Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 1

Bakit Kinakailangang Kilatisin ang Mga Huwad na Lider

Ngayong natapos na nating pagbahaginan ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, pagbabahaginan naman natin ngayon ang isang bagong paksa—ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa mga taon na ito ng pananampalataya sa Diyos, naharap na kayo sa lahat ng uri ng mga pagpapamalas at pagsasagawa ng mga huwad na lider. Sa proseso ng pagtatanggal ng sambahayan ng Diyos sa mga huwad na lider sa lahat ng antas, karamihan ng mga tao ay nagkakamit ng kaunting pagkakilala sa mga huwad na lider; ibig sabihin, karamihan ng mga tao ay may kaunting pagkaunawa sa ilang partikular na pagpapamalas ng mga huwad na lider. Pero anuman ang pag-arok mo o gaano man karami ang nauunawaan mo, sa huli ay hindi ito sapat na sistematiko o partikular. Sa panahon ng mga halalan sa iglesia, maraming taong hindi nakakaunawa sa mga prinsipyo ng paghahalal ng mga lider, kung anong uri ng tao ang pipiliin bilang lider at kung anong uri ng tao ang, bilang lider, ay makakapagdala sa mga kapatid sa realidad ng mga salita ng Diyos, at isang kwalipikadong lider. Wala sila masyadong kamalayan o hindi masyadong malinaw sa kanila ang mga bagay na ito. May ilang tao pa ngang magulo ang isip at walang pagkilatis na tahasang naghahalal ng mga huwad na lider sa panahon ng mga halalan, pinipili ang sinumang parang huwad na lider habang bulag sa sinumang tunay na kwalipikado at kayang maging isang lider, na may kakayahan at pagkatao ng isang lider. Ang mga taong pundamental na walang kakayahan at pagkatao para maging mga lider ay nahahalal dahil sa panlabas na sigasig o ilang magandang pag-uugali nila, at dahil tumutugma sila sa mga kuru-kuro ng mga tao tungkol sa pagiging “mabuti,” habang ang mga taong talagang nagtataglay ng lahat ng kwalipikasyon para mamuno ay hindi kailanman mahahalal. Ang mga taong naghahangad ng kasikatan at masigasig na gumugugol ng sarili—pero pundamental na walang kakayahan—ay palaging makikita sa lahat ng uri ng kapaligiran, mukhang masyadong aktibo, at iisipin ng karamihan ng mga tao na kwalipikado at dapat mahalal ang ganitong klase ng tao. Ang resulta, pagkatapos mahalal ang ganoong mga tao, hindi nila kayang magpasan ng anumang gawain. Ni hindi nga nila magawang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, at hindi rin nila alam kung paano. Kahit na palagi silang buong-sigasig na nagpapakaabala, pagkatapos mamuno sa loob ng ilang panahon ay walang pagbuti at kaunti ang pag-usad ng alinman sa gawain ng iglesia, at madalas na nagkakaroon ng mga sitwasyon kung saan magulo ang gawain ng iglesia o hindi nagkakaisa ang mga tao, dahil sa panggugulo o pang-aagaw ng kapangyarihan ng masasamang tao. Ito ang mga bungang dulot ng gawain ng mga huwad na lider. Pagkatapos mahalal ang isang huwad na lider, bukod sa maiimpluwensiyahan at magdurusa ang buhay pagpasok ng mga kapatid, kasabay niyon ay negatibo pang maaapektuhan ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, kaya hindi maisasagawa nang maayos o epektibo ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Isa itong problemang bahagyang dulot ng mismong mga huwad na lider, pero bahagya rin itong may kaugnayan sa mga taong naghalal sa kanila. Kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, wala kang pagkilatis, at bulag ka at hindi mo makita ang totoo sa mga tao kaya humahantong ka sa paghahalal ng isang huwad na lider, hindi lang ang sarili mo at ang iba ang pinipinsala mo, nagdurusa rin ang gawain ng iglesia. Ito ang epekto at pinsalang dulot ng mga huwad na lider sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Samakatuwid, dapat nating kilatisin at isa-isang banggitin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider, at batay roon ay bibigyang-daan Ko kayong maunawaan kung aling mga pag-uugali ang dapat na ipakita ng isang kwalipikadong lider, kung anong gawain ang dapat niyang gawin, at kung ano mismo ang saklaw ng mga responsabilidad niya. Napakahalaga ng paksa ng pagkilatis sa mga huwad na lider, dahil tinatalakay nito ang gawain ng iglesia, ang buhay pagpasok ng bawat hinirang na tao ng Diyos, at lalo na, kung paano umuusad ang bawat tungkulin. Pwedeng sabihin ng ilan: “Wala akong layuning tumakbo sa halalan, ni anumang ambisyon o kagustuhang maging lider o manggagawa. May kamalayan ako sa sarili, at sapat nang maging pangkaraniwang mananampalataya, kaya walang kinalaman sa akin ang aspektong ito ng mga katotohanang prinsipyo. Kung gusto kong makinig, makikinig ako sa bagay na tungkol sa sarili kong buhay pagpasok at kaligtasan. Walang kinalaman sa sarili kong buhay pagpasok ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider at ang mga katotohanang nakapaloob doon, kaya hindi ko kailangang makinig, o pwede akong makinig nang lumilipad ang isip o wala sa loob at basta lang dumaan sa proseso nang hindi ito isinasapuso.” Isa ba itong magandang saloobin? (Hindi magandang saloobin ito.) Sinasabi ng iba: “Wala akong ambisyon, at ayaw kong tumakbo bilang lider. Mula pa noong bata ako, hindi ko kailanman nilayong maging isang opisyal o mamukod-tangi sa iba, gusto ko lang maging isang karaniwan at ordinaryong tao. Ginusto ko nang maging tagasunod mula pa noong magsimula akong sumampalataya sa Diyos. Gusto kong sinusunod ang mga utos ng iba, at ginagawa ko ang anumang ipinagagawa nila sa akin. Napakasimpleng maging ganitong klase ng tao! Isa lang akong simpleng taong ayaw mag-alala o magkaroon ng pasanin, kaya hindi ko kailangang pakinggan ang mga bagay na ito, at ayaw ko rin.” Tama ba ang pananaw na ito o hindi? (Hindi ito tama.) Ano ang hindi tama rito? (Kahit na ayaw nilang maging lider, kung hindi nila nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan at hindi nila kayang kilatisin ang mga huwad na lider, sa panahon ng mga halalan, malamang na malamang na pipili sila ng isang huwad na lider, na makakaapekto sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos.) Isang aspekto ito. May iba pa ba? (Umiiral sa bawat isa sa atin ang problema ng mga huwad na lider, at dapat nating suriin, pagnilayan, at unawain ang sarili natin.) (Kung hindi natin kayang kilatisin ang mga huwad na lider, ni hindi natin malalaman kapag nailihis na tayo ng isa, at magdurusa ang sariling buhay natin.) (Ang ganitong uri ng pananaw ay isang pagpapamalas ng hindi paghahangad sa katotohanan. Ang pagiging lider sa sambahayan ng Diyos ay hindi tulad ng pagiging ambisyoso at pagnanais na maging opisyal sa mundo. Ang pagiging lider ay paghahangad sa katotohanan nang mas mabuti, pagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Pagsisikap ito tungo sa katotohanan.) (Bilang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, may obligasyon at responsabilidad tayong mag-ulat ng mga huwad na lider. Kung hindi natin kayang kilatisin ang mga huwad na lider, mahahayaan natin ang isang huwad na lider na makakuha ng kapangyarihan at makaapekto sa gawain ng iglesia.) Ilang aspekto iyon? (Limang aspekto.) Ang bawat isa sa limang aspektong ito ay tama, at tumpak na tumpak. Kung hihimayin ang diwa ng problemang ito batay sa pananaw ng uri ng taong binanggit Ko, sa esensya ay may limang aspektong ito. Gusto mo mang maging lider o hindi, bilang isa sa hinirang na mga tao ng Diyos, dapat mong akuin ang posisyon ng tagasubaybay sa mga lider at manggagawa. Ang sambahayan ng Diyos ay sambahayan mo rin, at ang isang lider ay medyo parang isang tagapangalaga ng bahay. Kung hindi niya pinamamahalaan nang maayos ang mga bagay-bagay, maaapektuhan at madadamay ka rin, kaya may responsabilidad at obligasyon kang subaybayan ang lahat ng gawain niya.

Isang Buod ng Labinlimang Responsabilidad ng Mga Lider at Manggagawa

Hindi mahirap kilatisin ang mga huwad na lider, dahil ang ganitong uri ng tao ay karaniwan na sa loob ng iglesia; umiiral na sila magmula pa noong magsimula ang pamunuan ng iglesia at gawain ng iglesia. Ang kakayahan at abilidad na makaarok, karakter at piniling landas nila ay pawang maraming tiyak na pagpapamalas. Bago himayin ang mga tiyak na pagpapamalas na ito, dapat muna nating maunawaan kung ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at kung anong partikular na gawain ang pangunahing kaakibat nito. Tanging ang mga taong kayang gawin nang maayos ang partikular na gawaing ito ang mga kwalipikadong lider at manggagawa; ang mga taong hindi kaya ang gawaing ito ay mga huwad na lider. Siguro karamihan ng mga tao ay wala pa ring paraan para kumilatis ng mga huwad na lider, hindi makaarok sa mga pangunahing prinsipyo at hindi alam kung aling mga aspekto ang pinakakritikal na kilatisin. Ngayon, sistematiko muna nating pagbahaginan kung ano ba mismo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, isa-isang ilista ang mga iyon para malinaw na malaman ng lahat. Pagkatapos maunawaan ang mga prinsipyong ito, kapag muling naghahalal ng mga lider at manggagawa, magkakaroon na kayo ng tumpak na pamantayan para sukatin kung paano ba talaga maghalal at kung sino ba talaga ang tamang taong ihahalal. Kaya, ilista muna natin ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa.

Ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa:

1. Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.

2. Maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang sari-saring mga suliranin na may kaugnayan sa pagpasok sa buhay na nasasagupa nila sa kanilang mga tunay na buhay.

3. Ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan upang magampanan nang maayos ang bawat tungkulin.

4. Alamin palagi ang sitwasyon ng mga superbisor ng iba’t ibang gawain at ng mga tauhan na responsable sa iba’t ibang mahalagang trabaho, at agad na baguhin ang kanilang mga tungkulin o tanggalin sila kung kinakailangan, upang maiwasan o mabawasan ang mga kawalan na dulot ng paggamit sa mga taong hindi angkop, at matiyak ang kahusayan at maayos na pag-usad ng gawain.

5. Manatiling mayroong napapanahong kaalaman at pagkaunawa tungkol sa katayuan at pag-usad ng bawat aytem ng gawain, at magkaroon ng kakayahan na maagap lutasin ang mga problema, ituwid ang mga paglihis, at remedyuhan ang mga kapintasan sa gawain nang sa gayon ay maayos itong makausad.

6. Itaguyod at linangin ang lahat ng uri ng kwalipikadong talento upang ang lahat ng naghahangad ng katotohanan ay maaaring magkaroon ng oportunidad na makapagsanay at makapasok sa katotohanang realidad sa lalong madaling panahon.

7. Italaga at gamitin ang iba’t ibang uri ng mga tao sa makatuwirang paraan, batay sa kanilang pagkatao at mga kalakasan, nang sa gayon ay magamit ang bawat isa sa pinakamainam na paraan.

8. Kaagad na mag-ulat at maghanap ng paraan para malutas ang mga kalituhan at mga suliraning nakakaharap sa gawain.

9. Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga kinakailangan nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at siyasatin at subaybayan ang kalagayan ng pagpapatupad sa mga ito.

10. Maayos na pangalagaan at makatwirang ilaan ang iba’t ibang materyal na aytem ng sambahayan ng Diyos (mga aklat, iba’t ibang kagamitan, pagkaing butil, at iba pa), at magsagawa ng mga regular na inspeksyon, pagmementena, at pagkukumpuni upang maiwasan ang pagkasira at pagkasayang; gayundin, upang huwag magamit ang mga ito sa maling paraan ng masasamang tao.

11. Pumili ng mga maaasahang taong may pagkataong pasok sa pamantayan lalo na para sa gampanin ng sistematikong pagrerehistro, pagbibilang, at pangangalaga ng mga handog; regular na suriin at tingnan kung tama ba ang mga papasok at papalabas nang sa gayon ang mga kaso ng paglulustay o pagwawaldas, pati na ang mga hindi makatwirang paggastos, ay matukoy kaagad—ipatigil ang gayong mga bagay at humingi ng makatwirang kabayaran; dagdag pa rito, iwasan, sa anumang paraan, na mauwi sa kamay at waldasin ng masasamang tao ang mga handog.

12. Agaran at tumpak na tukuyin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng Diyos at sa normal na kaayusan ng iglesia; pigilan at limitahan ang mga ito, at baguhin ang mga bagay-bagay; dagdag pa rito, ibahagi ang katotohanan upang magkaroon ng pagkilatis ang mga hinirang ng Diyos sa pamamagitan ng mga gayong bagay at matuto sila mula sa mga ito.

13. Protektahan ang mga hinirang ng Diyos mula sa panggugulo, panlilihis, pagkontrol at pamiminsala ng mga anticristo, at bigyan sila ng kakayahang makakilatis ng mga anticristo at matalikdan ang mga ito mula sa kanilang puso.

14. Kaagad na kilatisin, at pagkatapos ay paalisin o patalsikin ang lahat ng uri ng masasamang tao at mga anticristo.

15. Protektahan ang iba’t ibang mahahalagang kawani sa gawain, pinangangalagaan sila mula sa mga pang-aabala ng mundong nasa labas, at panatilihin silang ligtas upang matiyak na makauusad nang may kaayusan ang iba’t ibang mahahalagang aytem ng gawain.

Naibuod na ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa labinlimang aytem sa kabuuan, at magbabahaginan tayo batay sa mga ito. Tingnan muna natin ang bawat gampanin sa labinlimang aytem na ito. Ang unang tatlo ay tumatalakay sa isyu ng pag-unawa ng mga tao sa katotohanan, at buhay pagpasok. Ito ang pinakapangunahing gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa, at isa sa mga pangunahing kategorya. Bilang isang lider o manggagawa, pinakapangunahin mong dapat magampanan ang mga gampaning ito, taglayin ang ganitong uri ng kakayahan, magkaroon ng ganitong uri ng pasanin, at magawang pasanin ang responsabilidad na ito. Ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat mong taglayin. Ang mga lider at manggagawa ay dapat na makapagbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, mula sa mga iyon ay maghanap ng landas ng pagsasagawa, akayin ang mga taong maunawaan ang mga salita ng Diyos, at akayin ang mga taong maranasan at mapasok ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay at madala sila sa tunay na buhay, gamitin ang mga iyon para lutasin ang iba’t ibang problema o paghihirap na hinaharap sa tunay na buhay at sa proseso ng paggawa sa tungkulin nila. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay may mga problemang kailangang lutasin ng isang lider o manggagawa, pero hindi kayang gamitin ng lider o manggagawa ang katotohanan para lutasin ang mga problema, walang pakinabang ang lider o manggagawang iyon, walang kakayahang gawin kahit ang pinakasimpleng gawain. Hindi kwalipikado ang ganitong uri ng lider o manggagawa. Ang pang-apat at panlimang mga aytem ay nauugnay sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at sa mga superbisor ng mga aytem na iyon ng gawain. Kung hindi pangangasiwaan nang maayos ng mga lider at manggagawa ang mga superbisor, pwedeng magulo o maabala ng masasamang tao ang gawain ng iglesia, maiimpluwensiyahan nito ang pagiging epektibo at pag-usad ng gawain, at pwede pa ngang maparalisa ang mismong gawain. Samakatuwid, ang pang-apat at panlimang gampanin ay mga gampanin ding dapat na magawa nang maayos ng isang kwalipikadong lider. Ang pang-anim at pampitong mga aytem ay tumutukoy sa promosyon, paglilinang, at paggamit sa lahat ng uri ng tao. Ang prinsipyo ng paggamit sa mga tao ay ang gamitin ang lahat ng tao sa pinakakapaki-pakinabang na paraan, at pwedeng gampanan ng lahat ng uri ng tao ang tungkulin nila basta’t may pagkatao silang pasok sa pamantayan at kaya nilang abutin ang mga hinihinging pamantayan ng sambahayan ng Diyos. Ibig sabihin, pahintulutan ang lahat ng uri ng tao na makagawa ng mga angkop na tungkulin; hindi kailangang pilitin ang mga taong gawin ang hindi nababagay sa kanila, sapat nang angkop ang isang tao para sa isang gampanin, kaya niya itong gawin nang maayos, at mahusay siya. Higit pa rito, may ilang gampanin na may mga aspektong teknikal at propesyonal, at pwedeng magaling sa mga iyon ang ilang tao pero hindi pa talaga sila nakakagawa ng anumang trabaho sa ganitong larangan, ni nauunawaan nila ang mga nauugnay na prinsipyo. Para sa mga taong ito, kung naaabot nila ang pamantayan para sa promosyon at paglilinang sa sambahayan ng Diyos, dapat silang mabigyan ng pagkakataon at maitaas sa posisyon at malinang, para matuto sila. Sa ganitong paraan, pwedeng mas dumami pa ang mga angkop na taong aako sa iba’t ibang gampanin sa sambahayan ng Diyos, at walang mababakante sa tuwing kakailanganin ng iglesia ng mga tao para sa iba’t ibang gampanin. Mga isyu ito ng dalawang aspekto ng pagtataas ng posisyon at paglilinang sa mga tao, at paggamit sa mga tao. Tingnan natin ang pangwalo at pansiyam na aytem: Tinatalakay ng dalawang aytem na ito ang saloobin ng mga lider at manggagawa sa pagharap sa gawain, ibig sabihin, kung sila ba ay kayang tumupad sa mga responsabilidad nila, may katapatan, at may kakayahang maging mahusay sa pagharap sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at habang humaharap sa mga paghihirap sa gawain. Ang pansampu at panlabing-isang mga aytem ay tumatalakay sa mga prinsipyo sa likod ng pagtrato sa mga handog at sa lahat ng uri ng pag-aari sa sambahayan ng Diyos. Sa isang banda, tinatalakay ng dalawang aytem na ito ang kakayahan at abilidad sa trabaho ng mga tao, at sa isa pang banda ay tinatalakay ng mga ito ang mga isyu ng pagkatao, kung may katapatan ba ang isang tao, at kung kaya ba niyang tuparin ang mga responsabilidad niya. Sunod naman ay tingnan natin ang panlabindalawa, panlabintatlo, at panlabing-apat na aytem, tungkol sa ilang pambihirang sitwasyong nangyayari sa iglesia—halimbawa, kung may nanggagambala at nanggugulo, at nakakagulo sa normal na buhay ng iglesia. Siyempre, ang pinakamalubha ay ang paglitaw ng mga anticristo o iba pang uri ng taong dapat paalisin o patalsikin. Kung paano haharapin ang ganitong mga uri ng tao, at sa anong mga prinsipyo, ay gawain din na saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang agad na matuklasan ang mga problema, at, kapag nalaman mong may nagdudulot ng mga panggagambala at panggugulo, agad itong mapigilan, maharap, at malutas, at masigurong hindi nagugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay-iglesia—ito ang mga isyung tinatalakay ng tatlong aytem na ito. Ang panghuling aytem ay tumatalakay sa isyu ng personal na kaligtasan ng lahat ng uri ng mahahalagang tauhan sa trabaho, pati na ang isyung kung magagarantiyahan ba ang lahat ng uri ng mahalagang gawain. Makakausad ang gawain kung ligtas ang mga tauhan, pero kung magkakaroon ng mga problema o nakatagong panganib sa kaligtasan ng mga tauhan, magiging isyu kung makakausad ba ang gawain o hindi. Magbalik-tanaw tayo at tingnan natin kung ilan lahat ang mga pangunahing kategorya. Ang una, pangalawa, at pangatlong mga aytem ay nabibilang sa unang kategorya: ang buhay pagpasok ng tao. Ang pang-apat at panlima ay nabibilang sa pangalawa: ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia at ang mga superbisor ng mga aytem na iyon ng gawain. Ang pang-anim at pampito ay nabibilang sa pangatlo: ang paggamit, paglilinang, at promosyon sa lahat ng uri ng tao. Ang pangwalo at pansiyam ay nabibilang sa pang-apat: ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos at mga paghihirap sa gawain. Ang pansampu at panlabing-isa ay nabibilang sa panlima: ang mga handog at pag-aari ng sambahayan ng Diyos. Ang panlabindalawa, panlabintatlo, at panlabing-apat ay nabibilang sa pang-anim: ang mga pambihirang sitwasyong nangyayari sa iglesia. Ang panlabinlima ay nabibilang sa pampito: ang mahalagang gawain ng iglesia at ang kaligtasan ng mga tauhan. May pitong kategorya sa kabuuan, na may nakapaloob na labinlimang aytem. Ang pitong kategoryang ito ay saklaw ng responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at bahagi ng trabaho nila. Bilang isang lider o manggagawa, ang pitong kategoryang ito ang mga pinakapangunahing gampanin mo sa trabaho, at ang pitong kategoryang ito ang saklaw ng mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa isang lider o manggagawa. Kung gusto nating sukatin kung kaya bang magtrabaho nang maayos ng isang lider, kung mahusay ba siya, kung nagtataglay ba siya ng kakayahang maging isang lider, at kung isa ba siyang kwalipikadong lider, dapat nating gamitin ang pitong kategoryang ito. Matapos itong maunawaan, batay sa pitong pangunahing kategoryang ito, isa-isa nating pagbabahaginan at hihimayin ang mga pagpapamalas at partikular na pagsasagawa ng mga huwad na lider, pati na ang mga nagawa nila noong panahon nila bilang lider na nagpapatunay na mga huwad na lider sila at hindi kwalipikado. Kapag sinukat ayon sa pitong kategoryang ito, may matibay na ebidensiya, at medyo makatarungan at makatwiran ito. Sabihin ninyo sa Akin, dapat ba nating isa-isang pagbahaginan ang pitong kategoryang ito, o ang labinlimang aytem? Aling paraan ang mas maganda? (Isa-isang pagbahaginan ang labinlimang aytem.) Nababagay iyan sa kagustuhan ninyo—mas detalyado, mas maganda, hindi ba? Susunod, pormal nating sisimulan ang pagbabahaginan natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga huwad na lider.

Unang Aytem: Akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga ito, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos

Hindi Taglay ng Mga Huwad na Lider ang Kakayahan at Abilidad na Arukin ang mga Salita ng Diyos

Ano ba ang isang huwad na lider? Tiyak na isa itong tao na hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain, isang tao na hindi nag-aasikaso sa kanyang mga tungkulin bilang isang lider. Hindi siya gumagawa ng anumang tunay o kritikal na gawain; nag-aasikaso lang siya ng ilang pangkalahatang gawain at ng ilang paimbabaw na gampanin, mga bagay na walang kinalaman sa buhay pagpasok o sa katotohanan. Gaano man karami ang ginagawa niya sa gawaing ito, walang halaga ang paggampan nito. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga lider ay itinuturing na huwad. Kaya paano ba talaga makikilatis ng isang tao ang isang huwad na lider? Simulan na natin ngayon ang ating paghihimay. Kailangan munang maging malinaw na ang unang responsabilidad ng isang lider o mangagawa ay ang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa katotohanan sa paraan na mauunawaan ito ng iba at makapapasok sila sa katotohanang realidad. Ito ang pinakamahalagang batayan para suriin kung ang isang lider ay tunay o huwad. Tingnan ninyo kung kaya niyang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, at kung kaya niyang gamitin ang katotohanan para lumutas ng mga problema. Iyon ang tanging batayan para masuri kung ano ang kakayahan at abilidad na mayroon ang isang lider o manggagawa sa pag-arok sa mga salita ng Diyos, at kung kaya niyang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na pumasok sa katotohanang realidad. Kung ang isang lider o manggagawa ay may kakayahan na maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, dapat niyang lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos, at tulungan ang mga taong maunawaan ang pagiging praktikal ng gawain ng Diyos. Dapat din niyang lutasin ang mga aktuwal na paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos alinsunod sa Kanyang mga salita, lalo na pagdating sa mga maling pananaw nila sa kanilang pananalig o mga maling pagkaunawa nila tungkol sa paggawa sa isang tungkulin. Kailangan din niyang gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problemang nagpapamalas kapag humaharap ang mga tao sa iba’t ibang pagsubok at kapighatian, at maakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan at maisagawa ang katotohanan, at makapasok sa realidad ng Kanyang salita. Kasabay nito, dapat niyang himayin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao batay sa mga tiwaling kalagayang nabubunyag sa mga salita ng Diyos, upang makita ng hinirang na mga tao ng Diyos kung alin sa mga ito ang naaangkop sa kanila, magtamo ng pagkakilala sa kanilang sarili at kamuhian si Satanas at maghimagsik laban dito, para matulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na manindigan sa kanilang patotoo, talunin si Satanas, at luwalhatiin ang Diyos sa gitna ng lahat ng uri ng pagsubok. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ito ang pinakapangunahin, pinakakritikal, at pinakamahalagang gawain ng iglesia. Kung ang mga taong nagsisilbi bilang mga lider ay may abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos at may kakayahang unawain ang katotohanan, hindi lang nila magagawang unawain ang mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga iyon, magagawa rin nilang magpayo, gumabay, at tumulong sa mga inaakay nila tungo sa isang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga ito. Pero ang kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ang mismong wala sa mga huwad na lider. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi nila alam ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon na nalalantad sa Kanyang mga salita, o kung aling mga kalagayan ang nagbubunga ng paglaban, pagrereklamo, at pagkakanulo sa Diyos, at iba pa. Ang mga huwad na lider ay hindi nakakapagnilay-nilay sa kanilang sarili o hindi naiuugnay ang mga salita ng Diyos sa kanilang sarili, nauunawaan lang nila ang kaunting doktrina at kaunting regulasyon mula sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, bumibigkas lang sila ng ilang salita Niya, tapos ay ipinaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito. At sa paggawa niyon, akala nila ay nakikipagbahaginan na sila sa katotohanan at gumagawa ng aktuwal na gawain. Kung kaya ng isang taong magbasa at magbigkas ng mga salita ng Diyos katulad ng ginagawa nila, iisipin nila na iyon ay isang taong nagmamahal at nakauunawa sa katotohanan. Nauunawaan lang ng isang huwad na lider and literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos; sa esensya ay hindi niya nauunawaan ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kaya hindi niya kayang talakayin ang kanyang mga karanasan at kaalaman sa mga ito. Ang mga huwad na lider ay walang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos; kaya lang nilang maunawaan ang paimbabaw na kahulugan ng mga ito, pero naniniwala sila na iyon ang pag-arok sa Kanyang mga salita at pag-unawa sa katotohanan. Sa pang-araw-araw na buhay, palagi nilang binibigyan ng interpretasyon ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos para payuhan at tulungan ang iba, naniniwala sila na sa paggawa niyon ay gumagawa sila ng gawain, at na inaakay nila ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga ito. Ang katunayan, kahit na madalas makipagbahaginan nang ganito ang mga huwad na lider sa iba tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang lutasin ang pinakamaliit na totoong problema, at naiiwan ang hinirang na mga tao ng Diyos na hindi maisagawa o maranasan ang Kanyang mga salita. Gaano man sila kadalas na dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, wala pa rin silang buhay pagpasok, at wala sa kanila ang kayang magtalakay tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman. Kahit na may masasamang tao at mga hindi mananampalataya na nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia, walang sinumang kayang makakilatis sa kanila. Kapag nakakikita ang isang huwad na lider ng isang hindi mananampalataya o ng isang masamang tao na nagdudulot ng pagkagambala, hindi siya gumagamit ng pagkilatis, bagkus ay nagbibigay siya ng kanyang pagmamahal at payo sa taong iyon, hinihiling sa iba na maging mapagpaubaya at mapagpasensya sa taong iyon, pinagbibigyan ito habang patuloy itong nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia. Dahil dito, labis na walang ibinubunga ang bawat aytem ng gawain ng iglesia. Ito ang kahihinatnan ng pagkabigo ng isang huwad na lider na gumawa ng aktuwal na gawain. Hindi kayang gamitin ng mga huwad na lider ang katotohanan para lumutas ng mga problema, na sapat na nagpapakita na hindi nila taglay ang katotohanang realidad. Kapag nagsasalita sila, naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina, at ang tanging sinasabi nila sa iba na dapat isagawa ay mga doktrina at regulasyon. Halimbawa, kapag nagkakaroon ang isang tao ng maling pagkaunawa sa Diyos, sasabihin sa kanya ng isang huwad na lider, “Naipaliwanag na ito lahat ng mga salita ng Diyos: Anuman ang ginagawa ng Diyos, pagliligtas ito sa tao, pagmamahal ito. Tingnan mo kung gaano kalinaw, kung gaano kahayag ang Kanyang mga salita. Paanong mali pa rin ang pagkaunawa mo sa Kanya?” Ito ang uri ng tagubilin na ibinibigay ng mga huwad na lider sa mga tao. Naglilitanya sila ng mga salita at doktrina para pangaralan ang mga tao, pigilan sila, at pasunurin sila sa mga regulasyon. Kahit kaunti ay hindi ito epektibo, at hindi ito makalulutas ng anumang problema. Ang mga huwad na lider ay makakapagsalita lang ng mga salita at doktrina para gabayan ang mga tao, na nagiging dahilan para isipin ng mga tao na ang kakayahang magsalita ng mga doktrina ay nangangahulugang nakapasok na sila sa mga katotohanang realidad. Gayumpaman, kapag sumapit ang isang paghihirap sa kanila, hindi nila alam kung paano isasagawa, wala silang landas, at ang lahat ng salita at doktrinang naunawaan nila ay nawawalan ng saysay. Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nito na hindi talaga kapaki-pakinabang o mahalaga ang pag-unawa sa mga doktrina. Ang nauunawaan lang ng mga huwad na lider ay doktrina. Hindi nila kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lumutas ng mga problema; walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at sa kanilang buhay ay sumusunod lang sila sa ilang regulasyon na sa tingin nila ay mabuti. Ang gayong mga tao ay hindi nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Iyon ang dahilan kung bakit, kapag inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, walang nagiging tunay na epekto. Nagagawa lang nilang ipaunawa sa mga tao ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at hindi nila natutulungan ang mga tao na magkamit ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos o maunawaan kung anong uri ng mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider kung ano ang kalagayan ng mga tao o kung anong disposisyong diwa ang ibinubunyag ng mga tao sa harap ng anumang partikular na sitwasyon, kung alin sa mga salita ng Diyos ang dapat na gamitin para lutasin ang mga maling kalagayan at tiwaling disposisyong ito, kung ano ang sinasabi tungkol sa mga ito sa mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi at mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, o ang mga katotohanan na nakapaloob dito. Walang nauunawaan ang mga huwad na lider sa mga katotohanang realidad na ito. Pinapayuhan lang nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kumain at uminom pa kayo ng mga salita ng Diyos. May katotohanan sa mga ito. Mauunawaan mo ito kapag mas binasa mo pa ang Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang ilan sa mga ito, dapat ka lang mas magdasal, maghanap, at magnilay sa mga ito.” Ganito nila pinapayuhan ang mga tao, at hindi nila malutas ang mga problema sa pagbibigay ng ganitong klase ng payo. Sino man ang nahaharap sa problema at lumalapit para maghanap mula sa kanila, ganoon din ang sinasabi nila. Pagkatapos, hindi pa rin kilala ng taong iyon ang sarili niya at hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan. Hindi niya malulutas ang sarili niyang totoong problema, o mauunawaan kung paano niya dapat isagawa ang mga salita ng Diyos, at susunod lang siya sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at sa mga regulasyon. Pagdating sa mga katotohanang prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos o kung aling mga realidad ang dapat niyang pasukin, hindi pa rin niya nauunawaan. Ito ang nagiging bunga ng gawain ng mga huwad na lider: wala ni isang totoong resulta.

Hinihingi ng Diyos sa mga tao na manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal. “Nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal”—sampung salita sa kabuuan, pero nauunawaan ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng mga ito? (Alam nating lahat na batay sa doktrina, hinihingi ng Diyos sa mga taong manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal, pero kapag nananamit tayo, hindi natin alam kung paano tatantiyahin kung ano ang maayos o disente.) Tinutukoy nito ang problemang kung nauunawaan ba ang katotohanan o hindi. Kung hindi ninyo ito matantiya, pinatutunayan nitong hindi ninyo nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng pag-unawa sa mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay pag-unawa sa mga pamantayan sa kaayusan at pagkadisente na tinatalakay ng Diyos o, sa mas partikular, ang kulay at estilo ng pananamit. Aling mga kulay at estilo ang maayos at disente? Alam ng mga taong may kakayahang arukin ang katotohanan kung ano ang maayos at disente, at ano ang kakatwa. Kahit na ang ilang damit ay maayos at disente, makaluma naman ang estilo ng mga iyon. Ayaw ng Diyos ng mga makalumang bagay, at hindi Niya hinihingi sa mga taong gayahin ang mga estilo ng nakaraan o maging mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang ibig sabihin ng Diyos sa “maayos at disente” ay pagkakaroon ng normal na wangis ng tao, pagmumukhang marangal, elegante, at may kapinuhan. Hindi hinihingi ng Diyos sa mga tao na magsuot ng mga kakatwang damit, ni magsuot ng mga sira-sirang damit na parang pulubi, kundi hinihingi Niya sa mga taong manamit nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal. Ito ang pag-arok ng mga normal na tao. Pero pagkarinig dito, masyadong napukaw ang damdamin ng isang huwad na lider, sinabi niya: “Ibinibigay sa atin ng mga salita ng Diyos ang saklaw ng pananamit. ‘Nang maayos at disente, nang may kagandahang-asal ng isang banal’—kung tutuparin natin ang sampung salitang ito, maluluwalhati natin ang Diyos, hindi natin Siya mabibigyan ng kahihiyan, at titingalain tayo sa gitna ng mga walang pananampalataya. Kaya, ano ang maayos at disente? Ito ay na dapat kayong magsalita at kumilos nang may wangis ng tao, at dapat mayroon kayong kagandahang-asal ng isang banal. Tungkol sa mga banal, sa pangkalahatan ay ang mga sinaunang banal ang tinutukoy natin. Kung gusto nating magkaroon ng kagandahang-asal ng isang banal, dapat nating gayahin ang estilo ng mga sinaunang banal, pero kung maglalakad-lakad kang suot ang mga sinaunang damit, iisipin ng mga tao na baliw ka. Hindi ito naaayon sa prinsipyo ng pagdadakila sa Diyos, pero makakahanap naman tayo ng ilang palatandaan ng mga damit na isinuot ng mga banal kamakailan. Mas maganda ang kapaligirang panlipunan ilang dekada na ang nakakalipas. Mas simple ang mga tao, at mas konserbatibo at maayos manamit. Kung mananamit ka ayon sa pamantayang ito, magiging maayos at disente ka, at magtataglay ka ng kagandahang-asal ng isang banal. Ito ang landas ng pagsasagawa.” Nang malamang nagsusuot ng puting polo at asul na pantalon ang mga tao noong dekada 70 at 80, sinabi niya sa mga kapatid, “Nakita ko ang liwanag sa mga salita ng Diyos. Nagsusuot ang mga tao noong dekada 70 at 80 ng mga damit na medyo maayos at simple. Hindi masasabing kagalang-galang ang mga iyon, pero mukhang mas umaayon ito sa mga hinihingi ng salita ng Diyos, kaya mananamit tayo ayon sa pamantayang ito.” Nanguna ang lider sa pagsusuot nito, at naisip ng lahat na maganda ito, medyo disente at simple. Sinabi ng lider: “Sinabi ng Diyos na huwag magsuot ng mga kakatwang damit. Una sa lahat, dapat na nakabutones ang polo hanggang sa leeg, at dapat ding nakabutones ang mga dulo ng manggas. Hindi dapat nakalitaw ang mga pulso, dapat na nakasuksok sa pantalon ang polo, at dapat ay tagong-tago ang lahat, na walang nakalantad na dibdib o likod. Tingnan ninyo kung gaano ito kaayos at kadisente! Hindi ba’t maayos at disente ito, at hindi ba’t nakaayon ito sa kagandahang-asal ng isang banal, gaya ng hinihingi ng Diyos?” Masyadong nasiyahan ang lider sa damit na suot niya sa mismong sandaling iyon, at kasabay niyon ay hiningi niya sa iba, “Masyadong moderno ang mga damit ninyo, masyadong sunod sa uso. Nagdadala ang mga iyan ng kahihiyan sa Diyos, at ayaw Niya ang mga iyan. Lahat kayo, bilisan ninyo at magsuot kayo ng suot ko, tularan ninyo ako!” Sumunod ang mga taong walang pagkilatis, naghahanap at nagsusuot ng diumano ay maayos at disenteng damit na nakaayon sa kagandahang-asal ng isang banal, at inisip pa nga ng karamihan ng mga tao na mabuti ito. Pero may ilang taong nasuklam ang mga puso sa mga makalumang bagay na ito, at naramdamang hindi nararapat ang paggawa nito, at ang pagkaunawang ito sa mga salita ng Diyos ay baluktot. Kahit na hindi masabi nang malinaw ng mga taong ito kung tama ba o maling makinig sa lider at hindi sila naglalakas-loob na bumuo ng mga kongklusyon, isinulong nilang huwag pikit-matang sumunod sa nakararami. Naniniwala silang hindi lubos na tama ang sinabi ng lider, at hindi nila ito sinunod. Tanging ang mga hangal na iyon, ang mga taong iyon na walang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, na hindi mismo nakabasa ng mga salita ng Diyos, ang sumunod sa anumang sinabi ng huwad na lider, at ginawa ang anumang ipinagawa sa kanila paanuman ito ipinagawa sa kanila. Sinunod nila ang huwad na lider at tinularan siya, nananamit sa parehong paraan kapag umaalis. Sa tuwing lalabas sila sa gitna ng mga tao, masyado silang nasisiyahan, iniisip nilang “Sumasampalataya kami sa Makapangyarihang Diyos, at talagang may kagandahang-asal ng isang banal ang kasuotan ko. Ano ba ang suot ninyo? Ang sagwa, ang moderno, ang buktot naman! Tingnan ninyo kami, wala kaming anumang ipinapakita!” Akala nila ay kahanga-hanga sila. Bukod sa hindi napagtanto ng huwad na lider na maling interpretasyon ito sa mga salita ng Diyos, talagang inakala pa niyang isinasagawa niya ang mga salita ng Diyos at pinapasukan ang realidad ng mga iyon. Ito ang ginagawa ng mga huwad na lider. Dahil kahit ang pinakasimple at pinakamadaling maunawaan sa mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, hindi tunay na nauunawaan ng mga huwad na lider kung ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, ang mga pamantayang hinihingi ng mga ito, o mga prinsipyo. Kung ganoon ay kaya ba nilang maunawaan ang sinasabi ng Diyos tungkol sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, o tungkol sa lahat ng uri ng kalagayan ng tao? Kaya ba nilang tumpak na malaman kung ano ang katotohanan dito? Siyempre, hindi.

Hindi taglay ng mga huwad na lider ang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos; alam lang nila ang sinabi ng Diyos galing sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos pero hindi nila nauunawaan kung anong mga katotohanan ang ipinapahayag ng mga salita ng Diyos, kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat maunawaan ng mga tao. Samakatuwid, kapag nagbabahagi sila tungkol sa mga salita ng Diyos, gumagawa lang sila ng ilang literal na interpretasyon ng mga iyon at nagbibigay sa mga tao ng ilang patakaran, ilang panuntunang susundin, ginagamit ang mga ito para patunayang nauunawaan din nila ang mga salita ng Diyos at nakagawa sila ng gawain. Iniisip pa nga ng ilang huwad na lider na malinaw na ang mga salita ng Diyos, na palagi lang nabibigo ang mga taong kainin at inumin ang mga iyon o magsikap. Dahil nakikitang ang lahat ay may mga hawak na aklat ng mga salita ng Diyos, itinuturing nilang kalabisan ang pag-akay sa mga taong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Kaya, kapag nakakakita sila ng mga problema tuwing may mga pagtitipon o habang ginagawa nila ang mga tungkulin nila, pinapadalhan lang nila ang mga tao ng ilang piling sipi ng mga salita ng Diyos, sinasabihan ang mga ito ng mga bagay na gaya ng, “Basahin ninyo ang siping ito ng mga salita ng Diyos”; “Basahin ninyo ang siping iyan ng mga salita ng Diyos”; o “Ito ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa aspektong ito, at iyon naman tungkol sa aspektong iyon.” Pinadadalhan lang nila ang mga tao ng mga piling sipi ng mga salita ng Diyos, gumagamit ng mapanghikayat na paraan para himukin ang mga taong basahin ang mga salita ng Diyos, naniniwalang ganito akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at na tinutupad nila ang responsabilidad ng isang lider. Pagkatapos makita ang mga salitang ito, sinasabi ng mga tao, “Nabasa ko na rin ang mga salitang ito ng Diyos; hindi ba’t kalabisan para sa iyo na tipunin ang mga salitang ito para sa akin?” Gayunpaman, iniisip ng huwad na lider, “Kung hindi ko ipapadala sa iyo ang mga iyon, hindi mo mahahanap kung nasa aling kabanata o aling pahina ang mga salitang ito. Ni hindi mo nga alam kung sa anong konteksto sinabi ng Diyos ang mga salitang ito. Bilang isang lider, dapat kong akuin ang responsabilidad na ito, ang padalhan ka ng mga salita ng Diyos sa anumang oras, saanmang lugar.” May ilang huwad na lider na, sa pagbuhos ng pagmamahal, ay nagpapadala pa nga sa isang tao ng sampu hanggang dalawampung sipi ng mga salita ng Diyos sa isang araw, para ipakita ang katapatan nila sa gawain nila at ang determinasyon nilang umakay ng mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ipinapadala sa mga tao ang mga salitang ito ng Diyos, pero nalulutas ba ang mga problema ng mga ito? Natutupad ba nila ang papel na dapat gampanan ng isang lider? Madalas, hindi nila natutupad ang papel na ito, dahil kung kaya ng mga taong maunawaan ang mga salitang ito nang sila lang, hindi na nila kakailanganin ng isang lider. Alam na alam naman talaga ng mga taong madalas magbasa ng mga salita ng Diyos ang mga sipi ng mga salita ng Diyos na ipinapadala ng mga huwad na lider, pero ano ang wala sa mga tao? Ano ang mga paghihirap at problema nila? Iyon ay, pagdating sa mga aktuwal na isyung may kinalaman sa mga katotohanang ito, kapag nahaharap sa mga paghihirap, hindi makita ng mga tao kung ano ba talaga ang diwa ng mga problemang ito, hindi nila alam kung saan magsisimula para malutas ang mga iyon, at hindi nila alam kung paano mapasok ang mga katotohanang ito—at hindi rin alam ng mga huwad na lider. Kung ganoon, natupad ba nila ang responsabilidad nila sa bagay na ito? Mahusay ba sila sa gawaing pamumuno? Malinaw na hindi nila natupad ang responsabilidad na ito. Halimbawa, kapag nababasa ng mga tao sa mga salita ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat na tao, dahil hindi alam ng mga huwad na lider kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at wala silang kakayahang maarok at maunawaan ang katotohanan, sasabihin nila: “Hindi mahirap ang mga hinihingi ng Diyos. Hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, at ang ibig sabihin ng pagiging matapat ay pagsasalita nang totoo. Hindi ba’t nasabi na itong lahat ng mga salita ng Diyos: ‘Ang magiging pananalita ninyo ay, Oo, oo; Hindi, hindi’ (Mateo 5:37)? Napakalinaw ng mga salita ng Diyos! Sabihin mo lang ang anumang iniisip mo sa puso mo; napakasimple niyon! Bakit hindi mo ito magawa? Ang salita ng Diyos ang katotohanan, dapat natin itong isagawa. Ang hindi pagsasagawa rito ay paghihimagsik, at inililigtas ba ng Diyos ang mga taong naghihimagsik laban sa Kanya? Hindi.” Pagkarinig dito, tumutugon ang mga tao, “Tama ang lahat ng sinasabi mo, pero hindi pa rin namin alam kung paano maging matatapat na tao. Dahil sa maraming pagkakataon, hindi sinasadya ang pagsisinungaling, o isa itong bagay na ginagawa ng isang tao kapag wala na siyang ibang pagpipilian, at may dahilan sa likod nito. Paano ito dapat lutasin?” Ano ang sasabihin ng huwad na lider? “Hindi ba’t madali itong asikasuhin? Hindi ba’t nilinaw na ito ng mga salita ng Diyos? Ang pagiging isang matapat na tao ay tulad lang ng pagiging isang bata; napakasimple niyon! Kahit ilang taon ka na, hindi mo ba kayang maging tulad ng isang bata? Tingnan mo lang kung paano umasal ang mga bata.” Pagkatapos ay iniisip-isip ng tagapakinig: “Ang mga pangunahing pag-uugali ng isang bata ay pagiging walang-muwang at masigla, paglundag-lundag, pagiging isip-bata, at hindi pag-unawa sa maraming bagay. Dahil sinabi ng lider, gagawin ko ito sa ganitong paraan.” Kinabukasan, itong taong lampas tatlumpu o apatnapung taong gulang na ay nagtali ng buhok niya sa dalawang maliliit na tirintas, nagsuot ng kulay rosas na headband at mga ipit sa buhok, nagsuot ng kulay rosas na damit, sapatos, at medyas, nagsuot ng puro kulay rosas. Pagkakita rito, sinabi ng lider, “Tama iyan! Maglakad ka na mas parang bata, palundag-lundag. Magsalita ka nang mas inosente na gaya ng isang bata, walang kabuktutan ang mga mata, at may ngiti sa iyong mukha—hindi ba’t pagbabalik ito sa pag-uugali ng isang bata? Ito ang pag-uugali ng isang matapat na tao!” Tuwang-tuwa ang lider, habang ang tingin dito ng iba ay hangal at hindi normal na pag-uugali. Bukod sa hindi nalutas ng huwad na lider na ito ang problema, hindi man lang niya alam kung paano hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, inaakay ang mga tao sa landas ng kahangalan. Kahit sa pinakasimpleng katotohanan ng pagiging isang matapat na tao, hindi alam ng huwad na lider kung paano ito aarukin nang tama at dalisay, kaya pikit-mata na lang siyang nagpapatupad ng mga patakaran, sa sobrang baluktot na pag-arok dito ay nasusuklam ang mga nakakarinig dito. Ito ang ginagawa ng mga huwad na lider.

Naaarok ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos sa lahat ng uri ng paraan, nakakaisip sila ng iba’t ibang kakatwa at kakaibang perspektiba. Nagpapakita rin sila ng suporta sa pagsasagawa at pagsunod sa mga salita ng Diyos, iniuutos sa ibang tanggapin at sundin ang pag-arok nila. Sa madaling salita, ang mga taong tulad ng mga huwad na lider na ito ay madalas na mababaw at baluktot ang pag-arok sa mga salita ng Diyos. Kung gagamit ng espirituwal na termino para tukuyin ito, masasabi nating “wala silang espirituwal na pang-unawa.” Bukod sa baluktot ang pag-arok nila sa mga salita ng Diyos, madalas din nilang iniuutos sa iba na sundin ang mga baluktot na doktrina at patakarang ito tulad lang nila. Samantala, ginagamit nila ang baluktot nilang pag-arok para kondenahin ang mga taong may dalisay na pang-unawa sa katotohanan. Dahil walang espirituwal na pang-unawa ang mga huwad na lider na ito, hindi nila sinisiyasat at sinusuri ang mga salita ng Diyos gaya ng ginagawa ng mga anticristo. Sa panlabas, mukhang hinaharap nila ang mga salita ng Diyos nang may masunuring saloobin na kumain at uminom at tumanggap. Gayunpaman, dahil sa mahina nilang kakayahan at kawalan nila ng kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, itinuturing nila ang mga salita ng Diyos na para bang aklat-pampaaralan ang mga iyon, pinaniniwalaang sumusunod ang mga salita ng Diyos sa lohika ng “ang isa dagdagan ng isa ay dalawa, ang dalawa dagdagan ng dalawa ay apat.” Hindi nila alam na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat na maunawaan ng isang tao kung ano ang tinutukoy ng mga katotohanang sinasabi sa mga salita ng Diyos, at kung ano ang iba’t ibang kalagayan at nilalamang kalakip ng mga katotohanang ito. Kapag inaarok ng iba ang mga salita ng Diyos sa isang masyadong kongkreto at praktikal na paraan, itinuturing nila itong mababaw at hindi karapat-dapat pakinggan, sinasabing, “Nauunawaan ko ang lahat ng ito, alam ko ang lahat. Ang sinasabi mo ay malinaw nang naipaliwanag sa mga salita ng Diyos, bakit kailangan mo pa itong sabihin?” Ang totoo, hindi nila alam na ang tinatalakay ng iba ay may kaakibat na partikular na nilalamang may kaugnayan sa mga katotohanang nasa mga salita ng Diyos. Dahil ang mga huwad na lider na ito ay walang espirituwal na pang-unawa at hindi nagtataglay ng kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, iniisip nilang ang lahat ng katotohanan ay halos magkakapareho, na walang mga partikular na pagkakaiba sa mga isyung tinatalakay ng mga katotohanan; pinaniniwalaan nilang sa kabila ng walang-tigil na pagtalakay sa mga bagay na ito, ay halos iisang isyu lang ang lahat ng iyon. Ipinahihiwatig ng paniniwalang ito ang isang malubhang problema, at itinatakda nitong hindi kailanman maunawaan ng ganoong mga tao ang katotohanan.

Hindi Kayang Akayin ng Mga Huwad na Lider ang Mga Tao Patungo sa Katotohanang Realidad

Ngayon, may mga tao na mahusay ang kakayahan at may kakayahang makaarok na nagkaroon na ng kaunting karanasan at pagpasok sa mga saligang salita ng Diyos at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad, pero kailangan nila ng higit pang partikular na gabay at pamumuno para maging mas pino at detalyado ang pagpasok nila. Mga huwad na lider lang ang hindi nakakaunawa kung ano ang tinutukoy ng mga partikular na detalye ng katotohanan o kung bakit binabanggit ang mga iyon sa ganoong paraan, iniisip nila na ginagawa nitong komplikado ang mga bagay-bagay nang hindi naman kinakailangan o na minamanipula nito ang mga salita. Hindi nila nauunawaan o nalalaman kung paano arukin o danasin ang iba’t ibang aspektong nakapaloob sa katotohanan. Samakatuwid, pagkatapos maging mga lider ay kaya lang nilang akayin ang mga taong kainin at inumin ang mga karaniwang pinagbabahaginang salita ng Diyos, pagkatapos ay talakayin ang ilang doktrina, at ibuod ang ilang paraan ng pagsasagawa ng pagsunod sa mga patakaran, at ang nakakamit ng mga tao sa mga iyon ay ilang mababaw na espirituwal na termino at karaniwang binibigkas na salita at doktrina, patakaran, at salawikain lang. Para sa mga bagong mananampalataya, pwedeng kahit papaano ay sumapat sa loob ng isa o dalawang taon ang mga pangangaral ng mga huwad na lider, pero pagkalipas ng isa o dalawang taon, ang mga taong nakaunawa na ng ilang katotohanan ay magsisimula nang makilatis ang mga pahayag at pamamaraan ng mga huwad na lider. Para naman sa mga taong pundamental na walang kakayahang makaarok, kahit paano pa mangaral ang mga huwad na lider, wala silang nararamdaman, wala silang kamalayan, at hindi nila napapagtanto na ang ipinangangaral ng mga lider na ito ay mga salita at doktrina lang, at na ang nauunawaan nila ay mga hungkag na teorya, salawikain, at patakaran lang, na talagang hindi ang katotohanan. Batay sa mga pagpapamalas na ito, kaya bang tuparin ng mga huwad na lider ang responsabilidad na “akayin ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at unawain ang mga iyon, at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos”? Kaya ba nilang tuparin ang papel na ito? Kaya ba nilang tuparin ang mga responsabilidad nila? (Hindi.) Bakit hindi nila kaya? Ano ang pangunahing isyu? (Ang ganoong mga tao ay walang espirituwal na pang-unawa at hindi kayang makaarok ng katotohanan.) Wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila kayang arukin ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang pamunuan ang iba—napakaimposible nito! Ang pag-asa sa mga huwad na lider na gabayan ang mga taong maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay parang pagsubok na magpastol ng mga pusa—hindi ito mangyayari! Halimbawa na lang, ang pagiging matapat na tao: Medyo simple ang mga salita ng Diyos tungkol sa puntong ito, ilang pangungusap lang ang mga iyon, hindi komplikado. Alam ng sinumang may kaunting pinag-aralan kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Pero para patunayang kaya nila ang gawain at kaya nilang pamunuan ang mga tao, nagpapaliwanag ang mga huwad na lider batay sa mga salita ng Diyos: “Ano ang kabuluhan ng hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Ito ay na ang pagiging matapat na tao ang gustong-gusto ng Diyos. Ang mga walang pananampalataya ay hindi matapat, hindi sila nagsasabi ng totoo, at pawang mga kasinungalingan at nakakalinlang na salita ang sinasabi nila; ang buong mundo ay isang malaking bayan ng kasinungalingan. Samakatuwid, ang unang bagay na iniuutos ng Diyos kapag pumarito Siya ngayon ay ang maging matapat ang mga tao. Kung hindi ka matapat na tao, hindi ka mamahalin ng Diyos; kung hindi ka matapat na tao, hindi ka maliligtas, ni makakapasok sa kaharian; kung hindi ka matapat na tao, hindi mo maisasagawa ang katotohanan, at tiyak na isa kang mapanlinlang na tao; kung hindi ka matapat na tao, hindi ka isang kwalipikadong nilikha.” Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi.) Pagkatapos ng lahat ng iyon, hindi pa rin ito malinaw. Pagkarinig dito ng mga bagong mananampalataya, pakiramdam nila ay maganda ang mga salitang ito, isang bagay na hindi pa nila naririnig sa dalawampu o tatlumpung taon nila sa relihiyon. Sinasabi pa nga ng ilan, “Makapangyarihan ang mga salitang ito, ang bawat pangungusap ay karapat-dapat sa isang ‘Amen.’ Napakaganda ng sermon na ito, isa talaga itong sermon ng Kapanahunan ng Kaharian!” Pagkatapos ay nagpapatuloy ang huwad na lider: “Hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, kaya matatapat na tao ba tayo?” Pinag-iisipan ito ng ilan: “Dahil hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat na tao, ibig sabihin nito ay hindi pa tayo matatapat na tao.” Ang ilan ay nananatiling tahimik, iniisip na, “Itinuturing ko ang sarili kong medyo taos-puso. Hindi ako kailanman nakikipag-away sa iba, at kapag nakikipagtransaksyon, hindi ako nangangahas na mandaya ng sinuman. Minsan, kung medyo makakapagsamantala ako, ni hindi ako makatulog sa gabi. Matapat na tao ba ako? Palagay ko ay taos-pusong tao ako, at hindi ba’t pareho ang ibig sabihin niyon sa pagiging matapat na tao?” Sinasabi ng iba, “Likas na hindi ko kayang magsinungaling. Namumula ang mukha ko sa tuwing magsasabi ako ng hindi totoo, kaya malamang na matapat na tao ako, hindi ba?” Pagkatapos ay idinadagdag ng huwad na lider, “Matapat na tao ka man, dahil hinihingi sa atin ng salita ng Diyos na maging matapat, kailangang maging matapat na tao ka. Kung kikilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, isa kang matapat na tao. Kung ganoon ay makakawala ka sa panlilinlang, sa mga gapos ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Sa sandaling maging matapat na tao ka, makakapasok ka sa katotohanang realidad, matutupad mo ang mga tungkulin mo, at makakapagpasakop ka sa Diyos.” Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi.) Pero, natutuwa ang iba: “Makapangyarihan ang mga salitang ito. Amen! Tama ang bawat pangungusap. Wala sa mga ito ang direktang galing sa mga salita ng Diyos, pero naarok ang lahat galing sa mga salita ng Diyos. Mahusay ang pag-arok na ito! Bakit ba hindi ako makaarok nang ganito? Mukhang tunay na karapat-dapat sa titulo ang lider na ito, talagang ginawa siya para sa pamumuno!” Pagkarinig dito ay nag-iisip-isip ang mga taong may kakayahan at katalinuhan: “Hindi mo naipaliwanag kung ano ang isang matapat na tao. Paano ba talaga magiging matapat na tao ang isang tao?” Nagpapatuloy ang huwad na lider: “Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay hindi pagsisinungaling. Halimbawa, kung nakiapid ka na noon, magdarasal ka sa Diyos at magtatapat kung ilang beses mo na iyong nagawa, at kung kanino. Kung pakiramdam mo ay hindi mo makita o mahawakan ang Diyos, dapat kang magtapat sa lider, nang nililinaw ang lahat. Ang diretsahang pagtatapat ang pinakapangunahing hinihingi sa pagiging isang matapat na tao. Dagdag pa rito, tungkol ito sa pagpapahayag sa nilalaman ng puso mo, hindi paghahalo ng kasinungalingan sa anumang bagay. Kung paano ka mag-isip tungkol sa anumang bagay, kung anong mga layuning mayroon ka, kung anong katiwalian ang ipinapakita mo, kung sino ang kinamumuhian o isinusumpa mo sa puso mo, kung sino ang gusto mong saktan o pagplanuhan ng masama—ang lahat ay dapat na maipagtapat sa mga taong iyon. Sa paggawa niyon, nagiging bukas-loob at prangka ka, namumuhay sa liwanag. Ito ang kahulugan ng pagiging isang matapat na tao. Dapat na bitiwan ng isang matapat na tao ang sarili niya; dapat niyang maipakita at mahimay ang mga pinakamasama at pinakamadilim na bahagi ng puso niya.” Pagkarinig dito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung paano maging matapat na tao? (Hindi pa rin.) Kahit pagkatapos makinig, mga doktrina lang ang nauunawaan ng isang tao, hindi mga partikular na pagsasagawa. Sa ganoong pag-arok sa mga salita ng Diyos, inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, at nagbabahagi rin sila sa ganitong paraan, iniisip na sila ang pinakanakakaunawa sa mga salita ng Diyos, ang may kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, at ang kayang umakay ng mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang totoo, ang naiintindihan at ibinabahagi nila ay pawang mga doktrina at salawikain lang, walang anumang naitutulong sa mga taong gustong hanapin ang katotohanang realidad at unawain ang mga katotohanang prinsipyo. Pero, pinaniniwalaan pa rin ng mga huwad na lider na nagtataglay sila ng malaking kakayahang makaarok, na may mga pambihira silang kabatiran sa mga salita ng Diyos, at nakatataas sila sa mga karaniwang tao. Nag-iikot-ikot sila na ipinapangaral ang mga doktrina at salawikaing ito, nagkukumpara pa nga ng iba, madalas na ginagamit ang mga doktrina at salawikaing ito para makipag-away nang pasalita, at madalas pa ngang ginagamit ang mga iyon para magsermon, magpungos, manghusga, at magkondena ng mga tao. Iniisip nila na sa paggawa niyon ay gumagawa sila ng gawain, na dinadala nila ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay, at inilalapat ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t isa itong nakagugulong bagay? Hindi kayang unawain ng mga huwad na lider ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang akayin ang mga tao patungo sa realidad ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, kaya lang nilang magbahagi ng ilang salita at doktrina, pero ipinangangaral at ipinangangalandakan pa nila ang mga iyon. Pero ang totoo, wala silang anumang katotohanang nauunawaan sa mga salita ng Diyos. Halimbawa, hindi nila nauunawaan ang ilang magkakatulad na espirituwal na termino o magkakatulad na pagpapahayag, hindi rin nila alam ang pagkakaiba-iba ng mga iyon o kung paano iaakma ang mga iyon sa mga tunay na sitwasyon. Bukod sa pagsunod sa mga patakaran at pagbigkas ng mga salita at doktrina, wala silang tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at hindi nila tunay na isinasagawa ang mga iyon. Samakatuwid, malinaw na mismong ang mga huwad na lider ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, hindi rin nila kayang akayin ang mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanang realidad. Naipakita na natin ito gamit ang halimbawa ng pagiging isang matapat na tao. Dahil hindi alam kung paano uunawain ang katotohanan ng pagiging matapat na tao, gumagamit na lang ang mga huwad na lider ng pagbigkas sa mga salita at doktrina at pangangaral ng mga salawikain, inililihis ang mga hangal at mga taong naguguluhan na iyon na walang espirituwal na pang-unawa, na nakaliligaw sa kanila. Pagkatapos pakinggan ang mga salita at doktrinang ito, masyado nilang iniidolo ang mga huwad na lider at, pagkatapos sundin ang mga huwad na lider sa loob ng ilang taon, sa huli ay hindi nila nauunawaan kahit ang mga pinakasimpleng katotohanan, hindi sila nagkakaroon ng anumang pagpasok sa mga iyon. Dito na natin tatapusin ang pagbabahaginan natin tungkol sa aytem na ito.

Pangalawang Aytem: Maging Pamilyar sa Mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao, at Lutasin ang Iba’t ibang Paghihirap na May Kaugnayan sa Buhay Pagpasok na Hinaharap Nila sa Tunay Nilang Mga Buhay (Unang Bahagi)

Hindi Nakikita ng Mga Huwad na Lider ang Totoo sa Mga Kalagayan ng Bawat Uri ng Tao

Ang pangalawang responsabilidad ng mga lider at manggagawa ay ang maging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao, at lutasin ang iba’t ibang paghihirap na may kaugnayan sa buhay pagpasok na hinaharap nila sa tunay nilang mga buhay. Paano isinasakatuparan ng mga huwad na lider ang gawaing ito? Kwalipikado ba sila sa gampaning ito? Himayin natin ang puntong ito. Ang pagiging pamilyar sa mga kalagayan ng bawat uri ng tao—batay sa ano ito naisasakatuparan? Naisasakatuparan ito batay sa pag-unawa sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon at diwa ng iba’t ibang tao. Para maarok ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao, dapat munang maunawaan ng isang tao ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa iba’t ibang kalagayan, tiwaling disposisyon, at tiwaling diwa ng mga tao, at maikumpara ang mga iyon sa sarili nila. Ang uri ng mga disposisyong inilalantad ng Diyos ay tumutukoy sa kung aling uri ng mga tao, kung ano ang pagkatao nila, kung anong uri ng mga pagpapamalas at paghahayag ang mayroon sila, at kung ano ang saloobin nila sa Diyos, sa mga salita ng Diyos, at sa tungkulin nila; dapat na maikumpara ang mga kalagayang ito sa mga salita ng Diyos, at sa paggawa niyon, naaarok ng isang tao ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao. Samakatuwid, ang pagiging pamilyar sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao ay unang natatamo batay sa pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay walang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, kung ganoon ay kaya ba nilang unawain ang mga komplikadong katotohanan tungkol sa iba’t ibang uri ng taong inilalantad ng mga salita ng Diyos, pati na rin ang iba’t ibang kalagayan at tiwaling diwang nalalantad? (Hindi.) Hindi nila nauunawaan, hindi nila alam ang mga kaugnayang nakapaloob dito, at hindi nila alam ang mga katotohanang nakapaloob dito. Dahil hindi nila taglay ang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos, ang pag-arok sa mga kalagayan ng iba’t ibang tao—ang napakahalaga at napakaimportanteng bagay na ito—ay isang napakamatrabaho at napakahirap na gampanin para sa mga huwad na lider.

Paano inaarok ng mga huwad na lider ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao? Iniisip nila, “Masigasig ang taong ito, mababaw ang isang iyon, mahilig manamit ang isang ito, mahina ang pananampalataya ng isang iyon….” Tinitingnan lang nila ang mabababaw na penomenang ito, pero hindi nila alam kung ano talaga ang saloobin ng isang tao sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at kung ano talaga ang kalikasang diwa niya. Halimbawa, may isang tao na may tunay na pananampalataya at masigla sa paggawa ng tungkulin niya, pero naaapektuhan ng mga paghihirap at ugnayan ng pamilya niya ang mga resulta ng mga tungkulin niya; pagkakita rito ng mga huwad na lider, mali nila siyang babansagan, sasabihing, “Ang taong ito ay isang hindi mananampalataya. Hindi siya makahiwalay sa pamilya niya. Palagi niyang iniisip ang mga anak niya. May ipon siya sa bahay pero hindi niya inihahandog ang mga iyon. Kaya masyadong nakakayamot ang taong ito, at hindi siya magagamit sa mahahalagang gampanin sa hinaharap.” Ang totoo, hindi naman malubha ang isyu ng taong ito; sandali pa lang kasi siyang sumasampalataya sa Diyos at mababaw ang pang-unawa niya sa katotohanan kaya hindi niya makita ang totoo sa maraming bagay. Hindi niya alam kung paano haharapin ang pamilya at mga anak niya, o kung paano pangangasiwaan ang mga ari-arian niya. Nasa panahon pa siya ng pagdarasal at paghahanap, at hindi pa niya nahahanap ang mga tumpak na prinsipyo at paraan ng pagsasagawa. May determinasyon siyang isagawa ang katotohanan, pero kapag nahaharap sa mga ugnayan at paghihirap ng pamilya, pansamantala siyang nanghihina nang kaunti at hindi nagiging masyadong aktibo sa paggawa ng tungkulin niya. Gayunpaman, kaya niyang tapusin nang taimtim ang gawaing iniatas sa kanya ng iglesia, na isang bagay na hindi kayang gawin ng karamihan ng mga tao. Batay sa kakayahan, pagkatao, at saloobin niya sa katotohanan, isa siyang mabuting tao. Pero hindi ganito ang tingin ng mga huwad na lider dito dahil hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos at hindi nila alam kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos bilang pamantayan para sukatin kung ano ang kalikasang diwa ng isang tao, o kung ang kalagayan ng isang tao ay dahil ba sa kalikasang diwa niya o sa pansamantalang kahinaan, o isang isyu ng tayog; hindi nila kayang sukatin ang mga bagay na ito. Ang mga paghihirap na hinaharap ng ganitong uri ng tao ay mga paghihirap na nangyayari sa tunay na buhay at may kaugnayan sa buhay pagpasok—kaya bang pangasiwaan ng mga huwad na lider ang ganitong mga uri ng isyu? Kaya ba nilang lutasin ang mga paghihirap ng mga taong ito? (Hindi.) Dahil hindi kaya ng mga huwad na lider na tumpak na arukin ang mga kalagayan ng iba’t ibang tao at hindi nila kayang tumpak na kilatisin ang mabuti at masama sa kalikasang diwa ng iba’t ibang tao, hindi rin nila kayang tumpak na lutasin ang mga paghihirap at problema ng iba’t ibang tao. Sa kabaligtaran, ang mga tao na kayang magpakaabala sa paggugol sa sarili nila, magtiis ng paghihirap, at magbayad ng halaga, nang umaasa lang sa kasigasigan, pero mahina ang kakayahan at walang kakayahang makaarok, ay itinuturing nilang mga pangunahing pakay sa paglilinang, at nagbabahagi sila para lutasin ang mga paghihirap ng mga ito kapag nahaharap ang mga ito sa mga iyon. Pero para sa mga taong tunay na may kakayahan at mabuting pagkatao, kapag nahaharap ang mga ito sa mga paghihirap at medyo nanghihina, paano nilulutas at tinutugunan ng mga huwad na lider ang mga iyon? Kapag nahaharap ang mga taong ito sa mga paghihirap at medyo nanghihina lang talaga ang mga ito, ayon sa sitwasyon, dapat silang suportahan at tulungan; dapat na ibahagi sa kanila ng isang tao ang mga layunin ng Diyos—hindi sila dapat na tuluyang balewalain, lalong hindi dapat bansagan. Pero paano nilulutas ng mga huwad na lider ang ganoong mga paghihirap ng mga tao? Sinasabi nila, “Nakarating na sa ganitong yugto ang gawain ng Diyos, pero kumakapit ka pa rin sa asawa mo, sa mga anak mo; pinapapasok mo pa nga ang mga anak mo sa unibersidad at pinahahanap ng mga oportunidad nila. Habang palubha nang palubha ang mga sakuna, may anumang oportunidad pa rin ba sa mundong ito? Ni hindi mo nga maingatan ang sarili mong buhay, paano mo nagagawang alalahanin ang mga bagay na iyon? Halos tapos na ang gawain ng Diyos, napakabilis ng oras! Kung hindi mo ganap na itatalaga ang sarili mo, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? Tao ka pa ba?” Tungkol ba talaga rito ang mga paghihirap ng mga taong ito? (Hindi.) Ang dahilan kung bakit medyo mahina ang mga taong ito kapag nahaharap sila sa mga paghihirap ay dahil lang sa mababang tayog nila, hindi dahil hindi nila minamahal ang katotohanan o ayaw nilang gawin ang tungkulin nila. Samakatuwid, hindi tumutugma sa kalagayan nila ang sinasabi ng mga huwad na lider; malinaw na isa itong kaso ng maling pagbabansag, hindi pag-arok sa pinakapunto o pinakapangunahing aspekto ng kalagayan nila, hindi pag-arok sa kung ano ang tunay nilang iniisip, kung anong uri sila ng tao, at kung paano sila dapat magabayan at matulungan para malutas ang mga paghihirap nila. Hindi alam ng mga huwad na lider kung paano lutasin ang mga problemang ito. Kaya, paano dapat lutasin ng isang tao ang ganoong mga bagay kapag nangyayari ang mga iyon? Pwede mong sabihing, “Ang isyung hinaharap mo ay isang problemang kinakaharap ng maraming tao. Ang mga taong tunay na kayang iwanan ang mga pamilya nila at buong-pusong igugol ang sarili nila para sa Diyos ay hindi kumikilos dala ng bugso ng damdamin, kundi matagal na panahon nang naghanda. Una, nakaunawa sila ng sapat na katotohanan at tunay silang may determinasyong humiwalay sa pamilya nila, na buong-pusong igugol ang sarili nila sa sambahayan ng Diyos, at masisiguro nilang hindi nila ito pagsisisihan kalaunan—napag-isipan na nila ito nang mabuti. Higit pa rito, sa panahong ito, nagdarasal din sila sa Diyos para sa paghahanda at para magbukas ng daan pasulong, habang patuloy na sinasangkapan ng katotohanan ang sarili nila, binibigyang-daan ang sarili nilang makaunawa ng mas maraming katotohanan, at magkaroon ng mas malaking pananampalataya sa pagsasaisantabi ng lahat ng bagay para buong-pusong igugol ang sarili nila para sa Diyos. Kinakailangan nito ng panahon, dasal, at siyempre, pag-akay at mga pagsasaayos ng Diyos. Kung taglay mo ang determinasyong ito, huwag kang mabalisa. Magdasal ka sa Diyos at tahimik na maghintay, at gagawa ang Diyos ng mga pagsasaayos para sa iyo. Kung ang mga dasal mo at ang kalooban mo ay umaayon sa mga layunin ng Diyos at makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, kung handa ka na at magpapasakop ka anuman ang gawin ng Diyos at hindi ka nagsisisi, tiyak na magbubukas ng daan ang Diyos para sa iyo. Sa panahong ito, ang dapat gawin ng mga tao ay maghanda at maghintay; ang tanging magagawa nila ay sangkapan ang sarili nila ng katotohanan, unawain ang mga layunin ng Diyos, at hayaang unti-unting lumago ang tayog nila. Kapag nagsasaayos ang Diyos ng iba’t ibang kapaligiran, kung kaya mong piliing magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang anumang reklamo, ito ay pagkakaroon ng tayog—anuman ang gawin ng Diyos o paano man Siya magsaayos, makakapagpasakop ka.” Ano ang palagay ninyo sa ganitong uri ng paggabay? (Mabuti ito.) Sa isang banda, tinutupad mo ang responsabilidad mo, tinutulungan mo ang mga taong maunawaan ang mga layunin ng Diyos; at kasabay niyon, hindi mo sila pinipilit nang higit sa kakayahan nila, bagkus ay tinatrato mo sila ayon sa tunay nilang sitwasyon. Hindi ba’t paglutas ito ng mga problema gamit ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t paglutas ito ng mga paghihirap na hinaharap ng mga tao sa tunay na buhay batay sa kalagayan nila? (Oo.)

Sa pagganap ng mga tungkulin nila, may ilang tao na palaging pabasta-basta at hindi nagpapakita ng responsabilidad, palaging umaastang opisyal, at mapagmataas, nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at hindi kayang makipagtulungan sa iba, at nagdudulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia nang hindi nakakaramdam ng katiting na pagkakonsensiya. Pagkatapos makita ang ganoong sitwasyon, sinisimulan ng isang huwad na lider na tugunan at lutasin ang isyu, sinasabing, “Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng taong ito sa gawaing ito. Mukhang walang sinumang medyo angkop na pumalit sa kanya, kaya kailangan nating makipagbahaginan sa kanya para lutasin ang mga paghihirap niya.” Sa pagbabahaginan, natutuklasan ng huwad na lider na ayaw talagang gawin ng taong ito ang tungkulin niya. Naghahangad siyang makakuha ng mga makamundong bagay, kumita ng pera sa propesyon niya at magkaroon ng magandang buhay, at ang pag-uutos sa kanyang gawin ang tungkulin niya ay itinuturing niyang paghingi ng sobra-sobra sa kanya. Pakiramdam niya, ang paggawa ng tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos ay nangangahulugan ng pagiging abala araw-araw, na bukod sa nakakasira sa personal na buhay pamilya niya ay ginagawa rin nitong imposibleng mapanatili ang mga ugnayan sa mga miyembro ng pamilya, at na kung lalabag siya sa mga prinsipyo habang ginagawa ang tungkulin niya ay kailangan niyang magtiis ng pagpupungos. Para sa kanya ay masyadong mapait ang ganoong buhay at ayaw niyang mamuhay nang ganoon. Malinaw ang isyu: ipinapahiwatig ng pag-uugali niya na isa siyang hindi mananampalataya. Pero paano ito hinaharap ng huwad na lider? Iniisip ng huwad na lider, “May talento ang taong ito sa gitna ng mga walang pananampalataya; mahirap makahanap ng taong tulad niya. Naging problematiko na ang kalagayan niya; kailangan na agad kong isantabi ang pinakamatrabahong gawaing hawak ko para magbahagi sa kanya, para tulungan siyang lutasin ito. Paano ito lulutasin? Ang mga salita ng Diyos ang pinakamakapangyarihan; una, babasahan ko siya ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos para lutasin ang pagtanggi niyang gawin ang tungkulin niya.” Sasabihin sa kanya ng huwad na lider, “Ngayong dumating na ang mga sakuna, hindi na makakapamuhay nang maayos ang mga tao. Gusto mo pa ring kumita ng pera sa pamamagitan ng isang propesyon at magkaroon ng simpleng buhay pamilya, pero hindi magtatagal ay magkakagulo na ang buong mundo, at hindi na magkakaroon ng mga simpleng pamilya. Hindi mo ba nakikita ang totoo sa mga bagay na ito? Kailangan mong mas magdasal sa Diyos. Bibigyan ka ng pananalig ng pagdarasal sa Diyos. Kailangan mo ring kumain at uminom ng mas maraming salita ng Diyos. Pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang ilang beses, malulutas na ang problema mo.” Pagkatapos, maghahanap siya ng lima o sampung sipi ng mga salita ng Diyos para basahin at ibahagi sa taong ito. Tutugon ang taong iyon, “Tama na ang pagbabahagi. Nauunawaan ko ang lahat ng salitang ito ng Diyos; mas may pinag-aralan pa ako kaysa sa iyo. Huwag kang magpasikat.” Pagkatapos ng isang buong araw ng pagbabahagi ay walang anumang nalutas. Iisipin ng huwad na lider, “Napakaraming taon na akong gumagawa ng gawain ng iglesia; hindi ako naniniwalang hindi ko malulutas ang problema mo.” Pagsapit ng gabi, agad niyang ipagpapatuloy ang pagbabahagi, “Kailangan mong mahalin at sambahin ang Diyos! May pag-asa kang maging isang kwalipikadong nilikha. Hindi madaling makuha ang tungkuling ito; dapat mong pahalagahan ang pagkakataong ito, dahil kung mapapalagpas mo ito, hindi na magkakaroon ng isa pa. Dahil napakaganda ng kakayahan at mga kondisyon mo, hindi ba’t sayang naman kung hindi mo gagawin ang tungkulin mo? Ang isang taong taglay ang mga talento mo ay dapat na maitaas ang posisyon at magamit sa sambahayan ng Diyos; maganda ang kinabukasan mo rito!” Sasabihin ng taong iyon, “Huwag ka nang magsalita. Kung pipilitin mo akong gawin ang tungkilin ko, ganoon pa rin ang magiging saloobin ko. Kung hindi ako pahihintulutang gawin ito, aalis ako agad. Hindi naman ako nagmamakaawang manatili rito!” Sinasabi ng huwad na lider ang lahat ng masasabi niya pero hindi niya mahikayat ang taong ito o malutas ang isyu nito. Bakit ganoon? Ito ay dahil hindi niya nakikita ang totoo sa kung ano ang pangunahing problema ng taong ito. Ang taong ito, kapag ginagawa ang tungkulin niya, ay pabaya sa tuwing maiisipan niya, nandaraya sa tuwing maiisipan niya, at gumagawa nang pabasta-basta kung iyon ang naiisipan niyang gawin; anumang gawain ang gawin niya, iresponsable siya. Ayaw niyang magdagdag ng kaunting pagsisikap o magsabi ng ilan pang salita para lutasin ang ilang isyu, nakakayamot at nakakaabala ito para sa kanya. Malinaw niyang nalalaman kung paano gawin nang maayos ang tungkulin niya at kung paano kumilos nang angkop pero ayaw niyang magsagawa sa ganitong paraan. Pero, patuloy niyang ginagawa ang tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos. Ano ang kalikasan ng sitwasyong ito? Ano ang problema rito? (Pumasok siya na ang layunin ay magkamit ng mga pagpapala at makipagtawaran.) Pumasok siya nang may ganoong inaasam; ang ganoong mga tao ay kilala bilang mga oportunista. Sinasabi niya, “Nabalitaan kong malapit nang magwakas ang mundo, malapit nang magunaw ang mundo, kaya hindi ko na kailangang pumasok sa trabaho; halos sapat naman na ang kinita kong pera. Mabuti pang pumasok ako sa sambahayan ng Diyos para makalibre sa pagkain at para makakuha ng pwesto para sa sarili ko, para magkaroon ako ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala kalaunan.” Batay sa saloobin at layunin niya sa paggawa ng tungkulin niya, oportunista ang pananampalataya niya sa Diyos; pumasok siya sa sambahayan ng Diyos para manghuthot, hindi dahil sa tunay na pananalig. Masyadong mapagwalang-bahala ang saloobin niya kapag ginagawa niya ang tungkulin niya. Para magamit siya, kailangan ng iglesia na suyuin siya at makipagnegosasyon sa kanya, gayunpaman, hindi siya gumaganap nang maayos. Tunay bang magagawa ng isang taong wala ng kahit konsensiya ang tungkulin niya? Nagsasamantala at nanghuhuthot lang siya, isa siyang hindi mananampalataya. Kung titingnan ang kalikasan ng dalawang aspekto ng isyung ito, sa pagsubok na lutasin ito, naarok ba ng huwad na lider ang diwa nito? (Hindi.) Dahil hindi nakita ang tunay na diwa ng isyu, itinuring pa rin niyang isang tunay na mananampalataya ang taong ito, na isa lang itong taong walang pang-unawa sa katotohanan, mababa ang tayog, panandaliang nanghihina at nangangailangan ng suporta. Mula sa mga perspektibang ito, sinubukan niyang magbahagi at tumulong, para lang masabihan ng, “Tumigil ka na sa pagsasalita. Walang saysay ang mga doktrinang iyon na sinasabi mo. Alam ko na ang lahat ng iyon, mas marami akong nauunawaan kaysa sa iyo. Ilang doktrina ba talaga ang naiintindihan mo? Gaano ba kataas ang pinag-aralan mo? Mas marami pa ang mga aklat na nabasa ko kaysa sa mga pagkaing nakain mo!” Nabunyag na ang kalikasan niya, hindi ba? Naniniwala pa rin ang huwad na lider na ginagawa niya ang gawain ng isang lider, hindi napagtatantong sa katunayan ay isang hindi mananampalataya ang taong ito. Kapag ginagawa ng mga hindi mananampalataya ang tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, kahit ang pagtatrabaho nila ay hindi sapat. Dapat bang panatilihin ang ganoong mga tao? (Hindi.) Samakatwid, ito ang prinsipyo sa pagharap sa ganitong uri ng tao sa sambahayan ng Diyos: Kung kaya at gusto niyang magtrabaho, panatilihin siya; kung ayaw niya naman, agad siyang alisin, nang hindi siya hinihimok na manatili o pinagsasabihan. Alam ba ng huwad na lider ang prinsipyong ito? Hindi. Itinuturing niya ang mga patay na para bang buhay ang mga ito, pinapakain ang mga ito at binibigyan ng tubig; hindi ba’t kalokohan iyon? Gumagawa lang ang mga huwad ng lider ng ganoong mga kalokohan.

Hindi Nalulutas ng mga Huwad na Lider ang mga Paghihirap at Problemang Nakakaharap ng mga Tao sa Buhay Pagpasok Nila

Sa iba’t ibang sitwasyon, kapag nagbubunyag ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang kalagayan at pagpapamalas, palaging hindi naaarok ng mga huwad na lider ang diwa ng mga pagbubunyag na ito at hindi nila kayang lutasin ang mga nagiging problema mula sa mga iyon. Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, sila ay maling nagbabansag at umaasal sila nang walang-ingat at mali, pinagkakamalan ang mga tao na panandaliang nanghihina o paminsan-minsang nagiging negatibo bilang mga hindi mananampalataya at mga taong nagkakanulo sa Diyos. Samantala, ang mga taong hindi mananampalataya na sa panlabas ay nagtataglay ng ilang kaloob, na kayang gumawa ng simpleng gawain at magsikap nang kaunti, ay itinuturing nilang mga pangunahing pakay para suportahan. Nahihiya ang mga taong ito na direktang sabihin ang pagtanggi nilang gawin ang tungkulin nila, pero hindi nakikita ng mga huwad na lider ang totoo rito at nagpupursigi silang hikayatin ang mga ito na manatili. Walang ginagawa ang mga huwad na lider kundi mga kalokohan; ginugulo ng masasamang tao ang iglesia, pero nananatili silang bulag dito at hindi nila tinutugunan ang isyu. Hindi ba’t pag-asal ito nang walang ingat at mali? Paano nagsisimula ang pag-asal nang walang ingat at mali ng mga huwad na lider? Wala silang kakayahang arukin ang mga salita ng Diyos at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon, gumagamit na lang sila ng pinakamabababaw na doktrinang nauunawaan nila, paulit-ulit na inilalapat ang mga iyon sa paraang nagdudulot lang ng mga pagkambala at pagkakagulo. Madalas, bukod sa nabibigo silang lutasin ang mga paghihirap na hinaharap ng mga tao sa buhay pagpasok at bukod sa nabibigo silang suportahan ang mga tao mula sa kahinaan patungo sa kalakasan, idinudulot din nila sa mga tao na magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, ipinaiisip sa kanilang sinusubukan silang kuhanin ng iglesia para samantalahin ang serbisyo nila, na para bang walang mga tao na may talento sa sambahayan ng Diyos at hindi ito makahanap ng mga angkop na tao. Ito ang negatibong epektong dulot ng gawain ng mga huwad na lider. Paano ito nangyayari? (Hindi kayang arukin ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, naglalapat lang sila ng mga patakaran.) Hindi nila kayang arukin ang katotohanan, nasasaulo lang nila ang ilang hindi nababagong salita at kasabihan. Wala silang tunay na pang-unawang batay sa karanasan at pagkaunawa sa katotohanan. Kaya, kapag kalaunan ay nagkakaroon ng mga problema, kaya lang nilang magsabi ng ilang walang kalatoy-latoy na parirala: “Mahalin mo ang Diyos”; “Maging matapat ka”; “Maging masunurin at mapagpasakop ka kapag nahaharap sa mga sitwasyon”; “Gawin mo nang maayos ang tungkulin mo”; “Kailangan mong maging tapat”; “Dapat kang maghimagsik laban sa laman”; “Kailangan mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos.” Ginagamit nila ang mga walang kabuluhang doktrina, salawikain, at kasabihang ito para palamutian ang sarili nila, at itinuturo din nila ang mga ito sa iba, umaasang maiimpluwensiyahan ang mga ito at magkakaroon ng positibong epekto sa mga ito—pero wala itong nagiging epekto, at wala itong nababago. Samakatwid, ang mga huwad na lider ay walang kakayahang magsakatuparan ng anumang gawain. Dahil ni hindi nila malutas ang mga paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buhay pagpasok, kung ganoon ay paano nila magagawa nang maayos ang pamumuno sa iglesia?

Kapag nahaharap ang mga tao sa iba’t ibang paghihirap sa tunay na buhay at hindi nila alam kung paano harapin ang mga iyon, ni kung paano isagawa ang katotohanan, kailangan nilang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos para lutasin ang mga isyung ito. Kung may isang taong mababa ang tayog na hindi nakakaalam kung paano hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, ni kung paano hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos, dapat niyang hanapin ang mga taong nakakaunawa sa katotohanan para makipagbahaginan nang malutas ang isyu, habang nagsasanay rin kung paano hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos at kung paano arukin ang katotohanan. Nangangahulugan ito ng paghahanap sa mga salita ng Diyos kung ano ang mga prinsipyo at hinihinging pamantayan ng Diyos, kung paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang bagay na ito at kung ano ang hinihingi Niya tungkol dito, at kung may anuman bang mga partikular na detalyeng ipinaliliwanag. Kung ang mga salita ng Diyos tungkol sa paksang ito ay medyo simple, nagbubuod lang ng mga prinsipyo nang hindi nagbibigay ng detalyadong mga halimbawa, dapat kang matutong mag-isip-isip. Kung hindi mo ito matukoy sa pamamagitan ng pag-iisip-isip, maghanap ka ng mas marami pang tao na makakasama sa pagbabahaginan, makipagbahaginan ka sa mga pagtitipon, at mangapa at maghanap ka sa proseso ng paggawa ng tungkulin mo, nagtatamo ng kaliwanagan at pagtanglaw, at sa gayon ay unti-unting nauunawaan kung ano ang diwa ng kasalukuyang isyu. Panghuli, pumasok ka ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos para makahanap ka ng kalutasan sa mga paghihirap na ito. Halimbawa, may ilang tao na tamad at hindi kailanman nakakaipon ng lakas para gawin ang tungkulin nila; pero banggitin mo ang pagkain, pag-inom, at pagsasaya, at natutuwa at napupuno sila ng sigla, na para bang biglang nabuhayan. Paano nilulutas ng mga huwad na lider ang ganoong mga isyu? May pamamaraan din sila: ang pag-aatas ng mas maraming gampanin sa mga taong ito, hindi sila binibigyan ng oras na mabakante. Kaya bang lutasin ng pamamaraang ito ang problema? May ilang tao na atubiling gumawa ng kahit kaunting gawaing nakaatas sa kanila; gusto lang nilang manghuthot, iniisip na pinakamabuti nang hindi talaga gumawa ng anumang gawain! Ano ang isyu sa mga masyadong tamad na taong ito? May kaugnayan ito sa kalikasang diwa nila, sa kung minamahal ba nila ang mga positibong bagay, at pati na sa mga kagustuhan at paghahangad nila. May ilang tao na may kaunting kakayahan; kung pangkaraniwang tagasunod lang sila na walang anumang pasaning nakaatang sa kanila, wala silang lakas para gawin ang gawain nila at walang anumang interes dito. Gayunpaman, kung, ayon sa kakayahan at sa tungkuling kaya nilang gawin, ay maaatangan sila ng pasanin ng pagiging superbisor, pahihintulutang humawak ng kaunting titulo at umako ng ilang obligasyon, mapupukaw ang interes nila sa gawain. Kung minsan, kapag nagiging iresponsable sila sa gawain nila o nagiging tamad sila, pwede silang mapungusan; minsan naman, pwede silang mabigyan ng kaunting pagpapalakas ng loob at papuri. Kaya, ang mga taong ito, na nagpapahalaga sa reputasyon, na gustong-gusto ng katayuan, at na nasisiyahan kapag binobola, ay nagkakaroon ng lakas para gawin ang tungkulin nila. Kapag iniisip nilang magpabaya, naiisip-isip nila, “Alang-alang sa katayuan, para sa pasaning dala-dala ko, dapat akong magtrabaho nang maayos.” Sa ganitong paraan, pwedeng bahagyang malutas ang katamaran ng ganoong mga tao. Kapag ang mga huwad na lider ay nahaharap sa ganitong uri ng mga isyung may kinalaman sa pagkatao o sa mga kalagayang may kinalaman sa buhay pagpasok na lumilitaw sa proseso ng paggawa ng tungkulin, masyadong mahirap at komplikadong lutasin ang mga iyon para sa kanila. Hindi nila alam kung paano lutasin ang mga kalagayan at problemang ito, o kung aling mga salita ng Diyos ang gagamitin para sa direktang kalutasan. Kadalasan, ang diskarte nila ay hikayatin o suyuin ang mga tao na magtrabaho nang maayos; kung hindi gagana ang panghihikayat at panunuyo, magagalit na lang sila at pupungusan ang mga ito. Kung hindi gagana ang pagpupungos sa mga ito, magbabasa sila ng ilang sipi ng mababagsik na salita ng Diyos bilang babala, ipinapaalam sa mga tao na dapat umayos ang mga ito. Kung wala pa rin iyong epekto, ang huling opsyon nila ay magsaayos ng isang taong magbabantay at mamamahala sa mga ito. Ang ilang diskarte lang na ito ang mayroon sila, at kung hindi gagana ang mga ito, wala na silang ibang magagawa.

Bilang buod, anuman ang problema, hindi nakikita ng mga huwad na lider ang diwa ng problema, nahihirapan silang arukin ang mga tunay na kalagayan at pinagmulan ng iba’t ibang tao, at lalong hindi nila nakikita kung nasaan ang ugat ng problema o kung saan magsisimula para lutasin ito sa pinakaangkop na paraan. Wala sila ng mga prinsipyo at pamamaraang ito ng pagharap sa mga problema, kaya hindi kayang lutasin ng gawain ng mga huwad na lider ang iba’t ibang tunay na isyu. Nagagawa lang nilang mangaral ng ilang doktrina, sumigaw ng ilang salawikain, sumunod sa ilang patakaran, at magraos ng gawain. Paano magiging angkop ang ganoong mga tao sa gawain ng pamumuno sa iglesia? Kahit gaano pa sila magsanay o ilang taon pa silang sumampalataya, hindi sila magiging angkop sa gawain ng pamumuno sa iglesia. Nakakita na ba kayo ng anumang halimbawa nito? (Sa iglesia namin, may taong gumagawa ng tungkulin ng pagpapatuloy na palaging nagbibigay ng mga mapanghusga at nang-aataking komento, na nakakaapekto sa pagganap namin sa tungkulin at nagdudulot ng mga pagkagambala at pagkakagulo. Pagkatapos namin itong iulat sa lider, ipinagpilitan lang nito na kilalanin namin ang sarili namin at magpasakop kami sa kapaligirang isinaayos ng Diyos, nang hindi nilulutas ang aktuwal na problema, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Nalutas lang ang problema pagkatapos ng pagbabago sa pamumuno.) Isa itong tipikal na pagpapamalas ng huwad na pamumuno. Isa itong karaniwang uri ng huwad na lider: ang mga huwad na lider na hindi kayang kumilatis ng isang masamang tao o anticristo kapag nakaharap sila ng isa, at nagsasabi sa iba na maging mapagpasensiya at mapagparaya, na matuto mula sa karanasan, at sumunod sa masamang tao o anticristo. Hindi nila kinikilatis ang mga anticristo o masamang tao, wala rin silang ginagawa tungkol sa mga ito. Pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan tungkol sa mga paraan ng pagpapamalas ng mga anticristo, dapat ay magawa nang tukuyin ng lahat ng tao na nakakaunawa sa katotohanan ang ilan sa kanila. Pero nahahanap ba ng mga taong tulad ng mga huwad na lider kung paano tumutugma ang pagbabahaging iyon sa pag-uugali ng isang anticristo? Kaya ba nilang tukuyin ang mga anticristo? (Hindi.) At ano ang ibinubunga ng kawalan nila ng kakayahang kilatisin ang mga anticristo? Posible na agawin ng isang anticristo ang kapangyarihan mula sa kanila, na pahintulutan nilang kontrolin ng anticristo ang iglesia at na, sa huli, ay wala silang gawin habang nagtatatag ang anticristo ng isang nagsasariling kaharian. Kung hindi nila kayang kilatisin ang isang anticristo, imposible nilang tratuhing kaaway ang isang anticristo at ilantad, tukuyin, at tanggihan ito; kung hindi nila kayang tukuyin ang isang anticristo, malamang na tatratuhin nila ang isang anticristo bilang isang kapatid, nang may pagpapasensiya at pagpaparaya, na nagreresulta sa pagkakaluklok ng anticristo sa kapangyarihan sa iglesia at pagkontrol dito. Kaya, ang mga kahihinatnan ng kawalan ng kakayahang kilatisin ang mga anticristo ay malulubha, hindi maubos-maisip sa sobrang kalunos-lunos. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan; hindi nila kayang kilatisin ang mga diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao. Ang ginagawa lang nila ay mangaral ng mga salita at doktrina at maglapat ng mga patakaran, nang may pagmamahal sa lahat, hinahayaan ang lahat na magsisi, at binibigyan ang lahat ng pagkakataon, maging sino man ang mga ito. Hindi ba’t pamamaraan ito ng kaparian ng relihiyon? Hindi ba’t pamamaraan ito ng mga Pariseo? Kapag nakakaharap ng mga anticristo, kadalasan ay pinipili ng mga huwad na lider na makipagkompromiso at magpaubaya, nakakahanap pa nga ng palusot o dahilan para sabihing ito ay pagtrato sa iba nang may pagmamahal. Kahit nalalamang problematiko at anticristo ang isang tao, hindi sila nangangahas na komprontahin siya, wala rin silang lakas ng loob na kilatisin at ilantad siya; ito mismo ang ginagawa ng mga huwad na lider. Kahit kapag natukoy na ng ilang kapatid na masama o anticristo ang taong ito, sasabihin pa rin ng huwad na lider, “Hindi natin puwedeng husgahan o kondenahin ang mga tao nang ganoon-ganoon lang. Napakasigasig ng taong iyon sa paggugol ng sarili niya at gustung-gusto niyang magbayad ng halaga—hindi siya anticristo o masamang tao. Hindi naman nagiging masama ang isang tao dahil lang sa ilang malupit na salita, hindi ba?” Hindi makita ng mga huwad na lider ang diwa ng mga tao, ni makita ang mga kahihinatnan ng mga kilos ng mga anticristo, nagpapakita pa rin sila ng pagmamahal, pagpaparaya, at pagpapasensiya sa mga anticristo, hinihikayat pa nga nila ang mga anticristo na magnilay, kilalanin ang sarili nila, at tunay na magsisi. Kahit paano pa subukan ng isang anticristo na kilalanin ang sarili niya, puwede bang magbago ang kalikasan niya? Kaya ba niyang tunay na kilalanin ang sarili niya? Talagang hindi. Kahit na ang mga anticristo ay magmukhang tila tumatalikod sa ilang bagay at medyo gumugugol ng sarili sa panlabas, sa loob ay nagkikimkim sila ng mga ambisyon at magarbong pakana. Ang dahilan kung bakit hindi makita ng mga huwad na lider ang tunay na pagkatao ng mga taong tulad ng mga anticristo ay dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi rin nila kayang kilatisin ang iba’t ibang uri ng mga tao. Hindi nila makita ang totoo sa kalikasang diwa ng iba’t ibang tao, hindi rin nila alam kung paano tratuhin o pangasiwaan ang iba’t ibang uri ng tao. Kapag nakikita nilang inilalantad ng iba ang mga anticristo, hindi sila nangangahas na sumali, at mas natatakot pa silang umaksyon laban sa mga anticristo, nangangambang magagantihan sila kung mapapasama nila ang loob ng mga anticristo. Ang diskarte nila sa mga anticristo ay limitado sa pangangaral ng mga doktrina at mga panghihikayat. Bukod sa hindi kayang kilatisin ang masasamang tao at mga anticristo, hindi rin kayang lutasin ng mga huwad na lider ang iba’t ibang isyung umiiral sa hinirang na mga tao ng Diyos. Pinatutunayan nitong wala talagang pagkaunawa sa katotohanan ang mga huwad na lider; wala silang kakayahang lumutas ng mga aktuwal na problema at imposible nilang maakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papasok sa katotohanang realidad. Anuman ang sabihin o gawin ng mga huwad na lider, wala kang maririnig na anumang salita ng liwanag na dulot ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu mula sa kanila, lalong hindi mo makikitang nagtataglay sila ng anumang katotohanang realidad. Samakatwid, walang anumang ibinibigay na pakinabang o tulong ang mga huwad na lider pagdating sa buhay pagpasok ng mga tao; ang kaunting gawaing ginagawa nila ay may kinalaman sa pangangaral ng mga salita at doktrina, pagsigaw ng mga salawikain, at paggawa nang pabasta-basta. Lubos silang nabibigo sa pagtupad sa papel na dapat gampanan ng isang lider.

Hanggang dito na lang ang pagbabahaginan natin sa araw na ito. Paalam!

Enero 9, 2021

Sumunod: Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito