XV. Mga Salita tungkol sa Pagpopropesiya tungkol sa Kagandahan ng Kaharian at Hantungan ng Sangkatauhan, at mga Pangako at Pagpapala ng Diyos
686. Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim na libong taon, at pinahintulutan Ko lang din ang kontrol sa buong sangkatauhan ng masama na magtagal lamang nang anim na libong taon. Kaya, ubos na ang oras ngayon. Hindi Ko na ninanais na magpatuloy o magpaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na nasa Aking panig upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain Ko lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Ngunit alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Pananatilihin Ko iyong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging lubusan Kong nalupig at nagmamahal sa Akin, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganaan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay makakapiling Ko magpakailanman, ngunit hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magugulo, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na patuloy na iiral sa mundo pagkatapos Kong matalo si Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na mananatili at magkakamit ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ang mga ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipagdigma kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim na libong taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa loob ng buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng mga tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit
687. Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa lupa at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagkagiliw sa pagitan ng mga tao. Ako ay naglalakad sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbabahagi ng mga pighati ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay namumuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 20
688. Kapag ang kaharian ay ganap nang bumaba sa lupa, mababawi ng lahat ng tao ang kanilang orihinal na wangis. Kaya, sinasabi ng Diyos, “Nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbabahagi ng mga pighati ang sinuman sa Akin.” Ipinapakita nito na ang araw kung kailan natatamo ng Diyos ang ganap na kaluwalhatian ay ang araw kung kailan natatamasa ng tao ang kanyang kapahingahan; hindi na nagkukumahog ang mga tao bunga ng panggugulo ni Satanas, humihinto sa pag-usad ang mundo, at nabubuhay ang mga tao sa kapahingahan—sapagkat ang mga bituin sa kalangitan ay pinaninibago, at ang araw, buwan, mga bituin, at iba pa, at lahat ng kabundukan at mga ilog sa langit at sa lupa, ay binabagong lahat. At dahil nagbago na ang tao at nagbago na ang Diyos, magbabago ang lahat ng bagay. Ito ang layon sa huli ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ang makakamtan sa huli.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 20
689. Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, lumang tiwaling mundo! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naging putik! Ah, buong sangkatauhan, na sarili Kong likha! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natanggap ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pagpupumiglas sa putikan! Ah, ang lahat ng bagay na hawak Ko sa Aking mga kamay! Paanong hindi mapaninibago ang mga ito bilang resulta ng Aking mga salita? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga papel? Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at tigang ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagiging isa, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa. Sa masayang okasyong ito, sa sandaling ito ng labis na kagalakan, ang Aking pagiging matuwid at ang Aking kabanalan ay umabot na sa ibabaw ng sansinukob at sa buong sansinukob, at walang humpay na ipinagbubunyi sa gitna ng lahat ng tao. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak? At sino ang hindi naluluha? Ang daigdig sa una nitong kalagayan ay nabibilang sa langit, at ang langit ay kaisa ng daigdig. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa. Dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa tungo sa langit. Ang mga mukha ng lahat ng tao ay nababalutan ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang mga tao o pisikal na nakikipagbuno sa isa’t isa. Mayroon bang sinuman, sa Aking liwanag, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon ba, sa Aking panahon, na nagbibigay ng kahihiyan sa Aking pangalan? Ang lahat ay nakatitig sa Akin nang may takot, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Akin. Nasiyasat Ko na ang bawat kilos nila: Sa mga taong nalinis na, walang mapaghimagsik laban sa Akin, walang humuhusga sa Akin. Ang Aking disposisyon ay tumatagos sa lahat ng tao. Nakikilala Ako ng lahat, mas lumalapit sila sa Akin at tumitingala sa Akin. Tumitindig Ako nang matatag sa espiritu ng tao, dinadakila Ako sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang kagalakan sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa ibabaw ng lupa, malinis at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 18
690. Sa Aking liwanag, muling nakikita ng mga tao ang liwanag. Sa Aking salita, nakakamit ng mga tao ang mga bagay para sa pagtatamasa nila. Nagmula Ako sa Silangan, nagsimula Ako mula sa Silangan. Kapag sumisikat ang liwanag ng Aking kaluwalhatian, naiilawan ang di-mabilang na mga bansa, lahat ay natatanglawan, wala ni isa mang bagay ang nananatili sa kadiliman. Sa kaharian, ang buhay na ipinamumuhay ng mga tao ng Diyos sa Kanyang piling ay walang kapantay ang saya. Sumasayaw sa tuwa ang mga tubig sa pinagpalang buhay ng mga tao, nagtatamasa ang mga kabundukan sa Aking kasaganaan kasama ng mga tao. Lahat ng tao ay nagpupunyagi, nagtatrabaho nang husto, nagpapakita ng kanilang debosyon sa Aking kaharian. Sa kaharian, wala nang paghihimagsik, wala nang paglaban; umaasa ang kalangitan at ang lupa sa isa’t isa, nagkakalapit Ako at ang sangkatauhan na may malalim na damdamin, matamis na namumuhay nang magkakasama, sumasandal sa isa’t isa…. Sa panahong ito, pormal Kong sinisimulan ang Aking buhay sa langit. Wala na ang panggugulo ni Satanas, at pumapasok na sa kapahingahan ang mga tao. Sa sansinukob, ang Aking hinirang na mga tao ay namumuhay sa loob ng liwanag ng Aking kaluwalhatian, pinagpala nang walang katulad, hindi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng mga tao, kundi bilang mga taong nabubuhay sa piling ng Diyos. Napagdaanan ng lahat ng tao ang paggawang tiwali ni Satanas, at ininom nang husto ang pait at tamis ng buhay. Ngayon, habang nabubuhay sa Aking liwanag, paanong hindi sila magagalak? Paanong basta na lamang nilang babalewalain ang magandang sandaling ito at palalagpasin ito? Kayong mga tao! Magmadaling kantahin ang awit sa inyong puso at sumayaw nang may kagalakan para sa Akin! Magmadaling itaas ang inyong taos na puso at ialay ito sa Akin! Magmadaling paluin ang inyong mga tambol at masayang tumugtog para sa Akin! Pinasisikat Ko ang Aking kasiyahan mula sa ibabaw ng sansinukob! Inihahayag Ko sa mga tao ang Aking maluwalhating mukha! Sisigaw Ako sa malakas na tinig! Pangingibabawan Ko ang sansinukob! Naghahari na Ako sa gitna ng mga tao! Dinadakila Ako ng mga tao! Gumagala Ako sa bughaw na kalangitan sa itaas at lumalakad ang mga tao na kasama Ko. Naglalakad Ako sa gitna ng Aking mga tao at pinalilibutan nila Ako! Nag-uumapaw sa kasayahan ang puso ng mga tao, niyayanig ng kanilang mga matunog na awit ang sansinukob, at binabasag ang kaitaasan! Hindi na nasusukluban ng hamog ang sansinukob; wala nang putik, wala nang naiipong maruming tubig. Mga banal na tao ng sansinukob! Sa ilalim ng Aking inspeksiyon, ipinapakita nila ang kanilang tunay na mukha. Hindi sila mga taong natatakpan ng dumi, kundi mga banal na kasingpuro ng jade, lahat sila ay Aking minamahal, lahat sila ay Aking kasiyahan! Lahat ng bagay ay muling nabubuhay. Lahat ng banal ay bumalik upang paglingkuran Ako sa langit, pumapasok sa Aking mainit na yakap, hindi na luhaan, hindi na nag-aalala, inaalay ang kanilang sarili sa Akin, bumabalik sa Aking tahanan, at sa kanilang bayang-tinubuan, mamahalin nila Ako nang walang humpay! Hindi nagbabago sa buong kawalang-hanggan! Nasaan ang kalungkutan! Nasaan ang mga luha! Nasaan ang laman! Wala na ang mundo, ngunit ang langit ay magpakailanman. Nagpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao, at pinupuri Ako ng di-mabilang na mga tao. Ang buhay na ito, ang kagandahang ito, noon pa mang unang panahon hanggang sa katapusan ng panahon ay hindi magbabago. Ito ang buhay ng kaharian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Magalak Kayong Lahat na mga Tao!
691. Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at tumitindig ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang makawawasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng kasalukuyan, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang nasa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong mga may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, sila ay gagamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila ay Aking aariin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Tatandaan Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila ng Aking kaharian, pagyayamanin sila nang hindi masukat sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo kailanman ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Hinangad na ba ninyo kailanman ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo, sa ilalim ng gabay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang gabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at magsisinag kayo ng Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 19
692. Ang Aking karunungan ay nasa lahat ng dako sa mundo, at sa buong sansinukob. Sa gitna ng lahat ng bagay ay naroon ang mga bunga ng Aking karunungan, sa gitna ng di-mabilang na mga tao ay sagana ang mga obra maestra ng Aking karunungan; lahat ng bagay ay katulad ng lahat ng bagay sa Aking kaharian, at lahat ng tao ay namamahinga sa ilalim ng Aking kalangitan na tulad ng mga tupa sa Aking mga pastulan. Gumagalaw Ako sa ibabaw ng di-mabilang na mga tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakahimlay Ako sa ibabaw ng buong sansinukob, at lubos Akong nasisiyahan, sapagkat nabawi na ng lahat ng bagay ang kanilang kabanalan, at muli Akong makakapanirahan nang payapa sa loob ng Sion, at ang mga tao sa lupa ay muli pang makapamumuhay at makakagawa nang mapayapa at kontento sa ilalim ng Aking patnubay. Sa loob ng Aking kamay, pinangangasiwaan ng Aking di-mabilang na mga tao ang lahat ng bagay. Nabawi nila ang dati nilang katalinuhan at orihinal na anyo; hindi na sila nababalutan ng alabok, kundi, sa Aking kaharian, sila ay banal na tulad ng jade, bawat isa ay may mukhang gaya ng sa banal na nasa puso ng tao, sapagkat ang Aking kaharian ay naitatag na sa gitna ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 16
693. “Gumagalaw Ako sa ibabaw ng di-mabilang na mga tao at nagmamasid Ako sa lahat ng dako. Walang anumang mukhang luma kailanman, at walang taong katulad ng dati. Namamahinga Ako sa trono, nakahilig Ako sa ibabaw ng buong sansinukob….” Ito ang kinalabasan ng kasalukuyang gawain ng Diyos. Lahat ng taong hinirang ng Diyos ay bumabalik sa kanilang orihinal na wangis, na siyang dahilan kung bakit ang mga anghel, na nagdusa nang napakaraming taon, ay pinalalaya, tulad lang ng sinasabi ng Diyos na “ang mukha nila ay gaya ng sa banal na nasa puso ng tao.” Dahil gumagawa ang mga anghel sa lupa at naglilingkod sa Diyos sa lupa, at dahil lumalaganap ang kaluwalhatian ng Diyos sa buong mundo, dinadala ang langit sa lupa, at itinataas ang lupa sa langit. Samakatwid, ang tao ang kawing na nag-uugnay sa langit at lupa; ang langit at lupa ay hindi na magkabukod, hindi na magkahiwalay, kundi magkaugnay bilang iisa. Sa buong mundo, ang Diyos at ang tao lamang ang umiiral. Walang alikabok o dumi, at lahat ng bagay ay napanibago, gaya ng isang batang korderong nakahiga sa isang luntiang damuhan sa silong ng langit, nagtatamasa ng lahat ng biyaya ng Diyos. At dahil sa pagdating ng kaluntiang ito kaya sumisikat ang hininga ng buhay, sapagkat dumarating ang Diyos sa mundo upang mamuhay kasama ng tao sa buong kawalang-hanggan, tulad lamang ng sinabi mula sa bibig ng Diyos na “muli Akong maninirahan nang payapa sa loob ng Sion.” Ito ang simbolo ng pagkatalo ni Satanas, ito ang araw ng kapahingahan ng Diyos, at ang araw na ito ay pupurihin at ipoproklama ng di-mabilang na mga tao, at tatandaan nila. Kapag nagpapahinga ang Diyos sa trono, iyon din ang panahon na tinatapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, at iyon ang mismong sandali na lahat ng hiwaga ng Diyos ay ipinapamalas sa tao; ang Diyos at ang tao ay mamumuhay nang magkasama nang payapa magpakailanman, hindi kailanman magkakahiwalay—gayon ang magagandang tagpo sa kaharian!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 16
694. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga pari o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng mga pari sa loob ng kaharian. Ang kalipunan ng mga pari ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa buong sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang paggampan sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga pari mayroong magiging mga punong pari at mga pari, at ang natitira ay magiging mga anak at mga tao ng Diyos. Sila ay pagbubukod-bukurin batay sa kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; ang mga ito ay hindi mga titulo na basta lamang na ibinibigay. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay natukoy na, ang gawain ng Diyos ay titigil, dahil ang bawat tao ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri at ibabalik sa kanilang orihinal na posisyon, at ito ang tanda ng katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang kristalisasyon ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa huli, ang tao ay papasok sa kaharian ng Diyos at doon ay makakasumpong ng kapahingahan, at ang Diyos din ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
695. Pagkatapos makompleto ang gawain ng paglupig, dadalhin ang tao sa isang magandang mundo. Siyempre, ang buhay na ito ay magiging nasa lupa pa rin, ngunit ito ay ganap na hindi magiging kagaya ng buhay ng tao sa ngayon. Ito ang buhay na tataglayin ng sangkatauhan matapos malupig ang buong sangkatauhan, magiging bagong simula ito para sa tao sa lupa. Ang pagkakaroon ng sangkatauhan ng gayong buhay ay magiging patunay na ang sangkatauhan ay nakapasok sa bago at magandang mundo; ito ang magiging simula ng buhay ng Diyos at tao sa lupa. Ang paunang kondisyon para sa gayong magandang buhay ay dapat na, matapos na ang tao ay madalisay at malupig, siya ay magpasakop sa harap ng Lumikha. At kaya, ang gawain ng paglupig ay ang huling yugto ng gawain ng Diyos bago pumasok ang sangkatauhan sa kamangha-manghang hantungan. Ang gayong buhay ay ang buhay ng tao sa lupa sa hinaharap, ito ang pinakamagandang buhay sa lupa, ang uri ng buhay na kinasasabikan ng tao, ang uri na hindi pa kailanman nakamtan ng tao sa kasaysayan ng mundo. Ito ang huling kinalabasan ng 6,000 taon ng gawain ng pamamahala; ito ang pinakakinasasabikan ng sangkatauhan, at ito rin ang pangako ng Diyos sa tao. Ngunit ang pangakong ito ay hindi kaagad matutupad: Papasok lamang ang tao sa hantungan sa hinaharap sa sandaling matapos na ang gawain sa mga huling araw at siya ay ganap nang malupig, iyon ay, sa sandaling ganap nang matalo si Satanas. Matapos mapino ang tao, mawawalan na siya ng makasalanang kalikasan, dahil nagapi na ng Diyos si Satanas, na nangangahulugan na hindi na makapanghihimasok ang mga mapanlabang puwersa, at wala nang mga mapanlabang puwersa na makakasalakay sa laman ng tao. At kaya magiging malaya at pinabanal ang tao—siya ay makakapasok sa kawalang-hanggan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
696. Kapag nakamit na ng tao ang tunay na buhay ng tao sa lupa at ang buong mga puwersa ni Satanas ay naigapos, ang tao ay mamumuhay nang walang hirap sa ibabaw ng lupa. Ang mga bagay-bagay ay hindi na magiging komplikado gaya ng sa kasalukuyan: Mga pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, mga ugnayang panlipunan, masalimuot na ugnayang pampamilya—nagdadala ang mga iyon ng napakaraming gulo, napakalubhang pasakit! Sobrang nakakainis na mamuhay sa gitna ng lahat ng ito! Sa sandaling nalupig ang tao, ang kanyang puso at isipan ay magbabago. Magkakaroon siya ng may-takot-sa-Diyos na puso at mapagmahal-sa-Diyos na puso. Sa sandaling ang lahat ng nasa loob ng sansinukob na naghahangad na ibigin ang Diyos ay nalupig na, na ang ibig sabihin, sa sandaling natalo na si Satanas, at sa sandaling si Satanas—lahat ng puwersa ng kadiliman—ay naigapos na, kung gayon ang buhay ng tao sa lupa ay hindi magugulo, at makakapamuhay siya nang malaya sa ibabaw ng lupa. Kung ang buhay ng tao ay walang mga makalamang pakikipagrelasyon, at mga masalimuot na usapin ng laman, sa gayon ito ay magiging lalong napakadali. Ang mga kaugnayan ng laman ng tao ay masyadong komplikado, at para sa tao ang magkaroon ng ganitong mga bagay ay patunay na hindi pa niya napapalaya ang kanyang sarili sa impluwensiya ni Satanas. Kung ikaw ay magkaroon ng kaparehong ugnayan sa bawat isa sa mga kapatid, kung ikaw ay magkaroon ng kaparehong relasyon sa bawat miyembro ng iyong pamilya, kung gayon ay wala nang manggugulo sa iyo, at hindi mo na kailangan pang mag-alala tungkol sa kaninuman. Wala nang magiging mas mabuti pa, at sa ganitong paraan gagaan nang kalahati ang pagdurusa ng tao. Namumuhay ng isang normal na buhay ng tao sa lupa, ang tao ay magiging katulad ng mga anghel; bagaman nasa laman pa rin, siya ay magiging tulad na tulad ng isang anghel. Ito ang panghuling pangako, ang huling pangakong ipinagkakaloob sa tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
697. Yaong mga nilalayon na gawing perpekto ng Diyos ay pawang magmamana ng mga pagpapala Niya at tatanggap ng pamana Niya. Ibig sabihin, tinatanggap nila kung ano ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos upang ito ay maging kung ano ang nasa kalooban nila; pinapanday sa loob nila ang lahat ng salita ng Diyos; at anuman ang Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang lahat ng ito nang eksakto. Sa ganitong paraan, isinasabuhay nila ang katotohanan. Ito ang uri ng taong ginagawang perpekto ng Diyos at nakakamit ng Diyos. Ang ganitong tao lamang ang kalipikadong magmana ng mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos:
1) Pagkakamit ng kabuuan ng pagmamahal ng Diyos.
2) Pagkilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay.
3) Pagkakamit ng gabay ng Diyos, pamumuhay sa pagtanglaw ng Diyos, at pagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos.
4) Pagsasabuhay sa lupa ng wangis na mahal ng Diyos; pagiging katulad ni Pedro, na nagmahal sa Diyos nang tunay, na ipinako sa krus para sa Diyos at karapat-dapat na mamatay para suklian ang pagmamahal ng Diyos; pagkakaroon ng kaparehong kaluwalhatian gaya ni Pedro.
5) Pagiging minamahal, iginagalang, at hinahangaan ng lahat ng tao sa lupa.
6) Pananaig sa lahat ng aspekto ng pagkagapos sa kamatayan at Hades, hindi pagbibigay ng pagkakataong gawin ni Satanas ang gawain nito, pagiging pag-aari ng Diyos, pamumuhay sa loob ng isang sariwa at masiglang espiritu, at hindi pagkaramdam ng pagsasawa.
7) Pagkakaroon ng di-mailarawang pagkaramdam ng tuwa at kasabikan sa lahat ng oras sa buong buhay, na para bang napagmasdan ang pagdating ng araw ng kaluwalhatian ng Diyos.
8) Pagkakamit ng kaluwalhatian kasama ng Diyos at pagkakaroon ng isang anyong kahawig ng mga banal na minamahal ng Diyos.
9) Pagiging yaong minamahal ng Diyos sa lupa, iyon ay, isang sinisintang anak ng Diyos.
10) Pagbabagong-anyo at pag-akyat sa ikatlong langit kasama ang Diyos at paglampas sa laman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Naperpekto
698. Kapag pumasok na ang tao sa walang hanggang hantungan, sasambahin ng tao ang Lumikha, at sapagkat naligtas at nakapasok na ang tao sa kawalang-hanggan, hindi na maghahangad ang tao ng anumang mga layon, lalong hindi na niya kailangang mag-alala na siya ay kukubkubin ni Satanas. Sa panahong ito, mananatili ang bawat tao sa kanyang lugar, at gagampanan ang kanyang tungkulin, at kahit na hindi siya kakastiguhin ni hahatulan, gagampanan ng bawat tao ang kani-kanilang tungkulin. Sa panahong iyon, ang tao ay magiging isang nilikha kapwa sa pagkakakilanlan at sa katayuan. Wala nang magiging pagkakaiba ng mataas at mababa; ang bawat tao ay gagampan na lamang ng magkakaibang papel. Ngunit ang tao ay mamumuhay pa rin sa isang maayos at angkop na hantungan para sa sangkatauhan; gagampanan ng tao ang kanyang tungkulin para sumamba sa Lumikha, at ang sangkatauhang ito ang magiging sangkatauhan ng kawalang-hanggan. Sa panahong iyon, magtatamo na ang tao ng isang buhay na natanglawan ng Diyos, isang buhay na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at mamumuhay nang kasama ang Diyos. Magkakaroon ang sangkatauhan ng isang normal na buhay sa lupa, at ang lahat ng tao ay papasok sa tamang landas. Lubos nang magagapi ng 6,000-taong plano ng pamamahala si Satanas, ibig sabihin nito ay mapanunumbalik na ng Diyos ang orihinal na wangis ng tao matapos siyang likhain sa lupa, at sa gayon, ang orihinal na mga layunin ng Diyos ay matutugunan na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan
699. Ang buhay na may kapahingahan ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang karumihan, at walang anumang kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga mapanlabang puwersa) at paggawang tiwali ni Satanas, at malaya sa panghihimasok ng anumang puwersang kumokontra sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri at kayang sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang buhay na may kapahingahan para sa mga tao. Kapag nagpahinga ang Diyos, hindi na iiral ang kawalan ng katuwiran sa lupa, ni magkakaroon ng anumang karagdagang panghihimasok mula sa mga mapanlabang puwersa, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong mundo—hindi na magiging isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay magiging araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawalan ang Diyos ng Kanyang kapahingahan dahil sa kawalan ng abilidad ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi dahil sa wala Siyang kapahingahan sa simula. Ang pagpasok sa kapahingahan ay hindi nangangahulugang ang aktibidad ng lahat ng bagay ay humihinto o na tumitigil ang pag-unlad ng lahat ng bagay, at hindi rin ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mamuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa kapahingahan ay na nawasak na si Satanas, na naparusahan at nalipol na ang masasamang tao na nakiisa rito sa paggawa nito ng masama, at na tumigil na sa pag-iral ang lahat ng puwersang mapanlaban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan ay nangangahulugang hindi na Niya isasagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa kapahingahan ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, nang walang paggawang tiwali ni Satanas, wala nang magaganap na kawalan ng katuwiran, at ang lahat ng tao ay mamumuhay nang normal sa lupa sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Kapag magkasamang pumasok sa kapahingahan ang Diyos at ang sangkatauhan, nangangahulugan ito na nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, na ganap nang nakompleto ang gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos na gumawa sa mga tao, at hindi na sila mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dahil dito, hindi na magiging abala ang Diyos, at hindi na palaging aligaga ang mga tao; ang Diyos at ang sangkatauhan ay sabay na papasok sa kapahingahan. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang magiging mga hantungan ng Diyos at ng mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang mga tao ay may lugar na pupuntahan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa pag-akay sa lahat ng tao na mamuhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong mundo ang Diyos at ang mga tao; sa halip, kapwa sila may kani-kanilang mga sariling paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang umaakay sa buong sangkatauhan, at ang buong sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi kapareho sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatwid, kapag pumasok sa pamamahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa lupa o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pamamahinga ang mga tao, nangangahulugan ito na sila ay naging mga tunay na nilikha; sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay sila ng normal na buhay ng tao. Hindi na maghihimagsik ang mga tao sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sila sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ang mga ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pamamahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kalakaran ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Dahil dito, ang pagpasok ng Diyos sa pamamahinga pagkaraan na matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pamamahinga ng sangkatauhan ay naging mga hindi rin maiiwasang kalakaran. Nasa lupa ang pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Sasambahin ng mga tao ang Diyos habang namamahinga sila, nang namumuhay sa lupa. Aakayin ng Diyos ang natitirang mga tao habang namamahinga Siya; aakayin Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatili pa ring ang Espiritu, habang mananatili pa ring laman ang mga tao. Ang Diyos at ang mga tao ay may kani-kanilang mga pamamaraan ng pamamahinga. Habang nagpapahinga ang Diyos, paparito Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao; habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang tamasahin ang buhay roon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
700. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga