Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Sa paglipas ng mga taon ng pagdanas sa gawain ng Diyos at pakikinig sa mga sermon, may ilang tao na may kaunting pagkaunawa sa kanilang sarili, na nagagawang pag-usapan ang tungkol sa ilang totoong karanasan, at magbahagi ng kanilang mga sariling totoong kalagayan, kanilang mga personal na pagpasok, kanilang personal na pag-usad, kanilang mga pagkukulang, at kung paano nila planong pumasok. Ngunit may ilang tao na walang pagkaunawa sa kanilang sarili at hindi makapagsalita tungkol sa anumang totoong karanasan. Nagagawa lamang nilang magsalita tungkol sa mabababaw na bagay tulad ng mga salita at doktrina, mababaw na gawain, mga kasalukuyang sitwasyon, at pag-usad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero walang patungkol sa kongkretong buhay pagpasok o mga personal na karanasan. Ipinapakita nito na hindi pa rin nila natatahak ang tamang landas para sa buhay pagpasok. Ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao ay hindi pagbabago ng pag-uugali, o pakunwaring panlabas na pagbabago o pansamantalang pag-iiba na ibinunga ng sigasig. Gaano man kabuti ang mga pagbabagong ito, hindi mapapalitan ng mga ito ang mga pagbabago sa buhay disposisyon, dahil ang mga panlabas na pagbabagong ito ay maaaring makamtan sa pamamagitan ng mga pagsisikap ng tao, pero hindi makakamtan ang mga pagbabago sa buhay disposisyon sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng isang tao. Kailangang maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos para makamtan ito, gayundin ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu. Kahit nagpapakita ng kaunting mabubuting pag-uugali ang mga taong nananalig sa Diyos, wala ni isa man sa kanila ang tunay na nagpapasakop sa Diyos, tunay na nagmamahal sa Diyos, o nakasusunod sa kalooban ng Diyos. Bakit ganito? Ito ay dahil kailangan nito ng pagbabago sa buhay disposisyon, at ang pagbabago lang sa ugali ay hinding-hindi sasapat. Ang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na mayroon kang kaalaman at karanasan sa katotohanan, at na naging buhay mo na ang katotohanan, na maaari nitong patnubayan at pangibabawan ang iyong buhay at lahat ng tungkol sa iyo. Ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Ang mga tao lamang na nagtataglay sa katotohanan bilang buhay ang mga taong nagbago na ang mga disposisyon. Dati, maaaring mayroong ilang katotohanan na hindi mo maisagawa noong naunawaan mo ang mga iyon, pero ngayon naisasagawa mo na ang anumang aspekto ng katotohanang nauunawaan mo nang walang mga sagabal o paghihirap. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, natutuklasan mong napupuno ka ng kapayapaan at kasayahan, pero kung hindi mo maisagawa ang katotohanan, nasasaktan ka at nababagabag ang konsensiya. Nakapagsasagawa ka ng katotohanan sa lahat ng bagay, nakakapamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, at mayroon kang pundasyon sa pamumuhay. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Madali mo nang napapakawalan ngayon ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, ang iyong mga kagustuhan at hangarin ng laman, at ang mga bagay na hindi mo mapakawalan dati. Nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay totoong mabuti, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ang pinakamainam na gawin. Nangangahulugan ito na nagbago na ang iyong disposisyon. Parang napakasimple ng isang pagbabago sa disposisyon, pero ang totoo ay isang proseso ito na nangangailangan ng maraming karanasan. Sa panahong ito, kailangang dumanas ng maraming hirap ang mga tao, kailangan nilang pigilan ang sarili nilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman, kailangan din nilang dumanas ng paghatol, pagkastigo, pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino, at kailangan din nilang dumanas ng maraming kabiguan, pagbagsak, pagtatalo ng kalooban, at paghihirap sa kanilang puso. Pagkatapos nilang maranasan ang mga ito, saka lang magkakaroon ng kaunting pagkaunawa ang mga tao sa sarili nilang kalikasan, pero ang kaunting pagkaunawa ay hindi agad-agad na nagbubunga ng lubos na pagbabago; kailangan nilang dumaan sa mahabang panahon ng karanasan bago nila maiwaksi nang paunti-unti ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya nga kinakailangan ng habambuhay para mabago ang disposisyon ng isang tao. Halimbawa, kung naglalantad ka ng katiwalian sa isang bagay, maisasagawa mo ba kaagad ang katotohanan kapag natanto mo iyon? Hindi. Sa yugtong ito ng pag-unawa, pinupungos ka ng iba, at pagkatapos, ang iyong kapaligiran ay pinipilit ka at pinupwersa ka na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung minsan, hindi mo pa rin matanggap na gawin iyon, at sinasabi mo sa sarili mo, “Kailangan ko bang gawin ito nang ganito? Bakit hindi ko ito pwedeng gawin sa paraang gusto ko? Bakit lagi akong sinasabihang isagawa ang katotohanan? Ayaw kong gawin ito, sawa na ako!” Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay nangangailangan ng pagdaan sa sumusunod na proseso: mula sa pag-aatubiling isagawa ang katotohanan, tungo sa kahandaang isagawa ang katotohanan; mula sa pagiging negatibo at mahina, tungo sa kalakasan at kakayahang maghimagsik laban sa laman. Kapag naabot ng mga tao ang isang tiyak na punto ng karanasan at pagkatapos ay dumaan sa ilang pagsubok, pagpipino, at sa huli ay naunawaan ang mga layunin ng Diyos at ilang katotohanan, magiging masaya na sila kahit paano at handang kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na paggampan sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa paggampan sa iyong mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at mayroon ka ring kaunting pagkaunawa sa katotohanan, subalit kailan mo magagawang maging ganap na matapat? Kailan mo magagawang gampanan ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring pungusan ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, susuriin ka ng mga ito, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at na ikaw ang nakagawa nang hindi maayos, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng katapatan sa paggampan sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging pabasta-basta! Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na masyado kang maraming karumihan, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming walang habas na pagnanais habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, kung makakaya mo nang lumapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng tunay na pagsisisi, malilinis sa iyo ang mga tiwaling bagay na iyon. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya; magsisimula kang magkaroon ng mga tunay na karanasan sa buhay, at magsisimulang unti-unting madalisay ang iyong tiwaling disposisyon. Kapag mas nadadalisay ang iyong tiwaling disposisyon, mas magbabago ang iyong buhay disposisyon.
Kahit maraming tao ang gumaganap na ngayon sa kanilang tungkulin, sa diwa, ilang tao ang iniraraos lang ang kanilang tungkulin? Ilang tao ang kayang tumanggap sa katotohanan at gumanap sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Ilang tao ang gumagampan sa kanilang mga tungkulin ayon sa mga hinihingi ng Diyos matapos magbago ang kanilang mga disposisyon? Sa pamamagitan ng higit na pagsusuri sa mga bagay na ito, malalaman mo kung talagang umabot ka sa pamantayan sa paggampan sa iyong tungkulin, at makikita mo rin nang malinaw kung nagbago na ang iyong disposisyon. Ang pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay; hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon lamang ng ilang mga pagbabago sa pag-uugali, pagkakamit ng ilang kaalaman sa katotohanan, kakayahang makapagsabi ng kaunting kaalaman ukol sa karanasan sa bawat aspekto ng katotohanan, o pagkakaroon ng kaunting pagbabago o bahagyang pagiging mapagpasakop pagkaraang madisiplina. Ang mga bagay na ito ay hindi bumubuo sa pagbabago ng buhay disposisyon ng isang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Bagama’t maaaring medyo nagbago ka na, hindi mo pa rin totoong isinasagawa ang katotohanan. Marahil dahil ikaw ay nasa isang pansamantalang angkop na kapaligiran, at pinahihintulutan ito ng sitwasyon, o napilit ka ng mga kasalukuyang pangyayari, umaasal ka sa ganitong paraan. Dagdag pa riyan, kapag maganda ang pakiramdam mo, kapag normal ang kalagayan mo, at kapag may gawain ka ng Banal na Espiritu, maisasagawa mo ang katotohanan. Pero ipagpalagay nang nasa gitna ka ng isang pagsubok, kapag nagdurusa ka na tulad ni Job sa gitna ng iyong mga pagsubok, o nahaharap ka sa pagsubok ng kamatayan. Kapag dumating ito, magagawa mo pa rin bang isagawa ang katotohanan at manindigan sa patotoo? May masasabi ka bang tulad ng sinabi ni Pedro, “Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya?” Ano ang pinahalagahan ni Pedro? Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang pagpapasakop, at itinuring niyang pinakamahalagang bagay ang pagkilala sa Diyos, kaya nagawa niyang magpasakop hanggang kamatayan. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangyayari sa loob ng magdamag; kinakailangan ng habambuhay na karanasan para makamtan ito. Medyo mas madaling maunawaan ang katotohanan, pero mahirap maisagawa ang katotohanan sa iba’t ibang konteksto. Bakit laging nahihirapan ang mga tao na isagawa ang katotohanan? Sa katunayan, ang mga paghihirap na ito ay direktang may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at sagabal ang lahat ng iyon na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Samakatuwid, kailangan mong magdusa nang husto at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Kung wala kang mga tiwaling disposisyon, hindi mo kakailanganing magdusa at magbayad ng halaga para maisagawa ang katotohanan. Hindi ba ito isang malinaw na katunayan? Minsan, mukhang isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit ang totoo, ang ikinikilos mo ay hindi nagpapakita na isinasagawa mo ang katotohanan. Sa pagsunod sa Diyos, maraming tao ang nagagawang isantabi ang kanilang pamilya at trabaho at gampanan ang kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi nila kailanman nagagawang magbigay ng tunay na patotoo batay sa kanilang karanasan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Kung susukatin sila ayon sa mga kuru-kuro ng tao, mukhang isinasagawa nila ang katotohanan, subalit hindi kinikilala ng Diyos ang ginagawa nila bilang pagsasagawa ng katotohanan. Kung ang mga bagay na ginagawa mo ay may personal na mga motibo sa likod nito at hindi puro, malamang na lumihis ka sa mga prinsipyo, at hindi masasabing nagsasagawa ka ng katotohanan; isa lamang itong uri ng pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klase ng pag-uugali mo; hindi Niya ito sasang-ayunan o gugunitain. Kung mas hihimayin pa ang diwa at ugat nito, ikaw ay isang tao na gumagawa ng masama, at ang mga ipinapakita mong pag-uugali ay sumasalungat sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala o nakagugulo sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit sa loob nito, naroon ang mga karumihan at intensiyon ng tao, at ang diwa nito ay ang paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid, dapat kang magpasya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan gamit ang mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga sariling pagkilos. Hindi iyon nakasalalay sa kung ang mga kilos mo ba ay base sa mga imahinasyon at iniisip ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung umaayon ka o hindi sa Kanyang mga layunin, kung ang iyong mga kilos ay mayroong katotohanang realidad o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihingi at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihingi ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong buhay disposisyon, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang disposisyonal na pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na may kinalaman sa pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon? Paano ninyo malalaman kung sinasang-ayunan kayo ng Diyos o hindi? Kahit paano, madarama mo ang natatanging katatagan hinggil sa lahat ng iyong ginagawa, at madarama mo na ginagabayan at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu at gumagawa Siya sa iyo habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, ginagawa ang anumang gawain sa sambahayan ng Diyos, o sa pangkalahatan. Ganap na aakma sa mga salita ng Diyos ang iyong pag-uugali, at kapag nagtamo ka na ng ilang antas ng karanasan, madarama mo na naaangkop kahit papaano kung paano ka kumilos noong araw. Gayunman, kung makaraang magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon, nadarama mo na hindi angkop ang ilan sa mga bagay na ginawa mo noong araw, at hindi ka nasisiyahan sa mga iyon, at nadarama mo na hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, pinatutunayan nito, kung gayon, na ang lahat ng iyong nagawa ay ginawa bilang paglaban sa Diyos. Katunayan ito na ang iyong paglilingkod ay puno ng pagkasuwail, paglaban, at mga paraan ng pagkilos ng tao, at na lubos kang nabigong makamtan ang mga pagbabago sa disposisyon. Sa pagbabahaging ito, malinaw na ba sa inyo kung paano niyo dapat maunawaan ang pagbabago sa disposisyon? Maaaring hindi niyo karaniwang tinatalakay ang pagbabago ng inyong disposisyon at bihira kayong magbahagi ng mga personal na karanasan. Kadalasan, ibinabahagi ninyo: “Negatibo ako noon. Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos, at binigyang-liwanag Niya ako sa katunayan na dapat subukin ang mga mananampalataya. Pinagnilayan ko ito nang ilang panahon, at natanto na ganoon talaga iyon. Isa pa, may mga aspekto na hindi ako tapat habang gumaganap sa aking tungkulin, kaya tinanggap ko na lang ito. Pagtagal-tagal, nanumbalik ang aking motibasyon, at hindi na ako naging negatibo.” Pagkatapos magbahagi, sinasabi rin ng iba, “Halos ganoon pa rin ang kalagayan namin, gayundin ang aming tiwaling disposisyon.” Kung palagi kayong nagbabahagi sa mga bagay na ito, magiging problema ito—hindi ninyo mauunawaan ang diwa ng mga bagay-bagay o malinaw na makikita ang mga ito. Kahit ilang taon kayong manalig, hindi na mababago ang inyong buhay disposisyon.
Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay tungkol sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa panlabas na mga pag-uugali. Ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng kanyang pag-iral, sa kanyang pananaw sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan, kabilang dito ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at ng kanyang diwa. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim sa pagbabago sa mga aspektong ito. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas sa gawain ng Diyos, pagpasok nang lubusan sa katotohanan, pagbabago sa mga pinahahalagahan ng isang tao at mga pananaw ng isang tao tungkol sa pag-iral at buhay, pag-aayon ng mga pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay sa salita ng Diyos, at pagiging may-kakayahang ganap na magpasakop at pagiging tapat sa Diyos, saka masasabing nagbago na ang disposisyon ng isang tao. Sa kasalukuyan, maaaring mukha kang nagsisikap nang kaunti at matatag sa harap ng paghihirap habang gumaganap sa iyong tungkulin, maaaring nagagawa mong magsakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, o maaaring nagagawa mong pumunta saanmang dako ka pinapupunta. Sa panlabas, maaaring mukha kang masunurin, ngunit kapag may nangyayaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro mo, lumalabas ang pagiging suwail mo. Halimbawa, hindi ka nagpapasakop sa pagpupungos, at lalong hindi ka masunurin kapag may dumarating na sakuna; nagagawa mo pa ngang magreklamo tungkol sa Diyos. Samakatuwid, ang kaunting pagpapasakop at pagbabagong iyon sa panlabas ay isang maliit na pagbabago lamang sa pag-uugali. May kaunting pagbabago, pero hindi ito sapat para ituring na pagbabago ng iyong disposisyon. Maaaring nakakaya mong tumahak sa maraming landasin, magdusa ng maraming paghihirap at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring nadarama mo na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay maaaring gumagawa sa iyo nang kaunti. Gayunpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga kuru-kuro, maaaring hindi ka pa rin nagpapasakop, sa halip, maaaring maghanap ka ng mga palusot, maghimagsik at lumaban sa Diyos, at maging sa gipit na mga sitwasyon ay kuwestyunin at labanan mo Siya. Nakakaseryosong problema nito! Makikita rito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, na hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan, at na wala ka man lang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Matapos silang matanggal o mapaalis, nagagawa pa rin ng ilang tao na husgahan ang Diyos at sabihing hindi matuwid ang Diyos. Nakikipagtalo pa nga sila sa Diyos at lumalaban, saanman sila magpunta ay ipinagkakalat nila ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at kawalang-kasiyahan sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay mga diyablong lumalaban sa Diyos. Ang mga taong may mala-diyablong kalikasan ay hinding-hindi magbabago at dapat silang abandonahin. Tanging ang mga kayang hanapin at tanggapin ang katotohanan sa lahat ng sitwasyon, at magpasakop sa gawain ng Diyos, ang may pag-asang makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon. Sa mga karanasan mo, dapat kang matutong makakilatis sa mga kalagayan na sa panlabas ay mukhang normal. Maaari kang mapahikbi at mapaiyak habang nagdarasal, o pakiramdam mo ay mahal na mahal ng puso mo ang Diyos, at napakalapit nito sa Diyos, subalit gawain lamang ng Banal na Espiritu ang mga kalagayang ito at hindi nangangahulugan na isa kang taong nagmamahal sa Diyos. Kung nagagawa mo pa ring mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya kahit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, at kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi umaayon sa sarili mong mga kuru-kuro, saka ka lamang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos. Saka ka lamang isang tao na nagbago na ang buhay disposisyon. Tanging ito ang isang taong may mga katotohanang realidad.
Saan ka magsisimula sa pagbabago ng iyong disposisyon? Magsisimula ito sa pag-unawa sa sarili mong kalikasan. Ito ang susi. Kaya, paano mo mauunawaan ang iyong kalikasan? Sa pamamagitan ng pagtukoy kung anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka. Sa sandaling malinaw mo nang natukoy ang mga tiwaling disposisyong ito, mauunawaan mo na ang iyong kalikasang diwa. May ilan na nagtatanong, “Paano ko mauunawaan ang aking tiwaling disposisyon?” Siyempre, dapat mong maunawaan ito alinsunod sa mga salita ng Diyos, at tukuyin ito ayon sa katotohanan. Kaya paano mo ito isasagawa? Sa pamamagitan ng paghahambing ng tiwaling disposisyon na ibinubunyag mo sa mga salita ng Diyos ng paglalantad. Kung gaano karami ang maitugma mo, ganoon karami ang dapat mong matukoy. Kung marami kang maitugma at matukoy, mauunawaan mo ang iyong tiwaling disposisyon. Kayong mga matagal nang nananalig at nagsasagawa nang ganito sa loob ng maraming taon, mayroon na ba kayong pagkaunawa ngayon sa inyong sariling kalikasan? Marahil ay malayo pa rito! Dapat may sunding landas ang paghahambing ninyo; hindi maaaring magsabi ang isang tao ng mga bagay nang walang basehan. Dapat kang magbasa ng marami pang salita ng Diyos tungkol sa kung paano Niya inilalantad ang tiwaling diwa ng tao. Dapat mong hanapin ang lahat ng salitang ito, pagkatapos ay madalas na basahin ang mga ito at madalas na pagnilayan ang iyong sarili, inihahambing ang kalagayan mo sa mga salita. Sa sandaling ganap nang tumugma ang tiwali mong disposisyon, at naramdaman mong inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan mo, at nang may labis na katumpakan, at hinding-hindi ito mali, hindi ba’t makukumbinsi ka na? Sinasabi ng ilang tao, “Sa pamamagitan ng pag-unawa sa sarili mong kalikasan, mababago mo ito.” Madali para sa sinuman na sabihin ito. Subalit paano mo ito nauunawaan? Kailangang may landas. Kung may landas, malalaman mo kung paano dumanas. Kung walang landas, binibigkas mo lang ang sawikain na, “Dapat maunawaan nating lahat ang ating mga kalikasan. Hindi mabuti ang ating mga kalikasan at ang mga ito ay kay Satanas. Kapag nauunawaan natin ang ating kalikasang diwa, mababago natin ang ating mga disposisyon.” Pagkatapos mong bigkasin ito, wala nang ginawa pang iba, at walang sinuman ang may anumang pagkaunawa. Ito ay pagsasalita ng mga doktrina nang walang landas. Hindi ba’t lumilikha ng mga problema ang paggawa sa ganitong paraan? Ano ang magiging kalalabasan sa paggawa nang ganito? Madalas ninyong binibigkas ang sawikaing, “Dapat nating maunawaan ang ating mga kalikasan! Dapat mahalin nating lahat ang Diyos! Dapat magpasakop tayong lahat sa Diyos! Dapat magpatirapa tayong lahat sa harap ng Diyos! Dapat sambahin nating lahat ang Diyos! Ang sinumang hindi nagmamahal sa Diyos ay hindi katanggap-tanggap!” Ang pagsasalita tungkol sa mga doktrinang ito ay walang silbi at hindi nakalulutas ng mga problema. Ano ang pagkaunawa mo sa kalikasan ng tao? Ang talagang ibig sabihin ng pag-unawa sa kalikasan mo ay ang paghimay sa mga bagay na nasa kaibuturan ng kaluluwa mo—ang mga bagay na nasa buhay mo, at ang lahat ng lohika at pilosopiya ni Satanas na ipinamumuhay mo—na siyang buhay ni Satanas na ipinamumuhay mo. Mauunawaan mo lamang ang kalikasan mo sa pamamagitan ng paglalantad ng mga bagay na nasa kaibuturan ng iyong kaluluwa. Paano mailalantad ang mga bagay na ito? Hindi mailalantad o mahihimay ang mga ito sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang usapin. Maraming pagkakataon na tapos ka na sa isang bagay ay hindi mo pa rin ito nauunawaan. Maaaring umabot ng tatlo o limang taon bago ka makapagtamo ng kahit katiting na pagkatanto o pagkaunawa. Kaya, sa maraming sitwasyon, kailangan mong pagnilayan at kilalanin ang sarili mo. Kailangan mong tignan ang nasa loob mo at himayin ang iyong sarili, alinsunod sa mga salita ng Diyos, upang makakita ka ng anumang resulta. Habang lumalalim nang lumalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, unti-unti mong malalaman ang sarili mong kalikasang diwa sa pamamagitan ng pagninilay sa sarili at pagkilala sa sarili.
Para malaman ang kalikasan mo, kailangan mong magtamo ng pagkaunawa rito sa pamamagitan ng ilang bagay. Una, kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa kung ano ang gusto mo. Hindi ito tumutukoy sa gusto mong kainin o isuot, sa halip, tumutukoy ito sa mga uri ng bagay na kinasisiyahan mo, mga bagay na kinaiinggitan mo, mga bagay na sinasamba mo, mga bagay na hinahanap mo, at mga bagay na pinagtutuunan ng puso mo, mga uri ng tao na nasisiyahan kang makaugnayan, at mga uri ng tao na hinahangaan at iniidolo mo sa puso mo. Halimbawa, karamihan sa mga tao ay gusto ang mga taong mataas ang katayuan, mga taong eleganteng magsalita at kumilos, o gusto nila yaong mahuhusay at mapagpuri magsalita o yaong mga mapagkunwari. Ang mga nabanggit ay tungkol sa mga taong gusto nilang makahalubilo. Pagdating naman sa mga bagay na nagpapasaya sa mga tao, kabilang dito ang kahandaang gawin ang ilang bagay na madaling gawin, kasiyahang gawin ang mga bagay na itinuturing ng iba na mabuti at na makapaghihikayat sa mga tao na umawit ng papuri at magbigay ng papuri. Sa kalikasan ng mga tao, may karaniwang katangian ang mga bagay na gusto nila. Ibig sabihin, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na kinaiinggitan ng iba dahil sa mga panlabas na kaanyuan, gusto nila ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na talagang magaganda at mararangya, at gusto nila ang mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nagagawa ang ibang sambahin sila. Itong mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay magaganda, maniningning, maririkit, at mariringal. Sinasamba ng lahat ng tao ang mga ito. Makikita na ang mga tao ay hindi nagtataglay ng anumang katotohanan, at wala ring wangis ng mga tunay na tao. Wala ni katiting na kabuluhan sa pagsamba sa mga bagay na ito, subalit gusto pa rin ito ng mga tao. Ang mga bagay na ito na gusto ng mga tao ay tila lalo nang mabuti sa mga hindi naniniwala sa Diyos, at ito ang lahat ng bagay na lalo nang handang hangarin ng mga tao. Para magbigay ng isang simpleng halimbawa: May mga panatiko sa mga walang pananampalataya. Naghahabol sila sa mga artista o mang-aawit, nagpapa-autograph at nanghihingi ng mga mensahe sa mga ito, o nakikipagkamay at nakikipagyakapan sila sa mga ito. Umiiral ba ang mga bagay na ito sa puso ng mga mananampalataya? Inaawit mo ba paminsan-minsan ang mga kanta ng mga kilalang tao na sinasamba mo? O paminsan-minsan ba ay ginagaya mo sila at nagbibihis ka gaya ng sa kanilang mga istilo na hinahangaan mo? Ginagawa mong mga pakay ng iyong pagsamba at mga modelo para sa iyong pagsamba ang mga kilala at sikat na taong ito. Ito ang karaniwang mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao. Talaga bang hindi sinasamba ng mga mananampalataya ang mga bagay na ito, na sinasamba ng mga walang pananampalataya? Sa kaibuturan, gusto pa ring sambahin ng karamihan sa mga tao ang mga ito. Nananalig ka sa Diyos, at tila hindi ka na halatang naghahangad sa mga bagay na iyon. Gayunpaman, sa puso mo, naiinggit ka pa rin sa mga bagay na iyon, at kinagigiliwan mo pa rin ang mga bagay na iyon. Paminsan-minsan, naiisip mo: “Gusto ko pa ring makinig sa kanilang musika, at gusto ko pa ring mapanood ang mga palabas nila sa TV. Paano kaya sila namumuhay? Nasaan kaya sila ngayon? Kung makikita at makakamayan ko sila, ang saya niyon, at kahit na mamatay ako, magiging sulit pa rin iyon.” Sino man ang kanilang sinasamba, gusto ng lahat ng tao ang mga bagay na ito. Marahil ay wala kang pagkakataon o wala ka sa sitwasyon na nakasasalamuha mo ang mga tao, pangyayari, at bagay, pero nasa loob ng puso mo ang mga ito. Ang mga bagay na hinahangad at kinasasabikan ng mga tao ay nabibilang sa mga makamundong kalakaran, ang mga bagay na ito ay kay Satanas at sa mga diyablo, kinasusuklaman ng Diyos ang mga ito, at walang anumang katotohanan. Ang mga bagay na inaasam ng mga tao ang nagbibigay-daan na mabunyag ang kanilang kalikasang diwa. Maaaring makita ang mga kagustuhan ng mga tao sa paraan ng kanilang pananamit. Ang ilang tao ay handang magsuot ng nakakaakit ng pansin, makukulay na damit, o mga kakaibang kasuotan. Handa silang magsuot ng mga aksesorya na wala pang sinumang nakapagsuot noon, at gusto nila ang mga bagay na makakaakit sa kasalungat na kasarian. Ang pagsusuot nila ng mga damit at aksesoryang ito ay nagpapakita ng kagustuhan nila para sa mga bagay na ito sa kanilang buhay at sa kaibuturan ng kanilang puso. Hindi marangal o disente ang mga bagay na gusto nila. Ang mga ito ay hindi mga bagay na dapat hangarin ng isang normal na tao. Mayroong pagiging hindi matuwid sa pagkagiliw nila sa mga ito. Ang kanilang pananaw ay kaparehong-kapareho ng sa mga makamundong tao. Ang isang tao ay walang makikitang alinmang bahagi nito na tumutugma sa katotohanan. Samakatuwid, ang gusto mo, ang pinagtutuunan mo, ang sinasamba mo, ang kinaiinggitan mo, at ang iniisip mo sa iyong puso araw-araw ay lahat kinakatawan ang iyong kalikasan. Ang pagkahilig mo sa mga makamundong bagay na ito ay sapat na para patunayan na kinagigiliwan ng kalikasan mo ang pagiging hindi matuwid, at sa mga seryosong sitwasyon, buktot at wala nang lunas ang kalikasan mo. Dapat mong himayin ang kalikasan mo sa ganitong paraan: Siyasatin mo ang kinagigiliwan mo at ang tinatalikdan mo sa buhay mo. Maaring mabait ka sa isang tao sa isang panahon, ngunit hindi nito pinatutunayan na kinagigiliwan mo siya. Ang tunay na kinagigiliwan mo ay kung ano eksakto ang nasa kalikasan mo; kahit pa mabali ang mga buto mo, masisiyahan ka pa rin dito at hindi mo ito matatalikdan kailanman. Ito ay hindi madaling baguhin. Pag-usapan natin ang paghahanap ng mapapangasawa, halimbawa, hinahanap ng mga tao ang mga taong katulad nila ang tipo. Kung talagang umibig ang isang babae sa isang tao, kung gayon walang makakapigil sa kanya. Kahit baliin ang kanyang mga binti, gugustuhin pa rin niyang makasama ito; gugustuhin niyang magpakasal sa taong ito kahit mangahulugang kailangan siyang mamatay. Paano nangyari ito? Ito ay dahil walang makapagpapabago sa nasa kaibuturan ng mga buto ng mga tao, sa nasa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kahit namatay ang isang tao, parehong mga bagay pa rin ang gugustuhin ng kanyang kaluluwa; likas na sa tao ang mga bagay na ito, at kumakatawan ang mga ito sa pinakadiwa ng isang tao. Ang mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao ay naglalaman ng ilang kawalang-katarungan. Halata sa ilan ang pagkagiliw nila sa mga bagay na iyon, samantalang sa iba ay hindi; ang ilan ay napakalaki ng pagkagusto sa mga ito, samantalang ang iba ay hindi; napipigil ng ilang tao ang kanilang sarili, samantalang hindi mapigil ng iba ang kanilang sarili. Malamang na malubog ang ilang tao sa mga madilim at buktot na bagay, na nagpapatunay na wala silang taglay na buhay. Nagagawa ng ilang tao na mapangibabawan ang mga tukso ng laman at hindi maging abala o magpapigil sa mga bagay na iyon, na nagpapatunay na mayroon silang kaunting tayog at na nagbago na nang kaunti ang kanilang mga disposisyon. Nauunawaan ng ilang tao ang ilang katotohanan at nadarama na mayroon silang buhay at na mahal nila ang Diyos, pero ang totoo, napakaaga pa, at ang pagdanas ng isang tao ng pagbabago sa disposisyon ay hindi isang simpleng bagay. Madali bang unawain ang kalikasang diwa ng isang tao? Kahit nakakaunawa nang kaunti ang isang tao, dapat niyang pagdaanan ang maraming pasikut-sikot para makamit ang pag-unawang iyon, at kahit may kaunting pagkaunawa, hindi madali ang pagbabago. Ito ang lahat ng paghihirap na kinakaharap ng mga tao, at hindi makikilala ng mga tao ang kanilang sarili kung ayaw nilang hangarin ang katotohanan. Paano man maaaring magbago ang mga tao, pangyayari, o bagay-bagay sa iyong paligid at paano man bumaligtad ang mundo, kung ginagabayan ka ng katotohanan mula sa loob, kung nag-ugat na ito sa iyong loob at ginagabayan ng mga salita ng Diyos ang iyong buhay, mga kagustuhan, mga karanasan, at pag-iral, sa puntong iyon ay tunay ka nang nagbago. Sa kasalukuyan, ang tinatawag na pagbabago ng mga tao ay bahagyang pakikipagtulungan lamang, ito ay kakayahan lamang na atubiling tanggapin ang mapungusan, aktibong gumanap sa kanilang mga tungkulin, at pagkakaroon ng kaunting kasigasigan at pananampalataya, ngunit hindi ito maituturing na pagbabago ng disposisyon at hindi nito pinatutunayan na may buhay ang mga tao. Mga kagustuhan at inklinasyon lamang ito ng mga tao—wala nang iba.
Upang maabot ang pagkaunawa sa mga kalikasan, bukod sa pagtuklas sa mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang mga kalikasan, kailangan ding tuklasin ang ilan sa mga pinakamahalagang aspektong may kinalaman sa kanilang kalikasan. Halimbawa, ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay, ang mga pamamaraan at mga layon ng mga tao sa buhay, ang mga pinahahalagahan ng mga tao sa buhay at pananaw sa buhay, pati na rin ang mga palagay at ideya nila sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng ito ay umiiral sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao at may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagbabago ng disposisyon. Ano, kung gayon, ang pananaw sa buhay ng tiwaling sangkatauhan? Masasabi na ito iyon: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Lahat ng tao ay nabubuhay para sa kanilang sarili; sa deretsahang salita, nabubuhay sila para sa laman. Nabubuhay sila para lamang kumain. Paano naiiba ang pag-iral na ito sa pag-iral ng mga hayop? Walang anumang halaga sa pamumuhay nang ganito, at lalong wala itong anumang kabuluhan. Ang pananaw sa buhay ng isang tao ay tungkol sa kung saan ka umaasa para mabuhay sa mundo, para saan ka nabubuhay, at paano ka namumuhay—at ang lahat ng ito ay mga bagay na may kinalaman sa diwa ng kalikasan ng tao. Sa pamamagitan ng paghihimay sa kalikasan mga tao, makikita mo na lahat ng tao ay lumalaban sa Diyos. Mga diyablo silang lahat at walang totoong mabuting tao. Sa pamamagitan lamang ng paghihimay sa kalikasan ng mga tao mo tunay na malalaman ang katiwalian at diwa ng tao at mauunawaan kung saan talaga nabibilang ang mga tao, ano talaga ang kulang sa mga tao, ano ang dapat nilang isangkap sa kanilang sarili, at paano sila dapat mamuhay na kawangis ng tao. Tunay na hindi madaling himayin ang kalikasan ng isang tao, at hindi ito magagawa nang hindi nararanasan ang mga salita ng Diyos o nagkakaroon ng tunay na mga karanasan.
Tagsibol, 1999