39. Hindi Madali ang Paglutas sa Pagiging Mapagmataas
Noong 2020, ang gawain ng ebanghelyo ng aming iglesia ay hindi nagkaroon ng magagandang resulta, kaya tinanggal ang diyakono ng ebanghelyo, at ako ang hinirang bilang kapalit. Nang marinig ko ang balitang ito, ako ay parehong nabahala at natuwa, iniisip ko na, “Sapagkat pinili ako ng mga kapatid, ibig sabihin nito ay may potensyal ako. Ilang taon na akong nagpapalaganap ng ebanghelyo, subalit hindi pa ako naging diyakono ng ebanghelyo noon. Ngayong sa wakas ay mayroon na akong pagkakataon, kailangan kong magsikap at ipakita sa lahat ang aking mga kakayahan.” Sa mga sumunod na araw, nakipagtulungan ako sa mga kapatid sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, patuloy na binubuod at itinatama ang mga paglihis mula sa naunang gawain, at madalas akong lumapit sa ibang tao upang makipagbahaginan tungkol sa mga isyung hindi ko nauunawaan. Makalipas ang ilang panahon, nagpakita ng malaking pag-unlad ang gawain ng ebanghelyo. Hinikayat kami ng mga lider na ipagpatuloy ang mabuting gawain at pinuri ako ng mga kapatid sa pagiging mapamaraan at pagkakaroon ng mahusay na kakayahan. Labis kong ipinagmamalaki ang sarili ko. Naisip ko, “Dahil ako ang nagdala ng pagbabago sa gawain ng ebanghelyo, tila tunay na mas mahusay ang aking kakayahan kaysa sa dating diyakono ng ebanghelyo.” Lubos akong nasiyahan sa aking sarili, na para bang ako ang naging saligan ng gawain ng ebanghelyo ng iglesia, at na hindi ako kayang palitan. Unti-unti, lalo akong naging higit na mapagmataas, ipinagsawalang-bahala ko ang mga suhestiyon ng mga kapatid at ginawa ko ang lahat ng desisyon nang mag-isa. Kapag tinatalakay ang gawain, madalas ay sinasang-ayunan ng lahat ang mga desisyon, ngunit nauudlot pagdating sa akin. Palagi kong iniisip na tama ang aking sariling mga ideya, at nagpilit akong balewalain ang kanilang mga pananaw at sundin lamang ang sa akin. Isang beses, nangangaral kami sa isang pastor na mula sa isang relihiyosong denominasyon, at nang malaman ito ng dating diyakono ng ebanghelyo, nagbabala siya sa akin na ang taong ito ay mayroong mayabang na disposisyon at medyo baluktot na pang-unawa, kaya mahirap para sa kanya na tanggapin ang tunay na daan, kaya naman iminungkahi niyang mangaral muna ako sa iba. Ngunit tumanggi akong makinig, iniisip ko na, “Ang pastor na ito ay matagal nang nananampalataya sa Panginoon at marami nang relihiyosong kuru-kuro, kaya normal lamang kung hindi niya agad matanggap ang katotohanan. Bukod pa rito, tinanggal ka na, nagpapatunay na sa tungkuling ito ay mas mababa ang kakayahan mo kaysa sa akin. Ngayon na ako na ang diyakono ng ebanghelyo at may malawak na akong karanasan sa pangangaral, naniniwala akong sa pagkakataong ito ay magtatagumpay ako!” Ngunit sa hindi inaasahan, pagkatapos ng ilang araw na pagbabahaginan, marami pa ring kuru-kuro ang pastor. Sa puntong ito, iminungkahi ng lider at ng mga nakikipagtulungang kapatid na, “Mas mabuti pang tumigil muna at maghanap na lang ng iba, at mangaral sa ibang mga may potensyal na tatanggap ng ebanghelyo.” Nadismaya ako nang marinig ito, iniisip ko na, “Hindi ba’t kinukuwestiyon nito ang mga abilidad ko sa gawain? Hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan kung mangangaral ako sa iba ngayon?” Binalewala ko rin ang payo ng lider, iniisip na, “Bagamat ikaw ay isang lider at mas matagal mo nang ginagampanan ang iyong tungkulin kaysa sa akin, mas magaling pa rin ako pagdating sa propesyunal na kasanayan at praktikal na karanasan. Maaaring hindi rin angkop ang iyong mga suhestiyon.” Kaya nagpatuloy akong makipagbahaginan sa pastor. Sa huli, hindi lamang tinanggihan ng pastor ang ebanghelyo, kundi isinara pa ang sarili niyang iglesia at pinigilan ang mga mananampalataya sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Nabigla ako. Hindi ko na sinubukang makipagtalo nang mailantad at mapungusan ako ng lider, at masunurin kong inamin na ako ay naging labis na mapagmataas, at na nakahadlang at nakagambala ako sa gawain ng ebanghelyo. Gayumpaman, hindi ako ginising ng kabiguang ito, at sa kaibuturan ay naramdaman ko na isang maliit na pagkabigo lamang ito, at hindi ito sumasalamin sa aking mga abilidad sa gawain, kaya nagpakabait lamang ako ng ilang araw, at pagkatapos noon, bumalik din ako sa aking mga dating gawi, hindi nakikipagtulungan sa iba sa aking mga tungkulin. Kapag hindi sinusunod ng iba ang aking mga suhestiyon sa mga talakayan sa gawain, hindi ako natutuwa at madalas akong nagpapakita ng masamang ugali. Sa paglipas ng panahon, naapektuhan ko na ang lahat at namuhay sila nang napipigilan. Patuloy rin na bumaba ang mga resulta ng aming mga tungkulin. Paulit-ulit akong pinungusan ng lider dahil sa aking mapagmataas na disposisyon, at mahigpit niya akong hinimay at isiniwalat, ngunit pagkatapos ng bawat pagpungos, panandalian ko lamang nakokontrol ang aking sarili, at sa paglipas ng panahon, bumabalik ang mga nakasanayan kong gawi. Kalaunan, nakita ng lider na labis na mapagmataas ang aking disposisyon, na kumikilos ako nang pabasta-basta sa aking mga tungkulin, hindi ako tumatanggap ng pagpupungos, at nagiging sagabal ako sa gawain ng iglesia, kaya naman tinanggal nila ako.
Batid na batid ko na ang pagkakatanggal sa akin ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos na dumating sa akin at kailangan ko itong tanggapin at sundin, ngunit medyo nasiraan ako ng loob. Nang maisip ko kung paanong sa nakalipas na anim na buwan, sa kabila ng maraming pagpupungos na aking hinarap, hindi gaanong nagbago ang aking mga tiwaling disposisyon, napagtanto ko na hindi ako isang tao na naghangad ng katotohanan, at maaaring kailanman ay hindi na magbago ang aking tiwaling disposisyon. Isang araw, habang kumakain, nakita ako ng dalawang brother. Nalaman nila na tinanggal ako sa iglesia, kaya ibinahagi nila ang kanilang sariling mga karanasan upang suportahan at tulungan ako. Sinabi nila na sila man ay naging mayabang, mapagmagaling, at pabasta-basta sa kanilang mga tungkulin noon, at tanging pagkatapos nilang matanggal, saka lang sila lumapit sa Diyos upang magnilay sa kanilang mga sarili at magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan ng kanilang katiwalian. Lubos silang nagsisi at namuhi sa kanilang mga sarili, at ayaw na nilang mamuhay ayon sa kanilang satanikong disposisyon. Pagkatapos ng kanilang mga karanasan, napagtanto nila na kung wala ang paghatol, pagkastigo, pagtuwid, at pagdisiplina ng Diyos, hindi nila makikilala ang kanilang sarili o makapagsisisi sa Diyos. Labis akong naantig sa tapat na pagbabahagi ng mga kapatid, at alam ko na ito ang Diyos na humihikayat at tumutulong sa akin sa pamamagitan ng mga brother. Hindi na ako dapat maging negatibo. Kailangan kong magnilay sa aking sarili at maghangad ng pagbabago sa aking disposisyon.
Mula noon, sinadya kong magbasa ng mas marami pang mga salita ng Diyos at nagnilay sa aking mga gawain at pag-uugali. Nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman naghahanap ng katotohanan ang ilang tao habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ginagawa lamang nila kung anong gusto nila, kumikilos ayon sa kanilang sariling mga imahinasyon, at palaging pabasta-basta at padalos-dalos. Hindi talaga sila tumatahak sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng pagiging ‘pabasta-basta at padalos-dalos’? Nangangahulugan ito ng pagkilos sa anumang paraan na sa tingin mo ay naaangkop kapag nahaharap sa isang isyu, nang walang anumang proseso ng pag-iisip o paghahanap. Walang masasabi ang sinumang iba pa na makakaantig sa puso mo o magpapabago ng isip mo. Ni hindi mo matanggap kapag ibinabahagi sa iyo ang katotohanan, kumakapit ka sa sarili mong mga opinyon, hindi ka nakikinig kapag may sinasabing anumang tama ang ibang mga tao, naniniwala ka na ikaw ang tama, at kumakapit ka sa sarili mong mga ideya. Kahit tama ang iniisip mo, dapat mo ring isaalang-alang ang mga opinyon ng ibang mga tao. At kung hindi mo talaga gagawin ito, hindi ba ito pagiging masyadong mapagmagaling? Hindi madali para sa mga taong masyadong mapagmagaling at matigas ang ulo na tanggapin ang katotohanan. Kapag gumawa ka ng mali at pinuna ka ng iba na sinasabing, ‘Hindi mo ito ginagawa ayon sa katotohanan!’ sumasagot ka, ‘Kahit hindi, ganito ko pa rin gagawin ito,’at pagkatapos ay naghahanap ka ng dahilan para isipin nila na tama ito. Kapag sinaway ka nila, na sinasabing, ‘Ang pagkilos mo nang ganito ay nakakagambala, at makakapinsala ito sa gawain ng iglesia,’ hindi ka lamang hindi nakikinig, kundi patuloy ka pang nagpapalusot: ‘Palagay ko ito ang tamang paraan, kaya gagawin ko ito sa ganitong paraan.’ Anong disposisyon ito? (Kayabangan.) Kayabangan ito. Ang mayabang na kalikasan ay ginagawa kang mapagmatigas. Kung mayroon kang mayabang na kalikasan, kikilos ka nang basta-basta at padalos-dalos, nang hindi iniintindi ang sinasabi ninuman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang kakayahan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay mabubuhay sila sa mga kakayahang ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. … May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, para bang piniga ang aking puso. Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang aking tunay na kalagayan. Labis akong naging mapagmataas at matigas ang ulo, isinasagawa ko ang aking mga tungkulin nang hindi naghahangad ng katotohanan, at ginagawa ko ang mga bagay-bagay ayon sa aking sariling haka-haka at kagustuhan, ginagawa kung anuman ang nais ko. Dahil lamang sa may kaunti akong karanasan mula sa pangangaral ng ebanghelyo sa mahabang panahon at nagkamit ng ilang mga resulta, nasiyahan na ako sa aking sarili at itinuring ko ang mga ito bilang personal na kapital, iniisip ko na mayroon akong pinakamahusay na kakayahan sa grupo at mas tama ang aking paghusga kaysa sa iba, kaya kumilos ako nang pabasta-basta ayon sa aking sariling kalooban, at anuman ang sabihin ng iba, palagi akong may sariling teoretikal na batayan upang pasinungalingan sila, na para bang ako lamang ang mayroong ideya, habang ang iba ay mga mangmang, at walang malasakit na karaniwang tao lamang. Nasaan ang aking katwiran bilang isang normal na tao? Naaalala ko noong nangangaral ako ng ebanghelyo sa relihiyosong pastor na iyon, nagbigay ng mga suhestiyon ang lider at ang mga nakikipagtulungang kapatid, sinabi nila na ang taong iyon ay mayabang at may baluktot na pang-unawa, kaya mahirap para sa kanya na tanggapin ang katotohanan, at iminungkahi nila na mangaral muna ako sa iba. Ngunit pakiramdam ko ay mayroon akong karanasan at kaya kong husgahan nang wasto ang mga tao, kaya kumilos lamang ako ayon sa aking kagustuhan. Sa huli, napatunayan na wala akong pagkilatis sa mga tao at hindi ko sinunod ang mga prinsipyo sa pagpapangaral ng ebanghelyo, na lubos na nakaapekto sa gawain ng ebanghelyo. Ngunit sa harap ng gayong malinaw na kabiguan, hindi pa rin ako nagnilay nang wasto sa aking sarili, at itinuring ko lamang ito bilang isang panandaliang pagkakamali. Naging napakamanhid ko! Ngayon, sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagsimula kong makita nang mas malinaw ang aking mga problema. Ang aking kabiguan ay dahil sa pagiging labis na mayabang at mapagmagaling, at sa pagkakaroon ng mataas na pagtingin sa aking sarili. Kung mayroon sana akong kaunting katwiran at kaalaman sa sarili, at kung hinangad ko ang katotohanan, nakinig sa mga suhestiyon ng mga kapatid, at nakipagtulungan sa lahat, hindi ko sana nagawa ang mga pagkakamaling ito na nakagambala at nakagulo sa gawain ng ebanghelyo. Habang lalo ko itong iniisip, lalo kong kinamumuhian ang aking sarili. Paano ako nagkaroon ng labis na tiwala sa aking sarili? Binasa ko ang salita ng Diyos na nagsasabi na: “Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.” Nagsimula kong maunawaan na tunay na hindi magagampanan nang mabuti ng isang mapagmataas na tao ang kanyang tungkulin. Dahil hindi ko hinangad ang katotohanan sa aking puso, kapag nahaharap ako sa mga bagay-bagay, imposible sa aking aktibong hangarin ang katotohanan. Kahit na panandalian kong magawa ang ilang gawain, kung hindi ko babaguhin ang aking satanikong disposisyon, wala akong magagawa kundi maghimagsik at labanan lamang ang Diyos. Bagamat mababaw ang pagkaunawa ko sa aking sarili, labis pa rin akong nagpapasalamat. Ito ay isang bagay na hindi ko napagtanto bago ako natanggal, at taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos para sa Kanyang pagbibigay-liwanag, paggabay, pagtutuwid, at pagdidisiplina.
Sa mga sumunod na araw, nagsimula akong tumutok sa pakikipagtulungan sa mga kapatid sa aking tungkulin at sa higit pang pagpasok sa mga prinsipyo. Ngunit sa hindi inaasahan, sa paglipas ng panahon, nagsimulang bumalik ang mga dati kong problema. Sa partikular, kapag sigurado akong tama ako, at kapag hindi tinatanggap ng mga kapatid ang aking mga suhestiyon, biglang nagiging mainitin ang aking ulo at hindi ko mapigilang makipagtalo sa kanila. Palagi kong nais kumbinsihin ang lahat na gawin ang mga bagay sa pamamaraan ko, at kapag nabigo ako, sumasama ang aking loob. Kalaunan, nakita ko na may merito rin ang ibang mga pananaw, at mapupuno ako ng pagsisisi. Ang paulit-ulit na pamumuhay sa gapos ng tiwaling disposisyon, ay nagdulot sa akin ng labis na pagkabalisa. Nanalangin ako sa Diyos tungkol dito, humihiling bigyang-liwanag at gabayan Niya ako. Pagkatapos, natagpuan ko upang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos na isinisiwalat ang likas na kayabangan ng tao. Ayon sa mga salita ng Diyos: “Ang pagiging mayabang at mapagmatuwid ay ang pinakakapansin-pansing satanikong disposisyon ng tao, at kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi nila malilinis ito. Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging palalo. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. Posible na tama at makatwiran nga ang sinasabi mo, o na tama at walang mali ang ginawa mo, ngunit anong uri ng disposisyon ang naibunyag mo? Hindi ba’t iyon ay kayabangan at pagmamatuwid? Kung hindi mo iwawaksi ang mayabang at mapagmatuwid na disposisyong ito, hindi ba nito maaapektuhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Hindi ba nito maaapektuhan ang pagsasagawa mo sa katotohanan? Kung hindi mo lulutasin ang iyong mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, hindi ba ito magdudulot sa iyo ng malulubhang dagok sa hinaharap? Siguradong makararanas ka ng mga dagok, hindi ito maiiwasan. Sabihin mo sa Akin, nakikita ba ng Diyos ang gayong pag-uugali ng tao? Higit pa rito ang kayang makita ng Diyos! Hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, pinagmamasdan din Niya ang bawat salita at gawa ng mga ito sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: ‘Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!’ Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, para bang piniga ang aking puso, nakita ko na ako mismo ang uri ng taong inilalarawan ng Diyos na hindi nagpapatalo, mapagmatigas, at mayabang. Ang isang tao na may normal na pangangatwiran ay nagiging mas maingat pagkaraan ng ilang pagkabigo at paglalantad, at kapag naharap sa mga bagay, higit silang nag-iisip at naghahanap pa, at hindi na nagtatangkang ipilit nang ipilit ang kanilang mga opinyon. Ngunit ang isang tao na mayabang, mapagmagaling at hindi makatwiran, gaano man karaming kabiguan ang kanilang hinaharap, hindi maaabot ng mga bagay na ito ang kanilang puso, at sa kaibuturan nila, pakiramdam nila ay tama pa rin sila. Hindi nila kayang pabayaan ang kanilang mga sarili upang makinig sa mga opinyon ng iba, at kahit na alam nilang tama ang iba, ipagpipilitan pa rin nila ang kanilang mga sariling pananaw. Sadyang ganitong klaseng tao ako noon. Nang balikan ko ang aking panahon bilang diyakono ng ebanghelyo, kung sigurado ako sa isang bagay, walang makapagpapabago ng aking mga pananaw, at kahit noong inamin kong tama ang iba, nahirapan akong magpasakop agad. Lagi kong iniisip na, “Tama ka, ngunit mas tama ako. Mas matibay ang aking pangangatwiran kaysa sa iyo, at mas wasto at malalim ang aking mga pananaw. Bakit ako makikinig sa iyo?” Kaya madalas akong pilit na nakikipagtalo sa lahat; hindi alintana kung tama o mali sila, basta hindi ito ayon sa aking kagustuhan, hindi ko ito matatanggap. Hindi ba’t inuuna ko lamang ang sarili ko? Palagi kong nais na magpasakop at makinig sa akin ang mga tao, at tinitingnan ko ang aking sarili bilang mataas at dakila. Hindi ko ba itinuturing ang aking mga opinyon bilang katotohanan? Dati, inamin ko lamang na hindi ko minahal at hinanap ang katotohanan, ngunit ngayon, pagkatapos kong basahin ang sinasabi ng Diyos, tungkol sa kung paanong ang mga tao ay palaging hindi nagpapatalo, mapagmatigas, at mayabang, hindi tumatanggap ng mga salita ng iba, nabatid ko na ang mga ganitong tao ay tutol sa katotohanan. Sa mga sandaling iyon, napagtanto ko na ang problema ko ay napakalala. Ang mga suhestiyon na ibinigay sa akin ng mga kapatid ay ginawa nang may pagpapahalaga sa responsabilidad para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at kung tinanggap ko lamang ang mga ito at nagsikap akong hanapin ang katotohanan kasama ang lahat, naging kapaki-pakinabang sana ito para sa akin at sa gawain ng iglesia. Ngunit hindi ko alam ang tama sa mali, kaya hindi lamang sa hindi ko tinanggap ang mga bagay na ito, kundi binigyang-diin ko pa ang pagiging tama ko, at inutusan ko ang lahat na makinig sa akin, na tila ba ang pagtanggap sa mga suhestiyon ng iba ay pagmumukhain akong walang kakayahan, mangmang, at walang halaga. Napagtanto ko na hindi ko mahal ang mga positibong bagay o tinatanggap man lang ang katotohanan. Sa pilit kong pagkapit sa aking sarili sa ganitong paraan, hindi ko kinayang makipagtulungan sa kahit kanino. Hindi ba’t sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos at tatanggihan ng lahat?
Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Maaaring ikaw ang pinakamaalam tungkol sa iyong propesyon at nangunguna pagdating sa kasanayan, ngunit ito ay isang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos, at dapat mo itong gamitin upang magampanan ang iyong tungkulin at mapakinabangan ang iyong mga kalakasan. Gaano ka man kasanay o katalentado, hindi mo kakayaning mag-isa ang gawain; mas mabisang nagagampanan ang isang tungkulin kung ang bawat isa ay kayang unawain ang mga kasanayan at kaalaman ng isang propesyon. Ayon nga sa kasabihan, ‘Ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.’ Gaano man kahusay ang isang indibidwal, kung wala ang tulong ng iba, hindi ito sapat. Samakatuwid, walang sinuman ang dapat maging mapagmataas at walang sinuman ang dapat maghangad na kumilos o magdesisyon nang mag-isa. Dapat maghimagsik ang mga tao laban sa laman, isantabi ang kanilang sariling mga ideya at opinyon, at makipagtulungan nang maayos sa lahat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang bawat isa sa ating mga personal na karanasan, pagkaunawa, at pananaw ay napakalimitado. Nais ng Diyos na ipakita natin ang bahagi ng pagkataong taglay natin, hindi upang tayo ay maghangad na maging mataas o maging perpektong tao na mag-isang pinapasan ang lahat ng gawain. Gaano man kagaling ang isang tao, limitado pa rin ang kanyang mga abilidad, at minsan, nanganganib siyang gumawa ayon sa sarili niyang kagustuhan at makagambala sa gawain ng iglesia. Tanging kapag gumagawa nang magkakasama ang mga kapatid nang may iisang puso at isipan, maayos na nagtutulungan, sama-samang umaasa sa Diyos upang hanapin ang katotohanan at matamo ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, na bawat isa ay inilalabas ang sarili nilang mga kalakasan, doon lang mas nagbubunga ng mabubuting resulta ang mga tungkulin. Pagkatapos kong mapagtanto ang mga bagay na ito, sinimulan kong ituon ang aking pansin sa pakikinig sa mga opinyon ng iba at pagkatuto sa kanilang mga kalakasan. Nang binago ko ang aking pananaw, nakita ko na ang mga kapatid sa paligid ko ay may kanya-kanyang lakas na hindi ko taglay. Ang ilang mga kapatid ay nakatutok sa pag-unawa sa layunin ng Diyos at sa paghahanap ng katotohanan kapag nahaharap sa mga bagay, natututo ng aral mula sa mabubuti at masasamang sitwasyon; ang ilan ay masigasig at responsable sa kanilang mga tungkulin, at nagsusumikap sa mga prinsipyo; ang ilan ay maaaring may katamtamang kakayahan, ngunit sila ay mapagpakumbaba at handang matuto mula sa iba, at kaya nilang tanggapin ang gabay at tulong ng iba, at kaya naman, umuunlad sila sa paglipas ng panahon. Sa kabaligtaran, kahit na mayroon akong ilang kaloob at kakayahan, hindi ko tinutukan ang pagdarasal sa Diyos o paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo kapag nahaharap sa mga bagay, at ang tanging pinagtuunan ko ay ang pagsusumikap sa aking gawain. Nagtiwala ako sa aking sariling talino at kaalaman upang suriin ang tama at mali, gumagawa batay sa mga kaloob at kakayahan, kaya bihira kong makita ang paggabay ng Diyos. Sa pagtangkilik ko sa aking mga kaloob, nakahikayat ako ng ilang mga tao habang nagpapahayag ng ebanghelyo, ngunit hindi ko ipinagkaloob ang kaluwalhatian sa Diyos. Sa halip, ipinatong ko ang korona sa aking ulo, iniisip na ang lahat ng ito ay dulot ng aking sariling abilidad at kakayahan. Bilang resulta, lalong naging mapagmataas ang aking disposisyon, at binalewala ko ang iba at hindi ko binigyan ng puwang ang Diyos sa aking puso. Araw-araw, ako ay nagmukhang abala, subalit wala akong pang-unawa sa aking tiwaling disposisyon, at wala akong pag-usad sa buhay pagpasok, at sa bandang huli, nawala ang pagpapala at gabay ng Diyos sa aking mga tungkulin. Nakita ko na ang hindi pagpapasakop sa katotohanan at ang palaging pagiging mapagmataas at matigas ang ulo ay isang malaking pagkatalo!
Pagkalipas ng ilang mga araw, natagpuan ko ang isang parte ng pagbabahagi ng Diyos, at mas binigyang-linaw nito ang mga bagay sa aking puso. Sabi ng Diyos: “Para magkamit ang mga tao ng tuloy-tuloy na paglago sa buhay at magtamo ng pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, dapat silang makaranas ng paghusga, pagkastigo, at pagpupungos habang ginagawa ang tungkulin nila; sa sandaling marating nila ang punto ng tunay na pagkakilala sa sarili nila, nagsisimula silang magbago. Gaano kapartikular itong nararanasan? Una sa lahat, nararanasan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop sa lahat ng bagay na nangyayari sa iyo. Ang pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop ang unang pagsubok na dapat lampasan at ang unang kondisyong dapat matugunan ng mga tao. Napakahalaga nito. … Bagama’t nananampalataya sa Diyos ang mga tao, masyadong mababaw ang pagkaunawa nila sa katotohanan, at hindi pa rin nila napagtatanto na kapag humarap sila sa Diyos ay dapat marunong silang lumugar. Ano ang kabilang sa pagkaalam na ilugar ang sarili? Gaano ka man kaimportanteng tao, gaano man kataas ang posisyon mo, o gaano man kahusay ang mga kakayahan mo, hangga’t isa kang nilikha, ang unang tuntunin kapag humaharap sa Diyos ay ang magpasakop sa Diyos, magpasakop sa Lumikha. Sinasabi ng ilang tao, ‘Nagkamit na ako ng mga dakilang merito noon.’ Kung gayon, dapat ka bang magpasakop sa Diyos? Kahit na nagkamit ka na ng mga dakilang merito, isa ka pa ring nilikha. Ang Diyos ang Lumikha. Ang pangunahin mong responsabilidad ay magpasakop sa Diyos. Anuman ang sabihin ng Diyos, dapat kang lubos na magpasakop, hindi ka dapat magkaroon ng mga sarili mong pagpili. Ito ba ang pinakamataas na katotohanan? Ito ang pinakamataas na katotohanan, at ito rin ang pinakapangunahing katotohanan. Gayumpaman, ang karamihan ng tao, kahit sampu o dalawampung taon na silang nananampalataya sa Diyos, ay hindi pa rin nauunawaan ang pangunahing katotohanang ito ng pagpapasakop sa Diyos. Ano ang problema rito? Kung hindi man lang nauunawaan ng mga tao na ang pinakamahalagang katotohanan sa pananampalataya sa Diyos ay ang magpasakop sa Diyos, anong mga katotohanan ang maaari nilang maunawaan? Kilala mo kung sino ang Lumikha, at handa kang humarap sa Kanya, pero hindi mo alam na ang pagpapasakop sa Diyos ay responsabilidad mo, obligasyon mo, at tungkulin mo, iyon ang katwiran at likas na gawing dapat mong taglayin bilang isang tao. Kung hindi mo nauunawaan kahit ang pinakapangunahing katotohanan ng pananampalataya sa Diyos, hindi ba’t walang kabuluhang sabihin mo na nauunawaan mo ang katotohanan? Ang nauunawaan mo ay pawang walang kabuluhang doktrina; kaya nagagawa mong siyasatin ang Diyos, magkaroon ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, maging mapaghinala, manghusga, makipagtalo, at kumontra sa Diyos—lumilitaw ang lahat ng pagbubunyag ng katiwalian at kilos na ito ng paglaban sa Diyos. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos, hindi malulutas ang iba’t ibang tiwaling disposisyong ibinubunyag nila” (Pagbabahagi ng Diyos). Habang nagninilay sa mga salita ng Diyos, ako ay labis na naantig. Sa realidad, hindi ba’t ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na hindi umaayon sa ating mga nais sa araw-araw—kabilang na ang magkakaibang mga opinyon at suhestiyon mula sa mga kapatid, pagpupungos, pamumuna at pananaway, pati ang mga paghihirap, pagsubok, at pagkabigo sa ating mga tungkulin, ay nasa ilalim lahat ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Bilang isang mananampalataya, kapag humaharap sa mga bagay-bagay, ang unang hakbang na dapat kong gawin ay sumunod at hanapin ang katotohanan upang matuto ng mga aral mula sa mga ito. Subalit itinuring ko bilang mga problema at hadlang ang mga bagay na hindi umaayon sa aking mga kagustuhan, at ang una kong pakiramdam ay sa paglaban, kawalan ng pasensiya, at pagtangging tumanggap, at hindi ko isinaalang-alang kung bakit hindi sinuportahan ng iba ang aking mga pananaw, o kung ang aking mga pananaw ba ay tumutugma sa katotohanan. Kahit na kung minsan ay tinatanggap ko ang mga suhestiyon ng iba nang labag sa aking kalooban, nararamdaman ko pa rin na tila napagkakaitan ako at naiiwan na walang ibang pagpipilian, wala kahit ang pinakapayak na saloobin ng pagsunod. Sa aking mga tungkulin, lagi akong kumikilos ayon sa aking mapagmataas na disposisyon, kumikilos nang padalos-dalos at nagdedesisyon nang mag-isa, na hindi binibigyan ng puwang ang Diyos sa aking puso at walang ganap na pagsunod sa Kanya. Paano ako naging iba sa isang walang pananampalataya? Kinailangan kong matutong magpasakop sa Diyos at sa katotohanan sa lahat ng bagay, at isantabi ang aking sariling mga layunin habang ginagawa ang pagsunod upang mabago ang aking mapagmataas na disposisyon.
Kalaunan, kapag gumagawa ako kasama ang mga kapatid, kusa kong itinutuon ang aking pansin sa pagpasok sa katotohanan ng pagsunod sa Diyos at sa maayos na pakikipagtulungan sa iba, at kapag humaharap sa mga bagay, hindi alintana kung ang mga ito ay naaayon sa aking mga kagustuhan o hindi, sinanay kong tanggapin muna ang mga ito mula sa Diyos at panatilihin ang saloobin ng pagsunod. Tumigil na akong magmadali sa paghuhusga sa mga suhestiyon mula sa mga kapatid, at tinalakay at hinanap muna ang opinyon ng bawat isa. Sa tuwing napag-uusapan ang mga gawain, kapag nakita ko na hindi naaayon sa aking pananaw ang mga suhestiyon ng mga kapatid, bagamat nababahala ako, sa pamamagitan ng pagdarasal sa Diyos at paghiling sa kanya na panatilihin muna ako sa kalagayan ng pagpapasakop, nakikita ko ang merito ng kanilang mga suhestiyon. Bagamat hindi pa perpekto at detalyado ang mga suhestiyon, patuloy naming tinatalakay at pinagbabahaginan ang paksa, at habang nakikipagbahaginan ang bawat isa, mas lumilinaw nang lumilinaw ang aking puso. Naranasan ko na ang pagpapasakop sa kototohanan at pagkilos nang naaayon sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay ay tunay na nagpapahintulot upang makita ng isang tao ang gabay at mga gawa ng Diyos, at ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay nagdadala ng kaliwanagan at kasiyahan sa puso, at nakatutulong din sa pagkatuto mula sa kalakasan ng iba. Ibang-iba ito mula sa pagiging matigas ang ulo at mapagmagaling ko noon. Ang maliit na pagbabagong ito ay nagbigay sa akin ng pananalig, at hindi ko na hinuhusgahan ang aking sarili. Naniniwala ako na hangga’t handa akong magbayad ng halaga at magsikap para sa katotohanan, tiyak na magbabago ang aking tiwaling disposisyon. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!