41. Ang Inggit ay Isang Kasuklam-suklam na Bagay

Ni Su Can, Tsina

Noong Hunyo ng 2021, nagsimula akong magsanay sa pagdidilig ng mga baguhan. Alam kong marami akong kakulangan, kaya madalas akong manalangin sa Diyos at ilaan ang sarili ko sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Paglipas ng ilang panahon, naunawaan ko ang ilan sa mga katotohanang prinsipyo at naipaliwanag nang kaunti ang mga isyu sa aking pagbabahagi. Sinabi ng lahat ng kapatid na magaling talaga akong magbahagi. Sa kabila ng pagsasabi kong, “Salamat sa Diyos! Lahat ito ay kaliwanagan ng Diyos,” sa loob ko ay talagang nasiyahan ako sa sarili ko. Ako ang laging pinakanakikitang miyembro sa bawat pagtitipon at tinitingala ako ng lahat—binigyan ako nito ng higit pang kasigasigan na aktibong gawin ang tungkulin ko. Nang maglaon, ipinareha ako kay Brother Xiang Ming. Bago pa lang siya sa pananampalataya at may kakulangan pa pagdating sa pagbabahagi ng katotohanan, kaya medyo nahirapan siya noong nagsisimula pa lang siyang magsanay na magdilig ng mga baguhan, pero nakatuon siya sa paghahangad ng katotohanan at mabilis siyang umusad. Napakaprangka rin niya at nagtatapat siya at nagbubukas kapag ibinubunyag ang katiwalian niya, at nakatuon siya sa paghahanap sa katotohanan at pagninilay-nilay sa pagkilala sa sarili kapag nahaharap siya sa mga isyu. Lahat ng kapatid ay hinusgahan siya bilang isang taong naghahangad ng katotohanan. Nang maobserbahan ko ito, medyo nabahala ako: “Pursigidong tao talaga si Xiang Ming—kung magpapatuloy ito, mabilis niya akong mahahabol. Kung magkagayon, sino na ang titingala sa akin? Hindi ito maaari, kailangan kong mabilis na masangkapan ang sarili ko ng katotohanan. Hindi ko pwedeng hayaang malampasan niya ako.” Pagkatapos niyon, mas nagsikap pa ako kaysa sa dati.

Minsan, sinabi sa akin ni Xiang Ming: “Naunawaan ko ang maraming katotohanan habang ginagampanan ang tungkulin ko kasama ng mga kapatid, at sobrang masaya at malaya ang pakiramdam ko. Gusto ko talagang magbitiw na sa trabaho ko at simulang gawin ang tungkulin ko nang full-time, pero may ilang bagay na humahadlang at hindi ako sigurado kung paano magpapatuloy.” Nang marinig ko ito, naisip ko kaagad: “Kung sisimulan niyang gampanan ang tungkulin niya nang full-time, mas mabilis pa siyang uusad at mabilis niya akong mahahabol. Ano ang gagawin ko kung magsimulang tingalain siya ng iba at mapag-iwanan ako? Mas maganda kung maghihintay pa siya nang kaunti bago magbitiw sa kanyang trabaho.” Kaya sinabi ko sa kanya: “Dapat nating isagawa ang pagpapasakop at paghihintay. Magdasal ka sa Diyos at maghahanda Siya ng tamang pagkakataon para sa iyo.” Gayunpaman, sa sandaling sinabi ko ito, medyo nakonsensya ako. Naisip ko: “Hindi ba’t sadya kong hinahadlangan si Xiang Ming sa paghahangad sa katotohanan?” Pero nag-aalala pa rin ako na baka maging banta siya sa katayuan ko, kaya hindi na ako nagsalita pa. Pagkatapos niyon, nalutas ni Xiang Ming ang mga isyu niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos at nagbitiw siya sa kanyang trabaho makalipas lang ang isang linggo. Nang mabalitaan ko ito, hindi lang ako hindi natuwa para kay Xiang Ming; sa totoo lang ay medyo nalungkot pa ako. Dahil nag-aalala ako na baka masapawan ako ni Xiang Ming, itinatago ko ang ilang bagay kapag katuwang ko siya. Kapag nakakakita ako ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na nauugnay sa kanyang kalagayan sa panahon ng mga debosyonal, hindi ko ibinabahagi ang mga ito sa kanya, hindi gaya ng dati. Kapag lumalapit siya sa akin nang may mga katanungan tungkol sa mga problemang nararanasan niya, hindi ko ibinabahagi sa kanya ang lahat ng kabatiran ko, iniisip ko na: “Inabot ako ng dalawang taon para lang magkaroon ng ilang kabatirang ito. Kung sasabihin ko sa kanya ang lahat, masyado siyang mabilis na uusad at titingalain siya ng lahat ng kapatid. Ano ang gagawin ko kapag nangyari iyon?” Pagkaraan ng ilang panahon, hindi na kami naging gaanong malapit ni Xiang Ming. Hindi na kami malayang nag-uusap at hindi na nagtutulungan. Maliban kung kinakailangan namin sa aming mga tungkulin, bihira na lang kaming nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Medyo lumala ang kalagayan ko at hindi ako malinaw na nakaramdam ng anumang kaliwanagan kapag kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos. Subalit noong panahong iyon, hindi ko napagtanto na may mali sa kalagayan ko at hindi ako lumapit sa Diyos para maghanap at magnilay-nilay.

Kalaunan, dahil sa mga kinakailangan sa gawain, kinailangan naming maghiwalay ni Xiang Ming at magkahiwalay na magdilig ng mga baguhan. Nang marinig kong maghihiwalay kami, lihim akong natuwa: “Mula ngayon, hindi ko na kailangang maghanda ng tatalakayin para sa mga pagtitipon kasama niya. Natural, kung wala ang tulong ko, hindi siya uusad nang ganoon kabilis. Kailangan ko lang na ituloy ito, pagbutihin ang aking mga resulta at huwag siyang hayaan na mahabol ako. Makikita ng lahat na wala siyang kakayahan at lahat ng pagsisikap na ginagawa niya ay mawawalan ng kabuluhan.” Minsan, pagkatapos ng isang pagtitipon, habang naglalakad pauwi ay nag-uusap kami ni Xiang Ming kung kumusta ang aming mga pagtitipon kasama ang mga baguhan. Sinabi niya na talagang nalulungkot siya dahil hindi dumadalo sa mga pagtitipon ang ilang baguhan na responsibilidad niya at hindi niya mabisang nadiligan ang mga ito. Nang marinig ko iyon, naisip ko: “Nagkakaroon siya ng ilang isyu at nagiging negatibo, kailangan ko siyang tulungan kaagad.” Pero kasabay niyon, lihim din akong natuwa talaga, iniisip ko na: “Maganda ang naging takbo ng pagtitipon ko ngayong araw, at sinabi ng lider na talagang maayos akong nakapagbahagi.” Pagkatapos ay kinumusta ni Xiang Ming ang pagtitipon ko. Napagtanto ko na kung sasabihin ko sa kanya na naging maayos ito, lalo lang siyang magiging negatibo, pero hindi ko lang talaga mapigilang magyabang nang kaunti. Gusto kong ipakita sa kanya kung gaano ako nakahihigit sa kanya at bawasan ang kanyang sigla. Kaya, sa tonong nasisiyahan sa sarili, sinabi ko sa kanya, “Napakaayos ng naging pagtitipon ko, sa totoo lang.” Nang marinig iyon ni Xiang Ming, tila mas lalo siyang nanlumo at hindi na nagsalita pa. Nang makita ko ang malungkot niyang mukha, medyo nakonsensya ako at naisip ko na: “Bakit ba hindi na lang ako nanahimik? Hindi ba ito makakaapekto sa sigla ni Xiang Ming sa gawain niya? Ang sama ng ginawa kong iyon!” Pagkauwi namin, nagbahaginan pa kami nang kaunti, pero hindi pa rin bumuti ang kalagayan ni Xiang Ming. Naisip ko: “Nakipagbahaginan ako sa kanya sa abot ng aking makakaya, kaya hindi ko na problema kung masama pa rin ang kalagayan niya.”

Makalipas ang ilang araw, habang naglalakad kami pauwi pagkatapos ng aming mga pagtitipon, kinumusta ko ang pagtitipon ni Xiang Ming. Sinabi niya na nagbahagi siya ng mga salita ng Diyos tungkol sa isyu ng mga baguhang ayaw dumalo sa mga pagtitipon at naging maayos naman ito. Nang marinig ko ito, medyo nalungkot ako. Pakiramdam ko ay nangangahulugan ito na hindi ko maihahambing ang matagumpay kong pagtitipon sa pagtitipon niyang hindi gaanong mabisa. Kaya, direkta ko na lang tinukoy ang mga isyu sa pagbabahagi niya. Dahil dito, nasadlak na naman sa pagkalumbay ang kalagayan niya pagkatapos na medyo bumuti sa wakas. Sumagot si Xiang Ming: “Ito lang ang alam ko ngayon, at makakapagbahagi lang ako sa mga baguhan sa kung ano ang nalalaman ko.” Nang sabihin niya ito, medyo nakonsensya ako, naisip ko: “Nawawalan na naman ng gana si Xiang Ming dahil sa akin! Dahil medyo bago pa lang siya sa pananampalataya, ang pagkakaroon ng ilang resulta mula sa mga pagtitipon ay tanda ng pag-usad. Dapat pinapalakas ko ang loob niya.” Gusto ko talaga sanang humingi ng tawad sa kanya, pero medyo nahihiya ako at nag-aalala sa maaaring isipin niya sa akin. Iisipin ba niyang masama akong tao kung sasabihin ko sa kanya? Pagkatapos kong mag-urong-sulong tungkol dito sa isip ko, sa huli ay nagpasya akong huwag nang magsabi ng anuman sa kanya. Habang naglalakad kami pauwi, napaisip ako: “Bakit ko ba pinapahina ang loob ng isang tao nang ganoon?” Napagtanto ko na hindi ko kayang makita ang ibang tao na nagiging magaling at na naiinggit ako kay Xiang Ming. Nag-aalala ako na kung mababago niya ang kalagayan niya at magsisimula siyang makakuha ng magagandang resulta, titingalain at pupurihin siya ng mga kapatid at ganap nila akong makakalimutan. Para masigurong hindi niya mapapatanyag ang kanyang sarili, inatake ko siya at ginawa siyang negatibo. Nang mapagtanto ko ito, sobrang nalungkot at nakonsensya ako. Sa sandaling makauwi ako sa bahay, nanalangin ako sa Diyos, sinabi sa Kanya na handa akong magsisi at gumawa ng mga pagbabago, at hiniling sa Kanya na gabayan ako para makilala ko ang aking tiwaling disposisyon.

Sa kalagitnaan ng aking paghahanap, nakita ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, hindi ba ito masasabing pagtahak sa landas ng isang anticristo? … Ang problema sa mga taong naghahangad ng pansarili nilang mga interes ay ang hinahangad nila ang mga mithiin ni Satanas—ang mga ito ay mga mithiin na masasama at hindi makatarungan. Kapag hinahangad ng mga tao ang mga personal na interes gaya ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, hindi nila namamalayang nagiging kasangkapan na pala sila ni Satanas, nagiging kasangkapan na sila ni Satanas, at, higit pa rito, nagiging kinatawan sila ni Satanas. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa iglesia; sa gawain ng iglesia, at sa normal na buhay-iglesia at normal na paghahangad ng mga taong hinirang ng Diyos, ang epekto nila ay mang-abala at maminsala; mayroon silang masama at negatibong epekto(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Ang mga salita ng Diyos ay isang perpektong paglalantad ng kasalukuyan kong kalagayan. Nang mapansin kong mabilis ang pag-usad ng buhay ni Xiang Ming at lahat ng kapatid ay tinitingala siya, nag-alala ako na baka masapawan niya ako at maipagkait sa akin ang paghanga ng iba, kaya sinadya kong lumayo sa kanya. Nang makatanggap ako ng kaliwanagan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ayaw kong ibahagi ito sa kanya. Nang magpahayag siya ng pagnanais na maging full-time sa kanyang mga tungkulin, sinadya kong magsabi ng ilang bagay para subukang pigilan siya. Nang maharap siya sa ilang suliranin sa kanyang tungkulin, hindi makakuha ng magagandang resulta at naging malumbay, ipinagmayabang ko pa sa harap niya kung gaano kahusay ang takbo ng gawain ko, kaya naging mas malungkot siya. Pagkatapos, nang sa wakas ay nagsimulang magbago ang kalagayan niya at nakausad siya, sinadya kong atakihin siya sa pamamagitan ng paghahanap ng mga kapintasan sa pagbabahagi niya. Hindi ba’t naiinggit ako sa isang taong may talento, gaya ng inilantad ng mga salita ng Diyos? Dahil isinaalang-alang ko lang ang sarili kong reputasyon at katayuan, hindi ko napagtanto na ang pamumuhay ni Xiang Ming sa pagkanegatibo ay makakaapekto sa kanyang gawain ng pagdidilig at mapipigilan ang mga baguhan na makausad sa kanilang buhay. Alam na alam ko kung gaano kahalaga ang gawain ng pagdidilig, pero inatake ko pa rin si Xiang Ming. Hindi ba’t kumikilos lang ako bilang isa sa mga alipores ni Satanas at ginugulo at sinisira ang gawain ng iglesia? Sobra akong makasarili, kasuklam-suklam at masama! Ipinareha sa akin ng iglesia si Xiang Ming para mapunan namin ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa at madiligan nang maayos ang mga baguhan. Pero hindi lang ako nabigong matuto mula sa mga kalakasan ni Xiang Ming at pinigilan kaming magtulungan at makapasok sa katotohanan nang magkasama, puno pa ako ng inggit at sama ng loob sa kanya at hindi ko ibinabahagi sa kanya kung anong katotohanan ang alam ko dahil sa takot na malampasan niya ako. Hindi ako makaalis sa isang kalagayan ng pagiging naiinggit, makasarili at kasuklam-suklam. Hindi kataka-taka na naging malupit ako at nanlumo at hindi ako makakuha ng anumang kaliwanagan mula sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Tinalikuran na ako ng Diyos. Talagang nasa delikadong kalagayan ako at kailangan kong magsisi sa Diyos sa lalong madaling panahon.

Kalaunan, nakita ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ang lantarang panunupil ng mga anticristo sa mga tao, pagbukod sa mga tao, pag-atake sa mga tao, at paglantad sa mga problema ng mga tao ay pawang pinupuntirya. Walang pag-aalinlangan, ginagamit nila ang mga kaparaanang tulad nito para puntiryahin ang mga naghahangad sa katotohanan at nakakakilatis sa kanila. Sa pagsira sa mga taong ito, nakakamit nila ang layon na patatagin ang sarili nilang posisyon. Ang pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao nang ganito ay likas na mapaminsala. May kalupitan ang kanilang pananalita at paraan ng pagsasalita: paglalantad, pagkondena, paninirang-puri, at panlalapastangan. Binabaluktot pa nila ang mga katunayan, nagsasabi ng mga positibong bagay na para bang negatibo ang mga iyon at ng negatibo na para bang positibo ang mga iyon. Ang pagbabaligtad ng itim at puti at paghahalu-halo ng tama at mali nang ganito ay isinasakatuparan ang mithiin ng mga anticristo na talunin ang mga tao at sirain ang kanilang pangalan. Anong pag-iisip ang nag-uudyok sa pag-batikos at paghihiwalay na ito sa mga hindi sumasang-ayon? Kadalasan, nagmumula ito sa inggit. Sa isang masamang disposisyon, ang inggit ay may kasamang matinding pagkamuhi; at dahil sa inggit nila, binabatikos at inihihiwalay ng mga anticristo ang mga tao. Sa sitwasyong katulad nito, kung ang mga anticristo ay malalantad, masusumbong, mawawalan ng katayuan, at lubos na mababagabag ang isipan; hindi sila magpapasakop ni matutuwa roon, at magiging mas madali pa nga na magkaroon sila ng determinasyong maghiganti. Ang paghihiganti ay isang uri ng pag-iisip, at isang uri din ito ng tiwaling disposisyon. Kapag nakikita ng mga anticristo na nakasisira sa kanila ang ginawa ng isang tao, na mas may kakayahan ang iba kaysa sa kanila, o na mas maganda o mas madunong ang mga pahayag at mungkahi ng isang tao kaysa sa kanila, at sumasang-ayon ang lahat sa mga pahayag at mungkahi ng taong iyon, nadarama ng mga anticristo na nanganganib ang kanilang posisyon, umuusbong ang inggit at pagkamuhi sa kanilang puso, at umaatake at naghihiganti sila. Kapag naghihiganti, karaniwan na ang mga anticristo ang unang umaatake sa kanilang pinupuntirya. Maagap sila sa pag-atake at pagpapabagsak sa mga tao, hanggang sa magpasakop ang mga ito. Saka lamang nila madarama na nakapaglabas na sila ng galit. Ano ang iba pang mga pagpapamalas ng pambabatikos at paghihiwalay sa mga tao? (Paghamak sa iba.) Ang paghamak sa iba ay isa sa mga paraan ng pagpapamalas nito; gaano ka man kahusay sa paggawa ng iyong trabaho, hahamakin o kokondenahin ka pa rin ng mga anticristo, hanggang sa ikaw ay maging negatibo at mahina at hindi na makatayo. Pagkatapos ay matutuwa sila, at naisakatuparan na nila ang kanilang mithiin kung magkagayon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Aytem: Binabatikos at Inihihiwalay Nila ang mga Hindi Sumasang-ayon). “Ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para kunin ang loob ng mga tao, para batikusin at ihiwalay ang mga hindi sumasang-ayon, patatagin ang kanilang katayuan, agawin ang kapangyarihan, at kontrolin ang mga tao. Ano ang diwa ng mga aksyong ito? Isinasagawa ba nila ang katotohanan? Inaakay ba nila ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pagpasok sa mga salita ng Diyos at pagharap sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon ano ang ginagawa nila? Nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, nakikipagpaligsahan para sa puso ng mga tao, at sinusubukang magtatag ng sarili nilang indipendiyenteng kaharian. Sino ang dapat na may puwang sa puso ng mga tao? Ang Diyos ang dapat na may puwang. Pero talagang kabaligtaran nito ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo. Hindi nila pinapayagan ang Diyos o ang katotohanan na magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao; sa halip, gusto nilang ang tao, ang pagkalider nila, at si Satanas ang magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kunin ang Loob ng mga Tao). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na naiinggit ang mga anticristo sa mas mahuhusay sa kanila. Para pangalagaan at palakasin ang kanilang sariling katayuan, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Sa diwa, gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng lahat at nakikipag-agawan sila sa Diyos para sa mga tao. Hindi ba’t ganitong-ganito ako kumilos kay Xiang Ming? Nang magsimula siyang makakuha ng ilang resulta sa kanyang tungkulin at hindi na gaanong nagiging negatibo, sinadya kong hanapan ng mga pagkakamali ang gawain niya at hiniling sa kanya na abutin ang isang pamantayan na hindi pa niya kayang abutin. Sa pamamagitan ng pagpapaisip sa kanya na mahirap ang gawain ng pagdidilig at na baka hindi niya kaya ang gawain, itinulak ko siya pabalik sa pagkanegatibo. Sa pagninilay-nilay kung bakit ko inatake si Xiang Ming, napagtanto ko na gusto kong tingalain at sambahin ako ng lahat ng kapatid. Gusto kong isipin nila ako sa tuwing may magtanong kung sino ang pinakamagaling sa kanyang gawain at ang pinakamasigasig sa paghahangad ng katotohanan. Inasam kong magkaroon ng puwang sa puso ng bawat kapatid. Sa mga atas administratibo na inilabas ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, itinakda Niya na ang Diyos lamang ang maaaring dakilain ng tao, pero patuloy kong sinisikap na hangaan at sambahin ako ng lahat. Hindi ba’t nilalabanan ko ang Diyos? Si Xiang Ming mismo ay isang baguhan at wala pang malalim na pundasyon—kung masasadlak siya sa mahabang panahon ng pagkanegatibo dahil sa mga pag-atake ko, makakaimpluwensya ito sa pananalig niya sa Diyos at sa kanyang tungkulin. Baka isipin pa niyang umalis sa iglesia. Kahit na matatag siya sa kanyang pananampalataya, mapipigilan pa rin ng mga pag-atake ko ang kanyang pagpasok sa buhay at maiimpluwensyahan nito ang pag-usad sa buhay ng mga baguhan. Matatapos na ang gawain ng Diyos at kaunting oras na lang ang natitira para sa mga tao na hangarin ang katotohanan. Kung hindi ko tutulungan ang mga kapatid ko na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang maayos, at pahihinain pa ang kanilang sigla rito, hindi ba’t maaantala at maaapektuhan nito ang kanilang pagpasok sa buhay? Pinapanood tayo ni Satanas at nais nito na ang bawat isa sa atin ay masadlak sa pagkanegatibo at kahinaan, ilayo ang ating sarili sa Diyos at ipagkanulo Siya. Gayunpaman, ginagampanan ko ang papel ni Satanas at nagsisilbing alipores nito—napakasama ko! Malinaw na inilantad ng mga kilos ko ang aking anticristong disposisyon. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo at kung hindi ako magsisisi sa lalong madaling panahon, itataboy ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, medyo natakot ako kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos! Naging makasarili at kasuklam-suklam ako, at masyado akong nahumaling sa katanyagan at katayuan. Handa na akong maghimagsik laban sa sarili ko at mamuhay ayon sa mga salita Mo. Pakiusap gabayan Mo po ako.”

Pagkatapos magdasal, nabasa ko ang mga sumusunod na sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nakikitaan ka ng pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakakapinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsiyensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, masaya, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsiyensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat matutok sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsiyensiya o katwiran. Ang hindi makasariling pagkilos, pag-iisip sa gawain ng iglesia, at paggawa lamang ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa Diyos ang makatarungan at marangal, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging bukas ka at matapat, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at may tunay na wangis ng tao, at hindi lang malinis ang iyong konsiyensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). “Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa: Dapat kong talikuran ang paghahangad ko ng pansariling interes, sundin ang mga layunin ng Diyos at pangalagaan ang gawain ng iglesia. May kakayahan si Xiang Ming, kaya dapat ko pa siyang tulungan para mapasan niya ang gawain ng pagdidilig ng mga baguhan sa lalong madaling panahon. Iyon ang dapat gawin ng isang taong may pagkatao. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Binibigyan ng Diyos ang bawat isa sa atin ng iba’t ibang talento para magamit natin ang mga ito upang magampanan nating mabuti ang bawat tungkulin natin sa iglesia. Ito ang dapat nating gawin bilang mga nilikha. Pareho kami ni Xiang Ming na may partikular na papel na ginagampanan sa iglesia, kaya hindi ko siya dapat kinainggitan at ibinukod. Dapat akong makipagtulungan nang maayos sa kanya para matupad namin ang aming mga tungkulin at mapatotohanan ang Diyos—ito lang ang paraan ng paggawa na may halaga.

Kalaunan, ipinagtapat ko kay Xiang Ming sa isang pagbabahagi ang tungkol sa kalagayan ko noong panahong iyon at kung ano ang naunawaan ko sa sarili ko. Pagkatapos ng pagbabahaginan namin, mas napayapa at napanatag ako. Pakiramdam ko ay para bang muli akong namumuhay sa liwanag, na para bang sa wakas ay malalim na akong nakakahinga ng sariwang hangin pagkatapos ng matagal na paghingal at pagkahapo. Sa wakas ay gumaan ang pakiramdam ko at higit din kaming naging mas malapit ni Xiang Ming. Pagkatapos niyon, nagpasya kami na magtutulungan kami nang maayos para diligan ang mga baguhan. Mula noon, madalas kaming nagtatapat sa isa’t isa tungkol sa mga kasalukuyan naming kalagayan at nagbabahagi ng iba’t ibang landas ng pagsasagawa na nahahanap namin para sa pagdidilig ng mga baguhan. Sa tuwing nahaharap sa suliranin si Xiang Ming, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para magbahagi tungkol sa katotohanan para matulungan siya. Nakinabang din ako sa mga kalakasan ni Xiang Ming. Halimbawa, marami akong natutunan mula sa ilang kabatiran na inilahad niya habang nagbabahaginan, na hindi ko kailanman naisip nang ako lang. Sa pamamagitan nito, napagtanto ko na ang pagtatapat at pakikipagbahaginan sa iba tungkol sa mga karanasan namin at mga bagay na nakakamit natin ay hindi lang usapin ng pagtutustos sa iba, kundi isa rin itong paraan ng pagsasagawa sa katotohanan na makatutulong sa atin na mapabuti ang mga sarili nating kahinaan at higit na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang totoo, sa pagkakaroon ng mga wastong layunin, pagkatuto mula sa mga kalakasan ng iba para makabawi sa ating mga kahinaan, at pagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, lahat tayo ay nakikinabang at nakakausad sa buhay natin.

Sinundan: 40. Nakagapos

Sumunod: 42. Ang Aking Nakamit Mula sa Pagtukoy sa Isang Masamang Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito