Pagsasagawa 5

Sa Kapanahunan ng Biyaya, bumigkas si Jesus ng ilang salita at nagsagawa ng isang yugto ng gawain. Mayroong konteksto sa lahat ng iyon, at lahat ng iyon ay angkop sa mga kalagayan ng mga tao sa panahong iyon; si Jesus ay nagsalita at gumawa nang nararapat sa konteksto sa panahong iyon. Nangusap din Siya ng ilang propesiya. Ipinropesiya Niya na ang Espiritu ng katotohanan ay darating sa mga huling araw at magpapatupad ng isang yugto ng gawain. Ibig sabihin, hindi Niya nauunawaan ang anumang walang kinalaman sa gawain na Siya Mismo ang gagawa sa kapanahunang iyon; ang gawaing hatid ng Diyos na nagkatawang-tao, sa madaling salita, ay limitado. Kaya, ginagawa lamang Niya ang gawain ng kapanahunang kinaroroonan Niya at hindi gumagawa ng ibang gawaing walang kaugnayan sa Kanya. Noong panahong iyon, hindi gumawa si Jesus ayon sa mga damdamin o mga pangitain, kundi kung ano ang nararapat sa panahon at konteksto. Walang sinumang umakay o gumabay sa Kanya. Ang Kanyang buong gawain ay ang Kanyang sariling pagkatao—iyon ang gawaing kailangang isagawa ng Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, na siyang lahat ng gawain na hatid ng pagkakatawang-tao. Gumawa lamang si Jesus ayon sa nakita at narinig Niya Mismo. Sa madaling salita, gumawa nang tuwiran ang Espiritu; hindi na kinailangang magpakita sa Kanya ang mga sugo at bigyan Siya ng mga panaginip, ni sinagan Siya ng anumang dakilang liwanag at tulutan Siyang makakita. Gumawa Siya nang malaya at walang pagpipigil, dahil ang Kanyang gawain ay hindi nakabatay sa mga damdamin. Sa madaling salita, nang Siya ay gumawa, hindi Siya nangapa at nanghula, kundi nagsakatuparan ng mga bagay nang may kagaanan, na gumagawa at nagsasalita ayon sa Kanyang sariling mga ideya at sa nakita ng Kanyang sariling mga mata, na naglalaan ng agarang panustos sa bawat disipulong sumunod sa Kanya. Ito ang kaibhan ng gawain ng Diyos sa gawain ng mga tao: Kapag gumagawa ang mga tao, naghahanap sila at nangangapa, laging nanggagaya at nananadya batay sa pundasyong inilatag ng iba upang magtamo ng mas malalim na pagpasok. Ang gawain ng Diyos ay ang paglalaan ng kung ano Siya, at ginagawa Niya ang gawaing Siya Mismo ang kailangang gumawa. Hindi Siya naglalaan ng panustos sa iglesia gamit ang kaalamang galing sa gawain ng sinumang tao. Sa halip, ginagawa Niya ang kasalukuyang gawain batay sa kalagayan ng mga tao. Sa gayon, ang paggawa sa ganitong paraan ay libu-libong beses na mas malaya kaysa sa gawaing ginagawa ng mga tao. Para sa mga tao, maaari pa ngang lumitaw na hindi nananatiling tapat ang Diyos sa Kanyang tungkulin at gumagawa kung paano Niya gusto—ngunit lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay bago. Gayunpaman, dapat mong malaman na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi kailanman nakabatay sa mga damdamin. Sa panahong iyon, nang makumpleto na ni Jesus ang Kanyang gawaing magpapako sa krus, nang makarating ang mga disipulong sumunod kay Jesus sa isang partikular na punto sa kanilang pagdaranas, nadama nila na parating na ang araw ng Diyos, at na magtatagpo sila ng Panginoon sa lalong madaling panahon. Iyon ang damdamin nila noon, at para sa kanila, ang damdaming ito ang pinakamahalaga. Ngunit sa katunayan, hindi maaasahan ang mga damdamin sa kalooban ng mga tao. Naramdaman nila na marahil ay malapit na nilang maabot ang dulo ng landas, o na lahat ng ginawa at tiniis nila ay itinalaga ng Diyos. Sinabi rin ni Pablo na natapos na niya ang kanyang takbuhin, na nakibaka na siya ng pakikipagbaka, at may nakalaang putong na katuwiran para sa kanya. Iyon ang nadamaniya, at isinulat niya iyon sa mga sulat at ipinadala ang mga iyon sa mga iglesia. Ang gayong mga kilos ay nagmula sa mga pasaning kanyang pinasan para sa mga iglesia, at hindi iyon pinansin ng Banal na Espiritu. Nang sabihin ni Pablo ang mga salitang iyon, hindi siya nabalisa, ni wala siyang nadamang anumang paninisi, kaya naniwala siya na ang gayong mga bagay ay napakanormal at tama, at na nagmula ang mga iyon sa Banal na Espiritu. Ngunit kung titingnan sa ngayon, hindi talaga nagmula ang mga iyon sa Banal na Espiritu. Ang mga iyon ay walang iba kundi mga ilusyon ng isang tao. Maraming ilusyon sa kalooban ng mga tao, at hindi iyon pinapansin ng Diyos o nagpapahayag ang Diyos ng anumang mga opinyon kapag nangyayari ang mga iyon. Karamihan sa gawain ng Banal na Espiritu ay hindi isinasagawa sa pamamagitan ng mga damdamin ng mga tao—hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng mga damdamin ng mga tao maliban sa mahihirap at madidilim na panahon bago naging tao ang Diyos, o sa panahon na walang mga apostol o manggagawa. Sa yugtong iyon nagbibigay ng ilang espesyal na damdamin ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao. Halimbawa: Kapag walang paggabay ng mga salita ng Diyos ang mga tao, mayroon silang di-maipaliwanag na kaligayahan kapag nagdarasal sila; mayroon silang damdamin ng kasiyahan sa puso nila, at payapa at panatag sila. Kapag taglay nila ang patnubay ng mga salita, nakadarama ang mga tao ng pagliwanag sa kanilang espiritu, mayroon silang landas ng pagsasagawa sa kanilang mga kilos, at natural, mayroon din silang mga damdamin ng kapayapaan at kapanatagan. Kapag nahaharap ang mga tao sa panganib, o pinipigilan sila ng Diyos na gawin ang ilang bagay, nababahala at nababagabag ang kanilang puso. Ang mga ito ay pawang mga damdaming bigay sa tao ng Banal na Espiritu. Gayunman, kung ang isang malupit na sitwasyon ay pinagsisimulan ng isang kapaligirang nakakatakot, na nagiging dahilan para mabalisa at matakot nang husto ang mga tao, normal na pagpapahayag iyon ng tao at walang kaugnayan sa gawain ng Banal na Espiritu.

Ang mga tao ay palaging nabubuhay ayon sa sarili nilang damdamin, at nagawa nila ito sa loob ng maraming taon. Kapag payapa ang puso nila, kumikilos sila (naniniwala na ang kanilang kahandaan ay isang damdamin ng kapayapaan), at kapag hindi payapa ang puso nila, hindi sila kumikilos (naniniwala na ang kanilang kawalan ng gana o pag-ayaw ay isang damdamin ng pagkabalisa). Kapag naging maayos ang mga bagay-bagay, iniisip nila na kalooban ito ng Diyos. (Sa katunayan, ito ay isang bagay na dapat ay nagawa nang napakaayos, dahil ito ang likas na batas ng mga bagay-bagay.) Kapag hindi maayos ang takbo ng mga bagay-bagay, iniisip nila na hindi ito ang kalooban ng Diyos. Kapag nahaharap sila sa isang bagay na hindi maayos ang takbo, tumitigil sila. Ang gayong damdamin ay hindi tumpak, at ang pagkilos ayon sa mga ito ay magdudulot ng maraming pagkaantala. Halimbawa, tiyak na mahihirapan silang isagawa ang katotohanan at lalo na sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Maraming positibong bagay ang magiging mahirap na matanto. Kagaya lang ng kasabihan, “Ang pagsasakatuparan ng mabubuting bagay ay kadalasang kasunod ng mga paghihirap.” Napakaraming damdamin ang mga tao sa kanilang praktikal na buhay, kaya palagi silang nalilito at hindi sigurado tungkol sa maraming bagay. Walang malinaw sa mga tao maliban kung nauunawaan nila ang katotohanan. Ngunit karaniwan, kapag kumikilos o nagsasalita sila ayon sa kanilang damdamin, basta’t hindi ito isang bagay na lumalabag sa mga pangunahing prinsipyo, hindi talaga tumutugon ang Banal na Espiritu. Katulad ito ng “putong na katuwiran” na nadama ni Pablo: Sa loob ng maraming taon, walang naniwala na mali ang kanyang nadama, ni hindi nadama ni Pablo mismo na mali ang kanyang nadama. Saan nagmumula ang mga damdamin ng mga tao? Ang mga ito, mangyari pa, ay mga reaksyong nagmumula sa kanilang utak. Ang iba’t ibang mga damdamin ay nadarama ayon sa iba’t ibang mga sitwasyon at iba’t ibang mga bagay. Kadalasan, nagkakaroon ng mga pahiwatig ang mga tao na may lohika ng tao na mapagkukunan ng isang grupo ng mga pormula, na nauuwi sa pagkabuo ng maraming damdamin ng tao. Hindi nila namamalayan, pumapasok ang mga tao sa sarili nilang lohikal na mga pahiwatig, at sa ganitong paraan, ang mga damdaming ito ang nagiging pag-asa ng mga tao sa kanilang buhay; nagiging pampagaan ng damdamin ang mga ito sa kanilang buhay, tulad ng “putong na katuwiran” ni Pablo o ng “pakikipagtagpo sa Panginoon sa himpapawid” ni Witness Lee. Halos walang paraan ang Diyos na mamagitan sa mga damdaming ito ng tao, at kailangan Niyang hayaan ang mga ito na lumago ayon sa gusto nila. Ngayon, malinaw na Akong nagsalita sa iyo tungkol sa iba’t ibang aspeto ng katotohanan. Kung patuloy ka pa ring nabubuhay ayon sa iyong mga damdamin, hindi ba nabubuhay ka pa rin sa kalabuan? Hindi mo tinatanggap ang mga salitang malinaw nang nasabi sa iyo, at lagi kang umaasa sa iyong personal na mga damdamin. Dito, hindi ka ba kagaya ng isang taong bulag na kinakapa ang isang elepante? At ano ang mapapala mo sa huli?

Lahat ng gawaing ginagawa ngayon ng Diyos na nagkatawang-tao ay totoo. Hindi ito isang bagay na madarama mo, o isang bagay na maiisip mo, lalong hindi ito isang bagay na mahihiwatigan mo—isang bagay lamang ito na mauunawaan mo kapag dumating sa iyo ang mga katunayan. Kung minsan, kahit dumating ang mga ito, hindi ka pa rin makakakita nang malinaw, at hindi makakaunawa ang mga tao hanggang sa personal na kumilos ang Diyos upang maghatid ng malaking kalinawan sa mga totoong katunayan kung ano ang nangyayari. Sa panahong iyon, maraming ilusyon ang mga disipulong sumusunod kay Jesus. Naniwala sila na paparating na ang araw ng Diyos at malapit na silang mamatay para sa Panginoon at makakatagpo na ang Panginoong Jesus. Naghintay nang buong pitong taon si Pedro dahil sa damdaming ito—ngunit hindi pa rin iyon dumating. Nadama nila na sumulong na ang kanilang buhay; dumami ang mga damdaming nasa kanilang kalooban at lalong tumindi ang mga damdaming ito, ngunit nakaranas sila ng maraming kabiguan at hindi sila nagtagumpay. Sila mismo ay hindi nila alam kung ano ang nangyayari. Maaari bang hindi matupad ang tunay na nagmula sa Banal na Espiritu? Hindi maaasahan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil may sariling paraan ng pag-iisip at mga ideya ang mga tao, bumubuo sila ng mayayabong na ugnayan batay sa konteksto at mga kalagayan sa panahong iyon. Lalo na, kapag may nangyayari sa mga taong may matinong pag-iisip, labis silang natutuwa at hindi makapigil na bumuo ng mayayabong na ugnayan. Angkop ito lalo na sa “mga dalubhasa” na may matataas na kaalaman at teorya, na ang mga ugnayan ay nagiging mas sagana pagkaraan ng maraming taon ng pakikitungo sa mundo; hindi nila namamalayan, sinasakop ng mga ito ang kanilang puso at nagiging napakatitinding damdamin nila, at nasisiyahan sila sa mga ito. Kapag gustong gumawa ng isang bagay ang mga tao, lalabas ang kanilang mga damdamin at imahinasyon sa kanilang kalooban at iisipin nila na tama sila. Kalaunan, kapag nakita nila na hindi pa natutupad ang mga ito, hindi malalaman ng mga tao kung anong mali ang nangyari. Marahil ay naniniwala sila na nagbago na ng plano ang Diyos.

Hindi maiiwasan na lahat ng tao ay may damdamin. Noong Kapanahunan ng Kautusan may partikular na mga damdamin din ang maraming tao, ngunit mas kakaunti ang mga maling pakiramdam nila kaysa sa mga tao ngayon. Iyon ay dahil dati-rati, namasdan ng mga tao ang anyo ni Jehova; nakikita nila ang mga sugo at nagkaroon sila ng mga panaginip. Hindi nakakakita ng mga pangitain o ng mga sugo ang mga tao ngayon, kaya nga dumami na ang mga maling pakiramdam nila. Kapag nadarama ng mga tao sa ngayon na tama talaga ang isang bagay at isinagawa nila ito, hindi sila sinisisi ng Banal na Espiritu, at payapang-payapa ang kanilang kalooban. Pagkatapos mangyari ito, sa pamamagitan lamang ng taimtim na panalangin o pagbasa sa mga salita ng Diyos nila natutuklasan na mali sila. Ang isang aspeto nito ay na walang mga sugong nagpapakita sa mga tao, bihirang-bihira ang mga panaginip, at walang nakikitang mga pangitain sa langit ang mga tao. Ang isa pang aspeto ay na hindi dinaragdagan ng Banal na Espiritu ang Kanyang mga paninisi at pagdisiplina sa kalooban ng mga tao; halos walang anuman sa gawain ng Banal na Espiritu ang nasa kanilang kalooban. Kaya nga, kung hindi kinakain at iniinom ng mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi hinahanap ang katotohanan sa praktikal na paraan, at hindi nauunawaan ang landas ng pagsasagawa, wala silang mapapala. Ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang mga sumusunod: Hindi Niya pinapansin ang walang kinalaman sa Kanyang gawain; kung may isang bagay na hindi saklaw ng Kanyang kapangyarihan, talagang hindi Siya kailanman nakikialam o namamagitan, hinahayaan Niyang gumawa ang mga tao ng anumang kaguluhang gusto nila. Maaari kang kumilos kahit paano mo gusto, ngunit darating ang araw na matatagpuan mo ang iyong sarili na takot na takot, at nalilito. Nakatuon lamang ang Diyos sa Kanyang gawain sa sarili Niyang katawang-tao, hindi Siya kailanman nakikialam sa gawain ng tao. Sa halip, binibigyan Niya ang mundo ng tao ng malawak na puwesto, at ginagawa ang gawaing kailangan Niyang gawin. Hindi ka sisisihin kung gumawa ka ng mali ngayon, ni hindi ka gagantimpalaan kung gumawa ka ng mabuti bukas. Ito ay mga gawain ng tao, at wala ni katiting na kaugnayan sa gawain ng Banal na Espiritu—talagang hindi ito saklaw ng Aking gawain.

Sa panahon na gumagawa si Pedro, sumambit siya ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Posible ba na walang isa man sa mga ito ang nanggaling sa mga ideya ng tao? Imposibleng lubos itong manggaling sa Banal na Espiritu. Si Pedro ay nilikha lamang ng Diyos, siya ay isang alagad, siya si Pedro, hindi si Jesus, at ang kanilang diwa ay hindi magkapareho. Kahit si Pedro ay ipinadala ng Banal na Espiritu, hindi lahat ng kanyang ginawa ay nanggaling sa Banal na Espiritu, sapagkat siya, tutal naman, ay isang tao. Sumambit din si Pablo ng maraming salita at sumulat ng maraming sulat sa mga iglesia, na ang ilan ay tinipon sa Bibliya. Hindi nagpahayag ng anumang mga opinyon ang Banal na Espiritu, sapagkat iyon ang panahon na kinakasangkapan ng Banal na Espiritu si Pablo. Nagtamo siya ng ilang karanasan at kaalaman, at isinulat niya ang mga iyon at ipinasa ang mga iyon sa kanyang mga kapatid sa Panginoon. Walang anumang reaksyon si Jesus. Bakit hindi siya pinigilan ng Banal na Espiritu sa panahong iyon? Iyon ay dahil may ilang karumihang nagmumula sa normal na paraan ng pag-iisip ng mga tao; hindi iyon maiiwasan. Dagdag pa riyan, ang kanyang mga kilos ay hindi umabot sa punto na maging paggagambala o panggugulo. Kapag may ilan sa ganitong uri ng gawain ng sangkatauhan, mas nadadalian ang mga tao na tanggapin ito. Hangga’t hindi nakakagambala ang mga karumihan ng normal na paraan ng pag-iisip ng tao sa anumang bagay, itinuturing itong normal. Sa madaling salita, ang mga taong may normal na paraan ng pag-iisip ay pawang may kakayahang mag-isip sa gayong paraan. Kapag ang mga tao ay nabubuhay sa katawang-tao, mayroon silang sariling paraan ng pag-iisip, ngunit walang paraan para maalis ang mga ito. Gayunman, matapos maranasan ang gawain ng Diyos nang ilang panahon at maunawaan ang ilang katotohanan, magiging mas kaunti ang mga paraang ito ng pag-iisip. Kapag nakaranas na sila ng mas maraming bagay, malakakita na sila nang malinaw at sa gayo’y mababawasan ang paggagambala nila. Sa madaling salita, kapag pinabulaanan ang mga imahinasyon at lohikal na mga palagay ng mga tao, mababawasan ang kanilang abnormal na mga damdamin. Ang mga nabubuhay sa katawang-tao ay pawang may sarili nilang paraan ng pag-iisip, ngunit sa huli, kikilos ang Diyos sa kanila hanggang sa puntong hindi makagambala sa kanila ang kanilang paraan ng pag-iisip, hindi na sila aasa sa mga damdamin sa kanilang buhay, lalago ang kanilang aktwal na tayog, at magagawa nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos sa loob ng realidad, at hindi na sila gagawa ng mga bagay na malabo o hungkag, at pagkatapos ay hindi na sila gagawa ng mga bagay na nagsasanhi ng mga pagkagambala. Sa ganitong paraan, mawawala na ang kanilang mga ilusyon, at mula sa panahong ito ay magiging aktwal tayog nila ang kanilang mga kilos.

Sinundan: Pagsasagawa 4

Sumunod: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 1

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito