21. Isang Maling Ulat
Sa loob ng mahigit isang taon, nagbahagi ang Diyos ng tungkol sa mga katotohanan sa pagkilatis sa mga huwad na lider. Sa mga pagtitipon, madalas kong ibinabahagi ang sarili kong pagkaunawa at kaalaman tungkol dito, pero sa tunay na buhay, hindi ko makilatis ang mga huwad na lider. Kapag nakita ko ang pinakamaliit na pagpapamalas ng isang lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, pikit-mata ko itong binabansagan at kinokondena bilang isang huwad na lider. Bilang resulta, hindi lang ako nabigong protektahan ang gawain ng iglesia, halos nagdulot din ako ng pagkagambala sa gawain. Tinuruan ako ng isang aral ng kabiguang ito na nagbigay sa akin ng kaunting pagkilatis sa mga huwad na lider.
Pinangasiwaan ko ang mga pangkalahatang usapin sa iglesia. Ako ang responsable sa pamamahala sa ilang aytem at kagamitan sa iglesia. Sa pagganap ko sa aking tungkulin, nalaman kong hindi tinatrato nang akma ng mga kapatid ang mga aytem. Ginawa nitong mahirap ang pamamahala. Lumapit ako sa lider, kay Sister Megan, at iniulat ko sa kanya ang mga isyung ito. Pinaalalahanan ko rin siya na puwede niyang sabihin ang mga isyung ito sa iba at ibahagi ang mga ito sa mga pulong. Nang maunawaan na niya, sumang-ayon siyang gawin ito. Pagkatapos niyon, naghintay ako kay Megan na dumalo sa isang pagpupulong, pero sa kabila ng paghihintay nang mahabang oras, hindi ko siya kailanman nakita sa anumang pagpupulong at hindi niya ito kailanman sinubaybayan, kaya tumuon ako sa lider. Inisip ko, “Ang tagal nang panahon. Bakit hindi pa niya sinubaybayan ang gampaning ito? Sinabi ko na sa kanya nang mahigit sa isang beses ang problemang ito, pero hindi pa ito kailanman nalutas. Nagbabagi na ang Diyos ng tungkol sa mga aspekto ng katotohanan na may kinalaman sa pagkilatis sa mga huwad na lider. Kung hindi mo sinusubaybayan at nilulutas ang mga problema, isa kang huwad na lider. Kailangan kong iulat ang isyung ito sa mga superyor mo. Sa ganoong paraan, mararamdaman ng mga lider na nakatataas sa iyo na mayroon akong pagpapahalaga sa katarungan. Maaari pa ngang tingalain nila ako!” Pero nang panahong iyon, inisip ko lang ito at hindi ako kumilos. Kalaunan, mahigit sa isang buwan na lang ay matatapos na ang kontrata ng upa sa lugar kung saan namin itinatago ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, kaya kailangang ilipat ang mga aklat sa ibang lugar sa lalong madaling panahon. Dahil napakaraming aklat at mabigat ang bawat kahon, magiging mahirap para sa akin na ilipat nang mag-isa ang mga iyon, at aabutin ito nang mahabang panahon. Medyo balisa ako, kaya hiniling ko sa lider kung makahahanap siya ng ilang tao para tumulong. Palaging sinasabi ng lider na naghahanap siya ng mga tao, pero napakatagal na, wala namang dumating. Sa wakas, dalawang brother ang dumating at tinulungan ako sa isang biyahe, pero nagmadali namang umalis. Masyado akong nadismaya sa sitwasyong ito. Inisip ko, “Bakit hindi makahanap ang lider ng mas maraming tao para tumulong? Bakit hindi niya sinusubaybayan ang gawaing ito? Bakit hindi siya pumunta rito at tingnan kung gaano karaming gawain ang kailangan kong gawin?” Habang mas iniisip ko ito, mas nagagalit ako, at ayaw ko nang iulat sa lider ang mga problema dahil mukha namang wala itong saysay. Noong panahong iyon, ayaw kong makita ang lider, at ayaw kong makipag-usap sa kanya kapag nakita ko siya. Naisip ko, “Kung ayaw mong maghanap ng sinuman, ayos lang. Tatapusin ko ito nang mag-isa. Anu’t anuman, tatandaan ko ang pag-uugali mong ito, at kapag dumating na ang oras, iuulat ko ito sa iyong mga superyor.” Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa mga huwad na lider: “Tungkol sa mga problema at paghihirap na lumilitaw sa gawain ng iglesia, totoo rin na hindi lang talaga pinapansin ng mga huwad na lider ang mga ito o nagbubulalas lang sila ng kaunting doktrina at nanggagaya ng ilang islogan para ipagwalang-bahala ang mga ito. Sa lahat ng aytem ng gawain, hindi sila kailanman makikitang pumupunta mismo sa lugar ng gawain para subukang unawain at subaybayan ang gawain. Hindi sila makikitang nagbabahagi tungkol sa katotohanan para malutas ang mga problema roon, at lalo pa ring hindi sila makikitang personal na nagdidirekta at nangangasiwa sa gawain, para pigilang magkaroon ng mga kapintasan at paglihis dito. Ito ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng pabasta-bastang paraan kung saan gumagawa ang mga huwad na lider” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Inisip ko, “Katulad ng inilalarawan ng mga salita ng Diyos ang pag-uugali ng lider ko. Kung hindi niya iimbestigahan o lulutasin ang mga problema sa gawain ko, hindi ba’t isa siyang huwad na lider?” Pero inisip ko rin ang tungkol sa kung paanong hindi ko sinabi sa lider ang mga problemang nakita ko, ni hindi ako nagtanong sa ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan para kumpirmahin ito, kaya siguro hindi ko siya puwedeng padalus-dalos na tawaging isang huwad na lider. Inisip ko, “Paano kaya kung mas maghanap muna ako ng mga katotohanang prinsipyo sa larangang ito, pagkatapos ay talakayin ito sa ilang kapatid na nakauunawa sa katotohanan bago ako magdesisyon?” Pero katulad lang ng inilarawan ng mga salita ng Diyos ang pag-uugali niya, kaya ano pa ang mas hahanapin ko? Hindi ako sigurado kung tama ang pananaw ko at ayaw kong akusahan siya nang mali, kaya naguguluhan ako sa gagawin. Ang isip ko ay puno ng mga larawan kung paanong hindi pa nilulutas ng lider ang problema ko. Kaya ganoon-ganoon lang, hindi ko na hinanap ang katotohanan, hindi ko isinaalang-alang ang pinanggalingan ng pagbabahagi ng Diyos, at hindi ko tumpak na naunawaan ang mga salita ng Diyos. Ginamit ko ang isang parirala, ang isang sitwasyon ng pag-uugali, bilang katibayan upang akusahan si Megan at maniwalang isa siyang huwad na lider. Pagkatapos noon, narinig ko sa ilan pang sister na nangangasiwa sa pangkalahatang usapin na nagsasabing hindi rin masyadong madalas subaybayan ni Megan ang kanilang gawain, at na naaantala minsan ang kanilang gawain. Nang marinig ko ito, lalo pa akong naging sigurado, “Hindi gumagawa ng tunay na gawain si Megan at hindi niya sinusubaybayan ang gawain, kaya hindi ba’t ibinubunyag siya niyon bilang isang huwad na lider? Kamakailan lang sa mga pagpupulong, pinagbahaginan namin ang mga aspekto ng katotohanan na may kinalaman sa pagkilatis sa mga huwad na lider. Hindi ako makapaniwalang nakakilala ako ng isa. Kailangan kong magkaroon ng isang pagpapahalaga sa katarungan, itaguyod ang gawain ng iglesia, at ilantad ang huwad na lider na ito.” Pero noong gusto kong iulat ang mga problemang ito sa mga superyor ni Megan, nabagabag ako. Hindi ko pa natalakay sa kanya ang isyu, ni hinanap o tinalakay ito sa iba na nakauunawa ng katotohanan, kaya hindi ba’t masyado itong bulag at padalus-dalos? Pero ito ay noong narinig kong nakipag-usap kay Megan ang mga superyor niya, at tinanong ang lahat ng lider ng pangkat tungkol sa pagganap niya sa tungkulin. Nang marinig ko ito, hindi ako mapanatag, “Sino ang mag-aakalang nalaman na ng mga superyor ni Megan na may problema sa kanya? Ngayon ay halos tiyak na na siya ay isang huwad na lider.” Inisip ko, “Kailangan kong iulat agad sa mga superyor niya ang mga problema ni Megan. Hindi ko na kailangang maghanap pa. Kung hindi, kapag natapos na ng mga superyor ni Megan ang kanilang imbestigasyon at tanggalin siya, kapag sinabi nila kung sino ang nakakilatis sa kanya, kung sino ang nakatuklas ng mga problema niya, at kung sino ang may pagpapahalaga sa katarungan at sino ang nag-ulat sa kanya, hindi mababanggit ang pangalan ko. Kung gayon paano ko maipapakitang may pagkilatis ako? Hindi na ako makapaghintay pa!” Sabik akong nakipagkita sa superyor ni Megan, si Brother Sean, at iniulat ko sa kanya ang mga problema ni Megan. Sinabi ko, “Bilang isang lider, hindi sinusubaybayan ni Megan ang gawain ko, ni inusisa ang mga problema ko sa gawain. Tuwing magsasabi ako sa kanya ng problema, hindi niya ito nilulutas.” Nagpakita rin ako sa kanya ng isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa pagkilatis sa mga huwad na lider. Sinabi kong ang pag-uugali ng mga huwad na lider na ibinunyag sa mga salita ng Diyos ay kapareho ng sa kanya, at na inisip kong isa siyang huwad na lider. Nang matapos ako, sinabi niya, “Sinuri na namin ito, at talagang may ilang problema si Megan. May ilang gawaing hindi niya wastong nasubaybayan, at iniraraos lang niya ang kanyang tungkulin. Kailangan siyang pungusan, at tulungan para pagnilayan niya ang kanyang sarili at matuto siya mula rito. Pero nalaman din namin na sa nakalipas na ilang buwan, mas pinangangasiwaan ni Megan ang gawain sa pagdidilig dahil maraming baguhan na kasasali pa lang sa iglesia. Ang ilang relihiyosong pastor ay nagdudulot ng matitinding kaguluhan, at kailangang diligan kaagad ang mga baguhang ito para magkaugat sila sa tunay na daan. Ito ang pinakamahalaga at kritikal na gawain ngayon. Inilalagay ni Megan ang lahat ng enerhiya niya sa gawaing ito. Hindi naman masyadong apurahan sa pangkalahatang usapin. Basta’t hindi nito nahahadlangan ang mga bagay-bagay, hindi malaking problema kung medyo mabagal siya sa pagsubaybay sa ngayon. Dahil nagkasabay-sabay ang lahat ng gawaing ito at kulang kami sa tao, kailangan niyang may unahin, kaya sa ngayon ay kailangang isantabi ang pangkalahatang usapin. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagagawa ni Megan na susubaybayan sa oras ang iyong gawain, pero nagpasya lang siyang magsagawa nang ganito pagkatapos itong talakayin sa mga kapareha niya. Isa pa, isang trabaho lang ang pinangangasiwaan ni Megan dati. Isa siyang bagong lider, kaya mahirap para sa kanya na maging responsable sa napakaraming trabaho. May ilang bagay na hindi niya kayang masubaybayan, kaya kailangan niya ang ating tulong at komunikasyon.” Ibinahagi pa ni Sean ang mga prinsipyo tungkol dito. Pagkatapos ko lang mabasa ang mga prinsipyo saka ko napagtanto na kailangang unahin ang mas importanteng gawain. Sa sandaling ito, una ang gawain ng pagdidilig. Puwede lang nilang gawin ang ibang gawain basta’t hindi naaapektuhan ang pagdidilig. Kung naapektuhan ang gawain ng pagdidilig, hindi ba’t pagsasakripisyo iyon ng mahalagang bagay para sa hindi mahalaga? Bagama’t hindi nasubaybayan ni Megan nang tama ang ilang gawain, ito ay dahil sa inuuna niya ang mas mahalagang gawain, hindi dahil sa nabibigo siyang gumawa ng tunay na gawain. Pero hindi ko kailanman sinubukang unawain kung bakit hindi niya sinubaybayan ang gawain, o kung bakit hindi niya nilutas ang mga problemang sinabi ko. Sa halip, nagkaroon ako ng pagkiling laban sa kanya, tumutok sa kanya, inakalang hindi siya gumawa ng tunay na gawain, at agad siyang binansagan bilang isang huwad na lider. Hindi ba’t masyado akong padalus-dalos? Sa puntong ito, tinanong ako ni Sean, “Kapag tinanggal natin kaagad ngayon si Megan, makakakita ba ang iglesia ng isang taong papalit sa kanya kaagad? Maitutuloy ba ang gawain?” Pinag-isipan ko ito at nadama kong angkop pa rin na magpatuloy si Megan bilang isang lider. Pagkatapos makipag-usap kay Sean, sobra akong nalungkot. Noong una, akala ko ay may matindi akong pagpapahalaga sa katarungan, at nakakita pa nga ako ng mga salita ng Diyos na magagamit sa sitwasyon, at pagkatapos ko lamang hanapin ang katotohanan saka ko iniulat si Megan. Pero hindi ko pala naunawaan ang katotohanan, at mali ang pagkilatis ko. Saan ako nagkamali?
Habang naghahanap ako, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagsasalarawan na huwad na lider o huwad na manggagawa ang isang tao ay dapat batay sa sapat na mga katunayan. Hindi ito dapat batay sa isa o dalawang insidente o paglabag, lalong hindi maaaring gamitin ang pansamantalang pagbubunyag ng katiwalian bilang batayan para dito. Ang tanging tumpak na mga pamantayan sa pagsasalarawan sa isang tao ay kung kaya ba niyang gumawa ng tunay na gawain at gumamit ng katotohanan para lutasin ang mga problema, gayundin kung siya ba ay isang tamang tao, kung siya ba ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at nakakapagpasakop sa Diyos, at kung taglay ba niya ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maisalarawan nang tama ang isang tao bilang isang huwad na lider o huwad na manggagawa batay sa mga salik na ito. Ang mga salik na ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsusuri at pagtukoy kung huwad na lider o huwad na manggagawa ba ang isang tao” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 20). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para makilatis ang isang huwad na lider, pangunahin nating kailangang tingnan kung kaya ba niyang gumawa ng tunay na gawain at kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan. Hindi ito ang inaakala ko, na hinihingi sa mga lider na lutasin ang bawat problema sa tungkulin ko, at kung magawa nila ay mga tunay na lider sila, pero kung hindi, mga huwad silang lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain. Mali ang pananaw na ito at hindi naaayon sa katotohanan. Para matukoy kung huwad ba ang isang lider, ang pinakamahalaga ay kung kaya ba niyang sumubaybay, umunawa, at maarok kaagad ang pag-usad at katayuan ng bawat gampanin sa loob ng saklaw ng kanyang responsabilidad; kung kaya ba niyang tuklasin at usisain kaagad ang mga problema, paghihirap at paglihis na nakakaharap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin; at kung nakikipagtulungan siya sa kanila para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo upang lutasin ang mga isyung ito. Batay rito, kaya nating hatulan kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang isang lider. Gayundin, nakadepende ito kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan at isa siyang tamang tao. Kung may mga tanong ang mga lider na hindi nila nauunawaan, puwede silang maghanap sa nakakataas. Kapag nagmumungkahi ang iba o namumuna ng mga kakulangan, dapat magawang sumunod ng mga lider, hanapin ang katotohanan, at pagnilayan ang kanilang sarili. Kapag nagdaranas sila ng pagpupungos, mga dagok, at kabiguan, dapat magawa nilang matuto mula rito at magbago pagkatapos noon. Nangangahulugan ito na mga tao sila na kayang tumanggap ng katotohanan. Gayundin, kapag responsable ang isang lider sa maraming gampanin, hindi nila kailangang gawin ang lahat ng ito nang sila lang. Ang pangunahing papel nila ay ang tingnan ang bawat gampanin, nang sa gayon ay normal na magpatuloy ang gawain ng iglesia. Ang isang taong gumagawa nito ay isang kwalipikadong lider. Sa labas ay palaging mukhang abala ang mga huwad na lider, pero gumagawa lamang sila ng mababaw o hindi mahalagang gawain. Hindi nila kailanman ginagawa sa oras ang pinakamahalagang gawain; pikit-mata silang nagpapalakad-lakad at nagpapakaabala, pero hindi epektibo. Dahil hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila kayang makilala o makita nang malinaw ang mga problema sa kanilang gawain, at hindi nila alam kung paano planuhin o isaayos ang mga bagay. Kaya lamang nilang maglitanya ng mga doktrina at hungkag na salita na hindi nagbibigay ng mga landas ng pagsasagawa o lumulutas ng mga tunay na problema na nakakaharap ng mga kapatid sa kanilang mga tungkulin. Dagdag dito, hindi hinahanap ng mga huwad na lider ang katotohanan kapag nahaharap sila sa mga bagay, hindi tinatanggap ang gabay at tulong ng iba, at sa huli ay hinahadlangang makausad nang maayos ang maraming gampanin, at nagdudulot pa nga ng paghinto ng mga ito. Isa itong malubhang kapabayaan sa tungkulin; ganito ang isang huwad na lider. Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na ang pagkilatis kung huwad na lider ba ang isang tao ay humihingi sa isang tao na tumingin sa maraming aspekto at masusing mag-imbestiga. Kung titingnan lang natin ang pansamantalang pag-uugali at katiwalian ng isang tao, babalewalain ang pinanggalingan at mga katwiran, kung nagsisi at nagbago ba siya, at padalus-dalos siyang hinuhusgahan, napakadaling akusahan nang mali ang mga tao. May katiwalian at mga kakulangan ang lahat ng tao, pero hangga’t kaya nilang makilala ang kanilang sarili, magsisi, at magbago, bibigyan sila ng iglesia ng pagkakataong magpatuloy sa pagsasagawa. Pagkatapos kong gamitin ang mga katotohanang prinsipyo sa pag-uugali ni Megan, nakita ko na sinusubaybayan niya ang pinakamahahalagang gampanin, at noong nagkaproblema siya, tinalakay niya ito sa iba at nakakita ng solusyon. Sa pangkalahatan, gumagawa siya ng tunay na gawain at nagbubunga ng mga resulta sa tungkulin niya. Nagkasabay-sabay nga lang ang lahat ng gawaing ito, kaya hindi pa niya ito mabalanse, at napabayaan na ang ilang bagay. Kakulangan ito sa kanyang tungkulin, at kailangan niya ng mga paalala at tulong. Nang napagtanto ko ang mga ito, nakita ko sa wakas na hindi ko pa naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at hindi matrato nang patas ang mga tao. Nakita ko na may mga problema ang lider ko, pero hindi ko siya kinausap tungkol sa mga ito; nabigo akong isaalang-alang ang lahat ng aspekto, at pikit-mata siyang hinusgahan bilang isang huwad na lider. Wala man lang akong takot sa Diyos sa puso ko.
Pagkatapos nito, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o itinaas ng ranggo ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang gawain o gampanan ang isang tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay nagpapasakop sa Diyos, at hindi Siya pagtataksilan. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at may takot siya sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito; ang pagtaas ng ranggo at paglilinang ay pagtataasng ranggo at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pagtaas ng kanyang ranggo at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na itinaas na siya ng ranggo, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag itinaas ng ranggo at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, itinataas lamang siya ng ranggo at nililinang sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na isa na siyang lider na pasok sa pamantayan, o isang mahusay na lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. Hindi malinaw na nakikilatis ng karamihan sa mga tao ang mga bagay na ito, at batay sa sarili nilang mga imahinasyon ay tinitingala nila ang mga itinaas ng ranggo. Isa itong pagkakamali. Kahit ilang taon na silang nananalig sa Diyos, taglay nga ba talaga ng mga itinaas ng ranggo ang katotohanang realidad? Maaaring hindi. Nagawa ba nilang ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Maaaring hindi. Alam ba nila ang kanilang responsabilidad? Tapat ba sila? Kaya ba nilang magpasakop? Kapag may nakaharap silang isang isyu, nagagawa ba nilang hanapin ang katotohanan? Walang nakakaalam sa lahat ng ito. Mayroon bang may-takot-sa-Diyos na puso ang mga taong ito? At gaano kalaki ang may-takot-sa-Diyos na puso nila? Nagagawa ba nilang iwasang sundin ang sarili nilang kalooban kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay? Magagawa ba nilang hanapin ang Diyos? Sa panahon na ginagampanan nila ang gawain ng mga lider, nagagawa ba nilang madalas na humaharap sa Diyos para hanapin ang mga layunin ng Diyos? Naaakay ba nila ang mga tao sa katotohanang realidad? Tiyak na wala silang kakayahan sa mga gayong bagay. Hindi pa sila nakatanggap ng pagsasanay at wala pa silang sapat na mga karanasan, kaya wala silang kakayahan sa mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataas ng ranggo at paglinang sa isang tao ay hindi nangangahulugang nauunawaan na niya ang katotohanan, ni hindi nito sinasabi na kaya na niyang gawin ang kanyang tungkulin sa paraang pasok sa pamantayan. Kaya ano ang layunin at kabuluhan ng pagtataas ng ranggo at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay itinataguyod bilang isang indibidwal, para makapagsagawa sila, at para mas madiligan at masanay sila, nang sa gayon ay maunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na itinataguyod at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayahang isagawa ang kanilang gawain at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin sa oras ng pagtataguyod at paglilinang o bago ang pagtataguyod at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung hinirang ang isang tao bilang isang lider o manggagawa, hindi ibig sabihin na nauunawaan niya ang katotohanan at magiging ganap na may kakayahan sa paggawa ng kanyang tungkulin. Hindi rin ibig sabihin na nauunawaan niya ang lahat ng bagay at kayang gawin nang perpekto ang bawat gampanin. Mayroon lamang siyang kaunting kakayahan at abilidad sa gawain, at kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan, kaya binibigyan siya ng iglesia ng isang pagkakataon para malinang at masanay. Sa pamamagitan ng patuloy na pagtuklas at paglutas sa mga problema sa kanyang gawain, sa huli ay mauunawaan niya ang ilang katotohanan at matututong kumilos nang may prinsipyo. Pero sa panahong ito, nasa yugto pa rin ng pagsasanay ang mga lider at manggagawa, kaya hindi maiiwasan ang mga paglihis, kakulangan, at pagkukulang sa kanilang gawain, at dapat nating tratuhin nang tama ang usapin. Kapag may mga problema o kakulangan tayo, dapat nating hanapin, pagbahaginan, at lutasin ang mga bagay kasama ng ating mga lider. Tanging sa ganitong paraan magiging epektibo ang gawain. Kung hihingi tayo nang sobra sa mga lider at manggagawa, kung ipapasa natin sa kanila ang lahat ng problemang nakikita natin para lutasin nila, pagkatapos ay babansagan sila bilang mga huwad na lider kapag mabagal silang humanap ng mga solusyon, wala itong prinsipyo at hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakita ko na hindi batay sa mga katotohanang prinsipyo ang pagtrato ko sa mga lider at manggagawa, kundi sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Napakatataas at mahigpit ang mga hinihingi ko sa mga lider. Noong makita kong hindi sinubaybayan nang tama ng lider ko ang aking gawain at hindi mabilis na nilutas ang mga problema at paghihirap ko, binansagan ko siya bilang isang huwad na lider. Hindi ko isinaalang-alang ang pinanggalingan ng isyu o ang gawain niya sa kabuuan, ni kung kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan at baguhin ang mga bagay-bagay. Pikit-mata ko siyang kinondena bilang isang huwad na lider batay sa di-kumpletong impormasyon na nakita ko. Hindi ito isang pagpapahalaga sa katarungan, panggugulo ito, at nilabag nito ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ko naunawaan ang katotohanan at wala akong prinsipyo sa aking pagtrato sa mga lider at manggagawa. Mas malala pa, sa puso ko ay wala akong takot sa Diyos. Noong makita ko ang pinakamaliit na problema sa lider ko, gumawa ako ng malaking usapin mula rito, walang ingat siyang kinondena, at ayaw itong tigilan. Hindi ko siya tinrato batay sa kanyang kalikasang diwa o sa aktuwal na pangyayari sa sitwasyon, sa halip sinaktan ko siya. Nang maisip ko ito, bigla akong nabalot ng takot. Napagtanto ko na seryoso ang kalikasan ng problemang ito. Kung hindi nalaman ni Sean ang sitwasyon, at nakinig lang sa akin at tinanggal si Megan, maaapektuhan ang gawain ng iglesia, kung gayon hindi ba’t gagawa ako ng kasamaan? Iyon ay magiging isang malaking pagsalangsang! Kung mangyari muli sa akin ang bagay na ito, hindi ako puwedeng magtiwala sa imahinasyon ko para timbangin ang iba. Kailangan kong lalo pang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, tratuhin nang patas ang mga tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at gawin ang mga bagay nang may prinsipyo.
Pagkatapos niyon, lumapit si Megan sa akin at sinabi ang tungkol sa kanyang kalagayan at mga problema sa gawain kamakailan lang. Sinabi niyang gusto niyang magbago, at nalaman niya ang mga problema at paghihirap sa gawain ko, at nagtulungan kami para makipagbahaginan sa mga kapatid sa bawat pangkat. Napagtanto ko na hindi siya isang taong hindi tumanggap ng katotohanan. Bagama’t may mga kakulangan sa gawain niya at mga bahaging hindi niya nasubaybayan, nang malaman niyang may problema, kaya niyang magbago nang mabilis. Nakita ko na hindi siya talaga isang huwad na lider na hindi gumawa ng tunay na gawain.
Noong una, akala ko ay may kaunti akong pagkaunawa sa isyung ito— hindi ko naunawaan ang katotohanan at hindi ko kayang kilatisin ang mga huwad na lider, na naging dahilan kaya nagkamali ako. Pero isang beses sa isang pagpupulong, narinig kong sinasabi ng aking mga kapatid na minsan ang mga pagkakamali ay hindi lang dahil sa kawalan ng pagkilatis o kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Kailangan din nating tingnan kung ang mga kilos ba natin ay nadungisan ng mga layon o tiwaling disposisyon. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Huwag mong ituring ang iyong mga paglabag bilang mga pagkakamali lamang ng isang taong walang hustong pag-iisip o ng isang taong hangal; huwag mong gamiting dahilan na hindi ka nakapagsagawa ng katotohanan dahil ginawa itong imposible ng iyong mahinang kakayahan. Higit pa rito, huwag mong ituring ang mga nagawa mong paglabag na mga pagkilos lamang ng isang tao na kulang sa kaalaman. Kung mahusay ka sa pagpapatawad sa sarili mo at pagiging mapagbigay sa iyong sarili, sinasabi Ko, kung gayon, na ikaw ay isang duwag na hindi kailanman magkakamit ng katotohanan, at hindi ka rin titigilang multuhin ng iyong mga paglabag; hahadlangan ka nito na matugunan kailanman ang mga hinihingi ng katotohanan, at magiging sanhi upang manatili kang isang tapat na kasamahan ni Satanas magpakailanman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag lumilitaw ang isang sitwasyon, hindi natin ito puwedeng basta tratuhin bilang isang simpleng usapin at hindi na pakialaman pa. Kailangan nating hanapin ang katotohanan at alamin ang ating sariling tiwaling disposisyon. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagbabago at paglago sa ating buhay. Kung palagi nating tatratuhin ang ating mga pagsalangsang bilang mga pansamantalang pagkakamali, nadaramang hindi importante ang mga iyon, sasabihing mas pagtutuunan ito ng pansin sa susunod, at palaging patatawarin ang sariling mga pagsalangsang natin, kung gayon, hindi natin kailanman mauunawaan ang ating mga problema, hindi kailanman makakamit ang katotohanan, at sa huli, habang dumarami ang ating mga pagsalangsang at wala talaga tayong ginagawang pagbabago, itataboy at ititiwalag tayo ng Diyos. Sa pamamagitan ng ibinunyag ng mga salita ng Diyos, nagsimula kong pagnilayan mismo kung ano ang mga kaisipan ko noong dumating ang sitwasyong ito sa akin, kung anong mga layunin ang dumungis sa akin, o kung anong mga tiwaling disposisyon ang ipinakita ko. Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko na noong nakita ko ang mga problema ng lider, hindi talaga ako sigurado kung tama ang tingin ko sa mga bagay at gusto kong mas magbasa ng mga salita ng Diyos. Pero noong mabalitaan ko na hindi sinubaybayan ni Megan ang gawain ng ibang tao na nangangasiwa ng mga pangkalahatang usapin, at na sinisiyasat ng mga superyor niya ang kanyang pagganap, naniwala ako na may matinding posibilidad na isa siyang huwad na lider, at nadama kong kailangan kong iulat agad si Megan sa mga superyor niya para makita ng aking mga kapatid na mayroon akong pagpapahalaga sa katarungan at na kumikilatis ako. Kaya, nang hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo o patuloy na naghahanap, at nang hindi ko alam ang anumang nangyayari o kadahilanan, pikit-mata kong hinusgahan si Megan bilang isang huwad na lider batay sa isang maliit na impormasyong narinig ko. Akala ko ay nakita ko nang tumpak ang mga bagay at hindi dapat magkaroon ng anumang mga problema. Pero ngayon ay napagtanto ko na naging pabaya ako, at may maling layunin. Pinagnilayan ko ang sarili ko, “Bakit iniulat ko ang lider ko nang hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo? Saan nagmumula ang problemang ito?” Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Maraming tao ang sinusunod ang sarili nilang mga ideya anuman ang ginagawa nila, at isinasaalang-alang ang mga bagay-bagay sa napakasimpleng paraan, at hindi rin hinahanap ang katotohanan. Ganap na walang prinsipyo, at hindi nila iniisip sa puso nila kung paano kumilos ayon sa hinihingi ng Diyos, o sa isang paraan na nakalulugod sa Diyos, at ang alam lamang nila ay magmatigas na sundin ang sarili nilang kagustuhan. Walang puwang ang Diyos sa puso ng mga ganoong tao. Sinasabi ng ilang tao, ‘Nagdarasal lang ako sa Diyos kapag nakakaharap ako ng hirap, pero pakiramdam ko ay wala pa ring anumang epekto ito—kaya karaniwan kapag may nangyayari sa akin ngayon hindi ako nagdarasal sa Diyos, dahil walang silbi ang pagdarasal sa Diyos.’ Lubos na wala ang Diyos sa puso ng gayong mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan anuman ang kanilang ginagawa sa mga ordinaryong panahon; sinusunod lamang nila ang sarili nilang mga ideya. May mga prinsipyo ba ang kanilang mga kilos? Talagang wala. Ang tingin nila ay simple lang ang lahat. Kahit kapag nagbabahagi sa kanila ang mga tao tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila matanggap ang mga iyon, dahil kailanman ay hindi nagkaroon ng mga prinsipyo ang kanilang mga kilos, walang puwang ang Diyos sa puso nila, at walang sinuman sa puso nila kundi ang kanilang mga sarili. Pakiramdam nila ay maganda ang kanilang mga layunin, na wala silang ginagawang kasamaan, na hindi maaaring ituring na labag sa katotohanan ang mga iyon, iniisip nila na ang pagkilos ayon sa kanilang sariling mga layunin ay tiyak na pagsasagawa ng katotohanan, na ang pagkilos nang gayon ay pagpapasakop sa Diyos. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap o nagdarasal sa Diyos tungkol sa bagay na ito, kundi kumikilos nang hindi pinag-iisipan, nang ayon sa kanilang sariling masugid na mga layunin, hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin na gaya ng hinihingi ng Diyos, wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, wala silang ganitong hangarin. Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa pagsasagawa ng mga tao. Kung naniniwala ka sa Diyos subalit wala Siya sa puso mo, hindi mo ba sinusubukang linlangin ang Diyos? At ano ang maaaring maging epekto ng gayong pananampalataya sa Diyos? Ano ba talaga ang mapapala mo? At ano ang katuturan ng gayong pananampalataya sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na kapag nangyari ang mga bagay, bihira akong naghanap ng katotohanan o nagsagawa ayon sa mga prinsipyo. Sa halip, sinunod ko ang sarili kong mga ideya. Sa puso ko, walang isang lugar para sa Diyos maging sa takot sa Kanya. Kapag may nangyari, ang mga may takot sa Diyos ay una munang hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo at kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol sa isang usapin, pagkatapos ay tinitingnan ang mga tao at bagay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Dahil hindi ko nagawang kilatisin ang mga huwad na lider, dapat sana ay hinanap ko ang katotohanan, malinaw na inunawa kung ano ang mga huwad na lider, ang mga pagpapamalas nila, at kung paano matukoy kung sino ang isang huwad na lider, kundi sa halip, padalus-dalos lamang akong nanghusga batay sa imahinasyon ko. Akala ko, kung hindi sumubaybay sa gawain ko ang isang lider o hindi niya nilutas ang mga problema ko, siya ay huwad. Bagama’t binasa at pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos noong panahong iyon, hindi ko naunawaan ang mga ito. Noong makita ko ang isang pangungusap ng mga salita ng Diyos tungkol sa mga huwad na lider na literal na tumutugma sa pag-uugali ni Megan, napagpasyahan ko na isa siyang huwad na lider, at nag-akalang nakita ko nang napakatumpak ang sitwasyon. Sa katunayan, nauunawaan ko ang mga bagay nang wala sa konteksto at pikit-matang ginagamit ang mga panuntunan. At hindi ako mapalagay sa buong prosesong ito. Gusto ko na lalong maghanap at makipag-usap kay Megan bago ko siya iulat, pero pakiramdam ko ay masyado nang halata ang pag-uugali niya na hindi na ako nag-abalang mas maghanap, at basta na lang kumilos ayon sa sarili kong mga ideya. Napakayabang ko at mapagmagaling! Nakita ko rin na may masama akong pagkatao. Hindi talaga ako mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni hindi ko pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Noong nakita ko ang mga problema sa gawain ng lider ko, hindi ko tinukoy ang mga ito sa kanya; sa halip, naghanap ako ng pagkakataong iulat siya sa kanyang mga superyor, para maipakitang-gilas ko ang pagkilatis ko. Nakikita ko kung gaano ako kasuklam-suklam, at nakakaligalig sa puso ang pagkatantong ito. Hindi ko kailanman naisip na ako ay ganitong uri ng tao. Malinaw na hindi ko naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, pero napakayabang at napakawalang-katwiran ko. Tuwang-tuwa ako sa sarili ko pagkatapos kong iulat ang lider ko dahil nadama kong nakita ko ang mga bagay na walang sinumang nakakilatis, at na naunawaan ko ang mga katotohanang prinsipyo. Pero sa totoo lang ay wala akong naunawaan; mga salita at doktrina lang ang naunawaan ko; at bulag kong ginamit ang mga panuntunan. Padalus-dalos kong iniulat ang isang tao nang walang prinsipyo. Hindi ba’t ginugulo nito ang gawain ng iglesia? Hindi ako nag-iipon ng mabubuting gawa, gumagawa ako ng kasamaan!
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at natutuhan ang mga prinsipyo kung paano tratuhin ang mga lider at manggagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi dapat magkaroon ng anumang mataas na ekspektasyon ang mga tao o ng mga di-makatotohanang hinihingi sa mga itinataguyod at nililinang; hindi makatwiran iyan, at hindi patas sa kanila. Maaari ninyong pangasiwaan ang kanilang gawain. Kung may madiskubre kayong mga problema o bagay na labag sa mga prinsipyo habang nagtatrabaho sila, maaari ninyong ipaalam ang isyu at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga bagay na ito. Ang hindi ninyo dapat gawin ay hatulan, kondenahin, batikusin, o ihiwalay sila, dahil nasa panahon pa lang sila ng paglilinang, at hindi sila dapat ituring na mga taong nagawa nang perpekto, lalo nang hindi ng mga taong hindi mabuti, o bilang mga taong nagtataglay ng katotohanang realidad. Gaya ninyo, sila ay nasa panahon pa lang ng pagsasanay. Ang pagkakaiba ay na mas marami silang gawaing ginagawa at responsabilidad kaysa mga ordinaryong tao. May responsabilidad at obligasyon silang gumawa ng mas maraming gawain; kailangang magbayad sila ng mas malaking halaga, higit na magdusa ng paghihirap, mas gumugol ng pag-iisip, lumutas ng mas maraming problema, magtiis sa mas maraming pamimintas ng mga tao, at siyempre pa, dapat silang gumugol ng higit na pagsisikap, at—kumpara sa mga ordinaryong taong gumagawa ng kanilang mga tungkulin—dapat mas kakaunti ang tulog nila, kumain ng mas simpleng pagkain, at hindi masyadong makipagtsismisan. Ito ang espesyal sa kanila; maliban dito, katulad sila ng sinumang iba pa. … Kaya, ano ang pinakamakatwirang paraan ng pagtrato sa kanila? Ang ituring sila bilang mga karaniwang tao at, kapag kinakailangan mong kumonsulta sa isang tao tungkol sa isang problema, ang makipagbahaginan ka sa kanila at matuto mula sa kalakasan ng bawat isa at punan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, responsibilidad ng lahat na subaybayan kung gumagawa ba ang mga lider at manggagawa ng totoong gawain, kung kaya ba nilang gamitin ang katotohanan upang lumutas ng mga problema; ito ang mga pamantayan at prinsipyo sa pagsukat kung ang isang lider o manggagawa ba ay pasok sa pamantayan. Kung ang isang lider o manggagawa ay kayang harapin at lutasin ang mga pangkalahatang problema, may kakayahan siya. Ngunit kung hindi man lamang niya maasikaso at maayos ang mga ordinaryong problema, hindi siya angkop na maging lider o manggagawa, at dapat alisin kaagad sa kanyang posisyon. Kailangang may mapiling iba, at hindi dapat maantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang pag-antala sa gawain ng sambahayan ng Diyos ay pananakit sa sarili at sa iba, hindi ito makakabuti kahit kanino” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano tratuhin ang mga lider at manggagawa. Ang mga lider na inihahalal ng iglesia ay hindi lubos na nauunawaan ang katotohanan, hindi mga perpektong kwalipikado, at hindi nauunawaan ang bawat aspekto ng gawain o alam kung paano ito gawin nang maayos. Nasa panahon din sila ng pagsasanay, at maaaring magpakita ng katiwalian, paglihis, o magkamali. Dapat nating tratuhin nang patas ang mga tao at hindi sobrang manghingi sa kanila; hindi tayo dapat maging walang katwiran sa paghingi sa kanilang gawin nang perpekto ang lahat ng bagay nang walang anumang mga paglihis o pagkukulang. Sa halip, dapat tayong maging maunawain at mapagparaya, at makipagtulungan sa kanila nang matiwasaay para gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Ito ang ibig sabihin ng maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at ang pagtrato sa mga lider at manggagawa nang ganito ay naaayon sa mga prinsipyo. Gayundin, mayroon tayong responsabilidad na i-monitor ang gawain ng mga lider. Dapat tayong tumanggap at sumunod kapag naaayon sa katotohanan ang mga kilos ng ating mga lider, pero kapag hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang mga kilos nila, dapat tayong magsabi ng mga isyu, pagbahaginan ito, at tulungan sila nang napapanahon, para mapagtanto nila ang mga paglihis sa kanilang mga tungkulin at itama kaagad ang mga ito. Kapaki-pakinabang ito sa kanilang buhay pagpasok at sa gawain ng iglesia. Kung kinukumpirma ng mga prinsipyo na ang isang tao ay isang huwad na lider na hindi gumagawa ng tunay na gawain, dapat siyang ilantad at iulat. Nang mapagtanto ko ito, sumigla ang puso ko, at alam ko na kung paano tratuhin ang mga lider at manggagawa sa hinaharap.
Bagama’t sa pagkakataong ito ay mali kong kinilatis at iniulat ang lider ko, natuto ako ng ilang katotohanang prinsipyo tungkol sa pagkilatis sa mga huwad na lider. Natutuhan ko rin kung paano ko dapat tratuhin ang mga lider at manggagawa, nagkamit ako ng ilang kaalaman sa sarili kong katiwalian, at natuto ng ilang aral. Salamat sa Diyos!