82. Pagpupursige sa Gitna ng Pagsubok
Noong Mayo 2022, tinanggap ng mga residente ng ilang nayon ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Pero hindi nagtagal pagkatapos niyon, maraming baguhan ang hindi na dumalo sa mga pagtitipon. Matapos itong suriin, nalaman namin na nagpapatrolya sa gabi ang mga armadong sundalo at inaaresto nila ang sinumang nagdaraos ng mga pagtitipon. Sa ibang lugar, ang ilang kapatid ay pinagmulta, inaresto at ikinulong na dahil sa kanilang pananampalataya. Takot na takot ang mga baguhan sa mga nayong iyon, kaya hindi na sila naglakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon. Nang mangyari iyon ay inatas ng aking lider na suportahan namin ni Isa ang mga baguhan. Noong panahong iyon, magkahiwalay naming dinidiligan ni Isa ang mga baguhan.
Isang gabi, bago ako umuwi, bigla akong tinawagan ni Isa natatakot daw ang aming host sister na baka pagmultahin o makulong ito, kaya pinapaalis na kami nito. Naisip ko, “Saan kaya kami makakahanap sa oras na ito ng pamilyang magho-host sa amin?” Kalaunan, sinubukan namin si Sister Yana, pero takot si Yana at ang kanyang anak na maaresto at hindi sila nangahas na patuluyin kami, kaya nawalan kami ng matutuluyan, dis-oras pa naman na ng gabi. Labis akong nalungkot at pakiramdam ko ay naagrabyado kami. Umuulan noong gabing iyon, hindi namin alam ni Isa kung saan pupunta at gusto naming umalis sa lugar na iyon, pero napakarami pa ring mga baguhan na nangangailangan ng pagdidilig at pagsuporta. Kung aalis kami roon at hindi madidiligan ang mga baguhan, mas malamang na hindi sila makakapanindigan nang mag-isa at ibig sabihin niyon ay iiwasan namin ang aming responsabilidad. Nang mapagtanto ito, nagpasya akong manatili at tingnan kung may iba pang handa na mag-host sa amin. Oo, may isa, pero pinatuloy niya lang kami roon nang isang gabi. Noong oras na iyon, napaiyak ako, iniisip ko na, “Isang gabi lang ako pwedeng manatili roon at pagkatapos ay mawawalan na naman ako ng matutuluyan. Gusto kong gumampan pero nahaharap ako sa maraming hadlang; hindi kami pamilyar sa lugar, at kapag nalaman ng gobyerno na nagpapalaganap kami ng ebanghelyo, aarestuhin at uusigin kami.” Pinanghinaan ako ng loob at ginusto ko nang sumuko. Ganoon din ang sinabi sa akin ng superbisor nang sabihin ko na gusto ko nang umalis. Sinabi rin niya, “Hindi nauunawaan ng mga baguhan ang katotohanan at namumuhay sila sa kahinaan ng loob at takot—kailangan nila ng pagdidilig at pagsuporta. Hindi natin pwedeng sukuan ang mga baguhan, tingnan mo kung makakahanap ka pa ng paraan para makapanatili. Dapat tayong matutong umasa sa Diyos, maghahanda Siya ng lugar para sa iyo.”Dahil sa kanyang payo, napagtanto ko na dapat akong higit na umasa sa Diyos sa panahong ito na nahihirapan ako. Kaya nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na magbukas ng daan para sa amin. Pagkatapos niyon, habang nagbabasa ng ilang mensahe sa aming group chat, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Mula nang ipagkatiwala ng Diyos ang pagbuo ng arka kay Noe, kailanman ay hindi inisip ni Noe sa kanyang sarili, ‘Kailan wawasakin ng Diyos ang mundo? Kailan Niya ibibigay sa akin ang hudyat na gagawin Niya iyon?’ Sa halip na pagnilayan ang mga bagay na iyon, sinikap nang husto ni Noe na tandaan ang bawat bagay na sinabi sa kanya ng Diyos, at pagkatapos ay isagawa ang bawat isa. Matapos tanggapin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nagsimula na si Noe na isagawa at isakatuparan ang pagbuo ng arka na sinabi ng Diyos na para bang ito ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, na hindi iniisip na magpaantala. Nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga taon, araw-araw, taun-taon. Hindi kailanman pinuwersa ng Diyos si Noe, ngunit sa buong panahong ito, nagtiyaga si Noe sa mahalagang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nawawalan ng pag-asa o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at ang mga ito ang kanyang naging pang-araw-araw na realidad. Inihanda ni Noe ang bawat mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, walang mas dakilang tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa: ang mga salita ng Diyos ang kanyang panghabambuhay na direksyon at mithiin. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at ikinintal ito sa kanyang memorya; itinuring at pinangasiwaan niya ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito ipinako sa kanyang isipan, kundi isinakatuparan niya itosa kanyang pang-araw-araw na buhay, ginagamit ang kanyang buhay para tanggapin at isagawa ang atas ng Diyos. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, lahat ng ginawa ni Noe, maging ang bawat hakbang na kanyang ginawa para may makamit, bawat kayod ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat gunitain, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay totoo; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Nagpasakop sa Kanya (Unang Bahagi)). Narinig ni Noe ang mga salita ng Diyos, at isinapuso niya ang mga salita at atas ng Diyos; itinuring niya na pinakamahalagang aspekto ng kanyang buhay ang paggawa ng arka, at na pinakamalaking responsabilidad niya ang pagtatapos nito. Sa loob ng maraming araw, ng maraming taon, at sa kabila ng pagdurusa, pagod, mga paghihirap, masamang panahon, paninira, pangungutya, at pagtalikod ng iba, nagpursige siya sa atas na ibinigay ng Diyos at hindi niya kailanman naisip na sumuko. Ginawa niya ito dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, kaya ang bawat salita ng Diyos ay nakaukit sa kanyang puso. Kung ikukumpara ang pag-uugali ni Noe sa pag-uugali ko, palagi kong gusto na maging maayos ang aking tungkulin at na hindi kailanman dumanas ng paghihirap. Nang lumitaw ang mga suliranin sa aking tungkulin at wala akong matuluyan at nanganib akong maaresto, palagi kong gustong umurong at tutol ako sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga. Napagtanto ko na sadyang wala akong pagpapahalaga sa kalooban ng Diyos at hindi ko tunay na gustong palugurin ang Diyos. Nagbigay ng labis na motibasyon sa akin ang karanasan ni Noe at nakaramdam din ako ng hiya dahil dito. Ayaw ko nang bigyang-layaw ang aking laman at nagpasya akong manatili para suportahan ang mga baguhan. Kung walang magho-host sa akin, matutulog na lang ako sa bukid, pero magpupursige ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan.
Nakipag-ugnayan kami ni Isa sa isang baguhan na nagngangalang Nevin at hiniling namin kung pwede kaming tumuloy sa isang kubo sa bukirin niya. Pumayag si Nevin at ang mga magulang niya. Alam ko na nagbukas ng daan ang Diyos para sa amin. Pagkatapos niyon, ipinatawag ko ang lahat ng baguhan sa nayon para sa isang pagtitipon at nagbahagi ako sa kanila, “Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain para iligtas ang mga tao, patuloy na nanggugulo si Satanas. Pinahihintulutan ng Diyos ang panggugulo at pagmamalupit ni Satanas para gawing perpekto ang pananalig at pagmamahal ng tao, at ibunyag at palayasin ang mga tao at subukin ang kanilang pananalig. Kung nais nating mga mananampalataya na hangarin ang katotohanan at buhay, hindi tayo dapat umurong sa pagdurusa. Dahil sa pang-uusig, hindi kami makapagtipon sa mga bahay namin, kaya kinailangan naming magtipon sa kabundukan. Kahit mahirap ang mga kalagayang ito, makabuluhan ang pinagdaraanan naming pagdurusa. Kung hihintayin natin na bumagsak ang satanikong rehimen at tumigil ang pang-uusig bago tayo manampalataya sa Diyos, matatapos na ang gawain ng Diyos at mawawalan kami ng pagkakataon na maligtas. Bakit dapat nating ipalaganap ang ebanghelyo? Dahil ito ang mga huling araw at ito ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kung mapapalagpas natin ang pagkakataong ito, hinding-hindi tayo maliligtas. Sa hinaharap, mas lalong lalala ang mga kalamidad at hindi na natin ito makakayanan pa.” Marami-rami ang ibinahagi namin noong oras na iyon, at pagkatapos, sinabi ng ilang baguhan, “Hindi natin mapoprotektahan ang ating sarili mula sa mga kalamidad na ito, at walang sinuman, kahit ang gobyerno, ang makapagliligtas sa atin. Ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa atin, kaya dapat tayong manampalataya sa Diyos at dumalo sa mga pagtitipon.” Sabi ng ilang baguhan, “Hindi tayo pwedeng matakot na arestuhin o pagmultahin ng gobyerno, ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at dapat tayong patuloy na magtipon.” Pagkatapos niyon, nagbahagi kami tungkol sa katotohanan ng pagkakatawang-tao at sa gawain ng paghatol. Pagkatapos silang diligan sa loob ng sampung araw pagkatapos niyon, lahat sila ay regular nang nakakadalo sa mga pagtitipon.
Paglipas ng mga sampung araw, nagpatrolya uli ang mga pulis sa gabi. Natakot si Nevin na madawit at ayaw na niyang manatili pa kami sa kubo niya. Hindi ko maiwasang magreklamo nang maharap sa sitwasyong ito. Napakaraming baguhan ang kailangan naming diligan at suportahan, napakaraming suliranin sa gawain namin, at wala man lang kaming matuluyan. Labis akong nalungkot at nawalan ako ng ganang lutasin ang mga isyu ng mga baguhan. Kalaunan, nagpadala sa akin ang isang sister ng sipi ng mga salita ng Diyos: “Dahil kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay nagpasakop, at kung ang taong iyan ay nakatupad sa kalooban ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay nakaabot sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagpapasakop, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, pinagnilayan ko ang aking sarili: Noong una akong magsimulang sumuporta sa mga baguhan, inakala ko na ginagampanan ko ang aking tungkulin, na siguradong magiging maayos ang takbo nito, at na mauunawaan, iho-host, at poprotektahan ako ng mga baguhan. Nang maharap ako sa pang-uusig, walang nag-host sa akin, at maraming problema ang lumitaw sa gawain namin, nagreklamo lang ako tungkol sa kung gaano kahirap ang sitwasyong kinalalagyan ko, at kung paanong hindi sabik sa katotohanan ang mga baguhan. Pakiramdam ko ay talagang napakahirap ng gawain at ginusto ko nang umuwi. Pagdating sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga, talagang ayaw kong magpasakop. Inisip ko lang ang mga interes ng aking laman at hindi ko pinahalagahan ang kalooban ng Diyos. Labis akong nahiya. Kalaunan, nagpadala sa akin ang isang sister ng paalala: “Bakit hindi mo nagawang magpasakop pagdating sa pagdurusa at pagbabayad ng halaga? Bakit palagi mo na lang iniisip ang mga interes ng iyong laman? Anong tiwaling disposisyon ang nagsanhi nito?” Patuloy kong pinagnilayan ang mga tanong ng sister.
At nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ngayon, maaari bang makaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin ang mga bagay na nangyayari sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro? Halimbawa, nagiging abala minsan sa trabaho, at kailangan ng mga tao na magtiis ng kaunting hirap at medyo magbayad ng halaga upang magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin; pagkatapos nito ay bumubuo ang ilang tao ng mga kuru-kuro sa kanilang isipan at nagsisimula ang kanilang paglaban, at maaari silang maging negatibo at tamad sa kanilang trabaho. Minsan, hindi gaanong abala ang trabaho, at nagiging mas madaling gampanan ang mga tungkulin ng mga tao, at sumasaya ang ilan at naiisip, ‘Mainam sana kung laging ganito kadaling gampanan ang aking tungkulin.’ Anong klaseng tao sila? Sila ay mga tamad na indibidwal na sakim sa mga kaginhawahan ng laman. Ang mga tao bang gayon ay tapat sa pagganap ng kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Sinasabi ng gayong mga tao na nais nilang magpasakop sa Diyos, pero may mga kondisyon ang kanilang pagpapasakop—ang mga bagay ay dapat umaayon sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at hindi magiging pahirap sa kanila upang makapagpasakop sila. Sakaling makaranas sila ng problema at kailangan nilang magtiis ng hirap, labis silang magrereklamo at magrerebelde at sasalungat pa sa Diyos. Anong klaseng mga tao sila? Sila ay mga tao na hindi umiibig sa katotohanan. Kapag umaayon ang mga kilos ng Diyos sa kanilang mga pansariling kuru-kuro at mga kagustuhan, at hindi nila kailangang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, nakakaya nilang magpasakop. Pero kung hindi umaayon ang mga gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro o mga kagustuhan, at kung kailangan nilang magtiis ng hirap o magbayad ng halaga, hindi nila nakakayang magpasakop. Hindi man nila ito lantarang sinasalungat, sa kanilang puso, lumalaban at naiinis sila. Tinitingnan nila ang kanilang mga sarili na nagtitiis ng matinding hirap at nagkikimkim sila ng mga reklamo sa kanilang puso. Anong klaseng problema ito? Ipinapakita nito na hindi sila umiibig sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na may ilang tao na gustong maging maayos lang ang takbo ng mga bagay-bagay sa kanilang tungkulin. Sa sandaling maharap sila sa mga suliranin at dapat silang magdusa o magbayad ng halaga, lumalaban at nagrereklamo sila. Ang gayong mga tao ay tamad, nagnanasa ng kaginhawahan ng laman, hindi tapat sa kanilang tungkulin, hindi nagpapahalaga sa kalooban ng Diyos kahit kaunti, at hindi nagmamahal sa katotohanan. Napagtanto kong ganoon din ako. Gusto ko lang ng isang madaling tungkulin at na maging maayos ang takbo ng gawain. Hindi ako handang magdusa o magbayad ng halaga. Nang maharap sa pang-uusig, nang hindi maglakas-loob ang mga baguhan na patuluyin kami o na magtipon dahil sa takot na maaresto at bukod sa nagdusa ang aking katawan dahil sa kawalan ng matutuluyan, kinailangan ko ring magbayad ng mas malaking halaga para maghanap ng mga baguhan at magbahagi tungkol sa mga salita ng Diyos at tulungan sila, nagreklamo ako tungkol sa kung gaano kahirap ang mausig, kung gaano kahina ang loob ng mga baguhan at ginusto ko na lang na huminto sa tungkulin ko at umalis. Sa sandaling maharap ako sa mga suliranin, iniisip ko na ang mga interes ng sarili kong laman at wala ako ni kaunting katapatan at pagpapasakop. Tinulutan ng Diyos na mangyari ang sitwasyong ito at gusto Niyang hanapin ko ang katotohanan at matuto ako ng mga aral mula sa karanasang ito, pero hindi ko pinahalagahan ang buhay pagpasok, palagi kong ninanasa ang kaginhawahan ng laman at itinuturing ang aking tungkulin ayon sa sarili kong mga kagustuhan. Talagang hindi ako isang taong nagmamahal sa katotohanan.
May isa pang sipi na labis na nakaantig sa akin. Sabi ng Diyos: “Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? … Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita, dinidiligan at tinutustusan ang mga tao at binibigyan Niya tayo ng pagkakataong gampanan ang ating mga tungkulin, habang umaasa Siya na hahangarin at kakamtin natin ang katotohanan sa ating mga tungkulin, na magbabago ang ating disposisyon at maliligtas tayo. Ito ang pagpaparangal at biyaya ng Diyos. Pinahahalagahan ng mga nagmamahal sa katotohanan ang mga ganitong pagkakataon. Habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, hinahangad at tinatamo nila ang katotohanan. Pero ako, hindi ko minahal ang katotohanan at kapag nahaharap ako sa mga paghihirap sa aking tungkulin, nagiging mapanlaban ako at nagrereklamo ako tungkol sa aking sitwasyon. Pakiramdam ko, ang lahat ng ito ay sobrang nakakapagod at mahirap, ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga at ginusto ko na lang na umurong. Dahil napakatamad ko at ayaw kong hangarin ang katotohanan noon, kahit na sinundan ko ang Diyos hanggang sa pinakadulo, hinding-hindi ko matatamo ang katotohanan o makakamit ang pagbabago sa disposisyon, at mapapalayas at maparurusahan ako sa huli. Kinailangan kong ihinto ang pagpapalayaw sa aking laman, kinailangan kong maghimagsik laban rito at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Napagtanto ko na mahina ang loob at natatakot ang mga baguhang ito dahil kakapasok pa lang nila sa pananampalataya, hindi pa sila nagkapundasyon sa tunay na daan at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung hindi ako nagbayad ng halaga at dumanas ng kaunting paghihirap para diligan at suportahan sila, malamang na hindi makakapanindigan ang mga baguhang ito nang mag-isa, at matutukoy ako bilang isang taong may pagsalangsang. Hindi mahalaga kung may pamilya man na magho-host sa amin at hindi mahalaga kung daranas kami ng pagdurusa, handa akong magpursige sa aking tungkulin at tuparin ang aking responsabilidad. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, mas naging panatag ako at naging determinado ako na danasin ang anumang sumapit sa akin. Noong araw na iyon, pinuntahan ako ng nanay ni Nevin sa bukid at sinabi sa akin, “Nagsisimula na ngayon ang pagpapatrolya ng mga milisya tuwing gabi, nag-aalala kami na masasalubong ninyo sila, eh mga tagalabas kayo na labas-masok dito sa nayon.” Nagbahagi ako sa kanya, sinabi ko, “Nang handa na ang Diyos na wasakin ang Sodoma, gustong saktan ng mga Sodomita ang dalawang anghel na ipinadala ng Diyos doon. Nakaligtas si Lot dahil pinatuloy niya ang dalawang anghel sa kanyang tahanan. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang huling yugto ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang mga taong ito na umuusig sa mga mananampalataya ay kasingsama ng mga Sodomita. Normal lang na mag-alala, pero dapat tayong magkaroon ng pananalig. Mahuli man tayo o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos. Dapat tayong higit na magdasal sa Diyos, poprotektahan Niya ang Kanyang sariling gawain. Kung hindi mo kami patutuluyin at kailangan naming umalis, hindi ka namin madidiligan. Kung patutuluyin mo kami habang ipinapalaganap namin ang ebanghelyo rito, ito ay iyong mabuting gawa, at tatandaan ito ng Diyos.” Pagkatapos kong magbahagi, hindi na siya gaanong natatakot at naging masaya pa nga siya. Pagkatapos niyon, inasikaso niya kami nang mabuti at nagkaroon ako ng matutuluyan, at nakipagbahaginan ako sa mga baguhan at nagdaos ng mga pagtitipon araw at gabi. Pagkatapos maunawaan ang ilang katotohanan, inanyayahan ng mga baguhan ang kanilang mga kaibigan at pamilya na makinig sa ebanghelyo. Sa loob lamang ng dalawang buwan, 120 taganayon ang tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Masayang-masaya ako na makita ang lahat ng baguhang ito na dumadalo sa mga pagtitipon. Sa kabila ng katunayan na ito ay isang mahirap na proseso at nagdusa ako nang kaunti, payapa ang pakiramdam ko dahil alam kong natupad ko ang aking tungkulin. Dahil nasaksihan ko ang patnubay ng Diyos, nagkamit ako ng pananalig.
Kalaunan, inatasan kami ng aming superbisor na suportahan ang mga baguhan sa ibang nayon. Pumunta muna kami sa bahay ng isang baguhan, si Brother John. Medyo maagap si John sa kanyang mga tungkulin at nagawa niyang magsama ng mga baguhan sa pagtitipon, pero kalaunan ay tumigil siya sa pagdalo sa mga pagtitipon dahil sa takot na maaresto. Gusto naming suportahan muna si John at sa pamamagitan niya, masusuportahan namin ang iba pang baguhan, pero ayaw kaming kausapin ni John. Sabi ng asawa niya, “Sa isang pulong sa aming nayon, sinabihan kami na huwag makinig sa mga sermon o manampalataya sa Diyos. Nagpapatrolya sa gabi ang milisya at aarestuhin nila ang sinumang mahuhuling nakikinig. Pinagbawalan nila kaming makinig sa mga sermon, natatakot kaming maaresto; at medyo abala rin kami at wala kaming oras para makinig.” Matapos sabihin iyon, hindi na niya kami pinapansin. Nang makita kung paanong hindi man lang kami pinagsalita ng baguhang ito at iniwasan niya kami, pakiramdam ko ay tila mahihirapan talaga kami rito. Mahaba at nakakapagod ang biyahe papunta at pabalik sa nayon, at kaya, tumigil ako sa pagsuporta sa mga baguhan at nagpatuloy ako sa paggawa ng ibang gawain. Pagtagal-tagal, muling ipinaalala sa akin ng superbisor na abala sa araw ang mga baguhan at na maaari kong puntahan ang mga ito sa gabi. Naisip ko, “Iniiwasan nila tayo at ayaw nilang makinig; kahit pumunta ako, hindi ko alam ang gagawin ko. Mahaba ang biyahe papunta roon at lalong mas mahirap sa gabi, kaya ayaw kong pumunta.” Pagkatapos, napagtanto ko na sa patuloy na pagpapaliban ko sa pagpunta roon, iniiwasan ko ang aking responsabilidad sa mga baguhan. Naisip ko ang paghahayag ng Diyos kung paano gumagawa ang mga huwad na lider. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Sabihin nang may isang trabaho na maaaring makumpleto sa isang buwan ng isang tao. Kung aabutin ng anim na buwan para magawa ang trabahong ito, hindi ba’t magiging kawalan ang limang buwan doon? Hayaan ninyo Akong magbigay ng halimbawa tungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Handa ang ilang tao na saliksikin ang tunay na daan at kailangan lang ng isang buwan upang mapagbalik-loob, pagkatapos ay umaanib na sila sa iglesia at patuloy na nadidiligan at natutustusan. Anim na buwan lamang ang kailangan para magkaroon ng pundasyon. Pero kung ang saloobin ng taong nagpapalaganap ng ebanghelyo ay saloobing walang pakialam at pabasta-basta, at ang mga lider at manggagawa ay walang pagpapahalaga sa responsabilidad, at sa huli ay inabot ng kalahating taon para mapagbalik-loob ang taong iyon, hindi ba’t katumbas ng kalahating taon na ito ang nawala sa buhay nila? Kapag naharap sila sa isang malaking sakuna at wala silang pundasyon sa tunay na daan, malalagay sila sa panganib, at hindi ba’t magkakautang ka sa kanila? Ang gayong kawalan ay hindi nasusukat sa pera o mga materyal na bagay. Inantala mo ang pagkaunawa nila sa katotohanan nang kalahating taon, pinatagal mo ang pagkakaroon nila ng pundasyon at pagganap sa tungkulin nila nang kalahating taon. Sino ang mananagot para dito? Kaya bang akuin ng mga lider at manggagawa ang responsabilidad para dito? Ang responsabilidad para sa pag-antala sa buhay ng isang tao ay lagpas sa kakayahang pumasan ng kahit sino. Dahil walang makakapasan sa responsabilidad na ito, ano ang angkop na gawin ng mga lider at manggagawa? Apat lang na salita: Gawin ang makakaya ninyo. Gawin ang makakaya ninyo para gawin ang ano? Para tuparin ang mga responsabilidad ninyo mismo, gawin ang lahat ng makikita ninyo, mag-isip sa inyong puso, at magkamit gamit ang inyong kakayahan. Ito ang gawin ang makakaya ninyo, ito ay pagiging tapat at responsable, at ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mga lider at manggagawa” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos natutunan ko na anuman ang trabaho ng isang tao, kung maaari itong gawin sa loob ng isang buwan, pero inabot ng anim na buwan bago ito matapos, ito ay isang napakalaking kawalan. Halimbawa, sa kaso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung handa ang isang tao na magsiyasat sa tunay na daan, maaari siyang mapasampalataya sa loob ng isang buwan at makapasok sa sambahayan ng Diyos sa tamang oras kung tutuparin ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang kanyang responsabilidad. Tutulutan nito ang taong ito na maunawaan ang katotohanan nang mas maaga at magkapundasyon sa tunay na daan. Kung hindi tayo magbabayad ng halaga sa ating tungkulin, kung mayroon tayong kaswal at mapagwalang-bahala na saloobin at inabot ng anim na buwan bago mapasampalataya ang taong ito, magiging isang malaking kawalan ito sa buhay niya. Kung sasapit ang mga kalamidad, at hindi pa natanggap ng mga taong ito ang gawain ng Diyos, at wala silang pagdidilig at panustos ng katotohanan at mamamatay sila, walang sinuman ang may kayang managot sa mga gayong pagkamatay. Kaya, kinakailangan dito na hindi natin ipagpaliban ang ating mga tungkulin at dapat nating gawin ang lahat ng ating makakaya para matupad ang ating mga responsabilidad, upang magkaroon tayo ng malinis na konsensiya. Habang sinusuportahan ang mga baguhan at nagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi ako handang magbayad ng halaga at ayaw kong magdusa. Nang italaga ako para suportahan ang mga baguhan at ipalaganap ang ebanghelyo sa nayong iyon, at naharap ako sa mga paghihirap at mahabang biyahe, binigyang-layaw ko ang aking laman at ninais kong huwag pumunta, nagpapaliban araw-araw. Mahina ang loob ng mga baguhang ito, natatakot sila at hindi naglalakas-loob na dumalo sa mga pagtitipon dahil sa pang-uusig ng gobyerno; lubha silang nangangailangan ng pagdidilig at pagsuporta para maunawaan nila ang katotohanan at makalaya sa mga pumipigil sa kanila. Kung matatapos na ang gawain ng Diyos at hindi pa nakawala ang mga taong ito sa madidilim na puwersa, at hindi sila nagtipon at nakinig sa mga salita ng Diyos, kung gayon, hindi nila mauunawaan ang katotohanan at makakamit ang kaligtasan ng Diyos, at sila ay mapapahamak sa mga kalamidad. Dagdag pa rito, marami sa nayong iyon ang hindi pa nakarinig sa tinig ng Diyos. Kung hindi ako pumunta roon, hindi ko maipapalaganap ang ebanghelyo at hindi maririnig ng mga taong iyon ang tinig ng Diyos at hindi nila matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Mabibigo ako sa aking responsabilidad kapag nagkaganoon. Kinailangan kong itigil ang pagpapaliban at isantabi ang aking mga pag-aalala. Ano man ang lumitaw na sitwasyon, kailangan kong pagdaanan ito at tuparin ang aking mga responsabilidad.
Kalaunan, naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bilang isang nilikha, bilang isa sa mga sumusunod sa Diyos, kahit na anong edad, kasarian, o posisyon, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay misyon at tungkuling dapat tanggapin ng lahat. Kung dumating sa iyo ang misyong ito at hinihinging gugulin mo ang iyong sarili, magbayad ng halaga, o ibigay pa nga ang buhay mo, ano ang dapat mong gawin? Tungkulin mong tanggapin ito. Ito ang katotohanan, ito ang dapat mong maunawaan. Hindi ito isang simpleng doktrina–ito ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing katotohanan ito? Dahil kahit paano man magbago ang panahon, ilang dekada man ang lumipas, o paano man magbago ang mga lugar at espasyo, palaging magiging isang positibong bagay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos. Hindi kailanman magbabago ang kahulugan at halaga nito: Hinding-hindi ito maiimpluwensiyahan ng pagbabago sa panahon o sa pang-heograpiyang lokasyon. Walang hanggan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, at bilang isang nilikha, dapat mo itong tanggapin at isagawa. Ito ang walang hanggang katotohanan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kumbinsihin ang mga Tao). Labis akong naantig sa mga salita ng Diyos. Biyaya ng Diyos na marinig ko ang tinig Niya. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagdidilig sa mga baguhan ay tungkulin ko at kailangan kong tapusin ang gawaing ito. Kapag kailangan kong magdusa at magbayad ng halaga, dapat ko itong tanggapin nang walang kondisyon. Anumang mga paghihirap o sitwasyon ang kakaharapin ko, kailangan kong magpasakop at tumupad sa aking tungkulin. Nang mapagtanto ko ito, pumunta ako sa nayon nang mag-isa. Madilim na nang umalis ako at umuulan na. Habang naglalakad ako sa kalsada, nagdarasal ako sa Diyos. Maya-maya pa, may nakasalubong akong matandang babae habang naglalakad. Sinabi ko sa kanya na papunta ako sa kanyang nayon at kaya naglakad kami nang magkasunod. Pagkarating ko sa nayon, hindi ko na nakita ang matandang babae. Madilim noon. Hindi ako pamilyar sa mga kalsada roon at hindi ko alam kung saan pupunta, kaya umupo na lang ako sa gilid ng kalsada. Balisang-balisa ako noon, nag-aalala ako na baka hindi ko malaman kung ano ang sasabihin kapag may makasalubong akong nagpapatrolya sa gabi, kaya, patuloy akong tumawag sa Diyos sa aking puso. Nang sandaling iyon, may isang babaeng pauwi mula sa pagtatrabaho sa bukid at, nang makita niya ako na nakaupong mag-isa, tinanong niya ako, “Bakit ka nakaupo riyan? Pwede kang sumama sa akin pauwi.” Sinundan ko siya pauwi sa bahay niya, at nang ipalaganap ko sa kanya ang ebanghelyo, tinanggap niya ito. Nang maglaon, nagsama siya ng iba na makikinig. Nang mabalitaan ng mga tao na nagpapalaganap ako ng ebanghelyo, personal akong hinanap ng ilan at pinapunta ako sa kanilang bahay para ipalaganap ang ebanghelyo. Pinatotohanan ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at talagang nasiyahan sila sa pakikinig tungkol dito. May ilang nagsabi, “Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus, Sila ay iisang Diyos. Dapat tayong patuloy na makinig sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos.” Sinabi naman ng iba, “Kahit na usigin tayo ng gobyerno, patuloy tayong makikinig.” Lubos na masigasig ang ilang baguhan sa mga pagtitipon, dumadalo sila araw at gabi, at talagang nauuhaw at nagnanais silang magtipon at makinig sa mga sermon. Talagang nagulat ako. Noon, palagi kong binibigyang-layaw ang aking laman at ayaw kong magdusa at magbayad ng halaga, pero nang ituwid ko ang aking kalagayan at naging handa akong makipagtulungan, nakita ko na ang ginagawa ng Diyos ay lagpas pa sa ating imahinasyon. Ang kakayahan naming palawakin ang aming pagpapalaganap ng ebanghelyo sa pamamagitan ng babaeng iyon ay isang tanda ng paggawa ng Diyos sa Kanyang gawain. Tinulutan ako nitong makita ang awtoridad ng Diyos at pinatibay ang aking determinasyon na ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkaraan ng mga isang buwan, naipalaganap na namin ang ebanghelyo sa buong nayon. Nagsimulang magtipon muli ang karamihan sa mga baguhan na takot na maaresto dati. Mahigit 80 taganayon ang regular na nagtitipon at nakapagtatag kami ng isang iglesia. Salamat sa Diyos!
Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutunan ko na ang saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin ay napakahalaga. Kapag nagpapasakop at nagpapahalaga tayo sa kalooban ng Diyos, nakikita natin na gaano man kahirap ang ating gawain, hangga’t taimtim tayong nagtutulungan, magiging maliwanag ang patnubay ng Diyos. Sa kabila ng pagpapakita ng katiwalian, pagiging negatibo at mahina at pagnanais na huminto, sa pamamagitan ng patnubay at pagtustos ng mga salita ng Diyos, hindi ako sumuko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at hindi ako umalis nang may pagsisisi. Ang lahat ng ito ay may proteksiyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nagkamit ako ng pananalig at nagkaroon ng pag-usad sa buhay.