Tungkol sa Pagpapatahimik sa Puso Mo sa Harap ng Diyos

Wala nang mas mahalagang hakbang sa pagpasok sa mga salita ng Diyos kaysa sa pagpapatahimik sa puso mo sa Kanyang presensya. Isang aral ito na kailangang-kailangang pasukin ng lahat ng tao sa kasalukuyan. Ang mga landas sa pagpasok sa pagpapatahimik sa puso mo sa harap ng Diyos ay ang mga sumusunod:

1. Ilayo mo ang puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo. Pumayapa sa harap ng Diyos, at ituon ang iyong buong pansin sa pagdarasal sa Diyos.

2. Habang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, kainin, inumin, at tamasahin ang mga salita ng Diyos.

3. Pagmunihan at pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang gawain ng Diyos sa puso mo.

Una, magsimula sa aspeto ng pagdarasal. Tumutok sa pagdarasal at sa itinakdang mga oras. Gaano ka man kagipit sa oras, o gaano ka man kaabala sa trabaho, o anuman ang dumating sa iyo, manalangin araw-araw nang normal, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal. Hangga’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos, anuman ang iyong kapaligiran, masisiyahan nang husto ang iyong espiritu, at hindi ka gagambalain ng mga tao, pangyayari, o bagay sa iyong paligid. Kapag malimit mong binubulay-bulay ang Diyos sa puso mo, hindi ka magagambala ng nangyayari sa labas. Ito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tayog. Magsimula sa pagdarasal: Ang pagdarasal nang tahimik sa harap ng Diyos ay napakamabunga. Pagkatapos noon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, hanapin ang liwanag sa mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito, hanapin ang landas ng pagsasagawa, alamin ang layunin ng Diyos sa pagbigkas ng Kanyang mga salita, at unawain ang mga ito nang walang paglihis. Karaniwan, dapat ay normal para sa iyo ang mapalapit sa Diyos sa puso mo, na pagbulayan ang pag-ibig ng Diyos at pagnilayan ang mga salita ng Diyos, nang hindi nagagambala ng mga nangyayari sa labas. Kapag nagkamit na ang puso mo ng kaunting kapayapaan, makakapag-isip-isip ka nang tahimik at, sa iyong kalooban, mapagbubulay-bulayan mo ang pag-ibig ng Diyos at tunay kang mapapalapit sa Kanya, anuman ang iyong kapaligiran, hanggang sa huli ay marating mo ang punto kung saan nag-uumapaw ang papuri sa puso mo, at mas mabuti pa iyan kaysa pagdarasal. Pagkatapos ay magtataglay ka ng isang tiyak na tayog. Kung matatamo mo ang mga kalagayang inilarawan sa itaas, magiging patunay iyan na tunay na payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Ito ang unang mahalagang leksyon. Pagkatapos mapayapa ang mga tao sa harap ng Diyos, saka lamang sila maaantig ng Banal na Espiritu, at maliliwanagan at pagliliwanagin ng Banal na Espiritu, at saka lamang nila tunay na makakaniig ang Diyos, at mauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang patnubay ng Banal na Espiritu. Sa gayon ay nakapasok na sila sa tamang landas sa kanilang espirituwal na buhay. Kapag lumalim na nang kaunti ang pagsasanay nilang mabuhay sa harap ng Diyos, at nagagawa nilang talikdan ang kanilang sarili, kasuklaman ang kanilang sarili, at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, tunay na payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang magawang kasuklaman ang sarili, isumpa ang sarili, at talikdan ang sarili ang epektong nakamit ng gawain ng Diyos, at hindi ito magagawang mag-isa ng mga tao. Sa gayon, ang pagsasagawa na patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos ay isang leksyon na dapat pasukin kaagad ng mga tao. Para sa ilang tao, karaniwan ay hindi lamang sila hindi mapayapa sa harap ng Diyos, kundi hindi pa nila mapatahimik ang kanilang puso sa harap ng Diyos kahit habang nagdarasal. Kulang na kulang ito sa mga pamantayan ng Diyos! Kung hindi mapayapa ang puso mo sa harap ng Diyos, maaantig ka ba ng Banal na Espiritu? Kung hindi ka mapayapa sa harap ng Diyos, malamang na magambala ka kapag may dumaan, o kapag nag-uusap ang iba, at maaaring mapalayo ang isipan mo kapag may ginagawa ang iba, kaya hindi ka nabubuhay sa presensya ng Diyos. Kung talagang payapa ang puso mo sa harap ng Diyos, hindi ka magagambala ng anumang nangyayari sa mundo sa labas, o maaabala ng sinumang tao, pangyayari, o bagay. Kung may pagpasok ka rito, ang mga negatibong kalagayang iyon at lahat ng negatibong bagay—mga kuru-kuro ng tao, pilosopiya para sa pamumuhay, abnormal na ugnayan sa mga tao, at mga ideya at kaisipan, at iba pa—ay natural na maglalaho. Dahil palagi mong pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, at palagi mong inilalapit ang puso mo sa Diyos at lagi kang abala sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, ang mga negatibong bagay na iyon ay mawawala sa iyo nang hindi mo namamalayan. Kapag abala ka sa mga bago at positibong bagay, mawawalan ng puwang ang mga negatibo at lumang bagay, kaya huwag mong pansinin ang mga negatibong bagay na iyon. Hindi mo kailangang sikaping pigilan ang mga ito. Dapat kang magtuon sa pagiging payapa sa harap ng Diyos, kumain, uminom, at tamasahin ang mga salita ng Diyos hangga’t kaya mo, umawit ng mga himno ng papuri sa Diyos hangga’t kaya mo, at bigyan ng pagkakataon ang Diyos na gawaan ka, dahil gusto ng Diyos ngayon na personal na gawing perpekto ang sangkatauhan, at gusto Niyang matamo ang puso mo; inaantig ng Kanyang Espiritu ang puso mo at kung, sa pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu, nabubuhay ka sa presensya ng Diyos, mapapalugod mo ang Diyos. Kung papansinin mo ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at higit kang makikibahagi tungkol sa katotohanan upang magtamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, maglalahong lahat yaong mga relihiyosong kuru-kuro at ang iyong pagmamagaling at pagpapahalaga sa sarili, at malalaman mo kung paano gugulin ang sarili mo para sa Diyos, paano mahalin ang Diyos, at paano palugurin ang Diyos. At hindi mo mamamalayan, yaong mga bagay na walang kinalaman sa Diyos ay lubusang mapaparam mula sa iyong kamalayan.

Ang pagninilay at pagdarasal tungkol sa mga salita ng Diyos habang kumakain at umiinom ng Kanyang kasalukuyang mga salita ang unang hakbang sa pagiging payapa sa harap ng Diyos. Kung kaya mong tunay na mapayapa sa harap ng Diyos, sasamahan ka ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu. Lahat ng espirituwal na buhay ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Sa pagdarasal, kailangan mong maging payapa sa harap ng Diyos, at saka ka lamang maaantig ng Banal na Espiritu. Kapag payapa ka sa harap ng Diyos kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, maaari kang liwanagan at paliwanagin, at magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos. Sa iyong karaniwang mga pagmumuni-muni at pakikibahagi at paglapit sa Diyos sa puso mo, kapag napayapa ka sa presensya ng Diyos, matatamasa mo ang tunay na pagiging malapit sa Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos at sa Kanyang gawain, at magpapakita ka ng tunay na pagkamaalalahanin at malasakit sa mga layon ng Diyos. Habang mas karaniwan kang napapayapa sa harap ng Diyos, mas paliliwanagin ka at mas mauunawaan mo ang iyong sariling tiwaling disposisyon, kung ano ang kulang sa iyo, kung ano ang dapat mong pasukin, kung saang katungkulan ka dapat maglingkod, at kung nasaan ang mga depekto mo. Lahat ng ito ay natatamo sa pagiging payapa sa presensya ng Diyos. Kung tunay mong napapalalim ang iyong kapayapaan sa harap ng Diyos, mauunawaan mo ang ilang hiwaga ng espiritu, mauunawaan kung ano ang gusto ng Diyos na isagawa sa iyo sa kasalukuyan, mauunawaan nang mas malalim ang mga salita ng Diyos, mauunawaan ang kaibuturan ng mga salita ng Diyos, ang diwa ng mga salita ng Diyos, ang kabuuan ng mga salita ng Diyos, at makikita mo ang landas ng pagsasagawa nang mas malinaw at tumpak. Kung bigo kang magkamit ng sapat na lalim sa pagiging payapa sa iyong espiritu, maaantig ka lamang nang kaunti ng Banal na Espiritu; madarama mo na lumakas ang loob mo at makadarama ka ng kaunting kasiyahan at kapayapaan, ngunit hindi higit na lalalim ang pagkaunawa mo sa anumang bagay. Nasabi Ko na noon: Kung hindi gagamitin ng mga tao ang buong lakas nila, mahihirapan silang marinig ang Aking tinig o makita ang Aking mukha. Tumutukoy ito sa pagkakaroon ng malalim na kapayapaan sa harap ng Diyos, at hindi sa paimbabaw na mga pagsisikap. Ang isang tao na talagang kayang pumayapa sa presensya ng Diyos ay nagagawang palayain ang kanilang sarili mula sa lahat ng makamundong ugnayan, at maangkin ng Diyos. Lahat ng walang kakayahang pumayapa sa presensya ng Diyos ay tiyak na buktot at hindi masawata. Lahat ng may kakayahang pumayapa sa harap ng Diyos ay yaong mga banal sa harap ng Diyos, at nasasabik sa Diyos. Yaon lamang mga payapa sa harap ng Diyos ang nagpapahalaga sa buhay, nagpapahalaga sa pakikisama sa espiritu, nauuhaw sa mga salita ng Diyos, at naghahangad na matamo ang katotohanan. Sinumang hindi nagpapahalaga sa pagiging payapa sa harap ng Diyos at hindi isinasagawang pumayapa sa harap ng Diyos ay hambog at mapagpaimbabaw, nakakapit sa mundo at walang buhay; kahit sabihin pa nila na naniniwala sila sa Diyos, sabi lang nila iyon. Yaong mga pinerpekto ng Diyos sa huli at ginagawang ganap ay mga taong kayang pumayapa sa Kanyang presensya. Samakatuwid, yaong mga payapa sa harap ng Diyos ay binibiyayaan ng mga dakilang pagpapala. Ang mga taong bihirang gumugugol ng oras na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos sa buong maghapon, na abalang-abala sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila at kakatiting ang pagpapahalaga sa pagpasok sa buhay—mapagkunwari silang lahat na walang pag-asang lumago sa hinaharap. Yaong mga kayang pumayapa sa harap ng Diyos at tunay na makipagniig sa Diyos ang mga tao ng Diyos.

Para makaharap sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang mga salita bilang buhay mo, kailangan mo munang mapayapa sa harap ng Diyos. Kapag payapa ka sa harap ng Diyos, saka ka lamang liliwanagan at bibigyan ng kaalaman ng Diyos. Kapag mas payapa ang mga tao sa harap ng Diyos, mas nagagawa nilang tumanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos. Kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng kabanalan at pananampalataya sa lahat ng ito; sa gayong paraan lamang sila mapeperpekto. Ang pangunahing leksyon sa pagpasok sa espirituwal na buhay ay ang mapayapa sa presensya ng Diyos. Kung payapa ka sa presensya ng Diyos, saka lamang magiging epektibo ang lahat ng iyong espirituwal na pagsasanay. Kung hindi kaya ng puso mo na pumayapa sa harap ng Diyos, hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos anuman ang ginagawa mo, isa kang taong nabubuhay sa presensya ng Diyos. Kung payapa ang puso mo sa harap ng Diyos at napapalapit sa Diyos anuman ang ginagawa mo, patunay ito na isa kang taong payapa sa harap ng Diyos. Kung nasasabi mo, habang nakikipag-usap ka sa iba, o naglalakad, na “Ang puso ko ay napapalapit sa Diyos, at hindi nakatuon sa mga bagay na nangyayari sa labas, at kaya kong pumayapa sa harap ng Diyos,” isa kang taong payapa sa harap ng Diyos. Huwag kang makisali sa anumang bagay na umaakit sa puso mo sa mga bagay na walang kinalaman sa iyo, o sa mga taong inilalayo ang puso mo sa Diyos. Anuman ang makakagulo sa puso mo mula sa pagiging malapit sa Diyos, isantabi ito, o layuan ito. Mas malaki ang pakinabang nito sa buhay mo. Ngayon mismo ang panahon para sa dakilang gawain ng Banal na Espiritu, ang panahon kung kailan personal na ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao. Kung, sa sandaling ito, hindi ka maaaring pumayapa sa harap ng Diyos, hindi ka isang tao na babalik sa harap ng luklukan ng Diyos. Kung naghahangad ka ng mga bagay maliban sa Diyos, walang paraan para maperpekto ka ng Diyos. Yaong mga nakakarinig sa gayong mga pagbigkas mula sa Diyos subalit hindi mapayapa sa Kanyang harapan ngayon ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi nagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ihahandog ang iyong sarili sa sandaling ito, ano pa ang hinihintay mo? Ang ihandog ang sarili ay ang patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos. Iyan ang tunay na paghahandog. Sinumang tunay na naghahandog ng kanilang puso sa Diyos ngayon ay tiyak na gagawing ganap ng Diyos. Walang anuman, anuman ito, na maaaring gumambala sa iyo; para tabasan ka man o pakitunguhan ka, o masiphayo ka man o mabigo, dapat ay palaging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Paano ka man tratuhin ng mga tao, dapat pumayapa ang puso mo sa harap ng Diyos. Anuman ang sitwasyong kinakaharap mo—nahihirapan ka man, nagdurusa, inuusig, o iba pang mga pagsubok—dapat ay laging payapa ang puso mo sa harap ng Diyos; gayon ang mga landas para maperpekto. Kapag tunay kang payapa sa harap ng Diyos, saka lamang magiging malinaw sa iyo ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon ay maisasagawa mo nang mas tama at walang paglihis ang pagpapalinaw at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, mauunawaan nang mas malinaw ang mga layon ng Diyos na magbibigay ng mas malinaw na direksyon sa iyong paglilingkod, mauunawaan nang mas tumpak ang pagkilos at patnubay ng Banal na Espiritu, at matitiyak na mabuhay sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Gayon ang mga epektong nakakamit ng tunay na pagiging payapa sa harap ng Diyos. Kapag ang mga tao ay hindi malinaw tungkol sa mga salita ng Diyos, walang landas para magsagawa, bigong maunawaan ang mga layon ng Diyos, o walang mga prinsipyo ng pagsasagawa, ito ay dahil hindi payapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Ang layunin ng pagiging payapa sa harap ng Diyos ay upang maging masugid at praktikal, at maghangad ng kawastuhan at kalinawan sa mga salita ng Diyos, at sa huli ay maunawaan ang katotohanan at makilala ang Diyos.

Kung ang puso mo ay hindi madalas na payapa sa harap ng Diyos, walang paraan ang Diyos para magawa kang perpekto. Ang kawalan ng paninindigan ay kawalan ng puso, at ang isang taong walang puso ay hindi maaaring mapayapa sa harap ng Diyos; hindi alam ng gayong tao kung gaano karaming gawain ang ginagawa ng Diyos, o gaano karami ang Kanyang sinasabi, ni hindi nila alam kung paano magsagawa. Hindi ba walang puso ang taong ito? Maaari bang pumayapa ang isang taong walang puso sa harap ng Diyos? Walang paraan ang Diyos na magawang perpekto ang mga taong walang puso—hindi sila naiiba sa mga hayop na may pasan. Nagsalita na ang Diyos nang malinaw at deretsahan, subalit hindi pa rin naaantig ang puso mo, at hindi ka pa rin mapayapa sa harap ng Diyos. Hindi ka ba isang mangmang na hayop? Ang ilang tao ay naliligaw sa pagsasagawa na mapayapa sa presensya ng Diyos. Kapag oras na para magluto, hindi sila nagluluto, at kapag oras na para gumawa ng mga gawain, hindi nila ginagawa ang mga iyon, kundi patuloy lamang silang nagdarasal at nagmumuni-muni. Ang mapayapa sa harap ng Diyos ay hindi nangangahulugan na huwag magluto o gumawa ng mga gawain, o huwag magpatuloy sa buhay; sa halip, ito ay ang magawang patahimikin ang puso ng isang tao sa harap ng Diyos sa lahat ng normal na kalagayan, at magkaroon ng puwang sa puso ng isang tao para sa Diyos. Kapag nagdarasal ka, dapat kang lumuhod nang maayos sa harap ng Diyos para magdasal; kung gumagawa ka ng mga gawain o naghahanda ng pagkain, patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, pagnilayan ang mga salita ng Diyos, o umawit ng mga himno. Anuman ang sitwasyon mo, dapat kang magkaroon ng sarili mong paraan sa pagsasagawa, dapat mong gawin ang lahat ng kaya mo para mapalapit sa Diyos, at dapat mong sikapin nang buo mong lakas na patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos. Kapag itinutulot ng sitwasyon, magdasal nang walang ibang ginagawa; kapag hindi itinutulot ng sitwasyon, lumapit sa Diyos sa puso mo habang ginagawa mo ang gawaing kailangang gawin. Kapag maaari mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, kainin at inumin ang Kanyang mga salita; kapag makapagdarasal ka, magdasal ka; kung maaari mong pagbulay-bulayan ang Diyos, pagbulay-bulayan Siya. Sa madaling salita, gawin ang lahat ng iyong magagawa para sanayin ang sarili mo sa pagpasok ayon sa iyong kapaligiran. Maaaring mapayapa ang ilang tao sa harap ng Diyos kapag walang problema, ngunit sa sandaling may mangyari, gumagala ang isipan nila. Hindi iyon pagiging payapa sa harap ng Diyos. Ang tamang paraan ng pagdanas ay ganito: Anuman ang sitwasyon, hindi dapat lumayo sa Diyos ang puso ng isang tao, o magambala ng mga tao, mga pangyayari, o mga bagay sa labas, at saka lamang tunay na payapa ang isang tao sa harap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na, kapag nagdarasal sila sa mga pagpupulong, maaaring mapayapa ang kanilang puso sa harap ng Diyos, ngunit sa pakikibahagi sa iba hindi nila kayang pumayapa sa harap ng Diyos, at gumagala ang isipan nila. Hindi ito pagiging payapa sa harap ng Diyos. Ngayon, karamihan sa mga tao ay ganito ang kalagayan, hindi kaya ng puso nila na palaging maging payapa sa harap ng Diyos. Sa gayon, kailangan ninyong dagdagan pa ang inyong pagsisikap sa pagsasanay sa inyong sarili sa aspetong ito, pumasok, nang paunti-unti, sa tamang landasin ng karanasan sa buhay, at magsimulang tumahak sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos.

Sinundan: Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Sumunod: Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito