53. Nailantad ng Tungkulin Ko ang Pagiging Makasarili Ko
Mahigit dalawang taon na akong tagapangasiwa ng gawaing pangvideo. Kamakailan lang, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, hinati ang aming grupo sa dalawang mas maliit na grupo. Si Sister Layla ang nangangasiwa sa isang grupo, at ako naman sa isa pa. Kahit na kasisimula pa lang ni Sister Layla sa pangangasiwa sa gawaing ito, palagi siyang nagbibigay ng mahahalagang mungkahi tungkol sa produksyon ng video, at madalas niyang inaakay ang mga kapatid sa sama-samang pagsusuri ng gawain at pag-aaral ng mga teknikal na kasanayan. Hindi ko iyon masyadong nagustuhan, naisip ko, “Kapag ganito nang ganito, siguradong mabilis silang makauusad at hindi magtatagal ay magmumukhang hindi kanais-nais ang grupo ko kumpara sa kanila.” Labis akong nabalisa, at sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong galingan sa bawat video para hindi ako mapag-iwanan ni Layla at ng kanyang grupo. Noong panahong iyon, gumagawa kami ng video na nangangailangan ng teknikal na kasanayan, at masusi kong pinag-aaralan ang mga nauugnay na kasanayan kasama ang ibang mga kapatid. Kapag nahaharap kami sa mga suliranin, nagdarasal ako sa Diyos at naghahanap ng mga solusyon kasama ng lahat. Pagkatapos ng matinding pagsisikap ay natapos na ang video, at sinabi ng mga kapatid na nakapanood nito na mahusay ang pagkakagawa nito. Nakatutuwa ito dahil ipinahihiwatig nito na isa akong tao na dapat seryosohin, at na mas mahusay kay Layla at sa kanyang grupo. Ipinadala ko ang video sa mga kapatid sa ibang mga grupo, at makalipas ang ilang araw ay tumugon sila, sinabi nilang makatotohanan ang video at nagtatanong sila kung paano ko napagbuti ang aking mga teknikal na kasanayan. Masayang-masaya akong marinig ito at naisip ko, “Ngayong nakita na ng mga kapatid kung ano ang kaya kong gawin, tiyak na titingalain at hahangaan nila ako.” Ipinangako ko sa sarili ko na sisipagan ko pa nang husto sa lahat ng mga kasunod na video.
Pagkatapos nito, nagkaroon si Layla at ang kanyang grupo ng ilang suliranin sa isang video, at gusto nilang tulungan ko silang lutasin ang mga iyon. Naisip ko, “Responsabilidad ninyo ang video na ito. Kung gugugol ako ng panahon sa paglutas sa mga problemang ito, hindi ako ang mapupuri para dito at maaantala rin nito ang sarili kong gawain. Mas makabubuti para sa akin na mas pagsumikapan ang video na pinamamahalaan ko, sa halip na tulungan kayong lutasin ang mga problema ninyo.” Kaya nagpasya akong hindi sila tulungan. Kalaunan, nang hindi pa rin makahanap ng solusyon si Layla, pinuntahan niya ulit ako. Sinabi niyang sumubok na sila ng iba’t ibang pamamaraan ngunit nabigo sila, at tinanong niya ako kung paano ko hinarap ang ganoong mga suliranin dati. Naisip ko, “Kung gugugol ako ng oras sa mga problema ng grupo ninyo at sa huli ay mas magiging magaling ka sa akin, hindi ba’t iisipin ng lahat na mas magaling kang lider ng grupo kaysa sa akin, kahit na kasisimula mo pa lang? Magmumukha akong hindi mahusay!” Nang maisip ko ito, malamig ko siyang sinagot na wala akong maitutulong. Walang nagawa si Layla kundi bumalik at ipagpatuloy nang mag-isa ang pagsisiyasat sa mga suliranin. Pagkatapos ay nagpadala siya ng sample video sa group chat para tingnan namin kung may anumang problema. Wala akong planong sumagot, iniisip ko na masasayang ang oras ko sa panonood sa video. Pero kasabay niyon ay nag-alala ako na kung hindi ko ito panonoorin, baka sabihin ng mga kapatid na pabaya ako sa pangangasiwa sa gawain at iresponsable ako bilang lider ng grupo. Kaya, atubili kong binuksan ang file at pinanood ang video. Nakakita ako ng mga problema sa maraming bahagi, pero hindi ko pinag-isipan nang maingat ang mga iyon. Pagkatapos ay ipinadala ni Layla ang video sa lider, na siyang tumukoy ng maraming problema, kinailangang ulitin at ayusin ang video nila. Bilang resulta ay naantala ang pag-usad ng gawain. Kalaunan, nang dumating ang lider ng grupo para suriin ang gawain kasama ko, tinukoy niya ang mga problema ko at sinabing, “Kapag ginagawa natin ang ating mga tungkulin sa iglesia, pinaghahati-hatian natin ang trabaho, pero hindi iyon nangangahulugang nagtatrabaho tayo nang magkakahiwalay. Isa kang lider ng grupo, kaya kailangan ay magdala ka ng higit na pasanin. Kasisimula pa lang magsagawa ni Layla bilang lider ng grupo, kaya kailangang mas masusi mong suriin ang mga video na ginagawa niya at ng kanyang grupo, para malutas nang maaga ang ilang problema.” Napagtanto ko noon na hindi ako puwedeng maghugas-kamay mula sa responsabilidad dahil sa pagkaantalang ito na para bang lahat ng ito ay dahil sa pagiging napakamakasarili ko, na inaasikaso ko lamang ang sarili kong gawain at tumatangging makipagtulungan kay Layla. Gayunman, hindi ko masyadong pinagnilayan ang bagay na iyon. Sa tuwing gumagawa ako ng mga video pagkatapos niyon, malabo ang pag-iisip ko, at tuliro at lutang ako. Hindi ko makita ang mga problema sa tungkulin ng mga kapatid, at ni hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin kapag nagdarasal. Napagtanto kong wala ako sa tamang kalagayan, at na ikinubli ng Diyos ang Kanyang mukha sa akin. Kaya naghanap at nagdasal ako sa harap ng Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na maunawaan ang sarili ko.
Isang gabi, bago matulog, pinagnilayan ko ang pagganap ko kamakailan. Naisip ko kung paano inilalantad ng Diyos ang mga anticristo na inaalala lang ang sarili nilang gawain sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Bukod sa wala silang kahihiyan, kundi may isa pa rin silang tanda: Hindi pangkaraniwan ang kanilang pagiging makasarili at ubod ng sama. Ang literal na kahulugan ng kanilang ‘pagiging makasarili at ubod ng sama’ ay hindi mahirap maunawaan: Bulag sila sa anumang bagay maliban sa sarili nilang mga interes. Nakatuon ang kanilang buong atensiyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes, at magdudusa sila para dito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para dito, at ilalaan ang kanilang sarili para dito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanilang sariling mga interes; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—walang pakialam ang mga anticristo kung may sinumang nagiging mapanggambala o mapanggulo, at para sa kanila, wala itong kinalaman sa kanila. Basta sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, mababa, at marumi; inilalarawan natin sila bilang ‘makasarili at ubod ng sama.’ Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. … Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man sinsero ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang pinungusan ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga walang ganang sagot o ginagamit ang kanilang mga salita upang balewalain ka kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung tutulutan ba sila nitong mangibabaw; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang kasikatan, pakinabang at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompetensiya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang sumasamba at tumitingala sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, hindi rin sila nagninilay-nilay kung naging tapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga responsabilidad, kung nagkaroon ba ng mga paglihis o pagpapabaya sa kanilang gawain, o kung mayroon bang anumang mga problema, lalong hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensiyahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmumulan ay ang sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na masyadong makasarili ang mga anticristo. Sa mga usapin na may kaugnayan sa sarili nilang mga interes, o sa mga usaping nagbibigay-daan sa kanilang makapamukod-tangi, masipag at masaya silang gumagawa, anuman ang halaga na kailangan nilang ibayad o gaano man nila kailangang magdusa. Pero kung walang kaugnayan ang isang bagay sa sarili nilang mga interes, binabalewala lang nila iyon. Sa gayong mga pagkakataon, ayaw nilang bigyang-pansin iyon, gaano man karaming suliranin ang hinaharap ng iba o gaano man kalaki ang kawalan sa gawain ng iglesia. Ang lahat ng ginagawa nila ay alang-alang sa personal nilang reputasyon at katayuan, at hindi man lang nila isinasaalang-alang ang mga interes ng iglesia. Noon ay napagtanto ko na ganito ang ikinikilos ko. Matapos mahati sa dalawa ang grupo namin, nakita ko na mabilis na umuusad si Layla at na nagdala siya ng pasanin sa kanyang tungkulin. Nag-alala ako na mahihigitan niya ako, kaya ayaw ko siyang tulungan nang maharap siya sa mga suliranin at nang lumapit siya sa akin para magpatulong. Nadama kong wala ito sa mga pangunahing responsabilidad ko, at na makauubos sa oras at lakas ko ang paggawa niyon. Bukod pa roon, kahit na maging maganda pa ang kinalabasan ng video, hindi mapapansin ang pagsisikap ko—sa halip, iisipin ng iba na magkapantay kami ni Layla, kahit na kasisimula pa lang niyang magsagawa bilang lider ng grupo. Kung magkagayon, hindi ako makakapagpakitang-gilas. Tapos, nang hilingin sa akin ni Layla na suriin ang video nila at bigyan sila ng mga mungkahi, hindi man lang ako nag-abala. Ayaw kong gumugol ng oras at pagsisikap sa panonood nito. Sa huli, pinanood ko nga ito—pero napipilitan lang ako, bilang pormalidad lang, dahil nag-aalala ako na baka sabihin ng iba na iresponsable ako. Dahil dito, ang video—na may maraming problema—ay kinailangang ulitin. Kung nagsikap lang ako nang kaunti pa, natukoy at naayos ko sana nang mas maaga ang mga problemang iyon. Pero dahil naging napakamakasarili ako at iniisip ko lang ang sarili kong mga interes, naantala ang gawain ng iglesia. Labis akong nakonsensiya nang maisip ko ito. Isinaayos ng iglesia na maging lider ako ng grupo, kaya dapat ay tinupad ko ang mga responsabilidad ko at binigyang-pansin ko ang paglutas sa iba’t ibang suliranin at problema na hinaharap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Pero hindi ko man lang inalala ang mga layunin ng Diyos. Ang inalala ko lang ay kung mahusay ang pagkakagawa sa mga video na pinamamahalaan ko, at kung mapapahanga ko ang mas maraming tao. Nang maharap si Layla sa mga suliranin, malinaw na may kaunting ideya ako kung paano lulutasin ang mga iyon, pero hindi man lang ako tumulong. Naisip ko pa nga, nang naiinis, “Mabuti nga na naharap sila sa ilang suliranin. Kung hindi maganda ang mga resulta nila, lalo lang niyong mapagaganda ang imahe ko. Iisipin ng mga kapatid na ako ang haligi ng aming grupo, at na hindi nila makakaya nang wala ako.” Talagang kasuklam-suklam ang pag-iisip at pagkilos ko! Sa pagsusuri sa gawain kalaunan, narinig kong sinabi ng ilang sister ang mga bagay na tulad ng, “Hindi masyadong maganda ang pagkakagawa sa video na ito, at nakadarama ako ng medyo pagkanegatibo rito. Palagay ko ay hindi sapat ang kakayahan ko para sa tungkuling ito.” Nakababahala na marinig ito, at pinatindi nito ang nararamdaman ko sa kung gaano ako naging makasarili. Inalala ko lang ang reputasyon at katayuan ko. Alam na alam ko namang kasisimula lang nilang magsagawa, at na kailangan nila ng tulong at kooperasyon. Pero wala akong ginawa, wala ni katiting na pagmamahal. Habang mas iniisip ko ito, lalo kong nadarama na wala akong pagkatao. Paano ko nagawa ang isang bagay na napakakasuklam-suklam at napakasama?
Sa isang pagtitipon, narinig kong magbahagi ang isang brother tungkol sa isa niyang karanasan at natuklasan ko na talagang napakinabangan ko ito. Sa pagbabahagi niya, may isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang malalim na tumatak sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Ano ang pamantayan kung paano hinahatulan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay ba nila o hindi, sa kanilang mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng realidad ng katotohanan. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang masamang tao. Ano ang tingin ng Diyos sa masasamang tao? Ang mga iniisip at ipinapakita mong mga kilos ay hindi nagpapatotoo sa Diyos, ni ipinapahiya si Satanas o tinatalo ito; sa halip, pinapahiya ng mga ito ang Diyos, at puno ng mga markang nagpapahiya sa Diyos. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni hindi mo ginagampanan ang responsibilidad at mga obligasyon mo sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Ang eksaktong ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatuwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ka nakagawa ng mabubuting gawa, sa halip ay naging masama ang iyong asal. Hindi lamang nito mabibigong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin din ito. Ano ang hinahangad na makamit ng isang taong may gayong paniniwala sa Diyos? Hindi ba mabibigo sa huli ang gayong paniniwala?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na hindi tinitingnan ng Diyos kung gaano karaming tungkulin ang ginagawa ng isang tao o kung gaano pinupuri ng iba ang isang tao. Sa halip, tinitingnan Niya kung ang isang tao, sa kanyang mga saloobin, pahayag at kilos, ay nagtataglay ng patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan sa panahon ng paggawa ng kanyang tungkulin. Ganito hinahatulan ng Diyos kung mabuti o masama ang mga bagay na ginagawa ng isang tao. Sinisiyasat ng Diyos ang puso ng mga tao, at kung ginagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin nang walang layuning magpatotoo sa Diyos at magbigay-lugod sa Diyos, at sa halip ay pinipinsala ang gawain ng iglesia alang-alang sa pagtatanggol sa sarili niyang mga interes, gaano man kalaking halaga ang binabayaran ng isang tao, gumagawa pa rin siya ng kasamaan sa mga mata ng Diyos. Noon pa man, pakiramdam ko ay naging matuwid at responsable ako sa aking tungkulin, at na hindi ako masyadong masama. Gayunman, sa pagninilay sa sarili kong pag-uugali batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko na kahit na ginawa ko ang makakaya ko at metikuloso ako sa gawain na pinamamahalaan ko, nasa likod nito ang nakatagong layunin na pag-okupa ng puwang sa puso ng mga kapatid ko; ang layunin na ipaisip sa mga tao na ako ang haligi ng grupo at na hindi nila makakaya nang wala ako. Kahit noong nahaharap si Layla sa mga suliranin at hindi makausad sa kanyang gawain, kahit kaunti ay hindi ako nabagabag. Masaya pa nga ako na may mga suliranin siya dahil pakiramdam ko ay matutulungan ako nitong makapamukod-tangi. Sa paggawa sa tungkulin ko nang may gayong mga kasuklam-suklam na layunin, gumagawa ako ng kasamaan at kinondena ako ng Diyos. Kung hindi ako magsisisi, sa huli ay ititiwalag ako ng Diyos, kahit pa marami akong ginawang gawain at nagbayad ako ng malaking halaga. Natakot ako nang maisip ito at nadama ko na nasa malaking panganib ako. Nagdasal ako sa Diyos, nagpasya ako na hindi na ako mamumuhay ayon sa aking tiwaling disposisyon, at na kung may kaparehong bagay na mangyari sa akin sa hinaharap, kailangan kong isaalang-alang ang kabuuan ng gawain ng iglesia at protektahan ang mga interes ng iglesia.
Pagkatapos, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos: Sabi ng Diyos: Para sa lahat ng tumutupad ng kanilang tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasagawa upang makapasok sa realidad ng katotohanan ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang mga makasariling pagnanasa, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali nang kaunti kapag hinahati-hati ninyo ito sa mga hakbang na ito at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi mahirap bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, magkaroon ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos, at unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay nang makatarungan at marangal kaysa pagiging kasuklam-suklam at salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos ay nakita ko na upang magampanan nang mabuti ang tungkulin ng isang tao, kailangang isantabi niya ang mga personal niyang layunin, motibo, dangal at katayuan, at kailangan niyang unahin ang mga interes ng iglesia sa lahat ng pagkakataon. Pagkatapos nito ay sadya kong ginawa ang tungkulin ko alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, at itinigil ang pagiging makasarili, kasuklam-suklam, at pagsasaalang-alang lang sa sarili kong reputasyon at katayuan. Minsan, naharap si Layla sa isang suliranin noong gumagawa ng video at gusto niyang tingnan ko kung paano ito lulutasin. Medyo nag-aalinlangan ako at naisip ko, “Hindi ko pa natatapos ang video na ginagawa ko ngayon. Maaapektuhan kaya ng pagtulong na lutasin ang problema niya ang pag-usad ng gawain ko? Kung sa huli ay hindi ko ito matapos sa oras, sasabihin kaya ng iba na hindi ako epektibo, sa kabila ng pagiging isang lider ng grupo?” Napagtanto kong nabubuhay na naman ako ayon sa aking tiwaling disposisyon. Naalala ko ang kapasyahang ipinahayag ko sa Diyos—na isasaalang-alang ko ang kabuuan ng gawain ng iglesia at hindi lang aasikasuhin ang sarili kong gawain—at nagdasal ako sa Diyos, handang maghimagsik laban sa laman, isantabi ang mga interes ko at masikap na tulungan si Layla. Pinagtuunan ko ng pansin ang panonood sa video, itinala ang mga problema, tapos ay pinuntahan si Layla at ang grupo niya para magbigay ng aktuwal na gabay. Sinabi ni Layla na nagbukas ang aking pagbabahagi ng isang landas para sa kanya, at nakadama ako ng matinding kapanatagan sa puso ko. Noong una ay naisip ko na maaantala ang gawain ko sa pagtulong sa kanila, pero sa huli ay walang anumang naging pagkaantala. Epektibong umusad ang gawain ng parehong grupo namin at matagumpay itong natapos sa loob lamang ng isang buwan. Pagkatapos nito, kapag nagpapatulong sa akin ang mga kapatid sa mga suliranin nila ay hindi na ako tumatanggi. Sa halip, tinutulungan ko sila sa abot ng aking makakaya. Kahit na gumugugol ako ng mas maraming oras at pagsisikap sa pagsusuri sa mga bagay-bagay at pagbibigay ng mga mungkahi, napanatag ako sa pagsasagawa nang ganito.
Kalaunan, pinagnilay-nilayan ko nang kaunti ang aking sarili, at tinanong ko sa sarili ko kung bakit masyado akong masipag sa mga bagay na may kaugnayan sa sarili kong mga interes, pero hindi ako nakikipagtulungan kapag walang kaugnayan sa mga interes ko ang mga bagay. Ano ba talaga ang diwa ng problemang ito? Nakita ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Para maprotektahan ang kanilang sariling banidad at pagpapahalaga sa sarili, at para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, masaya ang ilang tao na makatulong sa iba, at na magsakripisyo para sa kanilang mga kaibigan kahit ano pa ang maging kapalit. Pero kapag kailangan nilang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang katotohanan, at ang hustisya, nawawala ang kanilang mabubuting layunin, ganap nang naglaho ang mga ito. Kapag dapat nilang isagawa ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa ni bahagya. Anong nangyayari? Para maprotektahan ang sarili nilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili, magbabayad sila ng anumang halaga at magtitiis ng anumang pagdurusa. Pero kapag kailangan nilang gumawa ng totoong gawain at mag-asikaso ng mga praktikal na bagay, na protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga positibong bagay, at protektahan at tustusan ang mga taong hinirang ng Diyos, bakit wala na silang lakas para magbayad ng anumang halaga at magtiis ng anumang pagdurusa? Hindi iyon kapani-paniwala. Ang totoo, mayroon silang isang uri ng disposisyon na tutol sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing ang disposisyon nila ay tutol sa katotohanan? Dahil sa tuwing ang isang bagay ay nangangailangan ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsasagawa sa katotohanan, pagprotekta sa mga taong hinirang ng Diyos, paglaban sa mga pakana ni Satanas, o pagprotekta sa gawain ng iglesia, tumatakas sila at nagtatago, at hindi sila nakikibahagi sa anumang nararapat na mga bagay. Nasaan ang kanilang kabayanihan at diwa na magtiis ng pagdurusa? Saan nila ginagamit ang mga iyon? Madali itong makita. Kahit pa pagsabihan sila ng iba, sabihan na hindi sila dapat maging masyadong makasarili at mababang-uri, at protektahan ang sarili nila, at na dapat nilang protektahan ang gawain ng iglesia, wala talaga silang pakialam. Sinasabi nila sa kanilang sarili, ‘Hindi ko ginagawa ang mga bagay na iyon, at walang kinalaman ang mga iyon sa akin. Ano ang magandang maidudulot ng pagkilos nang gayon sa aking paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan?’ Hindi sila mga taong hinahangad ang katotohanan. Gusto lang nilang maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi man lang nila ginagawa ang gawaing naipagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, kapag kinakailangan sila para gawin ang gawain ng iglesia, pinipili na lang nilang tumakas. Nangangahulugan ito na sa puso nila, ayaw nila sa mga positibong bagay, at hindi sila interesado sa katotohanan. Malinaw itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ang kayang tumulong kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng mga taong hinirang ng Diyos, sila lamang ang kayang manindigan, nang buong tapang at nang nakatali sa tungkulin, upang magpatotoo sa Diyos at ibahagi ang katotohanan, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa tamang landas, binibigyang-kakayahan silang makamit ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang saloobin ng pagkakaroon ng responsabilidad at pagpapamalas ng pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa layunin ng Diyos. Kung wala kayong ganitong saloobin at kung pabaya lang kayo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at iniisip ninyong, ‘Gagawin ko ang mga bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin ngunit wala na akong pakialam sa iba pa. Kung may itatanong ka sa akin, sasagutin kita—kung maganda ang lagay ng kalooban ko. Kung hindi naman, hindi kita sasagutin. Ito ang saloobin ko,’ ito ay isang uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Ang pagprotekta lamang sa sariling katayuan, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili, at ang pagprotekta lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa mga pansariling interes—pagprotekta ba ito sa isang makatarungang layunin? Pagprotekta ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang nasa likod ng mga hamak at makasariling motibong ito ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Kapag nakikita ng Diyos na mahina ang kakayahan ng mga tao, na mayroon silang partikular na mga kapintasan, at may mga tiwaling disposisyon o isang diwang sumasalungat sa Kanya, hindi Siya naitataboy ng mga ito, at hindi sila inilalayo ng mga ito sa Kanya. Hindi iyon ang layunin ng Diyos, at hindi ito ang Kanyang saloobin sa tao. Hindi kinasusuklaman ng Diyos ang mahinang kakayahan ng mga tao, hindi Niya kinasusuklaman ang kanilang kahangalan, at hindi Niya kinasusuklaman ang pagkakaroon nila ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakakinasusuklaman ng Diyos sa mga tao? Iyon ay kapag tutol sila sa katotohanan. Kung tutol ka sa katotohanan, dahil lamang diyan, hindi matutuwa sa iyo ang Diyos kailanman. Nakataga iyan sa bato. Kung tutol ka sa katotohanan, kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung ang saloobin mo sa katotohanan ay kawalang-malasakit, mapanghamak, at mapagmataas, o inaayawan, nilalabanan, at tinatanggihan mo pa ito—kung ganito ang pag-uugali mo, lubos kang kinaiinisan ng Diyos, at hindi ka magtatagumpay, hindi ka na maliligtas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Mula sa mga salita ng Diyos ay nakita ko na ang mga taong hindi minamahal ang katotohanan o pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia, palaging pinoprotektahan ang personal na reputasyon at katayuan at na agad na ginagawa ang anumang kapaki-pakinabang sa kanilang mga interes at nakapamumukod-tangi sa kanila habang binabalewala at tinatanggihan ang anumang hindi kapaki-pakinabang sa kanila, ay mga taong may satanikong disposisyon na tutol sa katotohanan. Gaano man kasipag ang ganitong uri ng tao sa mga usaping may kaugnayan sa sarili niyang mga interes, gaano man kalaki ang halagang ibinabayad niya o gaano man kahanga-hanga ang mga resulta ng kanyang gawain, ang palagi niyang layunin ay ang tugunan ang pangangailangan niya sa reputasyon at katayuan. Pagdating sa mga interes ng iglesia, alam na alam niya ang katotohanan pero hindi ito isinasagawa, at hindi man lang niya itinataguyod ang gawain ng iglesia. Sa pagninilay-nilay, napagtanto kong ganito ko ginagawa ang tungkulin ko. Handa akong magsikap at magbayad ng halaga basta’t mamumukod-tangi ako at gaganda ang imahe ko. Kahit sa harap ng mga paghihirap ay nanatili akong matatag, at iginugugol nang husto ang sarili ko para makuha ang mga resulta. Pero sa sandaling makita ko na hindi ako mamumukod-tangi o personal na makikinabang sa paggawa nang mabuti sa gawain, hindi ko ito pinakikialaman. Ni hindi ako balisa kahit na nakikita kong nagdurusa ng mga kawalan ang gawain ng iglesia. Nagpapakita ako ng satanikong disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan! Sa lahat ng taon ng aking pananalig at sa lahat ng nabasa kong mga salita ng Diyos, pagdating sa doktrina ay alam ko na bilang isang nilikha ay kailangan kong tuparin nang buong-puso, isip at lakas ang tungkulin ko, at na kailangan kong unahin ang mga interes ng iglesia sa lahat ng pagkakataon. Madalas akong nagdarasal sa Diyos, sinasabi kong gagawin ko ang aking tungkulin sa abot ng makakaya ko para masuklian ang pagmamahal Niya. Pero noong maharap ako sa isang tunay na sitwasyon, pinili kong tuparin ang mga makasarili kong hangarin sa halip na protektahan ang mga interes ng iglesia. Palagi kong inuuna ang reputasyon at katayuan ko kaysa sa mga interes ng iglesia. Napakasama ko! Kung hindi ko lulutasin ang satanikong disposisyon ko ng pagiging tutol sa katotohanan, hindi kailanman magkakaroon ng pagbabago sa buhay disposisyon ko, lalong hindi ko matatamo ang kaligtasan, gaano karaming taon man akong magpatuloy sa pananampalataya sa Diyos. Nang maisip ito, napagtanto ko kung gaano talaga kamapanganib ang disposisyon ko. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako sa pagwawaksi sa mga gapos ng tiwaling disposisyong ito.
Maya-maya pa, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay nagkakaisa sa harap ng Diyos, hindi watak-watak. Pinagsisikapan nilang lahat ang iisang layunin: ang tuparin ang kanilang tungkulin, gawin ang gawaing itinatalaga sa kanila, kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gawin ang hinihingi ng Diyos, at matugunan ang Kanyang mga layunin. Kung ang iyong layunin ay hindi para dito, kundi para sa sarili mong kapakanan, para mapalugod ang mga makasarili mong ninanasa, iyan ay pagbubunyag ng isang tiwali at satanikong disposisyon. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga tungkulin ay ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga kilos ng mga walang pananampalataya ay pinamamahalaan ng kanilang mga satanikong disposisyon. Ito ay dalawang landas na labis na magkaiba. Ang mga walang pananampalataya ay kinikimkim ang sarili nilang mga pakana, ang bawat isa sa kanila ay may sarili nilang mga pakay at plano, at ang lahat ay nabubuhay para sa sarili nilang mga interes. Ito ang dahilan kung bakit nag-aagawan silang lahat para sa sarili nilang kapakanan at ayaw nilang isuko ang kahit kapiraso ng kanilang pakinabang. Nahahati sila, hindi nagkakaisa, dahil hindi iisa ang kanilang layunin. Magkatulad ang intensiyon at kalikasang nasa likod ng kanilang ginagawa. Lahat sila ay para sa kanilang sarili lamang ang ginagawa. Walang katotohanang naghahari sa ganyan; ang naghahari at namumuno sa ganyan ay isang tiwali at satanikong disposisyon. Kinokontrol sila ng kanilang tiwali at satanikong disposisyon at hindi nila matulungan ang sarili nila, kaya’t lumulubog sila nang lumulubog sa kasalanan. Sa sambahayan ng Diyos, kung ang mga prinsipyo, pamamaraan, motibasyon, at panimulang punto ng inyong mga kilos ay hindi naiiba sa mga walang pananampalataya, kung kayo ay pinaglaruan, kinontrol, at minanipula rin ng isang tiwali at satanikong disposisyon, at kung ang panimulang punto ng inyong mga kilos ay ang sarili ninyong mga interes, reputasyon, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan, ang pagganap ninyo sa inyong tungkulin ay hindi maiiba sa paraan kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay. Kung hinahangad ninyo ang katotohanan, dapat ninyong baguhin ang paraan ninyo ng paggawa sa mga bagay-bagay. Dapat ninyong talikuran ang inyong mga pansariling interes at ang inyong mga personal na intensiyon at ninanasa. Dapat muna kayong sama-samang magbahaginan tungkol sa katotohanan kapag gumagawa kayo ng mga bagay-bagay, at dapat maunawaan ninyo ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos bago ninyo paghatian ang gawain, nang binibigyang-pansin kung sino ang magaling at hindi sa kung ano. Dapat ninyong tanggapin ang kaya ninyong gawin at pangatawanan ang inyong tungkulin. Huwag kayong maglaban o mag-agawan sa mga bagay-bagay. Dapat kayong matutong makipagkompromiso at maging mapagparaya. Kung nagsisimula pa lamang ang isang tao na gumanap ng isang tungkulin o katututo pa lamang niya ng mga kasanayan para sa isang larangan, ngunit hindi pa niya kayang gumawa ng ilang gawain, hindi mo siya dapat pilitin. Dapat mo siyang takdaan ng mga gawain na medyo mas madali. Dahil dito, magiging mas madali para sa kanya na magtamo ng mga resulta sa pagganap ng kanyang tungkulin. Ganito ang pagiging mapagparaya, matiyaga at may prinsipyo. Isang bahagi ito ng kung ano ang dapat taglayin ng normal na pagkatao; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao at ang dapat isagawa ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos kung paanong naiiba ang pagganap sa isang tungkulin sa iglesia kumpara sa paraan ng paggawa ng mga walang pananampalataya sa mga bagay-bagay. Sa mundo ng mga walang pananampalataya, nakikipag-ugnayan ang mga tao alinsunod sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo gaya ng “Hayaan lang ang mga bagay-bagay kung hindi naman personal na nakaaapekto ang mga ito sa iyo,” at “Inaasikaso ng bawat tao ang kanilang sarili; wala silang pakialam sa iba.” Isinasaalang-alang lang nila ang sarili nilang mga interes at kung may promosyon o kayamanang makukuha. Walang sinumang nagpapakita ng anumang interes o malasakit sa mga paghihirap ng iba. Sa pag-iisip sa naging pag-uugali ko sa aking tungkulin, napagtanto kong kumikilos ako nang katulad na katulad sa isang walang pananampalataya. Alam na alam ko na kasisimula pa lang magsagawa ni Layla at na nagkakaroon siya ng mga suliranin sa tungkulin niya, pero natakot ako na maantala at mahigitan niya, kaya ayaw kong tumulong. Bilang resulta, bukod sa naantala ng pag-uulit sa video ang pag-usad, namumuhay rin ako sa aking tiwaling disposisyon, kinamumuhian ng Diyos at wala ang patnubay Niya sa aking tungkulin. Tinulutan ako nitong makita na matuwid ang disposisyon ng Diyos, na sinisiyasat tayo ng Diyos hanggang sa kaibuturan ng ating mga puso, na malinaw na malinaw na nakikita ng Diyos ang makasarili nating mga layunin sa paggawa ng mga tungkulin natin, at na hindi natin matatamo ang gawain ng Banal na Espiritu kung magkikimkim tayo ng mga maling layunin sa ating mga tungkulin. Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan ko na sa iglesia ay ginagawa natin ang isang tungkulin sa halip na nag-aasikaso ng sarili nating mga gawain, at hindi natin puwedeng isakatuparan ang personal nating gawain, batay sa isang tiwaling disposisyon. Anuman ang mangyari, kailangan nating isagawa ang katotohanan at manindigan sa mga interes ng iglesia, at makipagtulungan at makipagsuportahan sa ating mga kapatid, upang umusad nang maayos ang gawain ng iglesia. Tinamasa ko ang pagdidilig at panustos ng napakarami sa mga salita ng Diyos, at napakahabang panahon akong nilinang ng iglesia. Kung nagpapakana pa rin ako para sa sarili ko, tinutupad ang mga makasariling pagnanaisko habang hindi nagagawa nang maayos ang tungkulin ko para masuklian ang pagmamahal ng Diyos, kung gayon ay talagang wala akong konsensiya at hindi karapat-dapat sa lahat ng ipinagkaloob ng Diyos sa akin, lalong hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa harap ng Diyos. Napuno ako ng pagsisisi dahil sa pagkabatid na ito. Hindi ko dapat tinrato nang ganoon ang tungkulin ko at kailangan kong baguhin ang sarili ko sa lalong madaling panahon. Sa pagtugon sa mga problema sa hinaharap, basta’t gawain ito ng iglesia, kailangan ko itong itaguyod at kailangan kong tuparin ang mga responsabilidad ko, saklaw man o hindi ng responsabilidad ko ang gawain o gaganda man o hindi ang imahe ko dahil doon. Pagkatapos nito, hinding-hindi na ulit ako tatanggi kapag mahaharap ang mga kapatid sa mga suliranin at mangangailangan sila ng tulong ko, at masasabi ko na sa kanila ang ilang mabuting landas na naibuod ko. Sa paggawa sa tungkulin ko nang ganito, napalagay ako at napanatag.