54. Hindi Ko Na Inirereklamo ang Masamang Kapalaran Ko
Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya sa probinsya. Noong hayskul ako, hindi kayang bayaran ng mga magulang ko ang matrikula, kaya sinubukan nilang manghiram ng pera sa tiyuhin ko. Pero, natakot ang tiyahin ko na baka hindi namin ito mabayaran kaya ayaw niya kaming pautangin. Sa isip-isip ko, “Kailangan kong magsumikap na makapasa sa kolehiyo, para hangaan ng mga tao sa paligid ang pamilya namin.” Noong nag-aaral ako, para makatipid, puro pancake lang na dala ko mula sa bahay ang kinakain ko. Palagi akong nahihilo at hihimatayin dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo sa utak na dulot ng matagal na malnutrisyon, at naapektuhan ang kahusayan ko sa pag-aaral. Sa huli, bumagsak ako sa entrance exam sa kolehiyo. Napahagulhol ako at nagreklamo na napakasama ng kapalaran ko. Pero, ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko. Para makakuha ng mataas na antas ng diploma at mamukod-tangi sa karamihan, nag-enroll din ako sa adult self-taught exams, mga kurso ng pagsasanay sa accounting, at kumuha pa nga ng mga civil service exam. Pero, sa kabila ng lahat ng pagsisikap ko, nabigo pa rin ako sa huli. Kaya, nagtrabaho ako sa isang pabrika. Para maging isang workshop statistician at mahangaan ng iba, nag-o-overtime ako at nagpupuyat para pag-aralan ang propesyonal na kaalaman ng isang statistician habang ang iba ay nagpapahinga. Araw-araw, sobra-sobra ang ginagawa kong pagtatrabaho na mahigit sampung oras. Bukod pa roon, nag-o-overtime ako at nagpupuyat gabi-gabi. Nahihilo ako at pagod na pagod sa sobrang pagtatrabaho, at nakakatulog pa nga ako sa trabaho. Dahil dito, nagkamali ako sa estadistikang bilang ng mga produkto, na muntik nang magdulot ng malalaking kawalan sa pabrika. Pinuna ako ng lider ng pangkat sa harap ng lahat ng empleyado sa workshop. Noong oras na iyon, gusto ko na lang magpalamon sa lupa sa sobrang hiya. Umugong ang ulo ko, at hinimatay ako doon mismo. Mula noon, nagkaroon ako ng sensorineural hearing loss, at hindi na ako puwedeng sumailalim sa anumang estimulasyon. Sa tuwing nape-presyur ako nang husto sa trabaho, nahihilo ako at umuugong ang mga tainga ko. Hindi ito kayang gamutin ng mga ineksiyon at gamot, at hindi na ako makapasok pa sa trabaho. Noong panahong iyon, miserable ang pakiramdam ko sa puso ko, at nagreklamo ako buong araw kung bakit napakasama ng kapalaran ko. Madalas, ikinukulong ko ang sarili ko sa kuwarto at umiiyak, iniisip ko pa ngang tapusin na lang ang lahat. Dahil matagal akong namuhay sa pagkasupil at pagdurusa, unti-unting lumala ang pagkabingi ko.
Noong 2013, tinanggap ng mga biyenan ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at ipinangaral ang ebanghelyo sa akin. Naramdaman ko ang labis na kalayaan at kagaanan nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos at mamuhay ako ng buhay iglesia kasama ang mga kapatid. Unti-unti, gumaan ang pakiramdam ko at muling nanumbalik ang pag-asa ko sa buhay. Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider sa iglesia. Sa isip-isip ko, “Napakalaki ng ibinayad kong halaga sa lipunan, pero nawalan lang ng silbi ang lahat. Ngayon, kahit na kasasali ko pa lang sa sambahayan ng Diyos, nagagawa ko na ang tungkulin ng isang lider. Mas mabuti ang manampalataya sa Diyos. Kailangan kong magsumikap, at baka mas maiangat pa ako at mahangaan ng mas maraming tao sa hinaharap.” Kaya, naging mas aktibo ako sa paggawa ng mga tungkulin ko. Abala ako sa pamumuno ng mga pagtitipon ng grupo buong araw, umulan man o umaraw. Pinuri rin ako ng mga kapatid dahil sa pagkakaroon ko ng pasanin sa aking tungkulin. Kalaunan, nahalal ako bilang isang mangangaral. Nang natugunan ang pagnanais ko para sa katayuan, nagkaroon ako ng higit na lakas para gawin ang tungkulin ko. Habang tinatamasa ko ang paghanga ng mga kapatid, isang insidente ng pagkalason sa gas ang nagpalala sa aking pagkabingi. Sa mga pagtitipon, hindi ko marinig nang malinaw ang mga kapatid kapag nagsasalita sila nang mahina, at madalas akong nalilimitahan ng aking pagkabingi, namumuhay sa isang negatibong kalagayan. Sa huli, hindi ako makagawa ng tunay na gawain at binago ang pagkakatalaga ng tungkulin ko. Habang iniisip kung paanong hindi ko na ginagawa ang tungkulin ng isang lider at hindi na mahangaan ng iba, lalo ko pang inireklamo kung gaano kasama ang kapalaran ko. Pagkatapos niyon, hindi na ako nakabangon, at nawalan ako ng pananalig sa Diyos.
Kalaunan, matapos ang ilang panahon ng pagpapagamot, medyo bumalik ang pandinig ko, at isinaayos ng mga lider na gawin ko ang tungkulin ng pagdidilig. Sa isip-isip ko, “Kung makakamit ko ang ilang resulta sa tungkulin ng pagdidilig, hahangaan pa rin ako ng mga kapatid.” Kaya, araw-araw kong binabasa ang mga kaugnay na prinsipyo at sinasangkapan ang sarili ko ng katotohanan, madalas ay nagpupuyat ako hanggang alas-onse o alas-dose ng gabi. Dahan-dahan, bumuti ang mga resulta ko sa paggawa ng tungkulin, at naiangat pa ako para maging responsable sa mas malawak na gawain. Nang maisip kong makukuha kong muli ang paghanga ng mga kapatid, napakasaya ko. Sa isip-isip ko, “Nagbubunga talaga ang pagsisikap. Kung magsisikap pa ako, baka lalo pa akong maiangat. Sa ganoong paraan, mas marami pang tao ang hahanga sa akin.” Pero, kalaunan ay inatake ako ng cervical spondylosis, at lumala nang husto ang pagkabingi ko kaya hindi ko na magawang makipag-usap nang normal sa iba. Isinaayos ng mga lider na bumalik ako sa lokal kong iglesia para magpagamot habang ginagawa ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Labis akong nasiraan ng loob. Naisip ko ang napakalaking halagang ibinayad ko, nang may sobrang hirap, para lang makuha ang paghanga ng iba. Pero, dahil sa sakit ko, hindi ko na magawa ang tungkuling ito. Bakit napakasama ng kapalaran ko? Kalaunan, dahil sa mahina kong pandinig, napakahirap na para sa akin ang makipag-usap sa iba. Ang kaya ko na lang gawin ay ilang gawain ng mga pangkalahatang usapin. Sobrang pinahirapan nito ang puso ko, at naisip ko, “Kung hindi lang ako bingi, nagkaroon sana ako ng pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo at diligan ang mga baguhan. Pero ngayon, puro na lang gawain ng mga pangkalahatang usapin ang kaya kong gawin. Kung hindi ako mapapansin, sino pa ang hahanga sa akin? Bakit napakasama ng kapalaran ko? Tutal, ito na ang kapalaran ko, kaya iraraos ko na lang ito at papalampasin ko ito araw-araw!” Pagkatapos, bagama’t hindi ko inabandona ang tungkulin ko, palagi akong nasisiraan ng loob at hindi makapagtuon kapag ginagawa ang tungkulin ko. Palagi kong nakakalimutan ito o iyon, at madalas akong nakakagawa ng pagkakamali, inaantala ang mga bagay-bagay.
Kalaunan, pinaalalahanan ako ng sister na katuwang ko na delikadong mamuhay sa ganitong kalagayan, at na kailangan kong hanapin agad ang katotohanan para malutas ang mga negatibong emosyon ko. Nang dahil lang sa paalala ng sister ko kaya ako nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, ayaw kong mamuhay sa pagkasira ng loob. Napakamiserableng mamuhay nang ganito. Akayin Mo sana ako na maunawaan ang sarili kong mga problema at makalabas sa maling kalagayang ito.” Isang araw, sa mga debosyonal ko, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, na agad na umantig sa puso ko. Sabi ng Diyos: “Iba-iba ang pinag-uugatan ng pag-usbong ng negatibong emosyon na pagkasira ng loob sa bawat tao. Ang isang uri ng pagkasira ng loob ng isang tao ay maaaring nagmumula sa kanyang palagiang paniniwala na mayroon siyang masamang kapalaran. Hindi ba’t isa ito sa mga sanhi? (Oo.) Mula nang siya ay bata pa, nakatira siya sa probinsya o sa isang mahirap na lugar, ang kanyang pamilya ay hindi mayaman at maliban sa ilang simpleng kagamitan, wala siyang masyadong mahalagang pag-aari. Marahil ay mayroon silang isa o dalawang set ng damit, na kailangan nilang isuot kahit na maging sira-sira na ang mga damit, at karaniwan ay hindi sila kailanman nakakakain ng disenteng pagkain, sa halip ay kailangan nilang maghintay ng Bagong Taon o mga pista para makakain ng karne. Minsan ay nagugutom sila o hindi sapat ang kanilang damit para mapanatili silang mainit; ang pagkakaroon ng masaganang pagkain ay tila isang pangarap na imposibleng matupad—kahit ang makabili ng isang pirasong prutas ay mahirap nang makamit. Dahil siya ay nabubuhay sa gayong kapaligiran, nararamdaman niya na iba siya sa ibang mga tao na nakatira sa malaking lungsod, na may mayayamang magulang, at nakakakain at nakakapagsuot ng anumang naisin nila, na agad nakukuha ang lahat ng naisin nila, at maalam sa mga bagay-bagay. Iniisip niya, ‘Ang ganda ng kapalaran ng mga taong iyon. Bakit napakasama ng kapalaran ko?’ Gusto niya na palaging mamukod-tangi at baguhin ang kanyang tadhana. Ngunit hindi madaling baguhin ang tadhana ng isang tao. Kapag isinilang ang isang tao sa gayong sitwasyon, kahit na subukan pa niya, mababago ba niya nang husto ang kanyang kapalaran, at mapapabuti ba niya ito nang husto? Kapag nasa hustong gulang na siya, hinaharang siya ng mga hadlang saanmang dako siya pumunta sa lipunan, siya ay inaapi saanman siya magpunta, kaya palagi niyang nararamdam na malas siya. Iniisip niya, ‘Bakit ba napakamalas ko? Bakit ba palagi akong nakakatagpo ng masasamang tao? Mahirap ang buhay noong bata pa ako, at sadyang ganoon talaga iyon. Ngayong ako ay matanda na, mahirap pa rin ang sitwasyon. Gusto ko palaging ipakita kung ano ang kaya kong gawin, pero kailanman ay hindi ako nagkakaroon ng pagkakataon. …’ … Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, nagiging determinado siyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos—para magtiis ng paghihirap at magsikap, para mas magtiis kaysa sa iba sa anumang usapin, at para magsikap na makuha ang pagsang-ayon at paggalang ng karamihan. Iniisip niya na maaari pa ngang mapili siya bilang lider, isang superbisor, o isang pinuno ng pangkat, at kung magkagayon, hindi ba’t bibigyang-karangalan niya ang kanyang mga ninuno at pamilya? Hindi ba’t nabago na niya ang kanyang tadhana kung magkagayon? Ngunit ang kanyang mga pangarap ay hindi natutupad sa realidad, kaya pinanghihinaan siya ng loob at iniisip niya, ‘Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos at magandang-maganda ang ugnayan ko sa mga kapatid, pero bakit tuwing panahon na para pumili ng lider, isang superbisor, o ng pinuno ng pangkat, hindi ako kailanman napipili? Dahil ba sobrang ordinaryo ng hitsura ko, o dahil hindi ganoon kahusay ang pagganap ko, at walang nakapansin sa akin? Tuwing may halalan, nakadarama ako ng kaunting pag-asa, at masaya na ako kung mapili ako bilang isang pinuno ng pangkat man lang. Punong-puno ako ng kasiglahan na masuklian ang Diyos, pero lagi lang akong nadidismaya sa tuwing may halalan at hindi man lang ako nasasali. Bakit ganoon? Maaari kayang ang kaya ko lang talagang gawin sa buong buhay ko ay ang maging isang karaniwang tao, isang ordinaryong tao, isang taong hindi kahanga-hanga? Kapag nagbabalik-tanaw ako sa aking pagkabata, kabataan, at noong may edad na ako, ang landas na aking tinahak ay palaging napakaordinaryo at wala akong nagawang anumang kahanga-hanga. Hindi naman sa wala akong ambisyon, o na mahina ang aking kakayahan, at hindi rin sa kulang ako sa pagsusumikap o na hindi ko kayang magtiis ng labis na paghihirap. May mga kapasyahan at layon ako, at masasabi pa ngang may ambisyon ako. Kaya bakit ba kailanman ay hindi ko magawang umangat kaysa karamihan? Sa huling pagsusuri, masama lang talaga ang aking kapalaran at nakatadhana na akong magdusa, at ganito isinaayos ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa akin.’ Habang mas pinag-iisipan niya ito, mas naiisip niya na masama ang kanyang kapalaran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). “Ang mga taong tulad nito, na palaging iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, ay palaging nararamdaman na parang ang kanilang puso ay dinudurog ng isang malaking bato. Palagi silang naniniwala na lahat ng nangyayari sa kanila ay nangyayari dahil sa kanilang masamang kapalaran, at kaya anuman ang mangyari, iniisip nila na hindi nila kayang baguhin ang anuman sa mga ito. Nagagawa lang nilang maging negatibo at magpakatamad, at tanggapin na lang ang kanilang kapalaran” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Ang isiniwalat ng mga salita ng Diyos ay ang eksaktong kalagayan ko. Ang dahilan kung bakit palagi akong namumuhay sa mga negatibong emosyon ng pagkasira ng loob ay na palagi akong naniniwala na masama ang kapalaran ko. Noong bata ako, mahirap ang pamilya namin at minamaliit kami ng mga tao, kaya inireklamo ko ang pagkakaroon ng masamang kapalaran. Naniwala ako na tanging ang pamumuhay nang nakahihigit sa iba at pagtatamo ng paghanga ng iba ang pagkakaroon ng magandang kapalaran. Para mabago ang kapalaran ko, nag-aral akong mabuti. Gayumpaman, dahil sa kakulangan ng suplay ng dugo sa utak na dulot ng malnutrisyon, hindi ako nakapag-aral nang mahusay, at sa huli ay bumagsak ako sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo. Pero, ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko, kaya nagtrabaho ako sa isang pabrika para kumita ng pera. Para maging isang statistician at maupo sa opisina at hangaan ng iba, nag-overtime ako para pag-aralan ang mga teknik. Sa huli, nagkaroon ako ng pagkakamaling estadistika at pinuna ako ng lider ng pangkat sa harap ng lahat, na nagdulot sa akin ng matinding pagkabigla na nagresulta sa sensorineural hearing loss. Mas lalo akong naniwala na dahil ito sa masamang kapalaran ko, at namuhay ako sa pagdurusa, nawalan ng pag-asa sa buhay. Matapos akong manampalataya sa Diyos, inakala kong sa paggawa ng tungkulin ko nang maayos at sa pag-angat bilang lider, hahangaan ako ng mga kapatid at mababago ko ang kapalaran ko. Pero, lumala ang pagkabingi ko dahil sa pagkalason sa gas at hindi ko na magawa nang normal ang tungkulin ko. Naapektuhan nito ang gawain at binago ang pagkakatalaga ng tungkulin ko. Kalaunan, nang nagsimula akong gumawa ng tungkulin sa pagdidilig, nagbayad ako ng halaga sa tungkuling iyon sa pag-asang makakamit ang mga resulta na magiging dahilan para hangaan ako ng iba. Nang maiangat ako, inakala kong bumuti na ang kapalaran ko at sa wakas ay magkakaroon na ako ng pagkakataong sumikat. Gayumpaman, sumumpong ang aking cervical spondylosis, at lalong lumala rin ang pagkabingi ko. Hindi ko na magawang makipag-usap nang normal sa iba, na nakaaapekto sa mga tungkulin ko. Wala akong nagawa kundi bumalik sa lokal kong iglesia para gawin ang mga tungkulin ng mga pangkalahatang usapin doon. Dahil hindi natugunan ang pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan, sinisi ko ang Diyos sa pag-aayos ng masamang kapalaran para sa akin. Naniwala ako na ang masamang kapalaran ko sa buhay na ito ay ang magpakapagod at magtrabaho lang nang husto, kaya namuhay ako sa isang kalagayan ng pagkasira ng loob at lubusan nang sumuko. Wala akong pasanin sa aking tungkulin, palaging nagkakamali, inaantala ang mga bagay-bagay, at hindi ginagawa nang maayos ang aking tungkulin. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at napakarami ko nang nabasang salita Niya, pero kapag may dumarating na mga bagay sa akin, hindi ako lumalapit sa Kanya para hanapin ang katotohanan, at kapag hindi nasusunod ang gusto ko, nagrereklamo ako na nag-ayos Siya ng masamang kapalaran para sa akin. Naging negatibo at lumalaban pa nga ako. Ito ang pananaw ng isang hindi mananampalataya, at wala akong ipinakitang anumang pagpapasakop sa Diyos.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa konsepto ng mabuti at masamang kapalaran. Sabi ng Diyos: “Ang isinaayos ng Diyos na kapalaran ng isang tao, ito man ay maganda o masama, ay hindi dapat tingnan o sukatin gamit ang mga bukas na mata ng tao o ang mga mata ng manghuhula, ni hindi ito dapat sukatin batay sa laki ng yaman at kabantugang natatamasa ng taong iyon sa kanyang buong buhay, o kung gaano karaming paghihirap ang kanyang nararanasan, o kung maayos ang takbo ng kanyang paghahangad sa kinabukasan, kasikatan at pakinabang. Gayumpaman, ito mismo ang malubhang pagkakamali na ginawa ng mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran; siyempre, ito rin ay isang paraan ng pagsukat kung ang kapalaran nila ay maganda o masama na ginagamit ng karamihan sa mga tao. Kung gayon, paano natin dapat sukatin kung maganda o masama ang kapalaran ng isang tao? Paano ito sinusukat ng mga makamundong tao? Pangunahin na ibinabatay nila ito sa kung ang takbo ng buhay ng taong iyon ay maayos o hindi, kung siya ay nakakapagtamasa o hindi ng yaman at kabantugan, kung siya ay nakapamumuhay nang mas maganda kaysa sa iba, kung gaano siya nagdurusa at kung gaano karami ang natatamasa niya sa kanyang buong buhay, kung gaano siya katagal mabubuhay, kung ano ang kanyang propesyon at kung ito ba ay puno ng pagpapakapagod o maginhawa at madali—ang mga ito at iba pa ang kanilang ginagamit upang sukatin kung ang kapalaran ng isang tao ay maganda o masama. Ganito rin ba ninyo ito sinusukat? (Oo.) Kaya, kapag ang karamihan sa inyo ay nahaharap sa isang bagay na hindi maayos ang takbo, kapag mahirap ang panahon, o hindi kayo nakapamumuhay nang mas maganda kaysa iba, iisipin din ninyo na may masamang kapalaran kayo, at kayo rin ay masasadlak sa pagkasira ng loob. Ang mga nagsasabing sila ay may masamang kapalaran ay hindi naman laging may kapalaran na talagang masama, gayundin, ang mga nagsasabing sila ay may magandang kapalaran ay hindi naman laging may kapalaran na talagang maganda. Paano nga ba mismo nasusukat kung maganda o masama ang kapalaran? … Sabihin ninyo sa Akin, may magandang kapalaran ba ang isang biyuda? Mula sa makamundong perspektiba, ang mga biyuda ay may masamang kapalaran, at kung sila ay namatayan ng asawa sa kanilang edad na trenta o kuwarenta, tunay na may masama silang kapalaran, talagang napakahirap nito para sa kanila! Ngunit kung ang isang biyuda ay sumasampalataya sa Diyos bilang bunga ng malaking pagdurusang nararanasan niya mula sa pagkawala ng kanyang mister, mahirap pa rin ba ang kanyang kalagayan? (Hindi.) Dahil ang mga hindi pa namatayan ng asawa ay maaaring namumuhay nang mas masaya, maayos ang lahat sa buhay nila, may suporta, pagkain at damit, may pamilya sila na maraming anak at apo, namumuhay sila nang komportable, wala silang anumang paghihirap o espirituwal na pangangailangan—hindi sila nananampalataya sa Diyos at hindi sila mananampalataya sa Diyos gaano mo man subukang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Kaya, sino sa dalawang klase ng taong ito ang may magandang kapalaran? (Ang biyuda ay may magandang kapalaran sapagkat siya ay sumampalataya sa Diyos.) Kita mo, dahil itinuturing ng mga makamundong tao na may masamang kapalaran ang biyuda, at siya ay labis na nagdurusa, nagbabago siya ng direksyon at nagsisimulang sundan ang ibang landas, at nananampalataya siya sa Diyos at sumusunod sa Diyos—hindi ba’t ibig sabihin nito ay nagtatamasa siya ng mga pagpapala? (Ganoon na nga.) Naging magandang kapalaran ba ang kanyang masamang kapalaran? (Oo.) Ganoon ba ang nangyari? Kung mayroon siyang masamang kapalaran, kung gayon, ang kanyang kapalaran sa buhay ay dapat palaging masama at hindi mababago; kaya, paano ba ito mababago? Nagbago ba ang kanyang kapalaran nang magsimula siyang sumampalataya sa Diyos? (Hindi, ito ay dahil nagbago ang kanyang pananaw sa mga bagay-bagay.) Ang paraan ng pagtingin niya sa mga bagay-bagay ay nagbago; kung gayon, nagbago ba ang obhetibong katunayan ng kanyang sariling kapalaran? (Hindi.) … Sa realidad, talaga bang nagkaroon siya ng magandang kapalaran dahil nananalig siya sa Diyos? Hindi naman. Sadya lamang na ngayong nananampalataya na siya sa Diyos, may pag-asa siya, nakadarama siya ng kasiyahan sa kanyang puso, nagbago na ang mga layong kanyang hinahangad, iba na ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, kaya naman ang kanyang kasalukuyang kapaligirang pinamumuhayan ay nagbibigay sa kanya ng kaligayahan, kasiyahan, kagalakan, at kapayapaan. Nararamdaman niya na ang kanyang kapalaran ay napakaganda na ngayon, higit na mas maganda kaysa sa kapalaran ng mga hindi nabiyuda. Ngayon lamang niya napagtatanto na ang kanyang pananaw noon, noong naniniwala siyang masama ang kanyang kapalaran, ay mali pala. Ano ang maaari ninyong makita rito? May mga bagay bang matatawag na ‘magandang kapalaran’ at ‘masamang kapalaran’? (Wala.) Wala, walang ganito” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay-liwanag sa puso ko. Kung mabuti o masama ang kapalaran ng isang tao ay hindi masusukat batay sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon, ni hindi ito matitingnan mula sa isang makamundong perspektiba. Iniisip ng mga walang pananampalataya na ang pagkain nang masarap, pananamit nang maganda, at pagtatamasa ng paghanga at suporta ng iba ay pagkakaroon ng magandang kapalaran. Sa kabaligtaran, iniisip nila na kung hikahos ka buong buhay mo, namumuhay sa laylayan ng lipunan at minamaliit ng iba, o kung dinaranas mo ang pagpapahirap ng sakit, o dumaranas ng mga pagsubok at paghihirap, ito ay pagkakaroon ng masamang kapalaran. Sa katunayan, sa Diyos, walang ganoong bagay na mabuti o masamang kapalaran. Katulad lang ito ng halimbawang ibinigay ng Diyos tungkol sa biyuda. Mula sa pag-iisip na masama ang kanyang kapalaran sa simula, iniisip na ng biyuda na maganda ang kanyang kapalaran. Bagama’t hindi nagbago ang kanyang kapaligiran ng pamumuhay, nagbago ang kanyang perspektiba sa mga bagay-bagay. Naunawaan niya mula sa mga salita ng Diyos na gaano man nasisiyahan ang mga taong may masayang pamilya at kumportableng buhay, kung hindi nila magagawang lumapit sa Diyos at tumanggap ng Kanyang pagliligtas, sa huli ay mapupunta pa rin sila sa impiyerno. Dahil sa pagdurusang tiniis niya, tinanggap niya ang gawain ng Diyos at nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang katotohanan at maligtas. Siya talaga ang pinakapinagpalang tao. Dahil nagbago ang perspektiba ng biyuda sa mga bagay-bagay, nagbago rin ang pag-iisip niya. Gayumpaman, dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan, naniwala ako na ang pagkakaroon ng kasikatan, pakinabang, at paghanga ng iba ay nangangahulugang pagkakaroon ng magandang kapalaran, at na ang maiangat at magawa ang mga tungkulin ng isang lider ay nangangahulugang pagkakaroon ng magandang kapalaran, kaya sa tuwing binabago ang pagkakatalaga ng mga tungkulin ko, inirereklamo kong masama ang kapalaran ko. Napagtanto ko na masyadong kakatwa at wala sa katwiran ang mga pananaw ko sa mga bagay-bagay. Sa totoo lang, sa sambahayan ng Diyos, binabago ang pagkakatalaga ng mga tungkulin batay sa mga pangangailangan ng gawain, at komprehensibong tinitimbang ang mga pagbabago sa pagkakatalaga ayon sa kakayahan at mga kasanayan ng mga tao. Ang tungkuling ginagawa ng isang tao ay walang kinalaman sa kung mabuti o masama ang kanyang kapalaran. Kahit na hindi binago ang pagkakatalaga ng tungkulin ko, kung hindi ko hinangad ang katotohanan, mabubunyag at matitiwalag pa rin ako. Bagama’t gumagawa ako ngayon ng tungkulin ng mga pangkalahatang usapin, basta’t hinahangad ko ang katotohanan at ang pagbabago sa disposisyon ko, magkakaroon pa rin ako ng pagkakataon na maligtas. Tingnan natin ang isang mangangaral na kasama kong gumawa ng tungkulin bilang halimbawa. Mayroon siyang ilang kaloob, at kalaunan ay nahalal bilang isang lider ng distrito. Pero, palagi niyang hinahangad ang reputasyon at katayuan, at gumawa ng maraming bagay na gumambala at gumulo sa gawain ng iglesia. Sa huli, mapagmatigas siyang tumangging magsisi, pinatalsik siya sa iglesia at nawalan ng pagkakataong maligtas. Mula rito, makikita natin na kung nananampalataya ka sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan at hindi hinahangad ang pagbabago sa disposisyon mo, kahit na maging lider ka, ibubunyag at ititiwalag ka pa rin ng Diyos. Mula sa mga halimbawang ito, malinaw na naniwala ako na ang pagtatamasa ng kasikatan, pakinabang, at paghanga mula sa lahat ay pagkakaroon ng magandang kapalaran, at na kung nananampalataya ka sa Diyos at naiangat at binigyan ng mahahalagang posisyon, mayroon kang magandang kapalaran, samantalang kung gumagawa ka ng isang ordinaryong tungkulin nang hindi nakikita ng iba, nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng masamang kapalaran. Ang pananaw na ito ay lubhang baluktot at hindi talaga umaayon sa katotohanan. Isinasaayos ng Diyos ang kapaligiran ng pamumuhay ng bawat tao batay sa kanilang mga pangangailangan. Nasa lahat ng bagay na nararanasan ng mga tao sa kanilang buhay ang mabubuting layunin ng Diyos. Ipinanganak ako sa isang mahirap na pamilya at kahit na nag-aral akong mabuti, hindi pa rin ako namukod-tangi sa karamihan. Bagama’t sa panlabas ay mukhang masama ang kapalaran ko, dahil dito kaya nagawa kong lumapit sa Diyos at tumanggap ng Kanyang pagliligtas. May matindi akong pagnanais para sa reputasyon at katayuan, kaya kung namuhay ako nang may yaman at katayuan, mas lalo ko pang hahangarin ang kasikatan at pakinabang. Sa huli, matatangay lang ako ng masasamang kalakaran at malalamon ni Satanas. Pagkatapos lamang maranasan ang napakaraming kabiguan at pagkatalo kaya ko nagawang bumalik sa Diyos, tumanggap ng pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, at umunawa ng ilang katotohanan. Ito ang pinakadakilang pagpapala. Mas makabuluhan ito kaysa sa pagkakamit ng kasikatan at pakinabang, at pagtatamasa ng yaman at karangyaan ng mundo. Matapos akong manampalataya sa Diyos, itinalaga ako sa mga pangkalahatang tungkulin dahil sa aking pagkabingi. Proteksiyon din ito sa akin ng Diyos. Napakalakas ng pagnanais ko para sa reputasyon at katayuan; sa tuwing may pagkakataong magpakitang-gilas, hindi ko mapigilang magtrabaho para sa reputasyon at katayuan. Napakadaling tahakin ang landas ng mga anticristo at mabunyag at matiwalag. Bagama’t bingi ako ngayon, hindi ipinagkait sa akin ng sambahayan ng Diyos ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko. Sa halip, itinalaga ako sa mga angkop na tungkulin batay sa aking pisikal na kondisyon. Bagama’t ang tungkuling ito ay hindi nakikita ng lahat at maaaring hindi gaanong pahalagahan ng iba, hindi ito nakahahadlang sa paghahangad ko sa katotohanan. Sa panahong ginagawa ko ang tungkuling ito, nagbunyag ako ng labis na katiwalian. Minsan, pabasta-basta ako at hindi seryoso, at minsan ay nagpapasasa ako sa mga makalamang kaginhawahan at ayaw magbayad ng halaga. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong tiwaling disposisyon, at pagkatapos, kapag kumikilos ako, nagagawa kong maghimagsik laban sa laman, at isapuso ang aking tungkulin at maging seryoso. Kasabay nito, natutuhan ko ring hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay, na maging seryoso at detalyado kahit sa maliliit at hindi gaanong mahahalagang bagay. Sa pamamagitan ng pagdanas nito, napagtanto ko na lider ka man o gumagawa ng mga tungkulin ng mga pangkalahatang usapin sa sambahayan ng Diyos, hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, magkakaroon ka ng buhay pagpasok at pagkakataon na maligtas. Isinaayos ng Diyos ang kapalaran ko sa buhay ayon sa mga pangangailangan ko; lahat ng ito ay kapaki-pakinabang sa akin. Ang problema ay hindi ako nakontento; palagi akong may sariling mga ambisyon at pagnanais, at hindi ako nagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Dahil dito, hindi lang ako labis na nagdusa, kundi hindi ko rin ginawa nang maayos ang aking tungkulin. Matapos magbago ang pananaw ko, hindi na ako gaanong nakaramdam ng pagiging miserable.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunti pang kaalaman sa perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga iniisip at pananaw ba ng mga taong palaging nagsasabing may masama silang kapalaran ay tama o mali? (Mali sila.) Malinaw na ang mga taong ito ay nakakaranas ng pagkasira ng loob dahil sa pagkalugmok sa pagiging sagad-sagaran. Dahil mayroon sila nitong matinding pagkasira ng loob dulot ng kanilang sagad-sagarang mga kaisipan at pananaw, hindi nila maharap nang tama ang mga bagay na nangyayari sa buhay, at hindi nila magamit sa normal na paraan ang mga kakayahan na dapat taglay ng mga tao, ni magampanan sa normal na paraan ang mga tungkulin, responsabilidad o obligasyon ng isang nilikha. … Tinatrato nila ang mga isyu at mga tao mula sa sukdulan at maling pananaw na ito, kaya paulit-ulit nilang isinasailalim ang kanilang sarili sa epekto at impluwensiya ng negatibong emosyong ito habang sila ay nabubuhay, tumitingin sa mga tao at bagay, at umaasal at kumikilos. Sa huli, tila pagod na pagod sila paano man sila mamuhay, at hindi sila makahugot ng anumang sigasig para sa kanilang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan. Anuman ang piliin nilang paraan ng pamumuhay, hindi nila positibo o aktibong magawa ang kanilang tungkulin, at sa kabila ng maraming taon nang pananampalataya sa Diyos, hindi sila kailanman nakatuon sa paggawa sa kanilang tungkulin nang buong puso at isipan o sa paggawa sa kanilang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan, at siyempre, lalong hindi sila naghahangad sa katotohanan o nagsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Bakit ganito? Sa huling pagsusuri, ito ay dahil palagi nilang iniisip na mayroon silang masamang kapalaran, at humahantong ito sa kanilang lubhang pagkasira ng loob. Sila ay lubos na nawawalan ng sigla, matamlay, tulad ng isang naglalakad na bangkay, walang anumang kasiglahan, hindi nagpapakita ng anumang positibo o optimistang pag-uugali, lalo na ng anumang determinasyon o pagtitiyaga na ialay ang debosyong nararapat sa kanilang tungkulin, kanilang mga responsabilidad, at kanilang mga obligasyon. Sa halip, pilit na lamang nilang itinatawid ang araw-araw nang may pabasta-bastang saloobin, at iniraraos ang kanilang mga araw nang ganito sa paraang magulo ang isip, na tuliro, at kahit walang anumang nararamdaman tungkol dito. Wala silang kamalay-malay kung gaano katagal nilang iraraos ang mga bagay-bagay. Sa huli, wala silang ibang magagawa kundi paalalahanan ang kanilang sarili, sabihin na, ‘Ay, itutuloy ko na lamang na iraos ang mga bagay-bagay hangga’t kaya ko. Kung isang araw ay hindi na ako makakapagpatuloy, at naisin ng iglesia na patalsikin at itiwalag ako, dapat na lang nila akong itiwalag. Ano ang magagawa ko sa aking masamang kapalaran?’ Kita mo, masyado pa nga silang matamlay sa kanilang pananalita. Ang pagkasira ng loob na ito ay hindi lamang nagbubunga ng isang simpleng lagay ng kalooban, kundi, higit pa rito, may malubha itong epekto sa mga iniisip, puso, at paghahangad ng mga tao. Kung hindi mo mababago sa tamang oras at mabilis na paraan ang iyong pagkasira ng loob, hindi lamang nito maaapektuhan ang iyong buong buhay, kundi sisirain din nito ang iyong buhay at dadalhin ka sa iyong kamatayan. Kahit pa nananampalataya ka sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan at kaligtasan, at sa huli, mamamatay ka” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kalagayan ko ng palaging pamumuhay sa mga emosyon ng pagkasira ng loob at pagrereklamo na masama ang kapalaran ko ay napakadelikado. Ang mga ito ay sukdulang mga kaisipan, at kung hindi ko lulutasin ang mga ito, mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Noong una, inakala kong kapag namumuhay ako sa pagkasira ng loob at nagrereklamo tungkol sa masamang kapalaran ko, masama lang ang loob ko, at dahil hindi ko naman tinalikuran ang tungkulin ko, hindi ko ito itinuring na isang masamang gawa. Ngayon ko lang napagtanto na ang diwa ng pamumuhay sa mga emosyon ng pagkasira ng loob ay kawalang-kasiyahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; ito ay lihim na paglaban sa Diyos. Kung hindi ako kailanman magsisisi, hinding-hindi ko makakamit ang katotohanan at hinding-hindi ako maliligtas. Sa huli, maaari lamang akong mawasak. Labis na nakatatakot ang mga kahihinatnan! Naisip ko kung paanong, bago ako manampalataya sa Diyos, hindi ako kontento sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin dahil palagi akong bigo sa mundo. Matapos akong manampalataya sa Diyos, hinangad ko pa rin ang paghanga ng iba. Nang hindi ko magawang mamukod-tangi sa tungkulin ko, naging miserable ako. Nagreklamo ako tungkol sa pagkakaroon ng masamang kapalaran at namuhay sa isang kalagayan ng pagkanegatibo at pagkalugmok. Bagama’t ginagawa ko ang tungkulin ko, wala akong motibasyon. Naging pasibo ako at nagpabaya sa tungkulin ko, at pabasta-basta ako. Madalas akong gumawa ng mga pagkakamali, nagsasanhi ng problema at kaguluhan sa mga kapatid ko at inaantala ang sarili kong buhay pagpasok. Kung hindi ko babaguhin ang kalagayang ito, mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu, ang aking tungkulin, at sa huli ay mawawala ang pagkakataon kong maligtas. Nang maunawaan ko ito, bigla akong nakaramdam ng hindi mawala-walang takot, at taimtim na nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, sa loob ng maraming taon, naging matigas ang kalooban ko at naging tutol sa katotohanan. Palagi kong inirereklamo ang masamang kapalaran ko, at hindi ako makawala mula sa aking sukdulang emosyon. Ngayon ko lang napagtanto na mali ang perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Handa akong magsisi sa Iyo, taimtim na hangarin ang katotohanan, at gawin nang wasto ang tungkulin ko.”
Kalaunan, nagnilay ako: Ano ang pinakaugat ng pamumuhay ko sa gayong pagdurusa sa loob ng maraming taon? Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Kasikatan at pakinabang.) Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, wala nang ibang ipinapaisip sa kanila kundi ang dalawang bagay na ito, at idinudulot sa kanila na makibaka para sa kasikatan at pakinabang, magdusa ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, magtiis ng kahihiyan at magbuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, magsakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gumawa ng bawat paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, sa mga kadenang ito, wala silang abilidad ni tapang na makaalpas. Nang di-namamalayan, dala-dala nila ang mga kadenang ito habang mabigat silang humahakbang nang paunti-unti, nang may labis na paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba’t lubos na kamuhi-muhi ang mga lihim na mapanirang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na kung walang kasikatan at pakinabang, mawawalan ng kabuluhan ang buhay, at hindi na makikita ng mga tao ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Kapag ninais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas, at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, bigla kong napagtanto na lahat ng pasakit na tiniis ko sa mga nakaraang taon ay dala ni Satanas. Inakit at pininsala ako ni Satanas gamit ang kasikatan at pakinabang, na naging dahilan para hangarin kong mamukod-tangi sa karamihan at baguhin ang kapalaran ko mula pa noong bata ako. Noong nag-aaral ako, itinuro sa akin ng mga guro na “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad.” Tinanggap ko ang mga panuntunang ito sa pananatiling buhay, at nagkamali ako ng paniniwala na kung mayroon akong kasikatan at pakinabang, nasa akin na ang lahat, at na hangga’t nagsisikap ako, mas nagdurusa at nagbabayad ng mas malaking halaga, magkakaroon ako ng magandang kinabukasan at matatamasa ang lahat ng yaman at kasaganaan sa mundo. Nag-aral akong mabuti nang mahigit isang dekada para magtamo ng kasikatan at pakinabang at mahangaan ng iba, pero sa huli, nabigo pa rin ako. Ayaw kong tanggapin ang kapalaran ko, kaya nag-overtime ako sa pag-aaral para maging isang statistician. Sa huli, hindi lang ako nabigong baguhin ang kapalaran ko, nagkamali pa ako sa trabaho dahil sa sobrang pagod ng katawan. Nakaranas ako ng matinding pagkabigla at nagkaroon ako ng sensorineural hearing loss dahil dito. Matapos akong manampalataya sa Diyos, sabik ako sa mabibilis na resulta sa paggawa ng tungkulin ko, nagpupuyat para magtrabaho, pabaya sa kalusugan ko, para hindi ako maliitin ng iba. Sa huli, lumala ang pagkabingi ko at hindi ko na magawang makipag-usap nang normal sa mga kapatid ko. Ang kaya ko na lang gawin ay gawain ng mga pangkalahatang usapin na hindi nakikita ng lahat, at labis na nahirapan ang loob ko dahil hindi ako hinahangaan ng iba. Ang kasikatan at pakinabang ay parang mga tanikala sa katawan ko, na pumipigil sa aking lumaya. Naisip ko kung paano mas pinahahalagahan ng mga walang pananampalataya ang kasikatan at pakinabang kaysa sa buhay mismo. May mga taong hindi makayanan ang dagok ng hindi makapasok sa kolehiyo o ang mabigo sa kanilang karera, at dahil dito, nasisiraan sila ng bait, o nagpapakamatay pa nga sa pamamagitan ng pagtalon mula sa mga gusali. Ganoon din ako. Nang hindi ko makamit ang ambisyon at pagnanais ko na hangarin ang paghanga ng iba, patuloy lang akong nagrereklamo na hindi nagsaayos ang Diyos ng magandang kapalaran para sa akin, namuhay ako sa kalagayan ng nasisiraan ng loob, at sumuko na. Naisip ko pa ngang tapusin na ang lahat. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, baka naging katulad ako ng mga walang pananampalatayang iyon. Sa wakas ay malinaw kong nakita na ang mga panuntunan sa pananatiling buhay na itinanim sa akin ni Satanas ay hindi mga positibong bagay. Naging dahilan ang mga ito para mag-alala ako tungkol sa reputasyon at katayuan at, nang hindi ko makuha ang mga ito, lumayo ako sa Diyos, ipinagkanulo Siya, at nilabanan Siya, at sa huli ay nanganib na mawala ang pagkakataon kong maligtas. Ito ang buktot na intensiyon ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao. Kung magpapatuloy ako nang ganito, matitiwalag ako sa malao’t madali. Pinagsisihan ko na naging napakabulag at hangal ko at napinsala ako ni Satanas sa loob ng maraming taon. Nagpasya akong ganap na maghimagsik laban kay Satanas at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos mula ngayon, hindi na hinahangad ang reputasyon at katayuan.
Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at naunawaan ko ang mga layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang dapat na maging saloobin ng mga tao tungkol sa kapalaran? Dapat kang sumunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at aktibo at masipag na hanapin ang layunin at kahulugan sa likod ng pagsasaayos ng Lumikha sa lahat ng bagay na ito, para matamo ang pagkaunawa sa katotohanan, gamitin ang iyong pinakamahusay na silbi sa buhay na ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo, tuparin ang mga tungkulin, responsabilidad, at obligasyon ng isang nilikha, at gawing mas makabuluhan at mas mahalaga ang iyong buhay, hanggang sa wakas ay tanggapin ka ng Lumikha at matandaan ka Niya. Siyempre, mas mainam pa kung magsisikap ka para makamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghahanap at pagtanggap sa katotohanan—pinakamainam iyon. Ano’t anuman, sa usapin ng kapalaran, ang pinakaangkop na saloobin na dapat taglayin ng nilikhang sangkatauhan ay hindi ang arbitraryong paghuhusga at pagtukoy, o ang paggamit ng mga sukdulang pamamaraan para harapin ito. Siyempre, lalong hindi dapat subukang labanan, tanggihan, o baguhin ng mga tao ang kanilang kapalaran, bagkus dapat nilang gamitin ang kanilang puso upang danasin ito, hanapin ito, kapain ito, at sundin ito, at pagkatapos ay harapin ito nang positibo. Sa huli, sa kapaligirang pinamumuhayan at sa landas sa buhay na inihanda para sa iyo ng Diyos, dapat mong hanapin ang paraan ng pag-asal na itinuturo sa iyo ng Diyos, hanapin ang landas na hinihingi ng Diyos na iyong tahakin, at danasin ang kapalaran na itinakda ng Diyos para sa iyo sa ganitong paraan, at sa huli, ikaw ay pagpapalain” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas. Hinihiling ng Diyos na manatili ako sa aking posisyon bilang isang nilikha at gawin ang aking tungkulin sa praktikal na paraan. Kung iisipin, nasa anumang tungkuling ginagawa ko ang mabubuting layunin ng Diyos, at dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi mahalaga kung makakuha man ako ng paghanga mula sa iba, isa lang akong napakaliit na nilikha, at sapat na ito para tuparin ko ang papel ko bilang isang nilikha. Mula sa kaibuturan ng puso ko, handa akong magpasakop sa kapalarang isinaayos ng Diyos para sa akin.
Ngayon, kaya ko nang kusang-loob na magpasakop at natututo na akong isapuso ang paggawa ng tungkulin ko at maging seryoso habang ginagawa ito. Nagsasanay akong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng bagay at kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Kung mayroon akong hindi nauunawaan, naghahanap ako ng higit na pakikipagbahaginan mula sa mga kapatid ko. Kung nagkakamali ako sa aking tungkulin, agad kong hinahanap at ibinubuod ang mga sanhi, pinagninilayan ang aking mga tiwaling disposisyon, at itinatama ang aking mga pagkakamali sa lalong madaling panahon. Kapag nagsasagawa ako sa ganitong paraan, nakakaramdam ako ng kapayapaan at kapanatagan sa aking puso. Unti-unti, huminto ako sa pagkakagapos ng pananaw na masama ang kapalaran ko, at pabuti nang pabuti ang kalagayan ko. Ito ang mga resulta na naidulot sa akin ng kaliwanagan at pag-akay ng mga salita ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!