9. Mga Aral na Natutunan Pagkatapos Mailipat ng Tungkulin
Noong katapusan ng 2018, isinaayos ng iglesia na ako ang mamahala sa gawain sa graphic design. Sa tuwing sinusuri ko ang mga imaheng ginawa ng mga kapatid at nagmumungkahi ako para sa mga pag-eedit, mapagpasensiya silang nakikinig, at paminsan-minsan ay sinasabi ng ilan sa kanila, “Napakahina ko talaga sa estetika. Ni hindi ko man lang napapansin ang mga problemang ito. Ngayong sinabi mo, naintindihan ko na.” Minsan, nahihinto kami dahil sa magkakaibang opinyon, pero kapag ako na ang nagbigay ng opinyon ko, lahat sila ay sumasang-ayon sa akin. Nang makita ko ang lahat ng ito, lubos akong nalugod, “Mukhang mahusay ang kakayahan ko, kung hindi, paano ko nagagawa ang ganito kahalagang tungkulin at napapasang-ayon nang ganito ang mga kapatid?” Minsan, hindi ako makasali sa mga talakayan sa gawain dahil sa mga partikular na dahilan, at babaguhin ng lider ng pangkat ang oras para lang makasali rin ako. Nang makita ko kung gaano nila ako pinahahalagahan, lalo pa akong nasiyahan sa sarili ko, iniisip na, “Talagang pinapaganda ng tungkuling ito ang imahe ko. Kung mas magsisikap pa akong mag-aral at pagbutihin ang aking mga kasanayan, hindi ba’t mas hahangaan pa ako ng mas maraming kapatid?” Pagkatapos niyon, lalo pa akong ginanahan sa paggawa ng tungkulin ko. Kahit na nakaka-stress ang tungkulin, hindi ako umatras gaano man ako nagdusa o gaano man kahirap ang mga bagay-bagay.
Noong 2022, dahil dumarami ang mga baguhan sa Pilipinas na tumanggap sa tunay na daan, lubhang kinailangan ang mas maraming tagadilig, at napagpasyahan ng mga lider na dahil bumaba na ang dami ng trabaho sa pangkat ng sining, hindi na kailangan ng dalawang superbisor, kaya isinaayos nila na ako ang magdilig sa mga baguhan online. Alam kong makatwiran ang pagsasaayos na ito, pero nag-alala pa rin ako, iniisip, “Ilang taon na akong hindi nakapagdidilig ng mga baguhan. Kung hindi magiging maganda ang mga resulta ng pagdidilig, mataas pa rin kaya ang magiging tingin sa akin ng mga kapatid?” Dahil sa mga iniisip na ito, medyo nasiraan ako ng loob. Pero nang mag-isip-isip ako, “Hindi naman ganoon kababa ang kakayahan ko. Basta’t magsisikap akong sangkapan ang sarili ko ng katotohanan, siguradong mamumukod-tangi rin ako sa tungkuling ito.” Nang maisip ko ito, medyo gumaan ang pakiramdam ko. Hindi nagtagal matapos kong simulang gumawa ng tungkulin ng pagdidilig, kinausap ako ng superbisor ng gawain ng pagdidilig tungkol sa gawain ko, sinabi niya na hindi ko raw natukoy at nalutas sa tamang oras ang mga problema ng mga baguhan, at na nagkukulang daw ako sa pakikipag-usap sa mga baguhan at sa pagtulong sa mga paghihirap nila. Pagkatapos, binasahan ako ng superbisor ng mga kaugnay na prinsipyo, at napagtanto ko na talagang totoo ang mga problemang tinukoy ng superbisor. Noong una, kaya ko pa itong tanggapin, pero habang dumarami ang mga problemang tinutukoy, nagsimula na akong makaramdam ng bahagyang kirot sa puso ko. Habang nakikinig ako sa pagbabahaginan at mga payo ng superbisor, patuloy kong inaalala ang nakaraan ko bilang superbisor sa sining. Dati, ako ang laging gumagabay sa gawain ng iba at tumutukoy sa mga problema sa kanilang mga tungkulin, at palaging mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid at sinusuportahan ako. Pero ngayon, sa tungkulin ko, napakaraming problema ko ang nalantad, at kailangan ko pa ng pakikipagbahaginan at gabay ng iba. Sobrang nakakahiya! Ano na lang ang iisipin sa akin ng superbisor pagkatapos niyang mapagtanto kung gaano karami ang mga problema ko sa tungkulin ko? Ano naman ang iisipin ng mga kapatid ko? Iisipin kaya nila na mahina ang kakayahan ko at hindi ko isinasapuso ang mga tungkulin ko? Napakalalim kong naramdaman ang pagkakaiba. Pero pagkatapos, hindi ko sinuri ang kalagayan ko. Sa halip, inaliw ko lang ang sarili ko, iniisip, “Pansamantalang kabiguan lang ito. Hangga’t handa akong magsumikap, malulutas din ang mga problemang ito.”
Makalipas ang ilang araw, magkakasama kaming nagkaroon ng pagtitipon, at hiniling sa akin ng superbisor na magbahagi kung paano lulutasin ang problema ng mga baguhan na masyadong abala sa trabaho para makadalo sa mga pagtitipon. Pagkatapos kong magsalita, sinabi ng ilang kapatid na hindi ko raw seryosong tinanong ang mga baguhan tungkol sa kanilang mga paghihirap para tingnan kung mayroon ba silang mga aktuwal na problema sa buhay o kung mayroon ba silang mga maling pananaw. Sabi naman ng iba, basta dumeretso na lang daw ako sa pakikipagbahaginan sa kanila nang hindi muna nagtatanong nang malinaw, at sa ganitong paraan, hindi ko raw talaga malulutas ang mga problema ng mga baguhan. Pagkatapos marinig ang mga payo ng mga kapatid, naramdaman kong nag-init ang mukha ko sa hiya, at gusto ko na lang na magbukas ang lupa at lamunin ako. Pakiramdam ko, sobrang nakakahiya talaga ang paggawa sa tungkuling ito. Dati, ako ang responsable sa gawain ng pangkat ng sining, at pinapaligiran ako ng mga kapatid, madalas akong pinupuri. Pero ngayon kung kailan nagdidilig ako ng mga baguhan, palagi na akong itinatama at pinupuna. Nakakadismaya talaga! Naisip kong kausapin ang lider at hilingin na ipagpatuloy ko na lang ang dati kong tungkulin sa graphic design. Pakiramdam ko, hindi ko talaga linya ang pagdidilig sa mga baguhan, at kung ipagpapatuloy kong gawin ang tungkuling ito, ipapahiya ko lang ang sarili ko. Kung makakabalik ako sa dati kong tungkulin, maipagpapatuloy ko ang pagtamasa ng paghanga at suporta mula sa mga kapatid. Pero nag-alala rin ako na kung hihiling ako na ilipat ng tungkulin, iisipin ng mga kapatid na masyado akong marupok, na gusto kong magpalit ng tungkulin dahil lang sa ilang problema na natukoy, at na napakaliit talaga ng tayog ko. Kaya pinilit ko na lang tiisin. Inaliw ko ang sarili ko sa puso ko, iniisip, “Kung mas magsisikap ako at palalakasin ang pagsasanay ko, baka bumuti rin ang mga bagay-bagay paglipas ng ilang panahon.”
Kalaunan, lalo pa akong nagsikap sa aking tungkulin, araw-araw kong sinasangkapan ang sarili ko ng katotohanan batay sa mga problema ng mga baguhan, minsan ay nagpupuyat pa ako hanggang alas-tres ng madaling araw. Ang tanging iniisip ko lang ay kung paano mababago ang sitwasyong ito sa lalong madaling panahon. Pero matapos ang isang buwan, ang mga resulta ng tungkulin ko pa rin ang pinakamababa sa pangkat. Noong gabing iyon, hindi ako mapakali sa kama, hindi makatulog. Paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang panahon ko bilang superbisor sa sining, iniisip kung gaano iyon kadakila. Pero ngayon, sa pagdidilig ng mga baguhan, napunta ako sa pinakailalim ng pangkat. Pakiramdam ko, ang paggawa ng tungkuling ito ay talagang kahiya-hiya! Habang mas iniisip ko ito, mas lalong sumasama ang loob ko, at hindi ko mapigilan ang sarili kong umiyak. Naisip kong kausapin ang lider kinabukasan para magpalipat ng tungkulin. Pero kapag naiisip kong magpalit ng tungkulin, nakakaramdam ako ng di-maipaliwanag na pagkakonsensiya at pagkabagabag sa puso ko. Nagdasal ako sa Diyos dati, nangangakong mananatili sa tungkulin ko. Kung magpapalit ako ng tungkulin—hindi ba’t pag-aabandona iyon sa puwesto ko? Susuko na lang ba ako nang ganito? Pero kung ipagpapatuloy ko ang tungkuling ito, hindi ko alam kung paano ko ito haharapin. Sa gitna ng pasakit, paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, “O Diyos, labis akong nanghihina, hindi ko po alam kung paano uusad. Pakiusap, gabayan Mo ako.” Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung ang tungkuling iyong ginagampanan ay isang bagay na bihasa ka at gusto mo, nararamdaman mo na ito ay responsabilidad at obligasyon mo, at na ang pagsasagawa nito ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran. Nadarama mong ikaw ay nagagalak, maligaya at matiwasay. Ito ay isang bagay na handa kang gawin, at maaari kang maging deboto rito, at sa pamamagitan ng paggawa nito, pakiramdam mo ay pinalulugod mo ang Diyos. Ngunit kung isang araw ay maharap ka sa isang tungkulin na hindi mo gusto o hindi mo pa kailanman nagampanan, magagawa mo bang maging deboto kung gayon? Masusubok nito kung isinasagawa mo ang katotohanan. Halimbawa, sabihin nating ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa pangkat ng himno. Marunong kang kumanta; isa itong bagay na ikinasisiya mo, at handa kang gampanan ang tungkuling ito. Kung binigyan ka ng isa pang tungkulin, sabihing ipangaral ang ebanghelyo, at medyo mahirap ang gawain, magagawa mo bang magpasakop? Ayaw mong ipangaral ang ebanghelyo, kaya palagi mo lang sasabihin na, ‘Mahilig akong kumanta.’ Kung ang isang lider o manggagawa ay nanghihikayat sa iyo, sinasabing, ‘Magsanay ka sa pangangaral ng ebanghelyo at sangkapan mo ang iyong sarili ng higit pang katotohanan, at magiging mas kapaki-pakinabang ito sa iyong paglago sa buhay,’ nagpupumilit ka pa rin at nagsasabing ‘Mahilig akong umawit, at mahilig akong sumayaw.’ Ayaw mong mangaral ng ebanghelyo anuman ang ibahagi niya. Bakit ayaw mong gawin iyon? (Dahil sa kawalan ng interes.) Wala kang interes kaya’t ayaw mong gawin iyon—ano ang problema rito? Ito ay ang iyong pagpili ng tungkulin batay sa iyong mga kagustuhan at personal na panlasa, at hindi ka nagpapasakop. Ang kawalan ng pagpapasakop ang problema. Kung hindi mo hinahanap ang katotohanan upang malutas ang problemang ito, kung gayon, hindi ka magkakaroon ng tunay na pagpapasakop. Ano ang dapat mong gawin sa ganitong sitwasyon upang magkaroon ng totoong pagpapasakop? Ano ang magagawa mo upang matugunan ang mga layunin ng Diyos? Ito ang panahon kung kailan kailangan mong maghanap at magnilay sa aspektong ito ng katotohanan. Kung nais mong maging deboto sa lahat ng bagay at matugunan ang mga layunin ng Diyos, hindi mo iyon magagawa sa pamamagitan lamang ng paggampan ng isang tungkulin; kailangan mong tanggapin ang anumang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo. Tumutugon man ito sa iyong panlasa o sa iyong mga interes, o isang bagay man ito na hindi nakakasiya sa iyo, o na hindi mo pa nagawa dati at mahirap para sa iyo, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito. Hindi mo lamang dapat tanggapin ito, kundi kailangan mo ring aktibong makipagtulungan, matuto ng mga propesyonal na kasanayan, at magkamit ng mga karanasan at pagpasok. Kahit pa magdusa ka ng paghihirap, pagkapagal, kahihiyan, o pagbubukod, kailangan mo pa ring gampanan ito nang may debosyon. Sa pagsasagawa lamang sa ganitong paraan mo magagawang maging deboto sa lahat ng bagay at matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong gampanan bilang iyong tungkulin, hindi bilang sarili mong proyekto” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na anuman ang tungkuling isaayos sa akin ng iglesia, maging ito man ay isang bagay na magaling ako at nagbibigay-daan sa aking mamukod-tangi, o isang bagay na hindi ako magaling at hindi ako makakapagpakitang-gilas, lahat ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan at pag-orden ng Diyos. Dapat kong laging ibigay ang lahat ng aking makakaya na gawin ito, dahil ito lang ang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Noong ako ang responsable sa gawain ng pangkat ng sining at mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid, hindi nauubos ang motibasyon ko sa tungkulin ko, at gaano man ako nagdusa o gaano man kahirap ang mga bagay-bagay, kailanman ay hindi ako sumuko. Ngayon kung kailan kailangan kong gawin ang tungkulin ng pagdidilig, marami nang problema sa tungkulin ko, na naglalantad ng marami kong kahinaan at kakulangan, kaya hindi na ako tinitingala ng mga kapatid. Madalas akong nababagabag dahil dito, at kahit na ito ang kinakailangan ng gawain ng iglesia, ilang beses kong naisip na talikuran ang gawain ng pagdidilig para bumalik sa dati kong tungkulin. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng tunay na pagpapasakop sa Diyos?
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunti pang pagkaunawa sa aking problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi dapat isipin ng mga tao na napakaperpekto ng sarili nila, napakabantog, napakarangal, o napakanatatangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging superyor sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at panlulumo, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba dahil sa pagiging mapagprotekta mo sa iyong pride, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na nalilimitahan ka, at hindi mo pa nga nanaising gawin ang iyong tungkulin at magiging pabasta-basta ka sa paggawa nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkahiya. Sa pagbabalik-tanaw sa mga nakaraang taon, ako ang naging responsable sa gawain sa sining, nakapag-ipon ako ng ilang karanasan, at nakakita ng ilang resulta sa aking mga tungkulin, kaya nagsimula akong ilagay sa pedestal ang sarili ko, at sa puso ko, pakiramdam ko ay iba ako sa mga ordinaryong tao. Inakala kong mas mahusay ang kakayahan ko kaysa sa iba, kaya saanman ako magpunta, gusto kong ako ang nangingibabaw, mapaligiran at hangaan ako ng iba, at pakiramdam ko ay nararapat lang na tamasahin ko ang mataas na pagtingin ng iba. Noong una akong nagdilig ng mga baguhan, hindi kasing-ganda ng sa iba ang mga resulta, at madalas na tinutukoy ng superbisor ang mga problema ko. Napakanormal lang naman nito, at kayang harapin ito nang tama ng isang taong tunay na makatwiran. Hindi lang nila ito tatanggapin nang mahinahon, kundi sasangkapan din nila ang kanilang sarili ng katotohanan para punan ang kanilang mga pagkukulang sa praktikal na paraan, at para mapabuti ang mga resulta ng kanilang tungkulin. Pero para naman sa akin, ayaw kong harapin ang mga payo ng iba, lalo na ang ibuod ang mga pagkukulang ko, at sa halip, palihim akong nakipagkompetensiya sa puso ko, gustong makamit agad ang mga resulta sa pamamagitan ng sarili kong pagsisikap, para makita ng mga kapatid na may mahusay akong kakayahan. Dahil mali ang landas at mga perspektiba sa likod ng paghahangad ko, itinago ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin. Matagal akong hindi umusad sa aking tungkulin, at hindi bumuti ang mga resulta ko. Gayumpaman, hindi lang ako hindi nagnilay sa sarili ko, kundi naging negatibo pa ako, nagpabaya, at ayaw ko nang magdilig ng mga baguhan, at ginusto kong magpalipat ng tungkulin. Talagang napakayabang at napakapalalo ko at talagang walang katwiran!
Nang maglaon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan kung bakit gustong-gusto kong maghangad ng katayuan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maaaring walang kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang maging maganda ang tingin ng iba sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa isang mataas na katayuan sa isipan ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. … Ano ang pakay nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para magkaroon ng katayuan sa isipan ng mga tao.) Kapag mayroon kang katayuan sa isipan ng iba, sa iyong mga pakikisalamuha sa kanya, may pagpipitagan siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, at sa lahat ng bagay, palagi ka niyang pinapauna, pinagbibigyan ka, at binobola at sinusunod ka. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas superyor at mas mahusay ka kaysa sa lahat. Ito ang pakiramdam ng pagkakaroon ng katayuan sa isipan ng isang tao; lahat ng tao ay mahilig na magtamasa ng pakiramdam na ito. Ito ang dahilan kung bakit nakikipag-agawan ang mga tao para sa katayuan, at ninanais ng lahat na magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, na pahalagahan at idolohin ng iba. Kung hindi nila makukuha ang ganoong kasiyahan na dulot nito, hindi sila maghahangad ng katayuan. Halimbawa, kung wala kang katayuan sa isipan ng isang tao, tatratuhin ka niya bilang kapantay kapag nakikipag-usap sa iyo, pinakikisamahan ka bilang kapantay niya. Kokontrahin ka niya kapag kinakailangan, nang hindi nagiging magalang o marespeto sa iyo, at maaari pa ngang iwanan ka niya bago ka pa matapos sa pagsasalita. Hindi ba’t sasama ang loob mo dahil dito? Hindi mo gusto kapag tinatrato ka nang ganito ng mga tao; gusto mo kapag binobola ka nila, tinitingala ka, at iniidolo ka sa lahat ng bagay. Gusto mo kapag ikaw ang sentro ng lahat, lahat ng bagay ay umiikot sa iyo, at lahat ng tao ay nakikinig sa iyo, tumitingala sa iyo, at nagpapasakop sa iyong direksiyon. Hindi ba’t ito ay pagnanais mo na mamayani bilang isang hari? Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-agawan, at nakikipagkompetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at umidolo sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, pag-idolo ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Sariling Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na palagi akong lumalaban sa tungkulin ng pagdidilig at inaasam ko ang dati kong tungkulin dahil masyado kong pinahalagahan ang reputasyon at katayuan ko, at pinag-imbutan ko ang mga pakinabang ng katayuan. Madalas kong ginugunita noong ako ay isang superbisor. Noong panahong iyon, mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid, at madalas silang humihingi ng payo sa akin kapag nakakaranas sila ng mga kahirapan, at kaya kong gabayan ang iba. Talagang nasiyahan ako sa pakiramdam na ito. Pero pagkatapos kong malipat sa tungkulin ng pagdidilig, nakita kong kulang na kulang ako sa lahat ng aspekto kumpara sa iba. Wala nang humihingi sa akin ng opinyon, at madalas pang tinutukoy ng iba ang mga problema ko. Pakiramdam ko ay mababa ako at nakakahiya. Para maisalba ang aking reputasyon at katayuan, nagsusunog ako ng kilay sa gabi, palihim na nagsisikap, umaasa na balang araw ay magiging bukod-tangi ako sa pangkat. Pero pagkatapos ng ilang panahon ng pagsisikap, nakita kong ang mga resulta ng tungkulin ko pa rin ang pinakamababa, at naramdaman kong mahirap para sa akin na mamukod-tangi sa tungkuling ito. Hindi ako mapakali at lumalaban ang puso ko, at ilang beses kong pinag-isipang humiling sa lider na magpalipat ng tungkulin, dahil gusto kong bumalik sa dati kong tungkulin at patuloy na tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Noon ko lang napagtanto na ang mga intensyon ko sa aking tungkulin ay hindi para palugurin ang Diyos, kundi para sa sarili kong reputasyon at katayuan. Ito ay para makuha ang paghanga ng iba, para magkaroon ako ng puwang sa kanilang puso at mapatuon ko ang pansin nila sa akin. Hindi ba’t ang landas na tinatahak ko ay mismong landas ng isang anticristo? Dati, hindi pa ako nakakagawa ng tungkulin ng pagdidilig, at hindi ko gaanong naiintindihan ang katotohanan sa mga pangitain, pero ngayon, isinaayos ng iglesia na gawin ko ang tungkuling ito, binibigyan ako ng pagkakataong sangkapan ang sarili ko ng katotohanan at punan ang aking mga pagkukulang. Pagmamahal ito ng Diyos! Pero hindi ko naisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos, at kahit alam kong kinailangan ng mga baguhan ng pagdidilig, ginusto ko pa ring isuko ang tungkulin ko. Mas ginusto ko pang mapinsala ang gawain kaysa makitang maapektuhan ang aking reputasyon at katayuan. Talagang wala akong konsensiya at katwiran, at hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos!
Noong mga araw na iyon, madalas akong magdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag ako para maunawaan ang ugat ng aking paghahangad ng reputasyon at katayuan. Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang tao, na isinilang sa gayong napakaruming lupain, ay labis nang nahawaan ng lipunan, nakondisyon na siya ng mga etikang piyudal, at natanggap niya ang edukasyon ng ‘mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.’ Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, mababang-uring pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, lubos na walang halagang pag-iral, at mga mababang-uring kaugalian at pang-araw-araw na buhay—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang pinipinsala at inaatake ang kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumalayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong nagiging laban sa Kanya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Manatiling Hindi Nagbabago sa Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang mabigat silang humahakbang nang paunti-unti, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na palagi akong naghahangad ng reputasyon at katayuan dahil kontrolado ako ng lason ni Satanas. Mula pagkabata, itinuro sa akin ng mga magulang at guro ko na “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” “Mas mabuting maging isang malaking isda sa isang maliit na lawa,” at “Mamuhay bilang bayani sa gitna ng mga tao, at mamatay bilang magiting na espiritu sa gitna ng mga multo.” Ginamit ko ang mga satanikong pilosopiya at batas na ito bilang pamantayan sa aking pag-asal. Naniwala ako na sa pamamagitan lamang ng pagkakamit ng reputasyon at katayuan at sa paghanga at pagsamba ng iba, maaari akong mamuhay nang may dignidad at halaga, at na kung isa lang akong ordinaryong tao na walang paghanga o pagsamba ng sinuman, kung gayon, ang buhay ay magiging walang-dignidad, kaawa-awa, at walang kabuluhan. Naisip ko ang mga araw ko sa eskuwela. Handa akong magsikap sa pag-aaral sa mga asignaturang magaling ako at mataas ang ranggo, at sa mga asignatura kung saan natulutan ako na mapahalagahan ng aking mga guro at kaklase. Pero pagdating sa mga asignatura na hindi ako magaling at na walang humahanga sa akin, ayaw kong magsikap na mag-aral. Lahat ng ginawa ko ay nakabatay sa kung makabubuti ba ito sa pagpapahalaga ko sa sarili at sa katayuan ko. Kahit matapos kong matagpuan ang Diyos, pinanghawakan ko pa rin ang pananaw na ito. Noong ginagawa ko ang tungkulin ko bilang superbisor ng pangkat ng sining, dahil mayroon akong ilang pangunahing kasanayan sa graphic design at kaya kong gabayan ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, hinangaan nila akong lahat, at talagang nasiyahan ako sa pakiramdam na ito. Labis akong ginanahan sa tungkulin ko, at gaano man ako nagdusa at gaano man kahirap ang mga bagay-bagay, hindi ako umatras. Pero pagkatapos kong simulan ang tungkulin ng pagdidilig ng mga baguhan, maraming problema at pagkukulang ko ang nalantad, at hindi na ako pinuri ng mga kapatid, at sa halip ay patuloy nilang tinutukoy ang mga problema ko. Ang mga resulta ng tungkulin ko ang naging pinakamababa sa pangkat, at ang matinding pagbagsak na ito mula sa dati kong katayuan ay sobrang ikinahiya ko, at pinuno ng pasakit at pagkabagabag ang puso ko. Nawalan ako ng gana sa paggawa ng aking tungkulin at naisip ko pa ngang iwanan na ito. Itinuring kong kasinghalaga ng buhay mismo ang reputasyon at katayuan, at palagi akong nababalisa sa pagkawala ng mga ito, na para bang walang kabuluhan ang mabuhay nang walang humahanga. Talagang lubha akong ginawang tiwali ni Satanas! Biniyayaan ako ng Diyos, binigyan ako ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko, umaasang hahangarin ko ang pagbabago sa disposisyon at papasok sa katotohanang realidad sa aking tungkulin, at na magagawa kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at gawin ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo. Pero patuloy akong walang-tigil na naghangad ng reputasyon at katayuan, at kahit matagal na akong nagdidilig ng mga baguhan, hindi ko pa rin alam kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan para lutasin ang kanilang mga problema at paghihirap, at ni hindi ko nga kayang maibahagi nang malinaw ang mga katotohanan tungkol sa mga pangitain. Kung magpapatuloy akong magmamatigas sa kamalian, walang-sawang naghahangad ng reputasyon at katayuan, hindi ko lang mabibigong gampanan ang aking tungkulin, kundi mabibigo rin akong magkamit ng anumang katotohanan, at sa huli ay sisirain ko lang ang pagkakataon kong maligtas. Naisip ko si Lester, isang tao na minsan ko nang nakilala, na determinadong naghangad ng reputasyon at katayuan. Dahil hindi siya naging lider o manggagawa, nagreklamo siya at lumaban, at nabigo siyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin. Madalas niyang hinuhusgahan ang mga lider at manggagawa sa harap ng mga kapatid, at sinubukang bumuo ng mga paksyon sa iglesia, na nagdulot ng malubhang mga pagkagambala at panggugulo sa buhay iglesia. Sa kabila ng paulit-ulit na pag-aalok ng pakikipagbahaginan at tulong ng mga kapatid, hindi siya kailanman nagbago, at sa huli, pinaalis siya sa iglesia. Bagama’t hindi ako gumawa ng masasamang gawa na tulad ng ginawa niya, katulad pa rin niya ako, determinadong naghahangad ng reputasyon at katayuan. Kung patuloy akong hindi magsisisi, sa huli ay ibubunyag at ititiwalag ako ng Diyos na tulad niya! Dati, akala ko ang paghahangad ng paghanga ng iba ay nagpapakita ng adhikain at ambisyon, na nangangahulugan itong sabik ang isang tao na magsumikap, at na positibo ang gayong paghahangad, pero ngayon napagtanto ko na ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay hindi ang tamang landas. Dahil sa paghahangad ng reputasyon at katayuan, naging napakarupok ko, at hindi ko makayanan kahit ang pinakamaliit na kabiguan o balakid. Lalo akong inilayo nito sa Diyos, ipinagkanulo Siya, at nawalan ako ng konsensiya at katwiran, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Mabuti na lang, ginising ako ng mga salita ng Diyos, at mula noon, nagpasya akong hindi na ako mabubuhay para sa reputasyon at katayuan, at na kailangan kong baguhin ang paraan ng pamumuhay ko.
Makalipas ang ilang araw, ipinapanood sa amin ng superbisor ang isang video kung saan binati ng mga baguhan sa Pilipinas ang mga kapatid na Tsino. Maraming baguhan ang nagpahayag ng pasasalamat sa mga kapatid mula sa Tsina, at nagpasalamat sila sa mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos sa Pilipinas. Maraming baguhan ang nagpasyang magsumikap na ipangaral ang ebanghelyo at maging deboto sa kanilang mga tungkulin. Lalo na nang marinig ko ang isang baguhan na nagsabing ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang liwanag sa kanyang buhay, naantig at naluha ako. Naisip ko kung gaano pa karaming tao ang umaasa sa pagbabalik ng Tagapagligtas, gustong makahanap ng liwanag, gustong matagpuan ang Diyos, pero dahil sa iba’t ibang dahilan, hindi pa sila nakakalapit sa harap ng Diyos. Napakalaking karangalan para sa akin na magawa ang tungkulin kong magdilig ng mga baguhan at tulungan silang maglatag ng pundasyon sa tunay na daan! Pero dahil hindi ko linya ang tungkuling ito, at hindi ako nito hinayaang mamukod-tangi, gusto ko na lang itong iwasan. Sa anong paraan ako nagkaroon ng anumang pagkatao? Ganap akong hindi karapat-dapat na tamasahin ang pagmamahal ng Diyos! Naisip ko kung paanong ang ilan sa mga baguhang ito ay isang taon pa lang nananampalataya sa Diyos, at ang iba naman ay ilang buwan pa lang. Napakarami nilang kinaharap na paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo, pero mayroon silang mga dalisay na puso at tumangging isuko ang mga tungkulin nila, anuman ang mangyari. Samantalang ako, sampung taon nang nananampalataya sa Diyos, at napakarami ko nang natanggap mula sa Diyos, pero hindi ko pa rin kayang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Talagang hindi ako karapat-dapat na tawaging tao! Sa sandaling iyon, nabalot ako ng pakiramdam ng pagsisisi at pagkakonsensiya. Sa puso ko, sinabi ko sa Diyos, “O Diyos, napakamapaghimagsik ko po! Mula ngayon, handa akong magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos, at ano man ang tingin sa akin ng iba, handa akong gawin nang maayos ang tungkulin ko nang buong puso.” Mula sa sandaling iyon, kapag muling tinutukoy ng superbisor at ng mga kapatid ang mga problema ko, hindi na ako gaanong nababagabag tulad ng dati, ni hindi ko ginustong tumakas. Sa halip, nagawa kong tanggapin at aminin ang mga bagay na ito mula sa aking puso, at pagkatapos, nagawa kong sangkapan ang sarili ko ng mga katotohanang prinsipyo para tugunan ang aking mga pagkukulang. Pagkaraan ng ilang panahon, parami nang parami sa mga baguhang diniligan ko ang regular nang dumalo sa mga pagtitipon, at ang ilan ay nagsimula pa ngang aktibong ipangaral ang ebanghelyo. Sinabi rin ng superbisor na malaki ang naging paglago ko. Taos-puso akong nagpapasalamat sa gabay ng Diyos.
Noong 2024, ayon sa mga pangangailangan ng gawain, hiniling sa akin ng iglesia na bumalik sa pangkat ng sining. Sinabi sa akin ng lider ng pangkat na mag-aral na gumawa ng mga video habang gumagawa ng mga imahe. Dahil hindi pa ako nakakagawa ng mga video noon, napakabagal ng paggawa ko. Sa oras na ginugugol ng iba para makagawa ng tatlong video, isa lang ang nagagawa ko. Mahigit isang buwan akong nagsikap na matutunan kung paano ito gawin, pero hindi pa rin makahabol ang bilis ko sa ibang mga kapatid, at ang mga natapos kong gawa ay kulang sa kasiningan at hindi pasok sa mga kinakailangang pamantayan. Ipinakita sa akin ng lider ng pangkat ang mga video na gawa ng ibang mga kapatid at hinimok akong matuto mula sa kanila. Talagang nabagabag ako. Nagsikap na ako nang husto, pero nasa pinakahuli pa rin ako sa tungkuling ito. Kaysa ipahiya ko ang sarili ko rito, mas makabubuting kausapin ko na lang ang lider at hilingin na bumalik na lang ako sa tungkulin ko sa pagdidilig. Mahigit isang taon na ako sa pangkat ng pagdidilig, at unti-unti na akong naging pamilyar dito. Pakiramdam ko na kung babalik ako sa pagdidilig sa mga baguhan, hindi sana ako labis na mapapahiya. Sa sandaling iyon, bigla kong napagtanto na mali ang kalagayan ko. “Paano ko naiisip ang ganito? Mayroon akong ilang pangunahing kasanayan sa graphic design, kaya basta’t praktikal ko lang itong pag-aaralan, unti-unti ko rin itong makakasanayan. Kung aalis ako sa pangkat ng sining ngayon para sa kapakanan ng sarili kong reputasyon at katayuan, hindi ba’t pagtalikod iyon sa aking tungkulin? Sa ganito, hindi ako tunay na nagpapasakop sa Diyos!”
Kalaunan, hinanap ko ang katotohanan para tugunan ang sarili kong kalagayan. Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Sapagkat nais mong manatili sa sambahayan ng Diyos bilang isang miyembro nang may panatag na puso, dapat mo munang matutunang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, tuparin ang iyong mga tungkulin sa pinakaabot ng iyong makakaya, at magawang maunawaan at maisagawa ang katotohanan—sa ganitong paraan, sa loob ng sambahayan ng Diyos, ikaw ay magiging isang nilikha sa pangalan at sa realidad. Ang pagkakakilanlan ng sangkatauhan ay ang pagiging mga nilikha; sa mga mata ng Diyos, iyon ang mga tao. Kaya, paano ka magiging isang nilikha na pasok sa pamantayan? Para diyan, dapat mong matutunang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at umasal ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi sa kapag naibigay na sa iyo ng Diyos ang titulong ito, iyon na iyon; sa halip, dahil isa kang nilikha, dapat mong gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at dahil isa kang nilikha, dapat mong gawin ang mga responsabilidad ng isang nilikha. Kaya, ano ang tungkulin ng isang nilikha? Ano ang mga responsabilidad ng isang nilikha? Malinaw na inilalatag ng salita ng Diyos ang mga tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng mga nilikha, hindi ba? Ipagpalagay na inako mo ang tungkulin ng isang nilikha. Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos; ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Mula sa araw na ito, dapat mong muling iayos ang mga plano mo sa buhay—hindi mo na dapat hangarin ang mga adhikain, pagnanais, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat kang gumamit ng bagong pagkakakilanlan at bagong perspektiba para planuhin ang mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ka bilang isang nilikha. Una, hindi mo dapat mga layon at direksiyon ang pag-ako ng papel ng pamumuno, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong nakikibahagi sa isang partikular na trabaho o isang taong bihasa sa partikular na propesyonal na kasanayan. Sa halip, dapat mong tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos—ibig sabihin, dapat mong alamin kung anong gawain ang dapat mong ginagawa at anong tungkulin ang kailangan mong gawin ngayon, sa sandaling ito, at hanapin ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang hinihingi ng Diyos na gawin mo at anumang tungkulin ang isinaayos para sa iyo ng sambahayan ng Diyos, dapat mong alamin at dapat maging malinaw sa iyo ang mga katotohanang dapat mong maunawaan at mga prinsipyong dapat mong sundin at maarok para sa pagtupad sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito at, kapag may oras ka, mas madalas na tingnan at pagnilayan ang mga ito. Bilang isa sa mga nilikha ng Diyos, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Ito ang pinakapundamental na layon sa buhay na dapat mayroon ka. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Ito ang pinakamahalaga. Ang mga direksyon at layon na ito na hinahangad ng tiwaling sangkatauhan—tulad ng reputasyon, katayuan, banidad, at mga personal na kinabukasan—ay pawang mga bagay na dapat mong isuko” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (7)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa at tinulungan akong mahanap ang tamang layon na hahangarin. Dati, noong ginagawa ko ang tungkulin ng pagdidilig, iyon ay nasa ilalim ng pahintulot at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ngayon, ang pagbabalik sa pangkat ng sining at paggawa ng tungkuling ito ay pamamatnugot at pagsasaayos din ng Diyos, at ito ay para sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pinahahalagahan ng Diyos ay hindi kung gaano kadakila ang mga nakamit ko, o kung gaano karaming tao ang humahanga at umiidolo sa akin. Sa halip, ang pinahahalagahan ng Diyos ay ang puso ko, ang saloobin ko sa aking tungkulin, kung ako ba ay talagang masigasig at responsable, kung tunay ko bang ginagawa ang aking tungkulin nang may katapatan, at kung nagpapasakop ba ako sa Kanya. Hindi ko maaaring hangarin lang na gawin ang mga bagay na magaling ako, ni hindi ako maaaring mabuhay para hangarin ang paghanga ng iba. Dapat akong mamuhay para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha at para palugurin ang Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos. Kinailangan kong ituwid ang aking saloobin sa aking tungkulin. Sa puntong ito, ang kalidad at kahusayan ng paggawa ko ng video ay hindi kasingganda ng sa iba, kaya ang mas kailangan kong gawin ay ibuod ang mga paglihis at problema ko, magtuon sa pag-aaral para punan ang aking mga kakulangan, at tuparin ang kasalukuyan kong tungkulin sa praktikal na paraan. Ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, hindi ko na inisip kung paano tatakasan ang kasalukuyan kong tungkulin. Sa halip, nagtuon ako sa pag-aaral ng mga pamamaraan sa praktikal na paraan, at kapag may nakakaharap akong mga bagay na hindi ko nauunawaan, kusa akong nagtatanong sa mga kapatid para humingi ng tulong. Bago ko namalayan, kalahating taon na ang lumipas; unti-unti na akong naging pamilyar sa mga teknikal na kasanayang kinakailangan para sa aking tungkulin, at ang mga resulta ng aking tungkulin ay mas maganda kaysa dati.
Sa pagbabalik-tanaw sa paglalakbay na ito, bagama’t nagbunyag ako ng maraming katiwalian sa usapin ng pagpapalipat-lipat sa iba-ibang tungkulin, napunan ko ang marami sa aking mga pagkukulang sa pamamagitan ng paggawa ng magkakaibang tungkulin. Ang pinakamahalagang bagay ay malinaw kong nakita ang mga maling perspektiba sa likod ng paghahangad ko. Ngayon, nauunawaan ko na kung ano ang pinakamahalagang hangarin, at kung paano magpasakop sa Diyos at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, at nararamdaman ko rin na anuman ang gawin ng Diyos ay para sa pagliligtas sa akin. Salamat sa Diyos!