Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig
Lahat kayo ay nasa gitna ng pagsubok at pagpipino. Paano ninyo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pagdanas ng pagpipino, nagagawa ng mga tao na mag-alay ng tunay na papuri sa Diyos, at sa gitna ng pagpipino, nakikita nila na napakalaki ng kanilang pagkukulang. Habang lalong tumitindi ang iyong pagpipino, mas nagagawa mong maghimagsik laban sa laman; habang lalong tumitindi ang pagpipino sa mga tao, lalong mas nadaragdagan ang pag-ibig nila sa Diyos. Ito ang dapat ninyong maunawaan. Bakit dapat mapino ang mga tao? Anong epekto ang nilalayon nitong matamo? Ano ang kabuluhan ng gawain ng pagpipino ng Diyos sa tao? Kung tunay mong hinahanap ang Diyos, sa pagdanas sa Kanyang pagpipino hanggang sa isang partikular na punto ay madarama mo na ito ay napakainam, at na ito ay sukdulang kinakailangan. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ayaw mong bigyang-layaw ang laman. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; kilala Mo ang puso ko, at hinihiling kong magbuhos Ka ng mas maraming pag-ibig Mo sa loob ko.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at magiging handa kang ialay ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong isantabi ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, handang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo, at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.
Kung ang mga tao ay nahuhulog sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, wala silang pag-ibig para sa Diyos sa loob nila, at ang kanilang dating mga pangitain, pag-ibig, at determinasyon ay naglaho na. Nadarama noon ng mga tao na dapat silang magdusa para sa Diyos, ngunit sa kasalukuyan iniisip nila na kahiya-hiya ang gawin iyon, at hindi sila nauubusan ng mga reklamo. Ito ang gawain ni Satanas, isang tanda na ang tao ay nahulog na sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung maharap ka sa ganitong kalagayan, dapat kang manalangin, at baligtarin mo ito sa lalong madaling panahon—iingatan ka nito laban sa mga pag-atake ni Satanas. Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong kalooban, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong natitirang sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagbahaginan. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo nang gampanan ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagampanan nang maayos, ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya, at ginagawa ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang paggawa mo, o na hindi maganda ang paggawa mo—sa kabuuan, ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsensiya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, mangmang, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Habang dumaranas ka, dalawang beses kang mabibigo at isang beses na magtatagumpay, o kung hindi naman ay mabibigo nang limang beses at dalawang beses na magtatagumpay, at habang nakararanas ka sa ganitong paraan, tanging sa gitna ng kabiguan mo magagawang makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at matutuklasan kung ano ang kulang sa loob mo. Sa susunod na maharap ka sa gayong mga sitwasyon, dapat kang maging mapagbantay, gawing mahinahon ang iyong mga hakbang, at manalangin nang mas madalas. Unti-unti mong mapapaunlad ang iyong kakayahan na magtagumpay sa gayong mga sitwasyon. Kapag nangyari iyon, naging mabisa ang iyong mga panalangin. Kapag nakita mong naging matagumpay ka sa pagkakataong ito, makakaramdam ka ng kasiyahan sa loob, at kapag nananalangin ka magagawa mong madama ang Diyos, at na ang presensiya ng Banal na Espiritu ay hindi ka nilisan—sa gayon mo lamang malalaman kung paano gumagawa ang Diyos sa iyo. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magbibigay sa iyo ng landas sa pagdanas. Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan, mawawala ang presensiya ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ngunit kung isasagawa mo ang katotohanan kapag nakaharap mo ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga sila, bagama’t nasasaktan ang iyong kalooban, sasaiyo ang Banal na Espiritu pagkaraan nito, madarama mo ang presensiya ng Diyos kapag ikaw ay nananalangin, magkakaroon ka ng lakas upang isagawa ang mga salita ng Diyos, at sa panahon ng pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid wala nang magiging mabigat sa iyong konsensiya at ikaw ay mapapanatag, at sa ganitong paraan, magagawa mong mailantad ang iyong nagawa. Anuman ang sabihin ng iba, magagawa mong magkaroon ng isang normal na relasyon sa Diyos, hindi ka malilimitahan ng iba, papaimbabaw ka sa lahat ng bagay—at dahil dito ay maipakikita mo na ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ay naging mabisa.
Habang mas pinipino ng Diyos ang mga tao, mas lalong nagagawang mahalin ng puso ng mga tao ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging tahimik sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas makakaya nilang makita ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses—dapat kayong dumaan sa prosesong ito, at umasa sa hakbang na ito—saka lang ninyo magagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa puso ng mga tao. Kung walang pagdurusa, walang tunay na pagmamahal ang mga tao para sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila isasailalim sa tunay na pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging mawawalan ng direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo, at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano ka naghimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; ang mga pagsubok ay lalong kayang perpektuhin ang mga tao.
Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at tila alang-alang sa Diyos at walang anumang mga ideya ng tao, kapag dinadala sa harap Niya ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag muli nilang isinagawa ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nababawasan; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ng halaga ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming pasakit sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa hinihingi ng Diyos na ibigin Siya ng tao, hindi hinihiling ng Diyos na ibigin Siya ng tao gamit ang silakbo ng damdamin o ang sariling kalooban ng tao; sa pamamagitan lamang ng katapatan at ng paggamit ng katotohanan upang paglingkuran Siya magagawa ng tao na tunay na ibigin Siya. Ngunit ang tao ay nabubuhay sa gitna ng katiwalian, at kaya walang kakayahang gamitin ang katotohanan at katapatan upang paglingkuran ang Diyos. Maaaring masidhi ang damdamin niya tungkol sa Diyos o kaya nama’y masyado siyang malamig at walang malasakit; maaaring iniibig niya ang Diyos nang labis o kaya nama’y kinamumuhian Siya nang labis. Ang mga nabubuhay sa gitna ng katiwalian ay palaging nabubuhay sa pagitan ng dalawang pinakasukdulang kalagayang ito, palagi silang nabubuhay ayon sa sarili nilang kalooban subalit naniniwala na sila ay tama. Bagama’t paulit-ulit Ko nang nabanggit ito, ang mga tao ay walang kakayahang seryosohin ito, wala silang kakayahang lubos na maunawaan ang kahalagahan nito, at kaya sila ay nabubuhay sa gitna ng paniniwala ng panlilinlang sa sarili, sa maling akala ng pag-ibig para sa Diyos na umaasa sa kanilang sariling kalooban. Sa buong kasaysayan, habang ang tao ay umuunlad at lumilipas ang mga kapanahunan, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay naging mas mataas pa, at lalo pa Niyang hinihiling na ibigay ng tao ang lahat-lahat sa Kanya. Ngunit ang kaalaman ng tao ukol sa Diyos ay lalo pang naging malabo at mahirap unawain, at ang kanyang pagmamahal sa Diyos ay kasabay na lalo pang naging di-dalisay. Ang kalagayan ng tao at lahat ng kanyang ginagawa ay lalo pang naging salungat sa mga layunin ng Diyos, sapagkat ang tao ay lalo pang higit na ginawang napakatiwali ni Satanas. Hinihingi nito na gumawa ang Diyos nang mas marami pa, at mas malaki pang gawain ng pagliligtas. Ang tao ay lalong nagiging mapaghanap sa kanyang hinihingi sa Diyos, at ang kanyang pagmamahal sa Diyos ay pabawas nang pabawas. Ang mga tao ay nabubuhay sa paghihimagsik, nang walang katotohanan, at namumuhay na walang pagkatao; hindi lamang sa wala sila ni katiting na pagmamahal sa Diyos, ngunit sila ay punung-puno ng paghihimagsik at paglaban. Bagama’t iniisip nila na mayroon na silang sukdulang pag-ibig para sa Diyos, na wala nang makahihigit pa sa kanilang pagtanggap sa Kanya, ang Diyos ay hindi naniniwala na ganoon ito. Malinaw na malinaw sa Kanya kung gaano nadungisan ang pag-ibig ng tao sa Kanya, at hindi Niya pa kailanman binago ang Kanyang opinyon sa tao dahil sa panunulsol ng tao, ni hindi Niya kailanman sinuklian ang kabutihang-loob ng tao bilang resulta ng kanyang debosyon. Hindi kagaya ng tao, nagagawa ng Diyos na makita ang pagkakaiba: nalalaman Niya kung sino ang tunay na umiibig sa Kanya at sino ang hindi, at sa halip na madaig ng silakbo ng damdamin at makalimutan ang Sarili Niya dahil sa panandaliang mga kapusukan ng tao, tinatrato Niya ang tao alinsunod sa diwa at ng tao. Ang Diyos, pagkatapos ng lahat, ay Diyos, at taglay Niya ang Kanyang dangal at ang Kanyang mga kabatiran; ang tao, pagkatapos ng lahat, ay tao, at ang Diyos ay hindi mapapabaling ng pag-ibig ng tao kapag ito ay salungat sa katotohanan. Bagkus, tinatrato ng Diyos nang tama ang lahat ng ginagawa ng tao.
Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na nagpahintulot sa tao na makamit kapwa ang pagkakilala sa Kanya at pagpapasakop sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang paghatol ng Diyos, at pagpupungos sa tao, kung wala ng mga ito ay hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa magiging epekto sa isang aspekto, ngunit para sa magiging epekto sa iba’t ibang aspekto. Kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang determinasyon at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi madaling nauunawaan o naaarok ng tao, sapagkat ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na maunawaan ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling maunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang determinasyon na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang determinasyon ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang malinaw ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at higit na nalalaman ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng paggawang bago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, paggawang bago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, paggawang bago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at paggawang bago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.