L. Tungkol sa Paano Maglingkod sa Diyos at Magpatotoo sa Kanya
469. Mula pa sa simula ng gawain Niya sa sansinukob, paunang itinadhana ng Diyos ang maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong mula sa lahat ng uri ng pamumuhay. Ang pakay Niya ay tugunan ang Kanyang mga layunin at tapusin nang maayos ang Kanyang gawain sa lupa; ito ang pakay ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niya. Sa pamamagitan ng gawain Niyang ito, mas nakikita ng mga tao ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Ang Diyos ay tunay na pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain, upang makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo, na grupong ito ng mga tao, ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay ngang iniangat kayo ng Diyos. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Ang paglilingkod sa Diyos ay hinding-hindi gaya ng iniisip ng tao, na tungkol lamang sa pagkakaroon ng sigasig. Ngayon nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil taglay nila ang patnubay ng Diyos at ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil sila ay mga taong naghahangad na matamo ang katotohanan. Ang mga ito ang pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
470. Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan ng sukdulang katapatan sa Diyos. Kumikilos ka man sa pribado o sa harap ng publiko, nagagawa mong makamit ang kagalakan ng Diyos sa harap ng Diyos, nagagawa mong manindigan sa harap ng Diyos, at paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, lagi mong tinatahak ang landas na dapat mong tahakin, at isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang damhin ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang pakinabang o kawalan ng kanilang kinabukasan sa hinaharap—kahit na ang kinabukasan nila ay na wala silang makakamit, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging mananampalataya sa Diyos nang may magpagmahal-sa-Diyos na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga pinagkakatiwalaan; ang mga pinagkakatiwalaan lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkabalisa, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay makirot at mahina, natitiis nila ang kirot at tinatalikdan iyong minamahal nila upang mapalugod ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga tagapaglingkod ng Diyos na naaayon sa Kanyang mga layunin, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos. Kapag ikaw ay tunay na naging kaniig ng Diyos ay kung kailan ka talaga mamumuno na kasama ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
471. Ang isang taong tunay na pinaglilingkuran ang Diyos ay isang taong naaayon sa mga layunin ng Diyos, na angkop para gamitin ng Diyos, at na nagagawang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro. Kung nais mong maging mabisa ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos, dapat mong bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, mas lalong kinakailangang bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at magpasakop sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na taglay ng isang taong pinaglilingkuran ang Diyos. Kung salat ka sa kaalamang ito, sa sandaling maglingkod ka, magdudulot ka ng paggambala at mga kaguluhan, at kung kumakapit ka sa mga kuru-kuro mo, walang pagsalang patutumbahin ka ng Diyos, at hindi na kailanman makakabangon pa. Kunin ang kasalukuyan, bilang halimbawa: Marami sa mga pagbigkas at gawain sa ngayon ang di-kaayon sa Bibliya at sa gawaing dating ginawa ng Diyos, at kung wala kang pagnanais na magpasakop, maaari kang bumagsak anumang oras. Kung nais mong maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at iwasto ang sarili mong mga pananaw. Marami sa mga sasabihin ay magiging di-kaayon ng sinabi noong nakalipas, at kung ngayon ay wala kang kahandaang magpasakop, hindi mo magagawang lakarin ang landas na hinaharap. Kung ang isa sa mga kaparaanan ng paggawa ng Diyos ay nag-ugat na sa loob mo at hindi mo kailanman binibitawan ito, ang kaparaanang ito ang magiging relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay may kakayahang maging buhay mo, hindi ka na magkakaroon pa ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Yaong mga nagtataglay ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi susunod sa mga patakaran.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
472. Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ka dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong katangian, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay maikaklasipika bilang mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng karanasan nila sa loob ng maraming taon upang kunin ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, sasakalin ng mga ito ang buong buhay mo. Hindi ka sasang-ayunan ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa pagtatrabaho, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.
Simula ngayon, pormal na gagawing perpekto ng Diyos ang mga walang kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga handang isantabi ang mga lumang bersyon ng sarili nila, at ang mga nagpapasakop sa Diyos sa isang matapat na pamamaraan. Gagawin Niyang perpekto ang mga nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay dapat manindigan at maglingkod sa Diyos. Sa Diyos, mayroong walang-katapusang kasaganaan at walang-hangganang karunungan. Ang Kanyang kahanga-hangang gawain at mahahalagang salita ay naghihintay na matamasa ng mas marami pang tao. Sa ngayon, ang mga taong may mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga nag-aakalang nakatataas sila, at ang mga hindi maisantabi ang kanilang mga sarili ay nahihirapang tanggapin ang mga bagong bagay na ito. Walang pagkakataon ang Banal na Espiritu na gawing perpekto ang mga taong ito. Kung ang isang tao ay wala ng determinasyon na magpasakop, at hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos, wala siyang paraan para matanggap ang mga bagong bagay na ito; siya ay patuloy lamang na magiging mas mapanghimagsik, patuloy na magiging mas tuso, at dahil dito ay hahantong siya sa maling daan. Sa paggawa Niya ng Kanyang gawain ngayon, mas maraming iaangat ang Diyos na mga tao na tunay na nagmamahal sa Kanya at kayang tumanggap ng bagong liwanag, at lubos Niyang pababagsakin ang mga pinuno ng relihiyon na nagpapalagay na nakatataas sila; hindi Niya nais ang ni isa sa mga matitigas ang ulo na lumalaban sa pagbabago. Nais mo bang maging isa sa mga taong ito? Naglilingkod ka ba ayon sa sarili mong mga kagustuhan, o sa hinihiling ng Diyos? Isa itong bagay na dapat ay ikaw mismo ang makaalam. Isa ka bang pinuno ng relihiyon, o isa ka bang bagong-silang na sanggol na ginawang perpekto ng Diyos? Gaano karami sa paglilingkod mo ang sinasang-ayunan ng Banal na Espiritu? Gaano karami rito ang hindi man lamang pagkakaabalahang tandaan ng Diyos? Gaano kalaking pagbabago ang naganap sa buhay mo bilang resulta ng lahat ng taon mo ng paglilingkod? Malinaw ba sa iyo ang lahat ng ito? Kung tunay kang nananampalataya, iwawaksi mo ang mga dati mong kuru-kuro tungkol sa relihiyon na mula pa sa nakalipas, at paglilingkuran mo nang mas mabuti ang Diyos sa isang bagong paraan. Hindi pa huli ang lahat para manindigan ngayon. Kayang mapawalan ng saysay ng mga dating kuru-kuro tungkol sa relihiyon ang buhay ng isang tao. Ang karanasang natatamo ng isang tao ay maaaring maglayo sa kanya sa Diyos at magpagawa sa kanya ng mga bagay ayon sa sarili niyang pamamaraan. Kung hindi mo isasantabi ang mga bagay na ito, magiging sagabal ang mga ito sa paglago mo sa buhay. Palaging ginagawang perpekto ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya, at hindi Niya sila itinitiwalag nang basta-basta na lamang. Kung tunay mong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung isinasantabi mo ang mga dating kaugalian at patakaran ng relihiyon, at tumigil sa paggamit ng mga dati mong kuru-kuro tungkol sa relihiyon bilang panukat ng mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, saka ka lamang magkakaroon ng kinabukasan. Ngunit kung kumakapit ka sa mga lumang bagay, kung pinahahalagahan mo pa rin ang mga ito, walang paraan para mailigtas ka. Hindi pinapansin ng Diyos ang ganitong mga tao. Kung talagang nais mong magawang perpekto, dapat kang magpasya na ganap na talikuran ang lahat ng bagay mula sa nakaraan. Kahit pa tama ang nagawa noon, kahit pa ito ay gawain ng Diyos, dapat mo pa ring isantabi ito at itigil ang pagkapit dito. Kahit pa malinaw na gawain ito ng Banal na Espiritu, tuwirang ginawa ng Banal na Espiritu, ngayon ay dapat mo itong isantabi. Hindi mo ito dapat panghawakan. Ito ang hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay dapat mapanibago. Sa gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos, hindi Niya binabanggit ang mga lumang bagay na naganap noon, hindi Niya hinuhukay ang lumang almanak; ang Diyos ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Siya kumakapit kahit sa sarili Niyang mga salita mula sa nakaraan—na nagpapakita na ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga regulasyon. Kaya kung ikaw, bilang isang tao, ay palaging kumakapit sa mga bagay mula sa nakaraan, kung tumatanggi kang pakawalan ang mga ito, at mahigpit mong ginagamit ang mga ito na para bang pormula, samantalang ang Diyos ay hindi na gumagawa gamit ang mga paraang ginamit Niya noon, hindi ba’t nakagagambala ang mga salita at kilos mo? Hindi ba’t antagonistiko sila sa Diyos? Hahayaan mo bang masira ang buong buhay mo dahil sa mga lumang bagay na ito? Ang mga lumang bagay na ito ay gagawin kang isang taong gumagambala sa gawain ng Diyos—ito ba ang uri ng tao na nais mong maging? Kung talagang hindi mo iyon ninanais, itigil mo agad ang iyong ginagawa at ituwid ang iyong sarili; magsimula kang muli. Hindi tatandaan ng Diyos ang paglilingkod mo noon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
473. Ang lahat ng tao na may determinasyon ay maaaring maglingkod sa Diyos—subalit ang mga nagpapakita ng pagsasaalang-alang lamang sa mga layunin ng Diyos at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos ang mga kalipikado at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko na ito sa inyo: Maraming tao ang naniniwala na hangga’t sila ay maalab na nangangaral ng ebanghelyo para sa Diyos, humahayo para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Mas marami pang relihiyosong tao ang naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Bibliya habang paroo’t parito, pangangaral sa ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay binubuo ng pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kasulatan ng Bibliya. Higit pa rito, may mga tao sa naghihirap na mga rehiyon na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa kanilang mga kapatid o pananalangin para sa kanila, o paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatid na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagkakaroon ng pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Ngunit iilang tao ang nakakaalam kung ano talaga ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang makapaglilingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo naiintindihan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at labis na kakaunti ang nauunawaan ninyo sa kung paano maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang alinsunod sa Kanyang mga layunin.
Kung nais ninyong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan muna ninyong maunawaan kung anong klaseng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang kalipikadong maglingkod sa Diyos. Kahit ang kaalamang ito man lamang ay dapat na masangkapan kayo. Dagdag pa rito, dapat ninyong malaman ang mga mithiin ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos sa kasalukuyan. Matapos unawain ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong magkaroon ng pagpasok, at tumanggap muna ng atas ng Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag tunay na ninyong nalalaman ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging kalipikadong maglingkod sa Diyos. At kapag kayo ay naglilingkod sa Kanya, binubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata, at tinutulutan kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at mas malinaw itong makita. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at praktikal, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay magagawang lumakad sa mga iglesia at maghandog ng panustos sa inyong mga kapatid, upang ang bawa’t isa sa inyo ay makahuhugot ng lakas sa isa’t isa upang mapunan ang inyong sariling mga kakulangan, at makapagtamo ng mas mayamang kaalaman sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong pagseserbisyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
474. Iyong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng praktikal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagkaarok at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang nararapat maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagagawang tustusan ng buhay ang mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo sa buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Iyong mga gumaganap sa tungkuling ito ay binigyan ng tagubiling bumalikat ng mabigat na responsibilidad, na hindi kakayaning gawin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga iyon na may kahulugan ang buhay, ibig sabihin, iyong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring gawin ng kahit sino na maaaring magbitiw, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa natabasan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, ang mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng pagkatao. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, ititiwalag sila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
475. Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong nakatuon sa iisang panig; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos; higit pa rito, ang gawaing ito ay may kinalaman sa ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, hindi interesado ang tao sa anupamang patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kung bakit may isang panig lang din ang pagpasok ng tao. Ang pagpasok ninyong lahat ay dapat magsimula sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam ninyong maranasan ang lahat ng aspekto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng mga tao ng kanilang katapatan sa Diyos at sa kanilang kaalaman sa Diyos upang magpatotoo tungkol sa Diyos, at magministeryo din sa tao. Ito ang responsabilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo tungkol sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit hindi pinapansin ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya yaong mga naglilingkod sa Diyos ay naging yaong mga lumalaban sa Diyos. …
Gumagawa ang isang tao upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, upang dalhin ang lahat ng naaayon sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang harapan, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at gabay ng Diyos sa tao, at sa gayon ay napeperpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Samakatwid, kinakailangan na lubusang malinaw sa inyo ang diwa ng gawain. Bilang isang taong kinakasangkapan ng Diyos, lahat ng tao ay karapat-dapat na gumawa para sa Diyos, ibig sabihin, lahat ay may pagkakataong kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Gayunman, may isang punto kayong kailangang matanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawaing iniatas ng Diyos, nabigyan na ng pagkakataon ang tao na kasangkapanin ng Diyos, ngunit ang sinasabi at alam ng tao ay hindi ang buong tayog ng tao. Ang tanging magagawa ninyo ay mas alamin ang inyong mga kakulangan habang ginagawa ninyo ang inyong gawain, at magkaroon ng higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, mas mahusay kayong makakapasok sa panahon ng inyong gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)
476. Ang paglilingkod na hiwalay sa pinakabagong mga pagbigkas ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na ayon sa mga layunin ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at ang pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagbigkas ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagrerebelde ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
477. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging lipas na sa panahon ang pagsasagawa mo, walang iba kundi seremonyang pangrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang ganitong pagsasagawa ay naging mapagkunwaring pagtatanghal. Tumutukoy sa mga bagay na lipas na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag na tuwirang ibinunyag ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang pangungulila ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nababatid mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo kayang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
478. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga ipinapahiwatig ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting layunin, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinapatalsik sila mula sa sambahayan ng Diyos, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay tapos na. Ginagawa ng mga taong ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting layunin, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, walang saysay na iniisip na magagamit ang mga ito rito nang napakadali. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa pagiging katapatang-loob ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkasuklam at pagkapoot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
479. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang sigla nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang pag-iisip, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na saloobin, at tunay ngang ang dati nilang kalikasan, ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na kaalaman tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal at malabong Diyos. Ang matibay na pasiya nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting katangian ng kanilang pagkatao. Kahit naniniwala sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila nagdaraan sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit naniniwala sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng walang pinipiling paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya nang sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba lahat sila ay hindi pa lubusang nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong pag-iisip, iyong kaalaman tungkol sa buhay, at iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang pambihira sa iyong paglilingkod!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)
480. Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil nagawa Niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo—na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: “Diyos Ama! Ganapin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Mo dapat alalahanin siya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pagmamalasakit, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang matugunan ang mga layunin ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging gumagawa ng mga plano alang-alang sa mga layunin ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang serbisyo sa harap ng Diyos na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at ipinasakatuparan iyon sa Kanya, at Siya ay kalipikado at nararapat na tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, ngunit hindi Siya kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayon kahalagang gawain dahil may tiwala ang Diyos sa Kanya, at minamahal Siya, kaya nga personal na sinabi ng Diyos: “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa atas na ito, at ito ay isang praktikal na aspekto ng pagkompleto ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.
Kung, katulad ni Jesus, nagagawa ninyong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, at maghimagsik laban sa inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mahahalagang gawain, upang inyong matugunan ang mga kondisyong kinakailangan sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga kalagayan lamang kayo mangangahas magsabi na sumusunod kayo sa kalooban ng Diyos at tinatapos ang Kanyang atas, at saka lamang kayo mangangahas magsabi na kayo ay tunay na naglilingkod sa Diyos. Kumpara sa halimbawa ni Jesus, nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay kaniig ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na sumusunod ka sa kalooban ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay tunay na naglilingkod sa Diyos? Ngayon, hindi mo nauunawaan kung paano paglingkuran ang Diyos, ikaw ba ay nangangahas sabihin na kaniig ka ng Diyos? Kung sinasabi mong naglilingkod ka sa Diyos, hindi mo ba Siya nilalapastangan? Pag-isipan ito: Ikaw ba ay naglilingkod sa Diyos, o sa iyong sarili? Naglilingkod ka kay Satanas, ngunit nagmamatigas kang sabihin na naglilingkod ka sa Diyos—sa ganito, hindi mo ba nilalapastangan ang Diyos? Maraming tao sa Aking likuran ang nagpapakasasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakabundat sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, na pinipigilan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sumusunod sila sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang motibasyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong motibasyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa ganoong mga tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi silang baliko at mapanlinlang at mapandaya sa kanilang mga kapatid, na mga doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos
481. Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa kay Moises at higit pa kay David, kung kaya’t hinihiling Ko na ang inyong patotoo ay malampasan ang kay Moises at ang inyong mga salita ay maging higit pa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t hinihiling Ko rin sa inyo na katumbas noon ang ibalik sa Akin. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking ipinapadala sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo sa Akin at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong inorden. Mapalad kayo na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at ang inyong tungkulin ay ang magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo magagampanan ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, pag-ibig, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; sa puntong ang naunawaan nila ay pawang katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Nahigitan ng nakita ninyo maging ang mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa kanila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang batas ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natangap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang larawan lamang ni Jesus sa loob ng tahanan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng Aking mga gawa sa araw na ito. Gayundin, narinig na ninyo ang mga salita ng Aking Espiritu, pinahalagahan ang Aking karunungan, nasaksihan ang Aking kamanghaan, at natutunan ang Aking disposisyon. Nasabi Ko na rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nasaksihan ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at maawaing Diyos, kundi isang Diyos na puspos ng katuwiran. Nakita na ninyo ang Aking nakamamanghang gawain at nalaman ninyong puno Ako ng kamahalan at poot. Higit pa rito, batid ninyong minsan na Akong nagdala ng Aking nag-aalab na poot sa sambahayan ng Israel, at ngayon, nakarating na ito sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa kina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi isang pangitain at paghahayag na higit pa kaysa kay Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, ang inyong pang-unawa ay ukol sa nauna at nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, at ang lahat ng ito ay personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at marami na ang nakita ninyo sa Akin. Samakatwid, hinihiling Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?
482. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pag-ibig at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pag-ibig, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ibigay sa Akin ang tanging kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo ng Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin lamang, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka magpapatotoo sa Akin? Papaano ka magiging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Higit pa rito, ang pagkastigo sa kasalukuyan ay upang isakatuparan ang susunod na hakbang ng Aking gawain at upang pahintulutang sumulong nang walang hadlang ang gawain. Kaya itinatagubilin Ko sa iyo na maging matalino at huwag tratuhin ang iyong buhay o ang kahalagahan ng iyong pag-iral na parang walang kabuluhang buhangin. Malalaman mo bang tiyak kung ano ang darating na gawain Ko? Alam mo ba kung paano Ako gagawa sa mga darating na araw at kung paano maisasakatuparan ang Aking gawain? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng iyong karanasan sa Aking gawain, at bukod pa rito, ang kabuluhan ng iyong pananalig sa Akin. Marami na Akong nagawa; paano Ako susuko sa kalagitnaan ayon sa iyong palagay? Malawak na ang gawaing nagampanan Ko; paano Ko iyon mawawasak? Sa katunayan, naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito. Ito ay totoo, ngunit higit pa rito, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, upang magsimula ng bagong gawain, at, higit sa lahat, upang palaganapin ang ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang gawain ngayon ay para lamang simulan ang isang kapanahunan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas sa kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, hindi rin ito kasing walang halaga o walang kahulugan gaya ng pinaniniwalaan mo. Samakatwid, dapat Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ibigay ang iyong buhay sa Aking gawain, at bukod dito, dapat mong italaga ang iyong sarili sa Aking kaluwalhatian. Matagal Ko nang hinahangad na magpatotoo ka sa Akin, at higit Kong hinahangad na palaganapin mo ang Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?
483. Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop at nagtataglay ng kabuluhan ng kapanahunang iyon? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos? Paano mo sasabihin ang iyong nakita at naranasan sa mga taong nakakaawa, dukha, at debotong relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na ipastol sila? Anong uri ng mga tao ang naghihintay sa iyo na ipastol sila? Naiisip mo ba? Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong kamalayan sa makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon ng susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam ng pagiging pinuno? Paano dapat ipaliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pag-usad ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na pastulin sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at hindi alam ang gagawin, tumatangis sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, upang biglang bumaba at itaboy ang mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sila ay balisang umaasa, at nananabik, araw at gabi, para dito—sino ang ganap na makaaalam nito? Kahit sa araw na nagdaraan nang mabilis ang liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagtangis? Malubha ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang nananatiling nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa tunog ng kanilang pagtangis? Sino na ang nakakita sa kanilang miserableng kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdurusa ng gayong pagpapahirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang makakaalam na matagal nang nalason ng masama ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, na iligtas ang mga natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang kadugo’t laman? Paano mo ba mismo maaarok ang paggamit sa iyo ng Diyos upang maipamuhay mo ang iyong ekstraordinaryong buhay? Talaga bang mayroon kang determinasyon at pananalig na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong madasalin at mapaglingkod sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?
484. Ang pagpapatotoo sa Diyos, sa pangunahin, ay patungkol sa pagsasalita tungkol sa iyong kaalaman sa gawain ng Diyos, kung paano nilulupig ng Diyos ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung paano Niya binabago ang mga tao; patungkol ito sa pagsasalita kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, na nagtutulot sa kanila na malupig, maperpekto, at mailigtas Niya. Ang pagpapatotoo ay nangangahulugan ng pagsasalita tungkol sa Kanyang gawain at lahat ng naranasan mo. Tanging ang Kanyang gawain ang kayang kumatawan sa Kanya, at tanging ang Kanyang gawain ang kayang magbunyag sa Kanya sa publiko, sa Kanyang kabuuan; ang Kanyang gawain ay nagpapatotoo sa Kanya. Ang Kanyang gawain at mga pagbigkas ay direktang kumakatawan sa Espiritu; ang gawaing ginagawa Niya ay isinasakatuparan ng Espiritu, at ang mga salitang sinasambit Niya ay sinasalita ng Espiritu. Ang mga bagay na ito ay ipinapahayag lamang sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos, subalit, ang katunayan, mga pagpapahayag ito ng Espiritu. Lahat ng gawaing ginagawa Niya at lahat ng salitang sinasambit Niya ay kumakatawan sa Kanyang diwa. Kung, matapos bihisan ang Kanyang sarili ng laman at pumarito sa gitna ng tao, hindi nagsalita o gumawa ang Diyos, at pagkatapos ay inutusan kayong alamin ang Kanyang pagiging praktikal, Kanyang pagiging normal, at Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, magagawa mo ba? Magagawa mo bang alamin kung ano ang diwa ng Espiritu? Magagawa mo bang alamin ang mga katangian ng Kanyang katawang-tao? Dahil lamang sa naranasan ninyo ang bawat hakbang ng Kanyang gawain kaya Niya kayo hinihingan na magpatotoo tungkol sa Kanya. Kung wala kayong gayong karanasan, hindi Niya kayo pipiliting magpatotoo. Sa gayon, kapag nagpapatotoo ka sa Diyos, hindi mo lamang pinatototohanan ang Kanyang panlabas na normal na pagkatao, kundi pati na ang gawaing Kanyang ginagawa at ang landas kung saan Niya inaakay ang mga tao; patototohanan mo kung paano ka Niya nalupig at sa anong mga aspekto ka nagawang perpekto. Ito ang klase ng patotoo na dapat mong ibigay. … Sa paisa-isang hakbang, naranasan mo ang pagkastigo, paghatol, pagpipino, mga pagsubok, mga pagkabigo, at mga kapighatian, at nalupig ka na; naisantabi mo na ang kinabukasan ng laman, ang iyong mga personal na motibo, at ang mga personal na interes ng laman. Sa madaling salita, lubos nang nalupig ng mga salita ng Diyos ang iyong puso. Bagama’t hindi ka lumago sa iyong buhay na katulad ng hinihingi Niya, alam mo ang lahat ng bagay na ito at lubos kang kumbinsido sa ginagawa Niya. Kaya, maaari itong tawaging patotoo, patotoo na tunay at totoo. Ang gawaing ipinarito ng Diyos na gawin, ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ay para lupigin ang tao, ngunit tinatapos din Niya ang Kanyang gawain, winawakasan ang kapanahunan, at isinasakatuparan ang gawain ng pagtatapos. Winawakasan Niya ang buong kapanahunan, inililigtas ang buong sangkatauhan, ganap na pinalalaya ang sangkatauhan mula sa kasalanan; lubos Niyang natatamo ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha. Dapat mong patotohanan ang lahat ng ito. Napakarami mo nang naranasan sa gawain ng Diyos, nakita na ito ng sarili mong mga mata at personal mo itong naranasan; huwag mong hayaan na kapag nakaabot ka na sa pinakadulo, hindi mo na magampanan ang tungkuling nakaatas sa iyo. Sayang iyon! Sa hinaharap, kapag pinalalaganap ang ebanghelyo, dapat mong makayang magsalita tungkol sa sarili mong kaalaman, magpatotoo sa lahat ng iyong natamo sa puso mo, at gawin ang lahat. Ito ang dapat maabot ng isang nilikha. Ano ang aktuwal na kabuluhan ng yugtong ito ng gawain ng Diyos? Ano ang epekto nito? At gaano rito ang isinasakatuparan sa tao? Ano ang dapat gawin ng mga tao? Kapag nakakapagsalita kayo nang malinaw tungkol sa lahat ng gawaing nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao mula nang pumarito sa lupa, magiging husto ang inyong patotoo. Kapag nakakapagsalita ka nang malinaw tungkol sa limang bagay na ito: ang kabuluhan ng Kanyang gawain; ang mga nilalaman nito; ang diwa nito; ang disposisyon na kinakatawan nito; at ang mga prinsipyo nito, patutunayan nito na kaya mong magpatotoo sa Diyos, na tunay kang nagtataglay ng kaalaman. Ang Aking mga kinakailangan sa inyo ay hindi napakataas, at magagawa ng lahat ng nasa tunay na paghahangad. Kung naging determinado kang maging isa sa mga saksi ng Diyos, kailangan mong maunawaan kung ano ang kinapopootan ng Diyos at kung ano ang minamahal ng Diyos. Naranasan mo na ang marami sa Kanyang gawain; sa pamamagitan ng gawaing ito, kailangan mong malaman ang Kanyang disposisyon, maunawaan ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga kinakailangan sa sangkatauhan, at gamitin ang kaalamang ito upang magpatotoo tungkol sa Kanya at tuparin ang iyong tungkulin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)
485. Nagdudulot ng mga pakinabang at totoong karanasan ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos—kaya dapat kayong magpatotoo sa Diyos. Kapag nagpapatotoo sa Diyos, dapat pangunahin kayong magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano karaming katiwalian ang naibunyag ninyo sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, kung paano kayo tuluyang nalupig ng Diyos, kung gaano karaming tunay na kaalaman ang nakamit ninyo sa gawain ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos para suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang mga salitang ito, habang nagsasalita sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang tungkol sa mga hungkag na teorya. Magsalita kayo sa praktikal na paraan; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag kayong maghanda ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong labis na mapagmataas at walang-katwiran. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at tila pinakanararapat sa kanila. Dati, kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katwiran, na hindi nagpapatotoo para sa Diyos, kundi sa halip ay nagbibigay ng kahihiyan sa Diyos. Kung walang tunay na mga karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, imposible na makapagpatotoo para sa Diyos. Ang mga taong magulo at lito ang pananalig sa Diyos ay hindi kailanman makapagpapatotoo para sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahangad sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
486. Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, pagkilala, at halagang binayad. Saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga layunin. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka ba ng ganitong kapasyahan? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang imahe ng Kanyang mga tao na hinihingi Niya, isa kang saksi para sa Diyos. Paano ka nga ba nagpapatotoo sa Diyos? Kung hinahanap at kinasasabikan mong isabuhay ang salita ng Diyos, at magpatotoo gamit ang sarili mong bibig, upang malaman ng mga tao ang Kanyang gawain at makita ang Kanyang mga gawa—kung tunay mong hinahangad ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang perspektiba ng iyong pananalig sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo sa kung paano ka Niya dinidisiplina at pinupungusan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang mapagmahal-sa-Diyos na puso mo ay para lamang makapagkamit ka ng kaluwalhatian kasama ang Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo sa gawain ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong praktikal na maranasan ang lahat ng bagay na ito. Layon ng mga ito na gawin kang perpekto bilang isang saksi ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
487. Bagama’t ang inyong pananampalataya ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang lubusang makakapagbigay ng paliwanag sa Akin, walang sinumang makakapagbigay ng buong patotoo sa lahat ng katunayang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay pabaya sa inyong mga tungkulin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapasasa sa pagpapakasaya sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano kayo magpapatotoo sa lahat ng nakita ninyo? Talaga bang may kumpiyansa kayo na maaari kayong maging saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, kung gayon mawawalan ka na ng silbi bilang nilikha, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka tao! Napakarami na ng nagawa Kong gawain sa inyo, ngunit dahil wala kang natututuhan sa kasalukuyan, wala kang kamalayan sa anuman, at hindi ka epektibo sa iyong mga pagsusumikap, kapag panahon na para palawakin Ko ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Kung gayon, hindi ba’t maaalala ka sa kasaysayan bilang isang makasalanan? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba manlulumo? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa kawalang-gawain at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang inyong papel ay ang sumunod nang mahigpit, magpasakop, magbago, at magpatotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat maniwala sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay paunang itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo naniniwala sa Akin; dahil sa pagtatadhana ng Aking Ama kaya ninyo Ako sinusunod. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasiya. Ang mas mahalaga pa ay nauunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para magpatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa mga daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa mga daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking daan. Ito ang orihinal na layunin ng inyong pananampalataya sa Akin. Samakatuwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking mga daan. Gayunman, naniniwala lamang kayo sa Akin; hindi kayo sa Akin sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan ninyong sumunod sa Aking daan. Lahat ng ito ay para sa kapakanan ng patotoo sa hinaharap. Kung magiging mga tao lamang kayo na nakikinig sa Aking mga daan, hindi kayo magkakaroon ng halaga, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang pilit Kong sinasabi sa inyo ay ito: Dapat ninyong sumunod sa Aking daan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?