48. Ang Kabayaran ng Pagpapaimbabaw

Ni Flora, USA

Noong Hunyo 2021, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia. Noong panahong iyon, sa totoo lang ay talagang hindi ito inaasahan dahil napakabata ko pa kumpara sa ibang mga lider, at dahil lubhang mababaw ang buhay pagpasok ko, hindi ko alam kung magagawa kong pangasiwaan ang tungkuling ito. Pero nang makita ko kung gaano karaming kapatid ang bumoto sa akin, naramdaman ko na sang-ayon ang lahat sa akin, kaya tinanggap ko ang tungkulin. Aktibo kong sinangkapan ang sarili ko ng mga katotohanang prinsipyo, at kapag nakakatagpo ako ng mga problemang hindi ko nauunawaan, agad akong humihingi ng tulong sa iba, at kaya, unti-unti akong nagkaroon ng mas mabuting pagkaunawa sa kung paano gawin ang gawain ng iglesia. Isang araw, sinabi sa akin ng isang sister na nakatuwang ko, “Sinabi ng nakatataas na lider na nakatuon ka sa pag-usad at nagagawa mong aktibong lagpasan ang mga paghihirap. Napakaganda niyon.” Talagang natuwa ako na marinig ito, at hindi ko inasahan na makatanggap ng gayong papuri mula sa pamunuan, at tila sa mga mata nila, isa akong taong naghahangad sa katotohanan at positibo sa hinaharap, at nagpasya akong patuloy na magsikap. Pero hindi nagtagal pagkatapos nito, nagsimulang sumulpot nang sunod-sunod ang mga problema sa gawain ko. Hindi gumagawa ng tunay na gawain ang mga superbisor na pinili ko, at hindi ko patuloy na sinubaybayan o pinamahalaan ang gawain nila, na nagdulot ng malulubhang kawalan sa gawain. Pinungusan ako ng lider dahil sa pagiging iresponsable sa tungkulin ko, tinatawag akong isang “taong nakatuon lang sa mga papeles” na hindi nagprotekta sa gawain ng iglesia. Nakaramdam ako ng kaunting pagkakonsensiya sa aking kapabayaan at nag-alala ako kung ano ang iisipin ng lider sa akin, at kung iisipin ba niya na hindi ko sinunod ang mga prinsipyo sa pagpili ko ng mga tauhan, at kung tatanggalin ba niya ako dahil hindi ako angkop sa pamumuno. Ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid kung sakaling tatanggalin talaga ako? Sasabihin ba nila na nagkamali sila sa pagpili sa akin bilang lider? Talagang nasiraan ako ng loob. Inisip ko kung paanong tinawag ako ng lider na isang taong nakatuon lang sa mga papeles na iresponsable sa kanyang tungkulin. Ayaw kong manatili sa ganitong bansag, kaya inisip ko, na siguro kung gagampan ako nang maayos simula noon, baka magbago ang pagsusuri ng lider tungkol sa akin at magkakaroon ng panibagong respeto sa akin ang mga kapatid. Baka sabihin nila na kahit matapos akong pungusan, hindi ako sumuko sa pagkanegatibo, sa halip, nagpatuloy akong gawin nang normal ang tungkulin ko, na nagpapakita na isa akong taong naghahangad ng katotohanan. Sa ganitong paraan, mapapanatili ang reputasyon ko bilang isang taong nakatuon sa pag-usad at may motibasyon. Isinasaisip ang mga bagay na ito, sinikap kong lutasin ang mga problema sa gawain ko sa lalong madaling panahon.

Kalaunan, madalas na tanungin ng nakatataas na lider ang tungkol sa gawain ko, pero hindi ko na ginawa ang mga bagay nang kasingtuwiran tulad ng dati. Imbes na lapitan kaagad ang lider kung nakakatagpo ako ng anumang problema o paghihirap, ngayon, natatakot ako na may matutuklasan siyang iba na hindi ko nagawa nang maayos. Isang beses, kinailangan naming maghanap ng isang taong mangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin. Ang una kong naisip ay si Sister Khloe, na talagang bihasa sa pangangasiwa ng mga pangkalahatang gampanin, kayang protektahan ang mga interes ng iglesia kapag may mga nangyayari, at handang maghirap sa mga tungkulin niya nang hindi natatakot na mahapo. Pero naalala ko na tinanggal siya noon bilang superbisor dahil sa mayabang niyang disposisyon at kawalan ng kakayahang makipagtulungan sa iba. Kung muli ko siyang ipo-promote at ganoon pa rin ang magiging asal niya, iisipin kaya ng lider na wala akong pagkilatis at nakikita ko lang ang mga tao batay sa kanilang panlabas na anyo? Nanatili akong hindi sigurado kung makakaya na ba ni Khloe na gumampan muli ng isang papel sa pangangasiwa, pero masyado akong natatakot na humingi ng patnubay mula sa lider, at nanatiling hindi natatapos ang proseso sa pagpili ng superbisor. Mayroon ding usapin tungkol sa lider ng iglesia na si Harlow. Anim na kapatid ang nagtipon-tipon para iulat siya dahil sa sobrang kayabangan, at sa paggamit ng posisyon niya para hamakin at supilin ang mga tao. Nilapitan ko ang mga lider ng pangkat at mga superbisor para siyasatin ang usapin. Napag-alaman ko na tunay ngang mayabang si Harlow at mahilig siyang sermunan ang iba pero sinabi rin ng ilan na ginagawa niya iyon dahil nilalabag ng mga kapatid ang mga prinsipyo. Sa mga nakikitang magkakaibang pagsusuring ito, hindi ko malinaw na makita ang mga bagay-bagay. Naisip kong humingi ng patnubay mula sa nakatataas na lider, pero naalala ko na sunod-sunod na akong nakagawa ng ilang pagkakamali sa pagkilatis sa mga tao, kung paanong nagbahagi ang lider ng maraming prinsipyo sa akin, pero ngayon, nahaharap sa isang sitwasyon, hindi ko pa rin makilatis ang mga tao, at naisip ko kung iisipin ba niya na mahina ang kakayahan ko, na hindi ko maunawaan ang mga prinsipyo kahit gaano pa ibahagi ang mga ito, at hindi ako angkop na maging lider. Nag-alinlangan ako, iniisip na dapat muna akong mas mag-obserba at tatanggalin lang siya kapag lubos ko nang naunawaan ang sitwasyon.

Isang araw, nakatuklas ang lider ng mga isyu sa pagpili ko ng taong mangangasiwa sa mga pangkalahatang gampanin at ibinahagi niya ang mga prinsipyo ng pangangasiwa sa gayong mga usapin. Sabi niya, “Ang pagkakatanggal noon ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring maging superbisor muli ang isang tao, nakasalalay ito sa kanyang pagsisisi. Higit pa rito, iba ang pagpili ng superbisor para sa pangkalahatang gawain kaysa sa pagpili ng lider ng iglesia. Ang pokus ay hindi sa kanyang paghahangad sa katotohanan, kundi sa kung siya ba ang tamang tao na kayang magtaguyod sa gawain ng iglesia. Dagdag pa rito, kung iniisip ng karamihan sa mga tao na mayroon silang talento para dito, puwede silang magsanay. Kung hindi ka sigurado, puwede mong hilingin sa ibang mga kapatid na makipagtulungan sa kanya.” Pagkatapos ng pagbabahagi niya, pinungusan din niya ako dahil sa napakatagal na pagpapaliban sa isyu, nang hindi naghahanap ng mga solusyon, sinasabi na masyado akong nagiging makasarili at hindi pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Hindi ko inasahan na habang mas sinisikap kong magpanggap at itago ang mga bagay-bagay, mas maraming problema ang nalalantad. Nang hindi namamalayan, sinimulan kong higit na bigyang-pansin ang tono at ekspresyon ng mga tao. Kapag kinakausap ako ng lider, sinusubukan kong hulaan mula sa tono ng kanyang boses kung lumalala ba ang impresyon niya sa akin, kung sinusuri ba niya ang pagiging angkop ko bilang lider, at kung hihinto ba siya sa pagbibigay sa akin ng mga responsabilidad. Sa aking pagtataka, makalipas ang isang buwan, isinaayos ng lider na pangasiwaan ko ang gawaing pangvideo. Naisip ko, “Kung hindi ko huhusayan sa pagkakataong ito, baka talagang tatanggalin na ako. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito at gumampan nang maayos.” Gayumpaman, hindi ako pamilyar sa gawaing pangvideo, at nang lumitaw ang mga problema, hindi ko alam kung paano lulutasin ang mga ito. Nang tanungin ng lider ang kalagayan ng gawain, masyado akong kinabahan, natatakot na baka may mapansin siyang bagay na hindi ko nagawa nang maayos. Kaya, kapag nag-uulat tungkol sa gawain, inuulat ko lang ang magagandang balita at hindi ang masasamang balita, binibigyang-diin ang mga parte ng pag-usad, at sinasabi ko na nagsusumikap ako sa mga solusyon para sa mga parte na hindi umuusad. Noong panahong iyon, nakaramdam ako ng matinding presyur. Ilang beses kong naisip na magtapat sa lider na hindi ko kayang pangasiwaan ang trabaho, pero nag-alala ako na kung gagawin ko iyon, tuluyang mawawala ang tanging positibo kong katangian ng pagiging isang taong nakatuon sa pag-usad sa paningin ng iba. Bago ko namalayan, anim na buwan na ang lumipas, at naantala nang anim na buwan ang gawaing dapat sana ay natapos sa lang sa loob ng isang buwan. Lumala nang lumala ang kalagayan ko. Kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi ako nakakatanggap ng anumang liwanag at palagi akong inaantok, at parang hindi nakakonekta sa Diyos ang mga dasal ko. Walang tigil ang naramdaman kong nerbiyos at pagkabalisa.

Isang beses, mas malalim ang pangunguwestiyon sa akin ng lider, natuklasan niya ang mga isyung ito, at tinanggal ako. Sabi niya, “Hindi mo hinahangad ang katotohanan, at masyado kang banidoso. Mas gusto mong gawin ang tungkulin mo nang mag-isa, hindi kailanman komukonsulta o naghahanap sa iba, at masyado kang nag-aalala sa reputasyon at katayuan mo! Batay sa iyong palagiang pag-uugali, hindi ka na puwedeng magpatuloy bilang lider.” Sa sandaling iyon na tinanggal ako, malinaw sa akin na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay nasa akin, at sarili ko lang ang dapat sisihin. Hindi nagtagal, nalaman ko na nag-aamok si Harlow sa iglesia, bumubuo ng mga pangkat, at sinusupil at pinahihirapan ang mga hindi sumusunod sa kanya. Naging magulo ang iglesia, at hindi organisado ang mga tao, at sa huli, ibinukod siya dahil sa masama niyang pagkatao. Nahaharap sa resultang ito, lubos akong hindi mapanatag. Dahil nabigo akong maagap na makita nang malinaw ang mga isyu niya at maghanap ng patnubay, naiwan sa posisyon ng pamumuno ang isang masamang tao, pinipinsala ang mga kapatid sa loob ng napakahabang panahon at lubhang ginugulo ang gawain ng iglesia. Habang pinagninilayan kung gaano ko kasamang ginawa ang mga tungkulin ko, napuno ako ng pagkakonsensiya at labis na nahihiyang harapin ang mga kapatid. Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko: Paano ako humantong sa ganito? Lumuhod ako sa harap ng Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako kung paano tunay na pagnilayan at unawain ang lahat ng nagawa ko.

Kalaunan, habang binabasa ko ang ilang salita ng Diyos, nagsimula akong magkaroon ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung kayo ay isang lider o manggagawa, natatakot ba kayong tanungin at pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang inyong gawain? Natatakot ba kayong matuklasan ng sambahayan ng Diyos ang mga kapabayaan at kamalian sa inyong gawain at pungusan kayo? Natatakot ba kayo na kapag nalaman na ng Itaas ang inyong tunay na kakayahan at tayog, maiiba ang tingin nila sa inyo at hindi kayo isasaalang-alang na taasan ng ranggo? Kung may ganito kang mga kinatatakutan, pinatutunayan nito na hindi para sa kapakanan ng gawain ng iglesia ang mga motibasyon mo, gumagawa ka alang-alang sa reputasyon at katayuan, na nagpapatunay na may disposisyon ka ng isang anticristo. Kung may disposisyon ka ng isang anticristo, malamang na tahakin mo ang landas ng mga anticristo, at gawin ang lahat ng kasamaang inihasik ng mga anticristo. Kung, sa iyong puso, hindi ka natatakot na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang iyong gawain, at nagagawa mong magbigay ng mga tunay na sagot sa mga katanungan at pag-uusisa ng Itaas, nang walang itinatagong anuman, at sinasabi kung ano ang nalalaman mo, kung gayon tama man o mali ang sinasabi mo, kahit ano pang katiwalian ang naibunyag mo—kahit naibunyag mo pa ang disposisyon ng isang anticristo—siguradong hindi ka tutukuyin na isang anticristo. Ang susi ay kung nagagawa mo bang alamin ang sarili mong disposisyon ng isang anticristo, at kung nagagawa mo bang hanapin ang katotohanan upang malutas ang problemang ito. Kung isa kang taong tinatanggap ang katotohanan, maaayos ang iyong anticristong disposisyon. Kung alam na alam mo na mayroon kang disposisyon ng isang anticristo pero hindi mo hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, kung sinusubukan mo pang pagtakpan o pagsinungalingan ang mga problemang nagaganap at iwasan ang responsabilidad, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kapag isinasailalim ka sa pagpupungos, kung gayon ay isa itong seryosong problema, at wala kang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nababatid na may disposisyon ka ng isang anticristo, bakit hindi ka nangangahas na harapin ito? Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, ‘Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin’? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inilantad ng salita ng Diyos ang kalagayan ko. Ang pangunahing dahilan kung bakit ako natakot sa pangangasiwa at pagtatanong ng lider tungkol sa gawain ko ay ang pag-aalala ko para sa aking reputasyon at posisyon. Natakot ako na matutuklasan ng lider ang mga problema sa gawain ko at tatanggalin niya ako, at natakot akong mawala ang posisyon ko. Kaya, kapag nahaharap sa mga paglihis at mga problema sa gawain ko, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para itago ang mga ito, at hangga’t maaari kong mapanatili ang posisyon ko, mas pinipili kong gumamit ng panlilinlang at ipagpaliban ang gawain. Inilantad ng labis kong pagmamahal sa aking posisyon ang anticristong disposisyon ko. Pakiramdam ko, maganda ang tingin sa akin ng mga kapatid at ng lider, kaya, ninais kong gumampan nang maayos sa lahat ng aspekto para mapanatili ang posisyon ko bilang lider. Dahil sa pagiging iresponsable ko sa tungkulin ko, at kawalan ng mga prinsipyo sa pagpili ng mga tao, pinungusan ako nang ilang beses. Pagkatapos niyon, nagsimula akong mag-isip-isip na baka masabi ng lider na hindi sapat ang kakayahan ko at tatanggalin niya ako, dahilan para mawalan ako ng posisyon. Ito ang ugat ng aking pangamba. Kaya, nagsimula akong magpanggap at pagtakpan ang sarili ko. Kapag sinusubaybayan ng lider ang gawain at mayroon siya ng ilang katanungan, pinag-iisipan ko nang ilang beses ang mga tugon ko bago sumagot, sinusubukang bawasan ang pagkakalantad ng mga problema. Inuulat ko ang mga pag-usad sa gawain ko pero itinatago ko ang mga isyu. Kapag nakakatagpo ako ng mga tao o mga usaping hindi malinaw sa akin, hindi ako naghahanap ng patnubay, sa halip, nagpapanggap ako para isipin ng lider na kaya kong mangasiwa at lumutas ng mga aktuwal na isyu. At kahit naaantala ang ilang gawain at hindi makapagpatuloy, nagpapanggap pa rin ako at hindi naghahanap ng patnubay, para lang protektahan ang katayuan ko. Dahil nabulag ako sa aking pag-aalala para sa reputasyon at katayuan, sunod-sunod na pagkakamali ang nagawa ko, na nagiging dahilan para maantala at hindi makausad nang normal ang maraming gawain. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Bakit hindi mo ito maharap nang tapatan at sabihing, ‘Kung magtatanong ang Itaas tungkol sa aking gawain, sasabihin ko ang lahat ng alam ko, at kahit malantad pa ang masasamang bagay na nagawa ko, at hindi na ako gamitin ng Itaas sa sandaling malaman nila, at mawalan ako ng katayuan, sasabihin ko pa rin nang malinaw ang kailangan kong sabihin’? Ang takot mong pangasiwaan at kuwestiyunin ang gawain mo ng sambahayan ng Diyos ay nagpapatunay na mas pinahahalagahan mo ang iyong katayuan kaysa sa katotohanan. Hindi ba ito ang disposisyon ng isang anticristo? Ang pagpapahalaga sa katayuan nang higit sa lahat ay disposisyon ng isang anticristo.” Nahaharap sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay lubha akong kinondena. Tinuturuan tayo ng Diyos na kapag nag-uulat tayo ng gawain, dapat tayong magsalita nang matapat, kahit ano pa ang mga problema. Kahit na ibig sabihin nito ay mawala ang ating katayuan, dapat tayong magsalita nang malinaw tungkol sa mga isyu at hindi itago ang mga ito, at matapat na iulat ang mga problema. Gayumpaman, kabaligtaran mismo ang mga kilos ko. Mas ginusto kong masinungaling, magpanggap, at manlinlang, isinasakripisyo ang integridad ko para protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Lubos akong nakumbinsi ng mga salita ng Diyos, ipinapakita sa akin na ang tunay kong hinahangad at pinahahalagahan ay ang reputasyon at katayuan lamang.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Likas na buktot ang mga anticristo; wala silang isang puso ng pagkamatapat, ng pagmamahal sa katotohanan, o ng pagmamahal sa mga positibong bagay. Madalas silang namumuhay sa madidilim na sulok—hindi sila kumikilos nang may saloobin ng pagkamatapat, hindi sila nagsasalita nang tapat, at nagkikimkim sila ng buktot at mapanlinlang na puso kapwa sa ibang tao at sa Diyos. Gusto nilang linlangin ang iba, at linlangin pati ang Diyos. Hindi nila tatanggapin ang pangangasiwa ng iba, lalo na ang pagsisiyasat ng Diyos. … Pagkatapos makakuha ng katayuan ang isang taong tulad niyon, mas lalo siyang nagiging malihim sa kanyang pag-uugali kapag kasama ng ibang tao. Gusto niyang protektahan ang kanyang mga ambisyon, reputasyon, imahe at pangalan, ang kanyang katayuan at dignidad, at iba pa. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang maging tapat tungkol sa kung paano niya ginagawa ang mga bagay-bagay o sa kanyang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Kahit kapag siya ay nagkakamali, nagpapakita ng tiwaling disposisyon, o kapag mali ang mga motibo at intensiyon sa likod ng kanyang mga kilos, ayaw niyang magtapat at hayaang malaman ng iba ang tungkol dito, at kadalasan siyang nagpapanggap na inosente at perpekto para linlangin ang mga kapatid. At sa Itaas at sa Diyos, magagandang pakinggang bagay lang ang kanyang sinasabi, at madalas siyang gumagamit ng mga mapanlinlang na taktika at kasinungalingan para mapanatili ang kanyang relasyon sa Itaas. Kapag nag-uulat siya ng kanyang gawain sa Itaas, at nakikipag-usap sa Itaas, hindi siya kailanman nagsasalita ng anumang hindi maganda, para walang makatuklas ng anuman sa kanyang mga kahinaan. Hindi niya kailanman babanggitin kung ano ang ginawa niya sa ibaba, ang anuman sa mga isyu na lumitaw sa iglesia, ang mga problema o kapintasan sa kanyang gawain, o ang mga bagay na hindi niya maunawaan o makilatis. Hindi siya kailanman nagtatanong o naghahanap sa Itaas tungkol sa mga bagay na ito, at sa halip ay nagpapakita lang siya ng imahe at anyo ng kahusayan sa gawain, ng kakayahan na lubos na pasanin ang kanyang gawain. Hindi niya iniuulat sa Itaas ang anuman sa mga problema na umiiral sa iglesia, at kahit gaano pa kagulo ang mga bagay-bagay sa iglesia, ang laki ng mga depektong lumabas sa kanyang gawain, o kung ano ang eksaktong ginagawa niya sa ibaba, paulit-ulit niyang pinagtatakpan ang lahat ng iyon, sinisikap na hindi kailanman malaman ng Itaas o marinig ang anumang balita tungkol sa mga bagay na ito, umaabot pa nga hanggang sa paglilipat ng mga tao na konektado sa mga usaping ito o sa nakakaalam ng katotohanan tungkol sa kanya sa malalayong lugar sa pagsisikap na maitago kung ano ang talagang nangyayari. Anong uri ng pagsasagawa ang mga ito? Anong klaseng pag-uugali ito? Ito ba ang uri ng pagpapamalas na dapat mayroon ang isang tao na naghahangad sa katotohanan? Napakalinaw na hindi ito. Ito ay pag-uugali ng isang demonyo. Gagawin ng mga anticristo ang lahat ng kanilang makakaya para itago, para pagtakpan ang anumang bagay na maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang katayuan o reputasyon, itinatago ang mga bagay na ito mula sa ibang tao at mula sa Diyos. Ito ay panlilinlang sa mga nasa itaas at ibaba nila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem). Hinihimay ng Diyos ang buktot na kalikasan ng mga anticristo. Pagdating sa sarili nilang katayuan at reputasyon, kahit nakagawa ng mga pagkakamali o kasamaan, labis pa ring nagsusumikap ang mga anticristo para magpanggap, manlinlang, at magpakita ng mga huwad na anyo sa iba. Pareho nilang nililinlang ang mga nakatataas at mga nasa ibaba nila, hindi kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin o iwasto ang mga bagay-bagay, hindi rin nagninilay-nilay o nagsisisi. Simula nang mapungusan ako, nagsimula akong maghinala na masama ang impresyon sa akin ng lider. Pagkatapos niyon, nagsasalita man ako, kumikilos, o nag-uulat ng gawain, ang pangunahing inaalala ko ay kung paano mapapanatili ang reputasyon at katayuan ko. Kapag hindi ko makilatis ang mga tao at hindi ko alam kung paano pangangasiwaan nang wasto ang mga sitwasyon, hindi ako naghahanap ng tulong o hindi ko ito inuulat sa lider, sa halip, binabalewala ko ang mga isyu at isinasantabi ang mga ito, na nakaaantala sa gawain. Nang magkaroon ng mga suliranin sa gawaing pangvideo at hindi ko alam kung paano magpatuloy, hindi pa rin ako humingi ng patnubay o matapat na nag-ulat sa lider tungkol sa mga problema o sa totoong sitwasyon. Ang pinakamadalas na tumatakbo sa isipan ko ay na, bilang isang lider, kung hindi ko malulutas ang mga problemang ito, baka matanggal ako. Kaya, gaano man kahalaga ang gawain, patuloy kong pinrotektahan ang reputasyon at katayuan ko, gumagamit ng iba’t ibang panlilinlang para ipakita na may kakayahan akong lumutas ng mga problema, na nakaantala sa gawaing pangvideo nang hanggang anim na buwan. Sa diwa, lantaran akong nagsisinungaling, at nanlilinlang sa kapwa mga nasa itaas at ibaba ko. Nakita ko na tunay na buktot at mapanlinlang ang disposisyon ko! Pinagnilayan ko ang mga dati kong karanasan sa gawain sa mundo. Sa tuwing darating ang mga lider para inspeksiyunin ang gawain at suriin ang mga katangi-tanging yunit, sa sandaling malaman namin kung ano ang iniinspeksiyon, nag-oovertime kami para magdagdag ng iba’t ibang pekeng materyal para pumasa sa inspeksiyon, at binubura namin ang lahat ng bakas ng mga parteng hindi nagampanan nang maayos o may mga naiulat na isyu. Sa ganitong paraan, karaniwan kaming nakakalusot sa mga inspeksiyon at nakakatanggap ng titulong “Katangi-tanging Yunit.” Sa ilalim ng impluwensiya ng gayong masamang kalakaran, hindi na nakatuon ang mga tao sa pagsasalita o paggawa ng mga bagay-bagay nang matapat; nililinlang nila ang isa’t isa at gumagamit sila ng anumang paraan na magagamit nila para makamit ang kanilang mga layon. Noong hindi ko pa tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, hindi ko makilatis ang mga positibo at negatibong bagay. Umayon ako sa masasamang kalakaran ng mundo at namuhay nang walang anumang wangis ng tao. Ngayon, kahit pagkatapos tumanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw sa loob ng maraming taon, kumain at uminom nang labis sa salita ng Diyos, at naunawaan ang ilang batayan ng pagiging tao, gumagamit pa rin ako ng panlilinlang at huwad na pagpapakita sa aking mga tungkulin para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, inuulat lang ang mabubuting bagay at hindi isinasama ang masasama, na sadyang pagkakasala, at panlilinlang at pagkontra sa Diyos. Habang pinagninilayan ito, napuno ako ng takot. Noon, kapag nababalitaan ko ang tungkol sa paglalantad ng Diyos sa pag-uugali ng mga anticristo, palagi ko silang iniuugnay sa mga gumawa ng maraming kasamaan at na mga halatang anticristo, hindi kailanman seryosong nakikilala ang sarili ko sa mga salitang iyon. Ngayon, sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at sa paghahayag ng mga katunayan, nakita ko na tunay ngang taglay ko ang disposisyon at mga pag-uugali ng isang anticristo. Agad akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, hinihiling na magsisi at magbago, at hindi na nagnanais na umasal nang ganito.

Kalaunan, nabasa ko ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng karagdagang pang-unawa tungkol sa mga isyu ko at ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang tao na itinataas ng ranggo at nililinang ng iglesia, tumatanggap ng magandang pagkakataon na magsanay. Mabuting bagay ito. Masasabi na itinaas at biniyayaan sila ng Diyos. Kaya, paano nila dapat gawin ang kanilang tungkulin? Ang unang prinsipyo na dapat nilang sundin ay ang maunawaan ang katotohanan—kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kung hindi pa rin nila nauunawaan matapos ang paghahanap nang mag-isa, maaari silang humanap ng isang taong nakauunawa sa katotohanan para makipagbahaginan at maghanap kasama niya, na magiging dahilan para mas mapabilis at tama sa oras ang paglutas sa problema. Kung tututok ka lang sa paggugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at sa paggugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salitang ito, para makamit ang pagkaunawa sa katotohanan at malutas ang problema, napakabagal nito; ayon nga sa kasabihan, ‘Ang mga mabagal na lunas ay hindi kayang tumugon sa mga agarang pangangailangan.’ Pagdating sa katotohanan, kung nais mong umunlad kaagad, dapat mong matutuhan kung paano magtrabaho nang matiwasay kasama ng iba, at magtanong ng mas maraming katanungan at mas maghanap pa. Saka lamang mabilis na lalago ang iyong buhay, at magagawa mong malutas ang mga problema sa oras, nang walang anumang pagkaantala sa alinman. Dahil katataas pa lang ng ranggo mo at nasa probasyon ka pa rin, at hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan o taglay ang katotohanang realidad—dahil wala ka pa rin ng tayog na ito—huwag mong isipin na ang pagkakataas ng iyong ranggo ay nangangahulugang taglay mo na ang katotohanang realidad; hindi iyon ganoon. Ito ay dahil lang may nadarama kang pasanin sa gawain at nagtataglay ka ng kakayahan ng isang lider kaya ka napiling itaas ng ranggo at linangin. Kailangan may ganito kang katwiran. Kung, matapos kang itaas ng ranggo at maging lider o manggagawa, nagsimula kang igiit ang iyong katayuan, at maniwala na isa kang taong naghahangad sa katotohanan at na taglay mo ang katotohanang realidad—at kung, kahit ano pa ang mga problemang mayroon ang mga kapatid, nagkukunwari kang nauunawaan mo, at na espirituwal ka—kung gayon ay isa itong kahangalan, at katulad ito ng kapaimbabawan ng mga Pariseo. Dapat magsalita at kumilos ka nang totoo. Kapag hindi mo nauunawaan, maaari ka namang magtanong sa iba o maghanap ng pagbabahagi mula sa Itaas—walang nakakahiya tungkol sa alinman dito. Kahit hindi ka magtanong, malalaman pa rin ng Itaas ang totoo mong tayog, at malalaman na wala sa iyo ang katotohanang realidad. Ang marapat mong gawin ay ang maghanap at makipagbahaginan; ito ang katwiran na dapat makita sa normal na pagkatao, at ang prinsipyo na dapat sundin ng mga lider at manggagawa. Hindi ito isang bagay na dapat ikahiya. Kung iniisip mo na kapag naging lider ka na ay nakakahiyang hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo, o ang palaging magtanong sa ibang tao o sa Itaas, at kung natatakot kang mamaliitin ka ng ibang tao, at kaya nagkukunwari ka dahil dito, nagpapanggap na nauunawaan mo ang lahat, na alam mo ang lahat, na mayroon kang kakayahan sa gawain, na kaya mong gawin ang anumang gawain ng iglesia, at hindi mo kailangan ang kahit sino para magpaalala o magbahagi sa iyo, o kahit sino para tustusan o suportahan ka, mapanganib ito, at masyado kang mayabang at mapagmagaling, masyadong walang katwiran. Ni hindi mo nga alam ang sarili mong katangian—hindi ba’t dahil dito ay isa kang taong magulo ang isip? Ang gayong mga tao ay hindi talaga natutugunan ang mga pamantayan ng pagtataas ng ranggo at paglinang ng sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali ay tatanggalin at ititiwalag sila(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). “Sinasabi rin ng ilan, ‘Kapag nakakaranas tayo ng mga paghihirap o isyu, kailangan muna nating magbulay nang ilang araw, at saka lang ito iulat kung talagang wala tayong mahanap na solusyon.’ Maaaring tila may kaunting katwiran iyong mga nagsasabi nito, pero hindi ba’t malamang na makakapagdulot ng mga pagkaantala ang ilang araw ng pagbubulay na ito? Makakasiguro ka ba na makakalutas sa isyu ang ilang araw ng pagbubulay? Magagarantiya mo ba na hindi ito magdudulot ng karagdagang pagkaantala? Sinasabi ng iba, ‘Kung agad nating iuulat ang isang isyu, hindi ba’t iisipin ng Itaas na hindi man lang natin kayang makilatis ang maliit na isyung ito? Hindi ba’t tatawagin nila tayong mga hangal at mangmang, at pupungusan tayo?’ Mali silang sabihin ito—iulat mo man o hindi ang isyu, kitang-kita na ang kalidad ng kakayahan mo; alam ng Itaas ang lahat ng ito. Sa tingin mo ba ay pahahalagahan ka ng Itaas kung hindi mo iuulat ang isang isyu? Kung talagang iuulat mo ang isyu, at hindi ito nagdulot ng mga pagkaantala sa mga makabuluhang usapin, hindi ka papanagutin ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, kung hindi mo ito iuulat at hahantong ito sa mga pagkaantala, direkta kang mananagot, at agad kang tatanggalin, hindi na muling gagamitin kailanman. Ituturing ka rin ng mga hinirang ng Diyos bilang isang mangmang, hangal, mahina ang isipan, at nahihibang, at kamumuhian ka nila, at habambuhay ka nilang kasusuklaman. … Sa puntong ito, dapat malinaw nang nauunawaan ng lahat sa inyo ang ganitong mga uri ng mga problema, tama ba? Kapag nakakaranas kayo ng mga isyung hindi ninyo kayang pangasiwaan, iulat ang mga ito kaagad at makipagbahaginan sa grupo ng mga tagapagpasya para makahanap ng mga solusyon. Kung hindi kayang pangasiwaan ng grupo ng mga tagapagpasya ang mga ito, agad itong iulat sa Itaas; huwag mag-alala sa kung ano-anong bagay, ang pinakamahalaga ay ang magawang lutasin kaagad ang isyu(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Ginising ako ng mga salita ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, ang pagiging lider ay isang usapin lang ng pagsasagawa at paglilinang. Kaya, kapag nahaharap sa mga kalituhan at suliranin sa mga tungkulin, kailangang makipagtulungan at makipagtalakayan sa iba ang isang tao, at humingi ng tulong sa mga nakatataas para hindi maantala ang gawain. Kung palaging inilalagay ng isang tao ang sarili niya sa isang pedestal, iniisip na ang mapili bilang isang lider ay nangangahulugan na dapat nauunawaan niya ang mga katotohanang prinsipyo at may kakayahan siyang lutasin ang mga problema, at nagpapanggap siya at tumatangging maghanap kahit nahaharap siya sa mga isyung hindi niya nauunawaan, kung gayon, walang katwiran ang gayong tao at labis niyang pinoprotektahan ang kanyang reputasyon at katayuan, at madali niyang maaantala ang gawain ng iglesia. Isa akong buhay na halimbawa nito. Alam ko na mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan at na marami akong kakulangan, pero inakala ko na dahil napili ako bilang lider, dapat mas mahusay kong nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo kaysa sa mga kapatid at na dapat mas maabilidad ako kaysa sa kanila sa paglutas ng mga problema, at na sa ganitong paraan, maaaring makuha ang loob ng mga kapatid at sang-ayunan ako ng nakatataas na lider. Nang panghawakan ko ang maling pananaw na ito, hindi ko maiwasang magpanggap. Kapag lumilitaw ang mga problema sa mga tungkulin ko na hindi ko alam kung paano lutasin, hindi ako kailanman makapagsalita at makahingi ng tulong, natatakot na pagmumukhain ako nitong walang kakayahan at magiging kahiya-hiya, kaya palagi kong sinisikap na lutasin ang mga problema nang mag-isa. Naipit ako sa kumunoy ng reputasyon at katayuan, na parang nanlabo ang isipan ko. Nagpatuloy akong magpanggap at manlinlang, na lubhang nakaantala sa gawain ng iglesia. Habang pinagninilayan ito, binigyan ko ang sarili ko ng ilang malalakas na sampal sa mukha at nakaramdam ako ng labis na pagsisisi at pagkakonsensiya. Pagkatapos, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Anuman ang mga kalituhan o paghihirap na nararanasan mo sa gawain mo, hangga’t nakakaapekto ang mga ito sa mga hinirang ng Diyos sa paggampan sa mga tungkulin nila o nakakahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat malutas kaagad ang mga isyu. Kung hindi mo kayang lutasin ang isang isyu nang mag-isa, dapat kang humingi ng tulong sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan para makasama sila sa paglutas nito. Kung kahit ito ay hindi gagana, dapat mong isulong ang isyu at iulat ito sa Itaas para makahanap ng solusyon. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang isang prinsipyo. Sa mga bagay na kaugnay sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin, anuman ang sitwasyon, basta’t nakakaapekto sa mga tungkulin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang isang problema o nakakahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat itong malutas sa tamang oras. Sa mga bagay na hindi natin nauunawaan, dapat tayong komunsulta sa mga taong may alam at humanap ng mga solusyon sa lalong madaling panahon. Gayumpaman, palagi kong pinaniniwalaan na nagsisiyasat ako at aktibo kong nilulutas ang mga problemang ito kapag nahaharap sa mga ito, pero hindi ko kailanman isinaalang-alang kung kaya ko ba talagang lutasin ang mga ito, o kung kaya ko man, gaano katagal ito aabutin, o kung maaantala ba nito ang gawain. Hindi ko isinaalang-alang ang mga aspektong ito, at hindi namalayang nakaligtaan ko ang pinakamainam na pagkakataon na harapin ang mga isyu. Hindi ito aktibong paggampan sa gawain, lalong hindi ito direktang pagharap sa mga suliranin. Malinaw na ito ay paggawa nang nagsasarili at walang pakundangan, na hindi pagiging responsable sa gawain at lubha nitong naantala ang gawain ng iglesia. Tunay akong kakatwa at hangal! Sa katunayan, kapag nag-uusisa ang mga lider tungkol sa gawain o nagatatanong kung mayroon tayong anumang isyu, ito ay dahil umaasa silang maglalahad tayo ng mga tunay na problema at makikipagbahaginan. Makakatulong ito sa atin na maunawaan ang katotohanan, maarok ang mga prinsipyo, at unti-unting matutuhan kung paano pangasiwaan ang aktuwal na gawain. Napakapositibong bagay nito! Habang mas pinag-iisipan ko ito, mas pinagsisihan ko ang mga nagawa ko. Kung nakilala ko lang ang diwa at mga kahihinatnan ng pagpapanggap ko at binago ito nang mas maaga, hindi sana ako nakapagdulot ng labis na kawalan sa gawain, at hindi ko sana napalampas ang napakaraming pagkakataon na makamit ang katotohanan.

Minsan, isinaayos ng lider na pangasiwaan ko ang gawain ng pagpipinta at maraming beses siyang nagbahagi tungkol sa mga prinsipyo at kinakailangan. Pakiramdam ko ay na intindihan ko nang mabuti ang mga bagay na iyon sa oras na iyon, pero noong nagsimula na talaga akong gumawa, napagtanto ko na hindi ko na intindihan ang ilang detalye at hindi ko alam kung paano magpatuloy. Nabalisa na naman ako. Noong makipagbahaginan sa akin ang lider, mariin kong kinumpirma ang pagkaunawa ko, pero ngayong aktuwal ko nang ginagawa ang trabaho, hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko. Ano ang gagawin ko? Gusto kong tanungin muli ang lider, pero naisip ko kung sasabihin ba ng lider na, “Kahit napakadetalyado akong nagbahagi at ilang beses kong inulit ang mga bagay-bagay, bakit hindi mo pa rin na iintindihan? Tila wala ka talagang kakayahan!” Kaya, muli na naman akong hindi naglakas-loob na humingi ng tulong sa lider. Lumipas ang tatlong araw, at labis na akong nababalisa, kaya lumuhod ako para magdasal sa Diyos at sinabi ko sa Kanya ang tungkol sa kalagayan ko. Pagkatapos magdasal, naisip ko ang karanasan ko sa mga nakaraang kabiguan at naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Anuman ang mga kalituhan o paghihirap na nararanasan mo sa gawain mo, hangga’t nakakaapekto ang mga ito sa mga hinirang ng Diyos sa paggampan sa mga tungkulin nila o nakakahadlang sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia, dapat malutas kaagad ang mga isyu. Kung hindi mo kayang lutasin ang isang isyu nang mag-isa, dapat kang humingi ng tulong sa ilang taong nakakaunawa sa katotohanan para makasama sila sa paglutas nito. Kung kahit ito ay hindi gagana, dapat mong isulong ang isyu at iulat ito sa Itaas para makahanap ng solusyon. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng mga lider at manggagawa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 7). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na kung hindi ko hahangarin kaagad na makaunawa, sa paglipas ng mga araw, kung hindi matatapos sa oras ang gawain, maaantala ang pag-usad. Nang mapagtanto ito, nagpasya akong maging matapat at hindi pagtakpan ang aking sarili o magpanggap, kahit ano pa ang magiging tingin sa akin ng lider. Pagkatapos, humingi ako ng tulong sa lider, at muli niyang ibinahagi ang lahat, at agad na nalutas ang problema. Nag-alay ako ng dasal ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Tunay na masarap at nakakapagpalaya ang pagsasagawa sa ganitong paraan.

Sa pagninilay-nilay sa karanasang ito, lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pagsasaayos Niya ng napakaraming sitwasyon para pagdaanan ko. Bagama’t marami itong ibinunyag na mga katiwalian ko, ang mga ito ang pinakamagagandang pagkakataon para maunawaan ko ang sarili ko. Sa pamamagitan ng paglalantad, pagbibigay-liwanag, at patnubay ng mga salita ng Diyos, mas naunawaan ko ang aking sarili, natuto ako ng ilang aral, at nakatuklas ng ilang paraan kung paano tuparin nang maayos ang mga tungkulin ko. Pinasasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso.

Sinundan: 47. Isang Pagninilay sa Pagiging Pabaya

Sumunod: 49. Ibang Uri ng Pagpapala

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito