Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Sa ngayon, hahangarin ninyo na maging mga tao ng Diyos, at sisimulan ang pagpasok sa tamang landas sa lahat ng bagay. Ang maging mga tao ng Diyos ay nangangahulugan ng pagpasok sa Kapanahunan ng Kaharian. Sa kasalukuyan, opisyal na ninyong sinisimulan ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, at ang inyong mga buhay sa hinaharap ay titigil na sa pagiging makupad at pabaya kagaya ng dati; sa gayong pamumuhay, imposibleng maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Kung hindi ka nakakadama ng anumang pag-aapura, ipinapakita nito na wala kang pagnanais na umusad, na ang iyong paghahangad ay magulo at nakakalito, at ito ay walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay nangangahulugan ng pagsisimula ng buhay ng mga tao ng Diyos—nakahanda ka bang tanggapin ang gayong pagsasanay? Nakahanda ka bang makadama ng pag-aapura? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagdidisiplina ng Diyos? Nakahanda ka bang mabuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos? Kapag ang mga salita ng Diyos ay darating sa iyo at ikaw ay susubukin, paano ka kikilos? At ano ang iyong gagawin kapag naharap ka sa lahat ng klase ng katunayan? Noong nakaraan, ang iyong pokus ay hindi sa buhay; sa kasalukuyan, dapat kang magtuon sa pagpasok sa buhay realidad, at hangarin ang mga pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Ito ang dapat matamo ng mga tao ng kaharian. Lahat ng tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng buhay, dapat nilang tanggapin ang pagsasanay ng kaharian, at hangarin ang mga pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian.
Ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ng kaharian ay ang mga sumusunod:
1. Dapat nilang tanggapin ang mga atas ng Diyos. Ibig sabihin nito, dapat nilang tanggapin ang lahat ng salitang binigkas sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.
2. Dapat silang pumasok sa pagsasanay ng kaharian.
3. Dapat nilang hangarin na antigin ng Diyos ang kanilang mga puso. Kapag ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at mayroon kang isang normal na espirituwal na buhay, mamumuhay ka sa dako ng kalayaan, na nangangahulugang mamumuhay ka sa ilalim ng pangangalaga at proteksiyon ng pagmamahal ng Diyos. Kung ikaw ay namumuhay sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, saka ka lamang nagiging isang tao na hinirang ng Diyos.
4. Dapat silang makamit ng Diyos.
5. Dapat silang maging isang pagpapamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.
Ang limang puntong ito ay ang Aking mga atas para sa inyo. Ang Aking mga salita ay binibigkas sa mga tao ng Diyos, at kung ayaw mong tanggapin ang mga atas na ito, hindi kita pipilitin—ngunit kung tunay mong tinatanggap ang mga iyon, masusunod mo ang kalooban ng Diyos. Sa kasalukuyan, sinisimulan ninyong tanggapin ang mga atas ng Diyos, at hinahangad na maging mga tao ng kaharian at maabot ang mga pamantayang hinihingi upang maging mga tao ng kaharian. Ito ang unang hakbang ng pagpasok. Kung nais mong ganap na sumunod sa kalooban ng Diyos, dapat mong tanggapin ang limang atas na ito, at kung magagawa mong matamo ang mga ito, magiging alinsunod ka sa mga layunin ng Diyos at tiyak na labis kang mapapakinabangan ng Diyos. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian. Kasama sa pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ang espirituwal na buhay. Dati, walang pag-uusap ukol sa espirituwal na buhay, ngunit sa kasalukuyan, habang sinisimulan mo ang pagpasok sa pagsasanay ng kaharian, opisyal kang pumapasok sa espirituwal na buhay.
Anong uri ng buhay ang espirituwal na buhay? Ang espirituwal na buhay ay yaong kung saan ang iyong puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, at nagagawang isipin ang pag-ibig ng Diyos. Ito yaong kung saan ay namumuhay ka sa mga salita ng Diyos, at walang iba pa ang sumasakop sa iyong puso, at nagagawa mong maarok ang mga kasalukuyang layunin ng Diyos, at ginagabayan ka ng kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu upang gawin ang iyong tungkulin. Ang gayong buhay sa pagitan ng tao at ng Diyos ay ang espirituwal na buhay. Kung hindi mo nagagawang sundan ang kasalukuyang liwanag, lalayo ang iyong ugnayan sa Diyos—maaari pa nga itong magwakas—at hindi ka magkakaroon ng normal na espirituwal na buhay. Ang isang normal na kaugnayan sa Diyos ay itinatatag sa saligan ng pagtanggap sa mga kasalukuyang salita ng Diyos. Mayroon ka bang normal na espirituwal na buhay? Mayroon ka bang isang normal na kaugnayan sa Diyos? Ikaw ba ay isang taong sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung nagagawa mong sundan ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, at nakakayang maarok ang mga layunin ng Diyos na nakapaloob sa Kanyang mga salita, at magkaroon ng pagpasok sa Kanyang mga salita, ikaw ay isang taong sumusunod sa daloy ng Banal na Espiritu. Kung hindi mo sinusundan ang daloy ng Banal na Espiritu, walang pag-aalinlangan na ikaw ay isang taong hindi naghahangad sa katotohanan. Ang Banal na Espiritu ay walang pagkakataon na makagawa sa kalooban ng mga walang pagnanais na umusad, at bilang resulta, hindi kailanman magagawa ng gayong mga tao na humugot ng lakas, at palagi silang negatibo. Sa kasalukuyan, sinusundan mo ba ang daloy ng Banal na Espiritu? Nasa daloy ka ba ng Banal na Espiritu? Nakaahon ka ba mula sa negatibong kalagayan? Lahat niyaong naniniwala sa mga salita ng Diyos, na ginagamit ang gawain ng Diyos bilang saligan, at sinusundan ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu—lahat sila ay nasa daloy ng Banal na Espiritu. Kung naniniwala ka na ang mga salita ng Diyos ay di-mapagkakailang tunay at tama, at kung naniniwala ka sa mga salita ng Diyos anuman ang Kanyang sabihin, ikaw ay isang taong naghahangad na makapasok sa gawain ng Diyos, at sa ganitong paraan ay matutugunan mo ang mga layunin ng Diyos.
Upang makapasok sa daloy ng Banal na Espiritu, dapat kang magkaroon ng isang normal na ugnayan sa Diyos, at dapat mo munang iwaksi ang iyong negatibong kalagayan. Ang ilang tao ay palaging sumusunod sa karamihan, at ang kanilang mga puso ay nalilihis nang napakalayo mula sa Diyos; ang gayong mga tao ay walang pagnanais na umusad, at ang mga pamantayan na kanilang hinahangad ay masyadong mababa. Ang paghahangad lamang na ibigin ang Diyos at makamit ng Diyos ay ang layunin ng Diyos. Mayroong mga tao na ginagamit lamang ang kanilang konsensiya upang suklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit hindi nito kayang tugunan ang mga layunin ng Diyos; habang lalong tumataas ang mga pamantayan na iyong hinahangad, lalo itong magiging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Bilang mga normal na tao, at bilang mga taong naghahangad na mahalin ang Diyos, ang pagpasok sa kaharian at pagiging mga tao ng Diyos ang inyong tunay na hinaharap, at isang buhay na siyang pinakamahalaga at pinakamakabuluhan; walang sinuman ang higit na pinagpala kaysa sa inyo. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat yaong mga hindi nananampalataya sa Diyos ay nabubuhay para sa laman, at sila ay nabubuhay para kay Satanas, ngunit sa kasalukuyan kayo ay nabubuhay para sa Diyos, at nabubuhay upang sumunod sa kalooban ng Diyos. Kaya sinasabi Ko na ang inyong mga buhay ang pinakamakabuluhan. Ang grupong ito lamang ng mga tao, na pinili ng Diyos, ang nakakapagsabuhay ng isang buhay na pinakamakabuluhan: Walang sino pa man sa lupa ang magagawang isabuhay ang isang buhay na may gayong halaga at kahulugan nang gaya sa buhay ninyo. Sapagkat kayo ay napili na ng Diyos at itinaas ng Diyos, at lalong dahil sa pagmamahal ng Diyos, naarok na ninyo ang tunay na buhay, at nalalaman kung paano mamuhay sa paraan na siyang pinakamahalaga. Hindi ito dahil sa naghahangad kayo nang mabuti, kundi dahil sa biyaya ng Diyos; ang Diyos ang nagmulat sa inyong mga espirituwal na mata, at ang Espiritu ng Diyos ang umantig sa inyong mga puso, binibigyan kayo ng magandang pagkakataon na lumapit sa harap Niya. Kung hindi kayo binigyang-liwanag ng Espiritu ng Diyos, hindi kayo magkakaroon ng kakayahang makita kung ano ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos, ni magiging posible para sa inyo na mahalin ang Diyos. Ganap na dahil naantig ng Espiritu ng Diyos ang puso ng mga tao kaya ang kanilang puso ay bumaling sa Diyos. May mga pagkakataon, kapag tinatamasa mo ang mga salita ng Diyos, ang iyong espiritu ay naaantig, at nadarama mo na dapat talagang ibigin mo ang Diyos, na mayroong matinding lakas sa kalooban mo, at na walang anumang bagay ang hindi mo maisasantabi. Kung ganito ang nadarama mo, ikaw ay naantig na ng Espiritu ng Diyos, at ang iyong puso ay nakabaling na nang ganap sa Diyos, at mananalangin ka sa Diyos at sasabihing: “Diyos! Kami ay tunay na paunang itinadhana at hinirang Mo. Ang Iyong kaluwalhatian ay aking maipagmamalaki, at pakiramdam ko ay isang karangalan na maging isa sa Iyong mga tao. Gugugulin ko ang anumang bagay at iaalay ang anumang bagay upang sumunod sa Iyong kalooban, at ilalaan ko ang lahat ng aking mga taon, at lahat ng lakas na mayroon ako sa buhay na ito, sa Iyo.” Kapag ikaw ay nananalangin sa ganitong paraan, magkakaroon ng walang-hanggang pag-ibig at tunay na pagpapasakop sa Diyos sa iyong puso. Nagkaroon ka na ba ng isang karanasang kagaya nito? Kung ang mga tao ay madalas antigin ng Espiritu ng Diyos, sila ay mag-aalay ng mga panalangin na may espesyal na dedikasyon sa Diyos: “Diyos! Nais kong makita ang araw na makamit Mo ang kaluwalhatian, at nais kong mabuhay para sa Iyo—walang anuman ang higit na karapat-dapat o makahulugan kaysa sa mabuhay para sa Iyo, at wala akong taglay ni katiting na pagnanais na mabuhay para kay Satanas at sa laman. Itinataas Mo ako sa pamamagitan ng pagtutulot sa akin na mabuhay para sa Iyo sa kasalukuyan.” Kapag nanalangin ka na sa ganitong paraan, madarama mo na dapat mo talagang ibigay ang iyong puso sa Diyos, na dapat mong makamit ang Diyos, at kasusuklaman mong mamatay nang hindi nakakamit ang Diyos habang ikaw ay nabubuhay. Pagkasabi ng gayong panalangin, magkakaroon ng di-nauubos na lakas sa kalooban mo, at hindi mo malalaman kung saan ito nagmumula; sa iyong puso ay magkakaroon ng walang-hanggang lakas, at magkakaroon ng pakiramdam na ang Diyos ay labis na kaibig-ibig, at Siya ay nararapat ibigin. Ito ay kapag naantig ka na ng Diyos. Lahat niyaong nagkaroon na ng gayong karanasan ay naantig na ng Diyos. Para sa kanila na madalas maantig ng Diyos, ang mga pagbabago ay nangyayari sa kanilang mga buhay, nagagawa nilang magpasya para ganap na makamit ang Diyos, ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso ay higit na malakas, at ang kanilang mga puso ay ganap nang bumaling sa Diyos. Ganap nilang iwinawaksi sa kanilang isipan ang kanilang mga pamilya, ang mundo, mga gusot, at ang kanilang kinabukasan, at handa silang ilaan sa Diyos ang lahat ng lakas na mayroon sila sa buhay. Lahat niyaong naaantig ng Espiritu ng Diyos ay mga taong naghahangad sa katotohanan, at mayroong taglay na pag-asa na magawang perpekto ng Diyos.
Naibaling mo na ba ang iyong puso sa Diyos? Naantig na ba ng Espiritu ng Diyos ang iyong puso? Kung hindi ka pa nagkaroon kailanman ng gayong karanasan, at kung hindi ka pa kailanman nakapanalangin sa gayong paraan, nagpapakita ito na ang Diyos ay walang lugar sa iyong puso. Lahat ng mga ginagabayan ng Espiritu ng Diyos at naaantig ng Espiritu ng Diyos ay nagtataglay ng gawain ng Diyos, na nagpapakita na ang mga salita ng Diyos at ang pag-ibig ng Diyos ay nag-ugat na sa kalooban nila. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako kasingtaimtim mo sa pananalangin ko, ni ako ay masyadong inaantig ng Diyos; may mga pagkakataon—kapag ako ay nagbubulay-bulay at nananalangin—nadarama ko na ang Diyos ay kaibig-ibig, at ang aking puso ay inaantig ng Diyos.” Walang higit na mahalaga kaysa sa puso ng tao. Kapag ang iyong puso ay nakabaling na sa Diyos, ang iyong buong pagkatao ay nakabaling na sa Diyos, at sa panahong iyon ang iyong puso ay naantig na ng Espiritu ng Diyos. Karamihan sa inyo ay nagkaroon na ng gayong karanasan—sadyang hindi magkakatulad ang kalaliman ng inyong mga karanasan. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako bumibigkas ng maraming salita ng panalangin, nakikinig lamang ako sa pakikipagbahaginan ng iba at umuusbong ang lakas sa kalooban ko.” Nagpapakita ito na naantig na ng Diyos ang kalooban mo. Ang mga tao na naaantig ng Diyos ang kalooban ay nabibigyang-inspirasyon kapag naririnig nila ang pakikipagbahaginan ng iba; kung ang puso ng isang tao ay nananatiling ganap na hindi naaantig kapag nakakarinig siya ng nakakasiglang mga salita, nagpapatunay ito na ang gawain ng Banal na Espiritu ay wala sa kalooban niya. Walang pananabik sa kalooban niya, na nagpapatunay na wala siyang taglay na determinasyon, kung kaya’t siya ay walang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang isang tao ay naaantig ng Diyos, magkakaroon siya ng reaksiyon kapag naririnig ang mga salita ng Diyos. Kung ang isang tao ay hindi naaantig ng Diyos, hindi niya magagawang makipag-ugnayan sa mga salita ng Diyos; walang magiging kinalaman sa kanya ang mga salita ng Diyos, at hindi siya makakatanggap ng kaliwanagan. Yaong mga nakarinig na ng mga salita ng Diyos at hindi nagkaroon ng reaksiyon ay mga tao na hindi naaantig ng Diyos—sila ay mga tao na hindi taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Lahat yaong nagagawang tanggapin ang bagong liwanag ay inaantig, at tinataglay ang gawain ng Banal na Espiritu.
Sukatin mo ang sarili mo:
1. Nasa gitna ka ba ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu?
2. Nakabaling na ba ang iyong puso sa Diyos? Ikaw ba ay naantig na ng Diyos?
3. Nag-ugat na ba ang mga salita ng Diyos sa kalooban mo?
4. Ang iyo bang pagsasagawa ay itinatatag sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos?
5. Nabubuhay ka ba sa ilalim ng paggabay ng kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu?
6. Ang puso mo ba ay pinamamahalaan ng mga dating kuru-kuro, o pinamamahalaan ba ito ng mga pinakabagong salita ng Diyos?
Sa pagkarinig sa mga salitang ito, ano ang reaksiyon sa kalooban ninyo? Sa pananampalataya sa loob ng maraming taon, taglay mo ba ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay? Mayroon na bang pagbabago sa iyong dating tiwaling disposisyon? Nalalaman mo ba, alinsunod sa mga pinakabagong salita ng Diyos, kung ano ang magkaroon ng buhay, at kung ano ang hindi magtaglay ng buhay? Ito ba ay malinaw sa inyo? Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga pinakabagong salita ng Diyos: Ikaw man ay naghahangad sa buhay pagpasok o sa katugunan ng mga layunin ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Kung ang iyong ibinabahagi at hinahangad na pasukin ay hindi nakasentro sa mga pinakabagong salita ng Diyos, isa kang tao na nasa labas ng mga salita ng Diyos, at talagang wala kang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa liwanag ngayon ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunan at henerasyong lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila patuloy na nakakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat ng sumusunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga nasa labas ng mga pinakabagong salita ng Diyos ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ang paglilingkod na nasa labas ng pinakabagong mga salita ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at kahit na naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa gitna ng kanilang mga imahinasyon at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu ang mga layunin ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na naaayon sa Kanyang mga layunin; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundan ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakagambala at nakakagulo, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundan ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at tiyak na mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa mga kasalukuyang layunin ng Diyos, at ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, magpasakop at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pumasok alinsunod sa pinakabagong mga salita ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kapabilidad na matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos at makita ang Diyos, kundi makikilala rin nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at makikilala rin ang mga kuru-kuro at paghihimagsik ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong itinitiwalag ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundan ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang wangis ng Diyos ay hindi kagaya ng nasa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinuhusgahan ang Diyos, na humahantong sa pagtataboy sa kanila ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung magagawa ng mga tao na sadyang magpasakop sa gawain ng Diyos at hanapin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na makamit ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, gayundin sa kanilang paghahangad, at sa kanilang mga intensiyon.
Lahat ng kayang magpasakop sa mga pinakabagong salita ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano ang mga tao dati, o kung paano gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila dati—ang lahat niyaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at ang lahat niyaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain ngayon ay ititiwalag. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakakilala sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at magpasakop sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay paunang itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan at henerasyon, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao. Ang lahat ng ito ay dahil sa gawain ng Diyos, dahil sa paunang pagtatadhana at pagpili ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Diyos; kung hindi sinabi at binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, maaari kayang ang inyong mga kalagayan ay maging kagaya ng sa kasalukuyan? Kaya, lahat nawa ng kaluwalhatian at papuri ay mapasa-Diyos, sapagkat ang lahat ng ito ay pagtataas ng Diyos. Habang iniisip ang mga bagay na ito, makakapanatili ka pa rin bang negatibo? Hindi pa rin ba mahuhugot ang iyong lakas?
Na kaya mong tanggapin ngayon ang paghatol, pagkastigo, paghampas, at pagpipino ng mga salita ng Diyos, at, higit pa rito, na kaya mong tanggapin ang mga atas ng Diyos, ay paunang itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at kaya hindi ka dapat masyadong mabagabag kapag ikaw ay kinakastigo. Walang sinuman ang makaaagaw sa gawain na nagawa na sa inyo, at sa mga pagpapala na naipagkaloob na sa inyo, at walang sinuman ang makaaagaw sa lahat ng mga naibigay na sa inyo. Ang mga tao sa relihiyon ay hindi maihahambing sa inyo. Ang kaalaman ninyo sa Bibliya ay hindi kasingdami ng sa kanila, at wala kayo ng mga doktrina ng relihiyon na mayroon sila, ngunit dahil ang Diyos ay gumawa na sa inyo, nagkamit na kayo ng higit sa kaninuman sa kabuuan ng mga kapanahunan—at kaya ito ang inyong pinakamalaking pagpapala. Dahil dito, lalo dapat ninyong ihandog ang sarili ninyo sa Diyos, at maging tapat sa Diyos. Dahil sa pagtataas ng Diyos, dapat mong pagtibayin ang iyong mga pagsisikap at dapat ihanda ang iyong tayog para tanggapin ang mga atas ng Diyos. Naninindigan sa posisyong ibinigay sa iyo ng Diyos; naghahangad na maging isa sa mga tao ng Diyos; tinatanggap ang pagsasanay ng kaharian; nakakamit ng Diyos at sa bandang huli ay nagiging isang maluwalhating patotoo sa Diyos—taglay mo ba ang mga determinasyong ito? Kung taglay mo ang gayong mga determinasyon, sa huli ay tiyak kang makakamit ng Diyos, at magiging isa kang maluwalhating patotoo sa Diyos. Dapat mong maunawaan na ang pangunahing atas ay ang makamit ng Diyos at maging isang maluwalhating patotoo sa Diyos. Ito ang layunin ng Diyos.
Ang mga pinakabagong salita ng Banal na Espiritu ay ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang patuloy na pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu sa tao sa panahong ito ay ang kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu. At ano ang kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ito ay ang pangunguna ng mga tao ng Diyos tungo sa pinakabagong gawain ng Diyos, at tungo sa isang normal na espirituwal na buhay. Mayroong ilang hakbang sa pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay:
1. Una, dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos. Hindi mo dapat hangarin ang mga salitang sinabi ng Diyos noon, at hindi mo dapat pag-aralan ang mga ito, lalong hindi mo dapat ihambing ang mga ito sa mga salita sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mong ganap na ibuhos ang iyong puso sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Kung mayroong mga tao na nagnanais pa ring basahin ang mga salita ng Diyos, mga espirituwal na aklat, o iba pang mga sermon mula sa nakaraan, at hindi sumusunod sa mga pinakabagong salita ng Banal na Espiritu, sila ang pinakahangal sa lahat ng tao; kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao. Kung nakahanda kang tanggapin ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, ganap mong ibuhos ang iyong puso sa mga pinakabagong salita ng Diyos. Ito ang unang bagay na dapat mong maabot.
2. Dapat kang manalangin sa saligan ng mga pinakabagong salita na sinabi ng Diyos, pumasok sa mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa Diyos, at gawin ang iyong mga resolusyon sa harap ng Diyos, itinatatag kung anong mga pamantayan ang nais mong maabot sa iyong paghahangad.
3. Dapat mong hangarin ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan sa saligan ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Huwag kang manangan sa mga lipas na kasabihan at mga doktrina mula sa nakaraan.
4. Dapat mong hangarin na maantig ng Banal na Espiritu, at magkaroon ng pagpasok sa mga salita ng Diyos.
5. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa landas na kasalukuyang nilalakaran ng Banal na Espiritu.
At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mamuhay sa mga pinakabagong salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Pagkatapos magdasal sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung susubukan mong maghanap nang walang saligan sa mga pinakabagong salita na sinabi ng Diyos, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong mapaghimagsik, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong magserbisyo para sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay makakakita sa Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nagdarasal sa saligan ng mga pinakabagong salita ng Banal na Espiritu, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Ipagpalagay na nananalangin ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan. Sinasabi mo: “Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga atas at maging deboto sa Iyong mga atas, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makakaabot sa mga pamantayan ng mga tao ng Diyos, at para antigin Mo ang aking puso. Nais ko na bigyang-liwanag ako palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, at nawa’y makamit Mo ako sa bandang huli.” Kung mananalangin ka nang ganito, nakasentro sa mga layunin ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung naaarok mo ba o hindi ang mga layunin ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagtitipon, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para makahugot ng lakas ang bawat isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang determinasyon, at gumagawa ng mga panata. Gayon ang epektong natatamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?
Nalalaman ba ninyo ang landas na kasalukuyang nilalakaran ng Banal na Espiritu? Ang ilang punto sa itaas ang tutuparin ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan at sa hinaharap; ang mga ito ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, at ang dapat na hangarin ng mga tao na mapasok. Sa iyong buhay pagpasok, sa pinakamababa ay dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang iyong puso ay dapat manabik sa Diyos, dapat mong hangarin ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan, at ang mga layunin na hinihingi ng Diyos. Kapag tinataglay mo ang ganitong lakas, nagpapakita ito na ikaw ay naantig na ng Diyos, at ang iyong puso ay nagsimula nang bumaling sa Diyos.
Ang unang hakbang sa buhay pagpasok ay ang ibuhos mo nang ganap ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at ang ikalawang hakbang ay ang tanggapin na maantig ng Banal na Espiritu. Ano ang epekto na matatamo sa pagtanggap na maantig ng Banal na Espiritu? Ito ay ang magawang manabik, hanapin, at saliksikin ang mas malalalim na katotohanan, at magawang makipagtulungan sa Diyos sa positibong bahagi ng mga bagay. Sa kasalukuyan, ang pakikipagtulungan sa Diyos ay nangangahulugang mayroong layunin sa iyong paghahangad, sa iyong mga panalangin, at sa iyong pakikipagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at iyong ginagawa ang iyong tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito lamang ang pakikipagtulungan sa Diyos. Kung magsasalita ka lamang ukol sa pagtutulot na kumilos ang Diyos, ngunit hindi ka gumagawa ng anumang pagkilos, hindi nananalangin o naghahanap, maaari ba itong tawaging pakikipagtulungan? Kung wala kang taglay na anumang pakikipagtulungan sa iyo, at wala kang pagsasanay para sa pagpasok na mayroong layunin, hindi ka nakikipagtulungan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang lahat ay nakasalalay sa pag-orden ng Diyos, lahat ng ito ay ginagawa ng Diyos Mismo; kung hindi ito ginawa ng Diyos, paano pa kaya ng tao?” Ang gawain ng Diyos ay normal, at wala ni katiting na higit sa karaniwan, at sa pamamagitan lamang ng iyong aktibong paghahanap kaya gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi pinipilit ng Diyos ang tao—dapat mong bigyan ang Diyos ng pagkakataon na gumawa, at kung hindi ka maghahangad o papasok, at kung wala ni katiting na kasabikan sa iyong puso, ang Diyos ay walang pagkakataon na gumawa. Sa anong landas ka makakapaghangad na maantig ng Diyos? Sa pamamagitan ng panalangin, at paglapit sa Diyos. Ngunit ang pinakamahalaga, tandaan mo, ito ay dapat sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos. Kapag ikaw ay madalas na antigin ng Diyos, hindi ka nalilimitahan ng laman: Asawa, mga anak, at salapi—walang kapabilidad ang lahat ng ito na limitahan ka, at nais mo lamang hangarin ang katotohanan at mamuhay sa harap ng Diyos. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang tao na namumuhay sa dako ng kalayaan.