Mga Napagnilayan Matapos Maiwasto

Enero 18, 2022

Nagsimula akong maglingkod bilang isang lider noong Hunyo ng taong ito. Ipinagpapatuloy ko ang ilang pagsasaayos ng gawaing ginawa ng sambahayan ng Diyos para linisin ang iglesia mula sa lahat ng gumagawa ng masasama, walang pananalig, at anticristo, para magkaroon ang hinirang na mga tao ng Diyos ng mas magandang kapaligiran para gawin ang tungkulin nila, danasin ang gawain ng Diyos, at hanapin ang katotohanan. Nagsimula akong makipagtulungan sa ibang lider ng iglesia para maisakatuparan ito. May isang iglesia na may partikular na malaking problema. May ilang walang pananalig na gumawa ng malaking gulo sa buhay-iglesia at sinabi sa akin ng isang nakatataas na lider na asikasuhin ito kaagad. Hindi nagtagal ay nag-follow up siya sa akin tungkol dito, at hindi ko pa tapos ang pagsusuri sa sitwasyon, kaya hindi ako tiyak sa sasabihin ko. Ang makitang hindi ganoon kabilis naaasikaso ang isyu ay nagpabalisa sa lider, at medyo mabagsik niya akong kinausap. Nag-alala ako, nang makitang hindi siya ganoon kasaya sa mga nagagawa ko sa tungkulin ko. Iisipin kaya niya na masyadong kulang ang kakayahan ko para gawin ang trabaho ko? Naisip kong wala akong oras na dapat sayangin, bagkus dapat kong asikasuhin ang problema para hindi ko siya madismaya. Gusto kong magawa ito kaagad, pero komplikado ang sitwasyon sa iglesiang iyon. Bagong halal lang ang mga lider nito at hindi nila masyadong kilala ang lahat sa iglesia, kaya mabagal ang takbo ng imbestigasyon. Tapos, tinanong ako ulit ng nakatataas na lider tungkol sa pag-usad ng kaso, at nang matuklasan niyang hindi pa ito tapos, pinuna niya ako sa kabagalan ko. Magulo pa rin ang buhay-iglesia dahil hindi pa napapaalis ang mga walang pananalig, kaya hinimok niya ako ulit na asikasuhin ito. Matapos mapuna, hindi ko seryosong pinagnilayan ang sarili kong problema, kundi inisip ko lang kung paano mababago ang sitwasyon. Nakita kong nakatuon talaga ang lider sa problema ng iglesia, kaya ano ang iisipin niya sa akin kung sobrang tagal kong malulutas ito? Iisipin niya kayang hindi ko kayang pangasiwaan kahit ang maliit na gampaning iyon, kaya kulang ang kakayahan ko at hindi ako makagawa ng praktikal na gawain? Gusto kong magpakitang-gilas sa kanya, ipakita na kaya kong gumawa ng tunay na gawain. Kaya sinimulan kong gugulin ang lahat ng oras at lakas ko sa iglesiang iyon, sinusubaybayan at pinapatnubayan ang mga lider nito, at personal akong pumunta roon para kausapin ang mga kasapi ng iglesia na pamilyar sa sitwasyon. Pero tumigil ako sa tunay na pagsubaybay sa mga pagsisikap ng ibang iglesia na alisin ang mga tao, kaswal at mabilis ko lang silang kinukumusta.

Isang araw, nakatanggap ako ng sulat mula kay Sister Zhang na nagsasabing may ilang tao sa iglesia nila na kailangang paalisin. Pinasadahan ko lang ang sulat at hindi ito masyadong pinag-isipan. Naisip kong mapag-uusapan at maaasikaso nila ito, at mag-uulat sila sa akin. Mas inalala ko ang may problemang iglesia at ang hindi makapag-ulat sa lider na natapos ko na ang gampanin. Sumulat muli si Sister Zhang sa akin sinasabing kakausapin niya ang dalawang kapwa-manggagawa tungkol dito at pagpapasyahan nila kung sino ang paaalisin, at nagpadala sa akin ng ilang pangalan. Wala akong kilalang kahit sino sa listahan at inaprubahan ko ito nang hindi sinisiyasat ang mga detalye ng sitwasyon. Nanatili lang akong abala sa isang iglesiang iyon. Isang araw, dumating ang isang nakatataas na lider at tinanong ako kung bakit napatalsik si Brother Wang. May pang-unawa siya sa hustisya, itinaguyod niya ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at mabuti siyang tao. Maayos niyang ginagawa ang tungkulin niya. Kaya bakit siya pinaalis sa iglesia? Hindi ko talaga alam ang sasabihin ko. Hindi ko kilala si Brother Wang o kung paano siya karaniwang kumikilos. Naalala ko lang na nasa listahan ni Sister Zhang ang pangalan niya. Tapos, tinanong ako ng lider tungkol sa pag-uugali ng ilang iba pa na pinaalis at wala talaga akong kaide-ideya. Ni hindi ko alam ang mga pangalan nila, kaya sinabi kong wala akong ideya, na hindi ko sila kilala, na desisyon ito ni Sister Zhang. Hindi ako nakisangkot dito, na parang wala itong kinalaman sa akin. Iwinasto niya ako ulit, tinatanong kung bakit pinaalis si Brother Wang kung maayos naman siyang gumagawa at itinataguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung mayroon akong anumang prinsipyo. “Bakit hindi mo pinangangasiwaan ang pagpapatalsik ng mga tao ng mga lider ng iglesia?” tanong niya. “Bakit hinayaan mo silang gawin ang anumang gustuhin nila?” Hinaharap ang magkakasunod na tanong, nagsimulang magising nang kaunti ang matigas kong puso. Pananagutan ko ang proyektong iyon, pero wala akong kahit anong nalalaman tungkol sa mga taong pinaalis. ’Yan ba ang pagiging responsable? Inamin ko ang kabiguan ko, na hindi maayos ang paggawa ko ng trabaho, at sinabi niya sa akin na muli itong asikasuhin.

Matagal na panahon akong hindi napalagay. Alam kong nagmula sa Diyos ang pagtabas at pagwawasto, pero masama pa rin ang pakiramdam ko—miserable ako. Inisip ko ang pagtatanong ng lider ng, “Bakit mo pinaalis ang mabubuting tao? Sino ang dapat mapatalsik sa sambahayan ng Diyos? Mayroon ka ba talagang mga prinsipyo?” Patuloy na umaalingawngaw sa isip ko ang mga bagay na iyon, at tinanong ko ang sarili ko, “Bakit ako gumawa ng labis na kahangalan? Hindi sa hindi ko alam ang mga prinsipyo, kaya bakit ko ginawa ang ganoon kalaking pagkakamali? Bakit hindi ako nagtanong?” Nalilito pa rin tungkol dito, hinanap ko ang lider ng iglesia na iyon para tingnan ang kaso ni Brother Wang at ng iba pa. Para hindi ko na maulit ang pagkakamaling iyon, sinuri ko nang mabuti ang lahat ng tao na nasa listahan ng mga paaalisin. Hindi nagtagal, natanggap ko ang mga pagsusuri ng mga kapatid kay Brother Wang, na nagsasabing mayroon siyang magandang saloobin sa kanyang tungkulin at pagkaunawa sa hustisya, na itinaguyod niya ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi angkop sa kanya ang mga prinsipyo ng pagpapaalis. Sumama talaga ang pakiramdam ko at hindi talaga ako napalagay nang makita ko ito. Pinatalsik ko ang mga tao na tunay na naniniwala sa Diyos, at kahit na inasikaso ito ni Sister Zhang, ako ang lider, kaya hindi ba ako nagpapabaya sa tungkulin ko sa hindi ko pangangasiwa, at pagkilos bilang isang bantay? Ibinalik namin kay Brother Wang ang tungkulin niya pagkatapos n’on. Alam kong ang matabasan at maiwasto dahil dito ay hindi dahil sa maliit lang itong pagkakamali, kundi kailangan ko talagang pagnilayan ang sarili ko. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, ang maiulat ng mga kapatid, ang matabasan at maiwasto ng nakatataas na mga lider ay matuwid na paghatol Mo, at may aral na dapat kong matutunan, pero hindi po ako sigurado kung ano. Nawa’y bigyang-liwanag Mo po ako para magtamo ako ng tunay na pagkaunawa sa tiwali kong disposisyon.”

Tapos isang araw, ibinahagi ko ang pinagdaraanan ko sa dalawang kasapi ng iglesia, sinabi ko sa kanila na ginugugol ko ang lahat ng lakas ko sa iglesia na itinatanong sa akin ng lider at pinabayaan ko ang iba pang iglesia. Kumabog ang puso ko nang sinabi ko ito. Ang makagawa ng ganito kalaking pagkakamali sa gawain ng paglilinis ay hindi lang isang simpleng pagpapabaya sa tungkulin, kundi pagkakaroon ng maling motibo sa tungkulin at pag-aalala lamang sa reputasyon ko. Sa puntong iyon, nalaman ko nang kaunti ang tungkol sa tiwaling disposisyon ko. Kalaunan, napanood ko ang isang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Isa pang palatandaan ng pagkatao ng anticristo—higit pa sa kawalan ng kahihiyan—ay ang hindi pangkaraniwang pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama. Gaano sila kamakasarili? At ano ang literal na interpretasyon ng pagkamakasariling ito? Nakatuon ang kanilang buong atensyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes: Magpapakahirap sila para rito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para rito, ilalaan ang kanilang sarili para rito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanila; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—wala silang pakialam kung lumilikha man ang sinuman ng pagkakawatak-watak o gulo. Basta sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, marumi, kasumpa-sumpa; tinitingnan natin sila bilang ‘makasarili at ubod ng sama.’ Paano naihahayag ng pagkatao ng mga anticristo ang pagiging makasarili at ubod ng sama nito? Kapag may kinalaman ang isang bagay sa kanilang katayuan o reputasyon, pinag-iisipan nilang mabuti kung ano ang gagawin o sasabihin, hindi sila nag-aatubiling magpakaabala, handa silang magdusa ng matinding hirap. Subalit sa mga bagay naman na may kaugnayan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa prinsipyo—kahit kapag nanggugulo at nakikialam ang masasamang tao, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia—nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may taong makakita nito, at ilantad ito, sasabihin nilang wala silang nakita, at magmamaang-maangan sila. Kapag iniuulat sila ng mga tao, at inilalantad sila kung ano talaga sila, naaalarma sila: Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon tungkol sa kung sino ang umatake sa kanila, kung sino ang namuno, kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila nahuhuli ang mga taong nasa likod nito at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu; minsan pa nga masaya lamang sila kapag napabagsak din nila ang lahat ng kasama ng taong umaakusa sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Gawain ng iglesia ba ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, ganoon lamang kasimple. Nagpapatakbo sila ng kanilang sariling operasyon. Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng uri ng tao na isang anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang pinag-iisipan lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang sarili nilang mga interes, nag-iisip lamang ng mga gampaning nasa harapan nila mismo. Isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ng iglesia, at dapat pa silang sabihan upang magawa ang lahat ng bagay. Ang proteksyon ng sarili nilang mga interes ang totoo nilang bokasyon, ang mga bagay na nais nilang ginagawa nang totohanan. Sa paningin nila, hindi mahalaga ang anumang bagay na isinaayos ng sambahayan ng Diyos o na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. Anumang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anumang mga isyu ang matuklasan nila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Lubos silang walang malasakit sa mga nagaganap sa iglesia, gaano man kahalaga ang mga kaganapang ito. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang problema, hinaharap nila ito nang may pag-aatubili, at walang malasakit. Kapag tuwiran lamang silang iwinasto ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam patungkol sa gawain ng iglesia, patungkol sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, umiiwas kapag natatanong, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at masama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, ang iniisip lamang nila ay kung ikaaangat ba nila ito; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil ito. Anuman ang gawin nila o isipin, nag-iisip lamang sila para sa kanilang sarili. Sa isang grupo, anuman ang tungkuling ginagampanan nila, nakikipagkumpitensya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang mataas ang tingin sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema, hindi nila kailanman pinag-uusapan kung paano gawin ang mga bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagampanan ang tungkulin ng isang tao, kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung naging pasaway ba sila. Hindi nila pinag-uukulan ni bahagya mang pansin kung ano ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos at kung ano ang kalooban ng Diyos. Kumikilos lamang sila para sa kapakanan ng kanilang sariling katayuan at katanyagan. Pagpapamalas ito ng pagkamakasarili at pagiging ubod ng sama, hindi ba? Nag-uumapaw ang kanilang pagkatao sa sarili nilang mga kagustuhan, ambisyon, at walang katuturang hinihingi; ang lahat ng gawin nila ay naiimpluwensiyahan ng sarili nilang mga ambisyon at kagustuhan; kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinag-uumpisahan ay ang sarili nilang mga ambisyon, kagustuhan, at walang katuturang hinihingi. Hindi ba ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama?(“Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Diwa ng Kanilang Disposisyon (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Parang may hawak akong salamin, na nagpapakita ng lahat ng katiwaliang itinatago ko sa kaibuturan ng puso ko. Nakaririmarim, napakarumi, ubod ng sama: Ang lahat ng ito ang mapapangit na bagay na ipinakita ko sa tungkulin ko. Habang nasa gawain ng paglilinis, mukha akong abala, pero pinipili ko lang ang paghihirapan ko. Hindi talaga ako bumabalikat ng pasanin sa paraang gusto ng Diyos. Regular akong tinatanong ng nakatataas na lider tungkol sa pag-usad ng isang iglesiang iyon, kaya natakot ako na kung hindi ko iyon aasikasuhin nang mabuti, makikita niya ang tunay na tayog ko at pagsisisihan niya ang pagtataas ng ranggo ko. Dahil gusto kong mapanatili ang magandang reputasyon ko sa kanya at para isipin niya na makagagawa ako ng tunay na resulta sa trabaho ko, nagtuon ako nang husto sa isang iglesiang iyon, hindi lang sinusubaybayan at ginagabayan ang mga lider ng iglesia, kundi personal na nagsisikap na maunawaan ang mga kasapi ng iglesia. Gusto kong magkaroon ako ng magagandang resulta para sa lider ko sa lalong madaling panahon para makita niyang may kakayahan ako. Pero hindi ko talaga inasikaso ang mga proseso sa ibang iglesia, at nang makita ko ang listahan ng mga tao mula kay Sister Zhang, hindi ako nagtanong nang kahit ano. Hindi ko kilala kung sino sila at kung bakit gusto niya silang patalsikin. Nabigo ako sa pinakapangunahing pangangasiwa at pagbabantay na inaasahan sa isang lider. Inilalantad ng Diyos ang mga anticristo dahil sa pagiging makasarili nila at ubod ng sama at paggawa lamang para sa reputasyon at katayuan. Ginagawa nila ang anumang nagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magyabang, at pinababayaan ang anumang hindi nakabubuti sa kanilang reputasyon at katayuan. Hindi nila iniisip ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos o inaalala ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos. Iniisip ang mga motibo ko at pag-uugali sa tungkulin ko, ano ang ipinagkaiba ko sa isang anticristo? Lahat ng ito ay gawain ng iglesia, kaya kung hindi maayos ang paggawa ng gawain ng paglilinis ng anumang iglesia, makakaapekto ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero hindi ako nag-alala tungkol doon, at wala akong pakialam. Ang iniisip ko lang ay kung paano mag-uulat sa lider na tapos na ang trabaho, para makuha ang kanyang pagsang-ayon. Reputasyon at katayuan ko lang ang inaalala ko. Nagsikap ako at gumugol ng lakas sa anumang proyektong pinagtutuunan ng lider, at hindi binigyang-pansin ang anumang hindi niya partikular na ipinagagawa. Hindi ko talaga isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Napakamakasarili ko at ubod ng sama! Kung ang lider ko’y hindi sinusubaybayan ang trabaho ko, iwinawasto ako at ginagabayan ako, napahintulutan ko siguro na mapaalis ang mga tunay na nananalig na nakagagawa ng mga bagay-bagay sa tungkulin nila. Magiging masamang gawa iyon at gagawin ako niyon na isang napakasamang lider na hindi gumagawa ng praktikal na gawain! Nakita kong may kulang sa akin sa bawat aspeto. Ang makapaglingkod bilang isang lider at managot sa lahat ng trabahong iyon ay isang malaking pagtataas at pagtitiwalang mula sa Diyos. Noong una ko itong tanggapin, sumumpa ako sa Diyos na isasaalang-alang ko ang kalooban Niya at tutuparin ang tungkulin ko, pero ang totoo, dinadaya ko ang Diyos. Nang maisip ko ito sa ganoong paraan, labis akong nasaktan at nakonsensiya, at umagos ang aking mga luha. Namuhi ako sa sarili ko dahil napakamakasarili ko at ubod ng sama, at pakiramdam ko’y binigo ko ang Diyos. Gusto kong makilala ang sarili ko, at tunay na magsisi at magbago.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit ang layunin naman niya ay magtamo ng katayuan, gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang sundin o bigyang kaluguran ang Diyos, sa halip ay upang magtamo ng reputasyon, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating naman sa gawain ng Diyos, sa gawain ng iglesia, at gawain ng sambahayan ng Diyos, hadlang ba sila, o nakakatulong ba sila upang maisulong ang mga gawaing ito? Malinaw na hadlang sila; hindi nila isinusulong ang mga bagay na ito. Lahat ng nagsusulong ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng pansarili nilang kayamanan at katanyagan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagampanan ba ng ganitong uri ng lider o manggagawa ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa totoo lang, ay nakakagambala, at nakakapinsala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, kung pagbabatayan ang iba’t ibang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng kayamanan at katanyagan, kahit gaano pa hindi agaw-pansin ang paghahangad ng mga tao ng kayamanan at katanyagan, at gaano man tila lehitimo sa tao ang gayong paghahangad, at gaano man kalaki ang isakripisyo nila, ang kalalabasang resulta ay upang buwagin, gambalain, at pinsalain ang gawain ng Diyos. Hindi lamang ginugulo ng pagganap ng kanilang tungkulin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, sinisira rin nito ang pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos. Ano ang kalikasan ng ganitong uri ng gawain? Ito’y pagbuwag, paggambala at pagpinsala. Hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? Kapag hinihingi ng Diyos na isantabi ng mga tao ang kanilang mga interes, hindi naman sa pinagkakaitan Niya ang mga tao ng karapatang maging malaya, at hindi Niya ninanais na makihati sila sa mga interes ng Diyos; bagkus, dahil ito sa napipinsala ng mga tao ang gawain ng sambahayan ng Diyos, nagagambala nila ang normal na pagpasok ng mga kapatid, at napipigilan pa ang mga tao na magkaroon ng normal na buhay-iglesia at normal na buhay-espirituwal habang hinahangad nila ang sarili nilang mga interes. At ang lalong mas seryoso pa nito ay, kapag hinahangad ng mga tao ang sarili nilang katanyagan, kayamanan, at katayuan, mailalarawan ang gayong pag-uugali bilang pakikipagtulungan kay Satanas na pinsalain at hadlangan, sa pinakasukdulang antas, ang normal na pag-unlad ng gawain ng Diyos at pigilan ang kalooban ng Diyos na maisakatuparan nang normal sa mga tao. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng sarili nilang mga interes. Ito ang kalikasan ng paghahangad ng mga tao ng pansarili nilang mga interes. Ibig lang sabihin, ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga hangarin ni Satanas—ang mga ito ay mga hangarin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga interes na ito, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging daluyan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia, isang negatibong papel ang ginagampanan nila; ang epektong dulot nila ay guluhin at pinsalain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga kapatid sa iglesia; mayroon silang negatibong epekto(“Ginagawa Nila ang Kanilang Tungkulin para Lamang Maging Tanyag Sila at Maisakatuparan ang Kanilang Sariling mga Interes at Ambisyon; Hindi Nila Iniisip Kailanman ang mga Interes ng Sambahayan ng Diyos, at Ipinagpapalit pa ang mga Interes na Iyon para sa Kanilang Personal na Kaluwalhatian (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Ipinakita ng mga salita ng Diyos sa akin na ang pagsisikap para sa reputasyon at katayuan at ang pagpapatakbo ng sarili kong gawain ay talagang pagkilos bilang isang kampon ni Satanas, na gumagambala at sumasabotahe sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at humahadlang na maisagawa ang kalooban ng Diyos. Nang pagnilayan ko ang mga ginawa ko, nakita ko na inilantad ng Diyos ang diwa ng pag-uugali ko. Sa mga huling araw, pinagbubukod-bukod ng Diyos ang mga tao ayon sa uri nila, ginagantimpalaan ang mabuti at pinarurusahan ang masama. Ang paglilinis sa iglesia ay para alisin ang mga walang pananalig at ang mga gumagawa ng masama na unti-unting pumasok sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila tunay na naniniwala sa Diyos at hindi talaga naghahanap ng katotohanan o ginagawa nang maayos ang tungkulin nila, kaya kung mananatili sila sa iglesia, mahahadlangan lang nila ang pagdanas ng mga kapatid sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa buhay, o maaari pa ngang gumawa sila ng kasamaan na gagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang gawain ng paglilinis ay para linisin ang iglesia, para mabigyan ang mga tunay na nananalig ng magandang kapaligiran para hanapin ang katotohanan, para matutunan nila nang mas mabilis ang katotohanan at makapunta sa tamang landas ng pananampalataya. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at masayang ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya, pero ang mga nakalulusot sa sambahayan ng Diyos, na pag-aari ni Satanas ngunit gusto ng mga pagpapala, ay inilalantad at inaalis. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Ang gawain ng paglilinis ay nagpapakita talaga ng mga prinsipyo ng iglesia sa pagtrato sa mga tao at ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Napagtanto kong hindi ko isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa tungkulin ko, kundi palagi kong iniisip ang tungkol sa pagprotekta sa reputasyon at katayuan ko. Pabaya ako at walang pakialam sa gawain na hindi tutulong sa akin sa ganoong paraan, kaswal na nag-aalis ng mga tao na matuwid, nagtataguyod ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at tumutupad sa kanilang tungkulin. Paano naging paggawa ng tungkulin iyon? Hindi ba’t paggawa ito na laban sa Diyos? Iresponsable ako sa tungkulin ko, at hinayaan ko si Sister Zhang na magpatalsik ng mga tao batay sa kapritso niya, pinapanatili sa iglesia ang ilang gumagawa ng masama, ngunit pinatatalsik ang ilan sa hinirang na mga tao ng Diyos na buong-pusong gumagawa ng kanilang tungkulin at nagtataguyod ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba ako nagsisilbing kampon ni Satanas na gumagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Hindi ko ba sinasaktan ang mga tao? Nang napagtanto ko ito, nakita ko kung gaano ako labis na nagawang tiwali ni Satanas na wala na akong pagkakahawig sa tao. Hindi ako naging responsable sa mga kapatid o sa ibinigay na gawain ng Diyos. hindi ko isinasaalang-alang ang mga interes ng Diyos, ang sambahayan ng Diyos, o ang mga kapatid. Kung paano pagandahin ang reputasyon ko at magtamo ng pagsang-ayon ng lider ang iniisip ko. Kahit na may ganitong kasuklam-suklam na motibo, nagnais ako ng papuri ng iba at ng mga gantimpala ng Diyos. Hindi ba’t kawalan iyon ng kahihiyan? Nakita ko na talagang makasarili at kasuklam-suklam ako, at lubos na mapaglingkod sa sarili. Matuwid at banal ang Diyos, at nakikita ang ating mga puso. Walang makakalinlang sa Kanya. Hindi magbabago ang halaga ko sa pamamagitan ng pagsisikap na pekein ito, kundi kailangan kong ibigay ang buong puso ko sa tungkulin ko at hindi gumamit ng panlalansi. Maaaring sandaling makapanlinlang ang ganoong uri ng bagay, pero hindi magtatagal ay malalantad din ito. Kung hindi tapat ang puso ko sa harap ng Diyos at hindi ako naghahanap ng katotohanan, nakatakda akong mabunyag ng Diyos at maalis gaya ng mga bigong huwad na lider at anticristo. Nang matanto ko ito’y nakita ko kung gaano ako nakinabang sa pagtabas at pagwawasto sa akin. Hindi ko ito mapagtatanto kung hindi ako tinabasan at inilantad ng Diyos. Lalakarin ko ang landas na iyon na diretso sa kadiliman at mapapalayas ng Diyos. Nakita ko kung gaano ako kamakasarili at ubod ng sama, na hindi ako tapat sa Diyos sa tungkulin ko, ngunit gusto lang ng Diyos na iligtas ako, kaya ibinunyag Niya ang mga paglabag at masasamang gawa ko sa pamamagitan ng pangangasiwa ng iba at pagsusuri ng lider. Dahil dito, nagnilay ako, at nagkaroon ako ng pagkakataon na magsisi at magbago. Nang maisip ko ito’y napuno ako ng panghihinayang at paninisi sa sarili, at nadama ko ang labis na utang na loob at pasasalamat sa Diyos. Tahimik akong nagdasal, “Diyos ko, napakalalim po ng katiwalian ko, at hindi ko po isinasaalang-alang ang kalooban Mo. Ginambala ko ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Tunay ko pong ninanais na magsisi at magsagawa ng katotohanan sa tungkulin ko mula ngayon para mapalugod Ka!”

Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa aking mga debosyonal pagkatapos noon: “Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba at hindi tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba’y naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, mababaw ang iyong karanasan, o hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Kapag hindi mo iniisip ang iyong mga makasariling paghahangad o isinasaalang-alang ang iyong mga pansariling interes sa mga bagay na ginagawa mo, at sa halip ay nagbibigay ng palagiang pagsasaalang-alang sa gawain ng tahanan ng Diyos, taglay sa isip ang mga kapakanan nito, at ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, makakaipon ka, kung gayon, ng mabubuting gawa sa harap ng Diyos. Ang mga taong gumaganap sa mabubuting gawang ito ay yaong mga may angking realidad ng katotohanan; sa gayon, mayroon silang patotoo. Kung lagi kang namumuhay ayon sa laman, laging binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad, kung gayon ay walang angking realidad ng katotohanan ang mga ganoong tao; ito ang tatak ng pagdadala ng kahihiyan sa Diyos(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita nito sa akin na matatanggap ng mga totoong nananalig na handang magsagawa ng katotohanan ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi nila hinahangad na hangaan sila o bigyan-kasiyahan ang iba, o nagsisikap para sa reputasyon at katayuan, kundi inuuna nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos, pinoprotektahan ang mga interes nito, at inilalaan ang kanilang sarili sa ibinigay na gawain ng Diyos. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Ito lang ang paraan para matamo ang gawain ng Banal na Espiritu sa ating tungkulin, at ang patnubay at mga pagpapala ng Diyos. Ipinamumuhay ko ang isang satanikong kalikasan, na naghahangad ng reputasyon at katayuan, ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, nag-iiwan ng mantsa at pagkakautang sa Diyos. Nakita ko talaga kung gaano kamakasarili na hangarin ang reputasyon at katayuan para sa sarili kong kapakinabangan, at na nasa landas ako ng isang anticristong laban sa Diyos. Tunay kong hinihiling na magbago ang maling pananaw ko sa paghahangad at makapamuhay ako sa harap ng Diyos nang may dalisay at tapat na puso. Anuman ang isipin ng nakatataas na mga lider o ano man ang maging tingin sa akin ng iba, handa akong ibigay ang lahat sa anumang kaya kong gawin at masigasig na gawin ang tungkulin ko.

Sa tungkulin ko mula noon, anumang proyekto ito o alinmang iglesia ito, gumagawa ako para tuparin ang mga responsibilidad ko at sundin ang mga prinsipyo, hindi para timbangin kung aling proyekto ang magpapaganda ng reputasyon ko o makakakuha ng papuri ng lider. Mas mahinahon na ako ngayon sa tungkulin ko, at nagagawa ko nang sadyang talikdan ang katiwalian ko kapag nabubunyag ito. Kamakailan lang, hiniling sa akin ng lider na muling magtuon sa gawain ng pagdidilig at bawasan ang ginugugol na oras sa iba pang gawain. Isang araw, habang pinag-iisipan kung paano mapapangasiwaan nang mabuti ang gawain ng pagdidilig, narinig ko ang isang tao na nagbanggit ng mga problema ng isang partikular na iglesia. Nagtalo ang loob ko: “Dapat ko ba itong tingnan at asikasuhin? Kailangan ng ilang panahon para maunawaan ang problemang ito kaya ang paggugol ng oras doon ay mangangahulugan ba na mapapabayaan ko ang gawain ng pagdidilig? Gusto ng lider na magtuon ako doon, kaya kung hindi ako nakagawa ng pag-unlad dito pagkaraan ng ilang panahon, magmumukha ba akong walang kakayahan? Inisip kong ipadala ang iba para asikasuhin ang mga bagay-bagay sa iglesiang iyon.” Hindi ako mapalagay nang maisip ko iyon. Gawain ng iglesia at responsibilidad ko ang lahat ng ito, kaya kung ang gagawin ko lang ay kung ano ang isinaayos ng lider at babalewalain ang ibang gawain, hindi ba paghahangad ng reputasyon at katayuan iyon, tulad ng isang anticristo o huwad na lider? Kaya nilapitan ko ang isang taong pamilyar sa sitwasyon para tingnan ang mga bagay-bagay. Sa pagsisikap na iyon, nakita ko ang patnubay ng Diyos, at nalaman na ang mga problema sa iglesiang iyon ay mas malala kaysa sa narinig ko. Pumunta ako roon kasama ng isa pang lider para asikasuhin ang mga bagay-bagay. Pinaalis namin ang ilang walang pananalig na nakakagambala at tinanggal sa tungkulin ang ilang huwad na lider na iresponsable at hindi tunay na nakagawa ng trabaho sa matagal na panahon. Ang makita na maalis ang mga gumagawa ng masama na nakagagambala, ang malaman na hindi na magugulo ang buhay-iglesia, ay nagpasaya talaga sa akin. Ngayon, kaya ko nang maging tapat sa tungkulin ko nang hindi naghahabol ng reputasyon at katayuan. Ang lahat ng ito ay dahil nahatulan, nakastigo, natabasan, at iwinasto ako ng Diyos. Salamat sa pagliligtas ng Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Kung Bakit Napakayabang Ko Noon

Ni Chengxin, Timog Korea Isang araw, binanggit sa akin ng dalawang lider ng iglesia ang isang isyu. Sinabi nila na si Isabella, na siyang...