa rin nila binigyang liwanag ang mga kasamaang ginawa niya. Iniwasan lang nila ang kanilang sariling responsibilidad, nagkunwaring walang alam. Lahat sila’y ipinagtatanggol at kinukupkop ang anticristong iyon, na talagang lumabag sa disposisyon ng Diyos. Bilang resulta, lahat ng nasa iglesia ay kinailangang huminto sa paggawa ng kanilang tungkulin para makapagnilay sa kanilang sarili. Napakalaki ng naging impresyon nito sa akin, at ipinaalala nito sa akin ang ilang salita ng Diyos: “Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang maaaring tumayong saksi para sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong ‘paglilibing sa kamatayan’; ito ang ibig sabihin ng palayasin si Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng ‘maliliit na langaw’ na lubos na hindi makaintindi, at kung ang mga nagtitipon, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, lahat ng hangal na iyon ay aalisin sa huli. Maaaring walang nagawang kakila-kilabot ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso at mahusay umiwas, at lahat ng kagaya nito ay aalisin. Wala ni isang matitira! Yaong mga nabibilang kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang yaong nabibilang sa Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; ipinapasiya ito ng kanilang likas na pagkatao. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan yaong mga naghahanap sa katotohanan na masustentuhan, at nawa’y masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t gusto nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang taong naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang Kanyang maharlika, at matuwid na disposisyon na hindi pinahihintulutan ang pagkakasala at ang Kanyang poot para sa mga hindi isinasagawa ang katotohanan. Kahit na sa panlabas ay mistulang wala silang anumang ginawang napakasama, pero pinanonood nila ang mga anticristo na gumagawa ng masama at wala silang ginagawa para isumbong o ilantad ang mga ito. Hinayaan nilang lumaganap ang mga anticristo, sinisira ang gawain ng sambahayan ng Diyos, pero wala silang ginawang kahit ano. Kinukupkop nila ang mga anticristo at mga alagad sila ni Satanas. Ito ay pakikibahagi sa kasamaan ng mga anticristo at malubha itong lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Kung isasaalang-alang ang sarili kong pag-uugali, hindi ba’t gano’n na gano’n din ako? Napakarami ko nang nabasa na mga salita ng Diyos at nagkaroon na ako nang kaunting pagkakilala. Nakita ko na ang isang lider ay hindi sumusunod sa mga prinsipyo, na hindi n’ya kayang tanggapin ang katotohanan, at lalo nang hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain. Naging hadlang na ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at siya’y isang huwad na lider. Pero natakot akong mapapasama ko ang loob niya, at na ako’y pipigilan niya, kaya’t pinalampas ko ito dahil hindi ako personal na naapektuhan nito. Pakiramdam ko’y nasa kanya na kung magbago man siya o hindi, wala itong kinalaman sa akin. Natamasa ko ang labis na pagtustos ng Diyos, pero kinagat ko pa rin ang kamay na nagpakain sa akin at tumayo ako sa panig ni Satanas. Nakita ko na nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero wala lang ito sa akin. Hindi ba’t katulad lang ako ni Satanas? Ginagampanan ko pa rin ang isang tungkulin, pero binabantayan ng Diyos ang bawat maliliit na bagay na aking ginagawa. Alam ko na kung hindi ako magsisisi, mauudyukan ko ang poot ng Diyos at ako’y Kanyang aalisin. Nakakatakot ang isiping ito para sa akin. Kaagad akong nanalangin at nagsisi sa Diyos: “Diyos ko, nakita ko na ginagambala ni Sister Zhou ang gawain ng iglesia pero hindi ko isinagawa ang katotohanan at hindi siya isinumbong, para lang maprotektahan ko ang aking sarili. Nagtatrabaho ako para kay Satanas. Ako’y napakasuwail at nakasusuklam. Diyos ko, nais kong magsisi sa Iyo, at hinihiling ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan at patnubayan ako na maisagawa ang katotohanan.”

Sa panahong iyon, napapaisip ako, bakit ako takot na takot na isumbong ang mga problema ng isang lider? Ano ba talaga ang kinatatakutan ko? Sa pamamagitan ng aking pananalangin at paghahanap, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking mas maunawaan ang isyu. “Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao pagdating sa kung paano tratuhin ang isang pinuno o manggagawa? Kung tama ang ginagawa ng isang pinuno o manggagawa, maaari mo siyang sundin; kung mali ang ginagawa niya, maaari mo siyang ibunyag, at labanan pa siya at magbigay ng ibang opinyon. Kung hindi siya nakakagawa ng praktikal na gawain, at nabunyag na isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa o isang anticristo, maaari kang tumangging tanggapin ang kanyang pamumuno, at maaari mo rin siyang isumbong at ibunyag. Gayunman, hindi nauunawaan ng ilang taong hinirang ng Diyos ang katotohanan at lalo nang napakaduwag, kaya nga hindi sila nangangahas na gumawa ng anuman. Sinasabi nila, ‘Kung patatalsikin ako ng lider, tapos na ako; kung hihikayatin niyang ibunyag o talikuran ako ng lahat, hindi ko na magagawang maniwala sa Diyos. Kung lilisanin ko ang iglesia, hindi ako gugustuhin at hindi ako ililigtas ng Diyos. Ang iglesia ay kumakatawan sa Diyos!’ Hindi ba naaapektuhan ng mga paraang ito ng pag-iisip ang saloobin ng gayong tao tungo sa mga bagay na iyon? Totoo nga kaya na kung itiwalag ka ng lider, hindi ka na maliligtas? Nakasalalay ba ang iyong kaligtasan sa saloobin ng iyong lider tungo sa iyo? Bakit napakaraming tao ang may gayong kalaking takot?(“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). “Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na kaugnay sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na iwawasto ang mga tao batay sa diwa ng bawat isa; walang magaganap na bahagya mang kamalian, at walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa lamang ng gawain ang mga tao na nahahaluan ito ng damdamin at kahulugan. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; lubusan Siyang hindi naglalabas ng mga maling paratang laban sa sinumang nilalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Matapos mabasa ito, nakita ko na hindi ako nangahas na isumbong ang lider dahil ang aking pananaw ay maling-mali. Iniisip ko na kayang itakda ng lider ang aking kinabukasan at kapalaran, kaya kung mapapasama ko ang loob ng isang lider at ako’y kanyang pinigilan, hindi ako hinayaang gumanap ng isang tungkulin, mawawalang lahat ang aking pag-asang maligtas. Nakita ko ang mga lider bilang mas mataas pa kaysa sa Diyos. Hindi ako tunay na mananampalataya. Isa akong walang pananampalataya. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung ano ang kahihinatnan ko, kung ako man ay ganap na maliligtas ay ganap na nakasalalay sa Diyos. Hindi ito maaaring pagpasyahan ng sinumang tao. Kahit na ako’y minaltrato dati dahil sa pagpuna ko sa mga isyu sa gawain ng isang lider, napagtanto kalaunan ng mga kapatid na siya ay isang anticristo at siya’y tinanggal sa iglesia. Hindi nawala ang pagkakataon kong maligtas dahil pansamantala akong nagdusa mula sa hindi patas na pagtrato ng isang anticristo, pero nakabuo ako ng pagkakilala tungkol sa mga anticristo at natuto ng ilang aral. May ilang kapatid na naglalantad at nag-uulat sa mga huwad na lider at anticristo para protektahan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay nagagalit sa kanila ang mga huwad na lider at anticristo. Maaari pa silang mapatalsik sa iglesia, pero kung meron silang tunay na pananampalataya at magpapatuloy sa pagbabahagi ng ebanghelyo at sa paggawa ng kanilang tungkulin, nasa kanila pa rin ang gawain ng Banal na Espiritu at ang patnubay ng Diyos. Tapos, kapag ang anticristo ay nalantad at natanggal na, mapapahintulutan silang bumalik muli sa iglesia. Ipinakita nito sa akin na ang Diyos ay matuwid at ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos; ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay. Naisip ko ’yong iglesia na hindi inilantad ang anticristo at nagbulag-bulagan sa kanyang masasamang gawa, hindi pinansin ang hindi personal na nakakaapekto sa kanila, binigyan ng kalayaan ang anticristo na gambalain ang iglesia. Hindi sila inapi at nakapagpatuloy sila sa paggawa sa kanilang tungkulin sa iglesia, pero kinupkop nila ang isang anticristo, at pumanig laban sa Diyos. Sila ay kinamuhian at tinanggihan ng Diyos. Sa pag-iisip nito, napagtanto ko kung gaano kaseryosong problema ang hindi pagsusumbong sa isang huwad na lider. Nakita ko rin ang matuwid na disposisyon ng Diyos na hindi pahihintulutan ang anumang paglabag at medyo natakot ako, at talagang kinamuhian ang sarili ko. Ito ang nagbigay sa akin ng motibasyon na isagawa ang katotohanan. Naisip ko rin ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba’y naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita rin sa akin ng mga salita ng Diyos ang daan pasulong. Kailangan kong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kailangan ko iyong bigyan ng prayoridad at sadyaing talikdan ang aking mga maling motibo. Dapat kong tigilan ang pag-una sa aking mga personal na interes. Kung kaya, isinulat ko ang mga problemang nakita ko at naghandang iulat ito sa nakatataas na lider.

No’n din, sinabi sa akin ni Sister Liu at ng ilan pang sister na napansin din nilang si Sister Zhou ay hindi gumagawa ng praktikal na gawain at patuloy na tumatangging alisin ang mga taong may mababang kakayahan na laging walang ingat sa kanilang tungkulin, idinadahilan na wala siyang makitang akmang kandidato. Malaking pinsala na ang idinulot nito sa gawain ng samabahayan ng Diyos. Hindi niya nilulutas ang matatagal nang problema sa iglesia, at basta-basta lang siya nagtatalaga ng mga tao batay sa kanyang sariling kapritso, hindi sa mga prinsipyo. Ayon sa mga prinsipyo, si Sister Zhou ay isang huwad na lider. Magkakasama kaming lahat na sumulat ng isang liham na nag-uulat sa kanya, at isinumite ito sa isang lider. Matapos tingnan ng mga nakatataas na lider ang sitwasyon, nakumpirma nilang hindi kailanman gumawa ng praktikal na gawain si Sister Zhou, naging mala-diktador sa kanyang pamamaraan, tumaliwas sa mga naitakda nang pagsasaayos ng gawain, at ginamit ang kanyang katayuan upang kontrolin ang iba. Natukoy siya bilang isang huwad na lider at tinanggal sa kanyang posisyon. Si Brother Li ay natagpuan ding hindi akma bilang diyakono ng pagdidilig, kaya binigyan siya ng ibang tungkulin. Napuno ako ng lahat ng uri ng damdamin nang marinig ko ang kinahinatnan nito. Nakita ko na sa sambahayan ng Diyos, si Cristo at ang katotohanan ang may malakas na impluwensiya, at nagkaroon ako nang higit na kompiyansa, higit na lakas para isagawa ang katotohanan. Napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Lubos akong nagpapasalamat sa kaliwanagan at patnubay ng mga salita ng Diyos na nagpahintulot sa akin na unti-unting makalaya sa mga tanikala ng mga satanikong pilosopiya na iyon, at na magkaroon ng tapang na isagawa ang katotohanan, na isumbong ang isang huwad na lider, at mamuhay nang may kaunting personal na dignidad!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sa Wakas Namumuhay na Ako nang Kaunti na Parang Tao

Sa mga salita ng Diyos nakita ko ang isang paraan para masanay sa pagpasok at nalaman ko kung paano maglingkod na kasama ng iba. Naunawaan ko ang mga kagustuhan ng Diyos: Lahat ay may kalakasan, at nais ng Diyos na gamitin ng lahat ang mga kalakasang iyon sa gawain ng pamilya ng Diyos, at sa paggawa nito ang mga kahinaan ng lahat ay mapupunan.

Leave a Reply