51. Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Rosalie, Timog Korea

Sinimulan kong diligan ang mga baguhan sa iglesia dalawang taon na ang nakararaan. Alam kong isa talaga itong mahalagang tungkulin, kaya sumumpa akong mas pagsisikapan ko pa ang paghahangad sa katotohanan, maayos kong madiligan ang mga baguhan, at matulungan silang mabilis na makatahak sa tunay na daan. Karaniwan ay nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos tuwing may oras ako, para sangkapan ang sarili ko ng mga katotohanan tungkol sa mga pangitain. Sa mga pagtitipon, taimtim kong pinagninilayan ang mga problema at paghihirap ng mga baguhan, at bumabaling ako sa mga salita ng Diyos para magbahagi at lutasin ang mga ito. Kapag hindi ko maunawaan o malutas ang isang bagay, naghahanap ako kasama ang ibang mga kapatid. Sa paglipas ng panahon, nagsimulang lumapit sa akin ang mga kapatid na baguhan sa pananampalataya para makipagbahaginan kapag nahaharap sila sa mga problema o paghihirap. Sumaya talaga ako at na kahit maikling panahon ko pa lang nagagampanan ang tungkuling ito, tinitingala na ako ng lahat. Parang ayos naman ang pagganap ko, kaya naging mas masigasig ako sa tungkulin ko.

Kalaunan, inatasan ng lider si Sister Natalie na gumawa kasama ko. Nalaman ko pagkaraan ng kaunting panahon na marami siyang tinanggap na responsibilidad sa kanyang tungkulin at mahusay sa pagtuklas ng mga problema at paglihis sa gawain namin, at na nagawa niyang lutasin ang ilang problema. Gustung-gusto siya ng lahat at kadalasan ay siya ang hinahanap para makipagbahaginan kapag may mga isyu sila. Nag-alala ako nang makita ko ang lahat ng ito: “Bagu-bago pa lang si Natalie, pero napakataas na agad ng tingin ng iba sa kanya. Kapag may mga problema sila, magsisimula ba silang siya na lang ang hahanapin, at hindi ako? Iisipin ba nila na hindi ko siya mapapantayan? Hindi. Kailangan kong mas magsumikap pa para makita ng lahat na hindi mas magaling si Natalie kaysa sa akin. Iyon lang ang paraan para manatili akong may puwang sa puso ng lahat.” Pagkatapos niyon, bago magsimula ang bawat pagtitipon ay inuunawa ko muna ang mga kalagayan at paghihirap ng mga kapatid, pagkatapos ay naghahanap ako ng mga salita ng Diyos at nagtatala tungkol sa mga iyon. Sa mga pagtitipon, abala ako sa kaiisip kung paano ako makapagbibigay ng mas magandang pagbabahagi kaysa kay Natalie para isipin ng lahat na mas may kakayahan ako. Sa gulat ko, isang araw ay sinabi sa amin ng lider na pumayag ang karamihan sa mga kapatid na magsilbi si Natalie bilang lider ng grupo at akuin ang mga responsibilidad ng gawain ng grupo. Natigilan ako, at naisip ko, “Mali ba ako ng dinig? Nahalal si Natalie bilang lider ng grupo? Mas matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito kaysa sa kanya pero hindi pa ako nahahalal. Ano ang iisipin ng mga kapatid kapag nalaman nila ito? Iisipin ba nila na mas magaling siya kaysa sa akin? Ano pang mukha ang maipapakita ko?” Hindi ko talaga matanggap ang katunayang iyon, at labis akong nabagabag. Alam kong hindi ko dapat isipin iyon sa gayong paraan. Pero namumuhay ako sa isang kalagayan ng paghahangad ng karangalan at katayuan, at hindi ko makontrol ang sarili ko. Ang tanging nagawa ko ay aluin ang sarili ko, “Ayos din naman ito, ang kailangan ko lang gawin ay gampanan nang maayos ang sarili kong tungkulin, at huwag masyadong mag-alala.” Sa panahong iyon, hindi ko talaga hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang sarili ko tungkol dito.

Tapos isang araw, nalaman ko na nasa masamang kalagayan si Sister Sadie, at hindi dumadalo sa mga pagtitipon. Kinontak ko siya, na umaasang makipagbahaginan sa kanya, pero nakausap na raw niya si Natalie at na nagbahaginan na sila tungkol doon. Medyo sumama ang loob ko nang marinig ko iyon. “Dati-rati ay inilalapit sa akin ni Sadie ang mga problema niya, pero ngayon ay dumidiretso na siya kay Natalie. Iniisip ba niya na hindi ako kasinggaling ni Natalie? Kung magpapatuloy ang mga bagay-bagay nang ganito, makakalimutan na ba ako ng lahat?” Talagang nasira ang loob ko sa isiping ito, at nagkaroon ako ng pagkiling laban kay Natalie, naniniwala akong inaagaw niya ang atensyon sa akin. Ayaw ko na siyang makatrabaho pagkatapos niyon. Kapag hinahanap niya ako para pag-usapan ang gawain, hindi ko siya pinapansin, at kung minsan ay pabasta-basta ko lang siya kinakausap. Minsan, noong nasa isang pagtitipon kami online, nagbahagi si Natalie bilang tugon sa tanong ng isang sister, at nag-alala ako nang husto na maaagaw niya ang atensiyon mula sa akin kaya wala akong naintindihang anuman doon. Patuloy ko lang inisip kung paano ko siya mahihigitan sa pagbabahagi, at ipakita sa mga kapatid na kaya ko ring lutasin ang mga problema nang kasinghusay niya. Nang tapos na si Natalie, sinabi ng sister na nagtanong na medyo hindi pa rin niya maunawaan ang partikular na landas ng pagsasagawa. Nang marinig ko ito, tuwang-tuwa ako, iniisip na: “Medyo marami kang ibinahagi nang hindi nilulutas ang tunay na problema. Ngayon ay nahihiya ka. Kailangan kong samantalahin ang pagkakataong ito na magpakitang-gilas para makita ng lahat na mas magaling ako kaysa sa iyo, at na mas mahusay ang pagbabahagi ko kaysa sa iyo.” Nagsimula akong magbahagi kaagad. Nang matapos ako, naging malinaw na hindi ko talaga naunawaan ang tanong ng sister na ito, at malayung-malayo ang sagot ko. Pinadalhan pa niya ako ng mensahe para sabihin sa akin na napalayo na sa paksa ang pagbabahagi ko. Pakiramdam ko isa akong hangal sa oras na iyon at gusto kong maghanap ng mapagtataguan. Tinapos ko ang tawag sa sandaling iyon dahil may importanteng nangyari. Kalaunan, nakita kong online pa rin sila sa pagtitipon at pumasok sa isipan ko ang isang masamang ideya: “Kung patuloy na magsasalita si Natalie nang ganito, sino ang nakakaalam kung gaano katagal siyang magpapatuloy. Kung hindi ako makakadalo sa pagtitipon, walang ibang pwedeng dumalo, kung hindi ay si Natalie lang ang magiging sentro ng atensiyon.” Kaya, nang hindi talaga ito pinag-isipan, ipinadala ko ang mensaheng ito: “Tapos na ang oras ng pagtitipon, hindi na kailangang patagalin pa ito. Maaari nating talakayin ang anumang mga problema mamaya.” Pagkaraan ng ilang minuto, natapos na ang pagtitipon. Nakaupo ako roon sa harap ng computer na balisang-balisa. Hiyang-hiya ako sa pagbabahaging ginawa ko, at nakonsensya ako nang maisip ko kung paano ako natuwa na hindi kinayang lutasin ni Natalie ang problema. Sinabi ko sa sarili ko, “Ano ang ginagawa ko? Sa halip na isipin kung paano makikipagtulungan sa kanya para magawa nang maayos ang tungkulin namin, napipigilan ako ng inggit, kapwa nang lantaran at palihim, at tinatangka kong isabotahe siya. Paggawa ba iyon ng tungkulin ko?” Lumapit ako sa Diyos para manalangin: “Diyos ko, namumuhay ako sa kalagayan ng pakikipagpaligsahan para sa karangalan at katayuan, laging nakikipagkumpitensya at ikinukumpara ang sarili ko kay Natalie, at ginugusto ang paghanga ng ibang tao. Alam kong mali ang kalagayang ito, pero hindi ko ito matakasan. Diyos ko, gabayan Mo sana akong makilala ang sarili ko.”

Sa isang pagtitipon, nakita ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kapag gumagawa ng tungkulin ang mga anticristo, anuman ito at kahit nasaang grupo pa sila, nagpapamalas sila ng kakaibang uri ng pag-uugali, iyon ay na sa lahat ng bagay, gusto nila palaging namumukod-tangi at nagpapakitang-gilas, palagi silang may gawing pigilan ang mga tao at kontrolin ang mga ito, gusto nilang palaging pamunuan ang mga tao at na sila ang masunod, gusto nilang palagi silang napapansin, gusto nila palaging makuha ang tingin at atensiyon ng mga tao, at gusto nilang hangaan sila ng lahat. Sa tuwing sumasali ang mga anticristo sa isang grupo, kahit gaano pa karami ang bilang nito, kahit sino pa ang mga miyembro ng grupo, o kahit ano pa ang kanilang propesyon o pagkakakilanlan, pinag-iisipan munang mabuti ng mga anticristo ang mga bagay-bagay upang makita kung sino ang kapita-pitagan at namumukod-tangi, sino ang mahusay magsalita, sino ang kahanga-hanga, at sino ang kwalipikado o may katanyagan. Tinatantiya nila kung sino ang kaya nilang talunin at kung sino ang hindi nila kaya, pati na rin kung sino ang nakahihigit sa kanila at kung sino ang mas mababa. Ito ang mga unang bagay na tinitingnan nila. Matapos na mabilisang suriin ang sitwasyon, sinisimulan nilang gumawa ng aksiyon, isinasantabi at pansamantalang hindi pinapansin ang mga nasa ilalim nila. Inuuna nila ang mga pinaniniwalaan nilang mas nakatataas, ang mga medyo may katanyagan at katayuan, o ang mga may kaloob at talento. Sinusukat muna nila ang kanilang sarili sa mga taong ito. Kung ang isa man sa mga taong ito ay iginagalang ng mga kapatid, o matagal nang mananampalataya sa Diyos at nasa mabuting kalagayan, nagiging puntirya siya ng inggit ng mga anticristo, at siyempre, nakikita siya bilang kakompitensiya. Tapos, tahimik na ikinukumpara ng mga anticristo ang kanilang sarili sa mga taong ito na may katanyagan, may katayuan, at hinahangaan ng mga kapatid. Sinisimulan nilang pagnilayan ang gayong mga tao, sinusuri kung ano ang kaya nilang gawin at kung saan sila nagpakadalubhasa, at kung bakit sila pinahahalagahan ng ilang tao. Habang nanonood at nagmamasid, napag-iisip-isip ng mga anticristo na ang mga taong ito ay mga eksperto sa isang partikular na propesyon, pati na rin ang katunayan na lubos silang iginagalang ng lahat, dahil mas matagal na silang naniniwala sa Diyos, at nakakapagbahagi sila ng isang patotoong batay sa karanasan. Itinuturing ng mga anticristo ang gayong mga tao bilang ‘masisila’ at kinikilala ang mga ito bilang mga katunggali, at pagkatapos ay bumubuo sila ng planong pagkilos. Anong planong pagkilos? Tinitingnan nila ang mga aspekto kung saan sila mahina kung ikukumpara sa kanilang mga katunggali at pagkatapos ay magsisimulang pagbutihan sa mga aspektong ito. Halimbawa, kung hindi sila ganoon kahusay sa isang partikular na propesyon gaya ng mga ito, pag-aaralan nila ang propesyong iyon, mas magbabasa ng mga libro, mas magsasaliksik ng lahat ng iba’t ibang impormasyon, at mapagpakumbabang mas hihingi ng panuto mula sa iba. Makikilahok sila sa iba’t ibang uri ng gawaing may kinalaman sa propesyong iyon, habang unti-unting nadaragdagan ang karanasan at nalilinang ang sarili nilang kapangyarihan. At kapag naniniwala sila na mayroon silang kapital para makipagtuos sa kanilang mga kalaban, madalas silang sumusulong para ipahayag ang kanilang sariling ‘napakatalinong mga pananaw,’ at madalas nilang sadyang pinabubulaanan at minamaliit ang kanilang mga kalaban, para ipahiya sila at dumihan ang kanilang mga pangalan, at sa gayon ay mabigyang-diin kung gaano sila katalino at kakatangi-tangi, at supilin ang kanilang mga kalaban. Nakikita ng mga taong may matalas na pag-unawa ang lahat ng bagay na ito, tanging ang mga hangal at mangmang at walang pagkilatis ang hindi nakakakita nito. Ang nakikita lang ng karamihan sa mga tao ay ang kasigasigan ng mga anticristo, ang kanilang paghahangad, pagdurusa, pagbabayad ng halaga, at panlabas na mabuting pag-uugali, pero ang tunay na sitwasyon ay nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo. Ano ang kanilang pangunahing layunin? Ito ay ang magkamit ng katayuan. Ang puntirya kung saan nakasentro ang lahat ng kanilang gawain, ang lahat ng kanilang pagpapakapagod, at ang lahat ng halagang ibinabayad nila ay ang bagay na sinasamba nila nang higit sa lahat sa puso nila: ang katayuan at kapangyarihan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Nang mabasa ko ang salita ng Diyos, naramdaman ko na napakalinaw na nakikita ng Diyos ang mga iniisip at nadarama ko. Pinagnilayan ko kung paanong, simula nang tanggapin ko ang gawain ng pagdidilig, itinuring ko na ito na isang pagkakataong magpakitang-gilas. Ginusto kong lutasin ang mga problema ng iba bilang isang paraan para makamit ang kanilang paghanga at pagsang-ayon. Matapos italaga ng lider na gumawa kasama ko si Natalie, hindi ko inisip kung paano namin magagawa nang maayos ang aming tungkulin nang magkasama, at sa halip ay palagi akong nakikipagkumpitensya sa kanya at ikinukumpara ko ang sarili ko sa kanya. Nahumaling ako sa kung sino ang hinahanap ng mga kapatid para magpatulong, kung sino sa amin ang mas tanyag, o mas mataas ang katayuan sa iba. Natakot ako nang makita ko kung paano tiningala ng lahat si Natalie at pakiramdam ko ay isinantabi ako, kaya sinimulan kong ituring siyang kakumpitensya. Ginusto kong talunin siya at higitan siya sa lahat ng sinabi at ginawa ko, at sinubukan ko ang lahat para isipin ng mga kapatid na mas magaling ako kaysa sa kanya. Ipinakita kong ginagawa ko ang aking tungkulin, pero hindi ko man lang iniisip kung paano ito gagawin nang maayos, kung paano namin masusulit ang mga pagtitipon, o kung nalutas ba ang mga paghihirap at problema ng aking mga kapatid. Bawat isang bagay na ginawa ko ay alang-alang sa reputasyon at katayuan. Hindi ba disposisyon iyon ng isang anticristo? Para sa mga anticristo, katayuan at karangalan ang pinakamahalaga sa lahat. Naiinggit sila, nakikipaglaban, at ikinukumpara ang kanilang sarili sa sinumang mas magaling kaysa sa kanila. Gagawin nila ang lahat para tapakan, hamakin, at dungisan ang sinuman alang-alang sa katayuan, para itaas ang kanilang sarili at magpakitang-gilas. Sa lahat ng ginagawa ko, hindi ba kapareho ng sa isang anticristo ang mga lihim kong motibo? Ang paggawa ng aking tungkulin nang may ganoong uri ng layunin ay pagtahak sa landas ng isang anticristo, at paglaban sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, napuno ako ng pagsisisi. Ayaw kong magpatuloy sa landas na iyon, at ninais kong hanapin talaga ang katotohanan at lutasin ang aking tiwaling disposisyon.

Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa kampo ni Satanas, sa lipunan man o sa mga opisyal na mga lupon, ano ang namamayaning atmospera? Ano ang mga popular na pagsasagawa? Dapat kayong magkaroon ng ilang pagkaunawa sa mga ito. Ano ang mga prinsipyo at mga alituntunin ng kanilang mga kilos? Ang bawat isa ay may sariling batas; nagkakanya-kanya ng landas ang bawat isa. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang interes at gumagawa ayon sa pinipili nila. Sinuman ang may awtoridad ang siyang may huling salita. Kahit sandali ay hindi nila iniisip ang iba. Ginagawa nila ang maibigan nila, nagsisikap para sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, at ganap na kumikilos ayon sa mga sarili nilang kagustuhan. Sa sandaling tumanggap sila ng kapangyarihan, mabilis nilang ginagamit ang kapangyarihang ito sa iba. Kung napasama mo ang loob nila, nanaisin nilang pahirapan ka, at wala ka nang magagawa kundi ang magbigay sa kanila ng mga regalo. Kasingsama sila ng mga alakdan, handa silang labagin ang mga batas, ang mga regulasyon ng pamahalaan, at gumawa ng mga krimen. Lahat ng ito ay kaya nilang gawin. Ganito kadilim at kasama sa kampo ni Satanas. Ngayon, pumarito ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, upang tulutan ang mga taong tanggapin ang katotohanan, maunawaan ang katotohanan, at makalaya mula sa pang-aalipin at kapangyarihan ni Satanas. Kung hindi ninyo tatanggapin ang katotohanan at isasagawa ang katotohanan, hindi ba’t namumuhay pa rin kayo sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Kung gayon, ano ang pinagkaiba ng kasalukuyang kalagayan ninyo sa mga diyablo at ni Satanas? Makikipagkumpetensiya kayo sa paraang katulad ng sa mga walang pananampalataya. Lalaban kayo sa paraang katulad sa paglaban ng mga walang pananampalataya. Mula umaga hanggang gabi, kayo ay magpaplano, magpapakana, maiinggit at makikipagtalo. Ano ang ugat ng problemang ito? Ito ay dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at namumuhay ang mga tao ayon sa mga tiwaling disposisyong ito. Ang paghahari ng mga tiwaling disposisyon ay ang paghahari ni Satanas; nananahan ang sangkatauhang ginawang tiwali sa loob ng satanikong disposisyon, at walang eksepsiyon dito. Kaya, hindi mo dapat isipin na masyado kang mabuti, masyadong maamo, o masyadong matapat para makipag-agawan sa kapangyarihan at pakinabang. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at hindi inaakay ng Diyos, tiyak na hindi ka isang eksepsyon, at sa anumang paraan, dahil sa iyong katapatan o kabaitan, o dahil sa iyong kabataan, ay hindi mo mapipigilan ang iyong sarili na huwag makipagtunggali para sa katanyagan at pakinabang. Sa katunayan, hahangarin mo rin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan hangga’t mayroon kang pagkakataon at pahihintulutan ito ng kalagayan. Ang pagsunggab sa katanyagan at pakinabang ay ang tatak na pag-uugali ng mga taong may buktot na kalikasan ni Satanas. Walang eksepsiyon sa sinuman. Lahat ng tiwaling sangkatauhan ay nabubuhay para sa katanyagan, pakinabang at katayuan, at magbabayad sila ng anumang halaga sa kanilang pagpupursige para sa mga ito. Ganito rin sa lahat ng nabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kaya, ang hindi tumatanggap sa katotohanan o nauunawaan ang katotohanan, ang hindi makakilos alinsunod sa mga prinsipyo, ay isang taong nabubuhay sa gitna ng satanikong disposisyon. Dumating na ang satanikong disposisyon upang pangibabawan ang isipan mo at kontrolin ang iyong pag-uugali; ganap ka nang isinailalim ni Satanas sa kanyang kontrol at pang-aalipin, at kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan at maghihimagsik laban kay Satanas, hindi ka makatatakas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakita ko kung bakit hindi ko mapigilan ang sarili kong makipaglaban para sa katanyagan at personal na pakinabang. Iyon ay dahil nailubog ako at nagawang tiwali ng mga satanikong pananaw at lason. Mula pa noong bata pa ako, itinuro at ikinintal na sa aking isipan sa bahay at paaralan ang mga ideyang tulad ng: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa,” at “Kailangang tiisin ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.” Kaya gusto ko ang paghanga ng iba saang grupo man ako kabilang, at ikinatuwa ko ang pakiramdam ng mahangaan at masang-ayunan. Akala ko iyon lang ang buhay na marangal at may halaga. Namumuhay pa rin ako ayon sa mga satanikong ideya at pananaw na ito habang ginagawa ko ang tungkulin ko sa iglesia. Sa paghahangad ng paghanga ng iba, itinuring kong kaaway si Natalie, labis na iniisip kung paano ko siya mahihigitan. Humantong pa nga ako sa paggawa ng mga walang-pusong bagay, gumagamit ng mga lihim na paraan para gambalain ang kanyang pagbabahagi sa pagtitipon. Naisip ko noon pa man na ang pag-angat sa mga ranggo at mahangaan ang tanging marangal na paraan para mabuhay. Naipakita sa akin ng mga katunayan na kapag namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason na ito, lumalaki nang lumalaki ang ambisyon at pagnanais ko, at kumikitid nang kumikitid ang isipan ko hanggang sa ang pag-uugali ko ay nagiging kamuhi-muhi at lalo namang kasuklam-suklam sa Diyos. Wala ni bahid ng dangal sa ganitong pamumuhay. Sa wakas ay nakita ko kung gaano katindi akong nagawang tiwali ni Satanas. Hindi ko masabi ang kaibahan sa pagitan ng mga positibo at negatibong bagay, at nawalan ako ng konsensya at katwiran. Kung hindi sa paghatol at paghahayag ng salita ng Diyos, hindi ko sana napagnilayan at nakilala ang sarili ko, ni hindi ko sana nakita nang malinaw ang mga kahihinatnan at panganib ng paghahangad ng katanyagan at katayuan. Patuloy lang sana akong namuhay ayon sa mga lason ni Satanas, at sino ang nakakaalam kung anong uri ng kasamaan ang nagawa ko sana? Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos sa Kanyang patnubay, at sa pagbibigay sa akin ng kaunting kaalaman tungkol sa sarili ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, at natagpuan ko sa loob niyon ang praktikal na landas para mapalaya ang sarili ko mula sa mga gapos ng katanyagan at katayuan. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, itataboy ka at tatalikdan ka ng Diyos. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natanto ko na hindi Niya hinihingi sa mga tao na maging tanyag o dakila. Hindi Niya sila pinagagawa ng anumang kamangha-mangha. Gusto lang ng Diyos na matapat tayong magsagawa alinsunod sa Kanyang mga salita, at tuparin natin ang mga tungkulin at responsibilidad ng isang nilalang. Ang gayong tao ay tunay na marangal sa mga mata ng Diyos, at nakakalugod sa Kanya. Dapat sambahin at dakilain ng tao ang Diyos. Pero lagi akong naghahangad ng puwang sa puso ng mga tao at sinusubukan silang himukin na tingalain at sambahin ako. Sa paggawa nito, hindi ba’t sinasalungat ko ang mga hinihingi Niya at tinatahak ang landas ng paglaban sa Diyos? Wala akong katotohanang realidad. Maraming bagay akong hindi nauunawaan o nalulutas, at ang nagagawa ko lamang ay bumulalas ng kaunting doktrina, pero laging mataas ang tingin ko sa sarili ko. Hindi ako nahihiyang gustuhin na tingalain at sambahin ako ng iba, at nakipaglaban ako para doon nang hindi iyon nangyari. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko, at wala akong kahihiyan! Ang Diyos ang Panginoon ng paglikha, at Siya ay kataas-taasan at dakila. Nagkatawang-tao Siya at pumarito sa lupa upang ipahayag ang katotohanan at iligtas ang sangkatauhan. Napakalaki ng gawaing Kanyang nagawa, pero hindi pa rin Siya nagpapasikat o inilulugar ang Kanyang sarili bilang Diyos. Siya ay tago at mapagpakumbaba. Ang makita kung gaano kakaibig-ibig ang diwa ng Diyos ay mas lalong nagpahiya at nagpakonsensya sa akin. Nagpasya akong maghimagsik laban sa aking laman at isagawa ang katotohanan. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin: “Diyos ko, lagi akong nakikipagpaligsahan at nagkukumpara ng sarili ko sa iba habang ginagampanan ko ang aking tungkulin, at naghahangad ako ng katayuan upang tingalain ako ng iba. Nakakasuklam ito sa Iyo, at ayaw ko nang mamuhay sa ganitong paraan. Gusto kong isantabi ang katanyagan at katayuan, at maging praktikal habang ginagawa ang aking tungkulin. Gabayan Mo sana ako.” Pagkatapos niyon, hinanap ko si Natalie at ipinagtapat sa kanya ang aking kalagayan at katiwalian. Nagbahaginan kami tungkol sa kahalagahan ng maayos na pagtutulungan. Sa sandaling iyon, napakatatag at napakapayapa ng pakiramdam ko.

Pagkatapos niyon, nagkakaroon pa rin ako ng udyok na makipagkumpitensya habang nakikipagtulungan kay Natalie, pero kapag lumilitaw ang mga isiping ito, agad akong nagdarasal at naghihimagsik laban sa sarili ko. Naaalala ko na minsan noong si Natalie na ang mangangasiwa sa isang pagtitipon, nakita ko na masyado siyang abala para maghanda, kaya naghanap ako ng ilang nauugnay na salita ng Diyos para lutasin ang mga isyu ng iba. Naisip ko, “Ako ang nakahanap sa mga siping ito. Kung maging maayos ang pagtitipon, iisipin ba ng mga kapatid na si Natalie ang gumawa ng lahat ng trabaho? Iisipin ba nila na mas marami siyang pasanin kaysa sa akin? Dapat siguro ako ang mangasiwa sa isang ito.” Habang pinag-iisipan ko ito, napagtanto ko na nakikipaglaban na naman ako para sa katanyagan at personal na pakinabang. Pagkatapos ay sumagi sa isip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kailangan mong matutunang bitiwan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling samantalahin ang mga pagkakataong mamukod-tangi at mapansin. Kailangan mong maisantabi ang mga bagay na ito, ngunit kailangan mo ring hindi maantala ang pagganap ng iyong tungkulin. Maging isa kang taong gumagawa nang hindi napapansin, at hindi nagpapasikat sa iba habang may pagkamatapat mong mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Habang lalo mong binibitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at katayuan, at habang lalo mong binibitiwan ang sarili mong mga interes, lalo kang makadarama ng kapayapaan, lalong magkakaroon ng liwanag sa puso mo, at lalong bubuti ang kalagayan mo. Kapag lalo kang nagpupumilit at nakikipagkumpitensya, lalong didilim ang kalagayan mo. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, subukan mo nang makita mo! Kung gusto mong mabago ang ganitong klase ng tiwaling kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan, at malinaw na maunawaan ang diwa ng mga bagay na ito, at pagkatapos ay isantabi ang mga ito at isuko ang mga ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Kailangan nating matutunang bumitaw, na isuko ang anumang pagkakataong magpakitang-gilas at hayaang mamukod-tangi ang ibang tao. Habang iniisip ito, pinadalhan ko siya ng mensahe, na sinasabing, “Sige, ikaw ang mangasiwa bukas, tutulong ako sa pagbabahagi.” Sa pagtitipon kinabukasan, hindi ko inisip kung ano ang magiging tingin sa akin, kundi kung paano ko ibabahagi ang mga salita ng Diyos para makatulong na lutasin ang mga problema ng mga tao. Magkasama kaming nagbahagi ni Natalie, pinupunan ang isa’t isa. Pagkatapos, sinabi ng lahat na naging kapaki-pakinabang talaga sa kanila ang pagtitipon. Nagpasalamat ako sa Diyos para dito at nadama ko ang katiyakan at kapayapaan ng pagsasagawa ng katotohanan.

Sinundan: 50. Ano ang Nasa Likod ng Pagtangging Maging Lider

Sumunod: 52. Tinanggal: Isang Pagpukaw na Kailangan Ko

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito