9. Ang Sakit na Dulot ng Paghahangad ng Kaligayahan sa Pag-aasawa

Ni Li Xinzhu, Tsina

Mula nang ako ay magkaisip, madalas kong makita ang aking ama na nawawalan ng pasensya at nagagalit sa aking ina. Habang lumalaki ako, madalas na nagrereklamo sa akin ang aking ina tungkol sa kanyang malungkot na buhay may-asawa. Sinabi niya na sa buong panahon na kasama niya ang tatay ko ay kapos siya sa pagkain at pananamit, na hindi siya kailanman naging masaya sa piling nito at na madalas itong nawawalan ng pasensya sa kanya. Madalas niyang sinasabi sa akin na, “Makakahanap lamang ang isang babae ng panghabang-buhay na kaligayahan kung magpapakasal siya sa lalaki na may mabuting pagtrato sa kanya.” Naisip ko na, “Naranasan na mismo ito ng nanay ko, kaya ang kanyang sinasabi ay totoo. Anuman ang mangyari, hindi ako maaaring matulad sa kanya. Kailangan kong makahanap ng asawa na tatrato sa akin nang maayos.” Kalaunan, nakuha ko ang hinihiling ko at nakahanap ako ng asawang may mabuting ugali na tinatrato ako nang maayos. Pagkatapos naming magpakasal, palagi akong pinagbibigyan ng asawa ko sa lahat ng bagay, at hindi niya ako kailanman pinagtaasan ng boses. Sa tuwing umuuwi siya galing trabaho at hindi niya ako makita, tumatawag siya at tinatanong kung nasaan ako, at nagmamadali siya para sunduin ako gamit ang kanyang bisikleta. Inaalagaan din niya ako nang lubos sa aming araw-araw na pamumuhay, palagi siyang nagtatanong tuwing nakikita niya akong malungkot, “Anong problema? May bumabagabag ba sa iyo?” Ang pagkakaroon ng mapagmahal at maalagang asawa ay labis na nakapagpasaya sa akin, at naramdaman kong kontento na ako sa buhay.

Noong 2004, tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos at nangaral ako ng ebanghelyo sa aking asawa. Hindi niya ito tinanggap, pero hindi rin niya tinutulan ang pananampalataya ko. Pero kalaunan, nagsimulang maniwala ang asawa ko sa walang batayang mga tsismis na ikinalat ng CCP tungkol sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at mula noon, sinimulan niyang pigilan ako sa pananampalataya ko sa Diyos. Madalas din siyang magreklamo tungkol sa pagpunta ko sa mga pagtitipon. Isang araw pagkauwi niya galing trabaho, sinabi niya sa akin nang seryoso na, “Sinasabi online na ang pananampalataya sa Diyos ay laban sa CCP, at hindi ito pinapayagan ng gobyerno. Hindi ka na maaaring manampalataya sa Diyos!” Nang makita ko ang malungkot niyang ekspresyon, alam kong nailihis siya ng walang batayang mga tsismis na ipinakalat ng CCP. Sinabi ko sa kanya na mga kasinungalingan at paninira lamang ang mga bagay na ito, pero talagang ayaw na niyang makinig sa akin. Isang gabi, pagkauwi ng asawa ko, agad niya akong tinanong, “Pumunta ka na naman ba sa isang pagtitipon ngayong araw?” Sinabi ko na, “Oo.” Pagkatapos, sinigawan niya ako, “Sinabi ko sa iyo na huwag ka nang manampalataya sa Diyos, pero hindi ka talaga nakikinig! Sa pag-uwi ko ngayong araw, nakita ko ang isang guro na inaaresto dahil sa pananampalataya sa Diyos. Sinong may alam kung ilang taon ang ipapataw sa kanya? Kung ipagpapatuloy mo ang pananalig mong ito, balang araw, maaaresto ka rin. Pagkatapos, madadamay rin kami ng mga bata sa lahat ng ito at masisira mo ang pamilya natin!” Habang sinasabi niya ito, iniamba niya ang kanyang sapatos, at walang sabi-sabi, sinimulan niyang hampasin ako sa ulo, nagmumura habang hinahampas ako, “Sinabi ko sa iyo na makinig ka sa akin, pero hindi ka talaga nakikinig! Papatayin kita!” Akala ko ay ilang beses lang niya akong hahampasin para mailabas ang galit niya, pero hinampas niya ako nang napakalakas. Umikot ang paningin ko mula sa pagkakahampas, at mukhang hindi pa siya titigil. Hindi ko kailanman naisip na pagkatapos ng maraming taong pagsasama namin ay magiging ganoon siya kalupit! Pagkatapos, inudyukan ng asawa ko ang mga bata na, “Kausapin niyo ang nanay niyo, pilitin niyo siyang sabihin na hindi na siya mananampalataya sa Diyos mula ngayon. Kung hindi niya ito sasabihin, bubugbugin ko siya hanggang mamatay ngayong araw!” Umiyak ang anak kong babae at nagmakaawa sa akin. Nanghina ako nang makita ko ang mga anak kong umiiyak. Naisip ko, “Baka naman sa oras na ito, kailangan ko lang sabihin sa asawa ko na hindi na ako mananampalataya. Kung patuloy akong magtitiis nang ganito, at lalo lang siyang magagalit at hiwalayan ako, magiging katapusan na ng pamilyang ito.” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Anuman ang mangyari, hindi ko puwedeng itatwa ang pangalan ng Diyos. Ang pagsasabing hindi na ako mananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang ipinagkakanulo ko Siya, hindi ko iyon puwedeng sabihin.” Kaya patuloy akong nagdasal sa Diyos, hiniling ko sa Kanya na bigyan ako ng karunungan at pananalig. Pagkatapos, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Ang kaliwanagan ng mga salita ng Diyos ay nakatulong sa akin upang maunawaan na kahit na parang inuusig ako ng aking asawa, ang totoo, ang mga pakana ni Satanas ang nasa likod nito. Nais ni Satanas na itanggi ko ang Diyos at ipagkanulo Siya. Hindi ko puwedeng sabihin na hindi na ako mananampalataya sa Diyos dahil lamang natatakot ako sa galit ng asawa ko; kailangan kong manindigan sa aking patotoo. Pagkatapos niyon, kahit anumang pagmamakaawa ng mga anak ko sa akin, nanatili akong tahimik. Sa sobrang pagkainis, sumigaw ang asawa ko, “Dahil ayaw itong sabihin ng nanay niyo, hihiwalayan ko siya at paaalisin ngayong gabi. Hindi na siya mananatili nang isa pang araw sa bahay natin!” Labis ko itong ikinagulat. Hindi ko kailanman inakala na gugustuhin talaga niya na makipagdiborsyo. Kasama ko siya nang buong puso at kaluluwa sa loob ng maraming taon, pero dahil lang sa pananampalataya ko, gusto na niya akong hiwalayan, at gusto pa niyang umalis ako agad sa bahay. Paano naging ganito ang asawa ko na kasama kong namuhay nang mahigit isang dekada? Talagang nadurog ang puso ko. Naisip ko, “Kung maghihiwalay kami, paano kaya ako mabubuhay nang mag-isa, kaawa-awa at nag-iisa?” Parang nasugatan ang puso ko, at umagos ang mga luha ko sa aking mukha. Naisip ko na nilikha ng Diyos ang mga tao, na ang Diyos ang nagbigay sa atin ng buhay at ng lahat ng pangangailangan natin, kaya ganap na natural at makatwiran na sambahin ng mga tao ang Diyos. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang tumigil sa pananampalataya sa Diyos anuman ang mangyari. Pagkatapos, sinabi ng anak kong babae sa kanyang tatay na, “Kung maghihiwalay kayo, gusto naming manatili ng kapatid ko kay nanay, hindi sa iyo.” Noon lang nagpatalo ang asawa ko at itinigil na niya ang usapin tungkol sa diborsyo. Kalaunan, tumindi ang pag-uusig ng CCP, at ang lahat ng uri ng maling kaisipan at maling paniniwala na sinisiraan at pinabubulaanan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay ipinaskil sa mga lansangan. Lalo ring lumala ang pag-uusig ng asawa ko sa akin. Araw-araw pagkatapos ng trabaho, kinukulit niya ako sa pagtatanong kung nananampalataya pa rin ako sa Diyos, at nawawalan siya ng pasensiya sa akin kahit sa pinakamaliit na bagay. Labis akong nabagabag nang makita ko siyang ganito. Kahit na nananampalataya ako sa Diyos at ginagampanan ko ang tungkulin ko, inaasikaso ko pa rin naman ang lahat ng gawain sa bahay at sa bukid, at binabantayan ko rin ang mga bata. Hindi niya dapat ako inuusig nang ganito. Pero naisip ko na, “Kung hindi dahil sa pag-uusig ng CCP at sa walang batayang mga tsismis, marahil ay hindi ganito ang pagtrato niya sa akin. Nalinlang siya ng CCP. Kung hindi ko ito titiisin, tiyak na mauuwi kami sa hiwalayan.” Para mapanatiling buo ang aming pamilya at mapangalagaan ang aming kasal, gaano man ako usigin ng asawa ko, tahimik ko itong tiniis, nagkusa pa nga akong alagaan siya at ipagluto siya ng masarap na pagkain. Minsan, nakakaantala ito sa aking tungkulin.

Kalaunan, nahirang ako bilang isang mangangaral at naging responsable sa maraming iglesia. Ang ilan sa mga iglesia ay malayo sa bahay, kaya hindi ako maaaring umuwi araw-araw, at nagdulot ito sa akin ng kaunting pag-aalala. Nagkaroon ng kalaguyo ang asawa ko noong panahong iyon, at maraming beses niyang sinabi sa akin pagkauwi niya mula sa inuman na may isang babaeng nagtapat sa kanya at nais magsimula ng pamilya kasama siya. Natakot ako na ang pagiging malayo ko sa bahay at ang hirap ng pag-uwi ay maglalayo sa amin ng asawa ko, at na siguradong hihiwalayan niya ako. Kung mangyayari iyon, mawawasak ang pamilya namin. Pero naisip ko na ang tungkuling ito ay nagmula sa Diyos, at hindi ko maaaring tanggihan ang tungkulin ko para lamang mapanatili ang pagkakasundo ng pamilya. Kaya tinanggap ko ito. Noon, umuuwi ako isang beses kada dalawang linggo o higit pa at nananatili sa bahay nang ilang araw, ginagawa ko ang lahat ng gawain sa bahay at bukid, umaasang mapananatili ko ang pagmamahal ng asawa ko sa pamamagitan ng mga pagsisikap na ito. Kahit alam ko na mayroon siyang kalaguyo, hindi ko siya kinompronta tungkol dito dahil labis akong natakot na hahantong talaga ito sa diborsyo. Madalas akong mabagabag dahil sa isyung ito, at lumilipad ang isip ko kahit sa paggawa ng aking tungkulin. Kadalasan, kumikilos ako nang wala sa loob ko ang ginagawa ko. Mayroong isang huwad na lider sa isang iglesia na dapat ay natanggal kaagad, pero naisip ko na ang paghalal ng bagong lider pagkatapos ng pagtatanggal ay aabutin nang matagal, kaya ipinagpaliban ko ang pagtatanggal para magkaroon ako ng oras na makauwi. Nagdulot ito ng mga pagkaantala sa gawain ng iglesia. Minsan pa, hiniling sa akin ng nakatataas na lider na tumulong ako sa iglesia sa pagharap sa isang anticristo. Noong panahong iyon, hindi makilatis ng ilang kapatid ang anticristong ito, kaya kinakailangang magbahagi sa kanila ng mga katotohanan tungkol sa pagkilatis nang napapanahon. Naisip ko na, “Para magkaroon ng pagkilatis ang mga kapatid sa anticristong ito, maaaring abutin ng kalahating buwan ng pagbabahaginan, at kahit ganoon, wala pa ring garantiya sa magiging resulta. Kailan ako makakauwi kung ganoon?” Kaya sinabi ko sa lider na, “Masyadong mapanlinlang ang anticristong ito, at ang kanyang mga pamamaraan ng panlilihis sa mga tao ay sopistikado. Hindi magiging madali para sa mga kapatid na magkaroon ng pagkilatis sa kanya, at hindi ko rin siya kayang harapin. Paano kaya kung maghanap ka na lang ng ibang mamamahala rito?” Nakita ng lider na hindi ako handang makipagtulungan at kinailangan niyang humanap ng ibang sister na mamamahala nito. Pero dahil sa kawalan ng pagkilatis ng sister na iyon, naging mabagal ang pag-usad sa pakikitungo sa anticristong ito, na nagresulta sa pananatili ng anticristong ito sa iglesia, nilihis at kinontrol niya ang mga hinirang ng Diyos sa loob ng mahigit dalawang buwan. Natigil ang lahat ng gawain ng iglesia. Kalaunan, dahil sa pagiging iresponsable ko sa aking tungkulin, at dahil sa matinding pagkaantala ko sa gawain ng iglesia, tinanggal ako. Sa isang pagtitipon, sinabi sa akin ng isang sister na, “Batay sa iyong pag-uugali, dapat kang ibukod para magnilay.” Tumagos nang malalim ang mga salita niya sa puso ko. Madalas akong umuwi para mapanatili ang aking buhay may-asawa, na nakaantala sa gawain ng iglesia. Talagang nakagawa ako ng masamang gawa at kailangan akong ibukod para magnilay. Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lubhang mahalaga kung paano mo dapat ituring ang mga atas ng Diyos. Isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensiya at dapat mong tanggapin ang iyong kaparusahan. Ganap na likas at may katwiran na tapusin ng mga tao ang mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanyang mismong buhay. Kung kaswal mo lang na tinatrato ang mga atas ng Diyos, ito ay isang napakalubhang pagkakanulo sa Diyos. Dito, mas kasuklam-suklam ka kaysa kay Hudas, at dapat kang sumpain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Nanginig ako sa takot dahil sa mga salita ng Diyos. Naramdaman ko ang galit ng Diyos, na para bang ako ay kinokondena Niya. Hinirang ako ng mga kapatid bilang isang mangangaral. Layunin ng Diyos na pamunuan ko ang mga kapatid sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at sa pagpasok sa katotohanan, at para protektahan din ang mga kapatid mula sa panggugulo at panlilihis ng mga huwad na lider at anticristo. Pero wala talaga ang puso ko sa aking tungkulin. Inuna ko ang buhay may-asawa at ang pamilya ko kaysa sa lahat, madalas akong umuuwi upang mapanatili ang ugnayan ko sa aking asawa. Alam ko na may huwad na lider sa iglesia, pero hindi ko siya tinanggal agad. Tungkol naman sa anticristong nabunyag, hindi rin ako handang maglaan ng oras para makipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa pagkilatis. Nagdahilan pa nga ako, sinabi kong labis na mapanlinlang ang anticristong ito para harapin ko, at tinakasan ko ang tungkulin ko. Ito ang nagbigay-daan para mailihis ng anticristo ang mga kapatid sa iglesia. Para sa kapakanan ng aking kasal at pamilya, tinrato ko ang mahahalagang gawain kagaya ng pagpili ng mga lider at manggagawa, pagtanggal ng mga huwad na lider, at pagharap sa anticristo, nang walang galang at malasakit. Pininsala nito ang gawain ng iglesia at nagdulot ito ng mga kawalan sa mga buhay ng mga kapatid. Ako ay napakamakasarili at kasuklam-suklam! Sa anong paraan ako kumilos na gaya ng isang taong may pagkatao? Kaya humarap ako sa Diyos at nagdasal, inamin ko ang mga kasalanan ko, “O Diyos ko, sa paghahangad ko ng kaligayahan sa pag-aasawa, nabigo akong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at ako ay sumalangsang. Ayon sa Iyong matuwid na disposisyon, nararapat akong parusahan. Pero hindi Mo ako tinrato ayon sa mga pagsalangsang ko, at binigyan Mo pa rin ako ng pagkakataong gampanan ang tungkulin ko. Mula ngayon, handa na akong harapin ang tungkulin ko nang may pusong takot sa Iyo.”

Makalipas ang ilang sandali, narinig ng asawa ko na may ilan pang mananampalataya ang naaresto, kaya tumindi ang pag-uusig niya sa akin. Isang beses, para mapigilan niya ako sa pananampalataya sa Diyos, sinunog niya ang lahat ng damit ko. Galit na galit ako. Kalaunan, dumating ang mga pulis sa bahay ko para arestuhin ako dahil sa paratang na ilegal na pangangaral, pero wala ako sa bahay noong oras na iyon at nakaiwas ako sa kapahamakan. Dahil dito, hindi ako nangahas umuwi sa loob ng limang buwan. Tinawagan ng asawa ko ang mga kamag-anak ko, para subukang hanapin ako, at pilitin akong umuwi, sinumbong pa nga niya ang pinsan kong babae, na nananampalataya rin sa Diyos. Nagulat ako nang marinig ko ito. Hindi ko kailanman inakala na gagawin ng asawa ko ang ganitong bagay. Naramdaman ko na talagang nakakatakot at mapaminsala siya. Kung kaya niyang isumbong ang pinsan ko, kaya niya rin akong isumbong. Binalikan ko ang mga sakripisyong ginawa ko para mapanatili ang aming kasal, at pakiramdam ko ay hindi naging sulit ang mga iyon. Pero nang maisip ko kung paanong hindi ako maaaring umuwi at mawawasak ang pamilya namin nang ganito, at kung paano mawawala ang masayang pag-aasawa na lagi kong hinahangad, nakaramdam pa rin ako ng matinding sakit. Humarap ako sa Diyos sa pamamagitan ng dasal, umaasang tutulungan Niya akong makalabas sa maling kalagayang ito.

Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Palaging itinuturing ng mga may asawa bilang isang malaking kaganapan sa buhay ang pag-aasawa at pinapahalagahan nila ito nang husto. Kaya, ipinagkakatiwala nila ang kanilang kaligayahan sa buhay sa kanilang buhay may-asawa at sa kanilang kabiyak, naniniwala sila na ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ang tanging layon na dapat hangarin sa buhay na ito. Kaya maraming tao ang nagsisikap nang husto, nagbabayad ng malaking halaga, at nagsasakripisyo nang malaki para sa kaligayahan ng pag-aasawa. … May ilang tao pa nga na, pagkatapos manampalataya sa Diyos, tinatanggap ang kanilang tungkulin at ang atas sa kanila ng sambahayan ng Diyos, subalit upang mapanatili ang kaligayahan at kasiyahan sa kanilang buhay may-asawa, nagkukulang sila sa paggampan sa kanilang tungkulin. Dapat sana ay pumunta sila sa malayong lugar upang ipangaral ang ebanghelyo, umuuwi sa kanilang tahanan nang isang beses kada linggo o kahit minsan lang sa loob ng mahabang panahon, o maaari nilang lisanin ang kanilang tahanan at gawin ang kanilang tungkulin nang full-time ayon sa kanilang mga kakayahan at kondisyon sa iba’t ibang aspekto, ngunit natatakot silang hindi matutuwa ang kanilang asawa sa kanila, na hindi magiging masaya ang kanilang buhay may-asawa, o na tuluyan nang matatapos ang kanilang buhay may-asawa, at para sa ikasasaya ng kanilang buhay may-asawa, isinusuko nila ang maraming oras na dapat sana ay iginugugol sa paggawa ng kanilang tungkulin. Lalo na kapag naririnig nila ang kanilang kabiyak na nagrereklamo o umaangal, mas lalo silang nagiging maingat sa pagpapanatili ng kanilang buhay may-asawa. Ginagawa nila ang lahat para mapasaya ang kanilang kabiyak at nagsisikap sila nang husto para mapanatili ang kanilang kaligayahan sa buhay may-asawa at maiwasan ang paghihiwalay. Siyempre, ang mas malubha pa rito ay may ilang tumatanggi sa tawag ng sambahayan ng Diyos at tumatangging gampanan ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa. Kapag dapat sana ay nililisan nila ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang tungkulin, dahil hindi nila kayang mawalay sa kanilang asawa o dahil tutol ang mga magulang ng kanilang asawa sa kanilang pananampalataya sa Diyos at tutol ang mga ito na iwanan nila ang kanilang trabaho at lisanin nila ang tahanan para magampanan ang kanilang tungkulin, nakikipagkompromiso sila at bumibitiw sa kanilang tungkulin, sa halip ay pinipili nilang panatilihin ang kaligayahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa. Upang mapanatili ang kasiyahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa, at upang maiwasan ang pagkasira at pagtatapos ng kanilang buhay may-asawa, pinipili na lang nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa buhay may-asawa at tinatalikdan nila ang misyon ng isang nilikha(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (10)). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Naimpluwensiyahan ako ng mga pagpapahalaga ng pamilya mula pagkabata, naniwala ako na ang kaligayahan ng isang babae ay nakasalalay sa kung masaya ang kanyang buhay may-asawa at kung mahal siya ng kanyang asawa. Itinuring ko ang paghahangad ko ng isang masayang pamilya bilang layon ko sa buhay. Namuhay ako ayon sa satanikong kaisipan na “Ang buhay ay mahalaga, mas lalo na ang pagmamahal,” at “Makamtan ko sana ang isang pusong tapat sa akin, at sana ay hindi kami maghiwalay hanggang sa dulo ng aming mga buhay.” Ginawa kong pinakamahalagang tao sa buhay ko ang asawa ko, at ipinagkatiwala ko sa kanya ang habang-buhay na kaligayahan ko. Bago ko matagpuan ang Diyos, inialay ko ang buong sarili ko sa aking asawa at pamilya sa paghahangad ng isang masayang buhay may-asawa. Pagkatapos kong matagpuan ang Diyos, ang asawa ko, na naimpluwensiyahan ng walang batayang mga tsismis na ipinakalat ng CCP, ay nagsimulang usigin ako at pagbawalan akong manampalataya sa Diyos, at pinagbantaan pa niya ako ng diborsyo at ginamitan ng karahasan. Para maiwasan ang pagkasira ng aming kasal, patuloy akong nagtiis nang tahimik at nagkompromiso, at kahit noong malamig ang pakikitungo niya sa akin at kinukutya niya ako, patuloy ko pa ring hinangad na mapasaya siya, gumugol ako ng mas maraming oras sa pag-aasikaso ng tahanan at pinabayaan ko ang mga tungkuling dapat sana ay ginagampanan ko. Lalo na noong ako ay isang mangangaral, malinaw kong nauunawaan na napakahalaga ng tungkuling ito, at na may kinalaman ito sa gawain ng maraming iglesia, pero nag-alala ako na masira ang aming pagsasama, kaya madalas akong umuwi para mapanatili ang ugnayan ko sa aking asawa, at hindi ko naialay nang buong puso ang sarili ko sa mga tungkulin ko. Nang magpakita sa mga iglesia ang mga anticristo at huwad na lider, nabigo akong harapin sila agad dahil sinisikap kong panatilihing buo ang aking pamilya, at ito ay nakaantala sa gawain ng iglesia. Para mapanatili ang ugnayan ko sa aking asawa upang maisalba ang aming kasal, tuluyan kong binalewala ang mga responsabilidad at tungkulin ko at nakagawa ako ng mabibigat na pagsalangsang. Nakita ko kung paanong naging matigas ang kalooban ko at naging makasarili ako. Sa aking pagninilay, talagang kinamuhian ko ang sarili ko.

Kalaunan, nagbasa ako ng ilang salita ng Diyos: “Inorden ng Diyos ang pag-aasawa sa iyo para lamang matuto kang tuparin ang iyong mga responsabilidad, matutong mamuhay nang payapa kasama ang isa pang tao at mamuhay kayo nang magkasama, at maranasan mo kung paano ang buhay na kasama ang iyong kabiyak at kung paano ninyo haharapin nang magkasama ang lahat ng bagay na inyong pinagdadaanan, at dahil dito ay nagiging mas makulany at naiiba ang iyong buhay. Gayumpaman, hindi ka Niya ikinokompromiso sa pag-aasawa, at siyempre, hindi ka Niya ikinokompromiso sa iyong kabiyak upang maging alipin nito. Hindi ka alipin ng iyong kabiyak, at hindi rin siya ang amo mo. Magkapantay kayo. May mga responsabilidad ka lang bilang misis (o mister) sa iyong kabiyak, at kapag tinutupad mo ang mga responsabilidad na ito, itinuturing ka ng Diyos na isang misis (o mister) na pasok sa pamantayan. Kung ikaw ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan, kayang gumampan sa iyong tungkulin, madalas na dumadalo sa mga pagtitipon, nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at humaharap sa Diyos, kung gayon, ito ay ang mga bagay na tinatanggap ng Diyos at ang mga ito ang dapat na gawin ng isang nilikha at ang mga ito ang normal na buhay na dapat ipamuhay ng isang nilikha. Walang kahiya-hiya rito, ni hindi mo dapat maramdaman na may pagkakautang ka sa iyong kabiyak dahil ganito ang uri ng buhay mo—wala kang pagkakautang sa kanila. Kung nais mo, may obligasyon kang magpatotoo sa iyong kabiyak tungkol sa gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi siya nananampalataya sa Diyos, at hindi pareho ang pag-iisip niya at hindi siya sumusunod sa parehong landas sa iyo, hindi mo kailangan, o wala kang obligasyon na sabihin o ipaliwanag sa kanya ang anumang bagay o anumang impormasyon tungkol sa iyong pananalig o sa landas na iyong sinusunod, ni wala siyang karapatan na malaman ang tungkol dito. Responsabilidad at obligasyon niya na suportahan, palakasin ang loob mo, at ipagtanggol ka. Kung hindi niya magawa ito, wala siyang pagkatao. Bakit? Dahil sinusunod mo ang tamang landas, at dahil sinusunod mo ang tamang landas, ang iyong pamilya at ang iyong kabiyak ay pinagpapala at nagtatamasa ng biyaya ng Diyos kasama mo. Tama lamang na maging mapagpasalamat ang iyong kabiyak dahil dito, sa halip na ikaw ay kanyang diskriminahin o apihin dahil sa iyong pananalig o dahil sa ikaw ay inuusig, o sa halip na maniwala siya na dapat kang gumawa ng higit pang gawaing-bahay at ng iba pang bagay, o na may pagkakautang ka sa kanya. Wala kang anumang emosyonal, espirituwal, o iba pang pagkakautang sa kanya—siya ang may pagkakautang sa iyo. Dahil sa iyong pananalig sa Diyos, natatamasa niya ang karagdagang biyaya at pagpapala mula sa Diyos, at natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan. Ano ang ibig Kong sabihin sa ‘natatamo niya ang mga bagay na ito nang higit pa sa karaniwan’? Ibig Kong sabihin, ang ganoong klaseng tao ay hindi karapat-dapat na magtamo ng mga bagay na iyon at hindi niya dapat matamo ang mga bagay na iyon. Bakit hindi niya dapat matamo ang mga iyon? Dahil hindi niya sinusunod ang Diyos o kinikilala ang Diyos, samakatuwid, ang biyayang natatamasa niya ay dahil sa iyong pananalig sa Diyos. Nakikinabang siya kasama mo at nagtatamasa ng mga pagpapala kasama mo, at tama lamang na maging mapagpasalamat siya sa iyo. … Ang mga hindi nananampalataya ay hindi pa rin nasisiyahan, at sinusupil at inaapi pa nga nila ang mga nananampalataya sa Diyos. Ang pang-uusig ng bansa at lipunan sa mga mananampalataya ay isa nang trahedya para sa kanila, gayumpaman, mas masahol pa ang ginagawa ng kanilang mga kapamilya at dinagdagan pa ng mga ito ang panggigipit. Kung sa gayong mga sitwasyon ay naniniwala ka pa rin na binibigo mo sila at handa kang maging alipin sa iyong buhay may-asawa, iyon ay isang bagay na hindi mo talaga dapat na gawin. Kung hindi nila sinusuportahan ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang; kung hindi nila ipinagtatanggol ang iyong pananampalataya sa Diyos, ayos lang din. Malaya sila na hindi gawin ang mga bagay na iyon. Gayumpaman, hindi ka nila dapat tratuhin na parang isang alipin dahil nananampalataya ka sa Diyos. Hindi ka isang alipin, ikaw ay isang tao, isang taong may dignidad at matuwid. Sa pinakamababa, ikaw ay isang nilikha sa harap ng Diyos, at hindi alipin ng sinuman. Kung kinakailangan mong maging alipin, maaari ka lamang maging alipin ng katotohanan, alipin ng Diyos, at hindi isang alipin ng sinumang tao, lalong hindi mo dapat gawin na iyong amo ang asawa mo. Pagdating sa mga ugnayan sa mundo ng laman, bukod sa iyong mga magulang, ang taong pinakamalapit sa iyo sa mundong ito ay ang iyong asawa. Ngunit dahil lang sa nananampalataya ka sa Diyos, itinuturing ka niyang kaaway at inaatake at inuusig ka niya. Tinututulan niya ang pagdalo mo sa mga pagtitipon; kapag nakakarinig siya ng anumang tsismis, umuuwi siya at agad kang pinagagalitan at binubugbog. Kahit na nagdarasal o nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos sa bahay at hindi ka naman nakakaapekto sa kanyang normal na buhay, papagalitan at tututulan ka niya, at bubugbugin ka pa nga. Sabihin mo sa Akin, anong uri siya ng nilalang? Hindi ba’t isa siyang demonyo? Ito ba ang taong pinakamalapit sa iyo? Karapat-dapat ba ang ganitong tao sa pagtupad mo ng anumang responsabilidad para sa kanya? (Hindi.) Ang ilang taong nasa ganitong uri ng buhay may-asawa ay sumusunod pa rin sa bawat hihiningi ng kanilang asawa, handang isakripisyo ang lahat, isakripisyo ang oras na dapat ay igugol nila sa paggawa ng kanilang tungkulin, ang pagkakataon na gawin ang kanilang tungkulin, at maging ang kanilang pagkakataon na makamit ang kaligtasan. Hindi nila dapat gawin ang mga bagay na ito, at sa pinakamababa, dapat nilang iwaksi ang gayong mga ideya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na itinakda ng Diyos ang kasal para matutuhan ng mga tao na tumupad ng mga responsabilidad at maranasan nila ang isang buhay na masagana, hindi para maging mga alipin ng kasal. Dapat ay mayroong mga prinsipyo sa pagtupad ng mga responsabilidad sa kasal. Kung ang asawa natin ay may mabuting pagkatao at sumusuporta sa pananampalataya natin sa Diyos, maaari nating tuparin ang mga responsabilidad natin sa loob ng estruktura ng kasal. Gayumpaman, kung ang asawa natin ay humahadlang sa pananampalataya natin sa Diyos at umuusig o kumokondena pa nga sa atin, pinapakita ng diyablong ito ang kanyang sarili at ang kanyang diwa ay namumuhi sa Diyos. Sa sitwasyong ito, hindi natin kailangang tuparin ang mga responsabilidad natin. Kung hindi kayang tukuyin ng isang tao ang mabuti at masama at nais pa rin niyang panatilihin ang ganitong asawa, kung ganoon ay isa talaga siyang hangal at mangmang! Ang aking pananampalataya sa Diyos at paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay nakakamit ang pagsang-ayon ng Diyos at ito ang pinakamakatarungang bagay, pero bukod sa hindi ako sinuportahan ng asawa ko, itinuring niya rin ako bilang kaaway, binubugbog, pinapagalitan, at pinagbabantaan niya ako ng diborsyo para mapilitan akong talikuran ang pananampalataya ko sa Diyos. Malinaw na ibinunyag ng mga katunayan na kinamumuhian ng asawa ko ang Diyos at na ang kanyang diwa ay katulad ng sa isang diyablo. Batid na batid niya na hinahanap ako ng CCP at na maaari akong maaresto anumang sandali kung ako ay uuwi, pero isinumbong niya ang pinsan ko para subukan at pilitin akong umuwi. Hindi siya nagpakita ng pag-aalala sa buhay o kamatayan ko! Talagang siya ay makasarili at mapaminsala! Kalaunan, napagtanto ko na noong una, noong tinatrato pa niya ako nang maayos, iyon pala ay dahil inaalagaan ko ang aming pamilya at ang kanyang ina, na kapaki-pakinabang sa kanya; kung hindi, matagal na niya akong hiniwalayan. Hindi talaga niya ako minahal, at sa mga mata niya, isa lamang akong kasangkapan para sa kanyang layunin. Pero palagi ko siyang itinuturing bilang aking suporta at ipinagkatiwala ko sa kanya ang lahat ng aking kaligayahan. Isinantabi ko pa nga ang mga tungkulin ko para kumapit sa kanya at makuha ang kanyang pabor. Nang maisip ko ito, napagtanto ko na naloko ako, at nakita ko kung gaano ako naging bulag! Ngayon ay malinaw na sa akin na ang diwa ng asawa ko ay tulad ng sa isang diyablo na namumuhi sa Diyos. Paano ko matatagpuan ang kaligayahan sa isang taong namumuhi sa Diyos? Hindi lamang sa hindi ko matatagpuan ang kaligayahan sa kanya, kundi magdudulot pa siya ng higit na kapahamakan sa akin. Hindi na niya ako maaaring pigilan. Kailangan kong masigasig na hangarin ang katotohanan at sikaping tuparin ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya.

Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Pagdating sa pag-aasawa, kahit ano pa ang lumitaw na mga lamat o mga kahihinatnan, kung magpapatuloy man o hindi ang pagsasama ng mag-asawa, kung ikaw man ay tatahak sa isang bagong buhay sa loob ng iyong buhay may-asawa, o kung ang iyong buhay may-asawa ay magtatapos na roon, ang iyong pag-aasawa ay hindi ang iyong destinasyon, at ang iyong asawa ay hindi rin ang iyong destinasyon. Inorden lamang siya ng Diyos na lumitaw sa iyong buhay at sa iyong pag-iral upang gumanap ng isang papel ng pagsama sa iyo sa iyong landas sa buhay. Kung masasamahan ka niya hanggang sa dulo ng daan at mararating niya ang pinakadulo nang kasama ka, wala nang mas mainam pa sa roon, at dapat mong pasalamatan ang Diyos sa Kanyang biyaya. Kung may problema sa buhay mag-asawa, kung may mga lumilitaw man na lamat o may nangyayari na hindi mo gusto, at sa huli ay nagwawakas ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, hindi iyon nangangahulugan na wala ka nang destinasyon, na ang iyong buhay ngayon ay nasa kadiliman na, o na wala nang liwanag, at wala kang kinabukasan. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay ang simula ng isang mas magandang buhay. Ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Diyos na ang mamamatnugot at magsasaayos nito. Maaaring ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay magbibigay sa iyo ng mas malalim na pagkaarok at pagpapahalaga sa pag-aasawa, at ng mas malalim na pagkaunawa. Siyempre, maaaring para sa iyo, ang pagtatapos ng iyong buhay may-asawa ay isang mahalagang oras ng pagbabago sa iyong mga layon at direksiyon sa buhay at sa landas na iyong tinatahak. Ang idudulot nito sa iyo ay hindi malulungkot na alaala, lalong hindi masasakit na alaala, ni hindi rin pawang mga negatibong karanasan at resulta, sa halip, idudulot nito sa iyo ang mga positibo at aktibong karanasan na hindi mo makakamit kung ikaw ay may asawa pa rin. Kung nagpatuloy ang inyong pagsasama bilang mag-asawa, marahil ay palagi kang mamumuhay sa ganitong simple, karaniwan, at walang kulay na buhay hanggang sa katapusan ng iyong buhay. Gayumpaman, kung magtatapos ang iyong buhay may-asawa at kayo ay maghihiwalay, hindi ito isang masamang bagay. Ikaw ay dating napipigilan ng kaligayahan at mga responsabilidad ng iyong buhay may-asawa, pati na rin ng mga emosyon o paraan ng pamumuhay ng iyong pagmamalasakit para sa iyong asawa, ng iyong pag-aalaga sa kanya, pag-iisip sa kanya, pag-aaruga sa kanya, at pag-aalala sa kanya. Gayumpaman, simula sa araw na nagtapos ang iyong buhay may-asawa, lahat ng pangyayari sa iyong buhay, ang iyong mga layon sa pamumuhay at ang iyong mga paghahangad sa buhay ay sumasailalim sa isang masinsinan at ganap na pagbabago, at dapat sabihin na ang pagbabagong ito ay dahil sa pagtatapos ng iyong buhay may-asawa. Maaaring ang resulta, pagbabago, at transisyong ito ang nilalayon ng Diyos na makamit mo mula sa pag-aasawa na inorden Niya para sa iyo, at ang nilalayon ng Diyos na makamit mo sa paggabay sa iyo na wakasan na ang iyong buhay may-asawa. Bagama’t nasaktan at nagdusa ka, at bagama’t may mga ginawa kang mga sakripisyo at pakikipagkompromiso na hindi naman kailangan sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, ang iyong matatanggap sa huli ay hindi makakamit sa loob ng buhay may-asawa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naliwanagan ang puso ko. Itinakda ng Diyos ang kasal para sa mga tao, pero ang kasal ay hindi ang hantungan para sa mga tao. Kung ang kasal ng isang tao ay masaya man at makabuluhan, o kung ito man ay nasira o nagwakas na, wala itong kinalaman kung magkakaroon ba ng magandang hantungan ang taong iyon, at hindi rin nito matutukoy kung ang buhay niya ba ay magiging masaya. Gayumpaman, itinuring ko ang kasal bilang aking hantungan at ang asawa ko bilang aking suporta, kaya nang makita ko na gumuguho ang aming pagsasama at nawawalan na ito ng saysay, pakiramdam ko ay wala na akong hantungan o suporta. Bumigat ang puso ko, at nakaramdam ako ng kalungkutan at kawalan ng magawa, at hindi ko alam kung paano haharapin ang magiging buhay ko sa hinaharap. Ngayon, napagtanto ko na ang mga pananaw ko ay hindi umaayon sa katotohanan. Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang pagwawakas ng kasal ay hindi nangangahulugang wala nang kinabukasan ang isang tao o na wala nang pag-asa ang buhay; maaaring ito ang simula ng isang mas magandang buhay. Dati, para mapanatili ang isang masayang buhay may-asawa, ginawa ko ang lahat ng gawain sa loob at labas ng bahay, at ginugol ko ang mga araw sa pagtatrabaho hanggang sa sumakit ang likod ko, at kinailangan ko ring pakiramdaman ang asawa ko. Pero ang mas masaklap ay hindi ko lubos na naialay ang sarili ko sa aking mga tungkulin. Wala sa loob ko ang ginagawa ko at nakaantala ito sa gawain ng iglesia. Madalas akong hindi mapakali, parang may batong nagpapabigat sa puso ko, at namuhay ako sa masakit at labis na nakakapagod na kalagayan. Ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay nagdulot lamang sa akin ng higit pang espirituwal na pighati at sakit. Sa mga nakaraang buwan, hindi ako nakauwi dahil sa pag-uusig ng CCP, at nang ituon ko ang aking puso sa paggawa ng mga tungkulin ko, mas kaunti na ang naramdamang pagod ng aking katawan, at mas magaan na ang aking puso kaysa dati. Nang tumahimik ako para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at namuhay ng buhay iglesia kasama ang mga kapatid, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at napuno ng galak ang puso ko. Talaga namang may pakinabang ito sa buhay ko. Ngayon, kahit wala na ang pakikisama at pag-aalaga ng asawa ko, kapag nahaharap ako sa mga paghihirap at sakit, nagdadasal ako sa Diyos, at sa pamamagitan ng paggabay ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong nasa tabi ko ang Diyos, at Siya ang aking tunay na suporta. Sa pagkaunawa sa mga bagay na ito, hindi na ako nag-aalala tungkol sa pagpapanatili ng aming kasal, at ang puso kong nasupil nang napakatagal, ay nakaramdam ng kalayaan. Kalaunan, nagpatuloy ako sa paggawa ng mga tungkulin ko sa ibang rehiyon at hindi ako umuwi.

Isang araw, pagkalipas ng tatlong taon, nagplano akong makipagkita sa isang sister sa parke, at nakita ako ng bayaw ng asawa ko sa daan. Labis siyang nagulat at sinabi niya na matagal na niya akong hinahanap. Nagkaroon ng kanser ang asawa niya at maaari itong pumanaw anumang oras, at patuloy niya akong hinihikayat na pumunta sa kanyang bahay. Naisip ko kung paanong madalas na tinatawagan ng asawa ko ang anak naming babae para tanungin ang kinaroroonan ko, pumunta rin siya sa bahay ng nanay ko para hanapin ako, at patuloy niyang tinatawagan ang mga kamag-anak para subukang hanapin ako. Kung pupunta ako sa bahay ng kapatid niya, malalaman niya ito agad. Paano kung makita ako ng asawa ko at magmakaawa siya sa akin na manatili ako sa bahay? Naisip ko ang biyenan kong babae na tumatanda na, at kung sakaling pumanaw na ang kapatid ng asawa ko, magiging napakahirap ng buhay niya. Maraming taon din kaming nagsama bilang mag-asawa, at halos tatlong taon akong nawala, uusigin pa rin kaya niya ako tulad ng dati? Pagkatapos kong pag-isipan ito, naguluhan pa rin ako, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan at akayin ako. Pagkatapos magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Maaari bang maging mga tao ang mga hayop at mga diyablo? Imposible ito. Imposibleng ipababa sa malaking pulang dragon ang kutsilyong pangkatay; ang kalikasan nito ay sa isang diyablo—pumapatay ito ng mga tao nang hindi man lang kumukurap. Ang mga diyablo at si Satanas ay magkakampi. Kung paano mo tinitingnan ang malaking pulang dragon ay ganoon mo rin dapat tingnan ang mga hayop at mga diyablyong ito; tama ito. Kung iba ang pagtingin mo sa mga diyablo kaysa sa pagtingin mo kay Satanas at sa malaking pulang dragon, pinatutunayan nito na wala ka pa ring lubos na pagkaunawa sa diwa ng mga diyablo; kung itinuturing mo pa rin sila bilang mga tao, naniniwalang mayroon silang pagkatao, may ilang kapuri-puring katangian, at maaari pa ring matubos, at kailangan mo pa rin silang bigyan ng mga pagkakataon, kung gayon ikaw ay mangmang, nalinlang ka na naman ng kanilang pakana, at magbabayad ka ng halaga para dito(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (15)). Ang diyablo ay mananatiling diyablo at hindi ito kailanman magiging tao. Kinamumuhian at nilalabanan ng asawa ko ang Diyos, at ang kanyang diwa ay tulad ng sa isang diyablo. Hindi ako maaaring makisimpatiya sa asawa ko, dahil kung ganoon ay pipinsalain lang niya ako. Anuman ang mangyari, hindi na ako maaaring bumalik. Pagkatapos, naisip ko ang masisidhing layunin ng Diyos. Nais ng Diyos na mas maraming tao ang makalapit sa Kanya at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa lalong madaling panahon, kaya sa kritikal na sandaling ito, kailangan kong gawin ang aking makakaya para makipagtulungan sa gawain ng ebanghelyo. Nagsisi ako dahil hindi ko nagawa nang maayos ang mga tungkulin ko noon dahil sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa. Ngayon, kailangan kong makabawi at maging tapat sa aking mga tungkulin para masuklian ko ang pagmamahal ng Diyos. Simula noon, inialay ko na ang sarili ko sa gawain ng pagdidilig sa mga baguhan at nakaramdam ako ng kapanatagan at kapayapaan. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin mula sa sakit na dulot ng pag-aasawa.

Sinundan: 8. Napakarami Kong Nakamit Mula sa Pagdaranas ng Sakit

Sumunod: 10. Ang Aking Matataas na Ekspektasyon ay Nakapinsala sa Aking Anak

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito