77. Talaga bang Malas Kapag Nagkakamali?
Noong Abril 2023, responsable ako para sa gawain ng ebanghelyo sa iglesia. Pagkalipas ng ilang panahon, nagdaos ng isang pagtitipon ang lider kasama kami at nagbahagi ng ilang katotohanan tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo. Sa tingin ko, kamang-mangha ang mga iyon. Kung lubusan kong ibabahagi ang mga katotohanang iyon sa mga tagapangaral ng ebanghelyo, mas magiging madaling lutasin ang mga kuru-kuro ng mga taong relihiyoso, na magiging lubos na kapaki-pakinabang sa gawain ng ebanghelyo. Pagkatapos, mabilis akong nagplano ng mga pagtitipon para makipagbahaginan sa mga tagapangaral ng ebanghelyo. Gayumpaman, noong panahong iyon, maraming kapatid sa iglesiang responsabilidad ko ang naaresto. Sa mga kapatid na kinailangan kong makatagpo, may ilan na hindi na makontak, samantalang ang ilan naman ay may mga alalahanin sa seguridad at hindi makadalo. Nang may pag-aatubili, kinailangan kong magsaayos ng mga pagtitipon kasama ang mga kapatid mula sa ibang mga iglesia. Nang subukan kong isaayos ito sa isang brother, sumagot siya na nagkaroon siya ng emergency na kailangang asikasuhin at hindi siya makakadalo sa pagtitipon sa susunod na dalawang araw. Naisip ko, “Bakit ba napakamalas ko? Pati ba naman ang pagsasaayos ng mga tao para dumalo sa isang pagtitipon ay napakahirap din? Sa tuwing may kritikal na sandali, lumilitaw ang iba’t ibang problema. Bakit ba hindi makausad nang maayos ang mga bagay-bagay?” Hindi nagtagal, nakatanggap ako ng isang liham mula sa lider, nagsasabi na tapos nang magbahagi ang mga iglesia sa ibang mga lugar at nagsimula nang magpatupad. Tinanong niya kung kumusta ang pag-usad ko. Nainggit ako at nag-alala, iniisip na, “Bakit napakasuwerte nila? Napakaayos ng pag-usad ng gawain nila, samantalang wala pa ring anumang pag-usad sa mga iglesia na saklaw ko. Iisipin kaya ng lider na wala akong kakayahan at napag-iiwanan sa gawain?” Sa mga isiping ito, lubha akong nairita, iniisip na, “Gusto ko ring gawin nang maayos ang gawain ko. Bakit hindi ako pinahihintulutan ng Diyos na maging maayos ang paggawa ko? Kung hindi ang taong ito na may mga alalahanin sa seguridad, may isa pa na masyadong abala para makahanap ng oras na dumalo. Parang sabay-sabay na lang natatambak ang lahat ng problema!” Nahaharap sa sitwasyong ito, nakaramdam ako ng kawalan ng magagawa at kawalan ng motibasyon sa tungkulin ko. Pagkatapos, sumulat ako sa isang sister mula sa ibang iglesia, hinihiling sa kanya na magsaayos ng isang pagtitipon at ipaalam sa akin ang iskedyul. Pero nang hindi inaasahan, naantala ang mensahero habang nasa daan. Sa sandaling natanggap ko ang sagot niya, hindi ko na naabutan ang naka-iskedyul na oras ng pagpupulong. Naisip ko, “Bakit ba napakamalas ko? Kung kailan naisaayos ko na ang pagdalo ng mga tao sa pagtitipon, saka ko pa hindi naabutan ang oras nito. Ipagpapaliban ang pagtitipon nang ilan pang araw.” Sa dalawang araw na iyon, lubha akong nabalisa, iniisip na, matibay akong nagpasya na isakatuparan ang isang plano ng gawain. Pero ngayon, pagkatapos ng napakahabang panahon, hindi pa ako nakipagkita sa sinuman. Ano na lang ang isasagot ko sa lider kapag nagtanong siya tungkol sa pag-usad ng gawain ko? Iisipin kaya niya na napag-iiwanan na ako sa gawain kung malaman niyang hindi ko pa nasisimulan ang pagpapatupad? Nang hindi inaasahan, makalipas ang dalawang araw, pinadalhan ako ng lider ng isang liham na nagsasabing naglunsad ang CCP ng isang panibagong malawakang pang-aaresto sa buong bansa, na nagreresulta sa mga pagkakaaresto ng maraming lider at manggagawa ng iglesia. Sinabihan ako na huwag munang magsaayos ng mga pagtitipon kaninuman. Nagreklamo ako sa puso ko, “Kakatapos ko lang makapagsaayos ng ilang tao na dadalo, at ngayon, hindi ko na naman sila mapagtipon-tipon. Mas lalo tuloy nagiging mahirap na isagawa ang gawaing ito!” Nahaharap sa lahat ng ito, lubha akong nadismaya, iniisip na, “Gusto ko rin namang husayan ang trabaho ko, pero bakit nagkaproblema ang lahat nang ipatupad ko ang gawain? Bakit hindi nagbigay ng proteksiyon ang Diyos? Mukhang hindi lang talaga maganda ang kapalaran ko.” Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas lalo kong nararamdaman na hindi ako masuwerte, dahil sa lahat ng nangyayaring mali. Nang gabing iyon, pabaling-baling ako sa kama at hindi ako makatulog. Nagdasal ako sa Diyos at hinanap ko ang Kanyang layunin. Naisip ko ang mga salita ng Diyos tungkol sa paglalantad ng paghahangad ng mga tao ng suwerte, kaya nahanap at nabasa ko ang kabanatang iyon ng mga salita ng Diyos.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang problema sa mga taong palaging iniisip na malas sila? Palagi nilang ginagamit ang pamantayan ng suwerte upang sukatin kung tama o mali ang kanilang mga ikinikilos, at upang timbangin kung aling landas ang dapat nilang tahakin, ang mga bagay na dapat nilang maranasan, at ang anumang problema na kanilang hinaharap. Tama ba iyon o mali? (Mali.) Nilalarawan nila ang masasamang bagay bilang malas at ang mabubuting bagay bilang suwerte o kapaki-pakinabang. Tama ba o mali ang perspektibang ito? (Mali.) Ang pagsukat ng mga bagay mula sa ganitong uri ng perspektiba ay mali. Ito ay isang sagad-sagaran at maling paraan at pamantayan ng pagsukat ng mga bagay-bagay. Dahil sa ganitong uri ng pamamaraan, madalas na nalulugmok ang mga tao sa pagkalumbay, at madalas silang nababagabag, at pakiramdam nila ay hindi kailanman nangyayari ang mga gusto nila, at na kailanman ay hindi nila nakukuha ang gusto nila, at sa huli, dahil dito ay palagi silang nababalisa, iritable, at nababagabag. Kapag hindi nalulutas ang mga negatibong emosyon na ito, patuloy na nalulumbay ang mga taong ito at nararamdaman nilang hindi sila pinapaboran ng Diyos. Iniisip nila na mabait ang Diyos sa iba ngunit hindi sa kanila, at na inaalagaan ng Diyos ang iba ngunit sila ay hindi. ‘Bakit lagi akong nababahala at nababalisa? Bakit palaging nangyayari sa akin ang masasamang bagay? Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang mabubuting bagay? Kahit isang beses lang, iyon lang ang hinihiling ko!’ Kapag tinitingnan mo ang mga bagay-bagay gamit ang ganitong maling paraan ng pag-iisip at perspektiba, ikaw ay mahuhulog sa bitag ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay patuloy na nahuhulog sa bitag na ito, patuloy kang makadarama ng pagkalumbay. Sa gitna ng pagkalumbay na ito, lalo kang magiging sensitibo sa kung ang mga bagay na nagaganap sa iyo ay suwerte ba o malas. Kapag ito ay nangyari, pinapatunayan nito na kontrolado ka na ng perspektiba at ideya ng suwerte at malas. Kapag ikaw ay kontrolado ng ganitong uri ng perspektiba, ang iyong mga pananaw at saloobin sa mga tao, pangyayari, at bagay ay wala na sa saklaw ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at sa halip ay naging sagad-sagaran na. Kapag ikaw ay naging sagad-sagaran na, hindi ka makakaahon sa iyong pagkalumbay. Paulit-ulit kang malulumbay, at kahit na ikaw ay karaniwang hindi nakakaramdam ng pagkalumbay, sa sandaling may mangyaring hindi kanais-nais, sa sandaling madama mo na may nangyaring kamalasan, agad kang malulumbay. Ang pagkalumbay na ito ay makakaapekto sa iyong normal na paghusga at pagpapasya, at maging sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan. Kapag ito ay nakaapekto sa iyong kaligayahan, galit, lungkot, at kasiyahan, guguluhin at sisirain nito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, pati na rin ang iyong kagustuhan at pagnanais na sundin ang Diyos. Kapag ang mga positibong bagay na ito ay nasira, ang ilang katotohanan na iyong naunawaan ay mawawala na parang bula at hindi talaga makakatulong sa iyo. Iyan ang dahilan kung bakit, kapag ikaw ay nahulog sa masamang siklo na ito, magiging mahirap para sa iyo na isagawa ang ilang katotohanang prinsipyo na iyong nauunawaan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang dahilan ng mga nararamdaman kong pagkairita at pagkadismaya nitong huli ay ang mali kong pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Sinusukat at hinaharap ko ang lahat ng bagay na nangyari sa akin sa pamamagitan ng pagtingin kung masuwerte o malas ba ako. Sa tuwing palaging nagaganap ang iba’t ibang pagkaantala sa panahon ng pagpapatupad ng gawain, at sa tuwing hindi maayos ang pag-usad ng pagsasaayos ng mga pakikipagtipon sa mga tao at nagkakaroon ng sagabal, pakiramdam ko ay napakamalas ko at masama ang kapalaran ko. Lalo na nang makita ko na normal na umuusad ang gawain sa ibang mga iglesia, samantalang sa akin, walang naging tama sa pagsasaayos sa mga tao na dumalo sa mga pagtitipon—kung hindi may mga alalahanin sa seguridad ang mga kapatid, masyado naman silang abala para makahanap ng oras, at hindi ko naabutan ang pagtitipon kahit na sa wakas ay nagawa kong isaayos ito—dahil sa lahat ng pangyayaring ito, mas lalo ko lang naisip na malas ako, at na masama ang kapalaran ko, kaya naman, nadismaya at nabagabag ako. Nagreklamo pa nga ako na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, kaya ako nawalan ng motibasyon na gawin ang tungkulin ko. Ngayon, naunawaan ko na na pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang iba’t ibang di-kanais-nais na sitwasyon para hanapin ko ang katotohanan at matuto, na siyang nakakabuti para sa buhay ko. Hindi ako puwedeng mamuhay sa mga negatibong emosyon. Nang mapagtanto ito, kumalma ang puso ko. Gusto kong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko at harapin nang tama ang mga kapaligirang isinaayos ng Diyos.
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ang totoo, ang pagkagusto o hindi ng isang tao sa isang bagay ay batay sa kanyang sariling mga motibo, ninanais, at interes, sa halip na sa diwa ng bagay na iyon mismo. Kaya naman, ang batayan ng mga tao sa pagsukat kung ang isang bagay ay maganda ba o masama ay hindi tumpak. Dahil ang batayan ay hindi tumpak, ang pangwakas na mga kongklusyon na kanilang nabubuo ay hindi rin tumpak. Bumalik tayo sa paksa ng suwerte o malas, ngayon ay alam na ng lahat na ang kasabihang ito tungkol sa suwerte ay walang saysay, at na ito ay hindi maganda at hindi rin masama. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, maging ang mga ito man ay maganda o masama, ay pawang itinatakda ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya dapat harapin mo nang wasto ang mga ito. Tanggapin mo ang magandang bagay mula sa Diyos, at tanggapin mo rin ang masamang bagay mula sa Diyos. Huwag mong sabihing suwerte ka kapag mabubuting bagay ang nangyayari, at na malas ka kapag masasamang bagay ang nangyayari. Masasabi lamang na mayroong mga aral na dapat matutunan ang mga tao sa lahat ng bagay na ito, at hindi nila ito dapat tanggihan o iwasan. Pasalamatan ang Diyos para sa mabubuting bagay, ngunit pasalamatan din ang Diyos para sa masasamang bagay, sapagkat ang lahat ng ito ay isinaayos Niya. Ang mabubuting tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran ay nagbibigay ng mga aral na dapat matutunan nila, ngunit may mas higit pa na matututunan sa masasamang tao, mga pangyayari, bagay, at kapaligiran. Lahat ng ito ay mga karanasan at senaryo na dapat maging bahagi ng buhay ng isang tao. Hindi dapat gamitin ng mga tao ang ideya ng suwerte para sukatin ang mga ito. Kaya, ano ang mga iniisip at pananaw ng mga taong gumagamit ng suwerte para sukatin kung ang mga bagay ay mabuti ba o masama? Ano ang diwa ng gayong mga tao? Bakit masyado nilang binibigyang-pansin ang suwerte at malas? Ang mga tao bang masyadong nakatuon sa suwerte ay umaasa na suwerte sila, o umaasa ba silang malas sila? (Umaasa silang suwerte sila.) Tama iyan. Sa katunayan, hinahangad nila ang suwerte at na mangyari sa kanila ang mabubuting bagay, at sinasamantala lang nila ang mga ito at pinakikinabangan ang mga ito. Wala silang pakialam kung gaano man magdusa ang iba, o kung gaano karaming paghihirap o suliranin ang kailangang tiisin ng iba. Ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang bagay na sa tingin nila ay malas. Sa madaling salita, ayaw nilang mangyari sa kanila ang anumang masama: walang mga dagok, pagkabigo o pagkapahiya, walang pagpupungos, walang kawalan, pagkatalo, o pagkalinlang. Kapag nangyari ang anuman sa mga iyon, iniisip nilang malas ito. Sinuman ang nagsaayos nito, kung mangyari ang masasamang bagay, malas ito. Umaasa sila na ang lahat ng mabubuting bagay—ang maitaas ang ranggo, mamukod-tangi, at ang masamantala ang iba, ang makinabang mula sa ibang bagay, kumita nang malaki, o maging opisyal na mataas ang ranggo—ay mangyayari sa kanila, at iniisip nila na suwerte iyon. Palagi nilang sinusukat batay sa suwerte ang mga tao, pangyayari, at bagay na nakahaharap nila. Hinahangad nila ang suwerte, hindi ang malas. Sa sandaling magkaroon ng aberya sa kaliit-liitang bagay, sila ay nagagalit, nayayamot, at hindi nasisiyahan. Sa mas prangkang pananalita, makasarili ang ganitong uri ng mga tao. Hinahangad nilang masamantala ang iba, makinabang, manguna, at mamukod-tangi. Masisiyahan sila kung sa kanila lang mangyayari ang lahat ng mabubuting bagay. Ito ang kanilang kalikasang diwa; ito ang tunay nilang mukha” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi puwedeng ilarawan bilang maganda o masama ang mga bagay-bagay batay sa kung maayos ba ang pag-usad ng mga ito o hindi. Wala itong kinalaman sa suwerte. Ang mga kapaligirang nararanasan natin araw-araw ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang mga ito ay pawang nakakabuti sa buhay natin. Kung iisipin ang tungkol sa mga walang pananampalataya na hindi sumasampalataya sa Diyos, anuman ang mangyari sa kanila, hindi nila ito tatanggapin mula sa Diyos, isinasaalang-alang lang ang sarili nilang mga interes at kawalan. Kapag nahaharap sa kahirapan, nagrereklamo sila tungkol sa langit at sinisisi nila ang iba, iniisip na malas sila at na masama ang kapalaran nila. Hindi ba’t ganoon din ako? Dati, sa tuwing may nakikita akong isang tao na tila maayos ang pag-usad ng lahat ng bagay sa gawain para sa kanya—palaging tumataas ang ranggo, pinapaboran ng amo, o labis na pinahahalagahan ng iba—hindi ko maiwasang isipin na napakaganda ng kapalaran niya, at na tila palagi siyang nakakaranas ng mga kanais-nais na sitwasyon, samantalang hindi ako kasingpalad niya, sa kabila ng pagsisikap din nang ganoon, at palagi akong nahaharap sa iba’t ibang suliranin, at hindi ko magawang mamukod-tangi o mapansin, at madalas akong sinasaway ng amo. Kaya, pinaniniwalaan ko na ang lahat ng kamalasan ay nangyayari sa akin, at nagrereklamo ako tungkol sa langit at sinisisi ko ang iba. Kahit na matapos akong sumampalataya sa Diyos, ganoon pa rin ako. Sa tuwing may nakikita akong mga kapatid na may mahusay na kakayahan at epektibo sa mga tungkulin nila, at na pinapahalagahan ng mga lider at hinahangaan ng iba, nakakaramdam ako ng inggit sa puso ko, pakiramdam ko ay napakasuwerte nila, samantalang napakamalas ko talaga, madalas na nakakaranas ng mga balakid at ng ka hirapan sa mga tungkulin ko. Naniniwala ako na ito ay dahil sa kamalasan ko. Nakikita ko na ngayon na kakatwa ang perspektiba ko. Kung ano ang itinuring kong kahirapan at kamalasan, natukoy ko iyon batay sa sarili kong mga interes. Napagnilayan ko na kung naging maayos ang pagpapatupad ko ng gawain sa simula pa lang, at bumuti ang mga resulta, at napansin ako ng iba, tiyak na magiging masaya sana ako. Namutawi sa mga labi ko ang pahayag na isinasaalang-alang ko ang mga layunin ng Diyos, at na magsisikap ako sa tungkulin ko para pagbutihin ang pagiging epektibo ng gawain ko. Gayumpaman, ang totoo, nag-alala lang ako sa sarili kong reputasyon at katayuan, at sa kung ano ang tingin sa akin ng lider. Wala talaga akong puwang para sa Diyos sa puso ko. Talagang napakamakasarili ko! Sa tuwing nakataya ang mga personal kong interes, nagrereklamo ako tungkol sa langit at sinisisi ko ang iba, at hindi ko ito tinatanggap mula sa Diyos. Hindi ba’t kapareho ito ng pananaw ng mga walang pananampalataya?
Kalaunan, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Lahat ay kailangang dumaan sa maraming dagok at kabiguan sa buhay. Sino ang may buhay na puno ng kasiyahan lamang? Sino ang hindi kailanman nakararanas ng anumang kabiguan o dagok? Kapag minsan ay hindi umaayon sa mga plano mo ang mga bagay-bagay, o nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan, ito ay hindi kamalasan, ito ang dapat mong maranasan. Parang pagkain ito—kailangan mong pare-parehong kainin ang maasim, ang matamis, ang mapait, at ang maanghang. Hindi kayang mabuhay ng mga tao nang walang asin at kinakailangan nilang kumain ng kaunting maalat na pagkain, ngunit kung sosobrahan mo ang asin, ito ay makakasama sa iyong bato. May panahon na kailangan mong kumain ng ilang maasim na pagkain, ngunit hindi maganda sa iyong ngipin o tiyan kung masosobrahan ka sa pagkain nito. Lahat ay dapat kinakain nang hinay-hinay lang. Kumakain ka ng maaasim, maaalat, at matatamis na pagkain, at kailangan mo ring kumain ng mapapait na pagkain. Ang mapapait na pagkain ay maganda para sa ilang internal organ, kaya dapat kang kumain nito nang kaunti. Ganito rin ang buhay ng tao. Ang karamihan sa mga tao, pangyayari, at bagay na iyong kakaharapin sa bawat yugto ng iyong buhay ay hindi mo magugustuhan. Bakit ganito? Ito ay dahil ang mga tao ay naghahangad ng iba’t ibang bagay. Kung hinahangad mo ang kasikatan, pakinabang katayuan at kayamanan, at hinahangad mong maging higit sa iba at makamit ang malaking tagumpay, at iba pa, halos lahat ng bagay ay hindi mo magugustuhan. Gaya lamang ng sinasabi ng mga tao: ‘Kamalasan at kapahamakan ang lahat ng ito.’ Gayumpaman, kung bibitiwan mo ang ideya ng kung gaano ka kasuwerte o kamalas, at tatratuhin mo ang mga bagay na ito nang kalmado at tama, makikita mong karamihan sa mga bagay ay hindi naman gaanong hindi paborable o mahirap harapin. Kapag tinalikuran mo ang iyong mga ambisyon at ninanais, kapag hindi mo na tinutulan o iniwasan ang anumang kapahamakan na iyong nararanasan, at hindi mo na sinukat ang gayong mga bagay batay sa kung gaano ka kasuwerte o kamalas, marami sa mga bagay na dati mong itinuturing na kapahamakan at masama, ay iisipin mo na ngayon na mabuti—ang masasamang bagay ay magiging mabubuti. Ang iyong mentalidad at kung paano mo tingnan ang mga bagay-bagay ay magbabago, na magbibigay-daan sa iyo na magbago ng damdamin tungkol sa iyong mga karanasan sa buhay, at kasabay nito ay magkakamit ka ng iba’t ibang gantimpala. Ito ay isang kakaibang karanasan, isang bagay na magdadala sa iyo ng mga di-inaasahang gantimpala. Ito ay isang mabuting bagay, hindi masama” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kailangang pagdaanan ng bawat tao ang maraming bagay sa buhay, dumaranas ng maraming hadlang at kabiguan, pati na ng mga sandali ng kagalakan at kalungkutan. Sa ganitong paraan, napapayaman ang mga karanasan natin sa buhay. Madalas tayong nakakaranas ng mga bagay na hindi umaayon sa gusto natin, at bagaman nagdudulot ito sa atin ng dalamhati at sama ng loob, sa paraang ito lang tayo magiging mas malakas at unti-unting nagiging mas hinog at matatag ang pagkatao natin. Katulad na lang kapag nakakaranas tayo ng ilang kabiguan at nabubunyag sa mga tungkulin natin, sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili natin at paghahanap sa katotohanan kalaunan, nauunawaan natin ang sarili nating katiwalian at mga pagkukulang. Nakakabuti ito sa buhay pagpasok natin. Kung wala ang mga karanasang ito, para lang tayong mga bulaklak sa isang greenhouse, hindi matagalan ang kahit katiting na bagyo, nagiging napakarupok. Pinagnilayan ko ang ilang kapatid na nakasalamuha ko noon, ang ilan ay may mahusay na kakayahan at epektibo sa mga tungkulin nila, at labis na pinahahalagahan ng iba. Sa panlabas, mukhang maayos ang takbo ng lahat ng bagay para sa kanila, at na hindi sila nakaranas ng anumang mga hadlang o kabiguan. Gayumpaman, hindi nila hinangad ang katotohanan. Ipinagyabang nila ang sarili nila at ipinangalandakan ang kataasan nila sa posisyon sa tuwing medyo epektibo ang gawain nila. Ginawa nila ang mga tungkulin nila ayon lang sa sarili nilang kagustuhan, na humantong sa malulubhang pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Sa huli, pinatalsik sila dahil sa pagtahak sa landas ng mga anticristo at hindi pagsisisi. Dahil dito, napagtanto ko na ang maayos na pag-usad ng paggawa sa tungkulin at ang pagkakaroon ng pagpapahalaga mula sa iba ay hindi palaging magagandang bagay o mga palatandaan ng suwerte. Ang pinakamahalaga ay kung ang isang tao ay tumatahak ba sa landas ng paghahangad sa katotohanan at kung nakatuon ba siya sa paghahanap sa katotohanan para lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon sa harap ng iba’t ibang bagay. Naunawaan ko rin na ang bawat kapaligiran na sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao ay kapaki-pakinabang sa buhay ng mga tao basta’t hinahanap nila ang katotohanan at natututo sila mula rito. Kung gagamitin ako bilang halimbawa, kung hindi ako nakaranas ng mga balakid at hadlang sa mga tungkulin ko kamakailan, hindi ko mapagtatanto na sa paggawa ng tungkulin ko, ginagawa ko lang ito para magpakitang-tao sa harap ng iba, gumagawa para sa reputasyon at katayuan, at na nasa maling landas ako. Kahit na matapos ko ang tungkulin ko sa ganitong paraan sa huli, hindi naman talaga masasabi na isinasagawa ko ang katotohanan o ginagawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Sa huli, kapopootan at ititiwalag ako ng Diyos dahil sa kawalan ng pagbabago sa aking tiwaling disposisyon. Napagtanto ko na sa likod ng mga di-kanais-nais na sitwasyong ito, naroon ang mabuting layunin ng Diyos, at iyon ay ang makilala ko ang sarili ko, at ito ay pagmamahal ng Diyos.
Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting karagdagang pagkaunawa sa sarili ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tao ay namumuhay at naghahangad mula sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Kaya, hindi maiwasang tingnan nila ang lahat ng bagay, at husgahan at limatahan ang lahat ng bagay, batay sa mga kuru-kuro at imahinasyong ito. Kaya, paano man ipagkaloob ng Diyos ang katotohanan at sabihin sa mga tao kung anong mga pananaw ang dapat nilang panghawakan at anong landas ang dapat nilang tahakin, hangga’t hindi binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, patuloy silang mamumuhay ayon sa mga ito, at ang mga kuru-kuro at imahinasyong ito ay natural na magiging buhay ng mga tao at ang mga batas para manatili silang buhay, at hindi maiiwasan na ang mga ito ang magiging mga gawi at pamamaraan ng pagharap ng mga tao sa lahat ng uri ng pangyayari at bagay. Sa sandaling ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao ay maging ang mga prinsipyo at pamantayan ng pagtingin nila sa mga tao at bagay at ng pag-asal at pagkilos nila, kung gayon, paano man sila manampalataya sa Diyos, o paano man sila maghangad, at gaano mang paghihirap ang pagdusahan nila o gaano mang halaga ang bayaran nila, mawawalan ng saysay ang lahat ng ito. Hangga’t ang isang tao ay namumuhay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon niya, ang taong ito ay lumalaban sa Diyos at mapanlaban sa Kanya; wala siyang tunay na pagpapasakop sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos o sa mga hinihingi ng Diyos. Sa huli, kung gayon, magiging lubhang kalunos-lunos ang kalalabasan niya” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 2). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay mga balakid at sagabal na humahadlang sa mga tao sa pagsasagawa at pagkakamit sa katotohanan. Kapag nahaharap tayo sa mga bagay-bagay, hindi madaling magpasakop kung huhusgahan natin ang mga ito batay sa sarili nating mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa panahong ito, namuhay ako sa mga kuru-kuro at imahinasyon ko. Naisip ko na kapag ipinapatupad ang gawain, gusto ko ring pagbutihin ang pagiging epektibo at isinasaalang-alang ko ang gawain. Kaya, naniwala ako na dapat sana ay pinrotektahan ako ng Diyos at tiniyak na magiging maayos ang pag-usad ng lahat ng bagay. Ngayon, nakikita ko na lubhang hindi makatwiran ang mga iniisip ko. Sa likod ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, naroon ang mga metikulosong pagsasaayos at mabuting layunin ng Diyos. Hulmado rin ang mga ito sa mga pangangailangan ng tao. Kahit na tila kontra sa mga kuru-kuro ng tao ang ilang kapaligiran, naglalaman ang lahat ng ito ng mabuting kalooban ng Diyos. Hindi natin dapat husgahan ang mga bagay-bagay ayon lang sa panlabas nito. Dapat akong tumayo sa posisyon ng isang nilikha at magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Nagnilay ako na sa pagkakataong ito, ang kabiguan kong maisayos ang pagtitipon at maipatupad ang gawain, sa totoo lang, ay naglalaman ng proteksiyon mula sa Diyos. Ito ay dahil nalaman ko kaulanan na ang bahay na plano kong gawing lugar ng pagtitipon ay isinailalim sa pagbabantay ng pulisya. Buti na lang, hindi kami pumunta roon. Kung hindi, baka naaresto o nasubaybayan kami, na maaaring magsangkot ng mas maraming tao at magdulot ng mas malulubhang kahihinatnan. Nang pag-isipan ko ito nang mabuti kalaunan, nakita ko na bukod sa ipinakita sa akin ng sitwasyong ito ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, tinulungan din ako nito na magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa sarili ko. Nakita ko na ang motibasyon ko sa paggawa ng mga tungkulin ko ay para sa sarili kong pakinabang, hindi para isagawa ang katotohanan upang mapalugod ang Diyos. Nang magsaayos ang Diyos ng mga kapaligiran na hindi akma sa mga kuru-kuro ko, humingi ako at nagreklamo tungkol sa Diyos nang walang katwiran, ibinubunyag ang paghihimagsik at paglaban ko sa Diyos. Kung hindi dahil sa gayong mga sitwasyon, hindi ako magkakaroon ng anumang pagkaunawa sa sarili ko, lalong hindi ako magsisisi at magbabago. Napagtanto ko na ang lahat ng ito ay pagliligtas ng Diyos sa akin. Ngayong maraming iglesia sa iba’t ibang lugar ang nahaharap na sa mga pang-aaresto ng mga pulis, sa ganoong kapaligiran, maaari ko lang subaybayan nang palihim ang mga eksena. Bagaman limitado ang magagawa ko, kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko nang buong lakas ko, maghanap ng mga paraan para magkamit ng mas magagandang resulta sa gawain, at tuparin ang mga responsabilidad ko sa kontekstong ito. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Sabi ng ilan, ‘Sa mga partikular na lugar na may malulupit na kapaligiran, hindi namin nagagawang makipag-ugnayan sa mga tao nang harapan. Paano namin sila masusuri?’ Gaano man kalupit ang kapaligiran, mayroon pa ring mga pamamaraan at diskarte para pangasiwaan ang mga usaping ito. Depende ito kung responsable ka at tunay na nakatuon. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Kung ibinibigay mo ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit hindi ideyal ang resulta, sinisiyasat at alam ito ng Diyos, at hindi ikaw ang mananagot. Pero kung hindi mo ibibigay ang iyong katapatan at pagiging responsable, kahit na hindi magkaroon ng problema at hindi ito humantong sa anumang masamang kahihinatnan sa huli, sisiyasatin pa rin ito ng Diyos. Magkaiba ang kalikasan ng dalawang pamamaraang ito, at tatratuhin din ng Diyos nang magkaiba ang mga ito” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Dahil sa kasalukuyan, karaniwang hindi makapagbigay ng malilinaw na sagot ang mga kapatid tungkol sa ilang kuru-kurong panrelihiyon, tumuon ako sa ilang pangunahing kuru-kuro at humanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos, pagkatapos ay sumulat sa mga kapatid, detalyadong nakikipag-usap sa kanila batay sa sarili kong pang-unawa. Nang makaranas ang mga kapatid ng mga problema at paghihirap sa pangangaral ng ebanghelyo, agad akong nakipag-ugnayan para makipagbahaginan sa kanila. Sa ilang panahon ng paggampan sa gawaing ito, medyo bumuti ang bisa ng pangangaral namin ng ebanghelyo kumpara noon. Bagaman marami pa ring problema sa gawain, may pananalig ako na gawin ito. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay!