Kailangang-kailangan ang Katotohanan sa Tungkulin ng Isang Tao

Marso 8, 2022

Ni Teresa, Philippine

Noong Mayo 2021, ginampanan ko ang isang tungkulin sa pamumuno, responsable ako para sa gawain ng marami-raming iglesia. Inisip ko na kailangan ko talagang magbayad ng halaga at gawin nang maayos ang tungkulin ko, kung hindi ay hindi sasang-ayon ang Diyos. Kaya ginawa kong abala ang sarili ko sa gawain ng iglesia araw-araw, gumugugol ng maraming oras at lakas sa pagbabahagi sa mga lider ng mga iglesia, tinatalakay kung paano isusulong ang kanilang gawain ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan, at sa mga bakanteng oras ko, pinupuntahan ko ang mga bagong mananampalataya para kumustahin. Marami akong ibinuhos na pagsisikap sa lahat ng ito. Punong-puno ang schedule ko araw-araw na kung minsan ay wala na akong oras para kumain, at lumala ito nang husto, na ni hindi ko na maisingit ang mga debosyonal ko. Naisip ko na kailangan ko lang magsumikap sa tungkulin ko at magbayad ng halaga para makakuha ng mga resulta, pagkatapos ay makakamit ko ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos, at magkakaroon ng magandang destinasyon.

Para sa aking tungkulin, tinalikdan ko ang laman at ibinigay rito ang lahat ng mayroon ako, ginugol ko pa nga ang mga pahinga ko sa tanghalian para makipag-ugnayan sa mga bagong mananampalataya o nagpaplano para sa mga pagtitipon, walang pakialam kung gaano ako kapagod. Kalaunan, isang iglesia ang magtatayo ng isang grupo ng ebanghelyo, kaya naghanap agad ako ng magagaling na kandidato at inisip kung sino ang sasanayin. Kapag nakikitang kulang sa sigla ang mga bagong dating, nagmamadali akong maghanap ng mga salita ng Diyos para ibahagi sa kanila nang sa gayon ay makahanap sila ng kahulugan sa kanilang tungkulin. Matapos ang kaunting panahon ng pagsusumikap, sa wakas ay nakabuo rin kami ng grupo ng ebanghelyo. Pero hindi ako nasiyahan. Pakiramdam ko kailangan ko pang mas magbayad ng halaga, gumawa ng mas marami pang tunay na gawain, at pangunahan ang mga kapatid para humikayat ng mas maraming bagong miyembro, nang sa gayon ay mas marami akong maiaambag at sasang-ayon ang Diyos, at magkakaroon ako ng magandang destinasyon. Pero sa tuwing may nakakaharap akong mga problema sa aking tungkulin, nagiging negatibo ako at nanghihina. Halimbawa, nang nakita kong nalilito ang mga lider ng iglesia sa kanilang gawain o walang gana ang mga baguhan sa kanilang tungkulin, o kapag hindi naplano nang maayos ang mga bagay-bagay, pakiramdam ko’y wala akong kakayahan sa tungkuling iyon. Kung wala akong nakamit na kahit ano, paano ako magkakaroon ng magandang destinasyon? Talagang palagi akong binabalisa ng isiping iyon at makakaramdam ako ng pagod, panlulumo, at labis na pag-aalala. Hindi ko nabatid na may problema ako, at binabasa ko lang ang mga salita ng Diyos kapag nasa masama akong kalagayan. Madalas na abala ako sa tungkulin ko. Pakiramdam ko, ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagninilay-nilay sa mga ito ay kumakain ng maraming oras at mawawalan ako ng sapat na oras para sa aking tungkulin, kaya ipinagpapaliban ko ito. Minsan, maghihintay ako hanggang gabi, pero sobrang pagod na ako mula sa isang araw ng trabaho at inaantok. Kaya hindi ko na ginagawa ito. Hindi ko pinagtuunan ang pagpasok ko sa buhay, sa halip ay sa panlabas lang nagsumikap at ang paggawa sa tungkulin ko sa ganoong kalagayan ay nagdulot sa akin ng kapaguran. Isang araw, naisip ko kung ang paggawa ko ba sa tungkulin ko sa gano’ng paraan ay naaayon sa kalooban ng Diyos, kung sasang-ayunan Niya ito. Pakiramdam ko’y may hindi tama, at napagtanto ko na may problema sa pag-uugali ko. Abala lang ako sa pagtatrabaho at isinawalang-bahala ang aking pagpasok sa buhay. Hindi ko talaga kailanman naisip kung paano gusto ng Diyos na gawin ko ang tungkulin ko. Humarap ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, natatakot akong hindi ako magtatagumpay sa aking tungkulin at hindi Ka sasang-ayon, na maaapektuhan ang kinabukasan ko. Diyos ko, kung nasa maling landas ako, pakiusap, bigyan Mo ako ng kaliwanagan at ipakita Mo sa akin kung saan ako nagkakamali. O Diyos, gusto kong masiyahan Ka, pero hindi ko alam kung anong gagawin ko. Kailangan ko ang patnubay Mo.”

Isang araw, isang kapatid ang nagsabi sa akin na hindi niya alam kung paano hahanapin ang katotohanan kapag may mga problema siya at hindi siya sigurado kung paano gagawin nang maayos ang kanyang tungkulin. Hindi niya maunawaan ang sarili niyang kalagayan, kaya gusto niyang sabihin ko sa kanya kung paano iyon mas mauunawaan at kung anong gagawin kapag nagpakita siya ng katiwalian. Sinabi ko sa kanya na para maunawaan ang sarili nating kalagayan, kailangan nating pagnilayan ang sarili nating pag-iisip, at kung ang ating mga isipin, pananaw, layunin, at pag-uugali ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Kasunod noon, tinanong niya ako kung paano ako nagkaroon ng pag-unawa sa aking pag-iisip para pagnilayan at kilalanin ang aking sarili. Natigilan ako. Parang isang sampal sa mukha ang tanong niya. Hindi ko isinagawa iyon, kaya papaano ko siya matutulungan? Marami akong natapos na gawain, pero hindi ko hinanap ang katotohanan sa aking tungkulin. Nagkaroon ako ng maraming problema at nagbunyag ng maraming katiwalian, tulad ng kakulangan sa pasensya at pagmamahal habang sinusubukang suportahan ang mga bagong mananampalataya, at pinupuna ang pagganap ng mga lider sa gawain kapag kinukumusta ko ang kanilang gawain. Pakiramdam ko, walang nangyaring ayon sa gusto ko, pero hindi ko pinagnilayan o kinilala ang sarili ko. Akala ko, kailangan ko lang gawin ang tungkulin ko, at kapag mas marami akong ginawa, sasang-ayon ang Diyos at sapat na iyon. Kaya lubos kong isinantabi ang pagpasok sa buhay at hindi rin gumugol ng panahon sa mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko, ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay pag-aaksaya ng oras na pwede kong igugol sa aking tungkulin. Sa panlabas ay palagi akong abala, pero hindi ako taos-pusong gumugol para sa Diyos. Gumawa lang ako, nagtapos ng mga gawain. Hindi ko pinagnilayan ang sarili ko o hinanap ang katotohanan noong ako ay nasa masamang kalagayan. Pinabayaan ko ang pagpasok ko sa buhay at walang tamang relasyon sa Diyos. Ginawa ko ang tungkulin ko sa sarili kong paraan, sa paraang gusto ko. Sa puntong iyon, nag-alala ako sa sarili kong kalagayan. Inisip ko kung ano ang tingin sa akin ng Diyos, at kung sasang-ayunan Niya ang aking paghahanap.

Nang makita ang problema ko, sinabi ko sa kapatid na iyon, “Ganyan din ang problema ko. Pinanatili ko lang na abala ang sarili ko sa mga gawain, pero hindi ko nauunawaan ang sarili kong kalagayan. Maraming beses kong nakita na wala ako sa tamang kalagayan, pero binalewala ko lang ito. Hindi ko pinagninilayan ang sarili ko at wala akong pagpasok sa buhay.” Tapos magkasama naming binasa ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kung nais mong tunay na maging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kailangan mong gawin ang gawain ng sadyang pakikipagtulungan. Ibig sabihin, bawat isa sa inyo ay dapat gumugol ng panahon para sa inyong mga debosyon, isang panahon na maisasantabi ninyo ang mga tao, pangyayari, at bagay; panatagin ang inyong puso at patahimikin ang sarili ninyo sa harap ng Diyos. Lahat ay kailangang magkaroon ng indibiduwal na mga tala ng debosyon, na itinatala ang kanilang kaalaman tungkol sa salita ng Diyos at kung paano naaantig ang kanilang espiritu, malalim man ang mga iyon o mababaw; lahat ay kailangang sadyang payapain ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kung makapaglalaan ka ng isa o dalawang oras bawat araw sa tunay na espirituwal na buhay, madarama mo na ang buhay mo sa araw na iyon ay pinagyaman at ang puso mo ay magiging maningning at maaliwalas. Kung ipinamumuhay mo ang ganitong uri ng espirituwal na buhay araw-araw, mas magiging pag-aaring muli ng Diyos ang puso mo, ang iyong espiritu ay lalakas nang lalakas, ang iyong kundisyon ay patuloy na bubuti, mas makakaya mong tumahak sa landas kung saan umaakay ang Banal na Espiritu, at pagkakalooban ka ng Diyos ng mas maraming pagpapala. Ang layunin ng inyong espirituwal na buhay ay upang sadyang matamo ang presensya ng Banal na Espiritu. Hindi ito upang sumunod sa mga patakaran o magsagawa ng mga ritwal na pangrelihiyon, kundi upang tunay na kumilos na kasama ng Diyos, upang tunay na displinahin ang inyong katawan—ito ang dapat gawin ng tao, kaya dapat ninyong gawin ito nang buong pagsisikap(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Normal na Espirituwal na Buhay ay Inaakay ang mga Tao Patungo sa Tamang Landas). Tinulungan ako nitong makita na kailangan ko ng tamang espirituwal na buhay at ng panahon para sa mga salita ng Diyos gaano man ako kaabala, at pagnilayan kung ang mga ideya at kilos ko ba ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Pero hindi ako nakatuon sa pagbabasa o pagninilay sa mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko pa nga, aksaya sa oras ang mga debosyonal ko na pwede kong gamitin para sa gawain. Hindi ko hinanap ang katotohanan sa aking tungkulin o pinagnilayan kung ginagawa ko ba ang hinihingi ng Diyos. Hindi ko hinanap ang katotohanan noong nagkaroon ako ng mga problema, sa halip ay tumutok lang sa gawain, sinubukang tapusin ang mga bagay gamit ang sarili kong katalinuhan at karanasan. Minsan, kahit na nasa masamang kalagayan na ako at hindi ko maramdaman ang gawain ng Espiritu, pupwersahin ko pa rin ang sarili ko na magpatuloy. Mukha talaga akong abala, pero hungkag at madilim ang puso ko, at wala akong natutuhang kahit ano. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano kahalaga na kumain at uminom ng Kanyang mga salita, gawin ang mga debosyonal at pagnilayan ang sarili. Kung hindi natin babasahin ang mga salita ng Diyos, hindi natin masusuri ang sarili nating mga isipin at pag-uugali gamit ang mga ito, at hindi natin malalaman kung anong uri ng katiwalian ang ipinapakita natin. Tapos ang ating mga tiwaling disposisyon ay hindi na kailanman magbabago at hindi natin makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Medyo natauhan ako nang mapagtanto ko ang lahat ng ito. Natakot ako nang makita ang mga kalagayang pinagdaanan ko at ayoko nang patuloy na maging gano’n, sa halip ay gusto kong pagtuunan ang aking espirituwal na buhay habang ginagawa ang aking tungkulin, na magsagawa at pumasok sa mga salita ng Diyos.

Nagbasa kami ng ilan sa mga salita ng Diyos tungkol doon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung nais mong mapuri ng Diyos, kailangan mo munang tumakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas, buksan ang iyong puso sa Diyos at ibaling ito sa Kanya nang lubusan. Pupurihin ba ng Diyos ang mga bagay na ginagawa mo ngayon? Naibaling mo na ba ang puso mo sa Diyos? Ang mga nagawa mo ba ay mga bagay na hinihingi sa iyo ng Diyos? Naaayon ba ang mga iyon sa katotohanan? Suriin mo ang iyong sarili sa lahat ng oras at tumutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; ilatag mo ang nilalaman ng puso mo sa Kanyang harapan, mahalin mo Siya nang tapat, at matapat mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos. Ang mga taong gumagawa nito ay tiyak na tatanggap ng papuri ng Diyos.” “Kung namumuhay ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawa sa kanila. Kung ang mga tao ay hindi namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa mga gapos ni Satanas. Kung nabubuhay ang mga tao na may mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos, at kung nabubuhay ka sa kalagayang hinihingi ng Diyos, nabibilang ka sa Kanya, at ang Kanyang gawain ay maisasagawa sa iyo; kung hindi ka namumuhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay nabubuhay ka sa ilalim ng sakop ni Satanas, tiyak na namumuhay ka ayon sa katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka ayon sa mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi; kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong buhay ang Kanyang mga pahayag; saka ka lamang mapapabilang sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos). Pinagnilayan ko ang sarili ko batay sa mga salita ng Diyos. Masigasig ako sa aking tungkulin, pero ginawa ko ang lahat ayon sa sarili kong mga ideya. Lumihis ako sa mga salita ng Diyos, hindi naghanap ng katotohanan, at nakatuon lang sa aking gawain. Hindi iyon ang kalooban ng Diyos. Akala ko dati, hangga’t ibinibigay ko ang lahat ng makakaya ko sa aking tungkulin at nagbabayad ng mas maraming halaga, sasang-ayon ang Diyos, pero hindi iyon ganoon. Hindi lang sa mga panlabas na ambag tumitingin ang Diyos, sa halip ay tinitingnan Niya ang ating mga puso, umaasang kaya nating sundin ang Kanyang mga salita, hanapin ang katotohanan sa ating tungkulin, isagawa ang Kanyang mga salita, at takasan ang mga gapos ng katiwalian ni Satanas. Pero ginusto ko lang tapusin ang mga bagay-bagay. Hindi ko hinanap ang katotohanan, ni inisip ang katiwaliang ipinakita ko, o isinagawa ang mga salita ng Diyos. Noon ko nakitang nasa maling landas ako, at ang pagpapatuloy sa daang iyon ay magiging mapanganib—hindi kailanman sasang-ayon ang Diyos.

Mayamaya, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbubunyag kay Pablo, na nakatulong sa akin na maunawaan ang mga problema sa sarili kong paghahanap. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: ‘Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magdusa para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at tuparing mabuti ang aking tungkulin.’ Pinangingibabawan ito ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili sa kabuuan para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Diyos at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ang kanilang pagkaunawa ng ilang salita ng doktrina na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos, na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos, at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at tiyak na tatanggap ng pinakadakilang mga pagpapala sa tahanan Niya. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay mabibilang sila sa mga taong higit na pinagpala ng Diyos—yaong mga nagtatamo ng pinakadakilang mga pagpapala—at sa gayon ay tiyak na pagkakalooban ng mga korona. Ito ang tiyakang nailarawan ni Pablo sa isip at kanyang hinangad; ito ang mismong landas na nilakaran ni Pablo, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang makasatanas na kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at pagkatapos lamang makamtan ito ay saka lamang sila mamumukod sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan; iniisip nila na kapag mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat ang kanilang mga tahanan at negosyo sa mga tiyak na antas. Hindi ba’t lahat ng hindi mananampalataya ay tumahak na sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: ‘Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos; dapat akong maging tapat sa harap Niya, at di maglalaon, tiyak na tatanggapin ko ang pinakamaringal na korona at ang mga pinakadakilang pagpapala.’ Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay; wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at sumasailalim din sa katulad na kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng karunungan, katayuan, pagkatuto, at mamukod-tangi sa madla; kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito; isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Dati-rati, iniisip ko na ang layunin ko sa tungkulin ko ay bigyang-kasiyahan ang Diyos, pero matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko na mali pala ako. Mukha akong masigasig sa tungkulin ko, pero hindi ko sinubukang makamit ang katotohanan o bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ginusto kong pagpalain ako ng Diyos at magkaroon ng magandang destinasyon. Akala ko, basta’t ginawa ko ang trabaho ko at nagbayad ng halaga, nagsumikap at mas nagdusa, sasang-ayon ang Diyos, at magkakaroon ako ng magandang destinasyon. Para sa mga pagpapala ng Diyos, kaya kong ipagpaliban ang aking pagkain at hindi masyadong matulog, at kahit pa nga magbawas ng oras sa mga debosyonal at pagbabasa ng mga salita ng Diyos para makatipid sa oras. Ginusto kong ipagpalit ang pagsusumikap ko sa gawain para sa isang magandang destinasyon sa hinaharap, tulad ng isang empleyadong nagtatrabaho para sa isang amo. Para itong pagtatrabaho para sumweldo mula sa isang employer. Naging transaksyunal ako sa Diyos sa aking tungkulin, niloloko ang Diyos. Gusto ng Diyos na maging taos-puso tayo sa ating tungkulin, hindi transaksyunal o palahingi, pero sinubukan kong makipagtawaran sa Diyos, para ipagpalit ang pagsusumikap ko para sa isang tiket papuntang langit. ’Yon din ang hinangad ni Pablo. Nakatuon lang si Pablo sa gawain, gustong makoronahan, magantimpalaan, pero hindi niya hinanap ang katotohanan o sineryoso man lang ang mga salita ng Diyos, lalong hindi niya sinubukan na baguhin ang kanyang sarili. Nasa isang landas siya na laban sa Diyos. Gano’n din ako—marami akong pagsusumikap, umaasa rin sa mas maraming pagpapala mula sa Diyos nang sa gayon ay makakuha ako ng mas magandang destinasyon. Nakita kong hindi ko hinanap ang katotohanan, o tunay na minahal ang Diyos, kaya paano ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos? Kung hindi ko binasa ang mga salita ng Diyos, hindi ko malalaman ang sarili kong katiwalian o na tinalikuran ko ang landas ng Diyos. Mayamaya, naisip ko ang mga kahihinatnan ng mga lider na tumatahak sa maling landas at nakita ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ano ang sanhi ng paglitaw ng kategorya ng mga tao na mga pinuno at manggagawa, at paano sila lumitaw? Sa malaking antas, kailangan sila para sa gawain ng Diyos; sa mas maliit na antas, kailangan sila para sa gawain ng iglesia, kailangan sila ng hinirang na mga tao ng Diyos. … Ang kaibahan sa pagitan ng kanilang tungkulin at ng sa ibang tao ay ang natatanging katangian ng sa kanila. Anong natatanging katangian iyon? Ang pangunahing binibigyang-diin ay ang tungkulin ng pamumuno. Halimbawa, gaano man karami ang mga tao na nasa isang iglesia, ang lider ang pinuno. Ano ang ginagampanang papel ng lider na ito sa mga miyembro? (Siya ang namumuno.) Pinamumunuan niya ang lahat ng hinirang sa iglesia. Ano ang epekto niya sa buong iglesia? Kung tumahak ang lider na ito sa maling landas, magkakaroon ito ng malaking epekto sa lahat ng hinirang sa iglesia: Susundan nilang lahat ang lider sa pagtahak sa maling landas. Katulad ito ng kung paano pinamunuan ni Pablo ang lahat ng iglesiang itinatag niya at ang mga tao na pinangaralan niya ng ebanghelyo at pinagbagong-loob; noong naligaw si Pablo, naligaw rin ang mga iglesia at tao na pinamunuan niya. Kapag naliligaw ang mga lider, hindi lang sila ang naaapektuhan; ang lahat ng kapatid na saklaw ng kanilang pamumuno ay naaapektuhan din(“Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Tumawag sa pansin ko ang mga salita ng Diyos na ang landas na tinahak ko bilang isang lider ay talagang mahalaga. Ang pag-uugali ko patungkol sa katotohanan, ang landas na aking tinahak, at kung paano ko ginawa ang tungkulin ko ay may direktang epekto sa pagpasok ng iba. Kung maling landas ang tinahak ko, kasama kong maaakay ang iba. Bilang isang lider, responsibilidad kong gabayan ang mga kapatid sa kanilang paghahanap sa katotohanan, pero nakatuon ako sa gawain sa halip na sa paghahanap sa katotohanan. Isinantabi ko ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at paghahanap ng katotohanan, inilayo ang sarili ko sa Diyos. Hindi ako nakatuon sa sarili kong pagpasok sa buhay, kaya paano ko maaakay ang mga kapatid para hanapin ang katotohanan? Maaakay ko lang sila sa parehong landas ng kay Pablo, at kung sa huli ay maalis sila dahil hindi nila hinahanap ang katotohanan, magiging kasamaan ko ’yon, at masisira ko ang pagkakataon nila sa kaligtasan. Ang gano’ng uri ng gawain ay hindi paggawa ng mabuti, sa halip ay paggawa ng kasamaan at paggawa ng laban sa Diyos! Napagtanto ko rin kung gaano kapanganib na basta na lang akayin ang iba na gumawa ng panlabas na gawain, pero inilalayo ang ating mga sarili sa Diyos at sa katotohanan. Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang aking katiwalian at ipinakita sa akin ang tamang landas ng paghahanap at ang responsibilidad ng isang lider. Alam kong kailangan kong mas pagtuunan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, paghahanap ng katotohanan, at paglutas sa aking katiwalian. Sa gayon ay hindi ko tatahakin ang maling landas.

May nabasa pa akong dalawang sipi kalaunan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga patutunguhan nina Pablo at Pedro ay nasukat ayon sa kung kaya nilang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga nilalang ng Diyos, at hindi ayon sa laki ng kanilang ambag; ang kanilang mga patutunguhan ay natutukoy ayon doon sa kanilang hinangad sa simula pa lamang, hindi ayon sa kung gaano kalaking gawain ang kanilang ginawa, o sa pagtantiya ng ibang mga tao sa kanila. Kaya nga, ang paghahangad na aktibong gampanan ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilalang ng Diyos ang landas tungo sa tagumpay; ang paghahangad sa landas ng tunay na pagmamahal sa Diyos ang pinakatamang landas; ang paghahangad sa mga pagbabago sa dating disposisyon ng isang tao, at paghahangad ng dalisay na pagmamahal sa Diyos, ang landas tungo sa tagumpay. Ang landas na iyon tungo sa tagumpay ang landas ng pagbawi sa orihinal na tungkulin gayundin sa orihinal na anyo ng isang nilalang ng Diyos. Ito ang landas ng pagbawi, at ito rin ang layunin ng lahat ng gawain ng Diyos mula simula hanggang katapusan. Kung ang paghahangad ng tao ay nababahiran ng personal na maluluhong paghiling at hindi makatwirang mga pag-asam, ang epektong natatamo ay hindi ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao. Salungat ito sa gawain ng pagbawi. Walang duda na hindi ito ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu, kaya nga nagpapatunay ito na ang ganitong klaseng paghahangad ay hindi sinang-ayunan ng Diyos. Ano ang kabuluhan ng isang paghahangad na hindi sinang-ayunan ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Tinulungan ako nitong maunawaan na hindi itinatakda ng Diyos ang ating kahihinatnan batay sa dami ng ating mga ambag, ating gawain, o pagdurusa. Hindi Niya kailanman sinabing pinagpapala Niya tayo batay sa kung gaano karami ang ating ginawa o na ang ating pagpapakahirap ay magdadala sa atin ng isang magandang destinasyon. Pero iniisip ko dati na basta’t nagsumikap ako, ginawa ang aking tungkulin, at mas nag-ambag, makakamit ko ang pagsang-ayon ng Diyos at magkakaroon ng magandang destinasyon. Kaya talagang masigasig ako sa gawain ng iglesia at paglutas ng mga problema ng iba, at handang-handa akong magdusa para sa aking tungkulin. Pero ipinakita sa akin ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na mali ang pananaw ko, na itinatakda ng Diyos ang ating kahihinatnan batay sa kung hinahanap natin ang katotohanan at may personal na pagbabago. Tulad na lang ni Pablo—gumugol siya ng maraming pagsisikap, gumawa ng maraming gawain, at lubos na nagdusa, at nagtayo ng marami-raming iglesia. Inisip ng mga tao na gumawa siya ng malalaking ambag, pero ang kanyang motibasyon ay para magantimpalaan, makoronahan, kaya ang lahat ng pagsusumikap na kanyang iginugol ay hindi nakakuha ng pagsang-ayon ng Diyos. Inalis siya ng Diyos dahil hindi niya kailanman binago ang kanyang disposisyon. Pero kahit na hindi gumawa ng maraming gawain si Pedro, pinagtuunan niya ang paghahanap sa katotohanan at pagninilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos. Isinagawa niya ang mga salita ng Diyos at sa huli ay nakamit ang pagbabago ng disposisyon. Ang kanyang paghahanap ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Dati-rati, hindi ko maunawaan ang pamantayan ng Diyos sa pagtukoy sa kahihinatnan ng mga tao, sa halip ay may mga sarili akong kuru-kuro sa pananampalataya. Akala ko, dadalhin ako ng pagsusumikap sa kaharian ng Diyos, at gusto kong ipagpalit ang kaunti kong pagsisikap para sa isang magandang destinasyon. Walang kinalaman ang paghahangad na iyon sa Diyos. Hindi ko hinanap ang katotohanan nang may dalisay na puso para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at nawalan ng kahulugan ang pananampalataya ko sa gano’ng uri ng paghahanap. Gaano man ako mukhang abala, hindi ko binago ang tiwali kong disposisyon. Puno pa rin ako ng kayabangan, kasakiman, pagmamataas, inggit, at katusuhan. Paanong ang isang taong tulad ko na puno ng satanikong katiwalian ay magkakaroon ng magandang destinasyon? At sa aking tungkulin, hindi ako nakatuon sa pagninilay sa sarili o paghahanap sa kalooban ng Diyos. Hindi ko ginawa ang hinihingi ng Diyos, kaya paano aayon sa kalooban ng Diyos ang gawain ko? Ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos ay binigyan ako ng ilang pag-unawa sa maling diskarte ko sa paghahanap. Kung wala iyon, bulag pa rin akong magpapakapagod, puno ng panlilinlang at transakyunal na pag-iisip, at ang paghahanap na iyon ay magiging daan lang para labanan ko ang Diyos at maparusahan sa huli. Matapos makita ang kahalagahan ng paghahanap sa katotohanan, sinimulan kong baguhin ang mali kong paghahanap, ayaw nang mamuhay sa isang kalagayan ng pagganap lang sa gawain.

Pagkatapos niyon, gaano man ako kaabala, maglalaan ako ng oras para kainin at inumin ang mga salita ng Diyos araw-araw at sinubukang maranasan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng aking tungkulin. Kapag nagkakaroon ako ng mga problema, naghahanap ako ng mga prinsipyo ng katotohanan, at nagbabahagi ako tungkol sa katotohanan para tulungan ang iba sa kanilang mga problema. Sa pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, hindi na ako masyadong nalito at mas may direksyon na sa tungkulin ko. At dati-rati, kapag abala ang mga bagay-bagay, nag-aalala akong hindi ako mabilis gumawa, na maaapektuhan ang destinasyon ko kung hindi maayos ang paggawa ko, pero ngayon, hindi na ako masyadong balisa kapag marami akong gawain. Una, hinahanap ko ang mga prinsipyo ng katotohanan para makita kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kapag nakikipagtulungan ako sa Diyos sa gayong paraan, nakikita ko ang Kanyang patnubay, at paganda nang paganda ang nakukuha kong resulta. At minsan, napansin kong medyo pasibo sa kanilang tungkulin ang mga kapatid at talagang nadismaya ako at nagalit. Gumugol ako ng napakaraming oras sa pagbabahagi sa kanila, pero walang nangyari. Ang ilan sa kanila ay talagang pasibo pa rin at pinapabagal nito ang pag-unlad namin. Kaya humarap ako sa Diyos sa panalangin tungkol sa kung bakit ako nagagalit, at ano talaga ang motibasyon ko. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita ko na gano’n ang nararamdaman ko dahil iniisip kong magmumukha akong masama kapag hindi ako nakakuha ng magagandang resulta at baka mawala sa akin ang posisyon ko. Noon ko napagtantong ’yon ang katiwalian ko. Kailangan kong talikdan ang laman para sa katotohanan. Hindi mahalaga ang reputasyon at katayuan ko. Anuman ang isipin ng iba sa akin o mayroon man akong tungkulin sa pamumuno, kailangan kong gawin ang tungkulin ko. ’Yon lang ang mahalaga. Kaya siniyasat ko ang dahilan sa likod ng pagiging pasibo nila at tiningnan kung ano ang pag-uugali nila sa kanilang tungkulin. Magkakasama naming binasa ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagbabahagi, unti-unting bumuti ang kalagayan ng lahat, at mas marami silang nakamit. Ipinakita sa akin ng karanasang ito na ang paghahanap sa katotohanan ay ang tanging landas ng isang tunay na pananampalataya, ng pagsunod sa Diyos. Hindi ako pwedeng makontento lang na basta matapos ang mga bagay-bagay, sa halip ay kailangan kong basahin ang mga salita ng Diyos, danasin ang Kanyang gawain, at hanapin ang pagbabago ng disposisyon. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Sugat na Hindi Gumagaling

Ni Li Zhen, Tsina Alas-singko noon nang umaga noong Nobyembre ng 2018 bigla akong nakarinig ng malakas na pagkatok sa pinto. Nang buksan...

Leave a Reply