Tanging Yaong mga Nakakakilala Lamang sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos ang Maaaring Maglingkod sa Diyos
Upang magpatotoo para sa Diyos at upang hiyain ang malaking pulang dragon, dapat mayroong prinsipyo ang isang tao, at dapat matugunan niya ang isang kondisyon: Dapat niyang mahalin ang Diyos sa puso niya at pumasok sa mga salita Niya. Kung hindi ka papasok sa mga salita ng Diyos, wala kang magiging paraan upang hiyain si Satanas. Sa pamamagitan ng paglago sa buhay mo, naghihimagsik ka laban sa malaking pulang dragon at dinadalhan ito ng lubos na kahihiyan—ito ang ibig sabihin ng tunay na pamamahiya sa malaking pulang dragon. Habang mas handa kang isagawa ang mga salita ng Diyos, mas lumalaki ang katibayan ng pagmamahal mo sa Diyos at ng pagkamuhi mo sa malaking pulang dragon; habang mas nagpapasakop ka sa mga salita ng Diyos, mas lumalaki ang katibayan ng pagkauhaw mo sa katotohanan. Ang mga taong hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos ay mga taong walang buhay. Ang ganitong mga tao ay yaong mga nasa labas ng mga salita ng Diyos, na nabibilang sa relihiyon. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay may mas malalim na pagkakilala sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita Niya. Kung hindi ka nauuhaw sa mga salita ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na taos-pusong kumain at uminom ng mga salita Niya, at kung wala kang pagkakilala sa mga salita ng Diyos, wala kang paraan upang magpatotoo sa Diyos o magbigay-kasiyahan sa Diyos.
Sa pananampalataya sa Diyos, paano dapat makilala ng isang tao ang Diyos? Dapat niyang makilala ang Diyos batay sa mga kasalukuyang salita at gawain ng Diyos, nang walang paglihis o pagiging walang-katotohanan, at, bago ang lahat, dapat niyang makilala ang gawain ng Diyos, na ang pundasyon ng pagkakilala sa Diyos Mismo. Lahat yaong iba’t ibang maling kaisipan salat sa dalisay na pagkaarok sa mga salita ng Diyos ay mga relihiyosong kuru-kuro; ang mga ito ay mga baluktot na pagkaunawa. Ang pinakamalaking kasanayan ng mga tao sa relihiyon ay ang pagkuha sa mga salita ng Diyos na naintindihan noong nakaraan at pagkumpara ng mga salita ng Diyos ngayon sa mga ito. Kung, habang pinaglilingkuran ang Diyos ng ngayon, kumakapit ka sa mga bagay na ibinunyag ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu noong nakaraan, magdudulot ang paglilingkod mo ng paggambala, at magiging isang uri ng lipas na pagsasagawa, walang iba kundi mga ritwal na panrelihiyon. Kung naniniwala kang yaong mga pinaglilingkuran ang Diyos ay dapat mapagpakumbaba at matiisin sa panlabas, bukod sa iba pang mga katangian, at kung isasagawa mo ang ganitong uri ng kaalaman ngayon, ang ganitong kaalaman ay isang relihiyosong kuru-kuro; ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay katumbas ng pagpapakita ng pagkapaimbabaw. Tumutukoy sa mga bagay na luma na ang pariralang “mga relihiyosong kuru-kuro” (kabilang ang pagkaunawa sa mga salitang sinabi na dati ng Diyos at ang liwanag ng direktang kaliwanagan ng Banal na Espiritu), at kung isasagawa ang mga ito ngayon, gagambalain ng mga ito ang gawain ng Diyos at hindi magdadala ng pakinabang sa tao. Kung hindi magagawang alisin ng mga tao mula sa mga sarili nila yaong mga bagay na kabilang sa mga relihiyosong kuru-kuro, magiging matinding sagabal ang mga bagay na ito sa paglilingkod nila sa Diyos. Ang mga taong may mga relihiyosong kuru-kuro ay walang paraan upang makasabay sa mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu—nahuhuli sila nang isang hakbang, pagkatapos ay dalawa. Ito ay dahil ang mga relihiyosong kuru-kuro na ito ay nagdudulot sa tao na maging sobrang mapagmagaling at mapagmataas. Walang nararamdamang paggunita ang Diyos para sa sinabi at ginawa Niya noong nakaraan; kung lipas na ang isang bagay, inaalis Niya ito. Tunay bang hindi mo kayang bitawan ang mga kuru-kuro mo? Kung kumakapit ka sa mga salitang sinabi ng Diyos noong nakaraan, pinatutunayan ba nito na nakikilala mo ang gawain ng Diyos? Kung hindi mo magawang tanggapin ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, at sa halip ay kumakapit ka sa liwanag ng nakalipas, mapatutunayan ba nito na sinusundan mo ang mga yapak ng Diyos? Hindi mo pa rin ba kayang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro? Kung gayon, magiging isa kang taong sumasalungat sa Diyos.
Kung kayang bitawan ng mga tao ang mga relihiyosong kuru-kuro, hindi nila gagamitin ang mga isip nila para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos ngayon, at sa halip ay tuwirang magpapasakop. Bagamat ang gawain ng Diyos ngayon ay maliwanag na hindi katulad ng sa nakaraan, nagagawa mo pa ring bitawan ang mga pananaw ng nakalipas at tuwirang magpasakop sa gawain ng Diyos ngayon. Kung may kakayahan kang maunawaan na dapat mong bigyan ng kataas-taasang posisyon ang gawain ng Diyos ngayon, paano man Siya gumawa noong nakaraan, isa kang tao na bumitiw na sa mga kuru-kuro niya, na nagpapasakop sa Diyos, at na kayang magpasakop sa gawain at mga salita ng Diyos at sundan ang mga yapak Niya. Sa ganito, magiging isa kang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Hindi mo sinusuri o masusing sinisiyasat ang gawain ng Diyos; ito ay para bang nakalimutan na ng Diyos ang dati Niyang gawain, at nakalimutan mo na rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang ngayon, isinantabi na ng Diyos ang ginawa Niya noong nakalipas, hindi mo dapat pakaisipin ito. Tanging ang ganitong tao lamang ang taong lubos na nagpapasakop sa Diyos at tuluyang bumitiw na sa mga relihiyosong kuru-kuro niya.
Sapagkat palaging mayroong mga bagong pagsulong sa gawain ng Diyos, may gawaing nagiging lipas na at luma sa pag-usbong ng bagong gawain. Ang magkakaibang uring ito ng gawain, luma at bago, ay hindi magkakasalungat, kundi nagpupunan sa isa't isa; ang bawat yugto ay sumusunod sa nauna. Sapagkat may bagong gawain, mangyari pa, dapat alisin ang mga lumang bagay. Halimbawa, ang ilan sa mga matatagal nang itinatag na pagsasagawa at nakaugaliang mga kasabihan ng tao, kaakibat ng maraming taong karanasan at mga aral na natutunan ng tao, ay bumuo ng lahat ng uri at anyo ng mga kuru-kuro sa isip ng tao. Na hindi pa lubusang ibinubunyag ng Diyos ang tunay Niyang mukha at likas na disposisyon sa tao—kasama ng pagkalat, na nagaganap sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyonal na teorya na sumasaklaw mula sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan—ay naging mas paborable sa pagbuo ng tao ng ganitong mga kuru-kuro. Masasabi na, sa buong panahon ng pananampalataya ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t ibang mga kuru-kuro ay humantong sa patuloy na pagkabuo at ebolusyon ng lahat ng mga uri ng mga kuru-kurong pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, na nagdulot sa maraming relihiyosong personalidad na naglilingkod sa Diyos na maging kaaway Niya. Kaya, habang mas lumalakas ang mga relihiyosong kuru-kuro ng mga tao, mas lalo nilang sinasalungat ang Diyos, at mas lalo silang mga kaaway ng Diyos. Palaging bago at hindi kailanman luma ang gawain ng Diyos—hindi ito kailanman bumubuo ng mga regulasyon; sa halip, patuloy itong sumasailalim sa iba’t ibang antas ng pagbabago at pagpapanibago. Ang paggawa ng Diyos sa ganitong paraan ay isang pagpapahayag ng Kanyang likas na disposisyon. Ito rin ang likas na prinsipyo ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan ng paggawa kung paano naisasakatuparan ng Diyos ang pamamahala Niya. Kung hindi gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, hindi magbabago ang tao o magagawang makilala ang Diyos, at hindi matatalo si Satanas. Kaya naman, sa gawain Niya, patuloy na nangyayari ang mga pagbabago na mukhang paiba-iba, ngunit sa aktuwal ay pana-panahon. Subalit, ang paraan kung paano nananampalataya ang tao sa Diyos ay lubos na naiiba. Kumakapit siya sa luma at pamilyar na mga regulasyon at mga sistema, at habang mas luma ang mga ito, mas kasiya-siya ang mga ito sa kanya. Paanong tatanggapin ng hangal na isip ng tao, na isang isip na kasintigas ng bato, ang napakaraming di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Hindi gusto ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto niya lamang ay ang lumang Diyos, na matanda na, puti ang buhok, at hindi makalakad. Kaya naman, sapagkat may kanya-kaniyang mga “gusto” ang Diyos at ang tao, naging kaaway ng Diyos ang tao. Umiiral pa rin ang marami sa mga pagkakasalungatang ito kahit ngayon, sa panahong gumagawa na ng bagong gawain ang Diyos sa loob ng halos anim na libong taon. Kung gayon, hindi na malulunasan ang mga ito. Marahil dahil sa katigasan ng ulo ng tao, o marahil dahil sa pagiging hindi nalalabag ninuman ang mga atas administratibo ng Diyos, kumakapit pa rin sa mga inaamag na lumang libro at mga papel yaong mga lalaki at babaeng pastor, habang nagpapatuloy ang Diyos sa hindi pa nakukumpletong gawain Niya ng pamamahala na parang walang nanonood. Bagama’t mayroong gayong mga antagonistikong kontradiksiyon, na imposibleng malutas, hindi binibigyang-pansin ng Diyos ang mga ito, na para bang sabay silang nandoon at wala roon. Gayunman, kumakapit pa rin ang tao sa mga paniniwala at mga kuru-kuro niya, at hindi kailanman binibitawan ang mga ito. Subalit isang bagay ang maliwanag: Bagama't hindi lumilihis ang tao sa paninindigan niya, palaging gumagalaw ang mga “paa” ng Diyos, at palagi Niyang binabago ang paninindigan Niya ayon sa kapaligiran. Sa huli, ang tao ang siyang matatalo nang walang laban. Ang Diyos, samantala, ay ang “pinakamatinding kaaway” ng lahat ng mga kalabang tinalo Niya, at Siya rin ang “kampeon” ng sangkatauhan, ng parehong natalo at hindi natalo. Sino ang kayang makipagtunggali sa Diyos at maging matagumpay? Tila mula sa Diyos ang mga kuru-kuro ng tao sapagkat nabuo ang marami sa mga ito nang paunti-unti kasunod ng gawain ng Diyos. Gayunman, hindi pinapatawad ng Diyos ang tao dahil dito, at lalong hindi rin Siya nagbubuhos ng papuri sa tao sa pagbuo ng napakaraming produktong “para sa Diyos” kasunod ng gawain Niya, na nasa labas ng gawain Niya. Sa halip, labis Siyang nasusuklam sa mga kuru-kuro at luma, maka-Diyos na pananampalataya ng tao, at hindi man lamang naiisip na bigyang-pansin ang petsa kung kailan unang lumitaw ang mga kuru-kuro na ito. Hindi Niya tinatanggap ni katiting na dulot ng gawain Niya ang mga kuru-kuro na ito, sapagkat ang mga kuru-kuro ng tao ay nagmumula sa paglaganap dahil sa tao; ang pinagmulan ng mga ito ay ang mga pag-iisip at isip ng tao—hindi ng Diyos, kundi ni Satanas. Ang layunin ng Diyos ay palaging para ang gawain Niya ay maging bago at buhay, hindi luma at patay, at kung ano ang pinasusunod Niya sa tao ay nag-iiba alinsunod sa kapanahunan at panahon, at hindi walang-hanggan at di-nagbabago. Ito ay dahil isa Siyang Diyos na nagdudulot sa tao na mabuhay at maging bago, sa halip na isang diyablo na nagdudulot sa tao na mamatay at maluma. Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito? Na mayroon kang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at wala kang kakayahang bitiwan ang mga ito ay dahil sa kabiguan mo na maarok ang mga bagay-bagay—hindi ito dahil hindi makatwiran ang gawain ng Diyos, ni dahil sa ang Kanyang gawain ay walang pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng tao, lalong hindi dahil hindi kailanman inaasikaso ng Diyos ang Kanyang marapat na gawain. Hindi mo mabitawan ang mga kuru-kuro mo dahil masyado kang salat sa pagpapasakop, at sapagkat wala ka ni katiting na wangis ng isang nilikha; hindi ito dahil ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo. Ikaw ang nagsanhi ng lahat ng ito, at wala itong kaugnayan sa Diyos; nilikha ng tao ang lahat ng pagdurusa at sakuna. Palaging mabuti ang mga saloobin ng Diyos: Hindi Niya nais na magdulot sa iyo na magkaroon ng mga kuru-kuro, kundi nagnanais na maging bago ka at dumaan sa pagbabago sa paglipas ng mga kapanahunan. Subalit hindi mo alam kung ano ang mabuti para sa iyo, at palagi kang masusing nagsisiyasat o nagsusuri. Hindi sa ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay para sa iyo, kundi wala kang pusong may takot sa Diyos, at napakatindi ng paghihimagsik mo. Isang maliit na nilikha, na nangangahas na kumuha ng maliit na bahagi ng dati nang ibinigay ng Diyos, at bumaligtad at gamitin ito upang atakehin ang Diyos—hindi ba’t ito ang paghihimagsik ng tao? Tamang sabihin na ang mga tao ay lubos na hindi karapat-dapat na magpahayag ng mga pananaw nila sa harap ng Diyos, at lalong hindi sila karapat-dapat na ipangalandakan ang kanilang walang halaga, mabaho, bulok, sinaunang pananalita gaya ng nais nila—bukod pa sa yaong inaamag na mga kuru-kuro. Hindi ba't mas lalo pang walang halaga ang mga ito?
Ang isang taong tunay na naglilingkod sa Diyos ay isang taong naaayon sa mga layunin ng Diyos, na angkop para gamitin ng Diyos, at na nagagawang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro. Kung nais mong maging mabisa ang pagkain at pag-inom mo ng mga salita ng Diyos, dapat mong bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nais mong paglingkuran ang Diyos, mas lalong kinakailangang bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at magpasakop sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang dapat na taglay ng isang taong naglilingkod sa Diyos. Kung salat ka sa pagkakilalang ito, sa sandaling maglingkod ka, magdudulot ka ng paggambala at mga kaguluhan, at kung kumakapit ka sa mga kuru-kuro mo, kung gayon, di-maiiwasang “patutumbahin” ka ng Diyos, at hindi na kailanman makakabangon pa. Gamitin nating halimbawa ang kasalukuyan: Marami sa mga kasabihan at gawain ang hindi umaayon sa Bibliya at sa gawaing dating ginawa ng Diyos, at kung wala kang pusong nagpapasakop, babagsak ka anumang oras. Kung nais mong maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos, dapat bitawan mo muna ang mga relihiyosong kuru-kuro at iwasto ang sarili mong mga pananaw. Sa hinaharap, maraming kasabihan ang hindi aayon sa mga nakaraan, at kung ngayon ay wala kang determinasyong magpasakop, hindi mo magagawang lakarin ang landas na hinaharap. Kung ang isa sa mga kaparaanan ng paggawa ng Diyos ay nag-ugat na sa loob mo at hindi mo kailanman binibitawan ito, ang kaparaanang ito ang magiging relihiyosong kuru-kuro mo. Kung nag-ugat na sa loob mo ang kung ano ang Diyos, nakamit mo na ang katotohanan, at kung ang mga salita at katotohanan ng Diyos ay nagiging buhay mo, hindi ka na magkakaroon pa ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Yaong mga nagtataglay ng tunay na pagkakilala sa Diyos ay hindi magkakaroon ng mga kuru-kuro at hindi susunod sa mga patakaran.
Itanong ang mga katanungang ito upang mapanatili mong mapagmatyag ang sarili mo:
1. Gumugulo ba sa paglilingkod mo sa Diyos ang pagkakilalang nasa loob mo?
2. Gaano karaming mga pagsasagawang panrelihiyon ang nasa araw-araw mong pamumuhay? Kung nag-aanyong maka-Diyos ka lamang, ibig bang sabihin nito na lumago at nagkagulang na ang buhay mo?
3. Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, nagagawa mo bang bitawan ang mga relihiyosong kuru-kuro mo?
4. Kapag nananalangin ka, nagagawa mo bang alisin ang ritwal na panrelihiyon?
5. Isa ka bang taong angkop para gamitin ng Diyos?
6. Gaano karami sa pagkakilala mo sa Diyos ang naglalaman ng mga relihiyosong kuru-kuro?